Hindi laging madaling gabayan ang mga single Christians na gustong makapag-asawa at nakikipaglaban sa discontentment. Pero ito ay isang pribilehiyo. At ito ay ipinagkatiwala sa bawat pastor.
Narito ang siyam na bagay na dapat ituro at bigyang-diin sa mga single na nakikipaglaban sa discontentment sa inyong church:
1. “Ang pagiging kontento ay nararapat sa lahat ng Kristiyano, hindi lang sa mga single Christians.”
Mahalagang tandaan, at malinaw na ipaalam, na ang mga single Christians ay hindi isang espesyal na uri ng tao na talagang kailangang magsumikap sa pagiging kontento. Lahat tayo ay kailangang pagsumikapan yun.
Kung tutuusin, ang discontentment ay hindi katangian ng mga pusong single; katangian ito ng puso ng mga tao. Ito’y “karaniwan sa tao” (1 Cor. 10:13), at dinudungisan nito ang bawat yugto ng buhay mula pa noong sina Adan at Eba ay hindi nakuntento na pagtiwalaan ang salita ng Diyos at piniling makinig sa bulong ng ahas (Gen. 3:1-7).
Sa totoo lang, ang discontentment ay mukhang maliit kumpara sa iba pang mga kasalanan. Pero hindi ito maliit na kasalanan. Ito ay seryosong kasalanan dahil nagpapahayag ito ng kasinungalingan tungkol sa Diyos: na hindi siya sapat para punan ang ating mga kailangan.
Single man o may asawa, hindi na tayo kailangang turuan ng discontentment. Lahat tayo ay expert na sa usaping ito. Kahit nga ang pagkatuklas ni apostol Pablo sa “secret of contentment” ay hindi natural na nangyari sa kanya; kinailangan niya itong matutunan (Phil. 4:11). Nag-enroll siya sa school of contentment, at kailangan din natin itong gawin.
Ibig sabihin, ang paglago ng contentment ay hindi parang pag-inom ng gamot, kundi tulad ng isang healthy diet. Ito ay nangyayari sa paglipas ng mga buwan at taon, hindi ng mga oras at araw.
Kaya nga, sabihin mo sa mga single Christians sa inyong church ang sinasabi mo sa bawat Kristiyano sa church n’yo: Ang pinakamataas na layunin ng Diyos ay hindi baguhin ang sitwasyon mo, kahit maaari niyang gawin iyon; kundi ang baguhin ka.
2. “Ang pagiging kontento ay hindi nangangahulugang hindi ka pwedeng maghangad na mag-asawa.”
Sana hindi na kailangang banggitin ito, pero sasabihin ko pa rin para lang sigurado: Kapag ang “Sovereign ang Diyos; makuntento ka na” ay nagiging code ng “Sovereign ang Diyos; tigilan mo na ang pagnanais o pagpupursigi na mag-asawa,” masasabi kong hindi maganda ang payo na ‘yan.
Ang puso ng tao ay komplikado. Maaari itong maghangad ng pag-aasawa at ng kalooban ng Diyos—kahit pa hindi kasama rito ang pag-aasawa. Mismong si Jesus ay nakaranas ng paghahangad na hindi natupad habang sumusunod sa plano ng Ama (Mat. 26:39).
Sa katunayan, tanda ng spiritual maturity ng isang Kristiyano ang pagdadala niya ng hangarin na mag-asawa sa trono ng langit, at pagbubuhos ng puso niya sa Diyos na nakakarinig at nagmamalasakit. Ang pagpapalagay na ang hangaring ito ay masama ay isang uri ng Stoicism, hindi ayon sa prinsipyo ng Kristiyanismo.
3. “Hindi ka naghihintay na maging buo.”
Ang pagiging single ay hindi hadlang sa pagiging ganap na tao; ito ay paghahayag na siya’y ganap. Halimbawa, ang buhay ng babae ay hindi nagsisimula kapag siya ay naging misis o nanay, kundi nang taglayin niya ang larawan ng Diyos.
Pastor, mahinahon mong ipaalala sa discontented na single na ang marital status nila ay hindi nagdidikta ng kanilang pagkatao. Ang mga salitang “single” at “married” ay normal, pero ito ay mga salitang panlarawan (adjectives) lang at hindi pangngalan (nouns).
Sa tingin ko, maraming mabubuting tao ang nakagawian na tingnan ang pagiging single bilang lahat-lahat sa buhay o hindi mahalaga. Yung tao na ang pagtingin sa singleness ay lahat-lahat sa buhay ay kadalasan nagsisimula sa tanong na tulad ng “May boyfriend/ girlfriend ka ba?” Yung tao naman na ang pagtingin sa singleness ay walang halaga ay magre-reseta ng contentment na para bang ito ay isang gamot—yung “Sovereign ang Diyos, maging kontento ka” na nabanggit noong una. Bilang mga pastor, dapat nating kilalanin ang paghahangad ng discontented na single habang hindi itinuturing na para bang ito lang ang nangyayari sa buhay nila.
Siyempre, wala nang mas bibigat pa sa katotohanan na ang pinakabuong tao sa kasaysayan ay kailanman hindi nakipagtalik at hindi ikinasal. Kung ang pagiging single ay pagiging kulang, ganoon din si Jesu-Cristo.
4. “Maipapakita mo ang Mabuting Balita sa kakaibang paraan.”
Kaugnay nito, malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang pag-aasawa ay sumasalamin sa mabuting balita, at pinapakita nito ang pagiging-isa ni Jesus at ng kanyang bride, ang church (Eph. 5:32).
Pero ang ibig bang sabihin nito ay hindi sinasalamin ng single Christian ang mabuting balita? Hindi naman sa ganun. Sinasalamin ng godly singleness ang church sa panahong ito habang naghihintay tayo, nang may pag-asa, sa pagbabalik ng ating Tagapagligtas. Sa katunayan, sa tingin ko ay maaaring ma-enjoy ng mga single ang espesyal na uri ng pakikipag-isa kay Jesus na hindi magagawa ng mga may asawa. Kung tutuusin, si Jesus ay naghihintay rin sa araw ng kanyang kasal (Rev. 19:6-10).
Sabi ni Sam Allbery: “Ang marriage at singleness ay parehong sumasalamin sa mabuting balita. Ang una ay repleksyon ng hugis nito, ang huli ay ang kasapatan nito.” Pastor, tulungan mo ang mga single Christians sa inyong church na makita kung paano nila masasalamin sa natatanging paraan ang kasapatan ng mabuting balita, habang hinihintay ang pinakadakilang kasal.
Pagdating sa malinis na pamumuhay ng isang dalaga, ganito pa nga ang isinulat ni Elisabeth Elliot:
Kapag kusa niyang ibinigay ang kanyang sarili sa pag-ibig kay Cristo, hindi niya kailangang ipagtanggol ang kanyang sarili sa mundo o sa mga Kristiyanong bumabato sa kanya ng napakaraming tanong at suhestyon. Sa paraang hindi kayang maranasan ng babaeng may asawa, ang araw-araw niyang “buháy na handog” ay isang makapangyarihan at tahimik na patotoo, isang nag-uumapaw na pagmamahal. Naniniwala akong mas malalim pa niyang mararanasan ang “hiwaga” kaysa sa ating lahat.”
5. “Ang iyong singleness ay isang regalo at pagkatawag.”
Nabubuhay tayo sa panahong sensual kung saan ang halaga ng mga tao ay madalas sinusukat na lang sa sekswalidad. Ang paulit-ulit na paalala, kung gayon, na ang dalisay na pamumuhay ay isang biyayang dapat nating yakapin at hindi isang krus na dapat pasanin ay taliwas sa paniniwala ng mundo pero naaayon sa Bibliya.
Malinaw na sinabi ni Pablo na ang singleness ay isang mabuting regalo mula sa Diyos:
Kung pwede lang, gusto ko sanang kayong lahat ay maging katulad ko na walang asawa. Ngunit may kanya-kanyang kaloob sa atin ang Dios, at hindi ito pare-pareho. Ngayon, ito naman ang masasabi ko sa mga wala pang asawa at sa mga biyuda: mas mabuti kung magpatuloy na lang kayo sa kalagayan ninyong iyan. . . .Kaya mabuti kung mag-aasawa siya, ngunit mas mabuti kung hindi. (1 Cor. 7:7–8, 38; cf. Mat. 19:10–12)
Siyempre, ang simpleng pagsasabi na ang singleness ay isang regalo ay hindi naman laging nakakatulong. Kung tutuusin, merong regalo na hindi ginusto ng isang tao. Pagsikapan mong ipakita sa kanila kung bakit napakaganda ng regalong ito sa paningin ng langit. Tulungan mo silang makita ang mga posibilidad na binalot sa regalong ito.
Ang singleness ay hindi uri ng regalo na pagkatapos mong buksan ay idi-display mo lang; ito ay regalo na gagamitin mo. At ang regalong ito ay hindi lang para sa taong single, kundi sa buong komunidad nila. Ang lahat ay nakikinabang sa buhay ng taong hindi kasal na niyakap ang pagkatawag na ito—ang misyong ito—mula sa Hari mismo. Sa librong When the Church Was a Family, nagbigay si Joseph Hellerman ng isang nakakapukaw na obserbasyon:
Ang pakay ni Pablo sa 1 Corinthians 7 ay hindi tanungin kung paanong tumutugma ang singleness sa plano ng kaharian ng Diyos. Ang binibigyang linaw ni Pablo ay kung paanong ang pag-aasawa ay naaangkop sa plano ng kaharian. Ang mga taong single ay automatic nang nasa planong ito. Sila ay “abala sa mga gawain ukol sa Panginoon” (v. 32). Ang mga may asawa ang nangangailangan ng tulong na maitama ang kanilang mga priorities.
Ang mga Kristiyanong single ay hindi naka-standby lang, na naghihintay ng kanilang tungkulin sa kaharian ng Diyos. Huwag tayong magturo ng kontra sa katotohanang iyan sa ating mga churches.
*Mula sa unang bahagi ng original article na 9 Ways to Pastor Those Longing for Marriage na isinulat ni Matt Smethurst. Si Matt Smethurst ay Lead Pastor ng River City Baptist Church sa Richmond, Virginia at author ng “Tim Keller on the Christian Life” at “Deacons.” Salin ni Jheddilyn Rucio.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

