Last Sunday, binanggit ko na I apologize if may nagiging impression sa mga sermons ko na para bang gospel lang ang kailangan natin for our sanctification. Gusto ko lang i-clarify na noong sabihin ko yun, hindi ko mini-minimize yung kahalagahan ng gospel. The gospel is “of first importance” (1 Cor. 15:3). Nananatili yung commitment ko na ipangaral ang mabuting balita ni Cristo na siyang nasa sentro ng Bibliya, ng buhay natin, at ng ministry natin sa church.

Sinabi ko yun for two reasons. Una, because of a burden na ginagamit ng iba yung gospel of grace as an excuse or license para hindi na seryosohin ang mga utos ng Diyos (“law,” dapat nating gawin) na para bang wala nang kahalagahan ang mga yun sa buhay natin, at pwede na tayong magpatuloy sa kasalanan para sumagana ang biyaya ng Diyos. Reply ni Paul sa ganyang baluktot na pag-iisip, “No way!” (Rom. 6:1, 2). Ikalawang dahilan: dahil gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan at motivations para tulungan tayo na lumago sa pagsunod sa mga utos niya. Sabi nga ni Jared Wilson sa isang article niya sa Desiring God (“Are You Still Gospel-Centered?”), na yung gospel-centeredness ay hindi nangangahulugang “gospel-onlyism.” Nasa sentro ang gospel, pinakamahalaga sa lahat, pero makikita rin natin sa salita ng Diyos ang mga seryosong babala o warnings kung magpapatuloy ang isang tao sa kasalanan, tulad ng nakita natin sa Ephesians 5:5, 6 last week tungkol sa poot, parusa, at paghatol ng Diyos.

So, kung paanong seryoso nating pinakikinggan ang mga gospel blessings sa Ephesians 1-3, seryosohin din natin yung mga utos ng Diyos at mga warnings na kaakibat nito sa chapters 4-6, na siyang nararapat na response natin sa mabuting balita na pinaniniwalaan natin. We have to take this seriously kasi natutukso tayo na bumalik sa pamumuhay natin noong tayo’y mga wala pa kay Cristo. Pero sabi ni Paul, ‘wag na ninyong balikan ang dati ninyong pagkatao (Eph 4:22-24; 2:1-2, 10). Natutukso rin tayong gayahin ang pamumuhay ng mga taong nasa paligid natin. Sabi ni Paul, ‘wag n’yo silang gagayahin (Eph 4:17). Sa kasamaan na nasa paligid natin, natutukso rin tayo na deadmahin na lang at ‘wag nang pakialaman ang mga ‘yan. Makikita natin sa teksto natin ngayon na hindi rin ‘yan tamang response. Nakay Cristo na kasi tayo, tinanggap na natin ang kaligtasan at ang mga pagpapalang nakay Cristo, so we must live our lives gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos (Eph 4:1).

Ang image na ginagamit niya ay ang paglakad o walking: “walk in love” (Eph 5:1-6), na napag-aralan natin last week; “walk, not as unwise but as wise” (Eph 5:15-21), na pag-aaralan natin next week; “walk as children of light” (Eph 5:7-14), na siyang pag-aaralan natin ngayon. Love, light, and wisdom, ‘yan ang buhay ng mga Kristiyano, being “imitators of God” (Eph 5:1) na siyang pag-ibig, liwanag, at karunungan mismo, at siyang pinanggagalingan ng mga ito.

Sa text natin ngayon, verses 7-14, ang nangingibabaw na image ay yung liwanag in contrast sa kadiliman:

Therefore do not become partners with them; for at one time you were darkness, but now you are light in the Lord. Walk as children of light (for the fruit of light is found in all that is good and right and true), and try to discern what is pleasing to the Lord. Take no part in the unfruitful works of darkness, but instead expose them. For it is shameful even to speak of the things that they do in secret. But when anything is exposed by the light, it becomes visible, for anything that becomes visible is light. Therefore it says, “Awake, O sleeper, and arise from the dead, and Christ will shine on you.”

Sa tekstong ito, makikita nating itinuturo sa atin ng salita ng Diyos ay ito: Sa halip na tayo’y makibahagi sa mga gawain ng mga di-Kristiyano, dapat na tayo’y magpatuloy na mamuhay ayon sa liwanag at ilantad ang mga gawa ng kadiliman sa liwanag ni Cristo. In short, ‘wag makibahagi, kundi magpatuloy sa liwanag at ilantad ang kadiliman sa liwanag.

A. Ano ang hindi dapat gawin? Huwag tayong makibahagi sa gawa ng kadiliman (vv. 7, 11).

Unahin muna natin kung ano ang hindi natin dapat gawin: huwag tayong makibahagi sa gawa ng kadiliman. Sa passage na ‘to, merong sinasabi si Pablo na hindi natin dapat gawin. Dalawang beses niyang binanggit, sa simula ng dalawang major sections nito. Una, sa verse 7, sabi niya, “Therefore do not become partners with them…” Katatapos lang ng mabigat na warning sa verses 5-6 na ang mga unbelievers o ang mga taong nagsasabing believers sila pero hindi naman talaga (dahil wala namang nababakas na pagkakaiba sa buhay ng mga unbelievers) ay walang tatanggaping mana sa kaharian ng Diyos at sa halip ay tatanggap ng bagsik ng parusa ng poot ng Diyos.

In light of that, heto ang dapat nating gawin in response: hindi tayo dapat “makisama” (MBB) o “makibahagi” sa kanila. Ibig sabihin, kung ayaw nating matulad sa kahihinatnan ng buhay nila, ‘wag nating tutularan ang pamumuhay nila. Kasama dito yung pakikipagrelasyon sa kanila na kahit na hindi natin ginagawa ang ginagawa nila, pero parang okay lang sa atin o aprubado sa atin ang lifestyle nila. Ito yung sinasabi ni Paul sa Romans 1:32 na mga taong bagamat alam nang deserving to die ang mga “sons of disobedience” (Eph 5:6; 2:2), inaaprubahan pa nila yung mga taong gumagawa niyan. Ganito rin yung sinabi ni Paul sa 2 Cor 6:16-18 na ‘wag makipamatok (unequally yoked) sa mga unbelievers. Walang partnership, walang fellowship ang believers sa unbelievers.

Hindi ibig sabihing iiwasan na natin sila. Sinabi din naman ni Paul sa 1 Corinthians 5:9-10 na imposibleng mangyari yun at kailangang magpunta na tayo sa Mars para maiwasan natin sila. Hindi ibig sabihing bawal na tayong kumain na kasama nila, o makipagkuwentuhan, o makipagpartner sa business o sa isang good charitable cause. Ang point, ‘wag tayong aayon at makikisama sa mga gawain nila kung ito ay pamumuhay na taliwas sa kalooban ng Diyos.

Inulit niya ito sa verse 11, “Take no part in the unfruitful works of darkness” o “Huwag makibahagi.” Yung “take part” o makibahagi ay galing sa salitang ang ugat ay koinonia na usually translated na fellowship o partnership. Ibig sabihin, hindi tayo pwedeng makipagrelasyon sa kanila in a way na magkukumpromiso sa pananampalataya natin. ‘Wag nating ilalagay ang sarili natin sa sitwasyon na matutukso tayong makibahagi sa ginagawa nila na sinabi ni Paul na “unfruitful works of darkness.” ‘Yan ang negatively serious na pagsasalarawan sa pamumuhay ng mga unbelievers, pakikibahagi sa gawain ni Satanas mismo (Acts 26:18; Eph 6:12).

This is serious. So siyasatin mong mabuti ang pamumuhay mo ngayon. Meron ka bang ginagawa kapag nag-iisa ka o business practices o intimate relationship na nakikibahagi o nakikisama ka sa gawain ng kadiliman o kamunduhan o kasalanan? Meron ka bang mga kaibigan na sinasamahan, at nakikita mo o alam mo ang mga ginagawa nila, at sa pakikitungo mo sa kanila ay nagkakaroon sila ng impression na okay lang sa ‘yo ang ginagawa nila? Tandaan mo ang sinasabi ng salita ng Diyos: ‘wag kang makibahagi sa kasalanan ng iba, ‘wag mo silang gayahin, ‘wag mo silang samahan sa gawain nila, ‘wag mong aprubahan o pusuan ang ginagawa nila.

Pero hindi lang sinasabi dito ni Paul kung ano ang hindi dapat gawin. Sasabihin din ni Paul kung ano ang dapat nating gawin at anu-ano ang mga dahilan na dapat mag-motivate sa atin para gawin yun.

B. Ano ang dapat gawin? ‘Wag tayong matitinag sa paglakad sa liwanag (vv. 8-10)

Nagbigay siya ng dalawang bagay na dapat nating gawin. Ang una ay sa vv. 8-10. Sa halip na makipagpartner tayo sa mga unbelievers at makibahagi sa mga gawain nila, ano ang kailangan nating gawin? ‘Wag tayong matitinag sa paglakad sa liwanag. Sabi ni Paul, “Walk as children of light” (v. 8). Ano ba ang buhay nang nasa liwanag? Yung buhay na tinutularan ang Diyos, “Be imitators of God” (Eph 5:1). Bakit? Dahil ang Diyos ay liwanag: “God is light and in him is no darkness at all” (1 John 1:5). Lumalakad tayo sa liwanag na tulad ng Diyos na nasa liwanag at siya mismong liwanag (1 John 1:7). Ito yung buhay na ayon sa liwanag ng kanyang mga Salita.

Hindi ito madali lalo pa’t meron pang natitirang desires sa heart natin na ginugusto ang gawain ng kadiliman (tulad ng sexual immorality, impurities, greed/covetousness, na nabanggit sa nakaraang passage). Hindi rin ito madali dahil sa pressures sa paligid natin na kapag sinabi nating ang pananaw at lifestyle nila sa sexuality at relationships at marriage ay taliwas sa salita ng Diyos, magiging negative ang reactions nila at aatakehin pa tayo. Kaya nga sa paglakad sa daang inilitag ng Panginoon, dapat ay huwag tayong matitinag, dire-diretso lang, ‘wag aatras, ‘wag liliko sa kanan, ‘wag liliko sa kaliwa.

Bakit dapat gawin?

Para ma-strengthen ang puso natin na maging buo ang loob at ‘wag matinag sa ganitong klaseng pamumuhay, na ibang-iba sa mga unbelievers, nagbigay siya ng ilang mga dahilan kung bakit natin ito dapat gawin, mga motivations para matulungan tayo sa pagsunod.

Bagong pagkatao (v. 8)

Ang una ay may kinalaman sa bago nating pagkatao o identity kay Cristo. Hindi na ‘to bago sa mga motivations na binibigay ni Paul. Dahil nakay Cristo tayo, nakilala na natin si Cristo at ang katotohanang nakay Cristo (Eph 4:20, 21), meron na tayong “new self” o bagong pagkatao (Eph 4:24), wala na ang dating pagkatao (2 Cor 5:17). So, dapat tayong mamuhay sa paraang consistent sa bagong identity na meron tayo kay Cristo. Nang sabihin niya sa verse 8 na “walk as children of light,” yun ay paalala ng bagong identity natin as “children of light,” hindi na tulad ng dati.

Sabi niya bago ‘to, sa simula ng verse 8, “for (heto yung dahilan kung bakit sa halip na tularan ang gawain ng mga unbelievers na nasa kadiliman ay ‘wag tayong matinag sa paglakad sa liwanag) at one time you were darkness, but now you are light in the Lord.” Merong radical na pagbabago sa buhay natin. Hindi ito small change lang. Kapag gabi madilim na madilim at walang kuryente, tapos biglang nagkakuryente, malaking pagbabago ang dulot ng liwanag na ‘yan—a noticeable change. ‘Yan ang nangyari sa ating regeneration at conversion noong tayo’y naging Christians: hinango tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman tungo sa kaharian ni Cristo (Col 1:13). Nasa liwanag na tayo dahil nakay Cristo tayo. Sabi ni Cristo, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (John 8:12 AB). Meron na tayong bagong location dahil nakay Cristo na tayo, nasa liwanag na tayo.

Pero may sinasabi si Paul sa text natin na hindi lang basta change of location ang nangyari sa atin, kundi change of nature. Dati tayo ay hindi lang nasa kadiliman (tulad ng salin ng MBB), but “you were darkness,” “kayo’y dating kadiliman” (AB). Ngayon, hindi lang tayo nasa liwanag (tulad ng salin ng MBB), but “you are light in the Lord,” tayo mismo ay “liwanag sa Panginoon” (AB). Dahil sa bagong pagkatao na meron tayo, mamuhay tayo sa paraang angkop, tugma, swak sa bago nating identity kay Cristo. Ang liwanag at nasa liwanag ay magpapatuloy sa liwanag hangga’t tayo ay nakay Cristo na siyang liwanag ng buhay natin—and that should be every single day hanggang sa dulo ng buhay natin, hanggang sa walang hanggan.

Bagong gawain (v. 9)

Ang ikalawang dahilan ay may kinalaman sa bunga ng liwanag na ito na nasa atin: bagong gawain. Kung ano ang itinanim, siya ang bunga. Kung bago na ang pagkatao natin, bago na rin ang gawaing bunga nito: “sapagkat ang bunga ng liwanag ay nasa lahat ng mabuti, matuwid at katotohanan” (v. 9 AB). Ang mga bungang ito ay reflective ng mga katangian ng Diyos. Nakakagawa tayo ng “mabuti” at nagsisikap na gumawa ng mabuti dahil ang Diyos ay mabuti, perfectly good. Ang mga ginagawa natin ay “matuwid” at nagsisikap na maging matuwid dahil ang Diyos natin ay matuwid, perfectly righteous. Nagsasalita tayo nang may “katotohanan” at nagsisikap to speak the truth in love (Eph 4:15), dahil ang Diyos ay katotohanan, “as the truth is in Jesus” (Eph 4:21).

Ito yung klase ng buhay na bunga ng bagong pagkatao na meron tayo, “created after the likeness of God in true righteousness and holiness” (Eph 4:24). Kung tayo’y nananatili sa kadiliman, imposible na maging ganito ang bunga ng buhay natin. So, dapat tayong ‘wag matitinag sa paglakad sa liwanag dahil ito ang bagong daan na itinakda sa atin ng Diyos na lakaran mula pa noong una (Eph 2:10).

Bagong layunin (v. 10)

Ang ikatlong dahilan naman ay may kinalaman sa bagong layunin na meron na tayo ngayon. Dati, ang layunin ng buhay natin ay para i-please ang sarili natin, para gawin kung ano yung sa tingin natin ay makapagpapasaya sa atin. Ngayon, meron nang radical change sa layunin ng buhay natin, hindi na para sa sarili kundi para sa Panginoon, “and try to discern what is pleasing to the Lord” (v. 10), “na inaalam kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon” (AB). Yung “try to discern” o “inaalam” ay galing sa salita (Gk. dokimazo) na ang ibig sabihin ay “to examine” or “to test.” Ibig sabihin, hindi tayo basta-basta na nag-aassume na kung parang wala namang masama sa gagawin natin o sasabihin natin o pupuntahan natin ay pwede na nating gawin. We test everything in light of the Word of God.

Sang-ayon ba ito sa sinasabi ng Salita ng Diyos? Ito ba ay makapagbibigay-karangalan sa Panginoon? ‘Yan na ang perspective natin sa buhay. Hindi na yung nakasanayan natin: Ano naman ang masama dito? Ano ang makapagbibigay-kasiyahan sa akin? Kung may pupuntahan kang lugar, will it please the Lord kung pupunta ka sa lugar na ‘yan? Kung may isasama ka, will it please the Lord kung siya ang kasama mo? Kung makikipagrelasyon ka, will it please the Lord sa relasyon na ‘yan sa panahong ito? Kung may papanoorin ka, will it please the Lord na ganyan ang papanoorin mo? Kung may gagawin ka kapag araw ng Linggo, will it please the Lord kung ‘yan ang gagawin mo sa araw na yun? Hindi tayo matitinag sa paglakad sa liwanag kung ang mangingibabaw na hangarin sa puso natin ay ang bigyang-kaluguran ang Diyos sa lahat ng gagawin natin, in absolutely everything we do.

Mangyayari lang ‘to if our minds are renewed by the Word of God. Sabi ni Paul, “Do not be conformed to this world, but be transformed by the renewal of your mind, that by testing you may discern what is the will of God, what is good and acceptable and perfect” (Rom 12:2). Kung ang isip natin ay nasasanay at nahuhubog ng mga katuruan at prinsipyo ng salita ng Diyos, matututuhan din natin kung paano magdesisyon sa mga aspeto ng buhay natin na hindi direktang ina-address sa Scripture: kung sino ang mapapangasawa, kung paano gagastusin ang pera, how we spend our Sundays, paano babalansehin ang pamilya at ministry, at marami pang iba.

So, ang unang dapat nating gawin sa halip na makibahagi sa kasalanan ng mga unbelievers ay ito: ‘wag tayong matitinag sa paggawa ng mabuti, sa paglakad sa liwanag, dahil meron na tayong bagong pagkatao, bagong gawain, at bagong layunin sa buhay.

C. Ano ang dapat gawin? Ilantad natin ang gawa ng kadiliman sa liwanag (vv. 11-14)

Sa ikalawang bahagi naman, vv. 11-14, ay ang ikalawang dapat nating gawin sa halip na makibahagi sa gawain ng mga makasalanan. Kung committed tayo na lumakad sa daan ng liwanag, hindi naman ‘yan nangangahulugang hindi na natin papansinin o papakialaman ang mga nasa kadiliman. Bahagi ng paglakad sa pag-ibig ay hindi lang ang pag-ibig sa mga kapwa natin Kristiyano, kundi pati na rin sa mga di-Kristiyano. At ano ang kailangan nating gawin in connection sa kanila? Ilantad natin ang gawa ng kadiliman sa liwanag, “Take no part in the unfruitful works of darkness, but instead expose them” (v. 11). Sa Tagalog, “ibunyag” o “ilantad.” Ibang-iba ito sa pakikibahagi sa ginagawa nila. Instead, may gagawin tayo para ipamukha sa kanila ang kasalanan nila. Na ito ay “works of darkness,” kasalanan, pagsuway sa Diyos, pagsunod sa kagustuhan ng kaaway. Ito rin ay “unfruitful” works of darkness, walang mabuting bunga. Kung ang bunga ng liwanag na nasa atin ay kabutihan, katuwiran, at katotohanan (v. 9), ang bunga naman ng kadiliman ay kasamaan, kabaluktutan, at kasinungalingan. Siyempre, ang kahahantungan nito ay kapahamakan. Again, kailangang buo ang loob natin na gawin ‘to. Hindi madaling sabihin sa dalawang babaeng magkarelasyon o sa kapamilya ninyo na may kinakasama na hindi niya asawa, “Kasalanan ang ginagawa n’yo. ‘Yan ay gawain ng isang taong nasa kadiliman.”

Matapang oo, pero kailangang maging maingat din. Hindi naman lahat ng kasalanan ay kailangang “ilantad” in public at ipo-post na sa social media o ipapaalam na sa lahat. Kapag sinabing “ilantad,” yun ay para ipakita sa taong nagkakasala kung paanong kasalanan ang ginagawa niya. Sa simula siyempre, it can happen through private confrontation. Ang goal dito ay repentance, para maituro natin sila kay Cristo. Gayundin kapag nagsasalita tayo tungkol sa kasalanan ng iba in public, tulad ng LGBT o ng corruption sa government. Hindi lang para sabihin ang kadiliman ng kasalanan, kundi para ma-expose sila sa liwanag ni Cristo. Magiging malinaw ‘yan sa mga dahilang babanggitin ni Paul.

Bakit dapat gawin?

Bakit nga naman natin ito gagawin? Lalo na kung mahirap at parang imposible yung task na ibinibigay sa atin ng Diyos. Heto ang tatlong dahilan:

Kahihiyan (v. 12)

Ang una ay may kinalaman sa kahihiyang nakabalot sa kadiliman, “For (ito ang dahilan kung bakit natin dapat ilantad ang gawa ng kadiliman) it is shameful even to speak of the things that they do in secret” (v. 12). Inaabot tayo ng kahihinayan kapag reputasyon natin ang nakasalalay, na kapag may nabanggit na kasalanang ginawa natin, gagawin natin ang lahat ng magagawa para maitago at maprotektahan ang reputasyon natin. Of course, ang iba naman ay itinatago ang kasalanan dahil sa consequences (tulad ng pagkakulong). Meron din namang iba tulad ng sa LGBT community na “proud” sa lifestyle nila. Hindi na itinatago, ipinangangalandakan pa and they are proud of it, may “Pride Month” pa.

Pero tayong mga Kristiyano ay may obligasyon na ilantad ang kahihiyan ng kasalanan. Mahirap pag-usapan lalo na kung tungkol sa sexual or relational sins, kasi nagkakapersonalan na. Pwedeng ma-offend, pwedeng mag-walkout sa usapan. Pero ‘yan ang reality ng puso ng isang makasalanan. Sabi nga sa John 3: “Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa” (John 3:19-21). Dapat makita ang totoong kulay ng kasalanan, kung anong kasinungalingan ang pinaniniwalaan ng mga taong nahuhumaling sa kasalanan. Kung ayaw nilang aminin ang kahihiyan ng kanilang kasalanan, meron tayong duty to speak and bring it to light.

Katotohanan (v. 13)

Yun naman yung sumunod na sinabi ni Paul, “But when anything is exposed by the light, it becomes visible, for anything that becomes visible is light” (v. 13). Sa paglalantad natin ng gawain ng mga unbelievers, o maging ng mga kasama natin sa church na kailangang disiplinahin dahil sa kasalanan nila, ipinapakita natin na we are people of the truth. Gusto nating makita nila ang kasalanan nila in light of the truth of God’s Word. Salita ng Diyos ang pamantayan dito, hindi kung ano ang popular o acceptable sa culture. Ibig sabihin, ang goal natin ay hindi para ipahiya sila o ipamukhang makasalanan sila. We desire and pray for light to overcome darkness. Yun naman ang epekto ng ilaw, to cast out darkness.

Ibig sabihin, ilalantad natin ang kasalanan para mapalitan ang kadilimang ito ng liwanag ng katotohanan. Transformation, genuine conversion is our goal and prayer para sa kanila. Hindi lang para maipakulong sila o magmukhang righteous tayo. Gusto nating maranasan din nila ang naranasan natin kung paanong hinango tayo mula sa kadiliman tungo sa liwanag ni Cristo: “to open their eyes, so that they may turn from darkness to light and from the power of Satan to God, that they may receive forgiveness of sins and a place among those who are sanctified by faith in [Christ]” (Acts 26:18). Gagawin natin ito hindi dahil tiwala tayo sa kakayahan nating baguhin sila. We are actually powerless. So, mahalaga yung huling sinabi ni Paul.

Kapangyarihan (v. 14)

Ito ay tungkol sa kapangyarihan ni Cristo na bumago ng buhay, na magbangon sa patay, na magbigay liwanag sa nasa kadiliman. “Therefore it says, ‘Awake, O sleeper, and arise from the dead, and Christ will shine on you’” (v. 14). Wala namang exact OT passage na pinagkuhanan si Paul nito. Yung “Awake, O sleeper,” pwedeng sa Isaiah 51:17, “Wake yourself, wake yourself, stand up, O Jerusalem,” na isang panawagan sa bayan ng Diyos na magrepent in light of the judgment na tinanggap nila mula sa Diyos. Pwede ring Isaiah 52:1-2, “Awake, awake…Shake yourself from the dust and arise,” na siyang panawagan sa kanila na tumugon sa pagyakap sa darating na pagliligtas ng Diyos. O kaya ay Isaiah 60:1, “Arise, shine, for your light has come,” na malapit sa tema na tinatalakay dito ni Paul tungkol sa liwanag ng Diyos na siyang gumagapi sa kadiliman (see Isaiah 60:2-3).

Yung “arise from the dead” naman ay posibleng may reference sa Isaiah 26:19, “Your dead shall live; their bodies shall rise,” na tumutukoy hindi lang sa pangangailangan nating ng resurrection o regeneration (to be born again), na hindi naman natin magagawa sa sarili natin, kundi sa kapangyarihan ng Diyos at sa pangako ng Diyos na buhayin ang mga patay. At siyempre, si Cristo ang firstfruit ng resurrection (1 Cor. 15:20). At mangyayari lang yun kung ang liwanag at buhay ni Cristo ang mapapasaatin, “and Christ will shine on you.” Si Cristo ang katuparan ng Isaiah 9:2, na binanggit ni Cristo mismo na siya ang katuparan, “the people dwelling in darkness have seen a great light, and for those dwelling in the region and shadow of death, on them a light has dawned” (Mt 4:16).

Ang point, ang dahilan kung bakit dapat nating ilantad ang kadiliman sa liwanag, ang iharap ang mga makasalanan kay Cristo, ay dahil naniniwala tayo sa kapangyarihan ni Cristo na magliwanag sa kadiliman, bumuhay ng patay, bumago ng buhay. Madali nating sukuan ang ibang tao, “Wala nang pag-asa ‘yan, sobrang baon na ‘yan sa kasalanan, nilamon na ‘yan ng kadiliman.” O ang kasama natin sa church, kapag natanggal na sa membership dahil sa unrepentant sin, na para bang tinuldukan na natin at wala nang pag-asang magbalik-loob sa Diyos. O maging ang sarili natin kapag nahulog tayo sa patibong ng kasalanan at parang hindi makaahon, na parang ang dilim ng paningin natin at wala na tayong makitang liwanag. Take heart, lakasan natin ang loob natin, dahil si Cristo ay higit na makapangyarihan kaysa anumang kasalanan at gawa ng kasamaan. Kay Cristo, may liwanag, may bagong buhay, may pag-asa ang sinumang nasa kadiliman.

Conclusion

So, heto ang gusto ng Diyos na matutunan natin ngayon sa pamamagitan ng bahaging ito ng sulat ni apostol Pablo: Sa halip na tayo’y makibahagi sa mga gawain ng mga di-Kristiyano (mga gawa ng kadiliman), dapat na tayo’y ‘wag matitinag na magpatuloy na mamuhay ayon sa liwanag at maging matapang na ilantad ang mga gawa ng kadiliman sa liwanag ni Cristo.

At para mas maging personal sa atin ang application nito, kailangang matutunan natin ang dalawang bagay: gospel-driven confession at gospel-exposing confrontation.

Yung gospel-driven confession ay para sa sarili natin. Kailangan nating siyasatin ang puso natin kung meron bang pakikibahagi sa kadiliman. Meron bang mga kasalanan na kailangang ihingi ng tawad? Aminin natin sa Diyos, aminin din natin sa mga kapatid natin. Meron bang sama ng loob? Meron bang bitterness? Meron bang galit? Siyasatin din natin yung mga salita natin. Meron bang mga masasakit na pananalita? Meron bang paninira ng kapwa? Meron bang kabastusan? Siyasatin din natin ang buhay natin. Meron bang sexual sins? Meron bang maling relasyon? Meron bang maruming pag-iisip? Meron bang kasakiman? ‘Wag tayong matakot na aminin ito, kaya nga gospel-driven dapat ang confession. Ibig sabihin, ang nagtutulak sa atin ay ang liwanag ng mabuting balita ni Cristo. Na kapag ilalagay natin sa liwanag ang mga kasalanan natin, matatanggap natin ang pagpapatawad ng Diyos na siyang tutulong sa atin para magpatuloy na lumakad sa liwanag ng kanyang salita.

Yung gospel-exposing confrontation naman ay para sa iba. Meron ka bang kakilala na kailangang kumprontahin dahil sa pagpapatuloy nila sa kasalanan? Kung hindi mo kayang kumprontahin ng sarilinan, hanap ka ng pwede mong makasama sa church para tulungan ka. Meron bang kasama natin sa church na kailangang sawayin dahil sa kanyang ginagawang pagtulad sa pamumuhay ng mga tao sa mundong ito? Meron ka bang kapamilya na kailangang linawin na hindi mo siya sinasang-ayunan sa maling relasyon na meron siya? Meron ka bang kaibigan na nasa same-sex relationship na kailangang sabihan tungkol sa kanyang kasalanan? Pero dapat gospel-exposing ang confrontation. Hindi lang ma-expose ang kasalanan nila, kundi para maituro sila sa tanging solusyon, sa liwanag ni Cristo na siyang makaka-overcome at makaka-transform sa kadiliman na kanilang kinalalagyan.

Hindi madaling ilantad ang kadiliman sa liwanag—ang kasalanan man na natitira pa sa puso natin o ang kasalanan ng ibang tao. Pero magpapatuloy tayong ipreach ang gospel sa sariling puso natin at sa puso rin ng iba dahil sa higit na kapangyarihan ng Diyos to overcome darkness with the light of Jesus. “Sapagkat ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa [ating] isip upang makilala [natin] ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo” (2 Cor. ‭4‬:‭6‬ ‭MBB).

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply