Introduction: Saan tayo papunta?
Masaya ang ilan sa atin na naka-graduate this year, high school man o college. Masaya rin ang mga magulang na nakapagpatapos ng kanilang mga anak. Pero alam naman nating hindi pa naman talaga tapos. Kapag nag-graduate ng kinder, gradeschool naman. Pag graduate ng grade school, highschool naman, tapos senior high, tapos college. Pagkatapos? Ano naman? Makapagtrabaho, makaipon, magkapamilya, magkabahay, makapagpatapos ng sariling mga anak. Meron tayong mga goals. At ginagawa natin ang lahat ng dapat gawin para maabot ang goals na yun. Pero baka nagiging short-sighted tayo, o ang naiisip lang natin ay yung pang-araw-araw na dapat gawin, o kaya ay short-term goals lang tulad ng nabanggit ko kanina.
Pero kaninong goals ba yung mga minimithi nating maabot o matapos? Dahil lang ba ‘yan ang expectation sa atin ng pamilya natin o ng mga tao sa paligid natin? O dahil yun ang sarili nating pangarap? Saan ka ba papunta? Sa gusto mong puntahan o sa gusto ng Diyos na puntahan mo? Karaniwan tayo ang nagse-set ng goal sa sarili nating buhay, tapos ay ipagpepray natin na ibless tayo ni Lord, samahan at gabayan papunta dun to make us successful. Hindi ba’t mas tama at mas makakabuti sa atin kung ang Diyos ang magseset ng destinasyon natin, at yun ang pagsisikapan nating marating, na may kumpiyansa na sa bawat bahagi ng paglalakbay natin ay Diyos din naman ang nangakong gagabay sa atin at titiyak na makakarating tayo sa nais niyang patunguhan natin?
Hindi ba’t ganito ang kuwento ng bansang Israel? Ang Diyos ang nagtakda na pupunta sila sa Canaan, sa lupang ipinangako niya simula pa kay Abraham. Kaya nung naalipin sila sa Egipto nang 430 years ay gumawa ang Diyos ng paraan—at mga kamangha-manghang bagay—para mapalaya sila mula sa pagkakaalipin. Ang Diyos ang nakipaglaban sa kanila (Ex. 14:14). “Siya’y isang mandirigma; Yahweh ang kanyang pangalan” (Ex. 15:3). Sa paglabas nila sa Egipto, sa pagsisimula sa paglalakbay sa disyerto, hanggang sa pagkampo nila sa Mount Sinai para tanggapin ang kautusan ng Diyos, ang Diyos ang gumagabay sa kanila. “Sa kanilang paglalakbay araw-gabi, patuloy silang pinapatnubayan ni Yahweh” (Ex. 13:21). Sa pamamagitan ng pillar of cloud sa umaga, pillar of fire naman sa gabi.
Ang presensiya ng Diyos ang dapat na magbigay sa kanila ng lakas ng loob sa kanilang mahabang paglalakbay hanggang makarating sila sa Promised Land. Bagamat natakot sila sa presensiya ng Diyos nang ibigay ng Diyos sa kanila ang Sampung Utos (Ex. 20:18-19), itong nakakatakot na presensiya ng Diyos ang dapat na magbigay ng lakas ng loob sa kanila sa pagharap sa sinumang kaaway o anumang paghihirap na haharapin nila sa paglalakbay nila. Narinig nila ang mismong boses ng Diyos, at ipinarating sa kanila ni Moises ang ilan pang mga utos na nakasulat sa Covenant Code sa (Ex. 20:22-23:19). At karugtong nito, na pagtutuunan natin ng pansin ngayon, ang mga tagubilin ng Diyos na dapat nilang gawin sa kanilang paglalakbay hanggang makarating sila sa destinasyon na itinakda ng Diyos sa kanila. Hindi madali, hindi swabe ang magiging biyahe nila. Kaya ano ang kailangang gawin nila?
May kasabihan nga tayo, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.” Siyempre mahalaga na balik-balikan ang mga himalang ginawa ng Diyos sa pagliligtas sa kanila. Similarly, we also need to remember kung ano ang ginawa ni Cristo sa pagliligtas sa atin. Pero hindi pwedeng hanggang paglingon lang sa nakaraan! Hindi ka naman makakarating sa Baguio kung nakalingon ka lang sa Baliwag. Meron tayong kailangang gawin along the way sa journey natin bilang mga Kristiyano para marating natin ang buhay na itinakda ng Diyos para sa atin. Kaya heto ang mahalagang tanong na dapat nating sagutin mula sa tekstong ito:
Ano ang dapat nating gawin sa paglalakbay? Dalawang bagay lang ang binabanggit dito. Ang isa ay makikita sa verses 20 to 23. Ang ikalawa ay sa verses 24-33.
Pakinggan at sundin ang salita ng Diyos (Exod. 23:20-23)
Ang una, dapat nating pakinggan at sundin ang salita ng Diyos. The whole point ng pagbibigay ng Diyos ng mga utos niya ay para pakinggan siyang mabuti at sundin ang lahat ng sinasabi niya. Sabi ng Diyos sa verse 21, “Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo.” Bakit hindi sinabi ng Diyos na “Papakinggan ninyo ako…” Sino “siya” na dapat nilang pakinggan at sundin?
Sino ang dapat nating pakinggan at sundin? (v. 20)
Ganito kasi ang sabi niya sa naunang verse, “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo” (v. 20). Ang “anghel” ay galing sa Hebrew malak na ang ibig sabihin ay “messenger.” ‘Yan naman talaga ang isang tungkulin ng mga anghel, mensahero ng Diyos. Mysterious itong “angel” na tinutukoy rito. Sinasabi ng iba na ito ay Old Testament appearance ng Anak ng Diyos. Tulad din daw ng commander of the Lord’s army na na-encounter ni Joshua later on (Josh. 5:13-14). Pero “angel of the Lord” din ang nagpakita kay Moises sa burning bush (Exod. 3:2) at “angel of God” yung kasama ng mga Israelita sa simula pa lang ng paglalakbay nila (Exod. 14:19). So, most likely, ito ay tumutukoy sa presensiya mismo ng Diyos na sasama sa Israel. Noong sinabi ng Diyos sa Exodus 33:2, “I will send an angel before you,” sinabi niya later on, “My presence will go with you” (Exod. 33:14). At dito sa text natin sa verse 22, pansinin n’yo, “Kung susundin ninyo siya (ang anghel) at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko (si Yahweh)…” (Exod. 23:22). So, ang ibig sabihin ng “angel” ng Panginoon dito ay ang anghel na si Yahweh mismo. Binibigyang-diin ng Diyos na ang presensiya mismo niya ang kasa-kasama nila. Kaya dapat lang na pakinggan at sundin ang sinasabi ng anghel dahil yun ay pakikinig at pagsunod kay Yahweh mismo.
Ano ang layunin ng salita ng Diyos sa buhay natin? (v. 20)
Kailangan ba natin talaga ang presensiya at salita ng Diyos sa buhay natin? Bakit kailangan ng Israel ang anghel o presensiya ng Diyos sa paglalakbay nila? “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo” (Exod. 23:20). Una, “mangunguna sa inyo.” Para alam nila kung saan sila pupunta. They are to follow God’s lead. Hindi sila ang magsasabi sa Diyos, “Lord, dito kami pupunta. Samahan mo kami.” Ang Diyos ang mangunguna, tayo ang susunod sa kanya kung saan niya sabihin. Ikalawa, “Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay.” Para proteksyunan sila sa mga kaaway nila. Para tiyakin na hindi sila mapapahamak along the way. Ikatlo, “at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo.” Ang Diyos ang magbibigay-katiyakan na ang sinimulan niya ay tatapusin niya. Merong katiyakan sa presensiya at kapangyarihan ng Diyos.
Tayo rin naman. Kailangan natin ang paggabay ng Diyos, ang proteksyon ng Diyos, at ang sovereign presence ng Diyos. Ang Diyos ang naghanda ng daraanan natin, hindi papalya ang kanyang mga plano. Tiyak na tutuparin niya kung ano ang sinabi niya, kung ano ang itinakda niyang mangyari para sa kanyang mga iniligtas. Kung ‘yan pala ang layunin ng salita ng Diyos—para turuan tayo, para sawayin, para ituwid, para sanayin sa daan ng katuwiran (2 Tim. 3:16-17)—bakit hindi tayo makikinig na mabuti kung ano ang sinasabi niya? Mahalagang pakinggan at sundin ang lahat ng sinasabi ng Diyos. Hindi ang sinasabi ng puso mo o sinasabi ng mundo ang susundin mo. Listen to God’s voice. Malaki ang nakasalalay sa pagtugon natin sa salita ng Diyos.
Ano ang kahihinatnan ng tugon natin sa salita ng Diyos? (vv. 21-23)
Paano kung susuway ka sa sasabihin ng Diyos? “Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya’y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya” (Exod. 23:21). Dala ng anghel ang pangalan ng Diyos, “my name is in him.” Siya mismo ang Diyos. Kung hindi ka makikinig sa salita ng Diyos, nagrerebelde ka sa Diyos mismo. Sumusuway ka kasi itinuturing mo na hindi mabuti ang salita ng Diyos, para bang pagkain na isinubo mo pero di mo nagustuhan ang lasa kaya iniluwa mo. Ito ang ibig sabihin ng sola Scriptura, o supreme authority ng Scripture sa buhay natin. Kahit hindi swak sa panlasa mo, kasi may mga bagay na di naman talaga natin matanggap sa puso natin dahil sa kasalanan natin at mas pipiliin pa nating sarili natin ang sundin. Pero kung hindi mo papaniwalaan at hindi mo susundin ang salita ng Diyos, ang Diyos mismo ang hindi mo pinaniniwalaan at hindi mo sinusunod. You neglect the Bible, you neglect God. You don’t spend time sa Bible, sinasabi mo na hindi worthy si Lord of your time.
Heto pa, “hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya.” Ganito ang nangyari sa mga Israelita na namatay sa paglalakbay sa disyerto. Hindi kasi sila nakinig. Oo, mapagpatawad ang Diyos. ‘Yan nga ang good news of the gospel, meron tayong kapatawaran dahil sa ginawa ni Cristo sa krus if we repent of our sins and put our faith in Christ. But you cannot consistently reject God’s word at sa buong buhay mo ay ikaw ang nasusunod and expect God’s forgiveness. Repentance means submitting yourself to God’s Word.
Higit na mainam ang sumunod sa halip na sumuway. Kung susunod sila, ano raw ang kahihinatnan? “Kung susundin ninyo (literally., pakikinggang mabuti) siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway (literally., magiging kaaway ako ng iyong mga kaaway, at kalaban ng iyong mga kalaban, AB). Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hivita at Jebuseo, at sila’y lilipulin ko” (Exod. 23:22-23). Pangako ‘yan ng Diyos sa kanila. Wala silang maaasahang tagumpay kung Diyos mismo ang lalabanan nila. At ganyan ang ginagawa natin kapag sumusuway tayo sa utos ng Diyos, itinuturing natin na Diyos ang kaaway natin. Pero kung sumusunod tayo, itinuturing natin na nasa panig tayo ng Diyos. Kasi alam natin na ang Diyos ang kailangan natin. At kung ang Diyos ang nasa panig natin, sino ang makakalaban sa atin (Rom. 8:31)?
Hindi natin pwedeng paghiwalayin ang pagkapit sa mga pangako ng Diyos at pagsunod sa mga utos niya. Ang pangako ng Diyos ay salita ng Diyos. Ang utos ng Diyos ay salita rin ng Diyos. Parehong precious at crucial ‘yan sa journey natin bilang mga Christians. Pagkamatay ni Moises, pinalitan siya ni Joshua. Bago nila lusubin ang Canaan, ganito ang sabi ng Diyos sa kanya, “Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay” (Josh. 1:8). Hindi prosperity o success na pansamantala lang ang tinutukoy diyan o yung ayon lang sa sarili nating definition kung ano ang maituturing nating sagana at matagumpay na buhay. No. Ang success diyan ay yun pagdating sa destinasyon na itinakda ng Diyos para sa atin. If you neglect God’s Word, don’t expect na mapapabuti ang buhay mo, kahit makagraduate ka with high honors, kahit maging successful businessman ka.
Maaasahan ba ang salita ng Diyos? Nangako siya, tinupad ba niya? Joshua 21:43–45, “Ibinigay nga ni Yahweh sa bayang Israel ang lahat ng lupaing ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Kaya’t nang masakop na nila ang buong lupain, doon na sila nanirahan. Binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa buong lupain, ayon sa ipinangako niya sa kanilang mga ninuno…Tinupad ni Yahweh ang lahat ng ipinangako niya sa sambayanang Israel.” Lahat! Wala siyang sinirang pangako kahit isa (Josh. 23:14). Sigurado ang promised land, ultimately not because of their obedience, paulit-ulit nga silang sumuway sa Diyos, but because of God’s faithfulness.
Nagiging allergic kasi ang ibang “gospel-centered” Christians ngayon kapag obedience ang pinag-uusapan. Akala nila legalism na agad kapag obedience ang emphasis ng sermon, akala nila kontra na agad sa salvation by grace alone through faith alone. Siyempre, alam nating ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng sariling gawa natin o sa kalidad ng pagsunod natin sa utos ng Diyos. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya lamang ng Diyos, through faith in Christ. We have eternal life dahil sa ginawang pagsunod ni Cristo. Pero dapat din nating tandaan na ang saving faith ay isang working and persevering faith. Merong bunga ang tunay na pananampalataya, at biyaya rin ng Diyos kaya tayo nagpapatuloy sa pagsunod, hindi man perpekto, hanggang sa marating natin ang dulo ng takbuhing Kristiyano.
Paglingkuran ang tunay na Diyos lamang, hindi ang mga diyos-diyosan ng mundong ito (Exod. 23:24-33)
Ang tanong na sinasagot natin ay ito: Ano ang dapat nating gawin sa paglalakbay sa buhay Kristiyano? Ang unang sagot na nakita natin sa verses 20 to 23 ay ito: Pakinggan at sundin ang salita ng Diyos. Ang ikalawang sagot ay ang punto ng verses 24 to 33, at ito naman talaga ang layunin ng buong paglalakbay natin: paglingkuran ang tunay na Diyos lamang, hindi ang mga diyos-diyosan ng mundong ito. Malinaw ‘yan sa verse 25, “Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran.” Ang paglalakbay mula sa Egipto patungo sa Lupang Pangako ay hindi lang tungkol sa pagkakaroon ng sariling lupang matitirhan. Ito ay tungkol sa kung sino ang paglilingkuran nila. Dati ay alipin silang naglilingkod sa hari ng Egipto. Ang point ng exodus ay para maging malaya na sila na paglingkuran si Yahweh at si Yahweh lamang, wala nang iba.
We do not serve God na para bang may kailangan siya sa atin. We serve a self-sufficient God. Sabi ni Pablo sa Acts 17:24-25, “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto ay ang Panginoon ng langit at ng lupa, at hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan.” Hindi kailangan ng Diyos ang paglilingkod natin. Naglilingkod tayo sa kanya dahil siya at siya lamang ang karapat-dapat sa pinakamataas nating paglilingkod at pagsamba. Ibig sabihin, kung meron man tayong pinaglilingkuran nang higit pa sa Diyos, iyon ay insulto sa kadakilaan at kasapatan ng Diyos. At itong mga Israelita, pagdating nila sa Canaan, matutukso sila na paglingkuran ang mga diyos ng mga naninirahan doon. Kapag ginawa nila yun, nakakalimutan nila kung para saan pa’t dinala sila ng Diyos sa lugar na yun. Sa buhay rin nating mga Kristiyano, kung ang oras at lakas natin ay inuubos natin sa paglilingkod sa mga bagay sa mundong ito, nakakalimutan natin kung para saan pa’t iniligtas tayo ng Diyos. Para saan nga ba? Para sambahin ang Diyos lamang. Ibig sabihin, dapat natin itong sagutin:
Ano ang dapat nating gawin sa mga diyos-diyosan ng mundong ito? (v. 24)
Sa mundo natin ngayon, ang mga diyos-diyosang sinasamba ay hindi lang yung mga rebultong ukit sa kahoy, kundi lalo na ang pera, materyal na bagay, success, palakpak at paghanga ng mga tao, pagkakaroon ng maraming mga followers at subscribers, at kung anu-ano pa. Ano ang dapat nating gawin? Makiuso? Tularan sila? Sabi ng Diyos sa Israel, “Huwag ninyong yuyukuran o sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan, ni tutularan ang kanilang ginagawa. Durugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan pati mga haliging ginamit nila sa pagsamba” (Exod. 23:24). Hindi tayo dapat makiayon sa takbo ng pag-iisip at pamumuhay ng mundong ito (Rom. 12:2). Dapat din nating layuan ang mga diyos-diyosan (1 John 5:21). Hindi lang ‘wag pansinin, hindi lang takpan, hindi lang ilagay sa tabi o itago na kapag nangailangan tayo ay pwede nating hanapin ulit at paglingkuran. No. “Durugin ninyo,” ang sabi ng Diyos. Sa panahon nila, literal na dudurugin ang mga estatwang sinasamba ng ibang lahi. Sa atin na ang mga idols ay hindi nakikita pero nakatago sa puso natin, ano ang dapat nating gawin? Repent and resolve. Humingi tayo ng tawad sa Diyos dahil ang pinagbubuhusan natin ng atensyon at oras at lakas ay ang mga walang kuwentang diyos kung ikukumpara sa ating Panginoon. And resolve, na wala nang ibang pahahalagahan, wala nang ibang mamahalin, wala nang ibang susundin nang higit sa Diyos.
Anu-anong pagpapala ang kalakip ng paglilingkod sa Diyos? (vv. 25-31)
Nahuhumaling tayo sa diyos-diyosan—sa pera, sa sexual pleasures, sa ibang materyal na bagay, at anumang mabuting bagay na ginagawa nating mas mahalaga sa Diyos—dahil akala natin ay dito natin makukuha ang kasiyahan at tagumpay na hinahanap natin. But we will eventually be disappointed. Higit na pagpapala ang matatanggap natin mula sa Diyos kung ikukumpara sa mga inaakala natin na maibibigay ng mundong ito. Anu-anong pagpapala ang kalakip ng paglilingkod sa Diyos?
Heto ang pangako ng Diyos sa mga Israelita. Una, sagana at mahabang buhay: “Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay” (Exod. 23:25-26). Prosperity, healing, fertility, long life! Parang prosperity theology yata ito ah. Totoo nga! Pag-recognize ito na ang lahat ng blessings na natatanggap natin ay galing sa Diyos. Pero paano kung medyo kinakapos? O kung maysakit na hindi gumagaling? O matagal nang hindi magkaanak? O namatay nang maaga? Ibig sabihin ba may kasalanang hindi pa pinagsisisihan o diyos-diyosang hindi pa dinudurog o kulang pa sa paglilingkod sa Diyos? Maybe. Maybe not. Kumplikado ang buhay. Hindi natin pwedeng lagyan ng formula, na kapag naglingkod ka sa Diyos, yayaman ka at ibibigay ang mga kahilingan mo. Ang punto ng paglilingkod sa Diyos ay hindi makuha ang mga gusto mo, yun nga ang idolatry. Ang goal ng paglilingkod sa Diyos ay ang Diyos mismo.
Ikalawa, tagumpay laban sa kanilang mga kaaway. Binanggit na ‘yan kanina, heto ulit: “Dahil sa gagawin ko, masisindak ang lahat ng haharap sa inyo. Malilito ang mga bansang makakalaban ninyo at magtatakbuhan dahil sa takot. Habang kayo’y papalapit, guguluhin ko ang inyong mga kaaway at palalayasin ko ang mga Hivita, Cananeo at Heteo sa kanilang lupain” (Exod. 23:27-28). Pangako ito ng Diyos na tagumpay na ibibigay sa mga Israelita. Hindi ito garantiya na kapag makikipagdigma ang Pilipinas laban sa China, na kung maraming mga Kristiyanong Pilipino ang naglilingkod sa Diyos, ay magtatagumpay tayo sa giyera. Nope. Pero may garantiya na lahat ng layunin ng Diyos sa buhay natin ay titiyakin ng Diyos na mangyayari. Ang mabuting bagay na sinimulan niya ay tiyak na tatapusin niya (Phil. 1:6).
Pero hindi agad-agad. Mahilig pa naman tayo sa instant, yung mabilisan. We need patience. Ganun din sa pagpasok nila sa Lupang Pangako. Sabi ng Diyos, “Hindi ko muna sila paaalising lahat sa loob ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang hindi dumami ang mga maiilap na hayop. Unti-unti ko silang paaalisin hanggang sa dumami ang inyong mga anak. Ang magiging hangganan ng inyong lupain ay mula sa Dagat na Pula hanggang sa Dagat Mediteraneo, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Eufrates. Ipapalupig ko sa inyo ang mga tagaroon at sila’y inyong palalayasin” (Exod. 23:29-31). Unti-unting papaalisin ng Diyos ang mga kalaban nila. Kailangan tayong matutong maghintay sa katuparan ng mga pangako ang Diyos, at hindi basta-basta akusahan ang Diyos na “unfaithful” siya. Tayo ang madalas na unfaithful. Pero tiyak na tutuparin ng Diyos ang ipinangako niyang gagawin niya.
Kailangan nating matiyagang maghintay. Pero ibig sabihin ba nun na wala na tayong gagawin? “Sila’y inyong palalayasin.” Ibig sabihin, meron silang responsibilidad para matupad ang layunin ng Diyos sa buhay nila. Tayo rin naman ay dapat aktibong nakikipaglaban sa natitira pang kasalanan sa puso natin, at hindi tumitigil sa pagdurog sa mga natitira pang idols sa puso natin habang hinihintay natin ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. So, habang naghihintay tayo…
Ano ang dapat na maging commitment natin sa paglilingkod sa Diyos? (vv. 32-33)
Buong-buo dapat ang commitment natin. Allegiance. Loyalty. Devotion. Exclusive dapat, siya lang, wala nang iba. Kaya balik na naman sa warning tungkol sa idolatry, “Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa kanilang mga diyus-diyosan” (Exod. 3:32). Parang sa covenant sa relasyon ng mag-asawa ng isang lalaki at isang babae. Hindi na dapat ibaling ang paningin at ang damdamin sa ibang lalaki o ibang babae. Ang Israel ay nakipagtipan sa Diyos. That is an exclusive relationship. Walang third party. Walang love triangle. “Love the Lord your God with all your heart.”
Kaya dapat silang mag-ingat sa relasyon nila sa mga unbelievers. Sabi pa ng Diyos, last verse, “Huwag ninyo silang patitirahing kasama ninyo sa lupaing sasakupin ninyo, at baka mahikayat nila kayong magkasala sa akin. Kapag pinaglingkuran ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan, iyon ang magiging simula ng inyong kapahamakan” (Exod. 23:33). Meron siyang promise. Meron din siyang warning. Ang Israel ay kingdom of priests at holy nation (Exod. 19:4-6). Bubukod sila sa ibang bansa para madala nila ang ibang bansa palapit sa Diyos. Kapag nakipagtipan sila sa ibang lahi na sumasamba sa diyos-diyosan, baligtad ang mangyayari. Sila ang malalayo sa Diyos.
Kaya tinawag ni Pablo ang pakikipagrelasyon nang malalim sa mga unbelievers (tulad ng pag-aasawa o simula pa sa boyfriend/girlfriend relationship) na pakikipamatok o being unequally yoked (2 Cor. 6:14-16). Ibig sabihin, pinagpapartner mo o pinagsasama mo ang pagsamba sa Diyos at ang idolatry. Ayaw ito ng Diyos dahil ang layunin niya sa buhay natin ay mailapit ang puso natin sa kanya at maakay ang ibang tao patungo sa kanya, hindi tayo ang magpapatangay sa kanila palayo sa Diyos. Meron ka bang ganyang buong-loob na commitment na gawin ang lahat ng dapat gawin, hiwalayan ang dapat hiwalayan, isuko ang dapat isuko, para lamang makamtan ang higit na mahalaga—walang iba kundi si Cristo?
Biblical Theology: Paanong ang lahat ng ito ay nagtuturo sa atin patungo kay Cristo?
Kung susundan nating mabuti ang trajectory ng kasaysayan ng Israel, masasagot natin ang tanong na ‘to: Paanong ang lahat ng ito ay nagtuturo sa atin patungo kay Cristo? Kay Cristo, dahil kahit alam natin ang sagot sa tanong na ano ang dapat nating gawin sa paglalakbay, alam naman nating hindi natin nagawa ang mga dapat gawin na sinabi ng Diyos. Hindi ba’t mababasa natin sa book of Numbers na noong nakahanda nang ipalusob ng Diyos sa kanila ang Canaan, natakot sila at nagduda sa pangako ng Diyos. Yun ang dahilan kung bakit tumagal pa ng 38 years na nagpaikot-ikot sila sa wilderness. Para parusahan ang henerasyon ng mga hindi nagtiwala sa pangako ng Diyos at hindi sumunod sa kanyang mga utos.
Pagdating naman sa book of Joshua, bagong henerasyon na, nalusob na nila ang Canaan. Unti-unti na napalayas ang mga kaaway nila. Pero hindi nila kinumpleto ang ipinapagawa ng Diyos (Josh 13:13; 23:13; Judg. 1:27-36; 2:21-3:6). Kaya nga naging patibong iyon para sa kanila. Nangako pa sila kay Joshua na wala silang ibang sasambahin maliban kay Yahweh (Josh. 24:16, 21). Pero nang namatay na si Joshua, iniwan nila ang paglilingkod sa Diyos at sumamba kay Baal at sa iba-iba pang mga diyos-diyosan. May utos ang Diyos, hindi nila sinunod. May pangako ang Diyos, hindi nila pinanghawakan. May warning ang Diyos, binalewala nila.
The same could be said about us. May utos ang Diyos, hindi natin pinakinggan. May pangako ang Diyos, hindi natin pinaniwalaan. May warning ang Diyos, nagbingi-bingihan tayo. Buti na lang, hindi lubusang ibinuhos ng Diyos ang kanyang parusa sa atin. Kaya nga ipinadala niya si Cristo na siyang “anghel” ng Diyos para sa atin. Sa kanyang pagdating ay dumating ang presensiya ng Diyos, Emmanuel. May kapatawaran sa mga kasalanan natin, kahit na ilang beses tayong hindi sumunod sa mga utos ng Diyos, dahil sa ginawa ni Cristo sa krus para sa atin. Dahil inako ni Cristo ang lahat ng parusa na nararapat sa ating pagsuway. Kung hanggang ngayon, hindi ka pa rin tumutugon sa mabuting balita ni Cristo, ito ang panahon para sumuko ka sa Diyos, humingi ng tawad sa iyong pagrerebelde sa kanya, at magtiwala sa pangako ng kaligtasan na nakay Cristo. Do you trust in Christ? Handa ka na bang bitawan ang mga idols na kinakapitan mo? At hawakan ang kamay ni Cristo na siyang aakay sa ‘yo tungo sa destinasyon na nais ng Diyos para sa ‘yo—isang buhay na walang hanggan ang kagalakan sa presensiya mismo ng Diyos.
Life Application: Paano tayong mga nakay Cristo ay dapat na mamuhay?
Kung ikaw ay nakay Cristo, ang buhay mo ay nakakabit na sa kanya, paano ngayon tayo dapat na mamuhay? Sino ang papakinggan mo? Ang boses ng puso mo o ang sinasabi ng mga tao sa mundong ito? Pakinggan mo si Cristo. Sabi niya pagkatapos na siya’y mabuhay na muli, at bago siya umakyat sa langit, “All authority in heaven and on earth as been given to me” (Matt. 28:18). Ang awtoridad ng salita ni Cristo ay awtoridad ng Diyos dahil siya ay Diyos mismo.
So, sino ngayon ang magsasabi kung saan ka pupunta? Kung ano ang direksyon ng buhay mo? Kung ano dapat ang misyon at ambisyon mo sa buhay? Hindi ikaw siyempre. Kundi si Cristo. Sabi niya, heto ang misyon mo, “Go therefore and make disciples…” (Matt. 28:19). Ang ilapit ang sarili mo, ang mga anak mo, ang mga kasama natin sa church, at ang mga unbelievers patungo kay Cristo. Yan ba ang goal mo sa buhay? Lahat ba ng ginagawa mo ay may kinalaman diyan? O gusto mo ikaw pa rin ang nasa driver seat at si Cristo ay isang pasahero lang—taga cheer lang sa ‘yo, pampalakas lang ng loob mo?
Si Cristo ang magsasabi kung saan ka pupunta. Anong “lupain” ang pupuntahan natin? “Go therefore and make disciples of all nations…” (Matt. 28:19). Hindi lang isang piraso ng lupa ang pupuntahan natin. Buong mundo! Ang liit ng mga ambisyon natin.
Ikaw, ako, ang trabaho natin ay sumunod sa sinasabi niya. Oo, may mga panahon na mahirap. Mag-iistruggle tayo. Meron tayong mas gustong gawin kaysa sa ipinapagawa ng Diyos. Meron tayong sariling mga pangarap sa buhay. Pero kapag si Cristo ang paglilingkuran natin, heto ang pangako niya, “And behold, I am with you always, to the end of the age” (Matt. 28:20). Siya ang sasama sa atin. Titiyakin niya na ang buong mundo ay maaabot ng mabuting balita ni Cristo, sa pamamagitan mo, sa pamamagitan ko, sa pamamagitan ng church natin, sa pamamagitan ng libo-libong mga churches sa buong mundo. And then, “the end will come” (Matt. 24:14). Babalik si Cristo. Makikita natin siya nang mukhaan. At ‘yan naman ang pinaka-destinasyon na patutunguhan nating lahat na nakay Cristo. Si Cristo ang pinakapunto ng lahat ng paglilingkod at pagpapagal na ginagawa natin. Christ alone—hindi ang mga idols sa puso natin—is worthy of our exclusive service and devotion.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

