Introduction: On Creation and the Resurrection

Ngayong Easter Sunday ang teksto natin ay hindi explicitly and directly tungkol sa resurrection. Ituloy pa rin natin ang series natin sa Genesis 1-11. Sa dulo na tayo ngayon ng Genesis 1, tungkol sa paglikha ng Diyos sa tao. Ano naman ang kinalaman ng creation account, especially ang pagkakalikha sa tao sa muling pagkabuhay ni Jesus? Isa sa mga challenges ng pagpi-preach sa Genesis 1 ay kung paano i-preach si Cristo sa tekstong ito. Merong mandate ang mga preachers na hindi sarili at hindi kung sino man ang ibibida sa preaching kundi si Cristo. “For what we proclaim is not ourselves, but Jesus Christ as Lord” (2 Cor. 4:5); “Him we proclaim” (Col. 1:28). Paano natin ‘yan gagawin sa Genesis 1? Perfectly good ang pagkakalikha ng Diyos dito at hindi kailangan ng isang Savior. Walang pangakong nakasulat tungkol sa darating na Cristo (Greidanus, Preaching Christ from Genesis, 43). Paano ‘yan?

Isa sa pangunahing layunin ko bilang preacher ay hindi lang ang ipangaral nang tapat ang Salita ng Diyos sa paraang nakasentro kay Cristo, kundi pati na rin turuan kayo kung paano basahin at pag-aralan ang Salita ng Diyos na nakasentro kay Cristo by showing you kung paano gagawin ‘yan.

Sagutin muna natin kung ano ang kaugnayan ng creation sa resurrection. Paliwanag ni Joel Beeke,

Ang pagdurusa at kamatayan ni Cristo para sa ating mga kasalanan, at ang kanyang muling pagkabuhay mula sa mga patay, ang nagpasimula ng pagsilang ng bagong paglikha kung saan ang tao ay ibinabalik sa kanyang orihinal na kaluwalhatian (original glory). Ang kanyang muling pagkabuhay sa unang araw ng sanlinggo ang naging (quoting William Perkins) “tunay na simula ng bagong espirituwal na mundo kung saan tayo ay ginawang mga anak ng Diyos.” (Reformed Systematic Theology, 2:1130)

Kung ang tao ay nilikha sa larawan ng Diyos, in the image of God, si Cristo naman ang “image of the invisible God” (Col. 1:15). Ang tao ay hindi Diyos. Pero si Cristo na Anak ng Diyos ay mismong larawan ng Diyos: “Nakikita sa Anak ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak” (Heb. 1:3). Siya yung “firstborn of all creation” (Col. 1:15) hindi dahil siya ang unang nilikha; no, hindi siya nilikha. Nag-iindicate yun ng kanyang supremacy over all creation, “Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha” (MBB). Ang kanyang muling pagkabuhay ay nagpapahayag ng kanyang kadakilaan sa lahat: “Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya’y maging pangunahin sa lahat” (Col. 1:18). Kaya kung babasahin natin ang account ng paglikha ng Diyos, especially ang paglikha ng Diyos sa tao, represented by the first human being Adam, hindi pwedeng hindi tayo maglalaan ng panahon to reflect on the Second and Last Adam (tulad ng ginawa ni Paul sa Romans 5:12-21). Kung paanong si Adam ay isang indibidwal at siyang representative din ng human race, si Cristo rin ay isang indbidwal at representative din “for the new humanity who enjoy life through the death and resurrection of Christ” (Mathews, Genesis 1-11, 112).

Sabi nga ni apostol Pablo, “For there is one God, and there is one mediator between God and men, the man Christ Jesus” (1 Tim. 2:5). Ang muling pagkabuhay ni Jesus ang nagdedeklara na siya ang nag-iisang tagapamagitan na kailangan natin dahil siya ay tunay na Diyos at tunay na tao (see Rom. 1:3, 4). Pero para mas ma-appreciate natin ‘yan, tingnan muna nating mabuti ang pasimula ng biblical story tungkol sa paglikha ng Diyos sa ating mga tao; then, i-summarize natin ang ilang theological reflections mula dito; and then, tingnan natin kung ano ang koneksyon nito sa gospel.

Biblical Story

Merong four sections sa Genesis 1:26-31: (1) “Then God said…” (v. 26); (2) So God created…” (v. 27); (3) “And God blessed them…(na may nakapaloob na dalawang “…and God said…”) (vv. 28-30); (4) “And God saw…” (v. 31). Obviously, ang Diyos ang main actor dito, hindi ang tao. Kung hindi nagsalita ang Diyos, kung hindi gumawa ang Diyos, kung hindi nagbigay ng blessing ang Diyos, wala tayo, wala ang lahat-lahat. We owe our existence, our being, our dignity, our honor, our life, our everything sa Panginoon.

“Then God said…” (v. 26)

Nasa Genesis 1:26-31 ang summary ng account ng pagkakalikha ng Diyos sa tao. Sa Genesis 2 yung mas detalyado. Ito ay nangyari sa ikaanim na araw, “Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaanim na araw” (Gen. 1:31). Kasama rin sa araw na ito ang paglikha sa mga hayop sa lupa (Gen. 1:24-25). Pero pinakaespesyal ang paglikha ng Diyos sa tao. As we look closely sa account na ‘to, we will see many reasons why. Una na yung haba ng espasyo na inilaan sa pagsasalaysay nito, hindi lang sa chapter 1, kundi hanggang sa chapter 2. At isa pa, mas personal ang paglikha sa tao (Expositor’s Bible Commentary, 1:69). Sa mga nauna niyang nilikha, ang sinasabi ng Diyos, “Let there be…” Pero sa tao, “Let us make man…”:

Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” (Gen. 1:26)

“Likhain natin…” Sino ang kausap ng Diyos? Sabi ng iba, kausap daw niya dito yung mga angelic beings. Pero wala tayong makikita sa Scripture na ang mga anghel ay kasama ng Diyos na lumikha sa tao. At isa pa, nilikha ang tayo “ayon sa ating larawan.” Hindi naman tayo nilikha sa larawan din ng anghel. Most likely, ito ay early indication ng plurality of persons sa isang Diyos. Nakita na natin ang Espiritu ng Diyos sa verse 2. And, of course, pagdating sa New Testament, mas magiging malinaw na ang Diyos na lumikha ay ang Trinity: Ama, Anak, Espiritu (see John 1:3; Col. 1:16; Heb. 1:2).

“So God created…” (v. 27)

Kung ano ang sinabi ng Diyos na plano niyang mangyari, yun nga ang nangyari. Sinabi niya, “Likhain natin ang tao ayon sa ating larawan (image), ayon sa ating wangis (likeness)” (Gen. 1:26). Yun nga ang nangyari, “Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila’y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae” (Gen. 1:27). Binanggit din ito sa Genesis 5:1-2; 9:6. Poetic ang arrangement nito, na nagpapakita hindi lang ng kapangyarihan ng Diyos, kundi ng pagkamalikhain ng Diyos:

So God created man in his own image,
in the image of God he created him;
male and female he created them.

Dito lang paulit-ulit yung “created…created…created…”—to emphasize hindi lang yung pagiging espesyal ng tao, kundi yung pinakaespesyal sa lahat, ang Diyos mismo. Siya ang Creator, tayo ay created. Maraming content creator. God is on a totally different level than any of us. Siya ang pinakamahalaga sa lahat.

Pero sa kabutihan ng Diyos, nilikha niya ang tao ayon sa kanyang larawan (image) o wangis (likeness). Ayon kay Herman Bavinck, “Ang essence o pinakamahalagang realidad sa pagiging tao ay ang pagkakalikha sa atin ayon sa larawan ng Diyos. Ang buong mundo ay isang kapahayagan ng Diyos, isang salamin ng kanyang mga katangian at kapuspusan…pero ang tao lang ang larawan ng Diyos, ang pinakamataas at pinakamayaman na kapahayagan ng Diyos ng kanyang sarili at dahil dito’y ang ulo at korona ng buong sangnilikha” (Reformed Dogmatics, 2:530-31). Maraming unique features ang mga tao: meron tayong katawan, kaluluwa, pag-iisip, damdamin, kakayahan, at iba pa. Pero ang pinakamahalagang pwedeng sabihin tungkol sa tao, na hindi masasabi sa iba pang nilikha ng Diyos, ay ito: tayo ay imago Dei, larawan ng Diyos.

Mahabang usapan at pinagdedebatehan pa nga kung ano ang ibig sabihin niyan. In some way, not perfectly siyempre dahil hindi naman tayo Diyos, yung pagkatao natin ay nagre-resemble o may pagkakatulad sa Diyos, nagre-reflect o sumasalamin sa kung sino ang Diyos, at nagre-reveal (may ipinapahayag) tungkol sa katangian ng Diyos. Salamin ng kabutihan ng Diyos, ng kapangyarihan ng Diyos, ng kagandahan ng Diyos, ng katuwiran ng Diyos, ng kabanalan ng Diyos. Kung ganitong karangalan ang ipinagkaloob sa atin ng Diyos, masasabi natin tulad ng psalmist: “What is man that you are mindful of him, and the son of man that you care for him? Yet you have made him a little lower than the heavenly beings and crowned him with glory and honor” (Psa. 8:4-5).

Ang karangalang ito ay pantay na tinataglay ng lalaki at babae. Nilikha ng Diyos ang tao (Gen. 1:27). Sa Hebrew adam, tumutukoy hindi lang kay Adam na unang tao, kundi sa buong sangkatauhan. Kaya nga nilinaw rin sa verse na yun na ang nilikha sa larawan ng Diyos ay ang parehong lalaki at babae. Hindi lalaki lang, hindi babae lang. Hindi mas mababa ang dignidad at karangalan ng babae, kundi pantay. Sa chapter 2, titingnan natin kung ano ang pagkakaiba, pero sa puntong ito, kailangang bigyang-diin na ang lalaki at babae ay pantay sa pagiging image-bearers ng Diyos. Kailangan ng lalaki ang babae, kailangan ng babae ang lalaki, para magkasamang gampanan ang responsibilidad ng pagiging image-bearers na hindi magagawa ng lalaki lang o ng babae lang (Kenneth Mathews, Genesis 1-11, 113).

The fact na ang tao ay nilikha sa larawan ng Diyos ay isang paalala sa mga Israelita na hindi na nila kailangang gumawa ng mga images to represent God sa kanilang pagsamba, gaya ng ipinagbabawal ng Diyos sa ikalawang utos (Exo. 20:4). Sila mismo ang larawan ng Diyos na magpapakilala sa buong nilikha kung sino ang Diyos na lumikha sa kanila.

“And God blessed them…” (vv. 28-30)

Bukod sa pagkakalikha ng Diyos sa tao ayon sa kanyang larawan, heto pa ang isang dahilan kung bakit napakaespesyal ng tao: “And God blessed them…” (Gen. 1:28; see also Gen. 5:2). Pinagpala rin ng Diyos ang mga isda at mga ibon at may kinalaman ito sa pagpaparami nila (Gen. 1:22, “Be fruitful and multiply…”). Pero yung blessing ng Diyos sa tao ay unique. Kinausap ng Diyos personally ang tao. Kinausap din niya ang mga hayop pero not in a way na nag-iindicate ng special relationship na meron ang Diyos sa tao. At sinabi niyang ang pagpapalang ito ay may kinalaman ito sa pagpaparami, pamamahala, at pagkain.

Tungkol sa pagpaparami, sinabi ng Diyos, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig” / “Be fruitful and multiply and fill the earth” (Gen. 1:28). Blessing ng Diyos sa tao ang pag-aasawa, ang sexual relationship ng mag-asawa, ang pagkakaroon ng anak at ng maraming anak. Kaya nga after the flood, noong pamilya na lang ni Noah ang natira, inulit ‘yan ng Diyos, “And God blessed Noah and his sons and said to them, ‘Be fruitful and multiply and fill the earth’ (Gen. 9:1).

Kasama rin sa pagpapala ng Diyos ang pribilehiyo at responsibilidad ng pamamahala sa nilikha ng Diyos. Kasama na ‘yan sa plano niya nang sabihin niya sa verse 26, “… Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit” (Gen. 1:26). Dito naman sa verse 28, kausap na niya ang mga tao: “…at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa” (Gen. 1:28). “Subdue it…have dominion over…”—nagbibigay ang Diyos (na siyang ating Hari) ng atas na gamitin ang mga bagay sa mundong ito para sa sarili nating kapakinabangan. Para tayong mga conquering kings, pero hindi para abusuhin ang nilikha ng Diyos tulad ng exploitations at destructions na ginagawa ng iba, kundi para i-represent ang mapag-alagang pamamahala ng Diyos bilang Hari.

Mapag-alaga at mapagmahal ang Diyos na Hari natin kasi ibinibigay niya ang kailangan natin. Kaya kasama sa pagpapalang ito ang pagkaing ibinibigay ng Diyos para sa atin. “Every good and every perfect gift is from above” (Jas. 1:17). Kaya sabi ng Diyos, “Ibinibigay ko rin sa inyo ang lahat ng uri ng halamang nagkakabinhi at mga bungangkahoy bilang pagkain ninyo. Ang lahat ng halamang luntian ay ibinibigay ko naman sa lahat ng hayop sa ibabaw ng lupa at sa lahat ng mga ibon” (Gen. 1:29-30). Hindi ibig sabihin nito na gulay at prutas lang ang kakainin natin at dapat vegetarian diet na tayong lahat. Sabi ng Diyos kay Noah, “Makakakain na kayo ngayon ng mga hayop. Ibinibigay ko ito sa inyo bilang pagkain, kagaya ng mga ibinigay ko sa inyo na mga pananim na makakain” (Gen. 9:3 ASD). Ang point: ang mga bagay sa mundong ito ay ginawa ng Diyos para pamahalaan natin at mapakinabangan natin. Mabuti ang Diyos na nagkakaloob ng lahat ng kailangan natin.

“And God saw…” (v. 31)

Kaya naman nagtapos ang creation account dito: “Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan (AB, ito ay napakabuti). Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaanim na araw” (Gen. 1:31). Lahat ng gawa ng Diyos ay mabuti—very good—dahil ang Diyos ay mabuti—very good. Ang kabutihan at kagandahan ng nilikha ng Diyos—lalo na ng tao, gaano man ka-imperfect—ay sumasalamin sa perpektong kabutihan at kagandahan ng Diyos.

Theological Reflections

Sa account ng paglikha sa tao, makikita nating ito’y nagpapahayag ng mga katotohanan tungkol sa Diyos at sa kanyang mga katangian. Ang mga theological reflections na kaugnay nito ay pareho lang din ng nakita natin last week, pero siyempre merong special focus sa paglikha ng Diyos sa ating mga tao.

Maayos ang paglikha ng Diyos sa atin.

Una, maayos ang paglikha ng Diyos sa lahat. Maayos ang pagkakalikha ng Diyos sa atin. Nilikha niya ang tao na lalaki at babae. Makikita natin sa chapter 2 na una muna ang lalaki, pagkatapos ang babae. Hindi lalaki lang, hindi babae lang. Ang lalaki, lalaki. Ang babae, babae. Ang kaayusan ng pagkakalikha ng Diyos sa lalaki at babae ay hindi dapat ginugulo tulad ng chaotic na sitwasyon ngayon na ang mga lalaki pinipilit na gawing babae at ang mga babae ay pinipilit na gawing lalaki, na hindi naman talaga pwedeng gawin.

Makapangyarihan ang salita ng Diyos sa buhay natin.

Sa kapangyarihan ng salita ng Diyos ay nilikha ang tao. Salita rin ng Diyos ang nagpahayag ng pagpapala ng Diyos sa tao. Nananawagan ito sa mga Israelita noon at sa atin ngayon na magtiwala sa kapangyarihan ng salita ng Diyos, at pahalagahan at sundin ang salita ng Diyos sa buhay natin.

Malawak ang kaharian ng Diyos na ipinagkatiwala sa atin.

Ang Diyos ang haring namamahala sa lahat ng nilikha at sa buhay natin. Amazingly, binigyan din tayo ng Diyos ang pribilehiyo na kumatawan sa paghahari niya. Sa ancient near east, ang mga hari ay naglalagay ng mga estatwa nila sa iba’t ibang lugar na nasasakupan nila. Ang Diyos din ay naglagay ng mga estatwa, images of God, ang mga tao, para kumalat at punuin ang buong mundong pinaghaharian ng Diyos. Ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang buong mundo para pamahalaan, alagaan, at pagyamanin.

Mabuti ang Diyos sa atin (napakabuti!).

Mabuti ang lahat ng nilikha ng Diyos. Actually, napakabuti. Dahil ang Diyos na lumikha nito ay napakabuti. Perfectly good, perfectly beautiful. Overflowingly good, gloriously beautiful.

Anumang ipinapahayag ng Genesis 1 tungkol sa Diyos ay sumasalamin din kay Cristo dahil siya ang Anak ng Diyos, tunay na Diyos. Sa pamamagitan niya ay nalikha at naging maayos ang paglikha sa lahat. Makapangyarihan ang salita ni Cristo. Si Cristo na ipinako sa krus at namatay para sa atin, at muling nabuhay, at siyang sinusunod natin, ay ang Diyos na nagbigay ng buhay sa atin. Malawak ang paghahari ni Cristo. He is King of the universe! Mabuti si Cristo, napakabuti ng ating Tagapagligtas.

Gospel Connections

At para mas ma-appreciate natin hindi lang kung sino si Cristo kundi pati kung ano yung na-accomplish niya para sa atin, tingnan natin ang gospel connections sa paglikha ng Diyos sa tao. Para makita natin yung gospel connections na ‘yan, mahalagang sagutin ang tatlong tanong na may kinalaman sa kalooban o layunin ng Diyos sa paglikha sa tao: (1) ano ang layunin ng Diyos sa tao; (2) paano tayo nabigong tuparin ang layuning ito; at (3) paano ito natupad sa pagdating ni Cristo. Itatanong natin ‘yan sa limang layuning makikita natin sa account ng paglikha sa tao.

To reflect God’s character

Unang layunin ng Diyos sa tao: to reflect God’s character. Isa ‘yan sa implications ng being created in the image of God—na sa buhay natin ay masalamin ang kabutihan ng Diyos, ang pagkamalikhain ng Diyos, at ang kakayahan ng Diyos sa paggawa. Sa ilang paraan nagagawa natin ‘yan, pero dahil sa kasalanan, nabigo tayong i-reflect kung sino ang Diyos sa buhay natin. Para tayong mga basag na salamin, malabo, sira-sira, distorted ang nakikitang reflection ng Diyos sa buhay natin. That is why we need Jesus. Siya ang perfect image of God. Hindi lang dahil sa kanyang pagka-Diyos. Kundi bilang tunay na tao, ipinapakilala niya sa atin kung sino ang Diyos. “He is the image of the invisible God” (Col. 1:15). The gospel is “the gospel of the glory of Christ, who is the image of God” (2 Cor. 4:4). At ang layunin ng Diyos sa atin ay “maging katulad sa larawan ng kanyang Anak” (Rom. 8:29 AB). Sa pagtingin kay Cristo, nagkakaroon ng transformation sa buhay natin para tayo ay maging katulad ni Cristo (2 Cor. 3:18).

To relate to God and his creation

Ikalawang layunin ng Diyos sa tao: to relate to God and his creation. Yung merong magandang ugnayan ng sa Diyos: na minamahal at pinahahalagahan ang Diyos nang buong puso (Deut. 6:5). Meron ding harmony sa relasyon sa ibang tao at sa ibang nilikha ng Diyos. Pero yung harmony na ‘to—yung shalom o wholeness—sa relasyon natin sa Diyos, sa tao, at sa ibang nilikha ng Diyos ay nasira dahil sa kasalanan. Sa lahat ng mga tao, si Cristo lang ang nakagawang makipag-ugnayan sa Diyos at sa ibang tao. Mula sa pagkabata, hanggang sa paglaki, siya’y “lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Luke 2:52). Sa kanyang baptism, heto ang mga salitang narinig mula sa Ama, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan” (Mat. 3:17)! Sa pamamagitan ni Cristo, ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, “niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya” (Col. 1:20). Si Cristo lang ang tanging paraan para maibalik ang shalom na relasyon ng tao sa Diyos, ng tao sa tao, at ng tao sa ibang nilikha ng Diyos.

To reproduce God’s image

Ikatlong layunin ng Diyos sa tao: to reproduce God’s image. Gusto ng Diyos na magpakarami tayo, to be fruitful and multiply, to fill the earth with many images of God. Hindi lang physically sa pagpaparami ng mga anak, pero spiritually rin in reproducing disciples of Jesus: to make disciples of all nations (Mat. 28:19). Kung pag-aanak lang, ang mare-reproduce nating images ay yung sarili lang natin na makasalanan. Nang ipanganak si Seth nina Adan at Eba, ganito ang nakasulat: “nagkaanak ng isang lalaki na kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan” (Gen. 5:3), referring sa paglikha ng Diyos sa tao ayon sa kanyang larawan, this time ang ipinapanganak na hanggang ngayon ay sa larawan ng taong makasalanan. Naroon pa rin ang image of God, pero distorted na dahil sa kasalanan. Naparito si Cristo para solusyunan ‘yan, to reproduce his own image in us. Pero bago mangyari yun, na magkaroon ng fruitfulness at multiplication, sabi niya, “Hangga’t hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito’y mamatay, mamumunga ito nang sagana” (John 12:24). Ang tinutukoy niya rito ay ang kanyang kamatayan, na ang bunga ay ang kaligtasan ng marami. We become fruitful and we multiply kapag itong mabuting balita—ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus—ay itinuturo natin sa mga anak natin, sa mga kamag-anak natin na hindi pa Kristiyano, at dinadala natin sa iba’t ibang lahi sa mundo.

To represent God’s rule

Ikaapat na layunin ng Diyos sa tao: to represent God’s rule. Pamahalaan, pangalagaan, pagyamanin ang nilikha ng Diyos. Pero sinira ng tao, inabuso, at kung inaalagaan o pinapaganda man, ginagawa naman to draw attention sa sarili nila, at hindi para bigyang-karangalan ang Diyos na lumikha. Sa pagdating ni Cristo, siya na Hari ng lahat, ay ipinagkita sa atin kung ano ang itsura ng matuwid na pamamahala. Hindi pang-aabuso, hindi pang-aalipin ang kanyang kalakaran bilang Hari. Merong kapakumbabaan bilang isang Servant-King, merong gentleness and meekness. Kaya sa muling pagkabuhay ni Jesus, itinaas siya ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan, ng kapamahalaan sa langit at sa lupa, at ipinailalim ang lahat ng bagay sa kanyang mga paa—bilang Ulo ng Iglesya (Mat. 28:18; Eph. 1:21-23). Sa ilalim ng kanyang pamamahala, we represent Christ the King of kings and Lord of lords.

To receive God’s blessings

Ikalimang layunin ng Diyos sa tao: to receive God’s blessings. Ganyan kabuti ang Diyos. Mapagpala ang Diyos. Nag-uumapaw ang kabutihan ng Diyos. Pero sa halip na magpasalamat sa Diyos, naging ungrateful tayo. Hindi natin kinilala ang kabutihan niya sa pagbibigay sa atin ng mga kailangan natin. Worse, ang mga mabuting bagay na bigay niya ay mas pinahalagahan pa natin kaysa sa kanya na nagbigay ng mga ito. ‘Yan ay idolatry. Sumpa, at hindi pagpapala ng Diyos, ang nararapat sa atin na mga ungrateful, idolatrous sinners. Pero sa kabutihan ng Diyos, nangako siyang pagpapalain niya si Abraham at ang lahi niya at ang buong mundo sa pamamagitan niya (Gen. 12:2-3). Nang ipako si Cristo sa krus, inako niya ang sumpang nararapat sa atin para dumaloy ang pagpapalang nais ng Diyos na matanggap natin sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo (Gal. 3:13, 14). In Christ, nasa atin na ang lahat ng spiritual blessings in the heavenly places (Eph. 1:3). In Christ, we have received grace upon grace (John 1:16).

Life Application: Resurrection Power

Kaya nga isang malaking biyaya at pagpapala na galing sa Diyos ang Panginoong Jesus—ang kanyang pagparito, ang kanyang perfectly righteous life, ang kanyang kamatayan sa krus, ang kanyang muling pagkabuhay, ang kanyang pag-akyat sa langit, ang kanyang pag-upo sa kanan ng Diyos na ngayon ay namamahala sa atin bilang Hari at patuloy na namamagitan para sa atin as our Great High Priest. Ang kapangyarihan ng Diyos na lumikha sa lahat ng bagay, at nagbigay ng buhay sa atin sa pamamagitan ng kanyang salita, ang kapangyarihan din ng Diyos na bumuhay kay Cristo mula sa kamatayan. Ito rin ang kapangyarihan ng Diyos na nasa atin na mga sumasampalataya kay Cristo, “the immeasurable greatness of his power toward us who believe, according to the working of his great might” (Eph. 1:19).

Oo, nabigo tayong tuparin ang layunin ng Diyos sa paglikha sa atin. Pero kay Cristo, natupad ang layuning ito. At dahil tayo ay nakay Cristo—and only if you are in Christ—magkakaroon ng katuparan ang layuning ito. Mare-reflect natin ang karakter ng Diyos sa buhay natin na parang mga salamin, hindi man perfectly, pero merong growing faithfulness—“patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo” (Col. 3:10). Magkakaroon tayo ng malapit na relasyon sa Diyos at magkakaroon ng order (sa halip na chaos) sa relasyon natin sa pamilya, sa church, at sa ibang tao. Magiging fruitful tayo bilang mga disciples ni Cristo na inaakay rin ang iba—mga anak natin, mga kasama natin sa church, mga kaibigan at kamag-anak natin na unbelievers, and all nations—na sumunod kay Cristo. Mapapamahalaan, maaalagaan, mapagyayaman natin ang mga ipinagkatiwala sa atin ng Diyos—ang pamilya natin, ang church natin, ang trabaho natin, at ang lipunang ginagalawan natin. Matatanggap natin ang mga pagpapala ng Diyos nang may pasasalamat at nag-uumapaw na kasiyahan, kaya’t magiging masaya at masana rin tayo na pagpapalain ang iba tulad ng kung paano tayo pinagpapala ng Diyos.

Lahat ng ito ay posible dahil kay Cristo at dahil sa kanyang muling pagkabuhay. Ang paglikha ng Diyos sa Genesis 1 ay nagkaroon ng greater fulfillment sa new creation na isinilang sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesus. Anumang kaguluhan o disorder o chaos o hindi pa ayos sa buhay natin ngayon, we look forward to that day na tayo rin ay muling bubuhayin na tulad ni Cristo. On that day, ganito ang inaasahan nating mangyari: “At kung paanong taglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok (si Adan), tataglayin din natin ang larawan ng taong makalangit” (ang Panginoong Jesus) (1 Cor. 15:49 AB).

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply