Natural sa ating mga Filipino ang pakikisama. Kung ano ang ginagawa ng mga kaopisina, kaklase, kaibigan, yun din ang ginagawa natin. Natural sa atin yun kasi gusto natin cool ang tingin sa ‘tin, accepted tayo. Pero dahil ang tao makasalanan, ang mundo natin puno ng kasamaan, karaniwan ang pakikisama ay nagiging pakikisama (napapasama).
Kung tayo ay nakay Cristo na, nalalaman na natin kung ano ang hindi mabuti, kung ano ang hindi makakabuti. Kaya maraming pagkakataon, hindi na tayo sumasama sa mga taong masama ang impluwensiya sa atin dahil alam nating napapasama tayo. O kung sumasama man tayo sa kanila, gusto na nating ipakita na sa buhay natin, “Change is coming.” Nandun na yung desire natin na sila naman ang madala sa kung ano ang mabuti. “If anyone is in Christ, he is a new creation. The old has gone, the new has come” (2 Cor. 5:17). Hindi perpekto, kundi may nakikita o ebidensiya ng tunay na pagbabago.
At ganito ang gustong ituro ni Pablo kay Tito na dapat ituro naman niya sa church sa Crete. Oo, may nakagawian silang kultura, at marami ay taliwas sa turo ng Salita ng Diyos. Kaya ipinapaalala ni Pablo sa kanila kung ano ang pamumuhay na naaayon sa paniniwala nila sa Mabuting Balita ni Cristo, “knowledge of the truth leading to godliness” (Tit. 1:1 NIV).
Ang nakakalungkot kasi, marami ngang naniniwala kay Cristo, pero di naman sumusunod kay Cristo. As if pwede mong paghiwalayin yan. Kahit naman sa church, kapag nagcounsel ako ng mga bago ikasal o bagong kasal, may pagkakataon na napapaisip ako, “Ano ba ang pinagkaiba nito sa mga di-Cristiano? O kung titingnan ko ang mga posts sa Facebook ng mga Christians at non-Christians, napapaisip din ako, “Ano ba ang pagkakaiba nito? May nakikita bang iba? May nakikita bang pagbabago?
Dapat sa ating mga Cristiano, tulad ng tema ng mga youth camps na sinasalihan namin noong ako ay bata pa – “Angat sa Iba!” Na ang difference natin, ang pagbabagong nakikita sa atin ay hindi dahil sa sariling sikap o galing natin, kundi dahil sa kapangyarihan ni Cristo, the power of the gospel at work in our lives. Heto ang paulit-ulit nating pinag-aaralan sa series natin ngayon sa Titus: Ang bunga ng Mabuting Balita sa buhay ng mga mananampalataya ay ang pagtalikod sa masamang gawa tungo sa mabuting gawa.
Dapat yan nakikita sa lahat ng Christians, lalo na ng mga leaders. Kaya nga sa chapter 1, focus natin ay tungkol sa mga leaders, godly qualifications ng mga elders sa 1:5-9 at ang kung paano haharapin ang mga false teachers (1:10-16). Kung maraming tao – non-Christians o yung iba nagpapanggap na Christians – baluktot ang pamumuhay, dapat ipakita ng mga leaders ng church na iba tayo, angat tayo sa iba.
General Instruction to Titus (2:1)
Tulad ni Titus sa mga Christians sa Crete, kung sa pagiging iba, pangunahan niya. “Ngunit ikaw, Tito…” (2:1 ASD), bungad ni Pablo sa chapter 2. Binibigyang diin ni Pablo na si Tito ang kausap niya, tutal ito naman ay sulat talaga na para sa kanya. “Ngunit,” ibig sabihin na ang buhay niya, katangian niya, ministeryo niya ay iba sa mga false teachers (1:10-16). Nagtuturo kasi sila ng mga di dapat ituro (1:11). Sinasabi nilang kilala nila ang Diyos, pero ikinakaila naman nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa (1:16). Hindi na nga nila itinuturo ang “true gospel,” ang buhay pa nila ay kontra sa turo ng Panginoong Jesus. Parang ganito sabi ni Paul, “Titus, you must be different. At dapat makita ng marami na angat ka sa ibang mga tagapagturo.”
Sabi niya sa verse 1, “Ituro mo ang naaayon sa wastong aral” (ASD). “Sound doctrine” (ESV). Tumutukoy sa gospel. Teach gospel yes, but the point here is kung ano ang ayon dun. What is fitting or proper. To teach the kind of life that is consistent with gospel or gospel-driven godliness. Kabanalan sa pamumuhay na naaayon sa Mabuting Balitang pinaniniwalaan. Binibigyan-diin ulit ni Pablo na hindi mo pwedeng paghiwalayin ang pananampalataya sa pamumuhay, ang doktrina sa pagsasabuhay, ang church life sa personal or family life. Merong mali kung ang isang Cristiano mukhang santo sa simbahan, pero asal-hayop pagdating sa bahay.
Kaya sabi ni Pablo kay Tito, at sa amin ding mga pastor at tagapanguna ninyo: Ituro mo ang uri ng pamumuhay na naaayon sa Mabuting Balita.
Specific instructions in teaching church members (2:2-6, 9-10)
Yun ang general instruction sa verse 1. Mula verse 2 hanggang verse 10, magbibigay siya ng specific instructions kung paano iyon maipapakita sa buhay ng mga miyembro ng iglesia. Lahat kasali dito – bata, matanda, lalaki, babae, pati ang mga slaves. So instruction ito sa family or household. Dapat ang faith natin nakikita rin sa loob ng bahay. At kahit matanda na, kailangan pa rin ng instruction. Walang exempted kung pag-uusapan need for maturity to godliness. Wala sa atin ang naka-arrived na sa spiritual maturity.
Ano ang ituturo sa kanila? Ang focus ng sinasabi ni Pablo dito ay hindi doctrines but application of doctrine. Tulad ng qualifications sa mga elders, godly living din ang emphasis not just knowledge of doctrine (1:5-9). Mahalaga ang doctrine siyempre. Pero walang kuwenta ang marami mong alam kung di naman ito bumabago sa buhay mo. At hindi lang godly in appearance ang focus dito ni Paul, but really godly. Not just “saints” in church, but also in the home and outside the church. Mas totoo tayo sa loob ng tahanan kaysa sa loob ng simbahan. Limang kategorya ng mga miyembro ang tinutukoy niya dito, ibig sabihin kasali lahat. Older men, older women, younger women, younger men, at pati mga slaves. Isa-isahin natin.
Older men (2:2)
Inuna niya ang mga matatandang lalaki. Nauna na niyang binanggit ang tungkol sa mga dapat na katangian ng mga elders (1:5). Pero dito, tinutukoy na niya ang lahat. Hindi lang naman matanda sa edad, kundi nakatatanda sa spiritual maturity. Karaniwan dito mga tatay. Although meron din namang mga tatay na bago pa lang sa pananampalataya, pero dapat ang goal ng bawat isang lalaki sa church ay spiritual maturity. At inisa-isa niya ang katangian ng isang tunay na lalaki. Ibang-iba sa kultura natin ngayon na kapag lalaki – macho, lapitin ng mga babae, manginginom o lulong sa pagtatrabaho. Dito sa verse 2 iba. Dapat daw ang mga nakatatandang lalaki ano? “Mahinahon, marangal, mapagpigil sa sarili, at maging matatag sa pananampalataya, pag-ibig at pagtitiis” (MBB).
- Mahinahon. Sober-minded (ESV), o temperate. Hindi madaling magalit. Kahit pagod sa trabaho, tapos gutom na pagdating sa bahay, tapos na-late magluto si misis, o magulo ang bahay, malikot ang mga bata, hindi masarap ang ulam, hindi mainit ang ulo’t sumisigaw, “Ano ba iyan? Pagod na nga ako, gugutumin pa!” Mahinahon. Sanay umunawa. Iniintinding ang mga tao ay hindi nilikha para pagsilbihan siya.
- Marangal. Dignified (ESV). Hindi lang naman panlabas na kailangan mukhang edukado, mukhang congressman. It’s an inner character of respectability. Nakikitang seryoso sa buhay. Hindi ibig sabihing bawal nang mag-jokes. There are times for laughter in the Christian life. Pero kung pati mga seryosong bagay dadaanin sa katatawanan o di pahahalagahan, ibang usapan na yun.
- Mapagpigil sa sarili. Self-controlled (ESV). Oo nga’t dati nahilig sa alak o sigarilyo, pero natututo nang magpigil sa anumang hilig ng katawan. Oo nga’t may mga nag-iistruggle sa porn o sexual addiction, pero lumalaban. Merong iba ang struggle computer games o kaya’y basketball, pero natutong unahin ang mga mahahalagang bagay sa pamilya at ministeryo, at hindi hahayaang mahadlangan ng mga gawaing kung tutuusin ay wala namang eternal value.
- Matatag sa pananampalataya, pag-ibig at pagtitiis. Sound (ESV), ibig sabihin ang goal ay maging spiritually healthy. Hindi physical tulad ng gym, jogging or sports. Oo, may lugar para dun. Pero ang tunay na lalaki makikita ang pagpapahalaga sa relasyon sa Diyos (faith, vertical), pagpapahalaga sa relasyon sa ibang tao (love, horizontal), at pagtitiis sa mga hirap ng buhay. Hindi sa simula lang mainit sa faith, kundi hanggang dumating ang Panginoong Jesus. Hindi lang sa trabaho pursigido, kundi pati sa paglilingkod sa Panginoon. Yan ang tunay na lalaki.
Older women (2:3)
- Mamuhay na may kabanalan. “Reverent in behavior” (ESV). Hindi ibig sabihin parang madre o parang mongha na kelangan talaga namang mahinhin, tahimik magsalita. Pero ang tinutukoy dito ay iyon bang sacredness of character. Ang ganda ay hindi panlabas, kundi panloob.
- Hindi mapanirang-puri. Not slanderers (ESV). Ang salitang slander dito ay galing sa Greek na diabolos, dyan galing ang salitang diablo o devil na walang ibang ginawa kundi magsalita ng kasinungalian at kasiraan sa iba. Ang tunay na babae lumalakad hindi tulad ng diablo. Hindi tsismis ang inaatupag, hindi mga walang kuwentang usapan (harapan man o sa FB), hindi mga showbiz chikas, hindi mga salitang nakakasira sa asawa o ibang taon man. Sanay magsalita ng mabuti, at kung ano ang makakabuti sa kapwa.
- Hindi lasengga. Bihira naman ngayon ang babaeng ganito, pero meron din siguro. Problema din naman kasi sa Crete yan. Pero sa ngayon, ito yung mga babaeng nalalasing sa maling relasyon, nahuhumaling sa mga artista, nag-uubos ng oras sa telebabad o addict sa Facebook. Ang tunay na babae alam kung paano gamitin ang oras niya. Wala man siyang trabaho sa labas ng bahay, naglalaan siya ng oras at lakas na…
- Magturo ng mabuti. Una na sa mga anak. O sa kasambahay. O sa mga bata sa kapitbahay. Bumisita sa ibang nanay. Make disciples where you are. Ginagamit ang oras sa mga makabuluhan at produktibong bagay.
Younger women (2:4-5)
Mga nakababata naman. Applicable naman din yung mga nauna. Pero may dinagdag pa dito. Ang assumption dito, tulad sa culture kasi nila, ito ang mga babaeng may asawa na rin at mga anak, pero nagsisimula pa lang. Pero siyempre may application din sa mga singles.Verses 4-5…
- To love their husbands and children. Literally, ineexpect sa mga babae na sila’y husband-lovers at children-lovers. Kung wala pang asawa, inihahanda ang sarili para magmahal tulad ni Cristo. Kahit di pa Christian ang asawa, kahit di maganda ugali, kahit tamad, kahit naging unfaithful, mamahalin pa rin. Kahit marami nang anak, number one pa rin si mister. Kahit may nagpaparamdam na ibang lalaki sa FB, si mister pa rin ang mamahalin. Ganun din sa mga anak. Kahit matigas ang ulo, mahal pa rin. Kahit di maganda performance sa school, love pa rin.
- Self-controlled. Mahinahon. Di madaling magalit. Di palasigaw. Hindi nagger.
- Pure. Sa isip at sa damdamin, nag-iisip ng positibo, ng magandang bagay.
- Working at home. Mas mainam talaga na lalaki lang nagtatrabaho. Pero sa panahon natin ngayon, maraming nahihirapan pag isa lang ang may trabaho. Hindi naman ibig sabihing bawal magtrabaho ang babae. Pero ibig sabihin, wag pabayaan ang bahay, wag pabayaan ang mga anak, wag iasa sa iba. Kaya natutuwa ako sa asawa ko, kahit na may offer sa kanya na magwork outside the house, tinanggihan niya. Kasi iniisip niya ako, iniisip niya ang mga bata.
- Kind. Madaling lapitan ng mga tao. Kasi mabait. Tumutulong sa kapwa. Hindi puro sarili iniintindi. Handang tumulong sa iba.
- Submissive to their own husbands. Not just in things agreeable to you, kahit sa mga against your will or preference, wag lang against sa will ni God siyempre.
Younger men (2:6)
Applicable na rin ang mga sinabi sa mga older men sa verse 2. Pero inulit lang niya dito sa verse 6 ang nabanggit na rin niya sa verse 2: “To be self-controlled.” Hala, bakit isa lang? Malaking problema na nga ang “self” nating mga lalaki. Hirap kontrolin ng hilig ng katawan, mga lustful desires. Hindi lang sexual desires tinutukoy dito Isa lang? Kasama din ang greed. Yun bang mga young professionals na komo kumikita na, at napopromote na, gastos dito, gastos dun, bili ng ganito, bili ng ganun, pag may bagong model ng cellphone, hala gastos agad. Wala tuloy maipon!
Bondservants/slaves (2:9-10)
Sumunod naman ay ang mga alipin. Binigyan sila ni Pablo ng separate na category hindi para sabihing di sila kabilang sa mga naunang binanggit niya, kundi para ihighlight na hindi sila etsa-puwera. Sila rin ay dapat na makarinig ng gospel at kung sumampalataya kay Cristo ay dapat turuan kung paano mamuhay na may kabanalan. Applicable ito sa mga kasambahay natin, o kung tayo man ay empleyado – pribado man o sa gobyerno. Verses 9-10…sa salin ng ASD,
- Maging masunurin sa kanilang mga amo sa lahat ng bagay, upang masiyahan ang mga ito. Submissive in everything. Ang goal ay to please them. Sa lahat ng bagay, maliban na lang siyempre kung taliwas sa nais ng Diyos.
- At huwag silang maging palasagot. May mga bagay na magdisagree ka sa amo mo. Pero wag maging palasagot. O kung sumagot man, naroon ang humility and gentleness. O kung tahimik man, tapos sa loob kung anu-ano ang sinasabing masama sa amo, puro reklamo, di dapat ganun.
- Huwag din silang mangungupit sa kanilang amo. Ang pag-aari ng kumpanya ay sa kumpanya, kaya kahit ballpen pa iyan o kaunting oras na ninanakaw ay di nakalulugod sa Diyos. Di mo pwedeng ikatuwiran, “Mahusay naman akong magtrabaho, I deserve this naman.”
- Ipakita nilang silaʼy tapat at mapagkakatiwalaan. Para kung may promotion man ay mapromote, kasi mapagkakatiwalaan pa sa mas malaking tungkulin. Magtrabaho hindi lang para sa suweldo, kundi para maipakita ang katapatan ng isang tagasunod ni Cristo, iba sa empleyadong di-Cristiano.
What’s the point of all these instructions for church members? Mamuhay tayong lahat na may nakikitang tunay na kabanalan. Yan ang kaibahan natin sa mga taong wala kay Cristo. Dapat makita na may kakaiba sa atin.
Pero hindi lang yun. Pansinin n’yo na ang pursuit of godliness in the Christian life ay hindi solo act. Yes, may personal responsibility tayo sa sarili natin. But we are one church, one family, tulung-tulong tayo. Si Titus dapat turuan ang mga church members (“teach…”, verse 1). Ang mga older women, “teach what is good” (v. 3). Sa verse 4 naman, pinagdugtong ang sinabi tungkol sa older women at younger women ng “and so train…” Sanayin, idisciple ang nakababata. Verse 6, sabi kay Titus, “Urge the younger men…” Hindi naman kaya ni Titus na siya lang. Ang implication din, kailangang itong mga elders at older men, idisciple ang mga younger men.
Instruction to Titus (2:7-8)
Ano ba ang epektibong paraan ng pagtuturo? Oo, gumagamit tayo ng mga discipleship guides/lessons. Pero gustong ipaalala ni Paul kay Titus na ang pinakaepektibong paraan ng pagtuturo ay hindi lang pagsasalita, kundi pagpapakita ng mabuting halimbawa, teaching by modeling. Verses 7-8, “Magpakita ka ng mabuting halimbawa sa lahat ng bagay. Maging tapat ka at taos-puso sa iyong pagtuturo. Tiyakin mong tama ang iyong pananalita at walang maipipintas dito, upang ang mga sumasalungat sa atin ay mapahiya dahil wala silang masabing masama laban sa atin” (ASD).
Napag-usapan na natin sa 1:5-9 ang kahalagahan ng integrity sa leadership. Hindi pwedeng turo lang ng turo. Dapat tiyakin natin kung tayo’y nagiging magandang modelo ng itinuturo natin. Hindi perpekto, pero totoo may nakikitang paglago sa kabutihan, kabanalan at pagsunod sa Diyos. Ang salitang “halimbawa” o “model” (ESV) na ginamit dito ay galing sa salitang tupos, or type. Sabi ni Warren Wiersbe tungkol dito: “The word originally meant ‘an impression made by a die.’ Titus was to live so that his life would be like a ‘spiritual die’ that would impress itself on others.” Ang buhay natin ay dapat nakakahawa sa iba.
Matuturuan natin ang bawat isa na mamuhay na may nakikitang kabanalan kung ang buhay natin ay magsisilbing halimbawang dapat tularan. Kaya mahirap magpastor. Sabi pa ni Wiersbe, “It is not easy to pastor a church. You do not punch a clock; yet you are always on duty. You must be careful to practice what you preach; you must be the same man in and out of the pulpit. Hypocrisy in speech or conduct will ruin a man’s ministry. No pastor is perfect, just as no church member is perfect; but he must strive to be the best example possible. A church will never rise any higher than its leadership.”
Para din sa lahat ng nagdidisciple. Yun nga ang connection bakit sinabing dapat ang mga older women ay namumuhay na may kabanalan, para ano? Verse 4, para maturuan nila ang mga younger women. Paano mo nga naman matuturuan sila kung ikaw naman ay di namumuhay na ganun?
Kaya ang disciplemaking ay higit pa sa pagtuturo ng mga lessons kapag nagkita kayo ng Sunday. Imbitahin mo sila sa labas, magkuwentuhan kayo habang nagkakape. Invite them sa bahay n’yo, hayaan mong makita nila ang buhay pamilya mo. Invite them kahit sa workplace mo, para makita nila. Invite them na samahan ka sa ministry. Do ministry together. Let them see your life.
Three purpose clauses – “so that…” (2:5, 8,10)
So far, binigyang-diin natin ang turo ni Pablo na bawat isa sa atin ay dapat na mamuhay na may nakikitang kabanalan at maturuan din naman natin ang iba na mamuhay na may nakikitang kabanalan. But Paul was saying something more. He wants to emphasize our purpose or motivation in pursuing godliness in the Christian life. Mahalaga ‘to kasi kung titingnan mo nga naman, meron din namang mga non-Christians na mukhang godly. Minsan nga may narinig akong isang nanay ang sabi, “OK na rin na non-Christian boyfriend ng anak ko. Mabait naman. Mas mabait pa nga sa mga Christians.” Posible kasi sa panlabas makita ang appearance of godliness. Pero ang pinagkaiba natin ay ang motivation, para saan, para kanino ang ginagawa natin. Mas mahalaga ang inner transformation, kaysa outward behavior modification.
May tatlong purpose clauses dito sa passage natin, nagsisimula sa “so that” (upang/para). Verse 5, ang layunin bakit ang mga younger women ay dapat mamuhay na may kabanalan, “that the word of God may not be reviled.” Reviled, o mapintasan, galing sa salitang Greek kung saan galing ang word na blasphemy. Ang layunin ng buhay natin ay para maipakita ang kagandahan ng salita ng Diyos, hindi mapintasan, at masabing wala namang power, wala namang pinagkaiba, wala namang dulot na pagbabago. Meron namang iba kasi na maayos nga ang pamumuhay kasi ayaw na sila ay mapintasan. Sarili rin ang primary concern. But for us, we are more concerned about what people will say about the gospel or how people will see the gospel.
Verse 8, ano ang layunin bakit kailangang si Titus ay maging mabuting halimbawa at kakitaan ng integridad sa pagtuturo? “…so that an opponent may be put to shame, having nothing evil to say about us.” Hindi lang ito para kay Titus, para din sa ating lahat. At first parang ang concern ay ang sarili nating reputasyon. Pero tandaan natin na si Paul and Titus, as apostle and pastor, they represent God. We are God’s people, we represent God. Christians tayo, we represent Jesus. When they speak evil about us, they speak evil about the Lord we represent. Hayaan mo silang magsalita ng masama kung mabuti naman ang ginagawa natin. Pero kung masama ang ginagawa natin, we are bringing shame on the name of Jesus. Mas mahalaga sa atin hindi ang sarili nating reputasyon, kundi ang reputasyon ng Panginoong Jesus.
Verse 10, ito naman ang purpose kung bakit dapat ang mga slaves ay maging masunurin, at para din naman sa lahat sa atin, “so that in everything they may adorn the doctrine of God our Savior” (2:10). Ang tawag ni Paul sa gospel sa verse na ‘to ay “the doctrine of God our Savior.” Yan ang tinuturo natin sa iba. Pero dapat makita sa buhay natin. Ang buhay natin ay nagsisilbing palamuti o make-up para makita ang kagandahan ng Magandang Balita. To adorn, galing sa salitang kosmeo, kung san galing ang word natin na cosmetics. Likas nang maganda ang Good News. Hindi tulad ng iba na ginagamitan ng makeup para matakpan ang mga di magandang bahagi ng mukha. Sa gospel iba, walang peklat, walang kulubot, it is really good. Kaso di nakikita ng iba ang kagandahan nito.
Yan ang dahilan bakit magsisikap tayo sa paggawa ng mabuti. Kasi? When we do bad, we make the Good News look bad. When we do good, we make the Good News look really good. Hindi natin pinapaganda ang gospel. Likas nang maganda yun. Ang ginagawa natin ay ipinapakita ang kagandahang ito sa mga tao, hindi lang sinasabi. We show people that the gospel is really good! Yan ang kaibahan natin sa iba. Ang iba nagsasabing naniniwala sila sa Diyos, but deny God by their works (1:16). Tayo itinuturo natin ang salita ng Diyos, and we glorify God by our works (Mat. 5:16). Namumuhay tayong may kabanalan dahil sa Mabuting Balita (gospel-driven godliness). Namumuhay din tayong may kabanalan para sa Magandang Balita (gospel-magnifying godliness).
Ang buhay na may nakikitang kabanalan ay nagpapakita ng kagandahan ng Magandang Balitang ating pinaniniwalaan.
Dati naman, kahit di pa tayo Christians, nagsisikap tayong gumawa ng mabuti. Pero sa isip natin, kapag gumawa kasi tayo ng masama, “Ano na lang ang sasabihin nila sa akin? Baka mapitansan ako.” Ngayon naman, yes we are saved by grace not by works, pero nagsisikap pa rin na gumawa ng mabuti. Hindi para maligtas. Kundi para bigyang karangalan ang Diyos. O kung magturo man tayo sa iba, sa anak halimbawa. Dati sinasabi natin, “Anak, wag mong gagawin iyan. Ano na lang ang sasabihin ng mga kapitbahay?” Reputasyon natin ang hangarin natin. Pero ngayon iba na. Our greatest concern is the gospel of Jesus.
Last week, we celebrated the Golden Anniversary of Tatay Hermie and Nanay Nita. Nakakatuwa, nakakaiyak din, na makita ang kagandahan ng Magandang Balita sa buhay nilang mag-asawa. Nagpapakita ng haba ng pagmamahal ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Cristo. At yan ang dahilan bakit magsisikap tayo sa kabutihan at kabanalan sa personal na buhay, buhay pamilya, sa trabaho at sa lahat ng bahagi ng buhay natin. Hindi para maipakitang tayo’y angat sa iba. Kundi para maipakitang ang Magandang Balita ang angat sa iba, dahil ito’y tiyak na napakaganda.