Introduction: Ang Kuwento ng Exodus

Katatapos lang natin ng thirty-part sermon series on Exodus. Mahaba-habang journey ‘yan. Maraming itinuro si Lord sa church natin tungkol sa kung sino siya at ano ang nais niya para sa atin. Ngayon naman, sa tingin ko ay mainam na maglaan tayo ng isang sermon para pag-usapan ang buong Exodus. Yes, 40 chapters ‘yan. Mainam na review na rin para sa mga nakasubaybay ng sermon series. Pero kahit na sa mga hindi nakasubaybay ng buong series, it is always good na magkaroon ng big-picture overview o bird’s eye view ng bawat book sa Bible. Natapos na natin ang overview ng Genesis last 2021 pa. Pagkatapos naman nitong Exodus, isusunod natin next week ang Leviticus, then Numbers, then Deuteronomy. ‘Yan ang first five books ng Bible, at tinatawag na “Pentateuch,” ibig sabihin, five volumes. ‌

At itong first five books ng Bible ay foundational for understanding the whole Bible na 66 books. Bawat Kristiyano ay dapat maging equipped kung paano basahin ang buong Bibliya, at kung paano unawain ang bawat bahagi nito ayon sa konteksto nito. Sa konteksto ng book of Exodus, halimbawa. Then sa konteksto ng Pentateuch bilang isang istorya ng Diyos sa bansang Israel. Then sa konteksto ng buong Old Testament, 39 books. Then sa konteksto ng buong Bibliya. Especially kung paano ito nakakonekta kay Cristo, sa mabuting balita o sa gospel, at sa application nito sa buhay Kristiyano. I hope and pray na makatulong sa inyo ang mga overview sermons na ‘to to that end.‌

May dalawang major sections ang Exodus. Ang first 18 chapters ay may kinalaman sa pagliligtas ng Diyos sa Israel mula sa 400 years na pagkakaalipin nila sa Egipto, hanggang sa simula ng paglalakbay nila patungo sa Mt. Sinai. Ang chapters 19 to 40 naman ay nagsasalaysay ng pakikipagtipan ng Diyos sa Israel sa Mt. Sinai. Halos isang taon silang nag-stay dito. Buong Leviticus at first 10 chapters ng Numbers ay naglalaman ng mga instructions ng Diyos sa kanila dito. ‌

Yung first major section ng Exodus (chapters 1 to 18) ay mahahati naman sa apat na bahagi. Ang una ay ang chapters 1 to 4, tungkol sa hirap na dinanas ng Israel sa Egipto, at kung paano nagpadala ang Diyos ng gagamitin niyang instrumento para pangunahan sila sa paglabas sa Egipto, si Moises. Ang ikawala (5:1-12:32) ay kung paano paulit-ulit na hinarap ni Moises at ni Aaron na kapatid niya ang hari ng Egipto, ang Pharaoh, para sabihin ang ipinapasabi ng Diyos na palayain na sila para sumamba kay Yahweh. Paulit-ulit namang nagmatigas ang hari, kahit na sampung salot ang ipinadala ng Diyos sa Egipto. Nang matapos ang ikasampung salot, ang pagpatay sa mga panganay, saka pa lang sila pinayagang umalis. Makikita naman natin sa ikatlong bahagi nito (12:33-15:21) ang mismong exodus na o paglabas na ng mga Israelita sa Egipto at kung paano sila iniligtas ng Diyos nang makatawid silang lahat sa dagat at matabunan at mamatay naman ang mga Egyptians na lumusob sa kanila. Ang ikaapat na bahagi (15:22-18:27) ay tungkol sa tatlong buwan nilang paglalakbay sa disyerto patungo sa Mt. Sinai, kung saan nasaksihan nilang pinakain, pinainom, pinatnubayan, at ipinagtanggol sila ng Diyos.‌

Yung second major section naman (chapters 19 to 40) ay meron ding apat na bahagi. Ang una, chapters 19 to 24 ay tungkol sa pakikipagtipan ng Diyos sa Israel sa Mt. Sinai at ang pagbibigay sa kanila ng kautusang nakakabit sa tipang ito—ang Sampung Utos at ang Code of the Covenant. Ang ikalawa, chapters 25 to 31, ay naglalaman ng mga tagubilin ng Diyos, habang 40 days na nasa bundok si Moises, tungkol sa pagtatayo ng tabernacle tent at mga gamit na kailangan dito, pati ang pagtatalaga sa mga paring maglilingkod dito. Ang ikatlo naman, chapters 32 to 34, ay tungkol sa pagsambang ginawa ng mga Israelita sa gintong baka habang nasa bundok si Moises. Sinira agad nila ang tipan nila sa Diyos pero ang Diyos din ang gumawa ng paraan para maayos ulit. Ang ikaapat at panghuli, chapters 35-41, ay nagdedetalye kung paano ginawa ng mga Israelita ang lahat ng ipinapagawa ng Diyos sa tabernacle at kung paanong bumababa ang maluwalhating presensya ng Diyos sa kalagitnaan nila pagkatapos nun.

‌‘Yan ang kuwento ng Exodus. At ang kuwentong nakapaloob dito ang itinuturing ng mga Israelita na greatest act of redemption na ginawa ng Diyos sa Old Testament. Hawig ito sa isa pang “exodus”—but on a smaller scale— nang maalipin sila nang 70 years sa Babylon, at makabalik ulit sa lupain nila. Pero ang tunay at nakahihigit na exodus ay na-accomplish sa pamamagitan ng pagliligtas ni Cristo sa atin. Kaya we can also sing with Israel, Exodus 15:2, “The Lord is my strength and my song, and he has become my salvation. Yung “salvation” na ‘yan ay yeshua, at diyan galing ang pangalan ni Jesus, “sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (Mat. 1:21). Ah, itong exodus story pala ay hindi pa talaga “salvation” para sa kanila. Preview pa lang yun. Ang tunay at nakahihigit na salvation ay mangyayari lang sa pagdating ni Jesus. Sa isang bundok, sinama ni Jesus ang tatlong disciples niya, ganito ang nangyari: “Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias, na nagpakitang may kaningningan. Pinag-usapan nila ang pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem” (Luke 9:30-31). Ang “pagpanaw ni Jesus” o ang kamatayang sasapitin niya sa krus literally ay “pag-alis” o “departure” na sa Greek ay exodos. So, ang pagliligtas ng Diyos sa Israel sa Exodus ay isang pattern or shadow or type ng pagliligtas ng Diyos sa atin.‌

So, sa pagre-reflect natin sa theology at life application ng Exodus para sa atin ngayon, mainam na tanungin natin ang apat na tanong na ito:‌

Bakit tayo iniligtas ng Diyos?‌

Mula saan tayo iniligtas ng Diyos?‌

Sa paanong paraan tayo iniligtas ng Diyos?‌

Para saan tayo iniligtas ng Diyos?

A. Bakit tayo iniligtas ng Diyos?

Sa kuwentong ito, malinaw sa simula pa lang na ang pagliligtas ng Diyos ay nakafocus sa Israel, hindi sa Egypt. Kahit na dayuhan sila sa Egipto, at nagsimula sa 70 persons lang noong panahon pa ni Jose, dumami sila nang dumami (Ex 1:7). At kahit pa inaapi sila, lalo pa silang dumarami (Ex 1:12). Nang nate-threaten na itong si Pharaoh sa pagdami ng mga Israelita, nag-utos siya sa mga midwives na patayin ang mga ipapanganak na lalaki, na hindi naman nila sinunod, kaya lalo pa silang dumami (Ex 1:17-20). At nang ipanganak si Moises, itinago siya ng nanay niya, nakita siya ng anak ng hari, at naligtas sa halip na mamatay. Pinangalanan siyang Moises dahil sabi ng anak ng hari,“Iniahon ko siya sa tubig, kaya Moises ang ipapangalan ko sa kanya” (Ex 2:10). Preview lang yun ng gagawing pagliligtas ng Diyos sa mga Israelita sa pamamagitan ng pagtawid nila sa Red Sea. Iniligtas sila ng Diyos sa kamay ng mga Egyptians at nakita ng Israel na ang Egyptian army ay nalunod sa dagat (Ex 14:30). At ayun nga, kumpleto na ang pagliligtas ng Diyos sa kanila mula sa 430 years of slavery (Ex 12:40–41).‌

Tayo rin naman ay iniligtas ng Diyos by grace alone, through faith alone in Christ alone (Eph 2:8–9). Ang tanong, Bakit tayo iniligtas ng Diyos? Ano ang basehan ng Diyos? Bakit Israel ang iniligtas ng Diyos? Bakit hindi Egypt? Bakit sa mga salot na pinadala ng Diyos, mga Egyptians lang ang naapektuhan samantalang nakaligtas ang mga Israelita?‌

Hindi dahil sa atin

Unang sagot: ito ay hindi dahil sa atin. Not because we are more righteous, or more deserving than others. Hindi ibig sabihin na mas matuwid ang mga Israelita kaysa sa mga Egyptians. Sa simula pa nga lang, noong pumasok na sa eksena si Moises, at kausapin ang hari in behalf of Israel, nagreklamo na sila kina Moises nang lalong pinahirapan sila (). Sila rin nga sumamba sa diyos-diyosan katulad din ng mga Egyptians (Ex 32). Si Moises nga isang murderer bago siya tawagin ng Diyos. Si Aaron nga siya pa ang naglead sa worship service para sa golden calf bago siya i-anoint na high priest. Bumaba ang presensya ng Diyos sa mga taong katulad nila, not because they were deserving.‌

At tayo rin naman.

Titus 3:5 “he saved us, not because of works done by us in righteousness, but according to his own mercy.” Wala sa atin ang dahilan ng pagliligtas sa atin. Nasa Diyos.‌

Kundi dahil sa Diyos

Iniligtas tayo ng Diyos dahil sa Diyos. Dahil sa sovereign grace ng Diyos. Sinabi ni Paul na ang kaligtasan ay hindi nakadepende sa effort ng tao kundi sa Diyos at sa awa niya, at ginamit niyang pruweba ang sinabi ng Diyos kay Moises sa Exodus 33:19.‌​

Romans 9:15–16 ESV. For he says to Moses, “I will have mercy on whom I have mercy, and I will have compassion on whom I have compassion.” So then it depends not on human will or exertion, but on God, who has mercy.‌

Ang Diyos ang pumili sa Israel. Ang Diyos ang pumili kay Jacob: “Jacob I loved, but Esau I hated” (Rom 9:13). Siya ang pumili kay Abraham (Josh 24:2-3). In the same way, naligtas tayo because of God’s electing grace: “Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya” (Eph 1:4).‌

Iniligtas tayo ng Diyos dahil sa Diyos, dahil sa kanyang covenant faithfulness. Ang Exodus ay pagpapatuloy ng kuwento ng Genesis. Actually, sa original Hebrew, dapat may “And” o “At” sa first verse ng Exodus, pero missing sa mga translations natin. Nagpapakita ‘yan na continuation ito ng Genesis dahil ang simula nito ay tungkol sa kamatayan ni Jose na siya namang ending ng Genesis. Sinabi ni Jose sa mga kapatid niya bago siya mamatay, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob” (Gen 50:24). Kumpiyansa siya na tutuparin ng Diyos ang pangako niya. Kaya noong hirap na hirap na ang mga Israelita sa Egipto, dumaing na sila sa Diyos. “Narinig ng Diyos ang kanilang daing at naalala niya ang ginawa niyang kasunduan kina Abraham, Isaac at Jacob. Nakita niya ang kalagayan ng mga Israelita at siya’y nahabag sa kanila” (Ex 2:24-25). Hindi dahil nakakalimot ang Diyos. Kundi sa puntong ito ay nagpasya siya na ipakita sa kanila ang awa at pag-ibig niya. Kaya nga inawit nila pagtawid sa dagat, “Sa iyong katapatan (hesed, steadfast love, covenant faithfulness), bayan mong tinubos ay inakay, tungo sa lupang banal, sila’y iyong pinatnubayan” (Ex 15:13).‌

Tapat ang Diyos sa salita niya. Sinabi na niya kay Abraham na ang lahi niya ay magiging mga dayuhan at aalipinin nang 400 years, “Ngunit paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila, at pag-alis nila roon ay marami silang kayamanang madadala” (Gen 15:13-14). Hindi ba’t ganyan nga ang nangyari? Bago sila umalis sa Egipto, “Ibinigay ng mga Egipcio ang anumang hingin ng mga Israelita sapagkat niloob na ni Yahweh na sila’y igalang ng mga ito. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang kayamanan ng mga Egipcio” (Ex 12:36).‌

Naligtas din tayo sa sovereign grace ng Diyos at dahil sa covenant faithfulness ng Diyos. Hindi ba’t ito ang magdudulot ng humility at gratefulness sa heart natin kasi wala tayong maipagmamalaki na anumang dahilan kung bakit tayo iniligtas ng Diyos? “Let the one who boasts, boast in the Lord” (1 Cor 1:31).

B. Mula saan tayo iniligtas ng Diyos?

Nakukulangan din sa pasasalamat at pagkamangha sa Diyos ang puso natin kapag nakakalimutan natin ang sagot sa susunod na tanong, “Mula saan tayo iniligtas ng Diyos?” Kung tingin kasi natin na maliit lang ang problema natin, hindi tayo masyadong hahanga sa Diyos. Kapag 500 pesos ang utang mo at may nagbayad, magte-thank you ka naman. Pero paano kung isang milyon ang utang mo, o nakagawa ka ng krimen na nararapat lang bitayin, pero merong gumawa ng solusyon para makaligtas ka? Mababago talaga ang pagkakilala mo sa Diyos kung malalaman mo kung mula saan tayo iniligtas ng Diyos.‌

Mula sa pagkakaalipin sa kasalanan

Una, iniligtas tayo ng Diyos mula sa pagkakaalipin sa kasalanan. Totoo ngang iniligtas ng Diyos sa pagkakaalipin ang Israel sa Egipto, para makawala na sila sa oppression, injustices, at abuses sa kanila. On the surface, ‘yan ang makikita natin. Pero meron itong greater significance. Kasi ang nire-represent ni Pharaoh dito sa story ay ang ahas mismo, si Satanas, na siyang at-war against God and his people simula pa sa Garden of Eden. Simula noon, ang tao ay naging alipin ng kasalanan, at napailalim sa kamay ni Satanas na naghahari sa mundong nahulog sa kasalanan (Eph. 2:1-2). So, ang labanan dito sa Exodus ay hindi sa pagitan nina Moises at Pharaoh, kundi ng Diyos at ni Satanas. Nais ng Diyos na palayain ang Israel mula sa kasalanan. Hindi lang para ilabas sila sa Egipto, kundi para ilabas ang Egipto sa kanilang mga puso. Nung nakalabas na nga sila, nagrereklamo sila kay Moises dahil wala silang makain. Sabi nila, mas mainam pa sa Egipto na masasarap na karne at tinapay ang nakakain nila (Ex 16:3). Nalimutan nila na iniligtas nga sila ng Diyos sa pagkakaalipin. At yung sumamba sila sa gintong baka sa chapter 32? Bakit naman baka ang naisip nila na imahen na gagawin para sa pagsamba nila sa Diyos, samantalang pinagbawal nga sa kanila ng Diyos yun sa ikalawang utos (Ex 20:4)? Yun kasi ang nakasanayan nila sa Egipto.‌

Hindi lang si Pharaoh ang matigas ang puso. Pati ang mga Israelita. Pati tayo, matigas ang puso natin dahil sa kasalanan. Mahalagang tandaan natin ang kalagayan natin bago tayo iligtas ni Cristo. Actually, hindi ang kasalanan natin ang pinakamalaking problema natin. Iniligtas din tayo ng Diyos, at ito ang mas malaking problema…‌

Mula sa poot ng Diyos

Mula sa poot ng Diyos. Wala sanang problema kung hahayaan lang ng Diyos ang kasalanan natin. Pero hindi hahayaan ng Diyos ang pagmamatigas ni Pharaoh laban sa kanya. Ang sunud-sunod na salot na pinadala ng Diyos sa Egipto—ang Nile River na naging dugo, ang mga palaka, ang mga niknik, ang mga langaw, ang pagkamatay ng mga hayop nila, ang mga pigsa, ang malakas na ulan ng yelo, ang mga balang, ang kadiliman, at ang pagkamatay ng mga panganay na mga tao at mga hayop—lahat ‘yan ay paghatol ng Diyos. Deklarasyon ‘yan ng pakikidigma sa mga diyos-diyosan nila, parusa laban sa pagsamba nila sa mga hindi totoong diyos. Maging ang Israel ay deserving din na tupukin ng nagliliyab na galit ng Diyos dahil sa katigasan ng ulo nila. Sabi niya kay Moises, nang sumamba sila sa gintong baka, “Hayaan mong lipulin ko sila…” (Ex 32:9-10). Kaya nga sobrang nakakatakot sa kanila na masulyapan ang Diyos sa pamamagitan ng apoy at usok na nakita nila sa Mt. Sinai (Ex 19:16-18). At nakiusap pa sila kay Moises na ‘wag hayaang Diyos mismo ang magsalita sa kanila at baka mamatay sila (Ex 20:19).‌

Tayo rin naman dahil sa kasalanan ay nasa ilalim ng poot o matinding galit ng Diyos (Eph 2:3). Kung hindi dahil kay Cristo, nananatili pa rin tayong nasa ilalim ng poot ng Diyos (John 3:36). Gaano man katerible itong mga sunud-sunod na salot sa Egypt, patikim pa lang ito ng mas matinding judgment na haharapin ng mga tao sa pagbabalik ni Cristo. The worst is yet to come. If you are outside of Christ hanggang ngayon, dapat lang na katakutan mo ang impiyerno. Pero kung ikaw ay nakay Cristo, wala ka nang dapat na ikatakot pa. At kung pinalaya ka na mula sa pagkakaalipin sa kasalanan bakit gugustuhin mo pang bumalik sa Egipto? Bakit babalik ka pa sa buhay ng pagkakasala kung ngayon ay malaya ka na? At bakit ka magrereklamo kung ang daming difficulties ang nararanasan mo sa buhay mo ngayon? You deserve worse. Anumang suffering na nararanasan mo ay higit na maliit kung ikukumpara sa apoy ng impiyerno. Noong nagreklamo sila dahil nagutom sila, ang reklamo nila ay laban kay Yahweh, hindi kay Moises (Ex 16:7-8). Nakakalimutan kasi nila na “si Yahweh ang naglabas sa [kanila] sa Egipto” (Ex 16:6).‌

Kaya sa buhay Kristiyano, mahalagang alalahanin natin ang pinanggalingan natin. Mula saan tayo iniligtas? Mula sa pagkakaalipin sa kasalanan at mula sa poot ng Diyos.

C. Sa paanong paraan tayo iniligtas ng Diyos?

Kasunod na tanong nito, Paano nangyari yun? Sa paanong paraan tayo iniligtas ng Diyos?‌

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa paghatol

We are saved by God’s sovereign power in judgment. Walang makakapigil sa Diyos na gawin kung ano ang dapat gawin to save us. Ang mga salot na ipinadala ng Diyos sa Egipto ay hindi lang parusa sa kanilang mga kasalanan. Ito rin ay paghatol ng Diyos sa pang-aalipin na ginagawa nila sa kanyang bayan. Ito rin ay paraan ng Diyos para payagan ng hari na umalis at palayain na sila. Ito ay paraan ng Diyos para iligtas sila. Wala naman silang kakayahang labanan ang kaaway nila, lalo na nung paparating na ang army ni Pharaoh na lulusob sa kanila sa disyerto. Natakot sila, sinabi ni Moises sa kanila, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lang ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Yahweh. Hindi na ninyo muling makikita ang mga Egipciong iyan. Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo” (Ex 14:13-14). Noong nasa Red Sea na sila, sa utos ni Yahweh, itinaas ni Moises ang tungkod niya, nahati ang dagat, nakatawid sila. Nang lusubin na sila ng mga kaaway nila, itinaas ulit ni Moises ang tungkod niya at natabunan nito ang mga kaaway nila, wala kahit isang natira (Ex 14:27-28). “Nang araw na iyon ang mga Israelita’y iniligtas ni Yahweh sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa tabing dagat. Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises” (Ex 14:30-31). Ang tungkod na hawak ni Moises ay sagisag ng kapangyarihan ng Diyos na nagliligtas sa kanila mula pa noong nasa Egypt sila (Ex 4:17) hanggang sa pakikipaglaban nila sa mga Amalekita sa disyerto. “The staff of God” sa kamay ni Moises para bigyan sila ng tagumpay laban sa mga kaaway (Ex 17:9).‌

Hinatulan ng Diyos ang Egipto, ang kaaway ng Israel, ang kaaway ng Diyos, ang nang-aalipin sa kanila. Sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo, inako niya (inako ng Diyos mismo!) ang hatol na dapat sana ay sa atin ibabagsak. Siya yung batong hinampas ng tungkod ng Diyos para makainom ang mga tao (Ex 17:6). Sa krus, nilunod siya ng dagat ng poot ng Diyos, namatay, inilibing, at muling nabuhay. Sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, nagtagumpay ang Diyos laban sa kasalanan, sa kamatayan, at sa gawa ng Kaaway. “Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito’y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay” (Col 2:15).‌

Sa pamamagitan ng itinakdang tagapamagitan at kahalili ng Diyos

Dahil si Jesus ang umako ng parusang nararapat sa atin, siya ang ating mediator at substitute. Sa Exodus, si Moises ay hindi lang representative ng Diyos sa mga tao, siya rin ay representative ng mga tao sa Diyos. Nang sumamba sila sa gintong baka, siya ang nakiusap sa Diyos na ‘wag silang parusahan (Ex 32:11-14), na patawarin sila, at in-offer pa niya ang sarili niya na siya na lang ang parusahan ng Diyos (Ex 32:31-32). Pero siyempre, hindi siya perfect mediator and substitute. Para hindi mamatay ang mga firstborn ng Israel, sinabi ng Diyos na ang paraan ay kailangang magpatay ang bawat pamilya ng isang batang tupa, “without blemish” (Ex 12:5), na ang dugo ay ipapahid sa hamba ng kanilang mga pintuan, at manatili sila sa loob ng bahay para pagdating ng anghel ng Diyos ay maligtas sila sa paghatol ng Diyos sa Egypt (Ex 12:13).‌

They were saved by the blood of the lamb. Tayo rin naman ay naligtas sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Siya ang ating perfect Mediator at Substitute dahil siya ay walang kapintasan, tunay na tao na tulad natin, at tunay na Diyos para maging sapat na handog para sa kasalanan ng lahat ng sasampalataya sa kanya. Dahil sa dugo ni Cristo kaya nagkaroon ng “propitiation” (Rom 3:25). Ito yung “mercy seat” na nasa ibabaw ng ark of the covenant (Ex 25:17). Nasa Most Holy Place ito ng Tabernacle. Walang sinumang makakapasok dahil sa kasalanan. Pero noong namatay si Cristo, nahati ang tabing ng templo, malaya na tayong makakapasok sa presensya ng Diyos because of Jesus our Mediator, our Great High Priest, and Substitute (Heb 10:19-22).‌

Wala tayong ibang gagawin kundi ang sumampalataya kay Cristo. Ang kaligtasang ito ay “to be received by faith” (Rom 3:25). By faith, itinago si Moises ng mga magulang niya nang siya’y ipanganak (Heb 11:23). By faith, tinanggihan ni Moises ang pagiging anak ng prinsesa ng Egypt at ang kayamanan ng Egypt, at piniling makabilang sa mga alipin (Heb 11:24-26). By faith sa salita ng Diyos, ang mga Israelita ay nagpatay ng tupa, ipinahid ang dugo nito sa pintuan nila, at hindi lumabas ng bahay habang paparating ang hatol ng Diyos (Heb 11:28). By faith, tumawid ang mga Israelita sa dagat at naligtas laban sa kanilang mga kaaway (Heb 11:29). Ang pananampalataya natin ay hindi kontribusyon sa kaligtasan natin, ito ay pagtanggap sa salvation Christ alone accomplished for us.‌

Kaya nga mahalagang palagi nating inaalala ang ginawang pagliligtas sa atin ni Cristo—na wala tayong naiambag sa kaligtasang iyon kahit piso. Sa preaching of the Word, sa singing of the Word, sa praying of the Word, sa assurance of pardon. Maging ang offerings natin ay hindi pwedeng ituring na ambag. At inaalala din natin ‘yan sa Lord’s Supper, “in remembrance of me,” sabi ni Jesus (1 Cor 11:24, 25). Kapag ginagawa natin ito, we “proclaim the Lord’s death until he comes” (1 Cor 11:26). Tulad ng Passover meal na sinabi ng Diyos na gawin nila taun-taon. Ito kasing second generation of Israel na papasok sa promised land, after 40 years of wandering sa wilderness, kailangan nilang marinig itong salvation story. At kailangan ding iparinig sa mga susunod na henerasyon. “Kapag itinanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito, sabihin ninyong ito’y pag-aalaala sa Paskwa ni Yahweh nang lampasan niya ang bahay ng mga Israelita at patayin niya ang mga Egipcio” (Ex 12:26-27). Pag-alaala din ang layunin ng feast of the unleavened bread at ang consecration of the firstborn (Ex 13:8, 9, 14). Sa pagkain at pag-inom natin sa Lord’s Supper, we receive Christ and his sacrifice for us na yun ang kaligtasan at kasapatan para sa atin. We remember kung ano ang ginawa niya para sa atin. And, we proclaim sa mga anak natin, sa bawat isa sa church, at sa mga unbelievers ang kaligtasang kay Cristo lang matatagpuan, wala nang iba.

D. Para saan tayo iniligtas ng Diyos?

Bakit tayo iniligtas ng Diyos? Hindi dahil sa ating taglay na kabutihan (dahil wala naman tayo nun!) kundi dahil sa awa at katapatan ng Diyos. Mula saan tayo iniligtas ng Diyos? Mula sa kasalanan at sa poot ng Diyos. Paano tayo iniligtas ng Diyos? Sa pamamagitan ng paghatol na inako ni Cristo bilang ating Mediator and Substitute. Panghuling tanong, para saan tayo iniligtas ng Diyos? Yung exodus story ay hindi ang end goal. It is a means to an end. Kaya nga meron pang chapters 19 to 40. Malinaw na makikita natin sa second half ng Exodus kung ano ang layunin ng Diyos.‌

Para sa pagsunod sa lahat ng kanyang mga utos

Bago pa naman sila iligtas ng Diyos , obligado na silang sumunod sa Diyos. Si Pharaoh nga obligado rin na sumunod sa Diyos. Dahil sa authority ng Diyos bilang Hari ng lahat at bilang lumikha sa lahat, dapat lang na sundin siya. Pero ang pagliligtas na naranasan ng Israel ay nagbibigay sa kanila ng higit pang motivation para sumunod sa Diyos. Susunod sila hindi para maligtas. Susunod sila dahil sila’y iniligtas na. Susunod sila dahil nakita nila ang ginawa ng Diyos na pagliligtas sa kanila (Ex 19:4). Bago ang sampung utos, heto ang pasimula: “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin” (Ex 20:2). Ang pagsunod sa Diyos ay resulta o tugon sa pagliligtas ng ginawa ng Diyos. Dapat silang sumunod sa utos ng Diyos tulad ng pagsunod nga mga forces of nature sa salita ng Diyos sa mga salot na ipinadala niya sa Egypt, tulad ng pagsunod ng mga tubig sa dagat nang mahati ito para sila’y makatawid. At ang pagsunod na ito na layunin ng Diyos para sa Israel ay makikita sa dulo ng Exodus, nang matapos na ang tabernacle Building ng tabernacle, eksakto sa detalye: “Lahat ng ito’y ginawa ng mga Israelita ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises…Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Yahweh” (Ex 39:42; 40:16).‌

Of course, alam natin na hindi perfect ang obedience ng Israel, kahit na si Moises. Pero nang naparito si Cristo, tinupad niya ang lahat ng utos ng Diyos at ang layunin nito (Mat 5:17). Itinuro niya ang Sermon on the Mount (Mat 5-7), tulad ni Moises na nagbigay ng utos ng Diyos mula sa Mt. Sinai, para sabihin kung ano ang kahulugan nito, kung paanong tayo rin na mga tagasunod ni Cristo ay dapat sumunod sa mga utos ng Diyos, at turuan ang iba na sumunod sa lahat ng utos ni Cristo (Mat 28:19). At, ipaalala sa mga tuturuan natin na naligtas tayo hindi sa pamamagitan ng mabuting gawa natin kundi para sa paggawa ng mabuti (Eph 2:8-10).‌

Para sa pagsamba sa kanya lamang

Ano ang layunin ng Diyos bakit kinaawaan ang Israel at pinatigas naman ang puso ni Pharaoh? “That my name might be proclaimed in all the earth” (Rom 9:17, 18; Ex 9:16). Para maipakilala ang sarili niya na siya si Yahweh ang makapangharihan sa lahat (Ex 14:4, 18). Ano ang layunin bakit ilalabas ng Diyos ang Israel mula sa Egipto? Para sila ay sumamba kay Yahweh (Ex 3:12, 18; 5:1, 3; 7:16). Para kilalanin ng lahat na wala nang ibang diyos maliban kay Yahweh: “on all the gods of Egypt I will execute judgments: I am Yahweh” (Ex 12:12). Kaya nga umawit sila pagtawid sa dagat: “Who is like you, O Lord, among the gods? Who is like you, majestic in holiness, awesome in glorious deeds, doing wonders” (Ex 15:11). Kaya nga ang unang apat na utos: ‘wag sasamba sa ibang diyos maliban sa kanya, ‘wag gagawan ng imahen sa pagsamba sa kanya, ‘wag lapastangin ang pangalan ng Diyos, at alalahanin ang araw ng Sabbath (Ex 20:3-11). Ang araw ng Sabbath ay araw ng pahinga para sa pagsamba sa Diyos. Kaya nagalit siya nang sumamba sila sa gintong baka. Dahil ang layunin ng Diyos sa pagliligtas sa kanila, in fact, ang layunin ng Diyos sa lahat ng ginagawa niya, for the glory of his name!‌

At ‘yan din ang layunin ng pagliligtas ni Cristo sa atin: ang sambahin siya (Rom 12:1). ‘Yan ang layunin ng lahat ng ginagawa natin: “do it all for his glory” (1 Cor 10:31). ‘Yan ang layunin kung bakit meron tayong church at nagtitipon nang regular, “But you are a chosen race, a royal priesthood, a holy nation, a people for his own possession, that you may proclaim the excellencies of him who called you out of darkness into his marvelous light” (1 Pet 2:9). Itong verse na ‘to ay hawig sa Exodus 19:5–6, “…you shall be my treasured possession among all peoples…and you shall be to me a kingdom of priests and a holy nation.” Ang layunin din ng Diyos para sa Israel ay hindi lang sila maging isang bansa na sumasamba sa kanya, hindi tulad ng ibang bansa, kundi para maging pag-aari ng Diyos, his treasured possession. Kaya ito ang pangatlong layunin ng pagliligtas ng Diyos:‌

Para makasama siya nang walang hanggan

‘Yan ang puso ng covenant ng Diyos sa Israel: “I will take you to be my people, and I will be your God” (Ex 6:7). Ito rin ang essence ng new covenant: “They shall be my people, and I will be their God” (Jer 32:38). Consistent ang Diyos sa layunin niya sa pagliligtas sa atin. ‘Yan ang dahilan kung bakit gumawa ng tabernacle, para ang Diyos ay manirahan sa kalagitnaan nila (Ex 25:8). Kaya ang dulo ng Exodus ay ang pagbaba ng presensya ng Diyos matapos magawa ang tabernacle: “the glory of Yahweh filled the tabernacle” (Ex 40:34, 35). Para ipaalala sa kanila na kasama nila ang presensya ni Yahweh sa buong paglalakbay nila. Para ipaalala sa atin na dahil si Cristo ay naparito (John 1:14), umakyat sa langit, bumaba ang Espiritu, mapanghahawakan natin ang pangako niya: “I am with you always to the end of the age” (Mat 28:20), at makakasama natin siya for all eternity. Ang layunin ng pagliligtas sa atin? For his glory and for our eternal joy. Hindi magkahiwala ang dalawang ‘yan sa layunin ng Diyos. Ang Exodus ay nagpapaalala sa atin na dapat na pinakahahangad ng puso natin na dakilain ang kanyang pangalan at makasama’t masiyahan sa presensya niya forever.

Conclusion: Ang Kuwento ng Buhay Natin

‌Ang buong Exodus ay nagpapaalala sa atin na hindi lang ito kuwento ng Israel, ito rin ay kuwento ng buhay natin. At bago ito maging kuwento ng buhay natin, dapat nating alalahanin na ito ay kuwento ni Jesus. Siya ang tunay at nakahihigit na Moises. Siya ang tunay at nakahihigit na panganay na Anak ng Diyos. Siya ang tunay at nakahihigit na Passover Lamb. Siya ang tunay at nakahihigit na tinapay at tubig. Siya ang tunay at nakahihigit na Propeta, Pari at Hari. Siya ang tunay at nakahihigit na Tabernacle. Siya ang tunay at nakahihigit sa lahat para sa atin. Siya ang lahat-lahat sa atin.‌

Ang tanong, ito rin ba ang kuwento ng buhay mo? Ikaw ba ay nakay Cristo, o you are still outside of Christ? Baka nasa Egipto ka pa rin at alipin ng kasalanan? O baka nakay Cristo ka na, malaya na, pero ang kasalanan at idolatry ng Egipto ay nasa puso mo pa rin? Tandaan mo: wala nang ibang makapagbibigay ng kasapatan, kagalakan, at kapahingahan sa puso mo maliban sa Diyos at sa presensya niya na nakay Cristo.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply