[Ang study guide na ito ay translation ng 7-week study guide na Growing One Another: Discipleship in the Local Church na isinulat ni Bobby Jamieson. Ito ay isinalin sa Filipino ni Jodi Parfan.]
GETTING STARTED
1. May mga bagay ba na kailangan mong gawin pero madalas ay ayaw mong gawin? Paano ka nagkakaroon ng gana o motivation na gawin ito? Ano ang ginagawa mo?
Sa pag-aaral na ito, pagtutuunan natin ng pansin ang mga motivations sa discipleship. Bakit dapat tayong magsikap na sumunod sa Diyos at lumago sa kabanalan? Anu ano ang mga tamang dahilan para magpatuloy sa paglago bilang Cristiano at tulungan ang iba na gawin din ito?
MAIN IDEA
Dapat tayong lumago bilang mga Cristiano at tulungan ang iba na magpatuloy din sa paglago dahil sa kung sino ang Diyos, ano ang ginawa niya para sa atin kay Cristo, at kung sino na tayo dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo.
DIGGING IN
Sa Colosas 3, inilahad ni apostol Pablo ang pangitain para sa paglago bilang mga tagasunod ni Jesus na may mayaman at iba’t ibang dahilan. Isinulat niya,
Yamang binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. 2 Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, 3 sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya’y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian.
5 Kaya’t patayin na ninyo ang mga pagnanasang makamundo: ang pakikiapid, karumihan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos [ang mga taong ayaw pasakop sa kanya]. 7 Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pagnanasang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.
8 Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. 9 Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. 10 Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. 11 Kaya’t sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya’y nasa inyong lahat.
12 Kaya nga, dahil kayo’y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya kayo sa isa’t isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. (Col. 3:1–13)
1. Ano ang iniuutos ni Pablo na gawin natin sa verse 1? Ano ang basehan ng iniuutos na ito ni Pablo (v. 1)?
2. Sinasabi ni Pablo na tayo ay spiritually dead noon, pero ngayon ay binuhay na kasama ni Cristo, at ngayon ay nakaupong kasama niya sa langit. Nagbibigay ba ito ng motivation o pagnanais sa iyo na lumago bilang tagasunod ni Jesus? Bakit o bakit hindi?
3. Ano ang kaibahan ng ganitong motivation sa discipleship kumpara sa pagsunod sa utos ng Diyos dahil ito ay isang obligasyon?
4. Ano ang iniuutos ni Pablo sa atin sa verse 2? Ano ang basehan ng utos na ito ni Pablo (vv. 3-4)?
5. Sinabi ni Pablo sa verse 3 na kung ikaw ay isang Cristiano, ikaw ay namatay na. Namatay ka na sa iyong lumang pagkatao. Namatay ka na sa kasalanan. Namatay ka na sa kapangyarihan ng mundong ito na dating umalipin sa iyo. Paano nagbibigay ng sigla at lakas ng loob ang katotohang ito sa pamumuhay mo nang may kabanalan?
6. Sa verse 4, pinapaalala ni Pablo sa atin na kapag nahayag na si Cristo, tayo ay mahahayag ring kasama niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian.
- Isipin mo ang isang gawaing natapos mo na may tiyak na layunin, katulad ng karera o project na may deadline. Ngayon isipin mo kung ang kalalabasan nito ay sigurado at tiyak na mangyayari. Paano makakaapekto ito sa iyong pagsisikap na gawin at tapusin ito?
- Paano magtutulak sa atin na magpatuloy sa paglago kay Cristo ang tiyak na pag-asa na tayo’y makakahati sa kaluwalhatian niya?
Sa kabuuan, ang unang apat na verses sa talatang ito ang nagpapasigla sa ating paglago sa kabanalan sa pagpapaalala sa atin ng ating kamatayan sa kasalanan at bagong buhay kay Cristo (vv. 1–3), at ang tiyak na pag-asa ng kaluwalhatian kasama si Cristo (v. 4).
7. Ano ang sabi ni Pablo na “patayin na” sa verse 5? Ano ang ibig sabihin ng “patayin na” ang isang asal o ugali?
8. Ano ang sinasabi ni Pablo sa verse 6 na tatanggapin ng mga taong ayaw pasakop sa Diyos? Bakit?
Malinaw sa katuruan ni Pablo tungkol sa poot ng Diyos na isang dahilan kung bakit tayo dapat sumunod kay Cristo ay ang kaparusahan ng Diyos sa kasalanan.
Una, dapat tayong sumunod kay Cristo para ipakita ang pagiging totoo ng faith natin. Sabi ni Jesus na ang mga umiibig sa kanya ay sumusunod sa kanyang mga utos (Juan 14:15). Kung hindi natin sinusunod ang mga utos ni Jesus, hindi tayo kabilang sa kanya. Ibig sabihin ay nasa atin pa rin ang poot ng Diyos.
Pangalawa, ang poot ng Diyos sa kasalanan ang dapat na magtulak sa atin para layuan ito at pagsumikapan ang pamumuhay sa katuwiran. Ang poot ng Diyos ay nagpapakita kung ano talaga ang kasalanan: ito ay pagtataksil sa Diyos at dapat lamang parusahan. Kaya tayo rin ay magagalit sa kasalanan kung pagbubulayan natin ang tungkol sa galit ng Diyos sa kasalanan.
9. Ano ang iniuutos ni Pablo na “itakwil na” verse 8? Ano ang iniutos niya na huwag nating gawin sa verse 9? Ano ang ibinigay niyang dahilan kung bakit hindi natin dapat gawin ang mga bagay na ito (vv. 9–10)?
10. Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa ugali at pagtrato ng Diyos sa atin sa verses 12–13? Ano ang sinabi niyang gawin natin dahil dito?
Sa pag-aaral na ito, nakita natin na ang Diyos ay nagbibigay sa atin ng maraming dahilan para magpatuloy tayo sa pagsunod sa kanya at tulungan ang iba na gawin din ito:
- Ang ating kamatayan sa kasalanan at bagong buhay kay Cristo (vv. 1–3).
- Ang ating tiyak na pag-asa na makasama si Cristo sa kaluwalhatian (v. 4).
- Napopoot ang Diyos sa kasalanan at paparusahan niya ito (v. 6).
- Ang ating bagong pagkatao kay Cristo (vv. 9–10).
- Ang pagpili at pagmamahal ng Diyos sa atin (v. 12).
- Ang pagpapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan (v. 13).
11. Sa mga katotohanang ito, may mga bago ba para sa iyo? Kung lahat ng ito ay alam mo na noon, meron ba ditong bagong motivation para sa paglago mo sa pagsunod sa Diyos?
12. Paano mo magagamit ang mga katotohanan sa talatang ito para magbigay sigla sa iyo at sa ibang tao na magpatuloy sa pagsunod sa Diyos?
13. Base sa pag-aaral na ito, ano sa tingin mo ang mga maling dahilan sa pagsunod sa Diyos? May natuklasan ka bang mali sa iyong mga personal na motivation sa pagsunod sa Diyos?
14. Paanong nakatulong magbigay-sigla sa pagsunod mo sa Diyos o sa discipleship mo sa iba ang mga katotohanang ito na ating pinag-aralan? Ano na ang naging impact ng mga katotohanang ito sa iyong discipleship?
Teacher’s Notes
DIGGING IN
1. Sa verse 1 iniutos ni Pablo na ituon natin ang ating isip sa mga bagay na makalangit. Ang ating pagkabuhay kasama si Cristo ang basehan ng utos na ito. Ito rin ay isang motibo sa ating paglago sa pagsunod sa Diyos.
2. Personal na sagot ang hinihingi ng tanong na ito. Maaaring sabihin nila ang tulad nito, “Nagpapasigla ito sa paglago ko bilang Cristiano dahil pinapaalala nito na ang Diyos ay makapangyarihang kumikilos sa aking buhay. Pinapaalala nito na ako ay spiritually dead noon pero ngayon ay buhay na sa Diyos. Mahal ko ang kanyang Salita. Gusto ko siyang sundin. Ako ay may bagong pagkatao. At pinapaalala nito na ang kapangyarihang bumuhay kay Jesus mula sa mga patay ang siya ring kapangyarihang kumikilos sa akin ngayon.
3. Malaki ang kaibahan ng pagsunod kay Cristo na ang motivation ay ang katotohanang tayo ay patay na sa kasalanan at binuhay na kasama si Cristo sa “just do it” approach sa discipleship (o pagsunod dahil lang sa obligasyon o responsibilidad). Ang naunang motivation ay nakatuon sa kung ano ang ginawa ng Diyos para sa atin, at sa atin dahil tayo’y na kay Cristo na. Ang pagtulad sa ipinakitang motivation ni Pablo sa talatang ito ay nangangahulugang inaalala natin ang biyaya ng Diyos sa gospel para sa ating patuloy na paglago bilang mga disciples. Ibig sabihin nito na ang ating mga pagsisikap ay tugon na puno ng pasasalamat at pagtitiwala sa biyaya ng Diyos. Ito rin ay pag-alala na ang kapangyarihan ng Diyos ang kumikilos sa atin, hindi lamang ang sarili nating lakas – at ito ay napakalaking encouragement sa atin upang patuloy na magsikap na lumago.
4. Sa verse 2 iniutos ni Pablo na isaisip natin ang mga bagay na panlangit, katulad ng iniutos niya sa verse 1. Ang basehan ng utos na ito ni Pablo ay ang ating pagkamatay sa kapangyarihan ng kasalanan noong tayo ay sumampalataya kay Cristo; ang ating buhay ay natatago sa Diyos kasama ni Cristo; at tayo’y makakahati sa kanyang karangalan sa pagbabalik ni Cristo.
5. Maaaring magkakaiba ang mga sagot, pero ito ang ilang halimbawa:
- Dahil ako’y namatay na sa kasalanan, wala nang kapangyarihan ang kasalanan sa akin. Dahil ako’y buhay na kay Cristo, may kakayanan na akong sumunod sa Diyos.
- Dahil ako’y namatay na, ako’y may bagong pagkatao na kay Cristo. Wala na ako sa kasalanan at sa luma kong pamumuhay. Hindi na ako ang dating ako. Kaya dapat akong mamuhay ayon sa bago kong pagkatao.
- Dahil namatay na ako sa sanlibutan, wala na ako sa ilalim ng kapangyarihan nito. Hindi ko kailangang hanapin ang approval ng mundo o katakutan ang rejection nito. Si Cristo ang aking Panginoon, at dapat akong magpasakop sa kanya.
6. Maaaring magkakaiba ang mga sagot, pero ito ang punto: na ang ating pag-asang makahati sa karangalan ni Cristo ay tiyak at sigurado at makakatulong sa ating makayanan ang mga pagsubok at paghihirap na ating nararanasan. Ipinapaalala nito na may katapusan ang pakikipaglaban sa kasalanan. Nagpapasigla ito sa atin dahil magkakaroon tayo ng kagalakang walang katapusan kasama si Cristo. At lahat ng ito ay nagtutulak sa ating pagsumikapang mamuhay na ngayon katulad ng magiging buhay natin sa eternity.
7. Sa verse 5, iniutos ni Pablo na patayin lahat ng mga makamundong pagnanasa tulad ng pakikiapid, karumihan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Kailangan ang palagiang pakikipaglaban natin sa mga gawa at pagnanasang ito para mapatay. Hindi natin dapat alagaan o palakasin ang mga ito. Hindi natin dapat pinagbibigyan at kinasisiyahan ang mga ito. Sa halip, ginagawa natin ang lahat para tuluyang mawala ang mga ito. Hinihingi natin ang tulong ng Diyos para mapagtagumpayan ang mga ito. Ipinapahayag natin sa Diyos at sa ibang Cristiano, at hinihingi natin ang tulong ng iba para mapagtagumpayan ang mga ito.
8. Sa verse 6, sinabi ni Pablo na tatanggap ng parusa ng Diyos ang mga tao. Bakit? Dahil sa mga kasalanang sinabi niya sa verse 5 (“Dahil sa mga ito”).
9. Sa verse 8, iniutos ni Pablo na “itakwil” ang lahat ng galit, poot, panlalait, at malaswang pananalita. Sa verse 9, sinabi niyang huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa. At ang dahilang ibinigay niya sa mga utos na ito sa verses 9 at 10 ay dahil hinubad na natin ang ating dating pagkatao, at isinuot na natin ang ating bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa atin. Tinutukoy ni Pablo ang ating conversion, kung kailan inalis na ang ating luma at makasalanang pagkatao na buhay sa Diyos at pinananahanan ng Espiritu.
10. Sa verses 12–13, sinabi ni Pablo na mahal tayo ng Diyos, hinirang niya, pinaging-banal niya, at pinatawad sa mga kasalanan. Dahil sa mga ito, sinabi ni Pablo na tayo’y maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis, at magpasensya at mapagpatawad sa isa’t isa.
11. Maaaring magkakaiba ang mga sagot.
12. Maaaring magkakaiba ang mga sagot, pero kasama ang mga ito:
- Pag-aralan ang mga ito sa Bibliya
- Pagbulayan ang mga ito sa Bibliya
- Ipanalangin ang mga ito at isabuhay; gamitin sa pakikipaglaban sa kasalanan
- Personal na ipaalala sa iba ang mga katotohanang ito sa Bibliya para mapalakas sila
- Atbp.
13. Maaring magkakaiba ang mga sagot, pero ito ang ilan sa mga maling motivations sa discipleship:
- Para makamit ang kaligtasan. Tayo ay naligtas dahil lamang sa biyaya ng Diyos, sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Cristo. Si Jesus ang nagbayad para tayo ay maligtas.
- Para makamit ang pagmamahal at pagtanggap ng Diyos. Mahal na tayo ng Diyos kung tayo’y mga Cristiano. Pinili na niya tayo (vv. 12-13). Tinanggap na niya tayo dahil kay Cristo. Sumusunod tayo sa Diyos dahil tayo ay minamahal at tinatanggap niya, hindi para makamit natin ang mga ito.
- Para mapagbigyan o mapahanga ang ibang tao. Ang pagtingin ng Diyos ang dapat na pinakamahalaga sa atin. Dapat nating kamuhian ang kasalanan dahil nasusuklam siya dito (v. 6) at iniibig natin ang katuwiran dahil iniibig natin ang Diyos na matuwid. Hindi tayo dapat magsikap na lumago sa kabanalan para magmukhang banal sa tingin ng mga tao kundi para maging tunay na matuwid sa harapan ng Diyos.
14. Maaaring magkakaiba ang mga sagot.