Sermon Video
Sermon audio
Introduction
Itutuloy natin ngayon ang pakikinig sa mga inuutos ng Diyos sa Israel na nakasulat sa tinatawag na Book of the Covenant (Exod. 20:22-23:19)—kung ano ang dapat nilang gawin, ano ang hindi dapat gawin, at ano ang gagawin sa isang partikular na sitwasyon. In a sense, mas detalyado itong application ng Ten Commandments para sa kanila. Ang problema, ang mga utos na nakapaloob dito ay direktang sinabi sa Israel sa panahong nasa Mount Sinai na sila, pagkatapos na sila ay makalaya sa pagkakaalipin sa Egipto, at bago sila pumunta sa Canaan na lupang ipinangako ng Diyos sa kanila. Hindi ito direktang iniutos sa atin ng Diyos. Kaya isang karaniwang nagiging response ng mga Kristiyano sa mga utos na ito ay balewalain o isantabi na lang. Hindi naman pala para sa atin, so bakit pa natin babasahin? Lalo na kapag nakabasa tayo ng mga utos na tulad nito: “Kaya huwag kayong kakain ng karne ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop” (22:31). E ano naman ang problema dun? At heto pa: “Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina” (23:19). Ano ‘yan?
Hindi man natin maintindihan nang lubos ngayon, pero yung mga Israelita noon ay alam kung ano ang tinutukoy diyan ng Diyos. Minsan naman kasi, tamad lang talaga tayong mag-aral. Hindi lang natin agad naintindihan sinukuan na agad natin. E bakit sa mga research projects sa school o assignments na ibinigay ng supervisor mo sa trabaho, hindi ba’t pinaglalaanan mo ng panahon para pag-aralan? How much more kung Salita ng Diyos ang pinag-aaralan natin at sinasabi nating maging itong bahaging ito ng Old Testament ay Salita rin ng Diyos para sa atin?
Ano talaga ang problema natin sa pagtingin sa mga utos ng Diyos sa Old Testament? Sa tingin ko, hindi lang ito dahil tingin natin ay irrelevant ito o kaya ay boring o kaya ay parang walang sense o malupit pa nga in some cases. Ang problema talaga sa puso natin ay ang disobedience o pagsuway, na kung makakaiwas tayo sa mga utos ng Diyos ay gagawin natin. Sa pagsuway natin sa Diyos, at sa kawalan ng desire sa puso natin na sumunod sa kalooban niya, nabibigo tayong i-reflect ang karakter ng Diyos sa buhay natin bilang mga nilikha sa kanyang larawan (Gen. 1:26), at iniligtas para ipakita kung sino ang Diyos sa buhay natin (Col. 3:10). Paano natin masasalamin ang karakter ng Diyos sa buhay natin kung hindi natin kilala ang Diyos? At paano natin makikilala ang Diyos kung hindi natin siya kikilalanin sa kanyang Salita? At ito ang isang pakinabang sa atin ng pag-aaral mabuti ng mga utos ng Diyos. Bakit? Dahil ang mga utos ng Diyos ay sumasalamin sa karakter ng Diyos na nagbigay nito. The law reveals the character of the Lawgiver.
Malayo ang mararating natin sa pag-aaral ng mga utos ng Diyos, at mas mamo-motivate tayo na tingnan ang bahaging ito ng Bibliya kung ganito ang “mindset” natin: “Gusto kong mas makilala pa ang Diyos. Paano siya nagpapakilala sa mga utos na ‘to?” With that perspective, pakinggan nating mabuti, at unawaing mabuti, ang mga sinasabi ng Diyos dito.
Natapos na natin last week ang Exodus 20:22-22:20. Ngayon naman ay ang kasunod nito, 22:21-23:19. Tulad ng nakita natin last time, mapapansin din nating sa bahaging ito ay merong salitan na pagtalakay sa mga utos ng Diyos na may kinalaman sa relasyon natin sa ibang tao, pagkatapos ay sa relasyon naman natin sa Diyos, at balik na naman sa relasyon natin sa kapwa natin, at sa dulo ay tungkol na naman sa pagsamba sa Diyos. Remember the two greatest commandments, love God and love your neighbor. ‘Yan ang summary ng mga utos ng Diyos. Hindi natin pwedeng paghiwalayin ang relasyon natin sa Diyos sa relasyon sa ibang tao na nilikha rin sa larawan ng Diyos. Hindi natin pwedeng paghiwalayin ang ginagawa natin kapag Linggo sa ginagawa natin mula Lunes hanggang Sabado. Ang mga utos ng Diyos na nakapaloob dito ay may kinalaman sa bawat bahagi ng buhay natin. Siya ang Diyos at Hari ng bawat bahagi ng buhay natin. Siya ang masusunod sa lahat.
At para mas makasunod tayo sa kanya, kapag pinag-aaralan natin ang mga utos niya sa Israel, sagutin natin hindi lang yung tanong na “Ano ang gusto ng Diyos na gawin natin?” kundi mas lalo na ito: “Paano nagpapakilala ang Diyos sa mga utos na ito?”
I. Pagmamahal sa Kapwa (Exod. 22:21-28)
Unahin natin ang tungkol sa paano natin pakikitunguhan ang kapwa natin, lalo na yung mga karaniwang naaagrabyado at mas nangangailangan ng tulong, at yun ding nasa posisyon para makatulong. Sa verse 21 ay nakasulat ang tungkol sa tamang pagtrato sa mga dayuhan o mga non-Israelites na maninirahan sa kanila, “Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan; alalahanin ninyong naging dayuhan din kayo sa Egipto” (22:21). Siyempre ang mga dayuhan ay mas kakaunti ang karapatan kaysa sa mga locals. Pero hindi ibig sabihing may karapatan ang mga Israelita na apihin sila na para bang mas superior ang lahi nila kaysa sa iba. Ang utos na ito ay against sa racism o pagpapahalaga nang higit sa sarili nating mga kababayan at mababang pagtingin sa ibang kultura o lahi. Kung Tagalog ka, nilalait mo ba ang mga Bisaya o mga Muslim? Ano raw ang motive bakit hindi nila dapat apihin ang mga dayuhan? Kasi, ganyan din sila dati noong nandun sila sa Egipto. Inapi sila doon, bakit nila tutularan ang ginawa sa kanilang masama?
Ang sumunod naman, sa verses 22 to 24, ay tungkol sa mga biyuda at mga ulila, “Huwag din ninyong aapihin ang mga balo at ang mga ulila” (v. 22). Helpless na nga sila dahil wala silang asawa, o walang magulang na magtatanggol sa kanila. Sino pa ang tutulong sa kanila? To motivate them para sumunod sa utos na ‘to, nagbigay ang Diyos ng warning na papanigan niya ang mga inaapi laban sa mga nang-aapi. “Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, tiyak na papakinggan ko sila. Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo’y mabibiyuda rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak” (vv. 23-24). Di ba’t ganito ang ginawa ng Diyos sa Egipto na nang-api sa kanila? Gusto ba nilang matulad sila sa sinapit ng mga umapi sa kanila? Paano nagpapakilala ang Diyos dito? Malapit ang puso ng Diyos sa mga nagdurusa: “a father to the fatherless and protector of widows” (Psa. 68:5). Pinakikinggan niya ang kanilang mga daing. “Ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya’y paghihintayin niya nang matagal” (Luke 18:7). Sa kabilang banda naman, malupit din ang Diyos—righteously and justly siyempre—sa mga nang-aapi at nagmamalupit lalo na sa mga taong walang kalaban-laban.
Ang sumunod naman ay tungkol sa mga mahihirap, verses 25 to 27. Ang isang immediate application nito sa atin ay sa pagtulong sa mga kapatid nating naghihirap. Sinabi ng Diyos na ang mga mahihirap na ito ay “my people” (v. 25). Sabi naman ni Paul, “Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya” (Gal. 6:10). Kaya dito sa text natin, sinabi ng Diyos na kapag pinautang natin ang kapatid natin, ‘wag daw tayong magpapatubo. O kung isanla ang balabal niya, ay isosoli din agad kasi nga kailangang-kailangan niya yun. Wag daw tayo umasta na para tayong bangko na nagpapa-loan o pawnshop o financial institution na sasamantalahin ang kalagayan ng iba para pagkakitaan. Pwede ka naman mag-business ng ganyan. Pero ‘pag sa loob ng church, ibang usapan yun. Meron tayong commitment na tulungan ang bawat isa. Kaya hangga’t maaari, wag tayong mag-uutangan, maliban lang kung kailangang-kailangan talaga. Kung kayang ibigay na lang ang tulong sa abot ng makakaya natin, ibigay natin. At kung magpautang man, wag gawing hadlang ito sa relasyon ninyo. Sabi ng Panginoong Jesus, “Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran” (Luke 6:35). Heto ang sabi ng Diyos sa dulo ng verse 27, “Kapag siya’y dumaing sa akin, papakinggan ko siya sapagkat ako’y mahabagin.” Mahabagin ang Diyos, so instead na pagsamantalahan ang kalagayan ng iba, we reflect the compassion of God in helping those in need. Nasasalamin mo ba ang pagkamahabagin ng Diyos sa mga kapatid nating naghihirap?
Sa verse 28 naman ay makikita natin ang isang utos na parehong tungkol sa Diyos at tungkol sa kapwa, in this case ay sa isang pinuno o ruler, “Huwag ninyong lalapastanganin ang Diyos ni mumurahin ang mga pinuno ng inyong bayan.” Kita mo, ang pagtrato natin sa ibang tao ay hindi pwedeng ihiwalay sa pagtrato natin sa Diyos. Di naman natin mumurahin nang tahasan ang pangalan ng Diyos. Pero paano kung ang mga government leaders naman ang pagsasalitaan natin ng masama? Pwedeng mag-criticize, pero hindi sa point na wala nang paggalang sa authority na meron sila kahit pa feeling natin ay hindi sila deserving. Kahit na, God-ordained pa rin ang authority na meron sila bilang mga namamahala sa atin. Applicable din ito sa paggalang natin sa awtoridad na bigay ng Diyos sa mga parents natin at sa mga church leaders. “Obey your leaders and submit to them” (Heb. 13:17). Ito ay isang paraan ng pagsunod sa Diyos at pagkilala sa awtoridad ng Diyos sa buhay natin.
Ang point nitong unang bahagi ay ito: Mababa o mataas man ang katayuan sa lipunan ng isang tao, kasama pa rin ‘yan sa “kapwa” na dapat nating mahalin, lalo na ang mga kapamilya natin sa pananampalataya.
II. Pagsamba sa Diyos (Exod. 22:29-31)
Ang natitirang three verses sa Exodus 22 ay tungkol sa pagmamahal sa Diyos, particularly tungkol sa paghahandog sa Diyos bilang pagsamba sa kanya. Ang una ay ang tungkol sa paghahandog ng kanilang mga ani, “from the fullness…from the outflow…” (v. 29a), na nag-iindicate na sagana at nag-uumapaw ang pagpapala ng Diyos. Ang ibibigay natin ay in proportion sa kasaganaan ng pagpapala niya. Our giving reflects not our generosity but God’s overflowing grace sa atin.
Ang sumunod naman ay ang paghahandog ng panganay na anak na lalaki, “Ihahandog ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki” (v. 29b). Napag-aralan na natin ito sa Exodus 13. At binanggit ko noon na hindi ito tungkol sa “child dedication” na karaniwang ginagawa sa ibang churches, pero sa atin ay hindi na ngayon. Ang paghahandog na ito ay nagpapaalala na ang Diyos ang may-ari sa Israel bilang kanyang firstborn. At sa halip na patayin din ang mga panganay nila tulad ng nangyari sa mga Egyptians, tutubusin nila ang anak nila sa pamamagitan ng paghahandog ng kapalit na tupa. At ang pagtubos na ito ay nagtuturo naman sa atin kay Cristo, God’s only begotten Son, na inihandog para tubusin tayo. At inaalala natin ‘yan sa pamamagitan ng regular na pagdiriwang ng Lord’s Supper na gagawin natin mamaya sa evening service.
Ang paghahandog ng mga hayop, na sumunod na binanggit sa verse 30, ay nagtuturo pa rin sa paghahandog na ginawa ni Cristo para sa atin. At kung meron mang tayong dapat na ihandog sa Panginoon, in response siyempre sa ginawa ni Cristo para sa atin, yun ay walang iba kundi ang sarili natin—hindi lang ang pera natin, hindi lang ang ilang bahagi ng buhay natin, kundi ang buong buhay natin. “You shall be consecrated to me,” sabi ng Diyos sa verse 31. Yun ang ibig sabihin ng pagiging “holy nation” ng Israel, set apart for God, nakahiwalay sa mundong makasalanan at nakatalaga sa Diyos. Kaya sinabi rin sa verse 31, “Kaya huwag kayong kakain ng karne ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop; ipakain ninyo iyon sa mga aso.” Hindi ipinaliwanag na mabuti kung bakit. Hindi dahil unhealthy kundi malamang ay dahil kapag ginawa nila yun ay magiging “ceremonially” o “ritually” unclean o marumi sila. Hindi ito tungkol sa diet o physical health nila, kundi para maalala nila na ang buong buhay nila ay nakatalaga sa Diyos.
Leviticus 11:44, “For I am the Lord your God. Consecrate yourselves therefore, and be holy, for I am holy.”
Ano ang pinakapunto ng bahaging ito? Sumasamba tayo sa Diyos sa pamamagitan ng paghahandog, hindi dahil kailangan ng Diyos ang ibibigay natin. Baligtad pa nga. Siya ang nagbigay ng anumang meron tayo. Ultimately, he gave his Son for us. Kaya marapat lang na siya’y sambahin. Tuwing Linggo, oo, kapag nagsasama-sama tayo na paghahandog ng mga awit at panalangin natin sa Diyos, as we celebrate the Lord’s Supper. Pero araw-araw rin, kapag sinisikap natin sa biyaya ng Diyos na mamuhay nang may kabanalan sa lahat ng ginagawa natin.
III. Pagmamahal sa Kapwa (Exod. 23:1-9)
Again, kasama ang klase ng relasyon natin sa ibang tao, na nakita na natin sa unang bahagi (22:21-28), at makikita natin ulit dito sa susunod, sa ikatlong bahagi, Exodus 23:1-9. Ang unang mga iniutos dito ay may kinalaman sa application ng ikasiyam na utos. “Huwag kang magkakalat ng di-totoong balita” (v. 1a AB). Bawal magtsismis o kahit makinig ng tsismis. O share nang share sa Facebook ng mga nababasa pero hindi muna i-check kung totoo ba o accurate, political news man ito o reels tungkol sa theology. At hindi lang yun, lalo naman kung may kinalaman sa mga nakasuhan sa korte. “Huwag kayong magsisinungaling para lamang tulungan ang isang taong may kasalanan” (v. 1b). Pwede kasing may mga masasamang tao na makikipagsabwatan sa iba para maging false witnesses, tulad ng nangyari sa paghatol kay Cristo! Dapat tayong pumanig sa katotohanan at hindi sa kasinungalingan. Mahirap ito lalo na kapag mas marami ang naniniwala sa mali. “Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan” (v. 2). Hindi komo majority ay dun na tayo. Kahit hindi popular ang katotohanan tungkol sa homosexuality dun tayo sa itinuturo ng Bibliya. Dapat maging handa tayong harapin ang consequences ng pagpanig sa katotohanan. Hindi tayo dapat magbulag-bulagan sa katotohanan. “Ngunit huwag rin ninyong kikilingan ang mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan” (v. 3). Siyempre kapag inaapi ang mahirap, tutulungan natin. Pero kapag may kasalanan siya, dapat pa ring harapin niya ang kaso niya at panagutan. Sabi ni Peter Enns, “Justice can never be served if the witness gives in to social pressure and simply sides with the majority. God’s people are called upon to do what is right, not what feels right” (Exodus, p. 454).
Ang calling nating mga Kristiyano ay hindi para maging popular kundi maging tapat na magsalita ng katotohanan at pumanig sa katotohanan dahil meron tayong Diyos na totoo at pinagmumulan ng katotohanan at kailanman ay hindi magsisinungaling o sisira sa kanyang sinumpaang pangako.
Meron din tayong Diyos na oo nga’t makatarungan siya kaya pinaparusahan ang makasalanan, pero siya rin ay mapagmahal at maawain. Kaya nga iniutos niya sa verses 4-5 ang tungkol naman sa kaaway, “Kung makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.” Hindi ganito, “Bahala ka sa buhay mo. Buti nga sa ‘yo.” Consistent ito sa sinabi ni Jesus, “Love your enemies” (Luke 6:27). Hindi lang ‘yan pang New Testament, nasa Old Testament din. Consistent naman kasi ang Diyos, at hindi siya nagbabago. Kasama sa kapwa tao na mamahalin natin ay ang mga kaaway natin. Na ipakita natin ang pagmamahal sa kanila, whether we feel it or not. Hindi ba’t ganito tayo minahal ng Diyos? Noong tayo’y makasalanan pa at mga kaaway ng Diyos, hindi ba’t ipinakita niya ang pagmamahal niya sa atin nang ipadala niya si Jesus at siya pa ang namatay na para bang siya ang makasalanan at kaaway ng Diyos (Rom. 5:8, 10). Kaya, “ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti, magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya’y mabait sa mga di-mapagpasalamat at sa masasama. Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama na maawain” (Luke 6:35-36AB).
Ang sumunod naman dito sa Exodus 23:6-8 ay tungkol sa pagpapatupad ng katarungan, tulad ng concern sa verses 1-3, pero dito ay mas malawak ang application, lalo na kung nasa posisyon ka para tulungan ang mga naaapi. Abogado ka man, o government official, o pulis, o judge, o mayor. Hindi komo “love your enemies” ay babalewalain na ang mga kasalanang nagagawa ng ibang tao. Dapat pa ring gawin ang lahat para maparusahan ang dapat parusahan, at mapalaya naman ang dapat palayain. Particularly relevant sa atin ngayon ang verse 8, “Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.” Kung pulis ka o teacher o nasa isang government office, wag tatanggap ng suhol. At bilang mabuting mamamayan, wag din namang magbibigay ng suhol. Convenient kasi, sasabihin natin. Pero tinawag tayo hindi sa isang convenient life, kundi sa isang obedient life.
Ang panghuli naman ay utos na wag apihin ang mga dayuhan tulad ng unang verse na natalakay natin (22:21). Again, ang motivation ay yung karanasan nila dati bilang dayuhang inapi sa Egipto, “You know the heart of a sojourner” (v. 9). Naranasan n’yo kung gaano kahirap ‘yan. Bakit ninyo gagawin din sa iba? We tend to repeat yung mga abuses na naranasan natin dati. Naging malupit ang tatay mo sa ‘yo, tapos ngayon ganun din ang gagawin mo sa anak mo? At yung anak mo kapag nagkapamilya ‘yan, ikaw rin ang tutularan? Ang tularan mo ay kung paano ka minahal ng ating Ama sa langit. Like Father, like son. Nakita mo kung paanong ipinapakita ng Diyos sa mga utos na ito kung paano ang relasyon natin sa ibang tao ay reflection ng pagkakilala natin sa Diyos? Sinasabi mong mapagmahal ang Diyos, pero nakikita at nararamdaman ba ‘yan ng mga kasama mo sa bahay o sa church sa pakikitungo mo sa kanila?
IV. Pagsamba sa Diyos (Exod. 23:10-19)
Kaya dito sa panghuling bahagi ng Book of the Covenant, verses 10-19, ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ang una ay tungkol sa Sabbath, ang ikaapat sa sampung utos (vv. 10-12). Isa na naman itong halimbawa kung paano magkahalo ang “love God-love others.” Bakit? Isang application ng Sabbath principle sa Israel ay ang pagtatanim lang sa lupain nila ng anim na taon pagkatapos ay pahinga para sa lupa. Hindi lang ito para sa lupa at sa mga hayop, para rin ito sa mga mahihirap. “Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap” (v. 11). Nagpapakita ito ng concern ng Diyos sa mga mahihirap na dapat ding maging parehong concern natin.
Bukod dito, ang Sabbath law ay para rin i-express ang pananampalataya natin sa Diyos na siyang magpo-provide ng lahat ng pangangailangan natin. Kaya nga merong isang araw na pamamahinga sa bawat linggo. Para ba sa Diyos yun? Are we doing God a favor kapag sinunod natin ang Sabbath? “…sa ikapitong araw ay magpapahinga ka upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga, at ang anak na lalaki ng iyong aliping babae, at ang taga-ibang bayan ay makapagpahinga” (v. 12). Ano ang gusto ng Diyos para sa atin? Tamang oras sa pagtatrabaho, sapat na oras sa pagpapahinga. Hindi sobrang trabaho, hindi naman wala nang ginagawang productive. One application is setting aside one day in a week, ordinarily Sunday natin ginagawa. Para magpahinga at sumamba sa Diyos kasama ang church family natin. Hindi lang half-day. Kundi buong araw na naka-focus sa pagsamba sa Diyos. Kaya nga, nag-iischedule din tayo ng ibang mga gawain kapag hapon, tulad ng evening service natin mamaya. O kung wala mang schedule, pwede nating ilaan sa pagdidisciple, pag-eevangelize, pagdalaw sa mga kapatiran. Burden ba na ilaan ang araw na ito para sa Diyos? Hindi ba’t grasya nga ng Diyos na bigyan tayo ng pahinga, pakinggan ang salita niya, ma-encourage sa fellowship sa church? Mas mainam ba na umabsent at mag-beach o umattend ng party o reunion kaysa sumamba sa Diyos sa araw na ito?
Siguro, kung meron kang mahahanap na ibang diyos na tulad ng Diyos natin. Kaya sinabi niya sa verse 13 na wala na tayong dapat sambahin o sambitin man lang na ibang diyos: “Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyosan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan.” Sa Diyos lang mananalangin. Hindi kay Maria, hindi sa mga santo, hindi kaninuman. We pray in Jesus’ name dahil hindi lang siya ang Savior natin, siya rin ang Diyos natin.
Sa verses 14-17 naman ay tinukoy ang tatlong pista na dapat nilang ipagdiwang taun-taon. Ang una ay Feast of the Unleavened Bread (v. 15) na napag-aralan na rin natin sa chapter 12. Kasama ito ng Passover feast na parehong nagpapaalala sa kanila ng pagliligtas na ginawa ng Diyos sa paglabas nila sa mula Egipto. Ang sumunod naman ay Feast of Harvest (v. 16), na tinatawag ding Pentecost dahil ginagawa ito five weeks pagkatapos ng Feast of the Unleavened Bread. At ang huli ay Feast of Ingathering o Feast of Booths (v. 16) na gagawa sila ng mga tents bilang reenactment ng paglalakbay nila sa disyerto. Yung ibang mga churches ay dito kinukuha ang basis ng offering nila ng “firstfruits”—unang sweldo mo ibigay mo sa church, o sasabihin naman ng mga parents sa kanila ibigay! Kung gusto mong gawin pwede naman, pero hindi obligado. Ang point ng mga feasts na ito ay pag-alala, pagdiriwang, pasasalamat sa provisions ng Panginoon—provision ng kaligtasan, provision ng mga ani, provision ng araw-araw na pangangailangan. At lahat daw ng mga lalaki ay haharap sa Panginoon during these feasts (v. 17), para i-stress ang leadership ng mga lalaki sa kanilang pamilya, at dapat na buong pamilya ang sasamba sa Panginoon. Kaya linggu-linggo, mga tatay, dalhin ninyo ang buong pamilya ninyo na sumamba sa Panginoon at alalahanin ang provision niya ng pagliligtas sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Makakalimutin tayong lahat. Kailangan natin ng regular na paalala.
At kung kilala talaga natin ang Diyos, hindi basta-basta ang magiging approach natin sa pagsamba. Kaya nagtapos ito sa kung paano dapat maghandog sa Diyos sa verses 18-19. Dapat puro, dapat “pinakamainam” (v. 19). Ang point, karapat-dapat siya sa buong puso at buong buhay nating pagsamba. Ang utos na ito, “Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina” (v. 19b), ay mahirap unawain sa atin ngayon kahit pa maraming mga attempted explanations dito. Malamang daw ay ginagawa ito ng ibang bansa sa ritwal nila sa pagsamba. So ang point, ‘wag n’yong tutularan ang iba sa pagsamba sa Diyos, kung ano ang sinabi niyang gawin natin, yun ang gagawin natin. We trust his Word, lalo na sa paraan ng pagsamba sa Diyos.
Gospel Transformation
Pag-ibig at pagsamba sa Diyos. Pagmamahal sa kapwa, lalo na ang mga kapatid natin sa pananampalataya, saka mga mahihirap at nangangailangan, pati nga mga kaaway natin. Dalawang obligasyon na suma total ng kalooban ng Diyos sa atin. Dalawang utos na nabigo tayong gawin at tuparin. Anumang sikap natin. Kahit sa tingin man natin ay mas okay naman tayo kaysa sa iba. Lahat tayo ay lawbreakers. Isa ‘yan sa function ng kautusan, para ipamukha sa atin na tayo ay teribleng makasalanan. Kaya ang mahalagang tanong, Paanong ang mga utos na ito ay nagtuturo sa atin sa gospel at sa buhay na naayon dito?
We are all spiritually bankrupt. Baon tayo sa utang dahil sa dami ng kasalanan natin sa Diyos. Hindi tayo makakabayad kahit anong gawin natin, lalo pa tayong mababaon sa utang. Kaaway tayo ng Diyos dahil sa mga kasalanan natin. Nararapat lang na parusahan. Makatarungan ang Diyos. Maawain din siya. Inialay ni Cristo—ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao—ang kanyang sarili bilang handog para tubusin tayo sa mga kasalanan natin. Para mapalaya tayo, para maiahon tayo sa spiritual poverty natin. Kung magtitiwala tayo kay Cristo at sa kasapatan ng sakripisyong ginawa niya, mapapasaatin ang kaligtasang ipinangako ng Diyos.
Hindi lang yun, tayo rin ay adopted into his family. At dahil tayo ay mga anak ng Diyos, mayaman na tayo dahil kay Cristo.
Ephesians 1:3, “Blessed be the God and Father of our Lord Jesus Christ, who has blessed us in Christ with every spiritual blessing in the heavenly places.” Dahil naligtas na tayo, meron na tayong kapahingahan, at malaya na tayo na ialay ang sariling buhay natin bilang handog sa Diyos (Rom. 12:1-2), lalo na kapag Linggo sa sama-sama nating pagsamba, at mula Lunes hanggang Sabado—sa bahay, sa church, sa eskwelahan, sa trabaho, sa kapitbahay, may nakakakita man sa atin o wala. Malaya na tayong gumawa ng mabuti, maging mahabagin at maawain, kahit na sa mga hindi karapat-dapat. Dahil ganun din naman ang ginawa ng Diyos sa atin. “Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos” (Eph. 4:2).
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

