Magsisimula tayo ngayon ng bagong sermon series, series of exposition ng sulat ni Paul sa mga Ephesians. Kung matagal na kayo dito sa church, alam na ninyo na ginagawa natin ito dahil sa commitment natin na pakinggan at pag-aralan at panghawakan at sundin ang salita ng Diyos. Yes, we believe na ang sulat na ito ni Pablo sa church sa Ephesus ay hindi lang salita ng tao kundi salita ng Diyos, at hindi lang para sa church nila noon kundi para rin sa church natin ngayon at para sa bawat isang Kristiyano. Kung bago ka pa lang dito, baka hindi ka pa sanay sa ganitong approach o conviction namin sa preaching. Baka nasanay ka sa ibang mga churches na puro topical ang sermons: “love” ang topic last February, “family life” naman kapag March, “money” naman kapag April. Hindi naman totally masama yun siyempre, lalo na kung nanggagaling naman yung mga topic na tinatalakay sa faithful exposition ng mga relevant texts sa Scripture. Ginagawa rin naman natin ‘yan occasionally. Pero ang main diet natin every Sunday sa pagsasama-sama natin sa pagsamba ay ang exposition of God’s Word. Ibig sabihin, sinisikap natin na ang maging pangunahing punto ng sermon ay kung ano ang pangunahing punto ng teksto na focus natin every Sunday. We let God set the agenda sa preaching, hindi kung ano ang paborito kong ituro, o kung ano ang gusto ninyong marinig, kundi kung ano ang gustong sabihin ng Diyos.

Tapos dire-diretso, wala tayong lalaktawan sa Ephesians, mula chapter 1 verse 1, hanggang chapter 6 verse 24. Naniniwala kasi tayo sa verbal plenary inspiration ng Scripture. Ibig sabihin, buong Bibliya (plenary) ay salita ng Diyos. At bawat salita rito (verbal) ay mahalaga para maiparating sa atin ang mensahe ng Diyos. “All Scripture is breathed out by God” (2 Tim. 3:16). Kapag sinabing lahat, ibig sabihin ay lahat. Hindi natin lalaktawan yung mga difficult o controversial passages. Hindi natin lalaktawan yung mukhang boring o irrelevant na mga verses. Hindi natin lalaktawan yung first two verses ng Ephesians dahil nagpapakilala lang naman si Paul, sinasabi lang naman niya kung para kanino ang sulat niya, at bumabati lang naman siya:

Mula kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, Para sa mga hinirang ng Diyos na nasa Efeso at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. (Eph. 1:1-2 MBB)

Sino ang sumulat? Si Pablo. Para kanino una ang sulat na ‘to? Sa mga Christians sa Efeso. Tapos bumati lang siya, “Hi. Hello. Kumusta na kayo?” Ayun lang naman pala. So, sa verse 3 na tayo magsimula, ang ganda pa naman nito hanggang verse 14, ang sarap talagang pag-aralan ang tungkol sa mga blessings na bigay sa atin ng Diyos. Amen? Kaya nga ang series title na binigay ko sa Ephesians ay “Tunay na Yaman kay Cristo.” Pero wait lang, next week na yun. Bakit? Ina-assume kasi natin na simple lang na pagbati ang sinasabi rito ni Paul, tutal ginagawa naman niya ‘to sa lahat ng mga letters niya. Customary greetings naman ang sinasabi niya dito sa typical na porma ng mga sulat noong panahon nila. Pero upon closer reading, sa simula pa lang ay ina-alerto na niya ang mga readers niya sa “theological significance” ng sulat niya (Thielman, Ephesians, 31). Nagbabato na siya ng mga salita at theological concepts na dedetalyehin niya sa kabuuan ng sulat niya. “His greeting is adorned with theological content,” sabi nga ng isang Bible scholar (Hoehner, Ephesians, 133).

Basahin natin ulit: “Mula kay Pablo, (sino ba siya?) na apostol ni Cristo Jesus (paano siya naging apostol?) ayon sa kalooban ng Diyos, (para kanino ang sulat? sino ba sila?) Para sa mga hinirang ng Diyos na nasa Efeso at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus: (ano ang prayer o wish niya para sa kanila? hindi lang basta pagbati) Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang (kanino galing ‘to?) mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.” Yung paulit-ulit na references sa Diyos Ama at Diyos Anak sa dalawang verses na ‘to makes this theologically rich: “of Christ Jesus…by the will of God…in Christ Jesus…from God our Father and the Lord Jesus Christ.” So, kung magdadahan-dahan tayo para tingnan ‘to, marami talaga tayong matututunan (kung makikinig tayong mabuti). At bukod dun, maghahanda rin ito sa atin kung paano pakikinggan at pag-aaralan ang sinasabi ni Pablo sa kabuuan ng Ephesians. At siyempre, makakatulong ito sa atin kung paano babasahin ang buong Bibliya, “the whole counsel of God” (Acts 20:27).

Itong Ephesians 1:1-2 ay may malinaw na tatlong bahagi: ang sumulat, ang sinulatan, at ang pagbati. Iisa-isahin din natin ‘yan at titingnan ang theological significance para sa atin ngayon ng paghahatid o delivery ng salita ng Diyos, ng pagtanggap o reception ng salita ng Diyos, at ng pakinabang o benefits ng salita ng Diyos.

Delivery: Ang Paghahatid ng Salita ng Diyos (v. 1a)

Unahin natin yung kung sino ang nagdala o nag-deliver ng salita ng Diyos sa kanila. Sino ang sumulat nito? May mga recent scholars na hindi naniniwala na si Paul ang sumulat nito, pero walang matibay na ebidensiya para hindi paniwalaan na siya ang sumulat. Pakilala niya sa sarili niya, “Mula kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos…” (Eph. 1:1). Hawig din ito sa pagpapakilala niya sa ibang sulat niya (1 Cor. 1:1; 2 Cor. 1:1; Col. 1:1; 1 Tim. 1:1; 2 Tim. 1:1), out of thirteen letters overall na isinulat niya na nasa New Testament. Second lang siya sa pinakamaraming nasulat next to Luke na mahaba ang dalawang volumes na isinulat (Luke-Acts). Una natin siyang nakilala sa pangalang Saul (Jewish name niya, Greek naman ang Paul) sa Acts 8 na siyang nag-approve ng pagpatay kay Stephen at nanguna sa persecution ng maraming mga Christians. Pero sa Acts 9 ay nagpakita sa kanya ang Panginoong Jesus habang papunta siya sa Damascus para ipaaresto ang mga Christians doon. Pero simula noon, naging tagasunod na rin siya ni Jesus at siyang nanguna pa sa paghahatid ng mabuting balita ni Cristo sa iba’t ibang lahi. Mula sa pagiging persecutor, siya na ang naging persecuted. In fact, nakakulong siya habang sinusulat niya itong Ephesians: “bilanggo para kay Cristo Jesus…bilanggo dahil sa Panginoon” (Eph. 3:1; 4:1). Kung ang sulat na ito ay galing sa isang prisoner, bakit naman siya papakinggan nila, lalo pa kung magsasabi siya ng mga tungkol sa blessings and riches na meron tayo kay Cristo, samantalang siya ay nakakulong at naghihirap dahil sa pagsunod niya kay Cristo? May credibility ba siya na dapat pakinggan?

With Authority: Ang paghahatid ng salita ng Diyos na may pagkilala sa awtoridad ng Diyos.

Yes. Dahil ang sulat niya, ang salita niya, ay merong authority. Kaya ganito ang unang-una sa introduction niya sa sarili niya, “apostol ni Cristo Jesus.” Sino si Pablo? Siya ay apostol. Dapat pakinggan. Bakit? Ano ba ang ibig sabihin ng “apostol”? Sent out, ipinadala. Ibig sabihin, may nagpadala sa kanya. Messenger siya na nagre-represent sa nagpadala sa kanya. Bagamat siya ang sumulat, pero in a primary sense tagahatid lang siya ng sulat. So, ang authority na meron siya to speak to them kaya dapat siyang pakinggan ay hindi dahil sa kanyang dramatic testimony of conversion, hindi rin sa personal relationship na meron siya sa mga Ephesians, hindi rin sa anumang credentials o accomplishments niya, kundi dahil sa authority ng nagpadala sa kanya.

Sino ang nagpadala sa kanya? Si Cristo Jesus. So, dala-dala niya ang awtoridad na meron si Cristo: “all authority in heaven and on earth has been given to me,” sabi ni Cristo (Mat. 28:18). So, binibigyang-diin ni Paul sa pagpapakilala niya bilang apostol ni Cristo hindi lang ang pagpapadala sa kanya bilang messenger, “but more importantly the authorization of the messenger” (Hoehner, 134). May mga tao kasi sa mga churches noon na nagkukuwestiyon sa authority ni Paul. Kaya mahalaga itong introduction na ‘to. Kung nakakabit yung authority niya kay Cristo, ibig sabihin, kapag hindi mo papakinggan, papaniwalaan, at susundin ang sinasabi dito ni Paul, ang hindi mo pinakikinggan, ang hindi mo pinaniniwalaan, at ang hindi mo sinusunod ay si Cristo mismo. You are rejecting the authority of Christ himself. Ang ibig sabihin ng “Cristo” (titulo ‘yan, hindi apelyido ni Jesus) ay “anointed one” (sa Hebrew ay “Messiah”). Siya ang hinirang o itinalaga ng Diyos na katuparan ng kanyang pangako na darating na Hari, Propeta, at Pari na higit sa lahat ng mga naunang hari, propeta, at pari sa Lumang Tipan. Dapat siyang pakinggan kasi meron siyang divine authority.

At yun din naman ay para sa kapakinabangan din natin. Dahil siya si “Jesus,” na ang ibig sabihin ay Tagapagligtas natin mula sa ating mga kasalanan (Mat. 1:21). Dapat pakinggan ang sinasabi dito ni Paul dahil nagsasalita siya na merong apostolic authority, at ito ay mabuting balita para sa atin—para maligtas tayo, para baguhin tayo, para ang church ay sumalamin sa karunungan at kabutihan ng Diyos. Kung ang church ay “itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus” (Eph. 2:20), hindi makakabuti sa church kung babalewalain natin ang sinasabi ni Pablo. At makakabuti naman sa atin na paglaanan natin ng panahon ang pag-aaral ng Salita ng Diyos, tulad ng sulat na ‘to. 

Ihinahatid ni Pablo ang mensahe niya dito sa Ephesians na ine-expect na kikilalanin natin ang awtoridad ng Diyos sa mga sinasabi niya. Kapag may isang tao na nagsasabing, “Dapat n’yo akong pakinggan,” at ina-assert ang authority niya, pwedeng maging mayabang ang dating. Yun ay kung naka-focus siya sa sarili niyang qualifications. Pero iba si Pablo, dahil ang pagpapakilala niya sa sarili niya ay merong humility.

With Humility: Ang paghahatid ng salita ng Diyos na merong pagkilala sa kalooban ng Diyos.

Paano raw ba siya naging apostol? Hindi dahil nagprisinta si Paul, o dahil pinili siya na maging apostol kasi mas qualified siya kaysa sa iba. Persecutor nga siya noon! So, paano? “Mula kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos.” “By the will of God,” sabi niya. “Ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban” (Eph. 1:11). Sa lahat ng bagay, kasali ang pagtawag sa kanya ng Diyos para maging apostol. Ibig sabihin, desisyon ng Diyos kaya siya naging apostol. Ang Diyos ang nagpasya, siya ang nag-appoint kay Paul. At ang desisyong ito ng Diyos na tawagin si Pablo ay by grace. He is totally undeserving and unworthy. Para kay Paul, hindi lang siya naligtas by grace (Eph. 2:8-9), siya rin ay tinawag sa ministry bilang apostol also by grace.

Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako’y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito’y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma’y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging kagandahang-loob na ito, na ipangaral sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo. (Eph 3:7-8)

“By the grace of God, I am what I am,” sabi pa niya (1 Cor. 15:10). Ano nga naman ang maipagmamalaki ni Paul na siya ay naging apostol na merong mataas na authority sa mga churches, samantalang ang iba naman ay hindi? Wala siyang maipagmamalaki. Kaya ang paghahatid niya ng salita ng Diyos sa kanila ay hindi lang merong authority, kundi meron ding humility.

Ano naman ang ibig sabihin nito para sa atin? Pupunta tayo sa church every Sunday, makikinig sa preaching of the Word of God, na merong pagkilala na ang pinapakinggan natin, as long as it is faithful interpretation of the the Word of God, ay hindi salita ng tao kundi salita ng Diyos mismo (1 Thess. 2:13). Kapag nakikinig tayong mabuti, we submit ourselves under the authority of God. We also humble ourselves dahil inaamin natin na itong mga salitang ito ang dapat nating pakinggan, ang mga salitang makakabuti para sa atin. Kaya ang susunod naman nating titingnan ay ang pagtanggap o reception ng salita ng Diyos.

Reception: Ang Pagtanggap ng Salita ng Diyos (v. 1b)

Si Pablo ang sumulat, or more accurately, siya ang nagdadala ng mensahe galing sa Diyos. Sino naman ang sinulatan? Nasa verse 1 pa rin tayo, “Para sa mga hinirang ng Diyos na nasa Efeso at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus” (Eph. 1:1). Kung mapapansin n’yo sa ibang salin ay naka-bracket yung “nasa Efeso.” Ibig sabihin, sa ibang mga manuscripts o kopya ng sulat ni Pablo na ‘to ay walang nakalagay na ito ay para sa mga Ephesians. Meaning, sinasabi nila na ito ay isang circular letter na intended para sa ibang mga churches din. Totoo naman. Pwede talaga na directly sinulat ito sa mga Ephesians, pero intended din ni Paul na basahin ng iba, hanggang sa panahon nga natin ngayon.

Although hindi natin alam eksakto kung ano yung nagtulak kay Paul na isulat ito para sa mga Ephesians, hindi tulad ng sa 1 Corinthians na malinaw talaga ang mga problema na ina-address niya dun. Pero alam natin, based sa Acts 19, na tatlong taon ang naging ministry niya sa Ephesus. Kadarating lang niya dun, tapos nagpreach na siya ng gospel. Na-baptize una yung labindalawang lalaki. Tapos for the next three months, matapang siyang nagsasalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos (v. 8). Sa loob ng halos three years na ministry niya dun, maraming Jews and Greeks ang nakarinig ng word of God at na-convert (v. 10). At “gumawa ang Diyos ng mga pambihirang himala sa pamamagitan ni Pablo” (v. 11). Maraming napagaling, maraming napalayas na mga demonyo. Marami ang nakabalita, Jews and Gentiles, natakot sila, at nagpuri sa pangalan ng Panginoong Jesus (v. 17). Pati nga yung mga nagpa-practice ng magic arts, sinunog yung mga magic books nila na ang halaga ay milyun-milyon! “Sa ganitong makapangyarihang paraan ay lumaganap at nagtagumpay ang salita ng Panginoon” (v. 20). Kahit marami rin naman ang kumokontra sa salita ng Diyos, nakita natin ang powerful result ng pagdating ng salita ng Diyos sa kanila.

Sinulat ni Paul ang Ephesians seven years pagkatapos ng pamamalagi niya sa Ephesus. So marami nang mga changes na nangyari sa mga Christian groups doon. Kaya nga posible na hindi rin ganun ka-personal ang tono ng sulat niya kahit na marami naman siyang kilala dun, yun ay dahil maaaring marami rin sa mga babasa nito ay hindi ganun kakilala si Paul o kung gaano siya kahalaga sa church doon (Eph. 1:15; 3:2; 4:21) (Thielman, 33). At kahit na marami sa mga babasa ng sulat niya ay hindi niya kilala personally, pero kung sila ay mga Kristiyano, alam niya at gusto niyang ipaalala sa kanila kung sino sila o ano ang identity nila.

Hindi dalawang grupo ng tao ang tinutukoy dito, although ganun ang pagkakaintindi ng iba, na yung isa raw ay yung “mga hinirang ng Diyos” at yung isang grupo ay mga “tapat na sumasampalataya.” No. Ang tinutukoy rito ay isang grupo lang ng mga tao, mga Kristiyano na isinalarawan ang kanilang identity sa dalawang paraan. At kung tayo ay nakay Cristo, ito rin ay totoo sa identity natin.

As Holy People: Ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang mga ibinukod ng Diyos.

Ang una ay bilang “holy people.” Tinawag silang “mga hinirang ng Diyos na nasa Efeso.” Sa English, “saints,” or literally, “holy ones,” mga banal. Hindi ito yung mga santo at mga santa na “canonized” ng Roman Catholic church. Ang tinutukoy rito ay lahat ng mga totoong Christians. Ang emphasis, ito na ang identity nila dahil sila ay nakay Cristo. Nasa Ephesus sila, pero ibinukod na sila ng Diyos. Hindi pagiging Ephesians ang primary identity nila, kundi bilang mga Christians. So, ang buhay nila ay para ipamuhay yung bago nilang identity, para sa Diyos, para kay Cristo, hindi para sa mundo. Hindi lang ito tumutukoy sa identity natin individually bilang mga Kristiyano, kundi sa identity natin bilang church. Ang background nito ay nasa Old Testament, kung saan tinawag ng Diyos ang mga Israelita na iniligtas niya mula sa pagkakaalipin sa Egypt na “holy nation” (Exo. 19:6). At in-apply naman ito ni apostol Pedro sa identity ng church as “a holy nation” (1 Pet. 2:9).

Meron tayong ganitong identity dahil sa ginawa ni Cristo. Ganito tayo minahal ni Cristo: “Husbands, love your wives, as Christ loved the church and gave himself up for her, that he might sanctify her, having cleansed her by the washing of water with the word” (Eph. 5:25-26). Dahil sa salita ng Diyos, nilinis na tayo ni Cristo, banal na, saints na. Kaya nga nais niya na mamuhay tayo according to this new identity, na nakikita rin sa pag-ibig ng asawa sa kanyang asawa. Pinili tayo ng Diyos “that we should be holy and blameless before him” (Eph. 1:4). Kaya dapat nating iwasan ang sexual sins at iba pang mga kasalanang nakapagpaparumi sa atin, dahil yun ang “proper among the saints” (Eph. 5:3). Christian, you are a saint, so live accordingly. Kaya nga sa pagtanggap natin ng sulat na ito, dapat nating tanggapin ang salita ng Diyos bilang “holy ones,” bilang mga taong ihiniwalay ng Diyos sa mundo at ibinukod para sa kanya. Pakinggan natin ang salita ng Diyos na nagpapaalala sa atin kung sino tayo kay Cristo at nagtuturo sa atin kung paano mamuhay bilang mga taong kabilang kay Cristo.

As Faithful People: Ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang mga tagasunod ni Cristo.

Ang pangalawang paraan ng pagsasalarawan ni Paul ng kanilang identity ay bilang “faithful people.” “Para sa mga hinirang ng Diyos na nasa Efeso at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus” (Eph. 1:1). Sa ibang salin, ito ay “mga mananampalataya kay Cristo Jesus” (AB). Hindi naman kasi intensyon ni Paul na i-distinguish yung mga faithful Christians sa mga unfaithful Christians, na para bang sinasabi, “Para lang ito sa mga faithful sa inyo ha. Sa mga pasaway at mga under discipline ng church, hindi ito para sa inyo.” No. Maganda kasing i-stress na kung “believer” ka, ibig sabihin “faithful” ka. Ibig sabihin, pinanghahawakan mong mabuti ang pananampalataya kay Cristo. Nagpapatuloy ka sa pananampalataya. Not perfectly holy, not perfectly faithful siyempre. Pero lumalago sa pananampalataya at katapatan. Kung hindi ka lumalago, kung hindi ka nagpapatuloy sa pananampalataya, kung hindi ka na nagsisisi sa mga kasalanan mo, then you are not a true believer, you are not really in Christ.

Kaya sa tingin ko ang emphasis dito ay hindi sa description sa kanila bilang “holy” at “faithful,” lalo naman sa degree or level of maturity nila kapag holiness at faith ang pag-uusapan. No, ang emphasis dito ay yung pakikipag-isa nila kay Cristo, “in Christ Jesus.” Kaya maganda ang salin ng ASD, “mga pinabanal…mga matatapat na nakay Cristo Jesus.” Nasa Efeso sila, pero ang pinakamahalagang “location” na meron sila ay “nakay Cristo Jesus” sila. Ibig sabihin, apart from Christ, kahit nasa isang healthy church ka pa, hindi ka magiging “saint,” hindi ka lalago sa kabanalan. Apart from Christ, wala ka nang ibang makakapitan pa, at hindi ka rin makapagpapatuloy in faithfulness. Si Cristo ang may hawak sa atin. Nakatali tayo kay Cristo. ‘Yan ang identity natin bilang mga Christians.

So, ano ang epekto nito sa pagtanggap natin ng salita ng Diyos dito sa Ephesians? Tatanggapin natin ito bilang mga tagasunod ni Cristo. Salita ng Diyos ang naging paraan para maikabit tayo kay Cristo. Salita rin ng Diyos ang kailangan natin para manatili tayong nakakabit kay Cristo. Kapag dumating ka sa punto ng buhay mo na hindi ka na nakikinig sa salita ng Diyos—at hindi lang basta nakikinig siyempre, kundi sumusunod dito—asahan mong hindi ka magiging katulad ni Cristo, kundi lalayo sa kanya at magiging katulad ng mga tao sa mundong ito. Sa tingin mo ba ay makakabuti yun sa ‘yo? Siyempre hindi. Kung alam mo talaga kung ano ang benefits ng salita ng Diyos para sa atin, you will pay more attention to it.

Benefits: Ang Pakinabang ng Salita ng Diyos (v. 2)

‘Yan naman ang pangatlong titingnan natin. Makikita natin itong benefits o pakinabang ng salita ng Diyos sa atin sa pagbati ni Paul sa verse 2: “Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo”; “Grace to you and peace from God our Father and the Lord Jesus Christ” (Eph. 1:2). Usual naman na ganito ang greetings ni Paul sa mga sulat niya. Yung “grace” o charis sa Greek. Yung “peace” naman (Gk. irene) ay shalom sa Hebrew at common sa mga Jews. Kapag pinagsama ito ni Paul ito ay nagiging Christian greeting. Pero hindi lang ito pagbati na parang “Hi, hello, kumusta na kayo? I hope you’re okay.” Ito rin ay isang prayer-wish. Ito ang prayer at hope niya para sa kanila na babasa ng sulat niya. Na kapag binasa nila ito ay ganito ang magiging benefits para sa kanila. Para kanino? “Grace to you…” Mga believers, siyempre. So, kung hanggang ngayon hindi ka pa sumasampalataya kay Cristo, maybe nakikinig ka nga ngayon, pero hindi ka makikinabang sa salita ng Diyos. Walang grace, walang peace kung ang puso mo hanggang ngayon ay hindi nagtitiwala kay Cristo. So, makinig kang mabuti, and put your faith in Christ now! Bakit? Ano ba ang pakinabang ng salitang ito ng Diyos? Dalawa ang binanggit ni Paul: grace and peace.

Grace: Biyayang galing sa Diyos ang dulot na pakinabang ng Salita ng Diyos.

Kapag sinabing “grace” (“kagandahang-loob” o “biyaya”) ito ay tumutukoy sa undeserved goodness na galing sa Diyos. Wala ni isa man sa atin ang karapat-dapat sa kabutihan ng Diyos. We were “by nature children of wrath” (Eph. 2:3). Pero tumanggap tayo ng biyaya ng Diyos. “Grace,” sabi ni Paul. Hindi lang ‘yan isang “cliche” o salitang nakasanayan na lang natin kapag binabati natin ang iba at the end of our service, “Grace be with you, kapatid.” “It is the gospel in one word,” sabi nga ni Hoehner (p. 149). Hindi lang ‘yan yung grace na tinanggap natin noong araw na we put our faith in Christ. Ito yung grace na patuloy na tinatanggap natin as we listen to his word. Kaya nga kapag dumadalo tayo every Sunday sa church, nakaupo, at naka-focus ang attention natin sa pakikinig ng salita ng Diyos, ‘yan ay means of grace ng Diyos para mas maranasan pa natin ang mabuting pagkilos ng Diyos sa buhay natin.

Peace: Kapayapaang galing sa Diyos ang dulot na pakinabang ng Salita ng Diyos.

Ang ikalawa namang pakinabang ng salita ng Diyos ay “peace” o “kapayapaan.” At yung peace na tinutukoy rito ay parehong vertical at horizontal. Vertical dahil naipagkasundo na tayo sa Diyos sa pamamagitan ng mabuting balita ni Cristo, at patuloy na inilalapit ang relasyon natin sa Diyos kapag nae-expose tayo sa salita ng Diyos. Horizontal din yung peace dahil sa pamamagitan ng gospel ay naipagkakasundo rin ang dating magkaaway: ang mga Jews at Gentiles na siyang tinalakay ni Paul sa Ephesians 2:11-22. Kasama rin, sa later part ng sulat niya, ang relasyon ng mag-asawa, ng magulang sa anak, ng amo sa kanyang tauhan, ng mga magkakasama sa church. We need to press the gospel deeper sa puso natin para maayos ang mga relasyong hanggang ngayon ay sira o may lamat. That is why we need Ephesians.

Salita ito ng Diyos. Kaya nga mararanasan lang natin ang pakinabang na ito—grace and peace—ng salita ng Diyos sa pamamagitan din ng gawa ng Diyos. Kaya mahalagang i-emphasize ni Paul na itong grace and peace ay dumadaloy sa atin “from God our Father and the Lord Jesus Christ.” Hindi natin kayang i-manufacture o i-manipulate yung ganitong mga results o bunga ng salita ng Diyos. Yes, gagawa tayo ng efforts para ituro ito sa iba, mag-aarrange tayo ng mga schedule and programs para makapagsama-sama tayo na pag-aralan ang salita ng Diyos, gagawa tayo ng hakbang para ipaalala ang salita ng Diyos sa mga nakakalimot. Pero, in the end, we need to recognize na ang resulta nito ay nakasalalay sa Diyos. Galing ito sa Diyos Ama, siya ang fountainhead of all blessings. At mapapasaatin lang ito kung ang Diyos Ama ay “our Father.” Ibig sabihin, if you belong to the household of God, o isa ka sa mga anak ng Diyos. At dumadaloy ang mga pagpapalang ito sa atin from the Father through “the Lord Jesus Christ.” Sa pamamagitan ng ginawa niya sa krus, dumadaloy ang pagpapala ng Diyos sa atin. At mangyayari yun kung kinikilala natin siya bilang Panginoon, bilang si Yahweh mismo. We cannot continue rejecting God as our Father or Jesus Christ as our Lord at ie-expect na mapapabuti ang buhay natin.

Conclusion

So, dito sa first two verses ng Ephesians ay nakita natin na inihahatid ito ni Pablo sa atin with authority na galing mismo kay Cristo, and with humility na merong pagkilala sa kalooban ng Diyos. Tatanggapin naman natin ang salitang ito as God’s holy people (mga taong ibinukod ng Diyos para sa kanya) and as faithful people (bilang mga tagasunod ni Cristo). At tatanggapin natin ito dahil ito ay salita ng Diyos na may malaking pakinabang sa atin. Sa pamamagitan nito ay dumadaloy ang biyaya ng Diyos na nagreresulta sa maayos na relasyon (peace) sa Diyos at sa ibang tao.

Kapag nakatanggap ka ng sulat, babasahin mo kung alam mong para sa ‘yo, kung alam mong galing sa isang taong mahalaga sa ‘yo, at kung alam mong makakabuti sa ‘yo. Ganun din kapag may tumatawag sa ‘yo sa phone. Lalo naman kung Diyos ang tumatawag at magsasalita sa atin. Di ba’t dapat na sabik tayong magbabasa ng Bibliya araw-araw at pupunta sa church every Sunday kasi ang Panginoon natin ang nagsasalita. Ang ibang Kristiyano ay mas pinahahalagahan pa ang tawag ng kamag-anak nila, o ng boss nila, o ng sarili nilang puso kaysa sa tawag ng Diyos na sumamba sa kanya linggo-linggo at makinig ng kanyang mga salita. So, tiyakin mo na nandito ka (or sa iba mang church na tapat na nangangaral ng kanyang salita). Makinig kang mabuti. At ang napakinggan mong salita ng Diyos, paniwalaan mo, panghawakan mo, sundin mo, at hayaan mong bumago sa buhay mo, at sa church natin, at sa ministry natin. At itong salita ng Diyos na naririnig natin, ipasa rin natin sa iba—sa mga anak natin, sa mga members natin na kailangang i-disciple at disiplinahin natin, at sa mga taong hanggang ngayon ay wala pa kay Cristo. Dahil ang pagtawag ng Diyos sa atin sa kanyang salita ay isang biyaya, malaking biyaya.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply