As expected, kung conflicts nga naman ang pinag-uusapan, marami nang reactions, questions, objections. Pero siyempre wala pa tayong time para pag-usapan lahat ng tungkol sa resolving conflicts. Darating tayo dyan. Pero last week at ngayon din, we’re still laying the ground for peacemaking. Hindi naman kasi ito primarily tungkol sa kung ano ang dapat nating gawin at di dapat gawin. Kasi kung sabihin ko man kung anong dapat nating gawin, sino ba naman sa atin ang kayang gawin ang lahat ng iyon. Ayaw nga natin ng gulo, ayaw natin ng messy, ayaw natin nang mga mahirap na usapan.
So, ang kailangan natin, magkaroon ng matibay na foundation in peacemaking, in dealing with conflicts. Last week, we focused on the gospel-centered, trinitarian foundation for peacemaking. KKK. Ang unang K ay may kinalaman sa purpose – ito ay para sa maipakita natin ang katangian ng Diyos bilang God of peace. Ang ikalawang K ay may kinalaman sa motivation – we pursue peace with others kasi naman ito rin ang karanasan natin sa Panginoong Jesus na siyang ultimate Peacemaker. Ang ikatlong K naman ay may kinalaman sa power we need – magagawa lang natin ang peacemaking sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritung nasa atin. Oo nga’t dealing with conflicts is messy, pero ito rin naman ay isang opportunity to reflect God’s character, to remember the gospel of Jesus, and to rely on the Holy Spirit.
Remember the gospel. The gospel is the “gospel of peace” (Eph 6:15). Dahil kay Jesus at sa kanyang ginawa para sa atin, anong nangyari? Una, napanumbalik ang relasyon natin sa Diyos. “Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati’y malayo sa Diyos ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan” (Ef 2:13-14 MBB). Hindi lang iyon, tayo na mga naibalik sa relasyon sa Diyos ay pinagsama-sama din ng Diyos sa iisang church, naiugnay tayo sa isa’t isa. “Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali (tayo yun!) ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu” (Ef 2:21-22). So, if you are a Christian, you are a part of the church of God.
Peace: Not Just Resolving Conflicts, but Maintaining Unity

At kung ikaw ay bahagi ng iglesia, a member of God’s family, ibig sabihin may bahagi kang gagampanan. Hindi pwedeng sabihin mo lang na, “Hindi naman ako nanggugulo a, wala naman akong inaaway, tahimik lang naman ako.” Kapag peacemaking ang pinag-uusapan, hindi lang naman ito tungkol sa pagresolba ng mga conflicts, kundi sa pagpapanatili ng pagkakaisa natin bilang magkakapatid sa Panginoon. Sabi ni Pablo, “Make every effort to keep the unity of the Spirit through the bond of peace” (Eph 4:3 NIV). Sa MBB, “Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisa na kaloob ng Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo.” Meron na tayong tunay na espirituwal na pagkakaisa dahil sa Espiritung nasa atin. Kaya nga tinawag ni Pablo ang kapayapaang ito na “unity of the Spirit.” Siya ang pinanggagalingan ng kapayapaan. Pero meron din tayong dapat gawin. Kaya nga meron tayong mission statement sa BBCC, para meron tayong isang pinagkakasunduang layunin. Ito ang layuning nagbubuklod sa atin bilang isang church. Sa misyong ito may pakikibahagi ang lahat. Anong mission natin? “We exist to build local and global GraceCommunities of committed followers of Christ for the glory of God.”
“For the glory of God.” We are united to worship. Tayo’y nagkakaisang bigyang-karangalan ang nag-iisang Diyos. Lahat ng ginagawa naman natin ay para talaga sa karangalan niya (1 Cor 10:31), hindi sa mga pansarili nating hilig, interes, preferences, o agenda. Pansinin n’yo ang sinasabi sa Ephesians 4:4-6, “There is one body and one Spirit–just as you were called to the one hope that belongs to your call–one Lord, one faith, one baptism, one God and Father of all, who is over all and through all and in all” (ESV). One God, three persons – Father, Son and Spirit. Ang layunin natin sa buhay ay hindi para maipilit ang gusto natin o maipakitang tayo ang magaling at tama. Kundi mabigyang-karangalan ang Diyos sa pagkakaisa natin. “May the God of endurance and encouragement grant you to live in such harmony with one another, in accord with Christ Jesus, that together you may with one voice glorify the God and Father of our Lord Jesus Christ” (Rom 15:5-6 ESV).
“Committed followers of Christ.” We are united in our mission. Tayo’y nagkakaisang maipakilala si Jesus sa lahat ng tao. Pansinin n’yo ulit sa Ephesians 4:4-6, “One body…one hope…one faith, one baptism…” Iisang katawan tayo. Iisa ang hangarin natin para sa ikabubuti ng lahat. Isang pamilya tayo na sama-samang nakikibahagi sa misyon ng Diyos. Iisang pag-asa ang meron tayo, ang pagdating ni Cristo, ang makitang lahat ng lahi sa buong mundo ay lumuluhod at sumasamba sa kanya. Mangyayari iyon kung ipapakilala natin si Jesus sa lahat ng tao, sa lahat ng lahi, sa buong mundo. We unite in our mission to make disciples who make disciples who make disciples.
Dati, maraming mga unresolved conflicts. Kahit sa pagitan ng mga church leaders. Iba’t iba kasi ang nagiging agenda, hindi malinaw kung ano ba ang direksyon at vision ng church. Pero ngayon, although siyempre hindi naman perfectly nareresolve lahat ng conflicts, nakikita natin ang pagkakaisa. Kasi meron tayong iisang layunin, iisang misyon, iisang hangarin. Kaya kung may mga pagkakataon man na may iba tayong gustong mangyari sa nakikita natin, natututo tayong isantabi ang mga differences alang-alang sa misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Kaya mahalaga ang church membership. Hindi puwedeng attender ka lang at hindi nakikibahagi sa misyong ibinigay ng Diyos sa church. Hindi pwedeng member ka lang, dapat naroon din ang commitment mo na gampanan ang anumang maiaambag mo sa ministry ng church natin.
Five commitments needed to cultivate, maintain and demonstrate unity
Kung nagkakaisa tayo sa pangunahing layunin kung bakit tayo nilikha ng Diyos, iniligtas ni Cristo, at ibinilang na miyembro ng church bilang kanyang pamilya – ang bigyang-karangalan ang Diyos at maipakilala siya sa marami pang tao – we have to make these five commitments.
1. Christ-Centeredness: Mahalin si Jesus nang higit sa lahat, at isantabi ang mga pansariling interes alang-alang sa kanya. Para kay Pablo, si Jesus ang pinakamahalaga sa lahat, mahalaga pa sa sarili niyang comfort or convenience. Nakikiusap si Pablo sa mga taga-Efeso bilang isang “bilanggo dahil sa Panginoon” (v. 1). Ito ang ibig sabihin sa kanya ng “one Lord, one faith” (Eph 4:5 ESV). Para sa kanya, “to live is Christ” (Phil 1:21). Sabi pa niya, “I live by faith in the Son of God” (Gal 2:20). Jesus, Jesus, Jesus. Kung si Jesus ang nasa sentro, at hindi sarili natin, hindi ang interes natin, hindi ang opinyon o ideas natin, mananatili ang pagkakaisa sa atin. Dahil nagkakaisa tayong si Cristo ang nasa sentro.
2. Gospel-Centeredness: Pagtibayin ang paniniwala at pamumuhay na naaayon sa katotohanan. Pansinin n’yo ang paulit-ulit sa Ephesians 4:4-6, one…one…one…one…Alam nating maraming katuruan o katotohanan sa Salita ng Diyos. Pero alam natin kung ano ang central doctrine, kung ano ang pinakamahalaga. It is the truth of the gospel. Kaya sabi ni Paul na itong “gospel” ay “of first importance” (1 Cor 15:3). Posible ang pagkakaisa kahit di tayo nagkakasundo sa ibang doktrina o paniniwala tulad ng style of worship, leadership, o kung ano ang dapat kainin at hindi dapat. Kasi gospel ang pinakamahalaga – ang katotohanang ginawa ng Diyos ang hindi natin magagawa sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus at ang relasyon natin sa Diyos ay nakadepende hindi sa sarili nating gawa kundi sa ginawa ni Jesus para sa atin. Diyan tayo dapat magkaisa.
And it’s not just about believing the gospel, but also living in accordance with the truth of the gospel. We value truth. We also value purity, or living a life in line with the truth of the gospel. Hindi natin pwedeng ikompromiso ang katotohanan at kabanalan alang-alang sa kapayapaan. Sabi ni John Piper tungkol sa kung bakit nauna ang “Blessed are the pure in heart” (Mat 5:8) bago ang “Blessed are the peacemakers…” (Mat 5:9), “Purity takes precedence over peace. Purity is the basis of biblical peace. Purity may not be compromised in order to make peace.” Kaya nga ang pakiusap ni Pablo, “…mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos” (Ef 4:1).
3. Christ-likeness: Bigyang atensiyon ang pansariling paglago sa mga katangiang tulad ni Cristo. Karaniwan kapag may conflict, at ito ang pag-uusapan natin sa susunod, nakafocus tayo sa problema ng ibang tao, “Siya kasi.” At kung maririnig natin ang mga sinabi ni Pablo, iniisip natin ang asawa natin o kapitbahay natin o katabi natin sa church at sinasabi natin sa loob-loob natin, “Ayan, para sa kanya ang sermon na iyan. Dapat ganyan siya. Sapul siya. Dapat makinig siya.” Halimbawa, “Kayo’y maging mapagpakumbabá, mahinahon at matiyaga. Magmahalan kayo at magpasensiya sa isa’t isa” (4:2); “Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo” (5:2). Kapag marinig mo iyan, sa halip na sabihin mong, “Dapat ganyan siya,” ang sabihin mo, “Dapat ganyan ako.” Tulad ng sabi pa ni Pablo, “…tayo’y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat” (5:2).
4. God-Given Differences: Unawaing bahagi ng disenyo ng Diyos ang pagkakaiba-iba at matutong tanggapin ang isa’t isa tulad ng pagtanggap ni Jesus sa atin. One church, yes. But many members. Magkakaiba tayo. Iba-ibang background, iba-ibang personalities, iba-ibang preferences, iba-ibang spiritual gifts. Tulad ng sabi ni Pablo, “Ang bawat isa sa ati’y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo” (4:7). Disenyo ito ng Diyos.
Ganoon din sa Romans 12, “Huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at magkakaiba ng gawain ang bawat isa, gayundin naman, kahit na tayo’y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa’t isa. Tumanggap tayo ng iba’t ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya’t gamitin natin ang mga kaloob na iyan” (12:3-6).
We honor God’s design for the church if we accept and celebrate our differences. Hindi mo pwedeng sabihing ang gusto mo dapat iyon din ang gusto niya; ang okay sa iyo, ok din dapat sa kanya; ang ginagawa mo, dapat ginagawa din niya. Para tayong isang musical band, magkakaibang instrumento – may gitara, may drums, may keyboard. O parang isang choir, magkakaibang boses – base, tenor, alto, soprano. But we make beautiful music together. Magkakaiba, mas maganda.
5. Perseverance: Magtiwala sa Diyos at gawin ang lahat ng magagawa para makipagkasundo at mapanatiling maganda ang mga relasyon sa kabila ng pagkakaiba-iba. Maganda man ang nangyayari o hindi, may conflicts man o wala, we trust God that he is good and sovereign, na lahat ng nangyayari ay ayon sa kanyang karunungan, para sa ikabubuti natin at para sa kanyang karangalan. But it doesn’t mean that we will just sit back and relax. We persevere. Kaya nga ang utos sa atin, “Make every effort to keep the unity of the Spirit” (4:3 NIV). Hindi natin pwedeng sabihing, “Ganito na talaga ko.” Meron tayong pagsisikap na gagawin.
Pagsisikapan nating maging mahinahon kahit ang gusto natin ay magwala sa galit sa mga taong kinaiinisan natin at mga nakakairita. Kahit gusto mo nang lumipat ng church, pinagtitiisan mo ang mga nanditong ayaw mo ang ugali o personality. Kahit gusto nating gawing big deal ang isang bagay, we make every effort to overlook minor offenses. At kapag ang kasalanang nagawa sa iyo o sa iba ay too serious to overlook, pinagsisikapan mong kausapin ang taong iyon dahil sa pagmamahal mo sa kanya, kahit na hindi ka sanay sa ganoong usapan o hindi ka kumportable, o natatakot ka’t baka maoffend siya.
Make every effort. But keep in mind that peacemaking not the same as peace achieving. Kaya nga sabi ni Paul, “If it is possible, as far as it depends on you, live at peace with everyone” (Rom 12:18 NIV). May gagawin ka, pero may dapat ding gawin ang iba. May pagkakataong kahit mag-exert ka ng effort, wala pa ring peace. Kaya sabi ni John Piper, “Don’t equate peacemaking with peace-achieving. A peacemaker longs for peace, and works for peace, and sacrifices for peace. But the attainment of peace may not come.” On our part, we commit to persevere. Walang iwanan. Walang susuko.
Fruit of Unity and Peace
When we make these commitments – to keep Christ and his gospel at the center, to pursue Christlikeness, to accept our differences, and to persevere – something beautiful, really beautiful, will happen in our church. Efeso 4:12-16, “…para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, ang iglesya, hanggang makamtan natin ang iisang pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo…sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo’y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. Sa pamamagitan niya, ang mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan ay magiging isang katawan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lálaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig.”
People are attracted to beauty. People living in unity and peace are a thing of beauty. Ang ganitong larawan ay ibang-iba sa mga nangyayari sa maraming tahanan ngayon. Ibang-iba ito sa karaniwang nangyayari sa lipunan natin. Kapag committed tayo sa peace and unity dito sa church, hindi lang natin basta sinasabi sa mga tao ang ganda ng Magandang Balita, ipinapakita rin natin ito sa kanila sa pamamagitan ng buhay nating sang-ayon sa Magandang Balita.
Witness of Loving Community: Makikita natin at ng ibang tao ang pamilyang hinahanap nila. Matututo tayong magsalita “ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig.” Tayo’y magiging “isang katawan” na “lalaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig.” Love characterizes our life as God’s family, as a GraceCommunity. Sa pamamagitan nito, sabi ng Panginoong Jesus, “all people will know that you are my disciples if you have love for one another” (Jn 13:35). Uhaw ang maraming tao sa pagmamahal ng isang pamilya. Kahit sa loob ng kanilang pamilya, hindi nila maramdaman ang pagmamahal, ang pagtanggap. Madalas bangayan ang naririnig nila, sigawan, murahan, walang pagkakasundo, pagmamataasan. Pero sa church makikita nila ang pagmamahal na hinahanap nila. May iintindi sa kanila. May tatanggap sa kanila maging sino man sila – ano ang nakaraan nila, o kahit sa kasalukuyan ay nagstruggle sila sa homosexuality o sexual addiction o anumang bisyo, alam nilang tatanggapin sila kahit hindi pa sila okay.
Kasi sa church makikita nila na kahit hindi tayo okay, kahit ay panahong di nagkakasundo, sanay tayong umamin sa kasalanan, magpakumbaba, humingi ng tawad at magpatawad. May ikinuwento si Ken Sande sa The Peacemaker na karanasan niya noong college pa siya. May isinama siyang kaibigang non-Christian sa church isang Sunday. One week before, ang pastor ng church at isa sa mga leaders ay nagkaroon ng sagutan o confrontation sa harap ng maraming tao. “As most of you know,” Pastor Woods said, “Kent and I had an argument during Sunday school last week. Our emotions got out of hand, and we said some things that should have been discussed in private.” Pastor Woods put his arm around Kent’s shoulders and went on. “We want you to know that we met that same afternoon to resolve our differences. By God’s grace, we came to understand each other better, and we were fully reconciled. But we need to tell you how sorry we are for disrupting the unity of this fellowship, and we ask for your forgiveness for the poor testimony we gave last week.” Nag-alala daw siya na baka maturnoff ang kaibigan niyang si Cindy sa nakita niya. Pero nang pauwi na sila, sabi ni Cindy, “I still can’t believe what your pastor did this morning. I’ve never met a minister in my church who had the courage and humility to do what he did. I’d like to come to your church again.”
Peace is a powerful witness to the gospel, it is a beauty that attracts other people. Hindi dahil sa ganda ng katangian natin. We bear witness not to ourselves but to God’s Transforming Grace: Makikita natin at ng ibang tao ang kapangyarihan ni Jesus na bumago ng buhay. Magtataka sila kung paanong ang dating palaaway at palamura ay mahinahon nang magsalita. Magtataka sila kung paanong ang dating mayabang ay sanay nang magpakumbaba. Magtataka sila kung paanong ikaw na dating hindi sanay mag-sorry, ay nagagawa nang humingi ng tawad. Makikita nila na nagagawa natin ito hindi sa sarili nating likas na katangian kundi dahil sa kapangyarihan ni Jesus sa ating buhay.
Posible kayang kung ang mga kasama mo sa bahay ay hindi pa Christians, at hindi sila naniniwala sa gospel, posible kayang dahil hindi nila makita ang pagbabago sa buhay mo? Posible kayang instead of being a peacemaker, they see you as a troublemaker? Kaya nga ang prayer ni Jesus para sa atin sa John 17:20-23 ay “that they may all be one…so that the world may believe that you have sent me…that they may become perfectly one, so that the world may know that you sent me and loved them even as you loved me.”
Ipagpray nating lahat na ganito ang mangyari sa church natin. May peace. May unity. Noong dating maraming awayan sa church, may mga conflicts na unresolved, sa halip na madagdagan (addition), nabawasan siyempre (subtraction). Hindi lang members ang umalis, pati ilan sa mga key leaders. And worse, mababalitaan natin sa ibang church, may mga splits, division ang nangyayari. Pero ang prayer natin, multiplication ang mangyari, as more and more people are attracted to the gospel, habang tayo din naman ay nagkakaisa sa misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Tulad ng church sa New Testament. “Nagkakaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya” (Acts 4:32). “Nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay para sa kanilang lahat…Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas” (2:44, 47).
Response
Anong gagawin mo ngayon, sa tulong ng Diyos, para pagyamanin, panatilihin at maipakita ang pagkakaisa sa pamilya mo, sa pinagtatrabahuhan, at dito sa church natin? Ano ang maiaambag mo sa pamilya mo para magkaroon ng pagkakaisa? Ano ang maitutulong mo sa opisina mo para magkaisa? Ano ang maitutulong mo sa church? Nakita mong kulang ang tumutugtog at kumakanta, sanay ka naman, anong gagawin mo? Nakita mong kulang ang mga gagawa sa DVBS, sa paglilinis ng simbahan natin, pagud na pagod na ang iba na puro sila ang gumagawa, may maitutulong ka naman, anong gagawin mo? Nakita mong may mga pinansiyal na pangangailangan, may maibibigay ka naman, anong gagawin mo? Bawat isa sa atin ay inilagay ng Diyos sa church para makiisa at makibahagi.
1 Comment