Introduction
Ang kahalagahan ng lectio continua para sa church
Ito na ang 28th at huling sermon sa series natin sa Ephesians. At itong huling four verses ay karaniwang binabasa lang natin nang mabilis at hindi napag-aaralan. Sigurado ako na wala pa kayong naririnig na sermon tungkol dito, except kung yung pastor ay nagpi-preach every Sunday through whole books of the Bible mula sa unang verse hanggang sa dulo. Ang tawag sa practice na ito ay lectio continua, pag-aaral o pagpi-preach ng sunud-sunod mula sa isang passage hanggang sa mga kasunod, linggu-linggo, hanggang matapos. Iba ito sa karaniwang nangyayari sa maraming mga churches na patalun-talon ng topic every Sunday, o every month, at namimili lang nga mga isolated verses, nagpi-preach lang ang pastor ng mga paborito niyang tema, o kung ano yung gusto ng church na mapag-aralan.
Hindi naman masama na topical ang sermon, ginagawa rin naman natin ‘yan paminsan-minsan. Basta siyempre yung mga itinuturo ay nanggagaling pa rin sa tamang interpretasyon ng teksto sa Bibliya. Pero ang main diet ng church natin ay expositional preaching, lectio continua, at hinahayaan natin ang Salita ng Diyos ang mag-set ng agenda para sa church, para sa buhay natin. Hindi ang church, hindi ang pastor, ang magse-set ng agenda. We submit ourselves sa kalooban at plano ng Diyos na nakasulat sa buong Bibliya—“the whole counsel of God” (Acts 20:27).
Sa pamamagitan nito, napararangalan natin ang Diyos sa paraan kung paano niya ibinigay sa atin ang kanyang Salita, hindi natin maiiwasan o malalaktawan yung mga passages na karaniwang iniiwasan o nilalaktawan natin, mas nagiging well-grounded at well-rounded ang church dahil sa Salita ng Diyos na humuhubog at nagpapatibay sa church.
Balik-tanaw sa mahahalagang aral na natutunan sa Ephesians
Sa paglalakbay natin sa Ephesians bilang isang church, mas nagkakaroon tayo ng higit na pagkaunawa sa mahahalagang bagay na itinuturo ng Diyos sa atin tungkol sa kanya, tungkol sa kaligtasang tinanggap natin, tungkol sa buhay Kristiyano. Kung magbabalik-tanaw tayo sa ilang mahahalagang aral na natutunan natin sa series natin, heto ang ilan:
Una, hindi mapaghihiwalay ang tamang doktrina sa tamang pamumuhay. Sa chapters 1-3 ay yung doktrinang dapat nating paniwalaan tungkol sa Diyos—Ama, Anak, Espiritu—at sa yaman ng pagpapalang natanggap natin sa pakikipag-isa kay Cristo. Sa chapters 4-6 naman ay yung buhay na dapat na meron ang lahat ng nakay Cristo, at ito naman ay nakakabit—motivated, empowered—ng tamang doktrina.
Ikalawa, sa sinumang nakay Cristo, limpak-limpak na pagpapalang espirituwal ang tinanggap na natin. In Christ, in him, with him—paulit-ulit ‘yan sa Ephesians, to emphasize na ang mga pagpapalang ito ay nakamit natin hindi dahil sa anumang worthiness o merit natin kundi dahil lamang kay Cristo. Yung pagpili sa atin ng Diyos, yung adoption, yung pagtubos sa kasalanan natin, yung pagpapatawad, yung reconciliation, yung inheritance, pati yung calling natin sa ministry—lahat ‘yan ay dahil tayo ay nakay Cristo.
Ikatlo, ang layunin ng church at ng bawat isang Kristiyano ay maipahayag sa ating pamumuhay ang katotohanan ng mabuting balita ni Cristo. Makikita ito kung paanong ang mga magkaaway dati ay naipagkakasundo na at nagkakaisa dahil sa reconciling, peacemaking work of Christ. Makikita rin ito kung paano tayo nakikipaglaban sa kasalanan, kung ano ang klase ng relasyon na meron tayo sa pamilya at sa ibang tao.
Ikaapat, ang buhay Kristiyano ay isang paglalakbay kung saan intentional na ini-aapply natin ang gospel sa araw-araw na ordinaryong pamumuhay. Ang pagkatawag sa atin ay ito: walk in love tulad ng pagmamahal sa atin ng Diyos, walk in the light, walk in wisdom, na pinapatnubayan ng Espiritu sa relasyon ng mag-asawa, ng magulang sa anak, ng amo sa tauhan, at sa iba pang tao.
Marami pang iba, pero ilan lang ‘yan sa mga highlights.
Ang laki ng pangangailangan natin ng ministeryo ng pagpapalakas ng loob (encouragement)
Ngayon naman, sa natitirang four verses ng Ephesians, titingnan natin ang kahalagahan ng ministry of encouragement sa church at sa buhay Kristiyano. Bawat Kristiyano, actually bawat tao, ay nangangailangan ng ministeryong ito. Kailangan ito ni Paul. Kasasabi lang niya na siya ay “ambassador in chains” (Eph 6:20). Mahirap ang kalagayan niya. Pwede rin siyang panghinaan ng loob sa nangyayari sa kanya sa kulungan. Kaya nga nag-request siya sa kanila, “Pray also for me” (Eph 6:19). Kailangan din ito ng mga members ng Ephesian church. Pwedeng panghinaan din sila ng loob kapag naaalala nila ang nangyayari kay Paul. Kung ang isang tapat na lingkod ng Panginoon tulad ni Paul ay nagdaranas ng ganitong hirap, paano pa sila? Kaya sabi ni Paul early on sa sulat niya, “Kaya’t hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito’y para sa inyong ikararangal” (Eph 3:13). Ito rin ang dahilan kung bakit ipinadala niya si Tychicus sa kanila, “upang palakasin ang inyong loob,” “that he may encourage your hearts” (Eph 6:22).
Kung kailangan nila, for sure ay kailangan din natin ng encouragement. Heto ang paliwanag ni Garrett Kell, sa kanyang article na “I-encourage Natin ang Bawat Isa,” kung bakit kailangan natin ng ministeryong ito:
Nabubuhay tayo sa isang wasak na mundo kung saan ang lahat ng bagay ay tumatawag sa atin sa pagiging makasarili at kawalang pag-asa. Ninanakaw ng kasalanan ang ating kagalakan, bumabagsak ang ating pangangatawan, hindi natutuloy ang mga plano natin, naglalaho ang mga pangarap natin, humihina ang ating paninindigan, dumidilim ang ating pananaw. Ipinangako sa atin ang paghihirap (1 Pet. 4:12), pag-uusig (John 15:20; 2 Tim. 3:12), at iba’t ibang uri ng mga pagsubok (Jas. 1:2–3).
Kapag walang encouragement sa buhay ng isang church, pakiramdam ng mga tao ay hindi sila minamahal, hindi sila mahalaga, walang silbi, at kinalimutan na.
Question: Saan nanggagaling ang lakas ng loob na kailangan natin?
Ang tanong, saan nanggagaling ang lakas ng loob na kailangan natin? Dalawang major sources ang makikita natin sa teksto natin.
Ang lakas ng loob na dulot ng mabuting pananalita (vv. 21-22)
Ang unang major source ay ang mabuting pananalita. Merong dulot na lakas ng loob ang magagandang salita na sinasabi natin. Nakapanghihina ng loob kapag meron kang mabalitaan na hindi maganda, lalo na kung may sinabing masama tungkol sa ‘yo. Kaya we must make it a practice na gamitin ang mga salita natin para ma-encourage ang iba. Iniutos ito ng Diyos, hindi lang ito suggestion: “Therefore encourage one another and build one another up, just as you are doing” (1 Thess 5:11); “Therefore encourage one another with these words” (1 Thess 4:18). Our words are powerful. They can either build up or destroy.
Tungkol saan? Tungkol sa mabuting gawa ng kapatid natin (v. 21)
So, tungkol saan ang mga pananalitang nakapagpapalakas ng loob? Una, makikita natin sa verse 21, tungkol ito sa mabuting gawa ng kapatid natin. Pansinin mo kung paano nagbigay ng affirmation o commendation si Paul kay Tychicus na siyang ipapadala niya sa kanila para dalhin ang sulat na ‘to at i-report pa ang ilang mga bagay na hindi nakasulat dito tungkol sa kalagayan ni Pablo. “Si Tiquico, na mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa” (Eph 6:21). Siya rin ang ipinadala para maghatid ng sulat sa mga taga-Colosas, “Si Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon” (Col 4:7).
May kumpiyansa si Paul na gagawin nga ni Tychicus ang ipinapagawa sa kanya, na ipaalam sa kanila ang dapat nilang malaman, hindi maghe-hesitate na sabihin kahit pa yung mga hirap na dinaranas ni Pablo sa bilangguan. Bakit? Kasi siya ay “mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon.” Bilang kapatid kay Cristo, concern din siya sa kalagayan ni Paul at ng mga Ephesians. Yung kanyang pagsama at paglilingkod kay Paul ay naging malaking encouragement din naman sa kanya. Kaya minamahal din siya ni Paul at ng iba pang mga believers. Siya rin ay isang “faithful minister.” Galing ‘yan sa Greek na diakonos, kung saan hango yung isa sa church offices natin na deacons. Pero hindi importante kung siya man ay official na deacon sa church o isinalarawan lang na lingkod dahil sa mahalagang ministry na ginagampanan niya. Ang mahalaga ay nagre-reveal ito ng puso niya na palaging handang paglingkuran ang pangangailangan ng ibang Kristiyano at na siya ay faithful at mapagkakatiwalaan sa anumang gawaing ibinibigay o ine-expect sa kanya.
Kahit hindi siya kasing popular ng iba, dependable siya sa ministry. Kasama siya ni Paul sa kanyang third missionary journey, mula sa Ephesus papuntang Jerusalem, para tumulong mag-deliver ng mga relief funds na nakolekta sa mga Gentile churches para sa church sa Jerusalemn (Acts 20:4; 24:17; 1 Cor 16:1-4). Sa huling pagkakabilanggo ni Paul, pinadala ulit siya sa Ephesus kung saan naglilingkod si Timothy (2 Tim 4:12). Ipinadala rin siya kay Titus sa Crete (Titus 3:12).
Swak yung description sa kanya na “faithful minister in the Lord” (Eph 6:21). Ito ay paalala rin kung paano siya naging beloved brother at faithful minister. Na hindi ito dahil sa kanyang sariling lakas kundi dahil sa kanyang pakikipag-isa kay Cristo, kaya siya tinawag na maglingkod, kaya siya nakapaglilingkod nang ganito. Ito ay dahil sa kanyang pakikipag-isa at malalim na relasyon kay Cristo. Ang buhay at lakas ni Jesus ay dumadaloy mula sa kanya patungo sa paglilingkod sa iba. Hindi ba’t napakasarap pakinggan at mabasa mismo ni Tychicus sa sulat na dala-dala niya ang ganitong words of affirmation tungkol sa kanya. Nakakataba ng puso. Words of affirmation encourage us deeply. ‘Wag natin itong ipagdadamot. Kaya nga bahagi na ito ng ministry ni Paul, at nakikita naman ni Tychicus kung paano niya ito ginagawa. Noong sila ay nasa Ephesus noon, “ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob.” Nagdalaw-dalaw rin siya sa mga bayan-bayan at “pinalakas ang loob ng mga alagad” (Acts 20:1-2).
So, ‘wag mo ‘tong ipagdamot sa iba. Kailangan din naming mga pastor ng encouragement. Kapag may nag-message sa akin, “Pastor, salamat po sa katapatan ninyo sa pagtuturo sa amin. Lagi po namin kayong pinagpe-pray,” that is very encouraging. Kapag may nag-affirm din sa ‘yo ng paglilingkod na ginagawa mo, hindi ba na-eencourage ka rin? So, ‘wag natin itong ipagdamot sa iba. Wala ka namang kailangang gastusin o isakripisyo sa pagbibigay ng words of encouragement.
Tungkol saan? Tungkol sa mabuting gawa ng Diyos sa buhay natin (v. 22)
Bukod sa mabuting pananalita tungkol sa atin, lakas ng loob din ang idinudulot ng pagbabalita ng tungkol sa mabuting gawa ng Diyos sa buhay natin. Sinabi ni Paul sa verse 22 na ipinadala niya si Tychicus sa kanila for a very specific purpose: “I have sent him to you for this very purpose.” Merong specific goals na kailangan niyang ma-accomplish. Ano yun? Dalawa yung binanggit. Una, magdala ng balita tungkol sa kalagayan ni Paul. Sinabi na rin naman niya ‘yan sa verse 21, yung pagbabalita sa kanila “ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa.” Sinabi niya ulit sa verse v. 22, “upang malaman ninyo ang aming kalagayan. Sa verse 21, kalagayan lang ni Paul ang binanggit. Dito naman sa verse 22, plural na, hindi lang si Paul, pati mga kasama niya, kasama si Tychicus, at iba pang mga coworkers ni Paul. Siyempre, hindi lang ito tungkol sa kung ano ang ginagawa nila, paano sila nagre-respond, ano na ang kalagayan nila. Hindi man direktang binanggit, pero implied na kapag ibinalita natin ang nangyayari sa buhay natin o sa buhay ng iba, ibinabalita rin natin kung ano ang nakikita nating ginagawa ng Diyos sa buhay natin. Kung paano niya ipinapakita ang kabutihan niya, kung paano niya tinutupad ang plano niya, kung paano nagiging evident ang kapangyarihan ng Diyos sa kabila ng mga tila balakid sa katuparan ng plano niya.
At para saan yung pagbabalitang iyon? Ito yung ikalawang layunin, “and that he may encourage your hearts.” Yun naman talaga ang mangyayari kapag ibinalita sa kanila kung ano ang kalagayan ni Paul. Yes, pwede silang ma-discourage kapag narinig nila yung hirap na dinaranas ni Paul, tulad ng nakita natin kanina sa Ephesians 3:13. O baka ma-guilty pa sila dahil yung sufferings niya ay “alang-alang sa kanila.” Pero kung makita nila si Tychicus, marinig yung testimonies niya tungkol sa ginagawa ng Diyos, hindi sila panghihinaan ng loob, kundi mas lalakas pa nga ang loob nila dahil mapatutunayan na God is always at work anuman at gaano man kahirap ang nangyayari sa buhay ng kanyang mga anak.
Everytime merong opportunity na mag-testimony, sa evening service, o sa small group, o sa one-on-one conversations, ‘wag tayong tatanggi, ‘wag tayong maghe-hesitate, ‘wag tayong mahihiya. Malaking ministry ‘yan at encouragement ang dulot sa marami. Sabi ni Garrett Kell:
Ang encouragement ay ibinabahagi nang may pag-asa na palalakasin nito ang loob ng isang tao sa Panginoon (Col 4:8). Ipinapakita nito ang evidences of grace sa buhay ng isang tao para makita niya na ginagamit siya ng Diyos. Itinuturo nito ang isang tao sa mga pangako ng Diyos na nagtitiyak sa kanya na lahat ng kinakaharap niya ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos. . . . Dahil napakahalaga ng encouragement sa church, hindi lang ito basta nirerekomenda ng Diyos; ipinag-uutos niya ito (1 Thess 4:18, 5:11; Heb 3:13).
Ang lakas ng loob na dulot ng tiyak na pagpapala (vv. 23-24)
Ang unang major source ng lakas ng loob na kailangan natin ay ang mga mabuting pananalita na natatanggap natin sa mga kapatid natin. Ang ikalawa naman ay ang tiyak na pagpapala na siyang ipinahayag ni Paul sa last two verses. Tinapos niya ang sulat niya, tulad ng karaniwan niyang ginagawa sa mga sulat niya, sa pamamagitan ng benediction. Hindi lang ito panghuling salita na karaniwan din nating naririnig sa dulo ng worship services natin. Galing ito sa salitang Latin: bene (good) + dicere (to speak), so “to speak good” o “to speak blessing.” In a way, it is a form of prayer. Pero hindi lang ito basta prayers tulad ng sinabi ni Paul sa Ephesians 1:16-19; 3:14-19. Ang prayers ay sinasalita sa Diyos, ang benedictions ay sinasalita sa tao. Ito ay pagdedeklara ng tiyak na pagpapala ng Diyos—merong certainty, merong boldness, merong confidence na sinasabi, “You are blessed by God. Now go and live in that blessing.”
Ibang-iba ito sa mga “declarations” na ginagawa ng ibang mga pastor sa prayers nila, “I declare na mawawala na ang sakit mo ngayon din! I declare financial blessings upon your family!” Ano ang kaibahan? Hindi naman ‘yan siguradong mangyayari. Hindi naman ‘yan ipinangako ng Diyos sa lahat. So, ang benediction ay dapat na nakaugat sa Salita ng Diyos, ipinangako ng Diyos, at authorized ng Diyos. Hindi ito basta pananalita lang. Sa bungad pa lang ng sulat niya, sinabi na niya na ito ang tiyak na pagpapala ng Diyos: “Grace to you and peace from God our Father and the Lord Jesus Christ” (Eph 1:2). Ganito rin siya nagtapos: “Peace be to the brothers, and love with faith, from God the Father and the Lord Jesus Christ. Grace be with all who love our Lord Jesus Christ with love incorruptible” (Eph 6:23-24).
Sagutin natin ang tatlong tanong sa passage na ‘to para para mas makita at mas maramdaman natin kung paano nagbibigay ng lakas ng loob ang tiyak na pagpapalang nakapaloob sa benediction na ‘to.
Anu-ano ito? Kapayapaan, pag-ibig, pananampalataya, biyaya
Unang tanong, anu-ano itong mga tiyak na pagpapalang binanggit ni Paul? Ang una ay kapayapaan, “Peace be to the brothers” (Eph 6:23). Ang kapayapaan ay tumutukoy sa state of wholeness o pagiging buo ng relasyong meron tayo sa Diyos at sa isa’t isa. Ang nasirang relasyon dahil sa kasalanan ay na-restore na dahil kay Cristo. Naipagkasundo na tayo sa Diyos at sa isa’t isa. BInanggit din ni Paul ang kapayapaang ito sa Ephesians 1:2. Natanggap natin ang kapayapaang ito because Christ “himself is our peace” (Eph 2:14). Dahil sa kanyang ginawa sa krus pinagkaisa niya ang mga Judio at mga Hentil (non-Jews) na dating magkaaway at sinira ang pader na namamagitan sa kanilang dalawa, “so making peace” (Eph 2:15). Ang kapayapaang ito ang layunin ng ministeryo ni Cristo (Eph 2:17). Ang church ay tinawag na sikaping “mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo” (Eph 4:3). Ang ebanghelyo ay tinawag na “the gospel of peace” (Eph 6:15). Ang kapayapaang ito ay nasa atin na dahil kay Cristo. Tiyak, garantisadong pagpapala. ‘Yan ang dapat na “name it and claim it!”
Ang ikalawa at ikatlo ay pag-ibig at pananampalataya, “love with faith” (Eph 6:23). Ang pag-ibig na ito ay nasa atin na dahil kay Cristo. Ito yung commitment ng Diyos na gawin kung ano ang makakabuti sa atin. At ang pinakamabuti sa atin ay ang ibigay ng Diyos ang kanyang sarili sa atin. God is our highest good. “Dahil sa pag-ibig ng Diyos, pinili niya tayo upang maging anak niya,” “for adoption to himself as sons” (Eph 1:4-5). Dahil sa “napakadakila ng pag-ibig” ng Diyos sa atin kaya tayo na dating mga patay sa kasalanan ay muli niyang binuhay (Eph 2:4). Ang pag-ibig na ito ang “ugat at pundasyon” ng buhay natin (Eph 3:17). Ito yung “pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip” (Eph 3:19). Ito yung pag-ibig na nag-uumapaw sa puso natin sa “pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal” (Eph 1:15). Kaya nagpaparaya at pinagtitiisan natin ang iba dahil sa ating “pagmamahal sa isa’t isa” (Eph 4:2). Ang ministry natin ay “sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig” (Eph 4:15). Tumitibay ang church natin “sa pamamagitan ng pag-ibig” (Eph 4:16). Dapat tayong lumakad o mamuhay “nang may pagmamahal tulad ni Cristo” na nag-alay ng kanyang buhay sa atin dahil sa kanyang pagmamahal sa atin (Eph 5:2). Nasa atin na ang pag-ibig ng Diyos. Tiyak at garantisado ang pagpapalang ito, name it and claim it!
Interestingly, ikinabit ni Paul itong pag-ibig sa pananampalataya, “pag-ibig na kalakip ng pananampalataya” (Eph 6:23). Sa pamamagitan ng pananampalataya, dumadaloy ang pag-ibig ng Diyos sa atin patungo sa ibang tao. Ito yung pananampalataya na meron tayo kay Cristo (Eph 1:1, 15; 3:12). Tinawag tayo para magkaisa sa pananampalatayang ito (Eph 4:5, 13). Ito yung panangga natin sa mga atake ng kaaway, “the shield of faith” (Eph 6:16). Ito yung pagpapala o regalong ipinagkaloob sa atin ng Diyos kaya tayo nakatanggap ng kaligtasan (Eph 2:8). Nasa atin na ang pananampalatayang ito. Tiyak at garantisado ang pagpapalang ito, name it and claim it!
Ang ikaapat na tiyak na pagpapala ay ang biyaya o kagandahang-loob ng Diyos, “Grace be with all who love our Lord Jesus Christ with love incorruptible” (Eph 6:24). Ang biyayang ito ay tumutukoy sa pabor o kabutihang tinanggap natin sa Diyos na hindi natin karapat-dapat tanggapin. Ang nararapat sa atin ay ang poot ng Diyos, na tayo dati’y “children of wrath, like the rest of mankind” (Eph 2:3). Pero tinanggap natin ang pagpapala ng Diyos hindi dahil sa anumang merit o worthiness natin kundi dahil lang sa merit, worthiness, at finished work ni Cristo sa krus para sa atin. Binanggit na niya itong “grace” sa simula pa lang (Eph 1:2). Sa pamamagitan ng biyayang ito kaya tayo naligtas, hindi dahil sa anumang gawa natin (Eph 2:5, 8). This grace is God’s “glorious grace” (Eph 1:6), “the riches of his grace” (Eph 1:7), “the immeasurable riches of his grace” (Eph 2:7). Tumutukoy rin ito sa biyaya ng Diyos sa pagkakatawag sa atin sa paglilingkod (Eph 3:2, 7, 8; 4:7). Ang biyayang ito ay nasa atin na. Tiyak at garantisado ang pagpapalang ito, name it and claim it!
Galing ito kanino? Mula sa Diyos
Peace, love, faith, grace—‘yan ang sagot natin sa unang tanong, “Anu-ano ang pagpapalang ito?” Ang sumunod naman na tanong na kailangang sagutin para magbigay ng lakas ng loob sa atin ay ito, “Kanino galing ang pagpapalang ito?” Obvious ang sagot: ito ay mula sa Diyos, “from God the Father and the Lord Jesus Christ” (Eph 6:23). Ipinapaalala sa atin nito ang Trinitarian source ng lahat ng pagpapalang espirituwal na tinanggap natin sa Ephesians 1:3-14. Tiyak ang pagpapalang ito dahil galing ito sa Diyos na ating Ama. He is the fountain of all goodness. Every good and perfect gift ay galing sa kanya. Bilang Ama, siya ay mabuti at makapangyarihang magkaloob ng mga pagpapalang ito. Tinanggap din natin ito mula sa Panginoong Jesu-Cristo. As “Lord,” kumpiyansa tayo na walang gawa ng kaaway ang makakaagaw nito sa atin. Ang pangalan niya ay “Jesus,” na siyang nag-secure ng salvation na kailangan natin. Ang titulo niya ay “Cristo,” na siyang itinalaga ng Diyos na magsalita (as prophet), mamagitan (as priest), at mamahala (as king) sa buhay natin. At siyempre, kahit hindi binanggit ang Holy Spirit dito, kasali siya. Implied yun. Dahil ang Holy Spirit ang seal at guarantee na ibinigay ng Diyos sa atin para makasigurado tayo na ang pagpapalang ito ay sa atin nga (Eph 1:13-14). Ipinapaalala nito sa atin na ang ultimate encouragement na kailangan natin ay hindi nanggagaling sa ibang tao, but from God as the ultimate source. Tayo ay mga daluyan o instrumento lamang ng encouragement na sa Diyos nanggagaling.
Para ito kanino? Para sa mga Kristiyano lamang
Ikatlo at huling tanong, Para kanino ang mga pagpapalang ito? Ang lakas ng loob na dulot ng tiyak na pagpapalang ito ay mapapasaatin lang kung ito ay para sa atin. Sinabi ni Paul ang blessing na ‘to “to the brothers” o sa mga kapatid sa Panginoon. Normally, sinasabi ni Paul, “Grace to you” sa ibang mga sulat niya. Pero dito hindi second person, kundi third person ang reference niya. Maaaring nag-iindicate ito na ang sulat niyang ito sa mga taga-Efeso ay hindi lang para sa kanila, kundi isang circular letter na intended niya para basahin din sa ibang mga churches. Anuman ang rason, malinaw na ang benediction na ‘to ay para lamang sa mga Kristiyano. Not necessarily sa lahat ng makakabasa nito, o lahat ng dadalo sa worship service. Kung hindi ka isang Kristiyano, you cannot claim this blessing for yourself.
Ang pagpapalang ito ay para lamang sa mga nagmamahal kay Jesus, sa “lahat na umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo” (Eph 6:24). Ibig sabihin, you treasure him above all things, itinuturing mo siyang kayamanan at kagalakan—bilang Panginoon na siyang namamahala sa buhay mo, bilang nag-iisang Tagapagligtas mo, bilang natatanging paraan para ikaw ay makalapit sa Diyos. At ang pag-ibig na ito ay “incorruptible,” o walang maliw, o imperishable, o undying love. Oo, may panahong ang pag-ibig natin kay Cristo ay mainit, may panahon din na nanlalamig. Pero kung ikaw ay nakay Cristo, ang pag-ibig na ‘yan ay hindi nawawala, at tiyak na magpapatuloy hanggang sa dulo.
Kung ang pagpapalang ito ay tiyak lamang para sa mga nagmamahal kay Cristo, paano naman ang mga taong walang pagmamahal sa kanya? Paano ikaw ngayon na ang puso ay hindi pinananahanan ng pag-ibig ni Cristo at patuloy na nahuhumaling sa mga bagay sa mundong ito? ‘Wag mong asahan and don’t assume na nasa ‘yo ang pagpapalang ito. Pakinggan mo ang bigat ng mga salitang ito: “Sumpain ang sinumang walang pag-ibig sa Panginoon!” (1 Cor 16:22). Ang tanging paraan para ang mga pagpapalang ito ay tiyak na mapasaiyo ay sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Cristo lamang.
Application Questions
So, kung ikaw ay nagtitiwala kay Cristo, take heart. Ang lakas ng loob na kailangan mo, kailangan ko, kailangan nating lahat ay nanggagaling sa mabuting pananalita para sa atin tungkol sa gawa ng Diyos sa buhay natin at sa tiyak na pagpapala na mula sa Diyos sa lahat ng nakay Cristo. Let us close with two questions na makakatulong sa atin para mai-apply ang mga salitang ito sa buhay natin.
Sinu-sino ang ginamit at ginagamit ng Diyos para palakasin ang loob mo?
Ang una ay ang pagkilala na naging recipient na tayo ng ministry of encouragement. Sinu-sino ang ginamit at ginagamit ng Diyos para palakasin ang loob mo? Ang parents mo o ang pastor mo o ang nagdi-disciple sa ‘yo o isang deacon ng church o isang matandang member sa church—na-encourage ka ba nila in some specific way? Paano? Bakit hindi mo pasalamatan ang Diyos dahil dun? At isa pa, bakit hindi mo sabihin sa kanila personally kung paano ka nila na-encourage? By doing that, magiging encouragement ka rin sa kanila. Baka kasi akala nila hindi sulit ang paglilingkod na ginagawa nila, o baka napapagod na sila o nagsasawa na sila. So, give them a testimony kung paano sila nakatulong sa ‘yo, kung ano ang nagbago sa buhay nila dahil sa ginawa o sinabi nila. You can also speak a word of blessing sa kanila.
Sinu-sino naman ang hahayaan mong gamitin ka ng Diyos para palakasin din ang loob nila?
Ang ikalawa naman ay may kinalaman sa commitment na dapat nating gawin para itong encouragement na natanggap natin mula sa Diyos sa pamamagitan ng ibang tao ay maipasa rin naman natin sa iba. Sinu-sino naman ang hahayaan mong gamitin ka ng Diyos para palakasin din ang loob nila? Meron ka bang napapansin na matagal nang hindi uma-attend? O uma-attend nga at active sa ministry pero parang hindi na masaya, parang pagod na, parang nagiging impatient na sa ibang members na ayaw man lang tumulong sa ministry. O isang member na dumaraan sa matinding pagsubok sa buhay. O isang misyonero o member na nasa ibang bansa na baka nalulungkot na dahil malayo sila sa atin. How can you encourage them? Pray for them. Sabihin din ninyo na pinag-pray ninyo sila. O, write a letter to them. Mga simpleng bagay na malaki ang maitutulong dahil pinalalakas nito ang mga nanghihina para magpatuloy na magtiwala at sumunod kay Cristo hanggang sa araw ng kanyang pagbabalik.
Mga kapatid, kailangan natin ang bawat isa. ‘Yan ang essence ng pagiging miyembro ng church. Meron tayong responsibilidad na palakasin ang loob ng bawat isa. At tayo rin naman ay makikinabang dito because you have the whole church working together to encourage your faith. At lahat ng ito ay para lamang sa karangalan ng Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala at lahat ng mabubuting bagay na tinatanggap natin. Soli Deo gloria!
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

