Alam natin na mahalaga para sa isang Kristiyano ang paglago. “Patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya” (2 Pet 3:18). Pero tinitingnan ba natin ito na “essential”? O “optional” lang? Na pwede kang maging Kristiyano at makatiyak na ikaw ay may kaligtasan at buhay na walang hanggan kay Cristo kahit na hindi ka lumalago? Ayon kay Mark Dever, maraming nagsasabing Kristiyano sila ang hindi siniseryoso ang kahalagahan ng paglagong Kristiyano.

Ang ilang tao ngayon ay para bang nag-iisip na ang isang tao ay maaaring maging isang “baby Christian” habambuhay. Ang paglago ay nakikitang optional extra para sa mga masigasig na disciples. Pero mag-ingat ka na magkaroon ng ganyang pag-iisip. Ang paglago ay tanda ng buhay. Ang mga lumalagong puno ay mga buháy na puno, at ang mga lumalaking hayop ay mga buháy na hayop. Kapag may tumigil sa paglago, ito ay namamatay. ­Ang paglago ay maaaring hindi nangangahulugang magagawa mo ang lahat ng ito sa mas maikling panahon; maaaring ibig sabihin lang nito na kaya mong magpatuloy sa tamang direksyon bilang isang Kristiyano, kahit na may mga hindi magandang pangyayari. Tandaan mo, tanging ang mga buháy ang lumalangoy sa ilog; ang mga patay ay lumulutang lahat kasabay ng agos. (Nine Marks of a Healthy Church)

Dahil meron sa inyo ang hanggang ngayon ay hindi siniseryoso ang kahalagahan ng paglago, at dahil ang prayer ko ay para lahat sa atin ay seryosohin ito, kaya mahalagang pakinggan natin ang sinasabi ng salita ng Diyos sa Hebrews 5:11-6:8. Bahagi ito ng series natin sa Hebrews na usually ay ibang mga preachers natin ang nagtuturo. Next week naman ay Hebrews 6:9-20. (Tapos itutuloy na natin yung naiwan natin sa 2 Corinthians 4 na sinimulan natin last week.) Itong Hebrews 5:11-6:20 ay may mga warnings pero may mga assurance din, at nakapagitna ito, sandwiched, sa mga talatang tumatalakay sa pagiging forever great high priest ng Panginoong Jesus sa Hebrews 5-10.

Now, bakit merong ganitong intermission sa halip na tuloy-tuloy na talakayin ang tungkol sa dakilang gawa ni Cristo? Ito ay dahil nararamdaman ng sumulat nito, under the inspiration of the Holy Spirit, yung urgency na magbigay sa kanila ng warning at i-impress kung gaano ka-seryoso ang tamang pagrespond sa mga naririnig nila. They just cannot take Christ for granted! Sinabi na niya ‘yan sa chapter 2 pa lang, “Kaya’t dapat nating pag-ukulan ng higit pang pansin ang mga bagay na ating narinig, baka tayo’y matangay na papalayo” (Heb 2:1 AB). And pati sa chapters 3 and 4. Ito kasing mga Hebrew Christians, bagamat galing sila sa dati nilang relihiyon, tulad ng Old Testament Israel, nandun yung malaking temptation sa kanila na bumalik na sa dati at iwanan ang Christianity dahil sobrang hirap na dinaranas nilang mga persecutions: “nagtiis ng matinding hirap…iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla” at ang iba’y “nakabilanggo” at inagawan ng ari-arian” (Heb 10:32-34). Ayaw niyang tumalikod sila dahil dito: “Do not throw away your confidence” (Heb 10:35).

So, gaano man ka-tempting sa atin na umayaw na kapag hirap na hirap na sa buhay Kristiyano, nawa’y hindi natin masabi, “Ayaw ko na kay Cristo!” and walk away from the faith. Gaano man ka-attractive ang mga kayamanan at kasiyahan na inaalok ng mundong ito, nawa’y hindi natin ipagpalit si Cristo sa mga bagay na iyan. At nawa’y ‘wag din tayong maging kumpiyansa sa sarili natin na tinatawag nga natin ang sarili natin na “tagasunod ni Cristo,” at member tayo ng church, at dumadalo sa mga gawain nito, kahit na walang nakikitang paglago sa buhay natin, walang bunga, ay magiging panatag na tayo at aakalaing okay na ang lahat.

Kaya mahalagang tingnan natin sa teksto natin ngayon (1) kung paano sinasaway, (2) kung paano pinapangaralan, at (3) kung paano binabalaan ng Diyos ang mga “Kristiyano” na ganito ang pag-iisip at pag-uugali. Ito ang three major sections ng mensahe natin ngayon.

Rebuke (Pagsaway): Hanggang ngayon, hindi ka pa rin lumalago (immaturity)! (Heb. 5:11-14)

Sa unang bahagi, verses 11 to 14, ay sinasaway niya sila dahil sa kanilang immaturity. Ang salita ng Diyos ay nagtuturo at nagsasaway (2 Tim. 3:16). It is obvious na itong sumulat ng Hebrews he just loves talking about Jesus. At alam niya na ito ang kailangan nilang marinig para i-encourage sila na patuloy na kumapit kay Cristo. Katatapos lang niyang sabihin na si Jesus ang ating perfect high priest na siyang tanging paraan para matamo natin ang “eternal salvation” (Heb 5:9-10). Hindi lang siya ang nagtuturo sa kanila, meron pang ibang mga teachers, kaya sabi niya sa verse 11, “Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito…” Itutuloy niya sa chapter 7 ang pagtalakay tungkol kay Cristo. But at this point, huminto muna siya para sawayin sila. Dahil saan? Dahil sa kanilang immaturity.

Sino ang immature? (vv. 11-13)

Paano masasabing immature sila? Ito kasing mga teachers nila nahihirapang umusad sa mga ituturo sa kanila. Para bang “stuck” sila, kasi? “Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa” (v. 11). Ang problema ay hindi dahil hindi magaling ang mga tagapagturo o dahil mahirap lang talaga ang subject na pinag-aaralan. Although pwede namang mangyari yun. But in their case, hindi ganun. “Napakabagal ninyong umunawa,” literally, “mapurol na kayo sa pakikinig” (AB). This is a rebuke, hindi dahil may deficiency sila sa intellectual abilities nila (hindi mo naman irerebuke yun kapag ganun), kundi dahil sa kanilang mabagal na moral and spiritual reception ng mga bagay na itinuturo sa kanila. Yun bang nakikinig nga sila, pero hindi iniintindi, hindi pinaniniwalaan, hindi ito bumabago sa buhay nila. They remain spiritually immature.

Kung bago lang silang Kristiyano, maiintindihan mo pa siyempre. Hindi naman ganun kadali na mag-mature agad. Pero at this point, ine-expect niya na dapat nga ay nagtuturo na rin sila sa iba. “Dapat sana’y mga tagapagturo na kayo…” (v. 12). Nais naman talaga ng Panginoong Jesus na ang isang tagasunod niya ay maging tagapagturo rin. Hindi man maging preacher o small group Bible study leader o Sunday School teacher, pero lahat in some capacity ay magtuturo sa iba, magdidisciple ng mga anak, magpapaliwanag ng gospel sa mga unbelievers, magtuturo sa iba na sumunod din kay Cristo. Basic discipleship ‘yan (Matt 28:19-20). To be a disciple is to be a learner/student. Nag-aaral tayo hindi para buong buhay ay nag-aaral lang. Magtuturo rin tayo sa iba, sa salita natin at sa mabuting halimbawa. Mga magulang sa kanilang anak. Mga Kristiyano sa mga non-Christians, church member sa iba pang church member. Kung habambuhay kang dinidisciple at wala kang ginagawa to influence others to help them sa kanilang discipleship, that can be a sign of spiritual immaturity. “…subalit hanggang ngayo’y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos…” (v. 12). Mainam naman talagang laging napapaalalahanan, pero kung palagi ka na lang tinuturuan, at paulit-ulit na hindi mo natututunan, then you are not learning, you are not growing, you are not maturing. Rebuke ito sa kanila, “Hanggang ngayon, hindi pa rin kayo lumalago! Haay…”

“…Dapat sana’y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya” (v. 12). Hindi sila mapakain ng mga teachers nila ng beef steak dahil ang kaya lang nilang kainin ay baby food. Bakit gatas pa ang kailangan nila? Kasi nga spiritual infant pa sila. Ibig sabihin, “Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas (walang ibang kayang kainin kundi gatas) at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama” (v. 13). Sa ESV, “unskilled in the word of righteousness.” Itong “unskilled” ay tumutukoy sa kawalan ng kakayahang nanggagaling sa karanasan sa pamumuhay Kristiyano. Ibig sabihin, walang abilidad na maunawaang mabuti ang gospel, maipahayag ang gospel, at makapamuhay sa paraang consistent sa gospel na sinasabi niyang pinaniniwalaan niya, “to walk in a manner worthy of the calling to which you have been called” (Eph. 4:1). Pwedeng nakikita mo siya sa church, regular attendance sa mga gatherings, pero sa paraan ng pamumuhay niya araw-araw, hindi mo mababakas ang pagkakaiba niya sa mga hindi Kristiyano.

Sino ang mature? (v. 14)

Na nagpapaalala sa atin na ang pagiging Kristiyano, ang paglagong Kristiyano ay hindi lang about believing or articulating biblical doctrines, but about application of theology sa buhay araw-araw. Na siyang malinaw naman sa description ng mature person sa verse 14. Sino ang “mature”? “Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang (mature) at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama” (v. 14). Solid food ang para sa kanila. Sila yung meron nang “powers of discernment” na tumutukoy sa kapasidad na hindi lang maunawaan kundi makita ang pagkakaiba ng “mabuti at masama,” at makapagdesisyon kung ano ang tama. Yun bang ma-identify, “Ah, kalooban ito ng Diyos.” “Ah ito, salungat ito sa kalooban ng Diyos.” And eventually, hindi lang ma-distinguish kung ano ang mabuti sa masama, kundi pati na rin kung ano ang higit na mabuti sa mabuti. Marami naman kasing desisyon sa buhay na parehong maganda ang pipiliin, o wala namang masama sa pagpipilian. Tulad ng kung anong trabaho ang pipiliin, o kung saan. It takes maturity to be able to trust God na piliin ang isang bagay na hindi man kalakihan ang sweldo pero alam mo na yun ang mas makapagbibigay ng kaluguran sa Diyos at makakabuti sa ‘yo at sa pamilya mo.

How does one possess that “powers of discerment”? Of course, kailangang regular na pag-aralan mo ang kalooban ng Diyos na nakasulat sa Bibliya, kung ano ang dapat paniwalaan, kung ano ang dapat sundin. That is why we “catechize,” ibig sabihin pagtuturo o pagbibigay ng instruction. Dito sa passage natin, paano raw nangyayari yun, “trained by constant practice,” may “pagsasanay.” Galing ‘yan sa salitang gymnazo, kung saan galing ang salita natin for gymnastics, gymnasium, etc. Ibig sabihin, discipline, hard work. Tatlong beses lang itong ginamit sa New Testament. The other two ay sa 1 Timothy 4:7, “…train yourself for godliness,” at Hebrews 12:11, “For the moment all discipline seems painful rather than pleasant, but later it yields the peaceful fruit of righteousness to those who have been trained by it.” Ang ganitong training ay nangyayari hindi paminsan-minsan lang, o kapag January lang, o kapag naisipan lang, but by “constant practice” ay nadedevelop ang habits mo, sa pamamagitan ng paulit-ulit na training exercises tulad ng ginawa natin every Sunday sa mga equipping classes at sa worship service. We sing again and again. We pray again and again. We read the Bible again and again. We listen to the Word preached again and again. At kapag nadedevelop ang mga muscles mo sa gym, pwede mong dagdagan ang weights na bubuhatin mo para mas madevelop pa ang strength sa muscles mo. So, Christian discipleship is like going to the gym regularly, doing the same routine repetitively.

Sinaway sila ng sumulat ng Hebrews dahil kabilang sila sa may characteristics ng immature sa verses 11 to 13 at hindi sa mature na nakasulat sa verse 14. Sabi niya, by this time, dapat hindi na kayo immature. Kung bagong convert pa siguro, okay lang kapag ganun. Pero kung Kristiyano ka na for a very long time, pero wala pa ring nakikitang sign of maturity, hindi naman tama na makontento na lang tayo sa ganung kalagayan. Of course, lahat naman sa atin merong signs of immaturity pa rin, pero kapag wala man lang bakas ng maturity, ibang usapan na yun. This is serious.

Exhortation (Pangaral): Magpatuloy ka sa paglagong Kristiyano (maturity). (Heb. 6:1-3)

Kaya pagkatapos ng pagsaway, merong pangaral. Ano ang dapat n’yong gawin sa kalagayan n’yong ‘yan? Hindi mo pwedeng sabihing, “Okay na ‘ko dito.” Kaya dito sa Hebrews 6:1-3, nagbigay siya ng exhortation sa kanila para magpatuloy sa paglago, toward maturity. “Therefore, let us…” ganito ang simula niya. Merong paanyaya hindi lang sa mga immature, kundi sa buong church, na ito ang dapat nating gawin: meron tayong kailangang iwanan, meron tayong kailangang abutin, at meron tayong tulong na kailangan para magpatuloy sa paglago. Isa-isahin natin ‘yan.

May iiwanan (vv. 1-2)

Ano ang kailangang iwanan? “Kaya’t iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo…” (v. 1). Similar ito sa verse 12 kanina, “mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos.” Kapag sinabing “iwan,” hindi siyempre ibig sabihin na i-abandon na o ayawan na. Rather, tumutukoy ito sa mga foundational doctrines, tulad ng mga halimbawang babanggitin sa verse 2. Kaya bago yun ay sinabi rin niya, “Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon…” (v. 1). Kapag foundational, at nailatag na ang pundasyon, hindi ka maglalatag ng pundasyon nang paulit-ulit, but you keep building on that foundation. Nakakakita ka na ba ng building na puro pundasyon lang? Of course, kailangan namang balik-balikan natin ang pundasyon natin na si Cristo, na tumingin palagi kay Cristo (Heb. 12:2). Ibig sabihin lang dito ng iwanan ay para sa mga immature (and for all of us, siyempre!) na hangarin na mas matuto pa, mas makilala pa si Cristo, kung gusto talaga nating lumago patungo sa Christlike maturity (2 Cor. 3:18). At kailangang gawin natin ito nang merong firm decision, “iwan na natin.”

Anu-ano itong elementary o foundational doctrines na tinutukoy niya? “Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, tungkol sa mga iba’t ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan” (vv. 1-2). Tatlong pares ang tinukoy niya:

  • “pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan (dead works) at tungkol sa pananampalataya sa Diyos”—ito naman ang basic response natin sa message ng gospel, ang magsisi sa kasalanan at sumampalataya kay Cristo. Kung hindi mo pa ‘to natututunan, how can you grow into maturity? Baka nga hindi ka pa genuinely converted?
  • “tungkol sa mga iba’t ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay”—maaaring tumutukoy ito sa ilang mga rituals sa Old Testament na nagbibigay ng “essential background” sa katuparan na meron ito sa ginawa ni Cristo (ESV Reformation Study Bible).
  • “tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan”—basic na bahagi ito ng ipinapahayag nating pananampalataya na nakasulat sa Apostles’ Creed.

Ang point? Ang “elementary” subjects pang-elementary. Kapag natutunan mo na, pwede ka na sa high school, and then sa college. Kapag sanay ka na ng arithmetic, eventually pwede nang mag-algebra, then calculus, kung gusto mong maging engineer. Pero kapag hindi mo natututunan ang “basic,” babalik at babalik ka talaga sa simula. Kailangan kasi.

May aabutin (v. 1)

May iiwanan. Meron ding aabutin, merong goal. Ano yun? May nilaktawan ako sa verse 1, “Kaya’t iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na” (v. 1). Sa ESV, “go on to maturity.” Ito ang daan na dapat nating lakaran. Dapat manatili tayo sa daang ito, at magpatuloy sa paglago at ‘wag hihinto sa pagkatuto at sa pagsasanay. Meron tayong inaabot. Sa isang marathon runner, ang goal ay to finish the race. Sa isang estudyante, ang goal ay makatapos sa college. Sa isang Kristiyano, Christlike maturity. Yung “maturity” ay galing sa Greek na teleiotes na nangangahulugang “completion” o “perfection.” Siyempre, it does not refer to sinless perfection, bagamat mangyayari ‘yan kapag nakita na natin si Cristo face to face (1 John 3:2). But in this life, tumutukoy ito sa progress natin tungo sa pagiging katulad ni Cristo, unti-unti, araw-araw, pero merong nangyayaring pagbabago at paglago. Hindi pwedeng wala. Ito kasi ang layuning itinakda ng Diyos para sa atin, “to be conformed to the image of his Son” (Rom. 8:29). This is the goal of Paul’s ministry, “that we may present everyone mature in Christ” (Col 1:28). Ito ang kapakinabangan ng Bibliya, kaya nga tinitiyak natin na lagi natin itong pinag-aaralan, “that the man of God may be complete, equipped for every good work” (2 Tim. 3:16-17). It must be the goal of every Christian.

May tulong na kailangan (v. 3)

May kailangang iwanan. May kailangang abutin. Pero hindi naman natin ito magagawa sa sarili lang natin. Kaya meron din tayong kailangang tulong. Kaya sabi niya sa verse 3, “Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos.” Sa Ang Biblia, “At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Diyos.” Sa ESV, “And this we will do if God permits.” Meron tayong kailangang gawin, pero kailangan natin ang tulong ng Diyos. We are utterly dependent sa Panginoon sa paglago natin sa buhay Kristiyano. Kailangan natin ang pagtuturo niya, ang pagsaway niya, ang pagtutuwid niya, at ang pagkilos ng Espiritu sa puso natin to mold our hearts to become more like Jesus. At para mangyari ‘yan, gumagamit ang Diyos ng human means. At kasama sa tulong na kailangan natin ang mga tagapagturo natin. Ang mga pastors/elders, ang mga Bible teachers, ang mga disciplers. Kung kailangang bumalik sa basics, tutulungan namin kayo. Kahit matagal ka nang Kristiyano, it takes humility to admit na kailangan mo ng tulong. Para sa atin na mga tagapagturo, we need to be more patient. Baka naman nga kasi walang matibay na “gospel foundation,” kaya wala tayong nakikitang pagbabago sa dini-disciple natin. At kapag na-expose ang immaturity nila, it is an opportunity para sa atin na mas maging patient, mas maging loving, at pagtiyagaan sila. Kung kayo yun, willing ba kayo na tulungan kayo? Makikipag-usap ba kayo kung kailangang kausapin? Makikinig ba kayo kung pinagsasabihan kayo? Magsisikap ba kayo na sundin ang biblical counsel na sinasabi sa inyo?

Warning (Babala): Delikado kapag hindi ka lumalago (tragedy). (Heb. 6:4-8)

Kapag sinaway, tapos ayaw makinig; kapag pinagsabihan kung ano ang dapat gawin, pero ayaw namang sumunod, delikado ‘yan. Kaya dito sa ikatlo at huling bahagi ng teksto natin ay nagbigay ng babala sa kanila. Simula nito sa verse 4 ay “Sapagkat…” at nagbibigay siya ng dahilan kung bakit crucial at hindi optional ang paglagong Kristiyano. Sinasabi niya dito na delikado kapag hindi ka lumalago. Delikado dahil mauuwi ito sa tragedy.

Tuluyang pagtalikod (vv. 4-6)

Hindi mapapabuti at kapahamakan ang naghihintay sa sinumang tuluyang tatalikod kay Cristo, na siyang kahahantungan ng sinumang walang paglago sa kanilang buhay Kristiyano. Ito yung sober warning sa verses 4-6, Sapagkat hindi mangyayari na ang mga dating naliwanagan na, at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga naging kabahagi ng Espiritu Santo, at nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating, at pagkatapos ay tumalikod ay muling panumbalikin sa pagsisisi, yamang sa kanilang sarili ay muli nilang ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos, at itinataas sa kahihiyan.”

Isinasalarawan dito ang mga taong “tumalikod” na naranasan ang buhay Kristiyano. Mukhang converted sila kasi nga naliwanagan sila (tulad ng mga dating bulag na nakakita, 2 Cor. 4:4, 6), natikman nila ang mga blessings ng Diyos (tulad ng sinasabi sa Eph. 1:3), mukha namang nasa kanila ang Espiritu at bunga ng Espiritu (tulad ng sa Gal. 5:22-23), at natikman nila ang inam ng nakababad sa salita ng Diyos (maaaring sinasabi rin nila, “Oh taste and see that the Lord is good,” Psa. 34:8). So, we are faced with an important question, Ang isang totoong Kristiyano ba ay pwedeng mag-fall away, na mag-commit ng apostasy? Dati siyang sumasampalataya kay Cristo at taglay ang kaligtasan, pero posible bang tumalikod na siya sa pananampalataya at mawala ang kanyang kaligtasan? Mukhang “oo” ang sagot sa tanong na ito dahil sinasabi sa passage natin na imposible sa isang gayong “Kristiyano” na “muling panumbalikin sa pagsisi” or “to restore them again to repentance.” Siyempre, we believe in the sovereign mercy of God na gaano mang pagbagsak sa kasalanan ang sapitin ng isang tao, naroon ang awa at pagtanggap at pagpapatawad ng Diyos sa isang taong nagsisisi. Pero dito sa passage na ‘to, nag-iindicate na ang desisyon ng taong ito ay final na, “I have decided to walk away from Jesus, no going back, no going back.”

This is a very serious and sober warning. Dahil ang ganyang pagtalikod kay Cristo ay hindi lang quiet backsliding, kundi outright rejection, open rebellion against Christ, committed by one who previously declared himself as Christ-follower in his baptism and church membership, at baka nga naging Bible teacher pa for some time. It is so serious na para mo raw ipinapako ulit si Cristo sa krus, at parang dinuduraan mo ang kanyang pangalan at sinasabing walang kuwenta si Cristo, walang silbi ang kanyang ginawa sa krus, pweh! But in reality, they are doing it “to their own harm” (v. 6).

Iba’t iba tuloy ang nagiging interpretations sa warning ng passage na ‘to. Heto ang apat, ayon sa ESV Reformation Study Bible:

  1. Tinutukoy nito ang mga genuine Christians na nawalan ng kaligtasan. We can reject this interpretation dahil sa malinaw ng turo ng Bibliya na ang lahat ng tunay na iniligtas ng Diyos ay magpapatuloy hanggang sa wakas (Heb. 3:14; John 10:28, 29; Rom. 8:28-30).
  2. Ang warning na ‘to ay argument na nakadirekta laban sa isang partikular na Judaizing heresy na sobrang delikado na kung sinuman ang yumakap dito ay mauuwi sa pagkawala ng anumang pag-asang maligtas. Posible dahil sa Jewish-Christian context ng sulat na ‘to, pero sobrang nire-restrict naman ang application para sa kanila lang.
  3. Ang mga verses na ito ay nagbibigay ng warning na hypothetical lang, kung sakaling mangyayari pero hindi talaga pwedeng mangyari. Kung mangyayari ang ganyang pagtalikod ng isang tunay na Kristiyano, tiyak na magiging permanent na ‘yan. Kaya lang, ang ganitong pagtalikod ay imposible para sa isang tunay na Kristiyano dahil sa gawa ng Diyos in preserving his people. Well, totoo namang “hypothetical” lang ito kung mga taong pinili ng Diyos na maligtas ang pag-uusapan dahil hindi mangyayari yun. Pero kung hypothetical lang ang warning na ‘to, meron itong maaaring maging consequence na pwedeng i-imply na hindi natin dapat seryosohin ang warning na ‘to. Pero dahil sinabi sa atin, “work out your salvation with fear and trembling” (Phil. 1:12, 13), isang paraan ng Diyos para panatilihin tayo sa pananampalataya ay sa pamamagitan ng seryosong pagtanggap ng mga warnings na tulad nito.
  4. So, itong pang-apat ang sa tingin ko ang tamang interpretasyon ng passage na ‘to: Inilalarawan dito ang mga tumalikod (apostates) gamit ang mga terminong may kinalaman sa ipinapahayag nilang pananampalataya at ang mga blessings na para bang kabahagi rin sila ng mga genuine Christians hanggang sa moment na tumalikod na talaga sila. Alam nating lubos ang pagliligtas na ginawa ni Cristo (Heb. 7:25) at ginawa na niyang perfect (complete) forever (Heb. 10:14) ang sinumang sumampalataya sa kanyang salita. Pero nananawagan ang sumulat nito sa atin na patunayan ang pananampalataya natin hindi sa nguso lang kundi sa pamamagitan ng nagpapatuloy na pananampalataya o perseverance. Ini-stress ng interpretation na ‘to na walang sinuman ang naligtas dahil lang sa kanyang profession of faith, na maraming mga tao ang nagpapakita na para bang may pananampalataya sila pero wala naman talaga. So, ang mga tumalikod ay nagpapatunay na ang pananampalatayang sinasabi nila ay hindi naman genuine kundi peke lang pala. Tulad ng sinasabi sa 1 John 2:19, “Kahit na sila’y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila’y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang maging maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na kasama natin.”

Pero siyempre hindi nangangahulugan na kung meron man tayong mga kasama dati na hindi na natin kasama ngayon, ibig sabihin ay “apostate” na sila. Baka yung iba lumipat lang ng church. Pero posible rin lalo na kung wala naman talaga silang church hanggang ngayon. O kaya naman ay posible rin na “ligtas” talaga sila o “ililigtas” ng Diyos at some point in the future, pero sa ngayon ay nasa panahon sila ng “severe backsliding.” Anuman ang kaso, malamang na ang pinaka-significant warning na inihahatid ng passage na ‘to ay ito: kung walang pananampalataya, kahit mukhang nakadikit ka pa sa Diyos sa pakikipag-fellowship sa mga tunay na Kristiyano, hindi ito maituturing talaga na blessing; sa halip, mas malaking parusa pa ang naghihintay sa mga taong iyon sa pagtalikod nila kay Cristo (Reformation Study Bible).

Masamang bunga sa huli (vv. 7-8)

Itong magkaibang kahahantungan ng isang tunay na Kristiyano (lumalagong Kristiyano) sa hindi tunay na Kristiyano (hindi lang di-lumalago kundi tumalikod na nga) ay isinalarawan sa huling dalawang verses, “Sapagkat ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak sa kanya, at tinutubuan ng mga halamang angkop doon na dahil sa kanila ito ay binungkal, ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos. Subalit kung ito’y tinutubuan ng mga tinik at dawag, ito ay walang kabuluhan at malapit nang sumpain, at ang kanyang kahihinatnan ay ang pagkasunog” (vv. 7-8). Hina-highlight ng illustration na ‘to na ang salita ng Diyos, ang gospel, ay bumagsak sa magkaibang puso. Hawig ito sa parable of the soils ng Panginoong Jesus kung saan ang huling lupa lang ang nataniman na nagkaroon ng iba’t ibang bunga, may kaunti, may marami, pero may bunga, yun ang mahalaga. Ang mga ito sa bandang huli ang talagang tumanggap ng pagpapala ng Diyos. Pero kung walang bunga, at masama ang bunga, nagpapatunay lang ito ng pusong wala naman talaga kay Cristo, at kapahamakan ang kahahantungan, sumpa at pagkasunog. Hear this warning from Jesus himself:

Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno. Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno. Ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy…Hindi lahat ng tumatawag sa akin, “Panginoon, Panginoon,” ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, “Panginoon, hindi po ba’t sa iyong pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?” Ngunit sasabihin ko sa kanila, “Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.” Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.” (Mat. 7:17-19, 21-27)

Panawagan para sa Church Ngayon

Ngayong nakita natin ang serysong kahalagahan ng paglagong Kristiyano, na kailangang sawayin ang mga di-lumalago, na kailangang iwan natin ang immaturity at magpatuloy sa maturity, at na kapahamakan ang aabutin ng sinumang sa hindi nila paglago ay tumalikod kay Cristo, ano ngayon ang panawagan ng Diyos para sa ating lahat? Merong panawagan para…

Sa pagsisiyasat sa sarili (self-examination)

“Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy” (Heb. 3:12). Siyasatin mo ang puso mo. ‘Wag mong basta-basta i-assume na totoong Kristiyano ka na dahil lang palagi kang nasa church at active sa mga gawain nito. Ask the Lord to expose kung ano ang tunay na kundisyon ng puso mo. I-examine ninyo ang inyong mga sarili kung nasa inyo nga ba talaga si Cristo (2 Cor. 13:5). 

Sa pananagutan sa isa’t isa

Kailangan natin ang iba para i-test din kung tayo ba ay nakay Cristo. “Magpaalalahanan kayo araw-araw… upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo’y maging matigas ang puso” (Heb. 3:13). Kaya nga mahalaga ang pagiging member ng church, at yun ang significance ng church membership, merong affirmation na meron kaming nakikitang ebidensya sa ‘yo na si Cristo nga ay nasa ‘yo. Yun ang halaga ng regular na pagdalo sa church, para matulungan natin ang bawat isa to grow in love and good works, para ma-encourage natin ang bawat isa na magpatuloy hanggang sa pagdating ng Panginoon (Heb. 10:24-25). Kaya rin may church discipline, para sawayin natin ang mga members natin na hindi nakikita sa buhay nila na si Cristo ay nasa kanila—dahil pinababayaan nila ang pagdalo sa church, dahil pinababayaan nila ang relasyon nilang mag-asawa, dahil namumuhay sila sa kasalanan at ayaw magbalik-loob sa Diyos. We love them enough to tell them, “Kapag magpapatuloy ka sa buhay mong ganyan, mapapahamak ka, you are going to hell, dahil mukhang wala si Cristo sa puso mo.”

Sa mahigpit na pagkapit kay Cristo at sa kaligtasang sa kanya lang matatagpuan

Tinatawagan natin silang magsisi at muling kumapit kay Cristo. Ito rin ang panawagan sa ating lahat. Manatiling nakakapit kay Cristo. ‘Wag bibitaw. To “hold fast our confidence…firm to the end” (Heb. 3:6, 14), to hold fast to Jesus himself (Heb. 6:18-20). Dahil kay Cristo lang natin matatagpuan ang kaligtasan at ang bagong buhay at ang walang hanggang buhay, na nakalaan para lang sa sinumang mananatiling nakakapit kay Cristo hanggang wakas.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply