Introduction

Ang prayer ang gawaing Kristiyano na isa sa pinakamadaling gawin at pinakamahirap na gawin. Bakit pinakamadali? Kahit bagong Kristiyano ka, kahit bata ka pa, kahit wala kang malalim na training sa theology at ministry, kaya mong mag-pray. Bakit pinakamahirap? Dahil ito yung isang gawain na madali nating maisantabi na para bang optional at hindi ganoon kahalaga. Lalo na kapag ang dami nating pinagkakaabalahan—maraming assignments sa school, maraming ipinapagawa sa trabaho, maraming kailangang asikasuhin sa ministry, maraming problema sa pamilya. Kapag naisasantabi natin ‘yan, nakikita kung ano talaga ang prayoridad natin, kung ano talaga ang mahalaga sa ‘tin. Enough with our excuses for not praying. Hindi ba’t sa mga panahong sinasabi nating, “Ayoko na. Hindi ko na kaya. Hindi ko na alam ang gagawin ko,” yun nga ang panahong mas kailangan pa nating mag-pray?

Alam naman nating lahat na napakahalaga ng pagsamba at panalangin sa buhay Kristiyano. Kaya nga mahalaga na ito ang focus din ng mga pagtitipon ng church natin every Lord’s Day. The Christian life is all about God. Hindi ito tungkol sa atin. Kaya nga yung bungad ng sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso ay doxology at prayer. Doxology dahil merong mahabang pagpapahayag ng papuri sa Diyos sa Ephesians 1:3-14, “Blessed be the God and Father of our Lord Jesus Christ…” Papuri dahil sa mga pagpapalang espirituwal na tinanggap natin na mga nakay Cristo—yung blessings of election, adoption, redemption, forgiveness, revelation, inheritance, at sealing of the Spirit. Papuri dahil ang kaluwalhatian ng Diyos ang pinakalayunin sa kanyang pagliligtas sa atin: “to the praise of his glorious grace” (v. 6); “to the praise of his glory” (v. 12); “to the praise of his glory” (v. 14).

Hindi lang papuri, meron ding prayer pagkatapos nito. Ito naman yung kasunod, sa verses 15-23. Ang simula nito ay “Kaya nga” (MBB), “For this reason” (ESV). Nakakonekta ito sa papuri ni Paul sa verses 3-14. Ang papuri ni Pablo sa Diyos ay sinundan naman ng kanyang panalangin para sa mga taga-Efeso. Tulad ng verses 3-14, itong passage na ‘to ay isang mahabang sentence din sa Greek original. Matatawag ito na “prayer for those who have everything” (Hoehner, 247), knowing na pagkatapos ito ng vv. 3-14 kung saan nakita natin na kung tayo ay nakay Cristo we have everything. Tama naman. Pero hindi nangangahulugan yun na wala na tayong dapat hilingin sa Diyos sa panalangin at puro thanksgiving at praises na lang ang sasabihin natin. Tulad minsan, kapag tatanungin kayo kung meron ba kayong prayer request, minsan akala natin a sign of spiritual maturity kapag ang sagot sa atin ay, “Pastor, sa totoo lang, wala na akong mahihiling pa. Ibinigay na ni Lord ang lahat ng kailangan ko.” Wow, sarap pakinggan. Pero hindi ito consistent sa realidad ng buhay natin sa araw-araw.

Nare-recognize ni Pablo ang realidad na bagamat nasa atin na nga lahat dahil nakay Cristo tayo at si Cristo ay nasa atin, hindi pa rin natin fully nare-realize na ‘yan ay totoo. Araw-araw, bawat isa sa atin, without exception, ay nakikipaglaban pa rin sa kakulangan ng tiwala sa Diyos, pagdududa sa mga pangako niya, pagsuway sa mga utos niya. Hindi lang ang kasalanan sa puso natin ang kalaban natin, meron pang spiritual forces around us na nakikipagdigma para pabagsakin tayo sa pananampalataya natin. Ito yung tinatawag ni Paul na “the schemes of the devil” (Eph. 6:11). Nakikipagbakbakan tayo “against the spiritual forces of evil in the heavenly places” (v. 12). Kaya nga mahalaga na yung prayer natin ay nakakarating sa trono ng Diyos sa kalangitan. Mula simula hanggang dulo ng sulat ni Paul, kinikilala niya ang kahalagahan ng panalangin. Dapat daw tayong manalangin “at all times in the Spirit, with all prayer and supplication” (v. 18).

Ito naman ang magandang halimbawa na makikita natin kay Paul sa simula ng sulat niya sa chapter 1. To motivate us to grow in our prayer life, sasagutin natin ang tatlong tanong sa passage na ‘to. Ang una ay sa verses 15-16, Sino ang kailangan nating ipag-pray? Ang ikalawa ay sa verses 17-19, Ano ang kailangan nating ipag-pray? Ang ikatlo naman ay sa verses 20-23, Paano tayo dapat mag-pray?

1. Sino ang kailangan nating ipag-pray? (vv. 15-16)

Siyempre, kailangan nating ipag-pray ang pamilya natin, pati ang mga kaibigan at kamag-anak nating unbelievers. At siyempre, hindi naman natin nakakalimutang ipag-pray ang sarili natin. Pero dito sa verses 15 at 16, makikita natin kung sino ang focus ng prayer ni Pablo, na mahalagang matutunan din nating regular na isama sa prayers natin. Sino? Ang mga kapatid nating tumanggap din ng biyaya ng Diyos tulad natin. Sabi ni Paul, “Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo” (Eph. 1:15-16 MBB). Sino ang palaging inaalala ni Paul sa mga prayers niya? Yung sinulatan niya, yung mga Ephesian believers: “To the saints who are in Ephesus, and are faithful in Christ Jesus” (Eph. 1:1). Hindi lang tayo sumasamba sa Diyos tuwing nagtitipon tayo every Sunday. Hindi lang tayo nagpapasalamat sa mga blessings na bigay niya. We also pray for one another. At gusto naming mga elders ninyo na imodelo ito sa inyo lalo na during pastoral prayers.

Pananampalataya at pag-ibig (v. 15)

Kung sa verse 1 ay dinescribe ni Paul ang mga sinulatan niya na “saints” at “faithful,” dito naman ay binanggit niya yung kanilang “faith in the Lord Jesus” at “love toward all the saints” (v. 15). Ang unang binanggit niya tungkol sa kanila ay yung kanilang pananampalataya: “Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus…” (v. 15). Meron siguro sa church nila na bumisita kay Paul at nagbalita kung paano sila nag-respond sa gospel. Marami na namang kilala si Paul sa kanila kasi three years din siya sa Ephesus. Pero dahil mahigit limang taon na siya nang huli siyang mapunta roon at sinusulat niya ‘to habang nasa kulungan siya, magandang marinig ang balita na merong mga bagong believers na dinaragdag ang Diyos sa church. Hindi ba’t na-eencourage din tayo kapag merong mga bago na iba-baptize at magpapa-member sa church natin? Naka-focus ang prayer dito ni Paul sa mga “believers” hindi sa mga unbelievers, sa mga recipients ng letter ni Paul. Sila yung mga tinutukoy ni Paul sa verse 13 na nakarinig ng gospel, at sumampalataya kay Cristo. We pray for unbelievers also, pero mas lalo tayong nagpe-pray para sa mga kapatid natin sa panampalataya (Gal. 6:10). This is part of our covenant as members, na hindi natin kakaligtaan ang pananalangin sa church at sa bawat isang miyembro ng church.

Bukod sa pananampalataya, binanggit din ni Paul yung narinig niya tungkol sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa: “ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal” (v. 15 AB). Again, tinawag silang “saints” tulad sa verse 1. Natural na ang mamahalin natin ay ang mga miyembro ng pamilya natin. Pero bilang mga Kristiyano, adopted children of God, meron na tayong spiritual family, magkakapatid tayo kay Cristo, we belong to one household of faith (Eph. 2:19). Hindi mo pwedeng sabihing sumasampalataya kay Cristo ngunit hindi ka naman umiibig sa ibang Kristiyano. That is why church membership is important. Paano mo masasabing kabilang ka kay Cristo, kung hindi ka naman kabilang sa katawan ni Cristo? Ang epekto ng gospel sa atin ay hindi lang vertical (faith in Christ), kundi horizontal din (love for all the saints). Mas pagtutuunan ‘yan ng pansin ni Paul sa chapter 2. Pero dito, take note, “all the saints” ang object of their love. Pero siyempre hindi naman ‘yan tumutukoy sa lahat ng Kristiyano sa buong mundo. Pero yung mga kapatid na kasama natin sa isang church, yun naman kasi ang mga taong nakikita natin at mae-express natin ang pag-ibig sa kanila. Pero hindi lang some of the members ng church, o yung discipleship group n’yo lang, o yung mga kaibigan mo lang sa church, kundi lahat!

Pasasalamat (v. 16)

Nang mabalitaan ni Paul ang tungkol sa kanila, ano ang naging response niya? “. . . walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo” (v. 16). Take note na ang nangingibabaw na damdamin ni Paul para sa kanila ay hindi reklamo sa mga pagkukulang nila: “Haay, ang sakit naman sa ulo ng mga ito. Ang hirap kausap. Ang hirap pagsabihan.” Hindi naman sila perfectly mature, for sure. Pero very positive ang response ni Paul, pasasalamat. Hindi lang occasional na pasasalamat, kundi walang tigil na pasasalamat. Kasi naman, meron siyang nakikitang ebidensya ng gawa ng Diyos sa buhay nila: faith and love. Biyaya ng Diyos ‘yan pareho, galing sa puso na pinagkalooban ng Diyos na buhay. Sa chapter 2, pag-aaralan pa natin ‘yan. So, kapag nagpe-pray siya, sinasabi niya, “Lord, salamat po sa pagkilos mo sa puso nila para tumibay ang pananampalataya nila at para lumago ang pag-ibig nila.”

Consistent din ito sa sinabi niya sa mga Thessalonians, “Palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (1 Thess. 5:17-18). Kapag kasi tayo, kapag sobrang busy, o sobrang dami ng problema, nagiging self-absorbed tayo at hindi na natin naaalala ang ibang tao. Pero si Paul, hindi nakakalimot sa kanila, “Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo,” sabi niya. Kung ano ang pumapasok sa isip mo, o naaalala mo, yun ang mahalaga sa ‘yo. Si Pablo, nasa kulungan na nga siya, pero sila pa rin ang nasa isip nila. Yung other-centeredness, yung love for others, fruit of the Spirit ‘yan, evident ‘yan sa kung sinu-sino ang pinagpe-pray natin.

Maganda na magkaroon tayo ng ganitong culture of praying for one another sa church. Not just during prayer meetings, o small group prayer time, but daily praying for each other. Gusto ko, kasama ng ibang elders ng church, na mag-set ng ganitong example sa inyo. Araw-araw, sinisikap ko na ipanalangin ang at least five of our members, so sa loob ng isang buwan at least isang beses ay maipag-pray ko ang bawat isa sa inyo. Bahagi ito ng tungkuling ibinigay sa akin ng Diyos para alagaan kayo bilang pastor. Pero hindi lang ito pastoral duty. Ito rin ay bahagi ng covenant natin sa isa’t isa bilang miyembro, bahagi ng pag-express natin ng pagmamahal sa isa’t isa bilang isang pamilya dito sa church. Mahalagang paalala rin sa akin ang passage na ‘to dahil tinuturuan ako nito na hindi ko lang sabihin sa inyo kung ano ang ipinagpe-pray ko para sa inyo, kundi kung ano rin ang evidences of grace na nakikita ko sa buhay ninyo na ipinagpapasalamat ko sa Panginoon. Sinimulan ko ‘yan this week. Ang iba sa inyo ay naka-receive ng message sa ‘kin, na sinabi ko kung ano ang pinagpapasalamat ko kay Lord sa buhay ninyo.

2. Ano ang kailangan nating ipag-pray? (vv. 17-19)

Ngayon naman, ano ang kailangan nating ipag-pray? Marami siyempre. Pwede kasi kung ano lang ang sumagi sa isip natin, o kung ano ang prayer request nila. Pero dapat matutunan natin kung paano ipag-pray yung mga bagay na higit na mahalaga. Kung ano ang pinag-pray ni Paul para sa mga Ephesians, maganda rin siyempre na tularan din natin. Ano ang prayer niya para sa kanila? Na gumawa ang Espiritu Santo para sa kanilang paglago sa pang-unawa sa katiyakan, kayamanan, at kapangyarihang nasa kanila na. Pakinggan n’yo yung prayer niya:

Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. (Eph. 1:17-19)

Ang Espiritu ng karunungan (vv. 17-18a)

Pansinin n’yo ulit ang Trinitarian framework ng prayer ni Paul. Tulad dito ang previous section na merong Trinitarian shape. Ang apela ni Pablo sa prayer niya ay sa Diyos Ama, ang Ama ng Panginoong Jesus. Consistent ito sa prayer na turo ni Jesus mismo sa Lord’s Prayer na i-address natin ang prayer natin to: “Our Father in heaven . . .” (Matt. 6:9). Hindi ibig sabihin na hindi tayo pwedeng mag-pray kay Jesus o sa Holy Spirit. Pero kung nakadirekta sa Diyos Ama primarily ang prayer natin, yun ay pagkilala na siya ang pinanggagalingan ng lahat ng mabuting bagay na kailangan natin. He is “the Father of glory,” “ang maluwalhating Ama,” na konektado rin sa papuri ni Pablo sa vv. 3-14 na nagsasabi sa atin na ginagawa ng Diyos ang lahat for his own glory, at napaparangalan ang Diyos kapag naibibigay niya ang tulong na kailangan natin. Sabi nga ni John Piper tungkol sa prayer, “We get the help, God gets the glory.” Good deal, right? For his glory and our good. ‘Yan naman ang disenyo ng Diyos kaya tayo nagpe-pray.

Ano ang prayer ni Paul para sa kanila? “. . . na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala” (v. 17 MBB). Pero most likely, hindi small e na “espiritu” ang tinutukoy rito kundi capital E, “Espiritu.” Tulad sa ESV, “. . . may give you the Spirit of wisdom and of revelation.” Pero ang prayer dito ay hindi para bigyan sila ng Holy Spirit na para bang wala pa sa kanila yun. Nasa kanila na ang Espiritu kasi nga believers na sila, tinatakan na sila (v. 13). Meron na rin naman silang karunungang tinanggap bilang isa sa mga blessings ng Diyos na nakita natin sa verse 9, “making known to us the mystery of his will.” Pero dito, ang prayer ni Paul ay para mas lumago pa sila sa kaalaman at karunungang mula sa Espiritu. At siyempre, mangyayari lang ito kung babad tayo sa mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan nun ay pinagpe-pray natin na lumago tayo sa pagkakilala sa Diyos, “in the knowledge of him.” Ibig sabihin, ito ay apela para ang Espiritu ay ipakilala pa sa atin kung sino ang Diyos. At makikilala nating mabuti ang Diyos kung kilala natin si Cristo. Walang totoong karunungan kung walang pagkakilala kay Cristo. We grow in wisdom kapag lumalalim ang pagkakilala natin kay Cristo. Sinabi niya ito sa Colossians 2:3, “Sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman” (AB).

Gawain ito ng Espiritu, yung ipakilala sa atin kung sino ang Diyos, “. . . having the eyes of your hearts enlightened . . . ” (v. 18); “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso . . . ” (MBB). Makikilala lang natin nang mas malalim si Cristo kung ipapakilala siya sa atin ng Holy Spirit, kung bubuksan ang mga mata ng puso natin para makita natin ang liwanag ng kagandahan ni Cristo. Dati tayong mga bulag, pero binuksan na ang mga mata natin noong araw ng conversion natin (2 Cor. 4:4, 6). Pero araw-araw, kailangan pa rin natin ang Holy Spirit, para tanggalin pa ang mga natitirang blindness sa atin para lubos nating makilala si Cristo. Walang saysay ang anumang pagtuturo na gagawin natin kung wala ang liwanag na nanggagaling sa ministry ng Holy Spirit. Kaya mahalaga hindi lang ang diligence natin sa paghahanda ng pagtuturo ng Salita ng Diyos, kundi ang patuloy na pagbabad sa panalangin to make his Word effective sa mga puso ng mga nakikinig sa atin.

Katiyakan, kayamanan, at kapangyarihan (vv. 18b-19)

Anu-anong kaalaman ang prayer ni Paul na lumago ang mga Ephesian believers? Nagbigay siya ng tatlo. Ang una ay ang pag-asang nakakabit sa pagkakatawag sa atin ng Diyos: “. . . that you may know what is the hope to which he has called you . . .” (v. 18); “. . . upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo . . .” (MBB). Na magkaroon tayo ng katiyakan sa certainty ng future na naghihintay sa atin. Na kung tayo ay pinili ng Diyos, tinawag ng Diyos para tumugon na may pananampalataya sa preaching ng gospel na napakinggan natin, meron tayong katiyakan na papabanalin tayo ng Diyos, tutulungang magtagumpay sa laban sa kasalanan, at mananatiling sumasampalataya at sumusunod kay Cristo hanggang sa dulo. We need to pray na ito ang panghawakan nating pag-asa, lalo na kapag nag-iistruggle tayo sa paglaban sa kasalanan, o nao-overwhelm sa sakit na dulot ng kasalanan ng ibang tao sa atin, lalo na yung pinakamalapit sa atin.

Ang pangalawa naman ay ang kaalaman tungkol sa kayamanang meron tayo: “. . . what are the riches of his glorious inheritance in the saints . . .” (v. 18); “. . . kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal . . .” (MBB). Akala kasi ng maraming Kristiyano pobre tayo, o ang tunay na kasiyahan ay matatagpuan sa mga materyal na bagay. Kaya kailangan nating ma-realize kung ano ang yaman na meron tayo. “Glorious inheritance” ang mamanahin natin dahil kay Cristo. Yung iba mukhang pera, makakita lang ng limang libo galing sa pulitiko nasisiyahan na. Pero kung makikita lang natin talaga ang laki ng yaman na meron tayo kay Cristo, talagang manlalaki ang mata natin sa tuwa at pagkamangha. Kailangan nating ipag-pray na ipakita ‘yan sa atin ng Diyos.

Ang pangatlo naman ay ang kaalaman tungkol sa kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa buhay natin: “. . . and what is the immeasurable greatness of his power toward us who believe, according to the working of his great might . . .” (v. 19); “. . . at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya” (MBB). Ang liit ng tingin natin sa magagawa ng Diyos. We feel powerless sa pakikipaglaban sa kasalanan, we make excuses na hindi natin kakayanin ang mga pagsubok na pinagdaraanan natin. Kung sa sarili natin, tama namang hindi natin kaya. Pero iniligtas ba tayo ni Cristo, pinili ba tayong maging mga anak ng Diyos para daanin lang sa sariling lakas ang pakikipaglaban sa buhay? No. Ang presensya niya at kapangyarihan niya, through the Holy Spirit, ay nasa atin. Anong klaseng kapangyarihan ang dapat nating makita? “the immeasurable greatness of his power . . . the working of his great might.” Patung-patong at paulit-ulit na mga salita ang ginamit dito ni Paul para ilarawan ang power na ‘yan. Immeasurable, lagpas na sa anumang panukat na meron ang tao. Pambihira ang laki ng kapangyarihan ng Diyos. Para lang ‘yan sa mga believers. At kung lumalago ang kaalaman natin sa kapangyarihan ng Diyos at work sa buhay natin, mas lumalalim at mas tumitibay rin ang pananampalataya natin sa Diyos.

So, we pray na lumago tayong lahat sa kaalaman ng pag-asa na taglay natin sa pagliligtas sa atin ng Diyos para hindi tayo panghinaan ng loob o magduda; sa kaalaman ng laki ng kayamanan na nasa atin na para hindi natin hanapin sa anumang bagay o sinumang tao sa mundong ito ang satisfaction, security, at significance na hinahanap natin; at sa kaalaman ng pambihirang kapangyarihang kumikilos sa buhay natin para hindi tayo sumuko sa laban natin sa kasalanan at sa mga hirap na dinaranas natin sa araw-araw.

Ganito ba ang ipinapanalangin natin para sa sarili natin at para sa mga kapatid natin kay Cristo? Ito ang benefit na kapag nagbabasa tayo ng Bibliya, kung ano ang binabasa natin ay yun din ang ipagpe-pray natin para sa iba. Para matuto tayo kung paano manalangin na naaayon sa kalooban ng Diyos. Kaya makikita n’yo na kapag nag-message ako sa inyo at sinabi kong, “I prayed for you,” laging may nakakabit na verses sa Bible na siyang ginamit ko sa prayer ko para sa inyo. Ang pinakamahalaga naman talaga na maipagpe-pray natin sa bawat isa ay hindi kung ano ang prayer requests ninyo, hindi kung ano ang gusto natin, kundi kung ano ang gusto ng Diyos para sa atin. And we are growing sa prayer life natin kapag ang gusto ng Diyos ay siya ring gusto natin.

3. Paano tayo dapat mag-pray? (vv. 20-23)

Ang specific focus ng huling four verses na ‘to ay konektado dun sa “power” na prayer ni Paul na mas malaman pa ng mga believers, yung kapangyarihang kumikilos sa kanila. So dito, Paul was making a connection, na yung power na yun ay nakakabit kay Cristo. Of course, ang tingin ng marami ay “weakness” at “foolishness” ang kamatayan ni Cristo sa krus. Pero para kay Pablo, at sa ating mga Kristiyano, ito yung power and wisdom of God (1 Cor. 1:18, 24). At isang patunay nito ay ang katotohanan na hindi lang namatay si Cristo bilang kapalit natin o substitute. Siya rin ay muling nabuhay at nananatiling buhay. Sabi ni Paul tungkol sa power na pinagpe-pray niyang malaman ng mga kapatid niya:

Ang dakilang kapangyarihan ding iyon 20 ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. 21 Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. 22 Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, 23 na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay. (Eph. 1:20-23)

So, ayon sa mga katotohanang nakapaloob dito, paano ngayon tayo dapat mag-pray? May kumpiyansa sa kapangyarihan, kapamahalaan, at kasapatang nakay Cristo.

Si Cristo na muling nabuhay (resurrected) (v. 20)

Ang kapangyarihang tinutukoy rito ay nakakabit sa muling pagkabuhay ni Cristo, “Ang dakilang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Cristo” (v. 20). Sinabi ni Pablo na ang pagkabuhay na muli ni Jesus ay isang “makapangyarihang gawa” (Rom. 1:4). Obvious naman. Anong kapangyarihan ang kailangan para buhayin ang isang patay? No advancement in human technology can accomplish that. Diyos lang ang makatatawag sa isang patay na tulad ni Lazarus para muling mabuhay. Gayundin ang kapangyarihan ng Diyos na siyang bumuhay sa atin from our spiritual deadness (Eph. 2:1-5). Ito ang kapangyarihan na available sa atin araw-araw as we pray and trust him to work in our lives.

Pero hindi lang resurrection ang binabanggit dito ni Pablo, “Ang dakilang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan” (v. 20). Pagkatapos na muling nabuhay si Jesus, pagkaraan ng forty days, umakyat siya sa langit. Pag-akyat niya sa langit, naupo siya sa kanang kamay ng Diyos. Siyempre, that’s metaphorical dahil wala namang kamay ang Diyos. Ito ang tinatawag na “session of Christ.” Nagpapahiwatig ito ng natapos na gawa ni Cristo sa kanyang atoning sacrifice para tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Pero hindi ibig sabihing wala na siyang ginagawa ngayon! Malinaw ‘yan sa sumunod.

Si Cristo na namamahala sa lahat (reigning) (vv. 21-23)

“Mula roon (sa kalangitan) ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating” (v. 21). All comprehensive ang sakop ng kapamahalaan at kadakilaan ng pangalan ni Cristo. Lahat ng namamahala sa gobyerno natin—kahit sino pa ang mahalal na mga pulitiko—nasa ilalim silang lahat ni Cristo. Ano ang ikababahala natin? Lahat ng namamahalang mga religious leaders—sino man ang pumalit na Pope ng Roman Catholic Church, gaano man siya ka-powerful—lahat nasa ilalim ng pamamahala ni Cristo. Gaano man ka-powerful si Satanas, and he is indeed powerful, pero ang kapangyarihan niya ay nasa ilalim pa rin ng kapangyarihan ni Cristo. Ano ang ikakatakot natin? Anuman ang mangyari sa mga susunod na araw, o taon, anumang kaguluhan, o trahedya, lahat ‘yan ay nasa ilalim ng pamamahala ni Cristo.

“Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat”—sa lahat ng nilalang, sa lahat ng lugar, sa lahat ng panahon.Anong laking kumpiyansa ang dulot niyan sa atin! Nare-realize mo ba kung ano ang ibig sabihin na sabihin natin sa dulo ng prayer natin, “In Jesus’ name, Amen”? Na pangalan ni Jesus ang tinatawag natin nang higit sa lahat, na sa pamamagitan ng gawa ni Jesus kaya meron tayong boldness, confidence, assurance, na papakinggan ng Diyos ang mga prayers natin. O baka nagiging tuldok na lang ‘yan para senyales na tapos ka nang mag-pray?

Hindi natin pwedeng isipin ang prayer life natin o ang buhay Kristiyano natin only in individualistic terms. Isipin natin ang church. Bakit? Sumunod na sabi ni Paul, “Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay” (vv. 22-23). Kung nasa ilalim ni Cristo ang lahat ng bagay—as in, lahat—ibig sabihin, nasa ilalim din niya ang church, at siya ang namamahala sa church. Hindi naman talaga ang Bishop of Rome ang “head” of the church. Hindi rin ang head ng ABCCOP, hindi rin ang senior pastor ng church. Si Cristo ang ulo, ibig sabihin, siyang pinakamataas na awtoridad sa church. Siya ang ulo, tayo ang katawan. We are not just in Christ, tayo rin ay nasa ilalim ni Cristo. Salita niya ang nasusunod, hindi salita ng kahit sino. Kapangyarihan niya ang magtatagumpay. Sinabi niya, “I will build my church, and the gates of hell shall not prevail against it.”

Si Cristo ay ibinigay ng Diyos sa iglesya para maging ulo nito. Hindi lang ipinailalim sa paanan ni Cristo ang lahat ng bagay, bilang katuparan ng Psalm 8:6 “You have given him dominion over the works of your hands; you have put all things under his feet.” Kung tayo ay nakay Cristo, ang lahat ng bagay ay nasa ilalim din natin. We are reigning with Christ! Ang kapangyarihan ni Cristo ay nasa atin! “The church . . . is Christ’s body, and since all things–especially all inimical powers–are subject to Christ, they are also subject to the church. The great power that God exerted in Christ to make him victorious over his enemies, therefore, is also a power God has exerted on behalf of the church” (Thielman, 107).

Heto pa, in a mysterious and surprising way, sinabi ni Pablo na ang church na katawan ni Cristo ay “ang kapuspusan niya (ni Cristo) na pumupuno sa lahat ng bagay” (v. 23). Ano ang ibig sabihin nito? Wala namang kulang kay Cristo na ang church ang kumukumpleto. Siya nga ang “pumupuno sa lahat ng bagay.” Pero sa plano ng Diyos, itong pakikipag-isa natin kay Cristo bilang ulo at katawan ay so unbreakable, na hindi pwedeng mawala ang katawan sa ulo, at ang ulo sa katawan. Kaya sabi ni John Calvin, “Ito ang pinakamataas na karangalan para sa Iglesya, na hangga’t hindi siya nakikipag-isa sa atin, itinuturing ng Anak ng Diyos ang sarili niya na sa ilang kaparaanan ay di-perpekto. Anong kaaliwan ito para sa atin na matutunang hangga’t wala tayo kay Cristo ay hindi pa kumpleto ang katawan” (Galatians, Ephesians, 218). Ibig sabihin, siyempre, na ang kumpinsya at kagalakan natin ay nakay Cristo na siyang kasapatan natin. He is our all-satisfying Savior and King. Siya ang ulo na hindi-hinding hihiwalay sa katawan.

Ano ang implikasyon nito sa panalangin natin? Hindi lang para malaman natin kung sinu-sino ang ipagpe-pray natin—bawat miyembro ng katawan. Hindi lang kung anu-ano ang ipapanalangin natin sa isa’t isa—yung kaalaman tungkol sa pag-asa, kayamanan, at kapangyarihang meron tayo. Kundi kung paano rin tayo mananalangin—with confidence. Hindi ba’t may kumpiyansa tayo na hindi sa atin nakasalalay ang lahat? Oo gagawa tayo, pero we can only do so much. May mga panahong masasabi natin, “Haay, hindi ko na alam kung ano pa ang dapat kong gawin. Nagawa ko na ang lahat. Buti na lang, patuloy na gumagawa ang Diyos.” ‘Yan ang kumpiyansa natin. Na hindi man mangyari ang mga resulta na ine-expect natin, o lalong lumala ang sitwasyon, o magkagulo sa paligid natin, Jesus reigns over all. Si Cristo ang may hawak ng buhay natin, ng church natin, at ng lahat-lahat sa mundo natin. Nasa mabuti tayong kamay. We’re in good hands . . . with Jesus Christ.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply