Introduction: Tayo ay tinawag para sa “gospel ministry.”

Ang pag-uusapan natin ngayon ay tungkol sa ministry o paglilingkod. To be more specific, tungkol sa gospel ministry. Siyempre, kapag gospel ang pinag-uusapan, alam naman nating ito ay, ayon kay Tim Keller, hindi “good advice” kung ano ang dapat nating gawin, kundi “good news” ng ginawa ni Cristo para sa atin ang hindi natin magagawa sa sarili natin. Alam nating naligtas tayo mula sa ating masaklap na kalagayan bilang mga makasalanan by grace alone through faith alone in Christ alone. Hindi ‘yan sa anumang ginawa natin. Napag-aralan natin ‘yan sa Ephesians 2:8-9. At sa verse 10 naman ay ipinaalala sa atin ni Paul na ang kaligtasang tinanggap natin ay nagbubunga ng mabuting gawa sa buhay natin. Kasama diyan yung paglilingkod na ginagawa natin sa ministry. Naligtas tayo hindi dahil sa mabuting ginagawa natin sa ministry; sa halip, dahil naligtas na tayo, kaya tayo nagsisikap na pagbutihan ang ginagawa natin sa ministry.

Ang problema, nagiging prideful pa rin tayo, kapag iniisip natin na narito tayo sa isang particular ministry—mataas siguro ang posisyon mo, o malaki ang influence mo o marami kang spiritual gifts kumpara sa iba—iniisip na mas nakahihigit tayo sa iba, mas magaling, mas mahusay, mas matalino, mas deserving. Kapag ganun, naaapektuhan yung desires natin sa ministry, nandun yung desire for self-glory, mas makilala ng iba, mas maka-receive ng mga good feedback, masabing magaling tayo. Kaya ang iba nagiging bida-bida sa ministry. Yung iba naman, ang daling panghinaan ng loob. Marami palang kailangang isakripisyo na oras, lakas, pati financial resources, ‘wag na lang, kayo na lang diyan. Yung iba nga hindi pa nasusubukan mag-involved sa ministry, pinanghihinaan agad ng loob. Ang ugat ng problemang ito? Self-focus. Ang solusyon? Ang maturuan ang puso natin to shift focus palabas sa sarili natin, especially to be more focused on God. Siya ang Bida sa salvation natin, siya rin ang Bida sa ministry, hindi tayo.

Para matulungan tayo na magkaroon ng ganito karadikal na God-centered focus sa ministry, ituloy natin yung sinasabi ni Paul sa Ephesians 3:1-13. Kung naaalala ninyo last time, sinabi ko na mukhang sa simula ng chapter 3 ay magsisimula na siyang banggitin yung prayer niya para sa mga Ephesians, pero nagkaroon ng interruption hanggang verse 13. Sa verse 14 pa lang niya itinuloy yung prayer niya. Bago yun, nararamdaman ni Pablo na mahalagang masabi sa kanila kung ano ang tungkol sa gospel ministry na ibinigay sa kanya ng Diyos, “Pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti” (Eph. 3:2 MBB). At sinabi niya na ang ministry niyang ito ay connected sa tinawag niyang “the mystery of Christ” (Eph. 3:4). So, karamihan sa pinag-usapan natin sa first six verses ay tungkol sa mystery na ‘to. Heto yung summary na binigay ko, na ang mystery ay ito: Ipinahayag ng Diyos ang kanyang plano ng pagliligtas na ang katuparan ay nasa kanyang Anak na si Jesu-Cristo at sa kanyang ginawa sa krus, at ito ay nakarating sa atin bilang mabuting balita na narinig natin, pinaniwalaan, at tinanggap sa pamamagitan ng gawa ng Espiritu, na siyang naglagay rin sa atin sa iglesya, ang komunidad ng lahat ng nakay Cristo.

As we continue sa Ephesians 3:7–13, mas pagtutuunan na natin ng pansin yung gospel ministry ni Pablo. Sabi niya sa simula nito, “Of this gospel I was made a minister” (Eph. 2:7). “Ako’y ginawa niyang lingkod,” in service of the gospel. Yung word diyan na “minister” sa Greek ay diakonos, kung saan nanggaling ang salitang “deacon,” na siyang tawag natin sa mga itinalaga ng church sa position ng pangangasiwa sa isang partikular area of ministry ng church. Literally, ang ibig sabihin ng salitang ito ay “table servants,” o yung mga nangangasiwa sa pagse-serve ng pagkain. Pero dito, ginagamit ni Paul yung salitang ito not to refer to the office of deacons, kundi para tukuyin ang specific na pagkakatawag sa kanya ng Diyos sa ministry bilang apostol na ihahain ang gospel sa mga nangangailangan nito. By extension, siyempre, masasabi rin natin na ang bawat Kristiyano, bawat isa sa atin na nakay Cristo na tumanggap ng gospel ay isang minister o diakonos of the gospel. Tinawag tayo na maglingkod in service of the gospel of Christ. Bawat isa sa atin, walang exceptions.

Dahil diyan, mahalagang pag-usapan natin ang ilan sa mga essentials o mga mahahalagang bagay na kailangan nating isaalang-alang for us to be a more God-focused minister of the gospel. Anu-ano yun?

A. The gift (kaloob) of gospel ministry (vv. 7–8a)

Ang unang mahalagang bagay tungkol sa gospel ministry ay yung pagkilala na ito ay kaloob o regalo ng Diyos. Sa chapter 2, nakita na natin na ang kaligtasan natin ay kaloob o regalo ng Diyos (Eph. 2:8-9). Ibig sabihin, libreng ibinigay, walang bayad, hindi suweldo na tinanggap natin dahil pinagtrabahuhan nating mabuti. Dito naman sa chapter 3, ang ministry na ‘to ay regalo rin na galing sa Diyos. Sabi ni Paul sa verses 7-8,

Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako’y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito’y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 8 Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma’y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging kagandahang-loob na ito… (MBB).

Sa salin ng Ang Biblia, “…ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin.” Klaro ‘yan. Ang pagkakatawag kay Pablo sa ministry ay regalo ng Diyos, libreng ibinigay, walang bayad. Paanong ang katotohanang ito ay nagtatanggal ng self-focus natin sa ministry?

Dahil sa biyaya ng Diyos (v. 7)

Una, dahil mare-realize natin na ito ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos. “Sa kagandahang-loob ng Diyos…minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging kagandahang-loob na ito,” o “biyaya ng Diyos” (AB), sabi ni Pablo. Ang ministry na meron siya ay patunay ng gracious character ng Diyos. Hindi ito patunay ng anumang righteousness o worth na meron si Pablo. Kapag bibigyan mo ng regalo ang asawa mo, sasabihin mo, “Deserved mo ‘yan, Sweetheart.” Nang ibigay ni Lord yung ministry kay Paul, alam ni Paul na hindi niya yun deserved. Hindi niya nakakalimutan na “noong una’y nilapastangan, inusig at nilait” niya ang Diyos (1 Tim. 1:13). Pero kinahabagan siya ng Diyos, “the grace of our Lord overflowed for me” (1 Tim. 1:14). Ipinagkaloob sa kanya hindi lang ang kaligtasan kundi ang pribilehiyo na ipamalita ang ebanghelyo ng kaligtasan sa maraming tao. Ito ay dahil sa malayang desisyon ng Diyos na kahabagan si Pablo. Walang obligasyon ang Diyos na ipagkaloob ang ministry na ‘to sa kanya. Sa atin din, tinanggap natin ang pribilehiyo na makapaglingkod not because we are deserving, but because God is gracious, dahil overflowing ang biyaya niya sa atin. Mawawala ang self-focus natin sa ministry kung masasabi rin natin with Paul na our ministry is all of grace: “But by the grace of God I am what I am, and his grace toward me was not in vain. On the contrary, I worked harder than any of them, though it was not I, but the grace of God that is with me” (1 Cor. 15:10). Grace, grace, grace.

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos (v. 7)

    Ikalawa, matatanggal din ang self-focus natin sa ministry dahil mare-realize natin na magagawa lang natin ito not because of our hard work or determination, kundi sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Diyos. The grace of God is powerful, transforming grace ‘yan. Ang ministry ay hindi lang ibinigay kay Pablo bilang regalo. Ito rin ay patotoo sa kapangyarihan ng Diyos to transform Paul para sa ministeryong iyon. “Ako’y ginawa niyang lingkod” (Eph. 3:7). Ang focus ay wala sa desisyon o effort ni Pablo, kundi sa desisyon at gawa ng Diyos. “Ang tungkuling ito’y ibinigay sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,” “by the working of his power” (Eph. 3:7). Kapangyarihan lang ng Diyos ang may kakayahang baguhin ang isang mamamatay-tao para maging tagapagdala ng ebanghelyo na nagbibigay ng buhay sa mga patay. Naranasan ni Pablo ang resurrection power ng Diyos, na siyang prayer niya na maunawaan at maranasan nila sa Ephesians 1:19-20, “kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Cristo.” Kung alam mong regalo ng Diyos ang ministry na meron tayo, hindi mo na pwedeng sabihing hindi mo kayang gawin ang ipinapagawa ng Diyos. Hindi natin kaya siyempre dahil tayo ay mga mahihina at limitadong mga nilalang. But realizing that the life-giving power of the gospel is in us, then, magagawa natin ang ipinapagawa ng Diyos, all by his grace and power.

    Dulot ay kababaang-loob sa lingkod ng Diyos (v. 8)

      Matatanggal talaga ang self-focus natin sa ministry kung alam natin na nandito tayo ngayon at nakapagpapatuloy dahil sa biyaya at kapangyarihan ng Diyos. So, instead of self-focus na nagdudulot ng pride, ang magiging dulot nito ay kababaang-loob sa mga lingkod ng Diyos na tulad ni Pablo. Tingnan mo kung paano niya ipinakilala ang sarili niya sa verse 8, “Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos,” “the very least of all the saints” (Eph. 3:8). Hindi ito false humility, na pa-humble kunwari si Pablo. Knowing him, common sa kanya na ganito magsalita tungkol sa sarili niya. Sabi niya sa mga taga-Corinto, “Ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos” (1 Cor. 15:9). And then sa mga taga-Efeso, hindi lang mga apostol ang point of comparison niya, kundi lahat na ng mga Kristiyano! Tayo kapag may guest speaker, VIP usually ang treatment, at yung iba naman feel na feel na VIP sila. Pero si Paul, sabi pa nga niya kay Timothy, number 1 siya, number 1 sinner, “Ako ang pinakamakasalanan sa lahat” (1 Tim. 1:15 ASD). Kung may laro na “arrange yourselves ayon sa laki ng kasalanan ninyo,” si Pablo ang nasa unahan. Kilala niya kasi ang sarili niya. Kung self-focus sa ministry, imposibleng mangyari ito kay Paul dahil nga sa tamang pagkilala niya sa sarili niya. The more we know kung gaano katerible ang kundisyon natin bilang mga makasalanan apart from Christ, the more na magiging humble tayo sa ministry. At ‘yan ang mangyayari kung alam natin na ang ministry natin ay regalo na galing sa Diyos.

      B. The goal (layunin) of gospel ministry (vv. 8b–10)

      Bukod sa pagiging gift o regalo ng gospel ministry, ano pa ang mahalagang isaalang-alang for us to be a more God-focused minister of the gospel? Heto yung pangalawa, dapat nating i-consider kung ano ba ang goal o layunin ng gospel ministry. Definitely, hindi ito for our self-glorification. Ang ministry ay hindi platform para maging showcase ng husay, talento, o talino natin. Ang ministry ay para mai-showcase kung sino ang Diyos. Siya ang nasa spotlight. Sa verses 8-10 ay gumamit ng tatlong salita si Pablo para i-indicate ang layunin ng ministry: “to preach…to bring to light…made known”:

      …na ipangaral (to preach) sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, 9 at upang maipaunawa (to bring to light) sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. 10 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala (made known) ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba’t ibang paraan. (Eph. 3:8-10)

      Hindi tayo ang laman ng preaching, hindi tayo ang dapat na sumikat, hindi tayo ang dapat na makilala. Kung aalalahanin natin ‘yan, matatanggal talaga ang self-focus sa ministry natin. Sa halip, ano ang mangingibabaw na desires sa heart natin? Tulad din ng nais ng Diyos na mangyari.

      Upang mahayag ang kayamanan ni Cristo (v. 8)

        Una, upang mahayag ang kayamanan ni Cristo: “na ipangaral (to preach) sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo” (Eph. 3:8). Ang preaching na tinutukoy niya rito ay hindi lang yung ginagawa sa pulpito na preaching sa congregation. Ito ay evangelizo, pangangaral ng mabuting balita, na magagawa ng kahit sino sa atin na naniniwala rito. Para raw kanino ang gospel na ‘to? Sa mga Gentiles, sila yung particular audience ni Paul, not to the exclusion of the Jews siyempre. Pero may emphasis sa unique na pagkakatawag niya na dalhin ang gospel sa labas ng Israel, to all nations. At tungkol saan ang magandang balitang ito, at paano ito naging magandang balita? Hindi ito yung balita kung paano ka yayaman o paano magiging maayos ang buhay mo. Ito ay balita tungkol kay Cristo, “tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo,” “the unsearchable riches of Christ.” Ilang beses nang binanggit ni Paul itong kayamanan na meron tayo kay Cristo, yung bahagi ng “every spiritual blessing” na ipinagkaloob sa atin ng Diyos dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo (Eph. 1:3). Ang salvation natin ay “ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya” (Eph. 1:7 AB). Ito yung layong maipakita ng Diyos, “ang di-masukat na kayamanan ng kanyang biyaya” (Eph. 2:7 AB). Di-masukat ang kayamanang iyan, “untraceable” (Thielman), “unfathomable” (Hoehner). Kumbaga sa dami ng pera, hindi mo mabilang sa dami; kumbaga sa lalim ng dagat, hindi mo masisid ang dulo. Mauunawaan natin, pero hindi lubos na mauunawaan. When we preach the gospel, we preach the blessings of the gospel. Sabihin natin kung bakit good news ang gospel. Hindi lang dahil sa forgiveness, hindi lang dahil makakatakas tayo sa impiyerno, hindi lang dahil mapupunta tayo sa langit. Hindi lang ang yaman na meron tayo kay Cristo ang ipi-preach natin, kundi ang yaman na meron tayo na si Cristo mismo. Christ is our treasure, he is the gospel. Ang anumang ministry na hindi naririnig at naitatanghal si Cristo nang higit sa lahat ay hindi isang faithful ministry. Kung si Cristo ang bida sa ministry natin, imposible na maging self-focused tayo.

        Upang mahayag ang plano ng Diyos (v. 9)

          Ikalawang layuning dapat nangingibabaw rin sa desires sa puso natin, upang mahayag ang plano ng Diyos: “at upang maipaunawa (to bring to light) sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay” (Eph. 3:9). ‘Yan ang goal: “maipaunawa,” o maipaliwanag, o bigyang-liwanag, na parang isang madilim na kuwarto na nag-on ng switch o nagbukas ng flashlight para makita ang hindi makikita kung madilim. Kanino ipapaliwanag? For everyone, para sa lahat. Hindi lang basta Gentiles, kundi sa lahat ng tao—Judio o Hentil. Ano ang bibigyang-liwanag? “The plan of the mystery hidden for ages in God…” Ito yung mystery na napag-usapan natin sa verses 1-6. Yung plan dito ay oikonomia, iba sa oikonomia/stewardship sa verse 2 na tumutukoy sa ministry ni Paul. This time, ito yung plano ng Diyos, ito yung work of providence ng Diyos sa salvation history, in orchestrating history para mangyari ang layunin niya. Anong layunin? Para ipagkasundo tayo sa Diyos, para pag-isahin ang mga Judio at mga Hentil in union with Christ.

          Sa pagtuturo natin ng gospel, hindi lang dapat na sinasabi natin ang tungkol sa personal salvation. Kaya nga meron tayong “Story of God” na ginagamit in sharing the gospel para makita nila ang kabuuan ng kuwento mula sa simula sa creation hanggang sa new creation. Madalas nagiging self-focused ang evangelism natin kapag nagiging concern lang natin kung paanong ang mga kaluluwa ay mapupunta sa langit! Nagiging God-focused ang goal natin kapag nagiging malinaw kung ano ang gusto ng Diyos na mangyari, kung ano ang big picture ng Story of God. Kumbaga sa isang movie, gusto mong mapanood hindi lang trailer na 3 minutes, kundi yung full-length, at mas makilala mo na ang Diyos ang Bida sa kuwentong ito. In the beginning, God! In the end, God! Kaya nga binanggit ni Paul ang Diyos na siyang “lumikha ng lahat ng bagay” (Eph. 3:9). Bakit binanggit ‘yan ni Paul? Ang Diyos na lumikha sa lahat ay ang Diyos na in his providence ay sovereignly accomplishing everything according to his plan. Hindi siya ang diyos ng mga Deists na parang watchmaker, pagkatapos likhain ang mundo ay iniwan na itong umandar sa sarili nitong mekanismo. No, ang kamay ng Diyos ay kumikilos para pangasiwaan ang nilikha niyang nahulog sa kasalanan. Hanggang makalikha siya ng bagong nilikha, the new creation, the church, sa pamamagitan ni Cristo.

          Upang mahayag ang karunungan ng Diyos (v. 10)

            Ang layunin ng gospel ministry, una ay upang mahayag ang kayamanan ni Cristo; ikalawa ay upang mahayag ang plano ng Diyos; at ikatlo ay upang mahayag ang karunungan ng Diyos. Ito naman kasi ang desire ng Diyos bakit niya nilikha ang church: “Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala (made known) ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba’t ibang paraan” (Eph. 3:10). Heto ang layunin ng Diyos na gusto niyang mangyari kung bakit ang ministry ni Pablo ay nakasentro sa pangangaral ng ebanghelyo. Ang goal ay hindi lang para magkaroon ng converts na naghihintay lang ng panahon na sila ay mamamatay at mapupunta na sa langit. No, the goal is to create a church. “So that through the church,” ibig sabihin na ang planong ito ng Diyos ay hindi mangyayari kung walang church. Ang church ay nasa sentro ng plano ng Diyos. Hindi ito optional, essential ang church. Ang layunin ng gospel ministry ay hindi maa-accomplish kung walang church.

            Ano ang gusto ng Diyos na mangyari through the church? “The manifold wisdom of God might now be made known.” Makilala ng lahat kung sino ang Diyos, especially yung kanyang karunungan. What is wisdom? Ito yung katangian ng Diyos na gagawin niya ang “the best” na paraan para ma-achieve yung “the best” na end goal. Ano ang end goal? The glory of God. The means? Christ and the church. Ito yung karunungan ng Diyos na nagplano at naglatag ng lahat para isakatuparan ang plano niya sa pamamagitan ni Cristo at ng church na siyang kalipunan ng mga taong nakay Cristo. Hindi lang ‘yan wisdom ng Diyos, but “manifold wisdom.” Maraming kulay, maraming anggulo, “beautifully complex” (Thielman) o hindi lubos na maipaliwanag ang kagandahan ng karunungan ng Diyos.

            Kanino nahahayag ang karunungan ng Diyos through the church? Definitely sa mga unbelievers kapag narinig nila ang gospel at nakita ang Diyos at work sa church. Kasama rin siyempre ang church na growing deeper into the gospel at nakaka-witness ng gawa ng Diyos na pagkasunduin at pag-isahin ang mga taong natural na magkakaaway. The gospel is on display sa church, ang gandang pagmasdan niyan. Pero hindi tao ang audience na binanggit dito ni Pablo. Merong cosmic dimension ang purposes ng Diyos sa church: “to the rulers and authorities in the heavenly places.” Think of church as theater, putting the gospel and its transforming power on display. Ang audience? Mga anghel at mga demonyo! At sinasabi ng Diyos sa kanila, “Tingnan ninyo ang church na ginawa ko!” Yes, marami pa ring imperfections, mga kasalanan, mga pag-aaway-away. Pero mas lalong nagniningning ang pambihirang karunungan ng Diyos, yung transforming power of the gospel kapag ang mga makasalanan ay naipagkakasundo sa Diyos at sa isa’t isa.

            ‘Yan ang gospel ministry. Hindi lang salita tayo nang salita. Dapat nakikita sa buhay natin, at hindi ‘yan makikita nang malinaw kung walang church! Yes, go and tell the gospel to as many people as we can. Pero sabihin din natin sa kanila, “Come and see, tingnan ninyo kung paano kumikilos ang Diyos sa church namin.” At kapag nakita nila, ano ang makikita nila? Will they be astonished at the display of gospel power and God’s wisdom?

            C. The grit (tapang) of gospel ministry (vv. 11–13)

            Siyempre, kapag titingnan natin ang church, may magaganda tayong makikita, evidences of gospel growth. Meron din namang mga nakakadismaya, evidences na we’re still struggling with indwelling sin, still struggling to love each other sa church. Kapag ganun, mas madali sa atin ang panghinaan ng loob, o umatras na sa ministry, o hindi na mag-share ng gospel sa iba, o hindi na mag-invite ng friends sa church, o hindi na magpakita sa church. Kaya bukod sa unang dalawa nating nakita na essentials for a God-focused ministry (the gift and the goal), mahalaga rin itong tinatawag na “grit” sa gospel ministry. Ano ang ibig sabihin ng grit? Think of Pacquiao, kahit matanda na, matapang pa rin, confident pa rin na makipagbakbakan. That’s grit. At sa pakikipaglaban na haharapin natin sa gospel ministry, yung ganyang tapat ay saan nakakabit? Tingnan natin kung saan ito ikinakabit ni apostol Pablo:

            Nakakabit sa katiyakan ng katuparan ng plano ng Diyos (v. 11)

              Una, ito ay nakakabit sa katiyakan ng katuparan ng plano ng Diyos: “Ito’y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (Eph. 3:11). Kapag tayo ang nagplano, hindi naman tayo sigurado kung matutupad. Pero ang Diyos? Sigurado. Merong eternal purpose ang Diyos. Tayo limited lang ang nakikita natin. Nadidismaya tayo kapag para bang walang results yung ministry natin. Sa akala natin. Pero sa Diyos? Nagkaroon ng katuparan ang layunin niya—our salvation and the unity of the church—sa pamamagitan ni Cristo. Sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo. Sa pamamagitan ng kanyang pag-akyat sa langit at pag-upo sa kanan ng Diyos. And one day, malulubos ang katuparan ng lahat ng plano ng Diyos sa muling pagbabalik ni Cristo. God is eternal, almighty, and sovereign. Diyan nakakabit ang tapang na meron si Pablo at bawat isang Kristiyano sa ministry.

              Nakakabit sa kumpiyansa na meron tayo kay Cristo (v. 12)

                Ikalawa, ito ay nakakabit sa kumpiyansa na meron tayo kay Cristo: “Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo at sa pamamagitan ng ating pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob” (Eph. 3:12). Ang susi dito ay ang pakikipag-isa natin kay Cristo, our union with Christ. Ang tapang ni Cristo sa pagtupad ng misyon na bigay sa kanya ng Diyos ay dumadaloy sa atin because we are united with him. Siya ang object of our faith. Meron tayong kumpiyansa, meron tayong boldness na lumapit sa Diyos dahil kay Cristo. “Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu” (Eph. 2:18). Kung malaya tayong makakaharap sa Diyos, hindi ba tayo magiging matapang na makaharap kahit kaninuman, o kahit sa anuman? Ano ang katatakutan mo sa ministry—kung ano ang mawawala sa ‘yo, kung ano ang magiging resulta, kung ano ang magiging response ng mga tao sa ‘yo—kung nakadikit ka kay Cristo? In Christ, you are invincible.

                Nakakabit sa kabutihang dulot ng paglilingkod (v. 13)

                  Ikatlo, ito ay nakakabit sa kabutihang dulot ng paglilingkod. Yung hirap kasi o yung sacrifices na kailangan ang madalas na iniiisip natin kaya nagdadalawang-isip tayo na ma-involved. Kaya hiling ni Pablo sa kanila, “Kaya’t hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito’y para sa inyong ikararangal” (v. 13). Ano ang pakiusap niya sa kanila? Na hindi sila panghinaan ng loob kapag nakikita nila ang kalagayan ni Pablo na nakakulong dahil sa faithfulness niya sa gospel ministry. Hindi lang ito dahil sa awa sa nangyayari kay Paul. Pero yung ma-discourage sila na kung si Pablo na tapat na naglilingkod ay ganito ang sinapit, can we expect better? Sabi ni Paul, don’t treat this suffering as a bad thing, this is good, this is good for you. Sinabi niya na ang pagkakabilanggo niya ay “on behalf of you Gentiles” (3:1). Yung ministry niya “given to me for you” (3:2). Dito naman sa v. 13, “which is your glory.” Hindi dapat ikahiya, karangalan pa nga. Hindi sinabi ni Paul na, “My suffering, my glory” o “your suffering, your glory.” Although totoo naman din ‘yan in a sense (Rom. 8:17). Sabi niya, “My suffering, your glory.” ‘Yan ang ministry. Pati sufferings natin ay nagiging ministry na nakakabuti para sa iba. Nagpapakita ito ng solidarity o pagkakaisa ng church sa paghihirap for the sake of the gospel. This is our glory, not our riches, not our comfortable lifestyle, but when we are willing to lose everything for the sake of Christ, giving witness to the truth that Jesus is worth losing our life for—that he is our life, our treasure, our joy, our all in all.

                  Conclusion: Kung ikaw ay tinawag, ano ang tugon mo?

                  Heto ang mga sinasabi ni Pablo na mga essentials o mahahalagang bagay na dapat nating i-consider para sa halip na maging self-focused tayo sa ministry, magkaroon tayo ng radically God-centered perspective sa ministry. Ang gospel ministry ay kaloob ng Diyos—dahil sa biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang gospel ministry ay para sa layuning maitanghal ang kadakilaan ng Diyos nang higit sa lahat—ang kayamanan ni Cristo, ang plano ng Diyos, ang karunungan ng Diyos. Ang gospel ministry ay nangangailangan ng tapang na nanggagaling sa kumpiyansa na meron tayo kay Cristo, sa katuparan ng layunin ng Diyos, sa kabutihang dulot nito sa atin at sa ibang tao. Ito ang mensahe ng Diyos sa atin. Kapag may nag-message sa ‘yo, ‘wag naman “seen” mode ka lang. Nabasa mo nga, napakinggan mo nga, wala ka namang reply o response. Lalo na kung mensahe na galing sa Diyos. So how do we respond? Kung tinawag ka sa gospel ministry, at kung Kristiyano ka siguradong tinawag ka…

                  Thanksgiving: Magpasalamat sa biyaya ng Diyos.

                  Magpasalamat ka sa biyaya ng Diyos. Kapag ministry ang pinag-uusapan, ‘wag trabaho lang ang iniisip mo, o sakripisyong kailangan mong gawin. Isipin mo, unang-una, pribilehiyo ‘yan. Regalo ‘yan ng Diyos sa ‘yo. Isipin mo, ikaw na makasalanang nararapat na itapon sa impiyerno ay binigyan niya ng karapatang lumapit sa kanya, at hindi lang basta lumapit sa kanya, kundi maglingkod para sa kanya. What a privilege!

                  Faithfulness: Maging tapat sa salita ng Diyos.

                  Manatili tayong tapat sa pagkakatawag sa atin ng Diyos. Tapat sa pangangaral ng kanyang salita—gospel doctrine. Tiyakin natin na bawat isa sa church ay naririnig, pinapaniwalaan, at itinuturo ang gospel sa iba. At siyempre, tapat din na ipinapamuhay ang gospel—gospel culture. Gospel doctrine + gospel culture = gospel power, sabi nga ni Ray Ortlund. Kaya ang mga elders ninyo ay makikipag-usap sa inyo na mga members ng church regularly. Tatanungin namin kayo how you are growing sa understanding n’yo ng gospel, paano kayo nag-iistruggle in living the Christian life na consistent sa gospel na pinaniniwalaan natin, at paano namin kayo matutulungan, magagabayan, at maipagpe-pray toward gospel maturity. Tulungan natin ang isa’t isa toward that end. Kaya nga may church.

                  Boldness: Maging matapang sa paglilingkod sa Diyos.

                  Lastly, merong panawagan dito na maging matapang tayo sa paglilingkod sa Diyos. Oo, mahiyain ang iba sa inyo. Ito na yung panahon na kapalan natin ang mukha natin. Lakasan natin ang loob natin. Malaki ang nakasalalay dito. Para sa sarili nating kapakanan, para sa kapakanan ng mga struggling church members natin, para sa kapakanan ng mga taong hanggang ngayon ay hindi pa nakakakilala kay Cristo. Kung alam mo ang gospel, kung kilala mo si Cristo, kung lagi mong naaalala kung ano ang ginawa niya para sa atin, Christ is really worth losing our life for. Jesus is our life. This is gospel ministry: ginagawa natin ito dahil kay Cristo at para sa mga taong nangangailangan kay Cristo—ako, ikaw, lahat tayo, at lahat ng tao sa buong mundo.

                  Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

                  Sign up to get your free pdf

                  By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

                  Leave a Reply