Ibinibigay ba talaga ng Diyos ang lahat ng kailangan ko?

Last week, pinakinggan natin ang unang kalahati ng Psalm 23, na awit ni David, na awit din ni Cristo, at tungkol kay Cristo, at dahil tayo ay nakay Cristo, ito rin ay awit ng bawat Kristiyano. Napakasarap pakinggan:

Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang; (MBB)
pinahihiga niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
alang-alang sa kanyang pangalan. (AB)

Napaka-comforting. Mararamdaman mo yung mga reassurances na galing sa Panginoon na nakapagpapatibay ng pananampalataya natin sa kanya. Lalo na kung dumalo ka sa members’ meeting noong Sunday afternoon. Mabigat at masakit sa puso ang pagtalakay at pagdedesisyon tungkol sa pagdidisiplina ng mga miyembrong nagkakasala. Mapapaisip ka siguro, “Ano ‘to? Bakit ganito? Paano na ang mangyayari pagkatapos nito?” Kahit kaming mga elders, may mga ganyang questions din sa isip namin. Nakaattend ka man ng members’ meeting o hindi, member ka man ng church na ito o hindi, alam mo pa rin na bawat araw, bawat oras, meron ka at marami kang pangangailangang kailangang matugunan.

Buti na lang, hawak-hawak tayo ng ating Pastol. Jesus is our Good Shepherd. Siya ang nag-aalaga sa bawat isa sa kanyang mga tupa. Ibibigay niya, at kaya niyang ibigay, ang lahat ng kailangan natin—yung kapahingahan na kailangan natin sa mga kapagurang nararanasan natin, yung kalakasang kailangan natin sa tuwing pinanghihinaan tayo ng loob, yung kaligtasan at pagpapanumbalik na kailangan natin sa tuwing nalalayo o lumalayo tayo sa kanya, yung kabanalan at pagsunod na kailangan natin sa tuwing nag-iistruggle tayo sa mga kasalanan. Ang katiyakang ito ay nanggagaling sa katotohanang siya si Yahweh. Sa kanyang pangalan, sa reputasyon ng kanyang pangalan nakataya at nakatayo ang katiyakang meron tayo bilang mga Kristiyano.

Pero gaano man ka-comforting at ka-reassuring ang mga salitang narinig natin sa verses 1 to 3, hindi pa rin agad naaalis sa puso natin yung mga tanong at mga pagdududa. Ibinibigay ba talaga ng Diyos ang lahat ng kailangan ko? E bakit ang tagal-tagal na nitong sakit ko, bakit hindi pa rin gumagaling? E matagal nang namatay ang asawa ko, pero bakit hindi pa rin nawawala ang lungkot ko? Bakit hindi pa rin ibinibigay ng Diyos yung anak na hinihiling namin sa kanya, bakit yung iba ang dami-dami nang anak, pero kami sampung taon na hanggang ngayon wala pa rin? Ibinibigay ba talaga ng Diyos ang lahat ng kailangan ko? Para simulang sagutin ‘yan, dapat nating ma-realize muna na kapag sinabing “kailangan” o “need,” ang magbibigay ng definition niyan ay hindi ikaw, kundi ang Diyos. Mas alam niya kung ano talaga ang kailangan natin ngayon and for all eternity kaysa sa mga inaakala nating kailangan natin. He is God, remember?

So, kapag hindi niya ibinibigay sa ‘yo ngayon ang ine-expect mo, ibig sabihin hindi mo ‘yan kailangan ngayon. Karaniwan kasi na dine-define natin kung ano ang kailangan natin sa kung ano ang mga bagay na makakatulong sa atin para maging maayos at convenient at suffering-free ang buhay natin. Pero from God’s perspective, ang kailangan natin ay yung mga bagay na tutulong sa atin para makapagbigay-karangalan sa kanya at para makasunod tayo sa kanyang kalooban. Kaya meron tayong “kailangan” na pagdaanan na mga mahihirap na yugto sa buhay natin. At ipinangako naman ng Diyos na ibibigay niya ang lahat ng “kailangan” natin gaano man kahirap ang pagdaanan natin.

Yun naman ang dahilan kung bakit hindi sa verse 3 nagtatapos ang Psalm 23. Merong verse 4:

Bagaman ako’y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,     
wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,     
ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,     
inaaliw ako ng mga ito. (AB)

Meron shift of images dito. Nandun pa rin yung shepherd-sheep image kasi merong pamalo at tungkod (rod/staff) na mga tools na nasa kamay ng shepherd. Hindi natin iiwan yung image na ‘yan. Pero wala na yung “green pastures” at “still waters” na natural na nagpo-provoke sa atin ng comfort, rest, peace, and life. Yung tupa nandun na sa “the valley of the shadow of death.” Nakakatakot na at parang hindi comforting yung scenario. Pero nasasabi pa rin ni David, “they comfort me.” Bukod sa images ng shepherd/sheep, mapi-picture din natin yung images ng pilgrim o manlalakbay at merong siyang companion o kasama o kaagapay o gabay, “You are with me.” Meron mang shift sa scenario, merong konteksto ng kahirapan, kadiliman, kasamaan, kaaway, kamatayan, merong isang nananatiling constant, hindi nagbabago, “si Yahweh” ng verse 1.

Meron ding shift sa pronouns na ginamit. Sa verses 1-3, third person pronouns: “he makes…he leads…he restores…he leads…” Nagsasalita siya sa ibang tao ng tungkol sa Diyos. Pagdating na sa verse 4 at verse 5, second person na, ang Diyos na ang kausap niya, meron nang “closer personal touch” (Alec Motyer, New Bible Commentary), “you are with me; your rod and your staff…you prepare…you anoint…” Then back to third person sa verse 6. Hindi ito fairy tale story na masarap lang pakinggan. Ito ay drama ng totoong buhay. Ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi parang droga na iinumin mo para makalimutan mo ang mga problema mo sa buhay. Ito ay isang lens para makatulong sa atin na makita ang lahat ng bagay sa buhay in proper God-oriented perspective, na nagsisilbing mga kasangkapang kailangan natin para harapin ang mga hirap ng buhay sa paglalakbay natin bilang mga Kristiyano.

Para mas maging personal at beneficial sa atin itong verse 4 sa awit ni David, sagutin natin ang tatlong tanong. Isang verse lang pero sabi nga ni Charles Spurgeon, “Bawat salita rito ay merong mayamang kahulugan” (The Treasury of David).

  1. Gaano kahirap ang lakbaying Kristiyano? “Bagaman ako’y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan…”
  1. Ano ang nararapat na tugon sa hirap ng lakbaying Kristiyano? “…wala akong katatakutang kasamaan…”
  1. Saan nanggagaling ang lakas ng loob na kailangan natin sa lakbaying Kristiyano? “…sapagkat ikaw ay kasama ko, ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, inaaliw ako ng mga ito.”

Gaano kahirap ang lakbaying Kristiyano?

Pag-usapan natin, una, kung gaano kahirap ang lakbaying Kristiyano. Pwede namang pag-usapan natin kung gaano kasarap ang maging Kristiyano. Masarap naman talaga kung ikaw ay isang tupa na nasa pangangalaga ng Panginoong Jesus. Pero hindi natin pwedeng i-deny ang realidad na may kaakibat na hirap ang pagiging Kristiyano. Hindi lang ito yung hirap na dinaranas natin bilang consequence ng sarili nating mga kasalanan. Ito rin yung hirap na nararanasan natin kahit nananatili tayo “sa mga landas ng katuwiran” (v. 3). Nangyayari naman talaga na kahit nasa tamang daan ka, yung daan na yun ay mahirap na daan, madilim na daan, mapanganib na daan. Kaya nga sabi ni David sa verse 4, “Bagaman ako’y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan…” Pansinin natin ang tatlong bagay tungkol sa hirap ng lakbaying Kristiyano ayon sa mga salitang ito.

Hirap na nahaharap sa matinding panganib: “sa libis ng lilim ng kamatayan

Ang una ay may kinalaman sa hirap ng buhay natin kapag tayo ay nahaharap sa matinding panganib. Sa ESV, “the valley of the shadow of death.” Pwede rin itong isalin tulad ng nasa footnote ng ESV Bible na “valley of deep/deepest darkness.” Of course, yung pinakadulo ng kadilimang iyon ay kamatayan. Ang larawang mapi-picture ng mga Israelita kapag binabanggit yung “valley” ay yung mga wadi sa lugar nila na tumutukoy sa isang valley, ravine, o streambed na nanatiling tuyo maliban na lang sa panahon ng malakas na ulan. At kapag dito dumadaan ang mga tupa, meron talagang makakaharap ka na madilim na shadows at hindi mo malalaman talaga kung ano ang pwede mong makaharap tulad ng mga masasamang tao o maiilap na hayop o kaya ay flash floods. Nakakakaba. Merong danger na nag-aabang. (ESV Expository Commentary, 5:148). Yung mga kaparehong salita ay matatagpuan din sa Job 38:17, “Ipinahayag na ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan? O nakita mo na ba ang mga pinto ng malalim na kadiliman?” (AB). Ayon kay Christopher Ash, ito yung “valley na namamarkahan ng kadiliman, panganib, at ang nalalapit na posibilidad ng kamatayan. Ang aninong ito ay bumabalot sa sangkatauhan, kasama na ang mga mananampalataya, na nararamdaman ang ganitong bumabalot na kadiliman sa panahon ng pagkakasakit, kalungkutan sa pagkawala ng mahal sa buhay, pagtanda, at sa bawat disappoinment (The Psalms, 2:270-71).

Siguro kasali ka sa nakakaramdam na ikaw ay nasa “libis ng lilim ng kamatayan” ngayon. Merong mga uncertainties, nalilito ka, hindi mo sigurado kung makakaya mo pang magpatuloy. Baka pakiramdam mo na mas mainam pa kung mamatay ka na kaysa patuloy na mahirapan sa buhay. Wala ka sigurong naaaninag na kaunting liwanag man lang. Itong mga salitang ito ay eksakto para sa ‘yo. At kahit na sa tingin mo ay ayos naman ang buhay mo ngayon, isang araw daraan ka rin sa “libis ng lilim ng kamatayan.” Ngayon pa lang, ang mga salitang ito ay ginagamit ng Panginoon para ihanda ka sa pagdating ng araw na yun.

Hirap na hindi maiiwasan: “Bagaman ako’y lumakad”

Hindi mo kasi pwedeng sabihing hindi darating ‘yang ganyang hirap sa buhay. Kaya ito yung ikalawang bagay tungkol sa hirap ng lakbaying Kristiyano na dapat nating tandaan: ito ay hirap na hindi maiiwasan. Nang sabihin ni David, “Bagaman ako’y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,” ‘yan ay nagpapahiwatig na bahagi ito ng kanyang paglalakbay sa buhay. Hindi ito abnormal. Ito ay normal Christian life. Kaya kapag dumaranas ka ng matinding hirap sa buhay, hindi mo pwedeng isiping ikaw lang ang nakakaranas niyan o somehow ay pinagtitripan ka ng Diyos kaya singled out yung sufferings mo. Paalala nga ni Pablo, “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao” (1 Cor. 10:13 MBB). At ni Pedro, “Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito’y di pangkaraniwan” (1 Pet. 4:12). Ganito pinalakas ni Pablo ang loob ng mga mananampalataya, “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos” (Acts 14:22).

Kailangang dumaan tayo rito. Tulad ni Christian na lead character ng classic allegory ni John Bunyan na The Pilgrim’s Progress na isinulat niya noong 1678 habang siya ay nakakulong, at naging pinakamabentang libro kasunod lang ng Bible. Ito ay kuwento tungkol sa buhay Kristiyano. Ganito ang isang eksena doon:

Ngunit sa dulo ng lambak na iyon ay meron pang isang lambak, ang Libis ng Lilim ng Kamatayan. Kailangang dumaan doon si Christian, sapagkat ito ang daan patungo sa Celestial City (na tumutukoy sa Langit). Ang lambak na ito ay isang napakalungkot na lugar. Ganito ito inilarawan ni propeta Jeremias (sa Jer. 2:6): “Isang ilang, isang lupain ng mga disyerto at mga hukay, isang lupain ng tagtuyot, at anino ng kamatayan, at lupain na walang sinuman” (maliban sa isang Kristiyano) “ang dumaraan, ni dito’y walang sinumang naninirahan.”

Kung ikaw ay isang manlalakbay, dadaan ka ba diyan? Magpapahanap ka sa Google Map ng ibang ruta. Yung mas madali, mas mabilis, mas maginhawa. O babalik na lang at hindi na magpapatuloy sa paglalakbay. Tulad ng mga lalaking nagmamadaling bumalik na nakasalubong ni Christian nang malapit na siya sa borders ng Libis ng Lilim ng Kamatayan. Ganito ang naging pag-uusap nila:

CHRISTIAN: Saan kayo pupunta?

MGA LALAKI: Bumalik ka! Bumalik ka! Kung pinahahalagahan mo ang iyong buhay at kapayapaan, pinapakiusapan ka namin na bumalik ka.

CHRISTIAN: Bakit, ano ba ang nangyari sa inyo?

MGA LALAKI: Nangyari sa amin? Dinaanan din namin ang landas na iyan katulad mo, at kami’y nagpatuloy hanggang sa lugar na kaya naming marating; sa layo ng aming narating ay halos hindi na kami makabalik, at kung kami’y lalayo pa nang kaunti, malamang ay hindi na kami nakarating dito upang balaan ka.

CHRISTIAN: Pero ano na ba ang nakaharap ninyo?

MGA LALAKI. Kami ay halos nasa Libis na ng Lilim ng Kamatayan; ngunit sa kabutihang palad, tumingin kami sa harap namin, at nakita ang panganib bago kami dumating dito.

CHRISTIAN: Ano ba ang nakita ninyo?

MGA LALAKI: Nakita namin? Yung lambak mismo na napakadilim, at doon ay merong mga duwende (hobgoblins), mga tikbalang (satyrs), at mga dragon na mula sa kalaliman. May naririnig din kami roon na walang-humpay na hiyawan at iyakan, tinig na nagmumula sa mga taong dumaranas ng napakatinding paghihirap. Sila’y mga nakagapos sa tanikala at pighati. At sa ibabaw ng Libis na iyon ay may bumabalot na makapal na ulap ng kalituhan at takot. Sa ibabaw rin nito’y palaging nakapalibot ang pakpak ng Kamatayan. Kung pagsusumahin, talagang nakakapangilabot at magulo ang lugar na iyon.

Matapos nilang magsalita ay sinabi sa kanila ni Christian.

CHRISTIAN: Sa kabila ng lahat ng inyong sinabi, malinaw pa rin sa akin na ito ang daan na dapat kong tahakin patungo sa lugar na nais kong puntahan.

MGA LALAKI: Kung nais mo pa ring magpatuloy sa daan na ‘yan, bahala ka. Basta’t kami ay hindi na riyan daraan.

At sila’y naghiwalay na ng landas, habang si Christian ay nagpatuloy sa kanyang paglalakbay.

Ikaw, tutulad ka ba sa mga lalaking ito at babalik na lang sa dati? O magpapatuloy ka tulad ni Christian kahit na mahirap? O kung hindi ka pa talaga tagasunod ni Cristo, susunod ka pa rin ba sa kanya kung alam mong mahirap ang mga pagdadaanan mo sa landas ng pagsunod sa kanya?

Hirap na itinakda ng probidensya ng Diyos: “Inaakay niya ako (vv. 2, 3)…ako’y lumakad”

Ang ikatlong bagay na mahalagang tandaan natin sa hirap na daranasin natin sa lakbaying Kristiyano ay ito: ito yung hirap na itinakda ng probidensya ng Diyos. Ibig sabihin, anumang paghihirap na dinaranas mo bilang Kristiyano—totoo ngang ang iba ay dahil sa sarili mong kasalanan o sa kasalanan ng iba o dahil we’re living in this fallen world—pero ultimately, ito ay ayon sa itinakda ng Diyos. Hindi hahayaan ng Diyos na magdusa ka nang higit pa sa itinakda niya. Yun ang ibig sabihin ng doctrine of providence, na ipinaliwanag sa sagot ng Heidelberg Catechism sa Question 27:

Ang makapangyarihan at namamalaging lakas ng Diyos; kung papaanong, parang sa pamamagitan ng kanyang kamay mismo, ay patuloy niyang pinangangalagaan ang langit at ang lupa at ang lahat ng nilalang, at kanyang pinamamahalaan ang mga ito nang sa gayon, ang dahon at damo, tag-ulan at tagtuyot, mabunga at tigang na panahon, pagkain at inumin, kalusugan at karamdaman, kasaganahan at kawalan, sa katunayan, ang lahat ng bagay ay hindi dumarating nang ayon sa sapalaran kundi sa pamamagitan ng Kanyang kamay bilang Ama.

Kung mauunawaan natin ito, “tayo ay magiging mapagtiis sa kahirapan” na dumarating sa buhay natin at “sa lahat ng bagay na maaaring mangyari sa atin ay magkakaroon tayo ng matatag na pagtitiwala sa Diyos” (Question 28). Ito yung pagtitiwala na meron si David. Na nang siya’y “lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan” yun ay hindi dahil sa sarili niyang kasalanan o dahil sa kagagawan ng mga kaaway niya kundi ultimately ay dahil dun siya dinala ng Diyos. Kung paanong “inaakay niya ako” ang dalawang beses niyang sinabi sa verses 2-3, gayon din naman ay alam niyang mga kamay ng Diyos ang nagdala sa kanya sa madilim na lugar na ito. Yun ang probidensya ng Diyos.

Sa hirap na dinanas ni David sa buong buhay niya—sa kadilimang dulot ng pagtugis sa kanya ni Haring Saul para patayin, sa kadilimang dulot ng sarili niyang kasalanan kay Batsheba at Uriah, sa kadilimang dulot ng pagtatraydor sa kanya ng sarili niyang mga sundalo at maging ng kanyang anak na si Absalom—kailangang-kailangan niya ang katotohanang anumang hirap na dinanas niya ay nasa makapangyarihang kamay o providential hand ni Yahweh na kanyang pastol.

Itong “libis ng lilim ng kamatayan” ay siya ring dinaanan ng Panginoong Jesus, daang itinakda sa kanya ng Diyos. Mula pa noong bata pa lang siya, hindi ba’t tinutugis na siya ni Haring Herodes para patayin? Nang tuksuhin siya ng Diyablo sa ilang, hindi ba’t ang Espiritu ng Diyos ang nagdala sa kanya dun (Mat. 4:1)? Hindi ba’t sariling pamilya niya hindi siya pinaniniwalaan? Hindi ba’t ang mga disciples niya ay tinalikuran siya, at ang isa pa nga ay trinaydor siya? Hindi ba’t noong ipinako siya sa krus, tanghaling tapat ay nabalot ng kadiliman ang buong lupain? Totoong masasamang tao ang nagkanulo at nagpapako at pumatay sa kanya, pero lahat ng iyon ay ayon sa pasya ng Diyos (Acts 2:23), at “itinakda noong una pa man ayon sa…kapangyarihan at kalooban” ng Diyos (Acts 4:28). Hindi ba’t sumigaw siya noon, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan” (Matt. 27:46)? Hindi ba’t galing ‘yan sa Psalm 22:1 na awit din ni David, at mababasa natin bago natin basahin ang Psalm 23? Dahil nauna nang lakaran ng ating pastol na si Jesus ang hirap at bigat ng Psalm 22, maaawit din natin ang Psalm 23 sa hirap na pagdadaanan natin sa buhay, “Bagaman ako’y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan…”

Ano ang nararapat na tugon sa hirap ng lakbaying Kristiyano?

“Wala akong katatakutang kasamaan.” ‘Yan ang sagot sa ikalawang tanong natin dito, Ano ang nararapat na tugon sa hirap ng lakbaying Kristiyano? Pero siyempre, hindi ito ang karaniwan o natural na nagiging reaksyon natin. Kaya nais ng Diyos na baguhin ang responses natin mula sa pagkatakot sa anumang kadiliman o kasamaan tungo sa pagkakaroon ng lakas ng loob sa pagharap sa kadiliman o kasamaan.

Mula sa pagkatakot sa kasamaan

Natural sa atin ang pagkatakot. Lalo na kapag madilim. Kapag nag-brownout, walang flashlight, walang kandila, tapos inutusan ka ng nanay mo na may kuhanin sa kuwarto sa itaas, natural may takot, may kaba. Sa paglalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, merong mga masasamang elemento diyan, yun yung “evil” na tinutukoy ni David. Pwedeng masasamang tao na aatake sa kanya, tulad ng mga kaaway niya na tinutukoy sa verse 5. O anumang masamang mangyari, kung mahulog ka sa hukay habang naglalakad ka, kasi nga madilim, hindi mo makita yung daraanan. O yung pag-atake ng diyablo para ibagsak tayo. O yung pinakamatinding kalaban natin ay yung kasamaang nananatili sa puso natin, “Prone to wander, Lord, I feel it; prone to leave the God I love.” Nandun yung takot na baka isang araw paggising mo, magpasya kang hindi na sumunod kay Cristo, lalo na sa hirap kapag seseryosohin ang pagiging Kristiyano. Parang mas madali pa yata yung ‘wag na lang sumunod kay Cristo. Nakakatakot naman talaga kapag dumating tayo sa ganyang punto ng buhay natin.

Tungo sa lakas ng loob sa pagharap sa kasamaan

Kaya mula sa takot, tungo sa lakas ng loob sa pagharap sa kasamaan, ‘yan ang nais ng Diyos na maging kumpiyansa na nasa puso natin. Ikalawang statement of confidence na ‘to sa Psalm 23. Yung una ay sa verse 1, “I shall not want.” Dito naman, “I will fear no evil.” Ayon kay John Calvin, hindi naman sinasabi dito ni David na wala siyang naramdamang takot kahit kailan. Pero ang sinasabi niya, anumang takot na darating sa kanya, mapaglalabanan niya at makapagpapatuloy siya na lumakad nang walang takot saanman siya dadalhin ng kanyang pastol. Nagsabi kasi siya sa mga sumunod kung ano ang nakapagpapalakas ng loob niya: kung sino ang kasama niya (si Yahweh) at kung ano ang hawak-hawak sa kamay ng kasama niya (tungkod at pamalo) (Commentary on the Book of Psalms, 1:395).

Sa buhay natin, oo, meron pa ring kaba, meron pa ring pag-aalala sa mga bagay na mangyayari as we walk in obedience sa salita ng Diyos, pero merong tapang na nanggagaling na ang landas na nilalakaran natin ay yung landas na inilatag sa atin ng Panginoon. Like nung nagmeeting ang mga elders ng church. Meron kaming mga recommendations sa mga church members tungkol sa church discipline. Alam naming maaaring hindi maging popular at hindi magustuhan ng iba at maaaring merong mga negative reactions at consequences. Pero hindi kami pinangunahan ng takot kung ano ang mangyayari. Dahil alam namin na kami ay mga undershepherds na hawak-hawak ng ating Good Shepherd. So, ano ang katatakutan mo kung ang landas na nilalakaran mo naman ay landas ng pagsunod sa ating Pastol—kahit na mahirap, kahit na mapanganib, kahit na mabawasan ang miyembro ng church, kahit na hindi magustuhan ng ibang tao? Bilang mga elders ng church, gusto namin siyempre, at gusto ng Diyos, na sundin ninyo ang halimbawa (imperfect example man) na makikita ninyo sa amin. Kaya mahalaga ang susunod na tanong…

Saan nanggagaling ang lakas ng loob na kailangan natin sa lakbaying Kristiyano?

Paano mapapalitan ang takot na nasa puso natin? O, saan nanggagaling ang lakas ng loob na kailangan natin sa lakbaying Kristiyano? Hindi naman pwedeng sa sarili lang natin: “Kaya mo ‘yan! Lakasan mo lang ang loob mo! Just think positive!” When our elders recommend an action para sa kongregasyon tungkol sa isang kaso ng church discipline last Sunday, tapos hindi sinang-ayunan ng karamihan, merong takot sa puso ko, “Ano ‘to? Ano ang mangyayari pagkatapos nito? Ano ang magiging reaksyon ng mga elders ng church? Handa ba yung church to face the consequences of their decision?” Buti na lang Psalm 23 ang salita ng Diyos sa atin nung umagang ‘yon. I found courage, and stillness and peace and rest and self-control from knowing kung sino ang Pastol na nag-aalaga sa atin, si Yahweh.

Dito sa verse 4, sinabi ni David kung bakit hindi siya natatakot o kung paanong napapawi ang anumang takot na meron siya. Ito ay sa pag-alala kung sino ang kasama niya, ano ang dalawang bagay na hawak niya, at ano ang ibinibigay sa kanya ng mga ito.

Sa presensya ng Diyos: “…sapagkat ikaw ay kasama ko…”

Sino ang kasama niya? Si Yahweh. Pero hindi niya sinabing, “Sapagkat si Yahweh ay kasama ko.” Mas personal, si Yahweh mismo ang kausap niya, “Sapagkat ikaw ay kasama ko.” Naniniwala talaga siya sa sinasabi niya. His confession of faith becomes a prayer. Kapag ang theology natin ay naging laman na ng panalangin natin, doon talaga tumitibay ang pagtitiwala natin sa Diyos. Sabi nga ni Alec Motyer, “The darker the shadow, the closer the Lord.” Lagi naman siyang malapit, omnipresent nga siya. Pero mas nararamdaman natin ang presensya niya sa oras na kailangang-kailangan natin siya. Tulad ng isang batang nasa dilim at takot na takot. Kapag naramdaman niya sa tabi niya ang tatay niya na hawak-hawak siya, naglalaho ang anumang takot. The presence of God makes all the difference.

Anumang makaharap natin sa libis ng lilim ng kamatayan, anumang panganib, sinumang kaaway, anumang sakit, anumang hirap, kahit ang kamatayan man, sapat sa atin na malaman na ang Diyos ang kasama natin. Ang presensya ng Diyos ang papawi sa anumang takot na meron sa puso natin. His presence is enough. Nang naparito ang Panginoong Jesus, pinangalanan siyang Emmanuel, na ang ibig sabihin ay, “Kasama natin ang Diyos” (Mat. 1:23). Sa dulo ng Matthew, bago umakyat si Jesus sa langit, pagkatapos banggitin ang Great Commission, pangako niya, “Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mat. 28:20). Kasama natin si Jesus, our Shepherd, hanggang ngayon, araw-araw sa pamamagitan ng Espiritu na nasa atin. Ang presensya ng Diyos ay hindi lang nasa unahan natin, o nasa tabi natin, kundi nasa atin mismo.

Sa proteksyon ng Diyos: “…ang iyong pamalo…”

Ano ang hawak-hawak ng ating Pastol sa kanyang mga kamay? “Ang iyong pamalo at ang iyong tungkod.” Gamit ito ng pastol, yung rod and staff. Yung pamalo ay yung proteksyon ng Diyos. Na walang anumang masama ang tuluyang magtatagumpay laban sa atin. Kung may mabangis na hayop na sasalakay sa tupa, merong pamalo ang pastol para ipagtanggol ang kanyang tupa. Sa paglalakbay ni Christian:

Narinig din niya ang nakakatakot na mga tinig ng mga pagala-galang nilalang, kaya’t akala niya ay merong aatake sa kanya at siya’y pagpipira-pirasuhin, o tatapak sa kanya na parang putik sa lansangan. Sa kanyang pagpapatuloy ay may natanaw siyang isang nakakatakot na lugar, at sa di kalayuan naman ay meron siyang narinig na nakakakilabot na ingay. Pagdating niya sa lugar kung saan merong isang grupo ng mga halimaw, siya’y huminto at napaisip kung ano ang pinakamabuting gawin . . . nang maramdaman niyang tila malapit na sa kanya ang mga halimaw, siya ay sumigaw nang buong tapang, “Ako ay lalakad sa lakas na bigay ng Panginoong Diyos!” Kaya’t sila’y napaatras at hindi na nagtangkang lumapit pa sa kanya.

‘Yan ang proteksyong ibinibigay ng Diyos sa kanyang mga anak. “If God is for us, who can be (successfully) against us?” (Rom. 8:31).

Sa pag-akay ng Diyos: “…at ang iyong tungkod…”

Bukod sa pamalo, meron din siyang tungkod. Gamit ‘yan para sa suporta at alalay. Hindi naman ‘yan kailangan ng Diyos. Hindi naman siya napapagod o nahihirapan sa pagsama sa atin. Ang tupa maaaring mahulog sa hukay sa kanan o sa kaliwa, kapag nalihis ng landas. Yung tungkod ay para akayin siya, hatakin siya pabalik. At ‘yan ang pagdidisiplina ng Diyos kapag tayo ay naliligaw ng landas. Kapag ginagamit niya ang salita niya para ibalik tayo, para bigyan tayo ng warning na mapapahamak tayo kung tuluyan tayong lalayo sa Diyos. ‘Yan din ang pagdidisiplina na sinusunod natin sa church—ayon sa salita at utos ng Diyos. Dahil kapag hindi, mapapahamak tayo, mapapahamak ang mga kapatid natin kung paiiralin natin yung emosyon lang natin at hindi yung pagsunod sa malinaw na salita ng Diyos.

Sa pag-aliw ng Diyos: “…inaaliw ako ng mga ito…”

Oo, mahirap kapag pinadadaan tayo ng Diyos na madilim na landas, mabigat kapag dumaraan tayo sa mga mahihirap na sitwasyon, masakit kapag dinidisiplina tayo ng Diyos para maibalik tayo sa tamang landas. Pero ang sabi ni David tungkol sa tungkod at pamalo ng Diyos, “inaaliw ako ng mga ito.” Hindi yung hirap at sakit at bigat ang nangingibabaw kundi yung kaaliwan o comfort na nanggagaling sa Diyos. Sabi ni Augustine sa exposition niya ng Psalm 23 na ang pagdidisiplina ng Diyos sa kanya ay “hindi naging pabigat sa akin. Sa halip, naging kaaliwan ito sa puso ko, dahil alam kong iniisip mo ako” (Expositions on the Book of Psalms, p. 60). Mas masakit nga at mas nakakatakot nga kung hindi ka dinidisiplina, kasi wala nang pakialam sa ‘yo. That’s tragic. Ano ang kaaliwan natin? Ang presensya ng Diyos, ang pag-iingat ng Diyos, at ang pag-akay sa atin ng Diyos. Siya si Yahweh, ang ating Pastol, ang ating Gabay, buong buhay.

Paano ako maglalakbay?

Gaano man kahirap ang daan na nilalakaran mo ngayon o lalakaran mo balang araw—anuman ‘yang libis ng lilim ng kamatayan na itinakda ng Diyos na lakaran mo, mao-overcome natin ang anumang takot sa puso natin kung aalalahanin natin at paniniwalaan natin na si Yahweh, ang Panginoong Jesus mismo, ang kasama natin, at gagawin niya ang lahat ng dapat gawin at walang makakapigil sa kanya para tiyakin na mananatili tayo sa paglakad hanggang makarating tayo sa dulo. Tapusin natin ang pagbubulay natin ngayon sa pamamagitan ng dalawang helpful thoughts galing kay Spurgeon at isang eksena sa Pilgrim’s Progress. Kung pinaniniwalaan talaga nating ang Diyos ang kasama natin, ganito ang magiging postura natin sa lakbaying Kristiyano. Paano tayo maglalakbay?

Naglalakad: “walk through” / “ako’y lumakad” (AB)

Una, naglalakad. Heto yung observation ni Spurgeon sa salitang “Bagaman ako’y lumakad…” Kapag naharap tayo sa dilim, natural sa atin ang umatras, umiba ng landas, o bilisan ang takbo! Pero dito, sabi ni Spurgeon, “Parang sinasabi ng mananampalataya na hindi siya nagmamadali sa oras ng kamatayan, kundi patuloy na kalmadong lumalakad kasama ang Diyos. Ang paglakad ay larawan ng isang kaluluwang tuloy-tuloy ang pag-usad—alam ang daan, alam ang hantungan, buo ang loob na sundan ang landas, kampante sa presensya ng Diyos, kaya’t payapa at panatag ang puso.” Kalmado ka bang lumalakad kasama ang Diyos? O parang gusto nang kumaripas ng takbo?

Nakatanaw sa dulo: “walk through” / “Dumaan man ako” (MBB)

Ikalawang postura ng isang manlalakbay: nakatanaw sa dulo. Hindi tayo forever sa daang ito. Sa ESV, “Even though I walk through…” Sa MBB, “Dumaan man ako…” Hindi ito ang hangganan at tirahan natin (tulad ng makikita natin sa vv. 5-6), dumaraan lang tayo. Sabi ni Spurgeon tungkol sa oras ng kamatayan, “Daraan tayo sa madilim na lagusan ng kamatayan, pero sa dulo nito ay liwanag ng walang-hanggang buhay. Hindi tayo talaga namamatay—tayo’y natutulog lang, para magising sa kaluwalhatian. Ang kamatayan ay hindi ang bahay, kundi ang tarangkahan o pasukan lang. Hindi ito ang hangganan, kundi ang daan patungo roon.”

May we all find comfort na sa lakbaying ito, hindi tayo nag-iisa. Tulad ni Christian:

Habang siya’y patuloy na naglalakbay sa gitna ng matinding kalungkutan ay narinig ni Christian ang tinig ng isang lalaking nasa unahan niya, na sinasabi, “Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat ika’y aking kaagapay.” Tuwang-tuwa si Christian nang marinig niya ito…

Nauna na si David na umawit ng Psalm 23. Nauna na ang Panginoong Jesus na umawit at pinatutukuyan ng Psalm 23. Matapos ang kadiliman ng kanyang kamatayan sa krus, suminag ang liwanag sa ikatlong araw sa kanyang muling pagkabuhay. Kasama natin ang Diyos. Kasama natin ang mga kapatid natin kay Cristo na lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan.

…naisip niya na kung mahahabol niya ang lalaking nasa unahan niya, magkakaroon na siya ng kasama sa paglalakbay. Kaya’t si Christian ay nagpatuloy sa paglalakad at tinawag niya ang lalaking nasa unahan niya. Ngunit hindi siya sinagot nito, sapagkat iniisip din ng lalaking iyon na siya’y mag-isa lang sa paglalakbay [No, hindi tayo nag-iisa].

Lumipas ang ilang sandali at sumikat na ang araw. Sinabi ni Christian, “Ang gabing madilim ay ginawa na Niyang umaga.”…sumisikat na ang araw nang mga oras na iyon. Kaya’t sinabi ni Christian, “Ang liwanag Niya sa akin ay gumagabay, sa paglakad ko sa dilim, Siya ang aking tanglaw.”

Madilim man ang nilalakaran natin ngayon, one day, masisilayan natin ang liwanag.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply