Ang Pasko ay araw ng pagsasaya, bakit natin pag-aaralan ang kuwentong ito na puno ng kalungkutan at iyakan (v. 27)? Ang mga nakakita sa nangyari ay “umuwi nang malungkot at dinadagukan ang kanilang mga dibdib” (v. 48). Ang Pasko ay araw na puno ng liwanag (Christmas lights!), pero bakit natin pag-aaralan ang kuwentong ito na puno ng kadiliman (v. 44)? Ang Pasko ay araw ng pagtanggap (tulad ng mga reunion), bakit pag-aaralan natin ang kuwento ng pagtatakwil kay Jesus? Ang Pasko ay araw ng bigayan ng regalo sa mga minamahal, bakit natin pag-aaralan ang kuwento kung paanong hinayaan ng Diyos ang mga tao na kuhanin ang buhay ni Jesus.
Bihira na nga ang mga taong inaalala ang kapanganakan ni Jesus. At kung aalalahanin man natin at ipagdiriwang, wag na wag nating kalimutan kung bakit siya ipinanganak, kung bakit ipinadala ng Diyos ang nag-iisa niyang Anak, kung bakit ang Diyos nagkatawang-tao. Ipinanganak siya para mamatay.
Wag na wag natin ‘tong kakalimutan. “Good Friday is the reason for Christmas. Jesus was born to die” (John Piper, “Why Jesus Came”). “When the babe was born / In a manger on the hay / God saw the veil torn / He saw Good Friday / He was born to die” (Shane and Shane, “Born to Die”).
Listen
Resources
Nang sabihin ng mga anghel sa mga tagapag-alaga ng tupa, “Fear not, for behold, I bring you good news of great joy that will be for all the people. For unto you is born this day in the city of David a Savior, who is Christ the Lord” (Luke 2:10-11 ESV), ang “good news of great joy” ay hindi lang ang kapanganakan niya, kundi ang buong buhay niya hanggang sa kanyang kamatayan. Kaya nga mula Luke 9:51 hanggang dulo, mahigit kalahati ng Gospel of Luke ay tungkol sa paglalakbay ni Jesus patungo sa Jerusalem, kung saan siya papatayin sa pamamagitan ng pagpako sa krus.
Jesus was born to die. Bakit kailangang mangyari iyon? Bakit iyan “good news of great joy”? Bakit dapat nating alalahanin iyan para mas maging meaningful ang pagdiriwang natin ng Christmas? Let me share to you three reasons from this story.
1. Pinatay si Jesus para matupad ang plano ng Diyos.
Plano ba talaga ng Diyos ang natupad sa kamatayan ni Jesus? Parang plano ata iyon ng mga kaaway niya. Nagsabwatan ang mga pinuno nila, naaresto si Jesus, pinaratangan, at kahit na sinasabi ni Pilatong wala namang sapat na dahilan para hatulad ng kamatayan si Jesus, pero nagkaisa ang mga taong sumigaw, “Patayin ang taong iyan…” (v. 18). Kahit na subukan ni Pilatong mapalaya si Jesus, lalo pang nagsigawan ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus” (v. 21)! Sa ikatlong pagkakataon, sinubukan pa rin ni Pilatong mapalaya si Jesus, “Pero lalo nilang iginigiit at ipinagsisigawan na ipako siya sa krus. Sa wakas ay nanaig din sila. Kaya pinagbigyan ni Pilato ang kahilingan ng mga tao…” (vv. 23-24).
Habang naglalakad si Jesus papunta sa lugar na pagpapakuan sa kanya, maraming taong nakasunod, pati “mga babaeng umiiyak at nananaghoy dahil naaawa sila sa kanya” (v. 27). Parang wala namang magawa ang Diyos sa nangyayari. Tapos ng ipako siya sa krus, panay panlalait ang sinasabi sa kanya. Sabi ng mga pinuno, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ang sarili niya ngayon…” (v. 35). Ng mga sundalo naman, “…Iligtas mo ang iyong sarili” (v. 37). Ng isa sa dalawang kriminal na napako ding kasama niya, “…Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami” (v. 39). May nakasulat kasi sa ulunan ni Jesus na “Ito ang Hari ng mga Judio” (v. 38). Kaya doon sa tatlong panlalait sa kanya, laging may kasamang “kung siya nga talaga ang Cristong pinili ng Dios” (v. 35); “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio…” (v. 37); “Hindi ba ikaw ang Cristo?” (v. 39). They expect the coming Messiah to be a powerful, conquering King. Pero dito, he was so helpless, walang magawa, hanggang tuluyan nang “nalagot ang kanyang hininga” (v. 46).
Tulad ng panalangin ng mga mananampalatayang inuusig tulad ng naranasan ng Panginoon, “…ang mga Judio at hindi Judio, pati si Haring Herodes at si Gobernador Pilato, ay nagkaisang kalabanin ang inyong banal na lingkod na si Jesus na inyong pinili na maging Hari. Sa kanilang ginawa, natupad na ang inyong balak noon. At ito’y nangyari ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban” (Acts 4:27-28 ASD).
“Dalawa pang kriminal ang dinala nila upang pataying kasama ni Jesus” (Luke 23:32). Katuparan ito ng Isaiah 53:12, “Ibinilang siya na isa sa mga makasalanan.” “Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghati-hatian ang mga damit ni Jesus” (Luke 23:34). Katuparan ito ng Psalm 22:18. Ang mga pang-iinsultong ginagawa sa kanya na iligtas ang kanyang sarili, katuparan ng Psalm 22:7-8. Binigyan siya ng maasim na alak (Luke 23:36), katuparan ng Psalm 69:21. Ang huling sigaw ni Jesus bago siya mamatay, “Ama, ipinagkakatiwala ko sa iyon ang aking espiritu” (Luke 23:36), katuparan ng Psalm 31:5.
Oo nga’t may pananagutan ang mga taong nagpapatay at pumatay kay Jesus, pero ang Diyos mismo ang nagpadala sa kanyang Anak para patayin. “Yet it was the will of the LORD to crush him” (Isaiah 53:10). Buong istorya ng Old Testament ay paghahanda sa takdang araw na ito ng kamatayan ni Jesus. Ito ang plano ng Diyos sa simula’t simula pa. Meron tayong Diyos na tumutupad sa kanyang pangako. He is sovereign. He is faithful.
Sa pelikulang Hating Kapatid, matagal sa abroad ang mga magulang nina Judy Ann at Sarah. Sobrang inis na si Judy Ann sa parents niya kasi lagi na lang nagsasabing uuwi na, pero di naman natutuloy. Pero kapag ang Diyos ang nagsabi, nagplano, nagplano, garantisado. Minsan mukhang naaantala o nahahadlangan, pero dahil sa kanyang kapangyarihan, titiyakin niyang matutupad lahat. We have a reason to rejoice dahil meron tayong Diyos na tumutupad sa pangako niya. He is so faithful and true! Ipinakita niya ang pag-ibig niya sa atin nang ipadala niya si Jesus para mamatay para sa atin. God has given us a gift.
Karaniwan, nagbibigay tayo ng regalo sa mga taong mahal natin sa buhay, iyong mga taong may nagawang mabuti sa atin tulad ng parents, kamag-anak, kaibigan, churchmates, pastor. We give gifts to those who love us or are special to us. But God has given us a gift in Jesus – to us who hate him, noong inaaway pa natin ang Diyos, hindi pinahahalagahan at sinusuway ang mga utos.
2. Pinatay si Jesus para maging pamalit sa ating mga nagrebelde sa Diyos.
Kapag naririnig natin ang kuwentong tulad ng nangyari kay Jesus, ang dali nating humusga at sabihing grabe naman ang mga taong gumawa noon kay Jesus. Pero tinitiyak ko sa iyo, kung ikaw ay isa sa mga pinunong Judio, ganoon din ang gagawin mo. Kung ikaw si Pilato, ganoon din ang gagawin mo. Kung ikaw ay isa sa mga taong naroroon, ganoon din ang gagawin mo. Kung ikaw ay isa sa mga sundalong nanlalait kay Jesus, ganoon din ang gagawin mo. Lahat tayo ay nagrebelde sa Diyos. We want to have our own way. Mas gugustuhin nating wala ang Diyos, wala si Jesus, para tayo ang hari at panginoon ng buhay natin.
Para tayong si Barabas. Dalawang beses binanggit ang tungkol sa kasalanan niya to emphasize na hindi siya deserving na mapalaya. Nabilanggo siya “dahil sa paghihimagsik” at “pagpatay” (v. 19). Ganoon din sa v. 25. He deserves na hindi lang mabulok sa bilangguan kundi maparusahan ng kamatayan. We all deserve to die like Barabbas because we are all rebels against a holy and righteous God. Pero napakaganda ng picture na pinapakita sa kuwentong ito. Si Barabas, na may sala, ay pinalaya. Samantalang si Jesus, na walang sala ay, ang naparusahan at pinatay. Ang ibig sabihin ng “Barabas” ay “son of father”. Pinalaya ang “son of father” at pinarusahan kapalit niya ang Son of God the Father.
This is a beautiful picture of the gospel. Na sa pagdiriwang pa lang ng Feast of the Passover, malinaw nang makikita. Para maligtas ang mga panganay ng Israel (Exodus 11-12) sa nakatakdang parusa ng Diyos na pagpatay sa mga panganay ng Egipto, ganito ang gagawin nila. Kukuha sila ng isang lalaking tupa na walang kapintasan (12:5), papatayin, iaalay sa Diyos at ang dugo ay ipapahid sa hamba ng kanilang pintuan. Ang tupang iyon ang pamalit sa mga panganay nila upang maligtas.
Jesus was the Lamb of God who takes away the sins of the world. He was also without blemish. Tatlong beses sinabi ni Pilato na inosente siya, “Wala akong nakitang kasalanan sa taong ito” (Luke 23:4); “Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan” (v. 15); “Wala akong nakikitang kasalanan sa kanya para ipapatay siya; (v. 22). Nang makita ng kapitan ng mga sundalong Romano ang nangyari, nagpuri siya sa Diyos, “Talagang walang kasalanan ang taong ito” (v. 47). Isa sa nakapakong kasama niya ang sumaway sa isang nanlalait kay Jesus, “Talagang dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong ito’y walang ginawang kasalanan” (v. 41).
Kung may “sin scanner” – hindi tutunog iyon kapag ginamit sa kanya. Pero sa atin, sa ulo at sa mata pa lang natin itapat, sangkatutak na ang makikitang kasalanan. Tayo ang dapat parusahan. Pero si Jesus ang naging pamalit sa atin o substitute para ang parusang dapat tayo ang magdanas ay siya na ang umako. Ganito kalaki ang pag-ibig ng Diyos sa atin (Rom. 5:8). Sa krus, si Jesus ay parang isang hayop na unti-unting kinakatay. Ang crucifixion ang pinakamalala, malupit, nakahihiyang parusang kamatayan sa panahong iyon. Unti-unti siyang pinapatay, hinihiya, kahit wala siyang kasalanan. This is the great exchange. This is the good news of the gospel.
Pag may Christmas party may “exchange gift.” Kung halagang 100 pesos ang usapan, ieexpect mo na ganoon ang halaga na matatanggap mo. Kapag bumili ka ng regalo na 100 pesos, tapos ang naka-exchange gift mo ay ang regalo sa iyo ay isang iPhone 6 na 40,000 pesos ang halaga, anong magiging reaksyon mo? Lalo pa siguro kung ang utang mo na one million pesos ay hindi lang napatawad kundi nadeposituhan ka pa sa account mo ng one million pesos. My goodness! Ganyan ang ginawa ng Diyos para sa atin. Dahil sa laki ng pagkakasala natin sa kanya, we deserve great punishment. Pero hindi lang niya pinatawad ang kasalanan natin, ibinigay pa niya ang kanyang Anak para sa atin, iyan ang tunay na pagpapala. So rejoice!
Nagbibigay din naman tayo sa mga taong tingin natin ay “undeserving” tulad halimbawa ng mga bata sa kalye. Pero kung bibigyan natin sila, tinapay lang, o lugaw o lumang laruan. Kapiranggot lang. Pero ang Diyos, undeserving na tayo, nagbigay pa sa atin, hindi kapiranggot kundi sandamakmak na pagpapala.
3. Pinatay si Jesus para mapasaatin ang pagpapala ng Diyos.
Malinaw ding ipinapakita sa atin ng Diyos sa kuwentong ito ang mga pagpapalang sasaatin kung tayo’y magtitiwala sa kanya at tatanggapin ang ginawa niya sa krus para sa atin. Pero bago natin tingnan ang mga pagpapalang iyon, mahalagang malaman din natin na may babala sa sinumang magpapatuloy sa kanilang pagrerebelde sa Diyos. Di nila matatanggap ang “great exchange” na pinag-usapan natin kanina. Na para bang sinasabi, “Ako na ang bahalang magdala ng parusa ng kasalanan ko o ako na ang bahalang magbayad nito.” Oo nararapat tayong parusahan. Pero dapat alam natin kung gaano kalala ang parusang naghihintay sa atin.
Sabi ni Jesus sa mga babaeng nag-iiyakan, verses 28-31, na hindi siya dapat iyakan. This is a warning na may darating na araw kung saan mas malala pa ang sasapitin ng mga tao. Hindi ba’t mainam ang magkaroon ng anak? Pero sinabi ni Jesus na sa araw na iyon, mainam pang walang anak, kesa meron pero makikita mo ang anak mo na nakararanas ng matinding kahirapan. Hindi ba’t ang mga bundok ay nagsisilbing proteksyon? Pero sabi ni Jesus, sa araw na iyon, mainam pang tabunan ka ng bundok kesa maranasan mo ang mabigat na parusa ng Diyos. Sabi niya sa v. 31, “Sapagkat kung ginawa nila ito sa akin na walang kasalanan (sa literal, sa sariwang kahoy), ano pa kaya sa mga taong may kasalanan (sa literal, sa tuyong kahoy).” What happened on the cross is a preview of the judgment of God against sin. Mas matindi pang parusa ang naghihintay sa mga taong hanggang ngayon ay namumuhay sa sarili nilang paraan.
Pero para sa atin na nagtitiwala kay Jesus, ang tanging paraan ng Diyos para tayo ay maligtas, nag-uumapaw na biyaya o pagpapala ang nasa atin. Una, dahil sa kamatayan ni Jesus napatawad na ang lahat ng aking mga kasalanan. Sabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (v. 34). Hindi dahil ignorante tayo, kundi dahil di natin lubos na nauunawaan ang bigat ng ating mga kasalanan na dala ni Jesus sa krus. Dahil sa kanya, masasabi ng Diyos, “I will remember their sins and their lawless deeds no more” (Heb 10:17 ESV). Sa mga hanggang ngayon ay dinadala pa rin ninyo ang guilt ng kasalanan n’yong nagawa noon, alalahanin mong hindi na inaalala ng Diyos ang mga iyan at hindi na ibibilang laban sa iyo.
Ikalawa, dahil sa kamatayan ni Jesus natanggap na ako ng Diyos sa kanyang kaharian. Walang marumi’t makasalanan ang dapat lang na pumasok sa kaharian ng Diyos na puno ng kalinisan at kabanalan. Ang mga kasama ni Jesus na nakapako, certainly they don’t deserve God’s kingdom. Pero sabi ng isa sa kanya, “Jesus, alalahanin n’yo ako kapag naghahari na kayo” (Luke 23:42). Wala na siyang pagkakataong linisin pa ang buhay niya, magpakatino at patunayang magbabago na siya. Ang nais ng Diyos ay puso na umaamin sa kasalanan, at sa kanyang pangangailangan sa awa at habag ng Diyos. This is true repentance and faith. Kaya sabi ni Jesus sa kanya, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo: ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso” (v. 43). Sa langit! Sa lugar kung saan naroon ang Diyos. Tulad ng paradise experience nila Adan at Eba na kasa-kasama ang Diyos.Dati tayo’y mga kaaway ng Diyos, pero ngayo’y tanggap na sa kanyang kaharian. Sa tuwing irereject ka ng mga tao o maaalala ang mga rejection na naranasan mo noon, alalahanin mo ang full, unconditional acceptance sa iyo ng Diyos dahil sa ginawa ni Jesus.
Pangatlo, dahil sa kamatayan ni Jesus malaya na akong makakalapit sa Diyos. Ako ay itinuturing na niyang isang tunay na anak dahil sa ginawa ng kanyang pinakamamahal na Anak na si Jesus. Nagdilim noon sa lupain mula tanghaling tapat hanggang alas-3 ng hapon nang mamatay si Jesus (v. 45). Inako niya ang parusa sa kasalanan natin, ang galit ng Diyos, para malaya na tayong makalapit sa kanya. “Ang kurtina sa loob ng templo ay nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba” (v. 45). Walang sinumang makapapasok sa Most Holy Place – ang dakong nagsisimbolo ng trono ng Diyos, ng presensiya ng Diyos. Once a year lang sa Day of Atonement, ang high priest lang ang puwedeng pumasok. We have a great High Priest in Jesus. Inialay niya ang sarili niyang buhay para lahat tayo makapasok na at makalapit sa Diyos.
“Kaya nga mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan” (Heb 10:19-20). Sa tuwing nag-aalangan kang lumapit sa Diyos sa pagsamba at panalangin dahil naiisip mong di ka karapat-dapat dahil sa mga kasalanan mo, alalahanin mong sapat ang ginawa ni Jesus para makalapit ka na sa Diyos na walang takot o alinlangan.
Last December 14, nainvite akong magspeak sa isang church sa Caloocan. Ginamit kasi nila ang 2012 sermon series natin na “The Story of God.” Pati sa isa pang church nila sa Quezon City naman. Nang paalis na kami, nagulat ako na nakatanggap ako ng tatlong sobre, isa galing sa church, isa galing sa isa pang church nila, at isa galing sa pastor at asawa niya. Unexpected ang generosity nila, nasorpresa ako kaya sobrang tuwa at pasasalamat ko. Who would expect na ang Diyos bibigyan tayo ng pagpapalang sobra-sobra? Di naman tayo karapat-dapat ni isang kusing ng kabutihang galing sa kanya. We have a super-generous God!
More than Enough Reason to Rejoice!
Ngayong kapaskuhan, alalahanin nating hindi lang ipinanganak si Jesus. He was born to die. Para saan ang kamatayan niya? Namatay siya para matupad ang plano ng Diyos. Namatay siya para maging pamalit sa ating mga nagrebelde sa Diyos. Namatay siya para mapasaatin ang pagpapala ng Diyos. Pinatawad tayo. Tinanggap tayo. At higit sa lahat, napasaatin ang Diyos! Maraming mga tao ngayon nagdiriwang ng Pasko, pero walang pakialam kay Jesus. Tayong mga tagasunod niya, nagdiriwang ng Pasko dahil tinanggap na tayo ng Diyos dahil sa kanya.
Kung wala kang regalong matanggap, malungkot. Kung meron, masaya. Kung napakalaking regalo, napakasaya. Kung ang Diyos mismo ang tinanggap mong regalo – the highest good of all – hindi mo maisasalarawan ang kasiyahang mararamdaman mo. Ang kriminal na nakapakong kasama ni Jesus, nagdurusa sa krus dahil sa kanyang kasalanan. Pero makaraan lang ang ilang minuto, isinama na siya ni Jesus sa Paraiso. His sorrow was turned to joy. His mourning into dancing.
Sa tuwing makikita mo ang mga Christmas lights, tandaan mo ang kadilimang sinapit ni Jesus sa krus para magkaroon ng liwanag ang buhay natin. Kapag makipag-exchange gift ka, tandaan mo ang “Great Exchange” na nangyari – tayong maysala ay napawalang-sala dahil sa pag-ako ni Jesus sa kasalanan natin. Kapag sagana sa mga pagkain at mga regalo, tandaan mo kung gaano kasagana ang pagpapalang tinanggap at tatanggapin pa natin mula sa Diyos. Now, tell me, if you don’t have enough reason – more than enough reason – to celebrate Christmas, and everyday after Christmas. “He who did not spare his own Son but gave him up for us all, how will he not also with him graciously give us all things” (Rom 8:32 ESV)?