Sa Sunday na ang last part ng sermon series na The Peacemaker: Bringing the Gospel in Personal Conflict. Are you ready to take “The Peacemaker’s Pledge”? Dahil naranasan natin ang pakikipagkasundo (reconciliation) sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, naniniwala tayo na ang pagkakatawag sa atin ng Diyos ay tumugon sa mga di-pagkakasundo (conflicts) sa paraang iba sa makamundong pamamaraan (Matt 5:9; Luke 6:27-36; Gal 5:19-26). Naniniwala rin tayo na anumang conflict ay isang pagkakataon na maparangalan ang Diyos, mapaglingkuran ang ibang tao, at lumago para maging tulad ni Cristo (Rom 8:28-29; 1 Cor 10:31-11:1; James 1:2-4). Sa gayon, bilang tugon sa pag-ibig ng Diyos at pagtitiwala sa kanyang biyaya, itinatalaga natin ang ating mga sarili na tumugon sa conflict ayon sa mga sumusunod na prinsipyo.
5Ts of Biblical Peacemaking Tumingin sa Diyos. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang sarili nating hangarin o kung ano ang puwedeng gawin ng iba, ang kagalakan natin ay kukuhanin natin sa Panginoon. Bibigyan natin siya ng papuri sa pamamagitan ng pagdepende sa kapatawaran, karunungan, kapangyarihan at pag-ibig na nanggagaling sa kanya. Hahangarin nating tapat na sumunod sa kanyang mga utos tungkol sa pagkakasundo at pagkakaisa. Papanatilihin natin sa puso natin ang pagiging mapagmahal, maawain at mapagpatawad, tulad ng ating Diyos (Psa 37:1-6; Mark 11:25; John 14:15; Rom 12:17-21; 1 Cor 10:31; Phil 4:2-9; Col 3:1-4; James 3:17-18; 4:1-3; 1 Pet 2:12).
Tumingin sa sarili. Sa halip na sisihin ang iba sa nangyaring conflict o tanggihan ang pagtutuwid sa atin ng iba, magtitiwala tayo sa awa ng Diyos at aakuin ang responsibilidad natin sa mga naging kontribusyon natin sa mga conflicts. Hihingi tayo ng tawad sa mga taong naagrabyado at nasaktan natin. Hihingi tayo ng tulong sa Diyos na baguhin ang mga ugali at gawi nating nakapagdudulot ng conflict. Sisikapin nating ayusin ang anumang pinsalang naidulot natin sa iba (Prov 28:13; Matt 7:3-5; Luke 19:8; Col 3:5-14; 1 John 1:8-9).
Tumingin sa Krus. Sa halip na padalus-dalos sa kung ano ang dapat gawin, sisikapin nating alalahanin muna kung ano ang ginawa na ng Panginoong Jesus para sa atin. Ito ang tinatawag nating gospel, ang Magandang Balita ng ginawa ng Diyos para maipagkasundo tayo sa kanya at maipagkasundo din tayo sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanyang Anak na si Jesus na siyang namatay sa krus para sa ating mga kasalanan at nagbigay ng bagong buhay sa atin sa pamamagitan ng kanyang muling pagkabuhay (Col 1:19-20). Ang pagtitiwala natin ay nakay Cristo, na sa pamamagitan niya’y pinatawad ng Diyos ang lahat ng ating mga kasalanan at binabago ang ating mga hangarin at karakter para tayo’y mapalaya sa nakaugalian nating pag-iwas sa conflict o pag-atake sa iba (Ezek 36:25-27). Sa pagtingin natin kay Jesus, nagiging katulad natin siya sa pagiging mga peacemakers na ipinapakita’t ipinapadama ang pag-ibig ng Diyos sa iba (Exod 34:5-7; Col 3:12-15).
Tulungan ang iba na makita ang sarili nila. Sa halip na ipagpalagay na wala namang conflict kahit meron talaga o ipagsabi sa iba ang tungkol sa ginawa ng iba, kakausapin natin nang personal – mahinahon, mapagpakumbaba, at mapagpatawad – ang mga taong nakasakit sa atin, maliban na lang kung hindi naman ganoon kaseryoso at puwede namang palampasin (overlook). Gagawin natin ito na ang layunin ay maayos ang nasirang relasyon at magbalik-loob ang taong nagkasala, hindi para husgahan o parusahan siya. Kung ang conflict sa isang kapatid sa Panginoon ay hindi natin maayos sa pakikipag-usap nang sarilinan, hihingi tayo ng tulong sa iba pang mga kapatid sa Panginoon para matulungan tayong maayos ang problema sa paraang ayon sa Salita ng Diyos (Prov 19:11; Matt 18:15-20; 1 Cor 6:1-8; Gal 6:1-2; Eph 4:29; 2 Tim 2:24-26; James 5:9).
Tulung-tulong na maayos ang relasyon. Sa halip na maging padalus-dalos sa pakikipag-usap o hayaang lumala ang nasirang relasyon, pagtitiyagaan natin at pagsisikapan na magkaroon ng tunay na kapayapaan at pagkakasundo. Patatawarin natin ang mga nagkasala sa atin tulad ng ginawa ng Diyos na pagpapatawad sa atin sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo. Sisikapin nating pag-usapan ang mga patas at mainam na solusyon sa anumang di-pagkakaintindihan (Matt 5:23-24; 6:12; 7:12; Eph 4:1-3, 32; Phil 2:3-4).
Sa tulong ng biyaya ng Diyos, isasabuhay natin ang mga prinsipyong ito bilang mga katiwala ng Diyos, na isinasaalang-alang na ang conflict ay isang pagkakataon, hindi isang aksidente. Aalalahanin natin na ang tagumpay sa paningin ng Diyos ay hindi nakabatay sa magiging resulta, kundi sa tapat at nagtitiwalang pagsunod sa Diyos. At ipapanalangin natin na ang paglilingkod natin bilang mga peacemakers ay magbibigay ng papuri sa ating Panginoon at makapag-aakay sa ibang tao na maranasan ang kanyang walang-hanggang pag-ibig (Matt 25:14-21; John 13:34-35; Rom 12:18; 1 Pet 2:19; 4:19).
Source: Peacemaking Principles: Responding to Conflict Biblically
1 Comment