Tungkol sa authority
Nandito na tayo ngayon sa ikatlo at panghuling bahagi ng tinatawag na “household code” sa Ephesians 5:22-6:9. Malinaw na makikita natin ang order of authority sa pamilya at sa trabaho na dapat ipamuhay ng bawat isang Kristiyano, tayong mga nakay Cristo, tayong mga tagasunod ni Cristo: tungkol sa mag-asawa (Eph 5:22-33), sa mga magulang at mga anak (Eph 6:1-4), at ngayon naman sa mga amo at kanilang alipin o servants (Eph 6:5-9).
Kapag issue ng authority ang pinag-uusapan, nakakalungkot lang na nagiging negatibo ang perception dito ng maraming tao. Merong suspicion of authority, yung pagtingin na hindi maganda na merong nasa posisyong nakatataas sa ‘yo at siyang dapat masunod at ikaw naman ay nasa mas mababang posisyon at dapat na magpasakop at sumunod. So, yung iba, in the name of equality and freedom, ipinaglalaban talaga na kung pantay-pantay ang bawat tao—na totoo naman dahil we are all equally created in the image of God—dapat din daw ay wala nang ganyang order of authority. So they advocate for mutual submission sa mag-asawa, na hindi lang babae ang nagpapasakop sa lalaki, dapat ang lalaki din ay nagpapasakop sa babae. Pati sa mga bata, nakalulungkot kapag sinasabi na nila ngayon na ayaw na nilang magulang nila ang nasusunod, dapat daw ay may kalayaan silang magpasya sa sarili nila kung ano ang gusto nila. Kaya meron mga babae na gustong ituring siyang lalaki, dapat daw hayaan na yun ng magulang nila. Na para ba tuloy nagiging unloving na kapag ipipilit mo na dapat hindi ikaw ang nasusunod kundi ang mga magulang mo.
Ang ilan sa mga ganitong reactions ay dahil sa misuse of authority o yung maling paggamit ng authority na bigay sa kanila ng Diyos. Nakakalungkot naman talaga na merong mga lalaki ang nagiging pabaya at abusado sa kanilang asawa at mga anak. Hindi naman talaga tama na nananakit ang mga lalaki sa kanilang asawa at ang mga magulang sa kanilang mga anak—physically, emotionally, o sexually. Hindi yung authority ang problema dito. Ang pinakaproblema ay yung improper use of authority. At problema din kung dahil dito ay magrerebelde tayo o isasantabi natin yung authority na dinisenyo ng Diyos sa mga basic relationships na meron tayo—sa bahay man ‘yan, sa trabaho, sa gobyerno, o sa church.
So, ang ginagawa dito ni Pablo sa bahaging ito ng sulat niya ay binibigyang-diin yung proper order and proper use of authority. Yes, ine-emphasize din niya dito siyempre yung pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae, ng magulang at anak, at ng amo at alipin, kung ang relasyon natin kay Cristo ang pagbabatayan. Kaya nga sa common cultural perception na mababa ang tingin ng mga tao sa mga babae, sa mga bata, at sa mga alipin, pansinin n’yo na sa bawat bahaging ito ay inuuna niyang i-address ang mga babae bago ang mga lalaki, ang mga anak bago ang mga magulang, at ang mga alipin bago ang kanilang mga amo. Bakit? Para i-communicate din sa kanila na mahalaga kayo; in fact, kasing halaga kayo ng mga taong itinuturing ninyong mas mataas ang authority sa inyo.
Pero ginagawa ito ni Pablo in a way na hindi na-aabolish yung kasalukuyang order of authority. Ang babae ang magpapasakop sa asawa niya, at hindi ang lalaki ang magpapasakop sa babae. Ang anak ang susunod sa magulang, hindi ang magulang ang susunod sa anak. Ang alipin ang susunod sa amo niya, hindi siya ang mag-uutos sa amo niya. Hindi pwedeng pagbaligtarin.
Instead of abolishing this structure of authority, ang ginagawa dito ni Pablo ay ipinapakita niya kung paanong si Cristo, ang ebanghelyo, at ang pakikipag-isa natin kay Cristo ay bumabago sa paggamit natin ng authority, pag-respond natin sa authority (ginamit man ito nang tama o hindi), at sa relasyon natin sa ibang tao, especially sa mga kapatid natin kay Cristo. The gospel changes everything, absolutely everything. Sabi sa notes dito ng ESV Gospel Transformation Bible:
Walang bahagi ng buhay—maging napakalaki o tila karaniwan—na hindi kayang pakabanalin at pagtibayin ng persona at gawa ni Cristo. Ang ebanghelyong Kristiyano ay hindi isang malabong pormula na hiwalay sa pang‑araw‑araw na pamumuhay. Ang ebanghelyo ang nagliliwanag at bumabago sa bawat aspeto ng buhay.
This is obvious kung makikita natin yung mga obligasyong inilatag dito ni Pablo in light of the context ng kabuuan ng buhay Kristiyano. Kasali ito sa panawagan sa atin na lumakad o mamuhay ayon sa pag-ibig ng Diyos (Eph 5:1-2), ayon sa liwanag ng Diyos (Eph 5:8), at karunungan ng Diyos (Eph 5:15), na magagawa lang natin kung nauunawaan natin ang kalooban ng Diyos at ginagabayan tayo ng Espiritu ng Diyos (Eph 5:17-18). Posible lang ito sa mga taong nakay Cristo. If you are outside of Christ, imposible. Behaviorally, externally, posible, pero yung pagsunod na from the heart, out of the overflow of our relationship with Christ, ay imposible kung wala ka namang relasyon kay Cristo in the first place.
Paano ka magpapasakop sa asawa mo “as to the Lord” (Eph 5:22) kung wala ka naman kay Cristo? Yung mga lalaki, ang pagmamahal natin sa asawa natin ay “as Christ loved the church” (Eph 5:25). Mga anak, yung pagsunod sa magulang ay “in the Lord” (Eph 6:1). Mga magulang, sa pangunguna ng mga tatay, yung pagpapalaki sa mga anak ay “in the discipline and instruction of the Lord” (Eph 6:4). Kaya napakahalagang tayo ay nakakabit kay Cristo at nananatiling nakakabit kay Cristo. Sabi nga ni Cristo, “wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.” Pero yung “nananatili” sa kanya “ang siyang nagbubunga nang sagana” (John 15:5).
Dito sa text natin sa Ephesians 6:5-9, mas binibigyang-diin ito ni Pablo sa pamamagitan ng references kay Cristo, sa Panginoon, in every single verse. Pakinggan n’yo:
Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong katapatan, takot at paggalang, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran. 6 Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo’y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos. 7 Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. 8 Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya. 9 Mga amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo’y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at pantay ang kanyang pagtingin sa inyo.
Tungkol sa kaugnayan sa buhay natin ngayon (6:5, 9)
Tulad ng ginawa niya sa nakaraang dalawang sections, inuna niya (sa verses 5-8) yung mga taong nasa ilalim ng authority ng iba, at sinundan naman (sa verse 9) ng mga nasa position of authority. Pero bago natin pag-usapan kung anu-ano yung obligasyong nakapaloob dito, at kung paano at bakit yun ang dapat gawin, pag-usapan muna natin yung relevance o kaugnayan nito sa buhay natin ngayon. Sino ba sa inyo ang alipin na may among pinagsisilbihan? Sino naman sa inyo ang amo na may aliping nagsisilbi sa kanya? Wala naman, di ba? So yung social structure na ina-address ni Paul sa church sa Ephesus at sa Greco-Roman culture na isang household na merong master-slave relationship ay non-existent sa panahon natin ngayon. Walang totally similar na equivalent, kahit pa noong panahon na meron pang slave trade sa America. Merong similarities, meron ding differences. So, paano ito magiging applicable sa atin ngayon? Kailangan nating maintindihan kung sinu-sino ang mga “alipin”/”bondservants” noon at ano ang katumbas niyan ngayon, at kung sinu-sino ang mga “panginoon”/“masters” noon at ano ang katumbas niyan ngayon.
Sinu-sino ba yung “alipin” o “bondservants” (ESV) na ina-address dito ni Paul? Literally, ito ay “slaves,” na galing sa salitang doulos. Ito ay mga taong legal na pagmamay-ari ng ibang tao kaya’t ang kanyang buong kabuhayan ay hawak ng kanyang amo (o panginoon, master) na galing naman sa salitang kurios, na isinasalin natin na “Lord” kung ang Panginoong Jesus ang tinutukoy. So, merong legal arrangement ang relationship na ‘to. Merong obligasyon ang mga alipin na dapat gawin ayon sa ipinapagawa sa kanila ng kanilang master. Hindi ito basta employment lang na pwede kang mag-resign kung ayaw mo na. Kaya nga nung sumulat si Pablo kay Philemon tungkol sa alipin niyang si Onesimus na nilayasan siya, sinabi ni Pablo na pinababalik na niya si Onesimus at nakikiusap siya kay Philemon na tanggapin ulit at patawarin sa anumang nagawang kasalanan nito (Phm 12). At pagbalik niya, na siya’y tanggapin hindi lang bilang alipin, slave pa rin, pero higit pa dun, “kundi bilang isang minamahal na kapatid…kapatid sa Panginoon” (Phm 16).
Ang major concern ni Pablo rito ay hindi ipaglaban na i-abolish na yung slave system sa society nila, kundi turuan ang mga Kristiyano—slave man sila o slave owner—na mamuhay bilang mga nakay Cristo. Totoo na merong mga abuses noon, at merong mga amo na sinasaktan ang kanilang alipin, minamaltrato, itinuturing na para bang hindi na mga tao kundi mga objects na pagmamay-ari nila na pwede nilang gawin kung ano ang gusto nilang gawin, less than human ang tingin sa mga slaves, at ang mga batas ng gobyerno ay mas pabor sa mga amo kesa sa mga alipin. Even if that is the case:
Hindi itinataguyod nina Pablo at ng unang iglesya ang agarang pag-alis ng pagkaalipin bilang isang institusyon. Ang diin ng Kristiyanismo ay palaging nasa pagbabago ng mga indibidwal—na sila namang magiging impluwensiya sa lipunan—hindi sa pagbabago ng lipunan na siya namang magbabago sa mga indibidwal. (Hoehner, Ephesians, 804)
Magkakaroon lang ng pagbabago kung ipapamuhay natin ang bagong kalagayan na meron tayo kay Cristo—alipin man o malaya. Pakinggan n’yo ang sabi ni Paul sa sulat niya sa mga taga-Corinto:
…ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. 20 Manatili ang bawat isa sa kalagayan niya nang siya’y tawagin ng Diyos. 21 Ikaw ba’y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag kang mag-alala tungkol doon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo. 22 Ang taong alipin nang tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya’y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo. 23 Nabili na at bayád na kayo; huwag na kayong paalipin sa mga tao. 24 Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo’y tawagin, manatili kayo roong kasama ng Diyos. (1 Cor 7:19-24)
So, ano ang pinakamahalagang bagay na nagbubuklod sa relasyon ng “alipin” at “panginoon”? Hindi anumang legal arrangements na ayon sa provisions ng batas ng gobyerno, kundi ng common relationship na meron sila kay Cristo. Yun ang pinakamahalaga sa lahat. May relevance din naman ito kung ang isa ay unbeliever, at ikaw lang ang nakay Cristo, although ibang-iba siyempre yung ganyang relasyon dahil hindi mo aasahan ang isang unbeliever na aasta na para bang isang Kristiyano. So, our goal ay maipag-pray na maging Kristiyano ang sinumang katrabaho natin, maibahagi sa kanila kung sino si Cristo, at umasa sa kapangyarihan ng Diyos na bumago sa puso ng tao. And, of course, make sure na ikaw mismo ay nakay Cristo. Magagawa mo lang ang mga sinasabi sa salita ng Diyos, genuinely, from the heart, at sa paraang nakakapag-glorify sa Panginoon, kung ikaw ay may pananampalataya kay Cristo.
Dito ngayon natin makikita na bagamat itong master-slave relationship ay walang direct equivalent sa panahon natin ngayon, meron itong application sa anumang trabaho na ginagawa natin—ikaw man ay nasa authority o nasa ilalim ng pamamahala ng iba. Ito man ay sa loob ng bahay, tulad ng mga anak na binibigyan ng trabaho ng magulang o ng magulang na nagbibigay ng trabaho sa anak, o mga work-from-home employees o managers o business owners na merong superior na accountable ka o merong mga tauhan na pinangangasiwaan mo; o trabaho sa labas ng bahay, tulad ng mga pumapasok sa eskwelahan bilang estudyante o tagapagturo, o pumapasok sa opisina, o nagtitinda sa palengke, o nagnenegosyo; o trabaho sa loob ng church, pastor man na tulad ko o mga miyembro na ginagampanan ang iba’t ibang trabaho sa ministeryo. So, anumang trabaho, may sweldo man o wala, merong application itong sinasabi ni apostol Pablo.
Tungkol sa mga nasa ilalim ng authority ng iba (6:5-8)
Unahin muna natin yung sinasabi niya na mas mahaba, verses 5-8, tungkol sa mga alipin, o sa sinumang nasa ilalim ng authority ng iba—mga anak, mga estudyante, mga empleyado, mga miyembro ng church.
Ano ang dapat gawin? (v. 5)
Ano ang dapat gawin? Malinaw ang sabi ni Pablo, “Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa” / “Bondservants, obey your earthly masters” (Eph 6:5). Ang iniuutos ay tulad din ng pagsunod ng mga anak sa kanilang mga magulang, “Children, obey your parents in the Lord” (Eph 6:1). Kung ikaw ay nasa ilalim ng awtoridad ng ibang tao, ikaw ang dapat na sumusunod; hindi ikaw ang nasusunod. Pinapakinggan mo dapat ang sinasabi nila, ginagawa ang ipinapagawa nila, gusto mo man o hindi ang ipinapagawa sa ‘yo. Pwedeng mag-suggest, pwedeng mag-request, pwedeng mag-apela, pero sa bandang huli kailangan mong sumunod.
Pwede kang hindi sumunod, at dapat lang na ‘wag mong sundin, ang boss mo kapag sinabihan ka na sumuway sa utos ng Diyos. Kapag pinagbawalan kang sumamba sa Diyos at dumalo sa pagtitipon natin every Sunday, pwede kang magpaalam; at kung hindi ka pinayagan, be ready to face yung consequences of your obedience to God. Kaya nga sabi ni Paul, “obey your earthly masters,” para ipaalala na ultimately ang allegiance, devotion, at obedience natin ay nasa Panginoon natin na merong “authority in heaven and on earth” (Mat 28:18). ‘Wag kang magpaalipin sa amo o sa trabaho mo. Pwede kang mag-resign at maghanap ng ibang trabaho. You are a slave of Christ. Walang resignation sa ating pagiging tagasunod ni Cristo.
Paano ito dapat gawin? (vv. 5-7)
Malinaw kung ano ang dapat gawin: sumunod. Pero higit na mahalaga para kay Pablo kung paano ito dapat gawin. Hindi lang sumusunod ka, kundi ang pagsunod mo ay may tamang puso. Mahaba ang sagot ni Pablo sa tanong na ‘to, na nag-ooccupy ng verses 5-7. Hatiin lang natin sa tatlong bahagi ang sagot na ‘to, at pansinin natin na bawat sagot ay nakakabit kay Cristo.
Unang bahagi ng sagot, “Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong katapatan, takot at paggalang, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran” (Eph 6:5). Ang pagsunod ay dapat na may “takot at paggalang.” Literally, “with fear and trembling,” “may takot at panginginig” (AB). Hindi dahil sa takot na saktan ka kapag hindi ka sumunod, o tanggalan ka ng trabaho, o sabihin ng mga tao na worthless ka o walang silbi. No, ito yung pagkatakot at malalim na paggalang dahil kinikilala mo na ang taong sinusunod mo ay nasa position of authority na nakahihigit sa ‘yo. Bukod dito, ang pagsunod din ay dapat na “may buong katapatan” o “sincerity of heart.” Pwede ring isalin na “singleness of heart.” Buo ang puso mo, hindi ka double-minded, meron kang loyalty, hindi ka hipokrito sa ginagawa mo, na yung ginagawa mo ay hindi salungat kung ano ang nasa saloobin mo. Kunwari ang bait-bait mo sa boss mo, pero sa loob-loob mo, “Ako nga dapat ang boss; hindi ka naman deserving dyan.”
Ang ganitong klaseng pagsunod ay dapat ding gawin “na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran.” Magbabago ang attitude mo sa trabaho kung iniisip mo na ang ginagawa mo ay hindi primarily dahil deserving ang boss mo sa ganitong pagsunod kundi dahil ito ay ginagawa mo alang-alang kay Cristo na siyang itinalaga ng Diyos na Panginoon, Amo, Boss, Superior natin na nasa langit, nakaupo sa kanang kamay ng Diyos. He is totally deserving of our obedience.
Ikalawang bahagi ng sagot, “Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo’y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos” (Eph 6:6). Ang pagsunod ay dapat gawin “may nakakakita man o wala.” Hindi dapat maging “eye-service,” yung sumusunod lang kapag nakikita ng amo, masipag kapag may nakabantay. Kapag work-from-home, at wala naman ang boss, tatamad-tamad. Pero kapag sa office, pakitang-gilas. Gagawin natin ‘to “hindi upang mapuri ng mga tao,” not “as people-pleasers.” Kapag maayos naman talaga ang trabaho natin, matutuwa ang mga superiors natin. Pero hindi yun lang ang motibo natin na para matuwa sila at mapromote tayo o magkadagdag na bonus. Kung ganyan kasi, mas madali tayong magkumpromiso kapag may pinapagawa na sa atin na taliwas sa utos ng Diyos: kapag pinagsisinungaling ka, kapag sinasabing suhulan mo.
Ganito yung puso ni Pablo sa paglilingkod: “Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo” (Gal 1:10). Yung salitang “alipin” dito ay doulos, tulad ng sinabi rin niya sa text natin na ipinaalala niya sa mga alipin ang kanilang pangunahing identity, hindi doulos ng amo nila, kundi doulos ni Cristo; hindi lang “mga lingkod ni Cristo” tulad ng salin ng MBB, kundi “alipin ni Cristo” (AB). At bilang alipin ni Cristo, nangingibabaw sa hangarin natin hindi ang masunod ang gusto ng amo natin para masiyahan sila kundi ang “buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos.” Yun ang higit sa lahat. Mahalaga na tama ang puso natin sa lahat ng ginagawa natin, yung pusong nagpapasakop sa kalooban ng Diyos—anuman ang sabihin ng ibang tao, anuman yung maging consequences ng ganitong pagsunod. Ang tao ay tumitingin sa mga nakikitang ginagawa natin, pero ang Diyos ay tumitingin sa puso higit sa lahat.
Ikatlong bahagi ng sagot kung paano dapat ang ganitong pagsunod, “Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao” (Eph 6:7). Paano daw dapat “maglingkod” o literally, “gawin ang trabaho ng isang alipin”? Maglingkod “nang masaya ang kalooban” o “with a good will.” Not necessarily “masaya,” pero “may mabuting kalooban.” Again, puso ang target dito. Yung merong inclination o hangarin ang puso natin na gumawa ng mabuti sa pinaglilingkuran natin. Hindi yung mabuti nga ang ginagawa mo, pero ang hangad mo naman ay masama para sa kanya. Merong mga tao na pinaglilingkuran mo na, ginagawan mo na nang mabuti, pero masama pa ang ginaganti sa ‘yo. Pero hindi natin sila dapat gayahin dahil ang paglilingkod ay ginagawa “na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao.” Siya yung Lord and Master and King natin, hindi yung pastor ng church, hindi yung tatay ninyo, hindi yung employer ninyo. Gagawan mo ba ng masama ang Panginoon na napakabuti ng pagtrato sa ‘yo sa araw-araw kahit na you are not deserving of his goodness and kindness? Gagawan mo ba ng masama ang Panginoon na nagbigay ng kanyang buhay para sa ‘yo? So, maglingkod ka nang may masaya at mabuting puso.
Bakit ito dapat gawin? (v. 8)
Pagkatapos sabihin ni Pablo kung paanong ang pagsunod natin ay dapat na nagpapakita ng paggalang, katapatan, at paglilingkod natin kay Cristo, nagbigay naman siya sa verse 8 ng motivation kung bakit natin ito dapat gawin. Sabi niya, “Sapagkat (ito ang dahilan kung bakit!) alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya” (Eph 6:8). Alam na nila ‘to, kailangan lang ipaalala kasi madali tayong makalimot. Nawawalan tayo ng gana na maglingkod wholeheartedly kapag hindi mo nakukuha yung magandang resulta nito—kapag gumawa ka na ng mabuti, pero ikaw pa yung lumabas na masama, kapag todo effort ka na sa ginawa mo pero napagalitan ka pa, kapag ang liit-liit lang ng pasweldo sa ‘yo, kapag sa halip na pasalamatan ka puro yung mali mo ang napupuna, kapag hindi ibinigay sa ‘yo yung tingin mo ay deserve mo.
Ano ang dapat nating alalahanin kapag ganun? Na, ultimately, ang expectations natin ay wala sa anumang gagawin, sasabihin, o ibibigay sa atin ng tao. Dahil nga ang pinaglilingkuran natin, ultimately, ay ang Panginoon, tulad ng nakita sa verse 7, yung reward sa kanya din manggagaling. “Ang bawat mabuting gawa” natin ay hindi mababalewala kundi “gagantimpalaan ng Panginoon.” Literally, babalik sa ‘yo ang mabuting gawa mo. Sisiguraduhin ng Diyos na hindi ‘yan masasayang. Of course natural sa atin mag-expect ng immediate o short-term reward sa ginagawa natin—sweldo, promotion, compliment o appreciation. Pero yung pangako ng Diyos ay higit pa sa lahat ng ‘yan. So? 1 Corinthians 15:58, “Therefore, my beloved brothers, be steadfast, immovable, always abounding in the work of the Lord, knowing that in the Lord your labor is not in vain.” Ang susi dito, “in the Lord.” Kasi kung sa tao lang, hindi natin ‘yan maaasahan. Kung may ibigay sila na mabuti bilang reward ng paglilingkod natin, good, salamat sa Panginoon. Pero kung wala, hindi tayo dapat panghinaan ng loob, for the Lord will make sure na hindi ka lugi, hindi ka talo, kung ang paglilingkod na ginagawa natin ay para sa Panginoon.
At ang pangakong ito ay hindi nakadepende sa taas o baba ng posisyon na meron ka sa trabaho. Kaya emphasis ni Paul, “maging siya man ay alipin o malaya” (Eph 6:8). Estudyante ka man o doctor, housewife ka man o manager ng bangko, rank-and-file employee ka man o CEO, negosyante, contractor, o karpintero ka man, elder, deacon, o ordinaryong miyembro ka man, it doesn’t matter. Ang mahalaga nakay Cristo ka, at ang ginagawa mo ay ginagawa mo bilang paglilingkod kay Cristo, yun ang pinakamahalaga sa lahat. Walang lugi, walang talo, sa sinumang nakay Cristo at naglilingkod alang-alang kay Cristo.
Tungkol sa mga nasa position of authority (6:9)
Kaya naman kung ano ang sinabi ni Pablo sa mga alipin sa verses 5-8 ay applicable na rin sa mga amo o sinumang nasa position of authority. Kaya mas maikli na yung direct address sa kanila. “Mga amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo’y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at pantay ang kanyang pagtingin sa inyo” (Eph 6:9).
Ano ang dapat gawin?
Ano daw ang dapat gawin? “Mga amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin.” Ang sabi niya talaga diyan, “gayundin ang inyong gawin sa kanila” (AB). Nilinaw lang sa MBB baka kasi ang maging interpretation ay, “Mga amo, sundin din ninyo ang inyong mga alipin.” Siyempre, hindi pwedeng pagbaligtarin yung order of authority na meron sila. At sabihin natin na pwede rin palang pasunurin ng mga anak ang kanilang mga magulang, ng mga tauhan ang kanilang amo, ng mga miyembro ng church ang kanilang pastor sa kung ano ang gusto nila. Of course not. Ang point, ang mabuting puso, ang mabuting hangarin, ang katapatan sa paglilingkod, at ang paggawa ng lahat ng ito sa ngalan ng Panginoon na umaasa sa gantimpalang galing sa Diyos ang dapat din na nasa puso ng mga nasa position of authority sa paggamit ng awtoridad na bigay sa kanila ng Diyos sa mga taong nasa ilalim ng kanilang pamamahala at pangangalaga. Anumang authority ang meron tayo, bigay ‘yan ng Diyos, good gift from God, at dapat nating gamitin sa paraang tama, mabuti, at bilang faithful stewardship ng katungkulang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.
Ano ang hindi dapat gawin?
Napakadaling abusuhin ang ganyang authority. Kaya sinabi rin ni Pablo kung ano ang hindi dapat gawin: “huwag silang pagbabantaan.” Inuutusan sila dito na ihinto na ang pananakot na karaniwang ginagawa para mapasunod ang mga alipin nila. Gusto naman natin talagang mapasunod yung mga nasa ilalim ng pamamahala natin. Akala natin para mangyari yun, kailangang takutin, kailangang pagbantaan, “Lagot ka kapag hindi mo ginawa ‘yan.” Pati kaming pastor pinapanakot pa sa mga bata, “Andyan si pastor, hala ka, lagot ka.” Yung ibang pastor naman dinadaan din sa pananakot yung ibang miyembro nila para sumunod, “Kapag hindi kayo nagbigay nang malaki, susumpain kayo ng Diyos! Kapag hindi kayo sumunod, buburahin ang pangalan n’yo sa langit!” Spiritual abuse of authority ‘yan. The best way pa rin, at ito ang paraan ng Diyos, para ma-motivate sa pagsunod ang mga tao yung tratuhin natin sila nang mabuti, at ipakita natin yung magagandang dahilan kung bakit sila dapat sumunod. Tulad ng ginagawa dito ni Pablo.
Bakit ito dapat gawin?
Bakit daw ganun ang dapat nilang gawin? Tulad din ng paalala niya sa verse 8, pinaalala rin niya dito, “Huwag ninyong kalilimutan (literally, sa Ang Biblia, yamang nalalaman ninyo) na kayo’y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at pantay ang kanyang pagtingin sa inyo” (Eph 6:9). Nasa position of higher authority nga sila, pero sila rin ay nasa ilalim ng pinakamataas na authority sa lahat. Sila ay small letter “lord” na nasa ilalim ng capital letter “Lord” na siyang King of kings and Lord of lords. Sa ilalim ni Cristo, lahat tayo ay pantay-pantay, at patas ang pagtingin niya sa bawat isa sa atin. Hindi niya pinapaboran ang mga nasa authority nang higit sa mga nasasakupan nila. In union with Christ, nandun yung worth and value natin. Ultimately, sa kanya tayo lahat mananagot, and he is also the one who will reward our faithfulness in stewarding the authority he has given us. So, anuman ang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos, maliit man o malaki, let us all be faithful. Sulit ang maglingkod sa Panginoon. Hindi siya unfair. Tapat siya, makatarungan siya, mabait siya, sagana siyang magbigay, at siya ang nakakakita sa lahat ng ginagawa nating paglilingkod. Mapansin man ito ng iba o hindi, ang mahalaga, sa kanya natin marinig ang salitang, “Well done, good and faithful servant.”
Conclusion
Ano ang itinuturo sa atin ng salita ng Diyos sa Ephesians 6:5-9? Ang relasyon natin sa ibang tao, tayo man ang nasa position of authority o nasa ilalim nito, ay dapat na sumalamin sa relasyon na meron tayo kay Cristo na siyang Panginoon na dapat nating igalang, paglingkuran, bigyang-kaluguran, at asahan nang higit sa lahat. Kung totoo ito, at totoo nga, kailangang ang bawat isa sa atin ay magkaroon ng evaluation, plan of action, at reflection.
Evaluation, kasi dapat nating i-assess ang relasyon natin sa ibang tao. Kumusta ba ang relasyon mo sa anak mo, sa magulang mo, sa boss mo, sa officemates mo, sa mga tauhan mo, sa mga elders mo, sa mga members ng church? Meron ba kayong good working relationships with them? Ginagawa mo ba ang trabaho mo and everything na kailangang gawin para maging maayos ang trabaho at relasyon n’yo sa isa’t isa? At higit sa lahat, kumusta naman ang puso mo sa ginagawa mong trabaho? Baka iniisip mo na ang gagawin lang na trabaho para sa Panginoon ay yung mga para sa mga ministries sa church. Paano naman yung trabaho mo Monday to Friday? Ginagawa mo rin ba alang-alang sa Panginoon? “Anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus” (Col 3:17).
Then, plan of action. Wala naman sa atin ang meron nang perfect working relationship with others. So, planuhin mo kung paano magkakaroon ng pagbabago sa mga relasyon at trabaho mo ayon sa salita ng Diyos, ayon sa kalooban ng Diyos, ayon sa karunungang galing sa Diyos, at ayon sa kakayahang nanggagaling sa Diyos.
Lastly, reflection. Habang ginagawa mo ang mga ito, patuloy kang mag-reflect sa pinakamahalagang relasyon na meron ka, ang relasyon mo kay Cristo bilang Panginoon, na siyang gumawa ng pinakamahalagang trabaho, na tinapos niya, nang siya’y mamatay sa krus para sa ating mga kasalanan. Ito naman ang inaalala natin ngayon sa pagsasalu-salo natin sa Banal na Hapunan. Ang kahalagahan ng buhay natin ay nakatali kay Cristo at sa kanyang natapos na gawa sa krus para sa atin. Oo, pagbulayan natin ‘yan tuwing Linggo, pero gawin din natin araw-araw, mula Lunes hanggang Sabado.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

