Introduction‌

Perfect holiness, perpektong kabanalan ang requirement ng Diyos sa atin. Hindi ‘yan negotiable. “You shall be holy, for I am holy,” sabi ng Panginoon (1 Pet. 1:16; Lev. 11:44). Dahil banal ang Diyos na tumawag sa atin, dapat din tayong magpakabanal sa lahat ng bahagi ng buhay natin, as in lahat (1 Pet. 1:15). Hindi pwedeng kontrahin ng Diyos ang sarili niyang perpektong karakter. Kung kokontrahin niya at babaguhin niya ang standard niya, hindi na siya magiging Diyos. Hindi ito parang bibili ka sa palengke. Kapag namahalan ka, tatawad ka, “Pwede po bang bawasan ng singkwenta pesos?” Hindi pwedeng bawasan ng Diyos ang requirement niya. Hindi rin ito parang grading sa eskwelahan. Na kapag bumagsak ka ay pwede ka pa ring pumasa kapag nag-grade ang teacher mo na “grading on a curve.” Ibig sabihin, dahil mababa naman ang grades ng karamihan, ia-adjust niya ngayon ang passing grade. No, we cannot compare ourselves sa iba, at sabihing, “At least, hindi naman ako bagsak na bagsak sa holiness kumpara sa iba na ubod ng sama.” Hindi pwedeng ikumpromiso ng Diyos ang kanyang kabanalan.‌

Fellow sinners, we have a problem, a huge problem. Kapag ganito ang naririnig ng ibang tao, ang gagawin nila ay pipiliin na lang na lumayo sa Diyos. “Kung ganyan pala ang Diyos, ayoko na, ayoko sa kanya. Ang gusto kong Diyos ay yung tatanggapin ako maging sino man ako.” Well, kung pipiliin nating lumayo sa Diyos, kamatayan ang kahahantungan niya. Ang iba naman, ang tendency ay pagtrabahuhang mabuti at sikaping makalapit sa Diyos sa pamamagitan ng sarili nilang pagsisikap o mabubuting gawa. Pero tulad ng napag-aaralan natin sa Exodus, ang paglapit sa banal na presensya ng Diyos ay kamatayan din ang kahahantungan. Bakit hindi sapat ang mabubuting gawa natin para bayaran ang mga kasalanan natin? Sabi sa argumento ni Anselm sa Cor Deus Homo? (Why God Became Man?), anumang gagawin nating mabuti ngayon ay obligasyon natin sa Diyos ngayon, at hindi makakabayad sa utang natin dati, o makakalinis sa karumihan natin.‌

Malaki ang problema natin. So, as we continue our way sa pag-aaral ng mga instructions sa pagpapagawa ng tabernacle sa Exodus 25-31, I hope na makita natin yung bad news-good news-bad news-good news pattern dito.‌

Bad news: hiwalay ang tao sa Diyos dahil sa kasalanan.‌

Good news: gusto ng Diyos na ilapit ang sarili niya sa mga taong makasalanan.‌

Bad news: matutupok ng apoy ng presensya ng Diyos ang mga makasalanan kung hindi sila magtataglay ng kabanalang nire-require ng Diyos.‌

Good news: ang Diyos ang magpo-provide kung ano ang kailangan para diyan.‌

Kaya sa pag-aaral natin ngayon ng chapters 30 at 31, titingnan natin kung paano ipinagkakaloob ng Diyos sa atin kung ano ang kinakailangan para matupad kung ano ang gusto niya—ang manirahan ang banal na Diyos sa piling ng mga makasalanan. Titingnan muna natin, una, kung ano ang nais ng Diyos sa tabernacle bilang “tirahan” ng Diyos para ito ay maging isang “holy place.” Ikalawa, makikita natin sa chapter 30, kung paano inihahanda ng Diyos ang kanyang bayan, sa pangunguna ng mga pari, para maging “holy people for God’s holy place.” Ikatlo, sa unang bahagi ng chapter 31, titingnan natin kung paano kumilos ang Diyos para sa “holy work” na kailangang gawin “for God’s holy place.” At panghuli, sa huling bahagi ng chapter 31, titingnan natin kung paanong ang Sabbath ay “holy rest” na gusto ng Diyos na ma-enjoy natin “in God’s holy place.”

‌I. Tabernacle (God’s Dwelling Place) as a Holy Place (Ex 25-31)‌

Bago tayo mag-dive in sa text natin, alalahanin muna natin ang big picture perspective kung bakit gusto ng Diyos na gumawa ang mga Israelita ng tabernacle para sa kanya. This is important kasi seven chapters ang nakalaan sa mga instructions tungkol dito (chap. 25-31), plus six chapters pa tungkol sa detalye ng paggawa nito (chap. 35-40). Ano ang gusto ng Diyos na mangyari? Sabi niya kay Moises, “Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila” (Ex 25:8); “Gagawin kong sagrado ang Toldang Tipanan…Ako’y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila. Makikilala nilang ako si Yahweh, ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Maninirahan akong kasama nila; ako si Yahweh, ang kanilang Diyos” (Ex 29:44-46). Ang layunin ng Diyos sa pagliligtas sa kanila ay para makilala nila ang Diyos, para maging malapit sila sa Diyos, para magkaroon sila ng mainit na relasyon sa Diyos. Parang nasa isang bahay, parang isang pamilya.‌

Pero para mangyari yun, kinakailangang ang pagkakagawa ng tabernacle at anumang kasangkapang gagamitin dito ay sumasalamin sa kabanalang taglay ng Diyos. Kaya nga ang salitang “holy” o “banal” (Heb. qodesh/qadash) ay 39 times na binanggit sa 29 verses sa pitong chapters na ‘to. Para paulit-ulit na tukuyin ang holy place, most holy place, holy garments para sa mga holy priests, holy things, holy gifts, holy sacrifice, holy incense, holy anointing oil, at holy day. Sagrado ang tabernacle at lahat ng nakaugnay rito dahil banal ang Diyos na titira dito. Kailangan nilang gumawa ng bahay na “fit” o “akma” sa isang banal na Hari. Hindi pwedeng ordinaryo lang, hindi pwedeng basta-basta lang.‌

Paano mangyayari ang gusto ng Diyos? Sagot: sa pamamagitan ng kanyang mga salita. “Sinabi ni Yahweh kay Moises…” (Ex 25:1), ‘yan ang bungad ng section na ‘to. At ito “sinabi ni Yahweh kay Moises” ay limang beses pa nating makikita sa teksto natin (Ex 30:11; 30:17; 30:22; 31:1, 12). Kapag nagsalita ang Diyos, makapangyarihan ‘yan. Sinabi niya sa creation story, “Let there be light,” at nagkaroon nga ng liwanag. At ito nga ang mangyayari, kung ano ang sinabi ng Diyos. Bukod sa powerful ang salita ng Diyos, ito rin ay gracious words from God. Natural sa atin na kapag “law” o “utos” ng Diyos ang pinag-uusapan, para bang hindi “grace” o salungat sa “grace.” Pero paano kung wala itong revelation ng Diyos kung ano ang kailangan nilang gawin para makalapit sila sa Diyos? Hindi nila malalaman. We are all hopeless and helpless without God’s words. Paano kung hindi nagbigay ng instructions ang Diyos? “Negative” ba ang dating sa atin ng mga utos? Pero paano kung wala? Tulad ng reseta ng doctor. Kung malala ang sakit mo, tapos sabihin sa ‘yo ng doctor, “Bahala ka na kung ano ang gusto mong gawin. Kung ano ang nasa puso mo, yun ang sundin mo.” Ano ang mangyayari? Lalala ang sakit mo, at eventually, mamamatay ka. Gracious words from God lahat ng ito. Kasi makikita natin mamaya na kapag hindi nila ginawa ang ipinapagawa ng Diyos, mapapahamak sila (Ex 30:12), mamamatay sila (Ex 30:20-21; 31:15). Ang mga salitang ito ng Diyos ay ibinigay sa kanila, reseta ng Diyos sa kanila, para hindi sila mamatay.

‌II. Holy People in God’s Holy Place (Ex 30)‌

So, may kailangang gawin para sila ay maging “holy people” in God’s holy place. Ito ang pangalawa, at titingnan natin sa buong chapter 30 ang mga iba pang instructions na ibinigay ng Diyos kay Moises tungkol dito. Sa chapters 25-27 ay nakita na natin ang mga instructions tungkol sa pagpapagawa ng tabernacle, at yung mga kasangkapang ilalagay sa loob. Yung ark of the covenant sa Most Holy Place. Yung lampstand at table for bread sa Holy Place. Pero meron pang isa diyan, yung altar of incense na nakasulat dito sa first ten verses ng chapter 30.

‌A. The Altar of Incense (Ex 30:1-10)‌

Ito yung “altar na gawa sa akasya na sunugan ng insenso” (v. 1). Halos isang metro ang taas nito, at kwadradong kalahating metro ang haba at luwang (v. 2). Ang apat na sulok nito ay may horns o sungay, at nababalot ng purong ginto, na may lalagyan din ng poles na balot din ng ginto para sa pagtransport nito (vv. 2-5). “Pagkayari, ilagay ito sa labas ng kurtina ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Dito ko kayo tatagpuin” (v. 6). Ang insensong susunugin dito ay sumisimbolo sa mga panalangin nila na umaabot sa Diyos, at papakinggan ng Diyos. Tulad sa prayer ni David: “Sa iyo, O Yahweh, ako’y dumadalangin; sa aking pagtawag, ako sana’y dinggin. Ang aking dalangin sana’y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso; itong pagtaas ng mga kamay ko” (Ps 141:1-2).‌

Ang mga legitimate priests lang ang pwedeng magsunog ng insenso, representing the prayers of the people. At dito sa mismong incense altar sa tabernacle, high priest lang ang pwedeng gumawa (Stuart, Exodus, 633). Trabaho ng punong pari na magsunog dito ng insenso dalawang beses sa isang araw, isa sa umaga, isa sa gabi bago sindihan ang ilawan (Ex 30:7-8). May mahigpit na bilin ang Diyos na hindi pwede ang “unauthorized fire”: “Huwag kayong magsusunog dito ng insensong iba sa iniuutos ko. Huwag din kayong magdadala rito ng handog na susunugin, maging hayop, pagkaing butil o inumin” (v. 9)—isang utos na nilabag ng mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu later on, na ikinamatay naman nila. Dahil “gumamit sila ng apoy na hindi nararapat, sapagkat hindi ito iyong iniutos sa kanila ni Yahweh. Kaya’t mula kay Yahweh ay lumabas ang apoy at tinupok sila” (Lev. 10:1-2). Hindi makapagsalita si Aaron sa nangyari. Ipinaliwanag sa kanya ni Moises kung bakit ganun ang nangyari: “Ito ang kahulugan ng sinabi ni Yahweh: ‘Dapat akong kilalaning banal ng sinumang lumalapit sa akin at dapat akong parangalan sa harapan ng mga tao’” (v. 3).‌

Ibinigay ng Diyos ang mga utos na ito para hindi sila mamatay, na siya namang mangyayari kung hindi nila susundin. Pero ang nasa puso ng Diyos ay mabuhay sila sa halip na mamatay. Kaya nga isa sa duty ng high priest ang maghandog taun-taon sa Day of Atonement o Yom Kippur: “Minsan isang taon, gaganapin ni Aaron ang seremonya sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang apat na tulis ng altar ay papahiran ng dugo ng hayop na handog para sa kasalanan. Gawin ninyo ito habang panahon. Ang altar na ito’y ganap na sagrado at nakalaan kay Yahweh” (Ex 30:10). Ang ilan pang detalye ng panghahandog na ito ay nakasulat sa Leviticus 16.‌

Sinabi ng Diyos na gagawin nila ito taun-taon “habang panahon” (Ex 30:10). Ibig sabihin, hanggang sa pagdating ng higit na katuparan ng lahat ng ito sa pagdating ni Cristo. Siya ang ating punong pari na inihandog ang kanyang sarili sa krus bilang atoning sacrifice para mapatawad ang ating mga kasalanan. At bilang high priest, hindi lang siya naghandog ng sacrifice. Namatay siya, muling nabuhay, at “ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin” (Rom 8:34). Siya rin ay nananalangin para sa atin, at ang kanyang mga panalangin ay masamyong insenso na umaabot sa ating Ama sa langit. At ‘yan ang dahilan kung bakit kapag nagpe-pray tayo ay laging “in Jesus’ name.” Tatanggapin ng Diyos ang insenso ng mga panalangin natin (Rev 5:8; 8:3-4) hindi dahil madalas kang magsimba o masipag ka sa ministry. Kapag sinabi nating “in Jesus’ name” kinikilala natin na ang sagot ng Diyos sa mga panalangin natin ay hindi dahil sa sarili nating gawa kundi dahil kay Cristo. Tayo ay “holy people” na katanggap-tanggap sa Diyos dahil sa sakripisyo at insenso na inialay ni Cristo on our behalf.

‌B. The Census Tax (Ex 30:11-16)‌

Yung instructions naman sa verses 11-16 ay occasional lang, gagawin lang nila kapag gagawa sila ng census. Merong iba’t ibang purposes ang census, pero sa panahon nila, most likely ay para ito sa paghahanda sa giyera. May mga census na sinabi ng Diyos na gawin nila, like sa book of Numbers. Pero may mga occasions naman na hindi. Naalala n’yo yung census na ginawa ni David sa 2 Samuel 24? Kaya kung gagawa man sila ng census, heto muna ang dapat nilang gawin: “bawat isa’y hingan mo ng pantubos sa kanilang buhay. Ihahandog nila ito sa akin para walang kapahamakang umabot sa kanila (AB, upang huwag magkaroon ng salot) habang ginagawa ang sensus” (v. 12). Ang “ransom” na ibabayad ay “half-shekel” sa currency nila, para lang sa mga 20 years old upward, mga able to go to war ‘yan, at fixed amount ‘yan mahirap man o mayaman (vv. 13-15). Hindi kalakihang halaga, hindi rin naman maliit na halaga. Nakalagay ito dito dahil ang mga malilikom na halaga ay gagamitin sa mga kailangan sa tabernacle (bukod sa freewill offerings sa Ex 25:2-7), at “ang halagang ibibigay nila’y pantubos ng kanilang buhay, at sa pamamagitan nito, maaalala ko ang mga Israelita” (v. 16).‌

“Maaalala ko.” Hindi dahil makakalimutin ang Diyos, kundi dahil sa covenant commitment ng Diyos sa kanila. Ang covenant ng Diyos sa kanila ay ang commitment ng Diyos para sa buhay nila. Ang “ransom” na ‘to ay hindi parang mga indulgences na bayad para makuha ang pabor ng Diyos. It is also to communicate na meron silang mga personal na obligasyon at hindi lang ang mga pari ang kailangang gumawa para sa kanila. At kung hindi nila ito gagawin, mapapahamak sila. Again, merong provision ang Diyos para mabuhay sila sa halip na mamatay.‌

Wala naman talagang “ransom” na sasapat para ipambayad sa obligasyon natin sa Diyos. “Walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan, kahit magbayad pa siya sa Dios. Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay; hindi sapat ang anumang pambayad upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman, at hindi na mamatay” (Ps 49:7-9ASD). Si Cristo lang ang sapat na ransom na pambayad para sa buhay natin (Mark 10:45). Ang ransom na ipinambayad sa atin ay hindi pilak o ginto, but “the precious blood of Christ” (1 Pet 1:18-19). Wala ka nang kailangang bayaran. Bayad na. Hindi mo rin kailangang tumanaw ng “utang na loob” sa Diyos. Wala ka na ngang utang. Ang kailangan nating gawin ay patuloy na magtiwala sa kasapatan ng ginawa ni Cristo sa krus para sa atin, at “ialay [ang ating] sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos,” hindi bilang dagdag na pambayad bilang “karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos” (Rom 12:1).

‌C. Bronze Basin (Ex 30:17-21)‌

Ang sumunod naman ay ang pagpapagawa ng “bronze basin” sa verses 17-21. Again, tungkol pa rin ito sa provision ng Diyos kung paano sila magiging “holy people in God’s holy place,” partikular ang mga pari na representative nila. Isa itong “palanggana” na nakalagay sa labas ng tent, sa loob ng courtyard, at nasa pagitan ng tent at ng bronze altar para sa mga burnt offerings. Lalagyan ito ng tubig (v. 18) at gagamitin ito ng mga pari “sa paghuhugas ng kanilang paa’t kamay” (v. 19). Siyempre mahalaga ang hygiene, na malinis palagi ang mga kamay natin. Pero hindi lang naman ito ibig sabihin na kapag marumi ang kamay nila ay nako-contaminate ng germs o virus ang tabernacle. Higit pa dun siyempre ay ang kino-communicate na dapat malinis o banal hindi lang externally but more so internally ang lalapit sa Diyos. Kailangan nilang maghugas, hindi lang para hindi sila magkasakit, kundi dahil “kung hindi, sila’y mamamatay.” Kailangang gawin “upang hindi sila mamatay” (vv. 20-21). Bakit hindi ka maghuhugas ng kamay kung ganun! This is serious, a matter of life and death para sa kanila.‌

Hindi ito suggestion lang o recommendation lang, na para bang good practice kung gagawin mo, at kung ayaw mo naman ay bahala ka. No. Ito’y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon” (v. 20). Na masabi nila sa kanilang pagsamba, “Kamay ko’y malinis pagkat ako’y walang kasalanan, ako’y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar” (Ps 26:6). “Bawat henerasyon ay kailangang maunawaan ang purity o kalinisan: na ang kabanalan ng Diyos ay hindi isang bagay na pwede mong balewalain lang at na ang isang banal na Diyos ay nagde-demand na lahat ng lalapit sa kanya ay kinakailangang malinis” (Stuart, 642).‌

Paano ngayon tayo makakalapit sa Diyos kung kailangang ang lalapit sa kanya ay yung mga “may malilinis na kamay at may pusong dalisay” (Ps 24:4 AB), samantalang alam nating tayong lahat ay may maruming kamay, maruming bibig, maruming paa, maruming katawan, maruming puso? Hindi natin kayang linisin ang sarili natin, pero nilinis tayo sa pamamagitan ng dugo ni Cristo (1 Pet 1:2). Ito naman ang katuparan ng new covenant na lilinisin tayo ng Diyos (Ezek 36:25). Dati marumi tayo. “But you were washed, you were sanctified, you were justified in the name of the Lord Jesus Christ and by the Spirit of our God” (1 Cor 6:11). “Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan” (Heb 10:22). Alalahanin mo na ito ang ibig sabihin nang bautismuhan ka sa tubig, na nilinis na ang lahat ng iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan ni Jesus (Acts 22:16). Ang kabanalang nire-require ng Diyos sa ‘yo ay ang kabanalang siya rin ang nagbigay sa ‘yo.

‌D. Anointing Oil (Ex 30:22-33) and Incense (Ex 30:34-38)‌

Ang huling bahagi ng chapter 30 ay mga instructions sa paggawa ng anointing oil at incense na gagamitin. May mga instructions tungkol sa mga spices na gagamitin para sa paggawa ng anointing oil (vv. 22-24). Ito ay “sacred anointing oil…holy anointing oil” (v. 25). At gagamiting “pampahid upang maging sagrado” ang tabernacle at ang mga gamit sa loob nito (vv. 26-28). “You shall consecrate them, that they may be most holy. Whatever touches them will become holy” (v. 29). Pagkatapos, ang mga pari naman ang bubuhusan ng langis para sa consecration nila (v. 30), na nakita natin sa chapter 29. “Sabihin mo sa mga Israelita na ang langis na ito’y banal at siya ninyong gagamitin habang panahon” (v. 31). Dahil banal ito, dapat itong igalang at hindi pwedeng gamitin sa ordinaryong tao o gawain (v. 32). Ang sinumang lumabag dito ay “ititiwalag” (v. 33). Ganyan din ang parusa tungkol sa paglabag sa paggamit ng insenso (v. 38). Meron ding recipe at step-by-step guide kung paano ito gawin (vv. 34-36). Ito ay “pure and holy…it shall be most holy for you” (vv. 35, 36). Hindi rin pwedeng gamitin sa ordinaryong gawain. “Aariin ninyong ito’y bukod-tangi para kay Yahweh” (v. 37).‌

Kung tutuusin, ordinaryong gamit naman lahat ang nasa tabernacle, pati mga pari ay ordinaryong tao lang din, pero naging extraordinary o sagrado dahil sa presensya ng Diyos. Kaya yung anointing ay nag-iindicate na ang mga bagay at mga taong ito ay hindi na ordinaryo kundi sagrado na dahil itinalaga ng Diyos para sa kanyang sarili. At kung tayo ay nakay Cristo—Christ, meaning ‘anointed one’—there are no more ordinary Christians! Yes, ordinaryong tao pa rin tayo. Pero ang ibig kong sabihin, ‘wag nating isipin na ang mga pastor ang ituring na espesyal at sagrado. Na para bang kami lang ang mga “anointed”! Tayong lahat na nakay Cristo ay mga ordinaryong tao na ginawang extraordinary o sagrado dahil sa anointing na meron tayo sa pakikipag-isa kay Cristo, through the Holy Spirit. Hindi ba’t “santo” ang tawag ni Pablo sa lahat ng mga Kristiyano? “God…has anointed us” (2 Cor. 1:21-22). “You have been anointed by the Holy One” (1 John 2:20).‌

Ang anointing na kailangan natin para maging sagrado ay hindi dahil sa sarili nating pagsisikap, kundi dahil ibinigay ito ng Diyos sa atin through Christ by the Holy Spirit. At dahil dito, magbabago ang tingin mo sa ibang tao at sa sarili mo. Hindi mo pwedeng ismolin ang ibang Kristiyano. Hindi rin naman laging humility kapag sinasabi mong “ordinaryo” lang ako, baka nagiging excuse lang para iwasan mong gawin ang ipinapagawa ng Diyos. Hindi rin laging kayabangan na sabihing “I am extraordinary” kung alam mong totoo ‘yan dahil nasa ‘yo ang Holy Spirit, and that Spirit is no ordinary Spirit.

‌III. Holy Work for God’s Holy Place (Ex 31:1-11)‌

So far, natutunan natin sa chapter 30 na tayong mga Kristiyano, dahil sa gawa ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo at ng Banal na Espiritu, ay “holy people”—banal, sagrado, espesyal, extraordinary. Malaki ang implication nito sa ministry. Ang isa na ay yung dapat nating ma-realize na hindi na tayo pwedeng gumawa ng mga excuses kapag may ipinapagawa ang Diyos sa atin: “Hindi ‘yan para sa ‘kin. Hindi ko kaya ‘yan.” At may kinalaman diyan ang susunod nating titingnan, ang unang bahagi ng chapter 31, kung paanong ang “holy work” na nire-require ng Diyos para sa tabernacle at ang lahat ng kailangan para matapos ito ay ang Diyos din ang magbibigay.‌

Siyempre hindi naman kayang gawin ni Moises ang lahat ng kailangang gawin sa construction ng tabernacle, hindi rin naman pwedeng kung sinu-sinong volunteers lang. Merong mga special skills, artistry, creativity ang kailangan para matapos yun. Kaya sinabi ng Diyos kay Moises,‌ Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur na mula sa lipi ni Juda. Pinuspos ko siya ng aking Espiritu at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. Ginawa ko ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. (vv. 1-5)‌

Ang Diyos ang pumili. Ang Diyos ang tumawag. Ang Diyos ang nagbigay ng kanyang Espiritu para magawa ni Bezalel ang kailangang gawin. Hindi ito katulad ng “filling of the Spirit” sa New Testament. Dito ay nakafocus lang sa special skill na kailangan para magawa ang ipinapagawa ng Diyos para sa tabernacle. At siyempre, hindi niya kayang mag-isa yun. Kaya pinili din niya, in-appoint, si Oholiab para makatulong (v. 6). At hindi lang silang dalawa. Silang dalawa lang ang mangunguna. “Binigyan ko rin ng kakayahan ang ibang mahuhusay na manggagawa upang sila ang gumawa ng lahat ng iniuutos ko sa iyo” (v. 6). Lahat ng kailangan para sa tabernacle, nakasulat ‘yan sa vv. 7-11, na nakadetalye sa chapters 25-30.‌

Maraming kailangang gawin. At kailangang magawa eksakto ayon sa sinasabi ng Diyos. Paano nila magagawa? Hindi sa sarili nilang kakayahan. Tulad ng prayer ni Augustine: “Iutos mo ang nais mo, at ipagkaloob mo sa amin kung ano ang iniuutos mo.” Ang Diyos ang nag-uutos, ang Diyos din ang nagbibigay ng kakayahan para masunod ang utos niya. “According to all that I have commanded you (Moses), they (able men) shall do” (v. 11). Magagawa nila, at nagawa nga nila, ang “holy work” na kailangan para sa holy place, ang tabernacle, dahil ibinigay sa kanila ng Diyos ang lahat ng kailangan nila.‌

So, ‘wag nating ipapalagay na magagawa natin sa sarili natin na maihanda ang sariling puso natin para maging “tirahan” ng banal na Diyos. Ang Diyos ang nagbigay ng kailangan natin—ang Panginoong Jesu-Cristo para tubusin tayo at ang Banal na Espiritu para linisin ang puso natin. ‘Wag nating ipagpalagay na meron tayong naiambag sa kaligtasang tinanggap natin. Na-born again tayo, sumampalataya kay Cristo, at patuloy na nababago dahil sa pagkilos ng Espiritu. Ganun din sa ministry natin sa church. Maraming kailangang gawin. Imposible sa atin na magawa. Pero magagawa mo ang anumang ministry na nais ng Diyos na gawin mo “gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos” (1 Pet 4:11). Bawat ministry sa church—hindi lang preaching, o public ministry, pati ang pagluluto, paglilinis, pangungumusta—bawat ministry ay holy work, at Diyos ang magbibigay ng kailangan natin para magawa ang lahat ng ito.

‌IV. Holy Rest through God’s Holy Place (Ex 31:12-17)‌

Holy place, holy people in God’s holy place, holy work in God’s holy place, ‘yan ang napag-usapan na natin sa unang tatlong bahagi ng pag-aaral natin ngayon. Ang panghuli naman ay ang “holy rest” na nais ng Diyos na maranasan natin sa pamamagitan ng tabernacle, na nakasulat sa huling bahagi ng chapter 31. Tungkol ito sa Sabbath. Napag-usapan na natin ito sa Exodus 16:23-29. Nasa Ten Commandments din ito sa Exodus 20, at naglaan tayo ng isang sermon para pag-usapan ang tungkol sa Sabbath (Ex 20:8-11). So, hindi ako maglalaan ng mahabang oras ngayon para talakayin ‘yan. I-emphasize ko lang ang ibang points dito.‌

Bakit nandito ang tungkol sa Sabbath sa mga instructions tungkol sa tabernacle? Ang tabernacle ay para sa pagsamba sa Diyos, at ang araw na nakalaan sa pagsamba ay ang araw ng Sabbath. So, kung ang Sabbath ay hindi ma-oobserve properly, hindi magkakaroon ng maayos na pagsamba; ibig sabihin, ang tabernacle ay hindi magagamit nang tama (Stuart, 653). Kaya merong diin na kailangan talaga nilang sundin ang ikaapat na utos. Ang dahilan? “…for this is a sign between me and you throughout your generations, that you may know that I, the LORD (Yahweh), sanctify you” (v. 13). Pansinin mo, “I…sanctify you.” Gusto ng Diyos maging banal sila, holy nation. Pero mangyayari lang yun kung gagawa ang Diyos para ibukod sila, pabanalin sila, gawin silang sagrado. God commands them to be holy. God also grants the grace needed for them to be holy.

‌Kaya merong paulit-ulit na emphasis sa pagiging “holy” ng Sabbath, “holy for you” (v. 14), “solemn rest, holy to the Lord” (v. 15). Holy rest, hindi lang basta magpapahinga, walang gagawin, at magrerelax lang. Inuutusan sila ng Diyos na magpahinga. Kung ayaw nila, “ititiwalag ang sinumang magtrabaho sa araw na ito” (v. 14). Hindi lang yun, “papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon.” Mamili ka, magpapahinga o mamamatay? Although wala namang ganyang parusa sa atin ngayon, pero marami pa rin ang pinapatay ang sarili nila dahil sa kakatrabaho at sa pagpapaliban ng araw ng pagsamba.‌

Itong Sabbath ay gagawin nila “throughout their generations, as a covenant forever…a sign forever” (vv. 16-17). Nakaugat ito sa paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay sa loob ng anim na araw, at sa pagpapahinga na ginawa niya sa ikapitong araw (v. 17). At siyempre, ang higit na katuparan nito ay si Cristo dahil sa kanya lang natin matatagpuan ang tunay na kapahingahan. Christ is “the Sabbath rest for the people of God” (Heb. 4:9). Kaya nga nagtitipon tayo every Sunday, hindi dahil isa itong obligasyon o kabigatan sa atin. Kundi dahil sa pag-alala natin sa natapos nang ginawa ni Cristo para sa atin—sa gospel na inaawit natin, sa preaching na pinapakinggan natin, sa Lord’s Supper natin—nararanasan natin ang espiritwal na kapahingahan na kailangan natin.

‌Conclusion‌

Kung hindi mo matatagpuan ang Sabbath rest kay Cristo, you will die. Sasabihin ng iba, “Malupit naman ang Diyos, hindi lang nag-observe ng Sabbath mamamatay na. Hindi lang nagbigay ng census tax, mamamatay na. Hindi lang naghugas ng kamay, mamamatay na.” Gusto kasing ituro sa atin ng Diyos na ang pagsuway sa kanya, ang pagiging malayo sa Diyos, ang paglayo sa sama-samang pagsamba ng mga anak ng Diyos ay kapahamakan at hindi kapahingahan. Sabi nga sa prayer ni Augustine, “Nilikha mo kami para sa iyong sarili, at ang aming puso ay hindi mapapanatag hangga’t hindi nito nasusumpungan ang kapahingahan sa iyo.”‌

Malapit sa Diyos, kapahingahan. Hiwalay sa Diyos, hindi lang kapaguran, kundi kamatayan. Anong gusto ng Diyos na natutunan natin sa instructions niya sa Exodus 25-31? Ilapit ang kanyang sarili sa atin. Para maranasan natin ang buhay at kapahingahang hinahanap natin. “Pagkatapos na makapagsalita ang Diyos [kay Moises] sa ibabaw ng bundok ng Sinai, kanyang ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng tipan, ang mga tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos” (Ex 31:18). Sulat mismo ng Diyos, sinabi rin niya sa Exodus 24:12. Dalawang tapyas ng bato ng ten commandments. Hindi kalahati sa isa, kalahati sa isa pa. Dalawang kopya ng ten commandments. Standard practice ito sa Near Eastern treaties (Stuart, 656). Ang isang kopya ay para sa Diyos, ang isang kopya ay para sa Israel. Pero parehong kopyang ito ay ilalagay sa loob ng ark of the covenant, na siyang point of contact o koneksyon ng Diyos sa kanyang bayan.‌

Think about the implication of this, para sa kanila at para rin sa atin ngayon. Ang utos ng Diyos ay dapat nilang sundin, pero hindi nila nasunod, hindi nila masusunod. Sa halip na kamatayan ang sapitin nila, makakalapit sila nang buhay sa Diyos. Sa paanong paraan? Dahil ang kabanalang nire-require ng Diyos sa kanila ay ang kabanalang ipinagkaloob din ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng mga detalyadong instructions sa pagpapagawa ng tabernacle. At para sa atin naman ngayon, ano ang matututunan natin sa lahat ng ito? Ang Diyos din ang nagkaloob ng lahat ng kailangan natin para makalapit tayo sa kanya. Ibinigay niya ang kanyang Anak na Tagapagligtas at katuwiran na kailangan natin. Ibinigay niya ang Espiritu Santo na kapangyarihang kailangan natin para sa kabanalan. Ibinigay niya ang bagong pusong kailangan natin. Ibinigay niya ang pananampalatayang kailangan natin. Ibinigay niya ang lakas na kailangan natin sa paglilingkod. Ibinigay niya ang lahat ng kailangan natin. Kaya, tanggapin natin nang may pagtitiwala at pasasalamat ang kabanalan, ang kakayahan, at ang kapahingahang ipinagkaloob niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo. At ang pagtanggap na ‘yan ang ginagawa natin kapag dumadalo tayo sa pagsamba at pinapakinggan ang mga salita niya, at gagawin natin ngayon sa pagtanggap natin ng pagkain at inumin sa Lord’s Supper.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply