Obvious na sobrang practical at relevant araw-araw ang mga napag-uusapan natin sa peacemaking. Kasi lahat naman tayo ay may relasyon at lahat ay nagkakaproblema sa relasyon. Last Tuesday lang, apat ang nakausap ko tungkol diyan. Merong nagpapasalamat dahil nachallenge siya na kausapin ang isang taong matagal na niyang nakatampuhan. Nakita ko ang kagalakan at kalayaang nararamdaman niya. Meron din namang umiiyak at nag-express ng struggle nila sa pagpapatawad at pagpapanumbalik muli ng relasyon nilang nasira.
Sa mga conflicts na nararanasan natin sa loob ng pamilya, o sa church, o sa ibang tao, alam nating mahalagang sangkap ang pagpapatawad. Kung meron nito, gumaganda ang relasyon. Kung walang pagpapatawad, lalong nagkakalamat ang relasyon. “Kung pinapatawad mo ang kasalanan ng iba, samahan ninyo ay lalong gaganda. Ngunit kung sa iba’y ipagsasabi mo ito, masisira ang pagkakaibigan ninyo” (Kawikaan 17:9 ASD). Korek?
It’s impossible for you to be a peacemaker kung hindi ka marunong magpatawad. Ang kasalanan man sa iyo ay one time, big time o maliit nga pero paulit-ulit, malinaw ang utos ng Panginoon sa atin, “Pay attention to yourselves! If your brother sins, rebuke him, and if he repents, forgive him, and if he sins against you seven times in the day, and turns to you seven times, saying, ‘I repent,’ you must forgive him” (Luke 17:3-4 ESV). Hindi nagbibigay ng daily limit ang Panginoon dito na hanggang pitong beses lang sa isang araw. Ang sinasabi niya ay kung gaano man karami ang kasalanang nagawa sa iyo, dapat ay willing at handa tayong magpatawad. Mahirap? Kaya nga itong mga apostol sinabi sa Panginoon pagkatapos, “Increase our faith” (v. 5)!
Kung hindi tayo nagpapatawad o nahihirapan kang magpatawad, ibig sabihin maliit ang pagtitiwala mo sa Diyos. Kung ang pagpapatawad natin ay dapat na tulad ng sinasabi ng Panginoon, obviously we need a lot of faith. Pagkatapos magturo ng Panginoon tungkol sa pagdidisiplina sa mga kapatid nating nagkakasala laban sa Diyos at laban sa atin (Matt. 18:15-17), nagtanong si Pedro, “Lord, how often will my brother sin against me, and I forgive him? As many as seven times” (v. 21). Pitong beses, mataas na na bilang iyan, mukhang sobrang compassionate at merciful ka na niyan. Kasi naman, sa Jewish tradition, hanggang tatlong beses lang. Kapag pang-apat na, aba teka, sumosobra na, hindi na patatawarin.
Pero ang sabi ng Panginoon, hindi lang tatlong beses, hindi lang pitong beses, “I do not say to you seven times, but seventy times seven” (v. 22). Sa ibang salin, 77 beses. 77 man o 70 times 7 (490), ang punto dito ay hindi iyon bang meron kang whiteboard sa bahay at nakasulat ang pangalan ng mga taong nagkakasala sa iyo (lalo na ang asawa mo!) at binibilang mo. Kapag umabot na ng 489, ultimatum na. No! The point is forgiveness means you don’t keep a record of wrongs. Yan ang definition ng love sa 1 Cor. 13:5, “It keeps no record of wrongs” (NIV). Kung meron ka mang whiteboard na listahan ng kasalanan ng kapatid mo, sa unang lista o marka mo pa lang buburahin mo na, hindi na kailangang lumaki ang utang sa iyo. Yan ang ibig sabihin ng forgiveness dito. Galing ito sa salitang Griyego na aphiemi na ang ibig sabihin ay “to let go, to release.” Ibig sabihin, kumbaga sa utang, burado na, bayad na, wala nang sisingilin, wala nang obligasyong magbayad.
Ganoon? Oo, ganoon nga. Siyempre magrereact tayo, sasabihin natin, “Naku, baka kapag unlimited ay abusuhin naman at paulit-ulit na gawin ang kasalanan kasi feeling niya ok naman pala.” Valid na concern nga naman. Pero tandaan mong mas marunong si Jesus. Alam niya ang sinasabi niya. Don’t presume to be wiser than Jesus by withholding forgiveness.
What forgiveness is
Not excusing. Hindi kasi natin talaga alam kung ano ang ibig sabihin ng pagpapatawad. Hindi naman ibig sabihin na we are excusing sin. Iyon bang sinasabi natin na, “OK lang iyan. Mapapalampas ko naman iyan.” Oo nga’t merong mga kasalanan na we can overlook. Pero dapat aminin natin at tanggapin natin ang sakit na naidulot sa atin. Don’t deny the pain of what others caused you. At hindi rin ibig sabihing binabalewala natin ang kasalanan. Ang kasalanan ay kasalanan. It is never OK. Kaya nga kahit napatawad na, may mga pagkakataong kailangan nating dalhin ang consequences ng mga kasalanan natin. For us to realize that sin is never OK.
Not a feeling. Hindi naman din enough na masabi mong, “Feeling ko naman napatawad ko na siya. Wala na naman akong galit o sama ng loob.” At ang iba naman hirap magpatawad dahil sa bigat na nararamdaman nila. Pero tandaan natin na kapag iniutos ng Panginoon na magpatawad ka, hindi ito nakadepende sa feeling mo. It is an act of the will. Meron kang desisyong gagawin na hindi na ibilang ang kasalanan ng kapatid mo laban sa kanya. And when you make that decision and trust God sa resulta, marerealize mo na magbabago rin ang feeling o attitude mo sa taong iyon.
Not forgetting. May kasabihan tayo, “To forgive is to forget.” Hindi naman totoo yan. Hindi mo naman makakalimutan lalo na ang pag-aabuso sa iyo. Nang sabihin ng Diyos tungkol sa pagpapatawad niya na, “I will not remember your sins” (Isa. 43:25), hindi ibig sabihing mawawala na iyon sa memorya niya. Imposible sa Diyos iyon. He is all-knowing. Pero ang ibig sabihin, forgiveness is not passive na mawawala na ang galit mo sa taong iyon sa paglipas ng panahon. Ang kasabihan na “time heals” ay hindi rin totoo. Forgiveness heals. It is an active choice na tanggalin ang namamagitan sa relasyon ninyong dalawa.
Sinabi din ni apostol Pablo na magpatawad tayo sa isa’t isa (Eph. 4:32; Col. 3:13). Ang salita namang ginamit doon ay charizomai, na galing sa salitang chariz na ang ibig sabihin ay grace. Ang pagpapatawad, sa gayon, ay isang desisyon na hindi lang burahin ang pagkakautang sa atin ng taong nagkasala sa atin, kundi piliing ipakita sa kanya, ipadama sa kanya, gawin sa kanya ang kabutihang he doesn’t deserve. Forgiveness, then, is an act of grace.
Ang ganyang pagpapatawad ang nais ng Diyos na gawin mo sa asawa mo na naging o hanggang ngayon ay unfaithful sa iyo, sa kapatid mong trinaydor ka, sa kamag-anak mong inabuso ka emotionally, physically, o sexually, sa pastor mo na nakapagsalita sa iyo nang di nararapat, sa kamag-anak mong may utang sa iyo nang ilang tao na, sa kaibigan mong sumulot sa iyo.
What unforgiveness indicates
Malinaw ang kalooban ng Diyos tungkol sa pagpapatawad. Kung hanggang ngayon ayaw mo pa ring magpatawad at sinasabi mo sa sarili mong, “Never. Hindi mo alam kung gaano kasakit ang nagawa niya sa akin. You have no idea.” Oo nga, pero alam ng Diyos. At dapat mong malaman na ang unforgiveness ay pagsuway o disobedience sa Diyos. Kaya ang unforgiveness ay isang kasalanan ding dapat disiplinahin. Kung hindi ka OK sa relasyon mo sa kapatid mo, ibig sabihin hindi rin OK ang relasyon mo sa Diyos.
Kaya nga sabi ng Panginoong Jesus na bago ka sumamba sa Panginoon, makipag-ayos ka muna sa kapatid mong may sama ng loob sa iyo (Matt. 5:23-24). Si Pedro, sinabi din sa mga asawang lalaki na tiyaking maganda ang pagsasama nilang mag-asawa para hindi mahadlangan ang kanilang mga panalangin (1 Pet. 3:7). Kung may problema horizontally, meron ding problema vertically. Ganyan kahalaga ang forgiveness.
Kaya nga sa panalanging itinuro ng Panginoong Jesus, ganito dapat, “Patawarin n’yo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin” (Matt. 6:12). Masasabi mo ba iyan kung hindi ka nagpapatawad? Kaya nga may warning si Jesus pagkatapos nito, “Kung pinatatawad ninyo ang mga taong nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo sila pinapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama” (vv. 14-15).
Ha? Bakit ganoon? Dahil ba hindi mapagpatawad ang Diyos? Hindi! Dahil ang pusong hindi nagpapatawad ay hindi rin tunay ang paghingi ng tawad. Receiving forgiveness and having an unforgiving spirit are mutually exclusive. Hindi pwedeng pagsamahin na tulad ng langis at tubig. You want to receive, but you don’t want to give? Kung hindi ka nagpapatawad ng kapatid mo, na ang pagkakasala sa iyo ay hindi hamak na napakaliit kung ikukumpara sa pagkakasala mo sa Diyos, ipinapakita nitong hindi mo talaga nauunawaan ang laki ng kasalanan mo at ang laki ng pagpapatawad sa iyo ng Diyos.
Ito ang itinuturo sa atin ng parable ni Jesus sa Mateo 18:23-35, matapos ang tanong ni Pedro tungkol sa ilang beses na pagpapatawad. Ito ay tungkol sa alipin na may utang sa hari ng 10,000 talento na ang katumbas ay 150,000-200,000 na taong suweldo ng karaniwang manggagawa. Dahil siyempre hindi makakabayad, kahit sinabi pa noong alipin na babayaran niya, iniutos ng hari na siya’y ipagbili pati asawa at anak. Nagmakaawa siya at dahil sa habag ng hari, pinatawad ang utang.
Ngunit nang siya naman ang makakita sa isa pang kapwa alipin na may maliit na utang sa kanya (isang daang denaryo, isandaang araw na sweldo). Kahit magmakaawa ito, hindi niya pinatawad at ipinakulong pa. “Kaya’t ipinatawag siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masamang alipin! Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin. Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?’ At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang. Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid” (vv. 32-35 MBB). Hindi patatawarin ang hindi taos sa pusong nagpapatawad dahil hindi din naman taos sa puso ang paghingi ng tawad.
Ang hindi pagpapatawad ay maaaring nagpapakita na hindi ka naman din talaga humingi at tumanggap ng pagpapatawad ng Diyos. O kung Christian ka man at naexperience mo ang pagpapatawad sa iyo ng Diyos, dahil sa unforgiving heart mo, hindi mo mararanasan ang araw-araw na biyaya ng Diyos na paglilinis sa puso mo, the daily experience of the joy of being forgiven. Dahil naroon pa sa puso mo ang bitterness, anger, desire for revenge. Gusto mong parusahan ang taong nagkasala sa iyo, pero in the end you will realize, ikaw ang nagdurusa sa sarili mong kulungan. Kaya nga sabi ni Pablo bago ang command na magpatawad, “Let all bitterness and wrath and anger and clamor and slander be put away from you, along with all malice” (Eph. 4:31).
Kung mananatili ka sa ganyang kalagayan, hindi nabibigyan ng karangalan ang Diyos, sumusuway ka sa kanya, at ikaw din ang kawawa. Bukod doon, walang pag-asa na maaayos pa ang nasira n’yong relasyon, there can be no reconciliation or restoration of relationship without forgiveness.
How you can forgive
Kaya alang-alang sa karangalan ng Diyos, sa relasyon n’yo sa pamilya o sa kapatid kay Cristo, at sa sarili mong kapakanan din, inaanyayahan tayo ng Diyos na maranasan ang liberating and healing power of forgiveness. Kung gusto mong maranasan iyan, dapat malaman mo kung paano. Saan ka kukuha ng tulong na kailangan mo para matuto kang magpatawad? Nakadepende iyan kung saan ka titingin.
Tumingin ka muna sa puso mo. Nahihirapan kang magpatawad kasi nakafocus ka sa kasalanan ng ibang tao. Oo, masakit ang ginawa nila, mas grabe, mas malala. Pero huwag mong iisiping wala kang kasalanan. You also have sinful responses sa kasalanan ng iba. Maaaring matagal kang tumahimik na dapat pala ay noon mo pa sinabi sa kanya para nagkaayos kayo. O kaya naman, kung anu-ano ang sinabi mo tungkol sa kanya. Maaaring totoo, pero masakit din. Ipinagsabi mo pa sa iba. May kasalanan ang kapatid mo. Pero tandaan mong may kasalanan ka din hindi lang sa kanya kundi sa Diyos. By withholding forgiveness, nagrerebelde ka sa Diyos na dapat sana’y siyang tinitingnan mo upang mabigyan ng karangalan.
Tumingin ka sa Diyos. He is your God. He is your Father. It is not your life’s purpose to have it your way, but to give him glory, to reflect his gracious and forgiving character. Kung paano siya nagpatawad sa iyo, ganoon din dapat ang pagpapatawad natin. “Bear with each other and forgive one another if any of you has a grievance against someone. Forgive as the Lord forgave you” (Col 3:13 NIV). “Be kind to one another, tenderhearted, forgiving one another, as God in Christ forgave you. Therefore be imitators of God, as beloved children” (Eph. 4:32-5:1).
Paano ba siya nagpatawad sa atin? Sinusumbatan pa ba niya tayo? Hindi na! Sabi niya, “For I will forgive their iniquity, and I will remember their sin no more” (Jer. 31:34). Ang pagpapatawad ba niya may limitasyon? Hanggang 90% lang? O mga minor sins lang? No! “As far as the east is from the west, so far does he remove our transgressions from us” (Psa. 103:12). Nahihirapan kang magpatawad dahil nakakalimutan mo kung paano ka rin pinatawad ng Diyos. “Christians are the most forgiven people in the world. Therefore, we should be the most forgiving people in the world” (Ken Sande, 204).
God is gracious. And he is also sovereign. Na kahit anong sakit o pang-aabuso ang naranasan natin, makakaasa tayo at mapagkakatiwalaan natin ang Diyos na lahat ay hawak-hawak niya sa kanyang kamay.
Si David, pinagsalitaan ng masakit ni Shimei at sinabihang kriminal at mamamatay tao. Sinisisi siya sa pagkamatay ng mga pangunahing tao sa Israel (2 Sam. 16:7-8). Gusto na ng tauhan ni David na si Abishai na tagpasin ang ulo nito dahil sa ginagawa niyang paglapastangan sa hari (v. 9), pero ang sabi ni David, “Huwag kayong makialam. Kung iniutos ni Yahweh kay Simei na sumpain ako, sinong may karapatang sumaway sa kanya?…Hayaan ninyo siyang magmura at sumpain ako. Inutusan siya ni Yahweh na gawin ito. Baka naman kahabagan ako ni Yahweh sa kalagayang ito, at pagpalain ako sa halip na sumpain” (vv. 10-12 MBB).
Ganoon din si Jose kaya napatawad niya ang mga kapatid niya na nagbenta sa kanya kaya siya nakarating sa Egipto. Nakita niya ang sovereign hand ng Panginoon sa nangyari. Ang sabi niya, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo’y naligtas ang marami ngayon” (Gen. 50:19-20 MBB).
Look to the Cross. Kung sa Diyos ka titingin, matututo kang magpatawad. Kung makikita mong siya ang Diyos na may hawak ng lahat ng bagay (he is sovereign) at dahil sa awa niya’y pinatawad ka rin (he is gracious), makakapagpatawad ka. His sovereign grace was visibly demonstrated at the cross of Jesus. Wala siyang kasalanan kahit isa. Pero sa kabila noon, nilait siya, pati sarili niyang pamilya di maniwala sa kanya noong una, inaresto siya, pinaratangan na isang lumalapastangan sa Diyos, hinamak siya, dinuraan, pinahirapan, sinugatan ang katawan, ipinako sa krus. Sa kabila ng sakit na ginawa sa kanya ng mga tao, ano ang sabi niya nang siya ay nasa krus? “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Luke 23:34).
Ang nakatanggap ng undeserved forgiveness na ‘yan ay hindi lang ang mga tao noon, kundi tayo ngayon na nagsisi at nagtiwala kay Jesus. “Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus” (Col. 2:13-14 MBB). At hindi lang kasalanan mo ang napatawad, kundi pati ang kasalanan ng kapatid mong nakasakit sa iyo. Gaano man kasakit ang nagawa ng ibang tao sa iyo, tandaan mong ang kasalanang iyan ay inako rin ni Jesus sa krus. Kung siya ay hindi na pinananagot ng Diyos sa kasalanan niya, anong karapatan mong papanagutin siya sa nagawa niyang kasalanan sa iyo?
Si Esteban, naranasan din ang laitin at paratangan ng kasalanang hindi niya ginawa. Pinagbabato siya hanggang mamatay. Pero bago siya mamatay, tulad ng ginawa ng kanyang Panginoon, because he was looking to the Cross, sabi niya, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito” (Acts 7:60 MBB)!
Look for the Spirit’s help. Ayon sa 2 Corinto 3:18, mababago tayo na maging tulad ng Panginoong Jesus, from unforgiving heart to a forgiving heart, kung titingin tayo sa kanya. At mangyayari ito sa tulong ng Espiritung na ang bunga, ayon sa Galacia 5:22-23, ay pag-ibig kapalit ng paghihiganti, kagalakan kapalit ng pagkainis, kapayapaan kapalit ng pag-aaway, katiyagaan kapalit ng galit, kabaitan kapalit ng masamang ugali, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.
Kung nahihirapan kang magpatawad, ang solusyon ay hindi sa sarili mong willpower. O umayaw na kasi hindi mo kaya. Ang solusyon ay humingi ng tulong sa Diyos at manalangin, “Ama, alam n’yo pong nahihirapan akong patawarin si ___________ dahil sa ginawa niyang masama laban sa akin. Tulungan n’yo po akong tumingin sa iyo, sa ginawa ng Panginoong Jesus, at sa tulong na ibibigay n’yo. Baguhin mo po ang puso ko para ako ay matutong magpatawad.”
Promises of Forgiveness
Kapag ganito naman ang prayer natin, siguradong tutugunin ng Diyos, for we are praying in line with his will. As you remember the gospel, as you are empowered by the Spirit, you can now forgive. Sabi ni John MacArthur, “Only forgiveness can break down the barriers that sin continually and inevitably erects between people, including God’s people” (Matthew, 143). Kung gusto nating mabuwag ang mga pader na humahadlang sa mga relasyon natin, we must grant forgiveness.
Siyempre, kung hindi nagsisisi ang taong nagkasala sa atin, we cannot give forgiveness sa kanya. Pero we can still have the attitude of forgiveness. Kung humingi ng tawad mas maganda siyempre. Magkakaroon ng reconciliation. Kung hindi naman, gagawin natin ang magagawa natin para maayos ang relasyon. Magpapatawad tayo. From the heart ang forgiveness, buong puso ayon sa Panginoon sa Mateo 18:35. Hindi lang mula sa nguso, “Sige na, pinapatawad na kita.” True forgiveness includes these four promises, ayon kay Ken Sande (p. 209):

Good thought. Sasabihin mo sa kanya (kung humingi siya ng tawad) o sa sarili mo (kung hindi naman): “Ipinapangako ko na hindi ko na babalik-balikan sa isip ko ang ginawa mo sa akin.” At hindi lang iyon, ibig sabihin, anumang masasamang iniiisip mo sa kanya dati, papalitan na ng mga magaganda. Iisipin mong siya ay kapatid sa Panginoon. Iisipin mo ang magagandang katangian niya at magagandang nagawa rin niya sa iyo.
Hurt you not. “Ipinapangako ko rin na hindi ko na babanggitin ulit ang ginawa mo para sumbatan ka at masaktan ka.” Ang pagpapatawad ay pagbibitaw ng pangakong ibabaon mo na sa limot ang kasalanan sa iyo. Hindi ka magiging “historical” sa pakikipag-usap sa asawa mo. Maaaring banggitin ulit kung may panibago na namang nagawa. Pero ang goal ay hindi para sumbatan, pero nandoon ang love na kausapin para madisiplina o marestore.
Gossip never. “Ipinapangako ko rin na hindi ko ipagsasabi sa iba ang insidenteng ito.” Kapag sinabi mong pinapatawad mo na siya, ibig sabihin, burado na iyon. Hindi mo na kailangang ikuwento sa iba.
Friends forever. “Ipinapangako ko na hindi ko hahayaan ang insidenteng ito na humadlang sa relasyon nating dalawa.” Hindi ibig sabihin magiging best friend na kayo, pero at least, maibalik sa dati n’yong relasyon. Maaari kasing mahirapan kang magtiwala ulit sa kanya. Pero kapag nagpatawad ka, sinasabi mong hindi na iyon magiging hadlang sa relasyon n’yo. Merong pagbabago sa pakikitungo mo sa kanya – sa isip, sa salita at sa gawa.
Nang hilingin ng mga kapatid ni Jose na patawarin sila, ganito ang mga pangakong binitawan niya, at maganda ang pag-iisip, pagsasalita, at pagtrato niya sa kanila. Sabi niya, “‘So do not fear; I will provide for you and your little ones.’ Thus he comforted them and spoke kindly to them” (Gen. 50:21). That’s forgiveness. Nag-isip siya, nagsalita siya, gumawa siya nang para sa ikabubuti nila.Makikita iyon sa paglipas ng panahon. We will see that fruit of forgiveness.
Meron akong isang kaibigan. A few years ago, nag-invest kami sa kanya. Pero isang araw, binalita niyang nawala ang pera namin. May nag-mishandle ng pera. Hindi man siya ang gumawa ng masama, pero maaaring makahadlang ang insidenteng iyon sa relasyon namin. Kaya kami ng asawa ko, we chose the way of forgiveness. Ipinangako niyang ibabalik niya ang pera. Oo nga’t naibabalik na niya paunti-unti. Pero maibalik man niya iyon o hindi, that’s not the issue. Money is not the issue. Our relationship is. Iyon ang mas mahalaga. Kaya ngayon, nananatili pa rin kaming magkaibigan. That’s the power of forgiveness in healing broken relationships.