“The assurance of God’s acceptance as we approach Him is only through the Lord Jesus Christ. Let us, therefore, come with this assurance of faith, a sincere heart, and a clean conscience, while making an effort to love others and do good.”

“Ang katiyakan ng pagtanggap ng Diyos sa paglapit natin sa Kanya ay sa pamamagitan lamang ng Panginoong Jesu-Kristo. Kung gayon, tayo ay lumapit na may ganitong katiyakan ng pananampalataya, tapat na puso, at malinis na budhi, habang nagsisikap na mahalin ang iba at gumawa ng mabuti.”

Hebrews 10: 19- 25:
V.19- 21 – Ang ginawa ni Kristo ang dahilan upang makalapit sa banal na Diyos.
V.22 – Lumapit ng may pusong tapat, malinis na budhi at matibay na pananampalataya.
V.23 – Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan.
V.24,25 – Gisingin ang damdamin ng bawat-isa sa pagmamahalan at pag-gawa ng mabuti.

INTRODUCTIOION:

Magandang umaga po sa inyong lahat! Happy Lord’s Day!
Salamat pong muli sa Panginoon sa privilege na mapangunahan ang ating pag-aral sa oras na ito. Binasa po kanina ang text na ating pagbubulayan sa Hebrews 10:19- 25, ito po ang mga talata na ating pagtutuunan sa mga sandaling ito. Pinamagatan ko po ang sermon na ito, na makikita rin naman sa ating worship bulletin ng “Lumapit sa Diyos nang Buong Tiwala” / “Approaching God With Confidence” at ang pinaka Main Idea na nais kong makita natin ay ang “Ang katiyakan ng pagtanggap ng Diyos sa paglapit natin sa Kanya ay sa pamamagitan lamang ng Panginoong Jesu-Kristo. Kung gayon, tayo ay lumapit na may ganitong katiyakan ng pananampalataya, tapat na puso, at malinis na budhi, habang nagsisikap na mahalin ang iba at gumawa ng mabuti.”

O dakilang Diyos na banal at makapangyarihan, puno ng kahabagan at pag-ibig, patuloy po kaming lumalapit sa Iyo ng may kapakumbabaang inaamin sa aming mga puso ang napakalaking pangangailangan namin ng Iyong biyaya sa araw-araw sa buhay na ito at sa kamatayan. Na kung kami ay hiwalay Sa’yo, walang relasyon o kaugnayan, kami ay kasama sa napakaraming tao sa mundo na kinapopootan Mo at tiyak na tatanggap ng Iyong parusa, dahil ito naman talaga ang karapat-dapat para sa amin na mga makasalanan.

Dahil ang sinumang wala Sa’yo ay kaaway mo at pinaghaharian ng kasamaan ng mundong ito. At dahil don ay tiyak na parusa ng pangwalang-hanggan sa impyerno ang sasapitin ng isang taong walang pakikipag-isa kay Kristo. Pero hindi mo hinayaan o Diyos na masadlak kami sa ganitong pagdurusa (sa bawat-isa, na na kay Kristo), ibinigay mo ang iyong Anak na si Kristo bilang kapalit para sa bawat-isa na sumasampalataya sa Kanya. Sahalip na kami ang tumanggap ng bigat ng Iyong parusa dahil sa aming pagiging makasalanan, ay inakong lahat ni Kristo sa Krus. Hindi sya nagkasala, pero itinuring na makasalanan. Namatay si Kristo, pero sa ikatlong araw, muli siyang nabuhay, umakyat sa langit at naupo sa kanyang trono, patuloy na namamagitan sa atin sa Ama, at nangakong muling magbabalik upang isama nya ang lahat na mayroong tunay na pakikipag-isa sa Kanya.

Napakagandang Balita ng kaligtasan, sapat o higit pa, para tiyakin sa atin na mga umaasa sa maluwalhating biyaya ng Mabuting Balita ng Panginoong Jesu-Kristo. Napakalaking kumpiyansa ang idinulot nito, kaya tayo ay nakalalapit sa isang banal na Diyos. Patuloy mo po nawang ipakilala ang Iyong sarili sa amin o Diyos, sa pamamagitan ng iyong Banal na Salita, sa tulong at patnubay ng Banal na Espiritu. Tulungan mo po ako na maipangaral ko ito ng may katapatan at kalinawan sa mga oras pong ito. Ang lahat ng ito ay aming samo at dalangin ng may pagtitiwala sa makapangyarihang pangalan ng Panginoong Jesu-Kristo. Amen!   

Nitong nakaraang Thursday kasama ng ibang mga kapatid kay Kristo, na tinawag ng mga ka grupo ko na “Old Testament Saints”, dahil sa edad lang naman. kahit hindi pa rin ako senior citizen. Meron kaming once a week na regular na pagkikita-kita at pag-aaral sa Salita ng Diyos. Nasa Lesson 9 po kami ng Following Jesus. Hindi lang po talaga ito nakaka-encourge at nag-eenjoy ako na makasama sila, kundi higit sa lahat ay ang pag-aaral mismo na ito ay nagiging malaking paalala sa akin, sa amin sa Gospel, na talagang kailangan nating marinig sa ating mga buhay araw-araw, ofcourse hindi lang ang bawat-isa sa amin, kundi tayong lahat na naririto. Malaki talaga ang tendency natin na makalimutan o madisregard ang gospel. Actually, ang karanasan natin ang magpapa-tunay nito, na maaaring dahil sa sobrang pamilyar tayo dito or di kaya dahil sa dami ng ating mga inaalala sa araw-araw sa buhay natin, o maaaring sa mga pinag-kakaabalahan, pwedeng we “take it for granted” ito or hindi natin napapansin. Umaasa tayo na tuwing sunday ipini-preach naman itong gospel pag Sunday o kaya sa grace comm. sa discipleship group, atbp. Dagdag pa diyan di ba, kahit hindi natin sinasabi na hindi natin tinatanggi ang gospel sa buhay natin araw-araw, pero may mga tendencies tayo o mga indirect na ginagawa na contrary to the gospel message, lalo na kapag ang ating sariling buhay ang mas pinahahalagahan o nagiging centro, natural ito saiyo at natural ito sa akin. Tulad lang halimbawa kung tayo ay titinggin sa social media, lalo sa FB. Kahit for fun itong nauusong “photolab” diba’t meron itong kino-communicate sa iba, portraying ourselves, na iba sa totoong tayo. And its natural, tumingin kayo sa akin, at kapag may mga nag-lalike, diba’t gustong-gusto natin. Ofcourse, halimbawa lang yon. Marami pa, di po ba? Kadalasan yung gusto natin ang nasusunod. Dahil na rin sa mga ganap na ito, madali para sa karamihan sa atin ang mahulog sa bitag ng kaaway o sa kasalanan, kung hindi tayo magiging sensitibo o discerning sa mga bagay na yan. At sa punto na yan ay napakahalaga na patuloy talaga tayong magpa-alalahanan.

Kapag nakita mo at sa tulong na rin ng Banal na Espiritu, na talagang napaka-halaga nito sa atin, sobrang seryoso ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa kanyang sarili, sino Siya, ano ang ginawa Niya. Sino si Kristo at ginawa Niya para sa atin na mga makasalanan. Sino ang Banal na Espiritu sa patuloy na ginagawa Niya sa buhay ng isang mananampalataya, sa bawat tao, at kung gaano kalubha ang ating kalagayan dahil sa ating pagiging mga makasalanan, na nangangailangan ng pagliligtas ni Kristo. Na dahilan o layunin ng ginawa Niyang pagliligtas sa atin, ma-aamaze ka kung paano binabago ng Diyos ang ating mga puso na lalong tumingin at magtiwala sa kanya, pati ang pagtinggin sa ating mga sarili at sa kasalanan na laging nandiyan at nag-aabang, habang patuloy nating naririnig, tinitignan, nararanasan at ipinamumuhay itong Mabuting Balita Niya.

Kung tutuusin madalas na natin itong naririnig, pero kailanman hindi tayo hihinto sa pangangailangan na maranasan ito – individually and corporately na mapakinggan, basahin, pag-aralan o pag-bulayan ang Salita Niya, itong gospel ng Panginoong Jesu-Kristo. Lalo na’t alam nating ito lamang ang magdadala sa atin sa buhay na ganap at kasiya-siya. Kasi bukod dito, ang lahat ay secondary na lang. Hindi ang pera o kayamanan sa mundo, kapangyarihan, karunungan o lakas, katanyagan, o anumang relasyong meron tayo sa tao dito sa mundo, kasi ang lahat ng iyan ay dito lang sa lupa at hindi pang-matagalan at pang-walang hanggan. Yes, you heard me right! Dito lang ito sa mundo habang tayo ay nabubuhay. Kaya huwag mong kapitan, panghawakan o ipag-malaki ang mga ito. Well, don’t get me wrong, hindi masama o kasalanan ang mga bagay na ito (naiintindahan naman natin iyan), malibang alam natin kung ano ang kabuluhan nito sa ating mga buhay at kung paano tayo nagiging mabuting katiwala na mga kaloob na ito ng Diyos sa atin at nagagamit sa ika-luluwalhati Niya.

Ang book of Hebrews ay talagang jampack o loaded ng gospel. Sino po sa inyo ang nakabasa na at napag-aralan na itong book of Hebrews?? Bagama’t ang aklat na ito ay hindi nabanggit kung sino ang human author nito. Mayroong siyang malinaw na gustong ituro ayon sa nilalaman o content ng book o letter na ito mismo, pinirisinta niya ng malinaw dito ang Panginoong Jesu-Kristo, lalo na sa kanyang kahigitan sa ilang mga O.T. characters na sina Moises, mga pari, tulad ni Melchizidek o kahit sa mga anghel. Na nagbibigay naman ng pahiwatig na maaring ang recipient o kanyang pinatutungkulan ng aklat na ito ay mga jewish readers whether christians or not, at ang argument na iyan ay makikita consistently within the orbit of the O.T. scriptures and jewish liturgy. Mababasa rito ang mga bagay na may kinalaman sa pagsamba sa tabernacle, ang mga pari at mga sacrifices they offered (mamaya makikita pa natin ang ilang mga bagay tungkol diyan), yung covenant na sobrang halaga para sa mga jews. Kaya sa chapter 11, tinatalakay niya ang tungkol kay Abraham, Moses, Joshua atbp. Dagdag pa rito, pinapakita nung author yung contrast ng O.T. system of law sa N.T. ministry of grace. Binibigyan niya ito ng linaw sa kanila, na itong jewish religious system ay pansamantala lang at hindi mag-dadala sa kanila sa tunay na kapatawaran ng kasalanan at kalagayang pang-walanggan na higit na pinaka-mabuti sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Kristo. Mababasa ‘yan sa;

Heb.5:9 “At nang siya’y maging ganap, siya’y naging walang hanggang tagapagligtas ng lahat ng mga sumusunod sa kanyang kalooban.

Heb.9:12 “Minsan lamang pumasok si Kristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyon ay sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan.

Verse 15 “Kaya nga, si Kristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, pinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila’y nasa ilalim pa ng naunang tipan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.

At ang mga katotohanang ito ay hindi magbabago

13: 8 “Si Jesu-Kristo ay hindi magbabago kailanman; siya ay kahapon, ngayon, at bukas.

Sa ganitong kaisipan hinihikayat ng sumulat ang mga judio dahil na rin, na una, para sa kanila na mga mananampalataya, na kahit mahirap at mabigat sa kanila, dahil na rin sa ibang kasama nilang tumutuligsa sa kanilang pananampalataya(Heb.10:32- 34; 12:4, 13:13- 14), na ano? na huwag silang matukso na bumalik sa luma nilang paniniwala. Ayon sa pag-aaral, sa panahong ito, may nakatayo pa ring templo, kungsaan, dito isinasagawa ang  mga ceremonies ng mga pari araw-araw. Na maaari ngang humila sa kanila pabalik sa naka-gawian na mga tuntunin ng old mosaic system, at ng sa ganoon ay maiwasan na rin nila ang mga taong nag pe-persecute sa kanila. Dagdag pa diyan, na ang mga false teachers during this time ay maaaring, alam n’yo yon, mga nang-uuto sa kanila. Sa 13: 9 mababasa ang ganito “Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.” Bukod pa, at tiyak tayo na ang mga taong ito ay mayroon ding mga sufferings, hindi lang persecutions, kundi ang pagtitis sa buhay nila, sa huling bahagi nga ng chapter 10, makikita ito.
Sa scenaryo o katayuang ganyan, bagama’t hindi natin alam ang eksakto kalagayan, sitwasyon o nararamdaman nila, mukang they’re in danger of going backward. May binanggit ang author sa

Heb.5:12 ff..”Dapat sana’y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo’y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana’y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. 13 Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. 14 Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama.”

Kung kaya’t ang book of hebrews ay talagang nagbibigay sa kanila ng malaking paalala kung gaano kaganda, ka-inam at katibay ang pundasyon ng kanilang pananampalataya, na ginawa ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Ofourse, hindi lang sa kanila, kundi maging sa atin ngayon na mga sumasampalataya sa Panginoong Jesu-Kristo. Nais ng Diyos para sa atin na ang biyayang ito Kay Kristo ay ating tayuan at panghawakan, dahil ito ay sigurado, matatag at permanente. Kitang-kita yan sa nilalaman ng book na ito.

Kaya sabi sa

Hebrews 12: 28a “Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi mayayanig..”

Na sinabi rin ng isang author na si Warren Wiersbi na ayon sa kanya ay ang key message of hebrews. And so is the hope we have in Him.

Heb.6: 19 “Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito’y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa dakong kabanal-banalan.

Just a quick overview, bago lang tayo pumunta sa pinaka text natin, makikita sa mga naunang bahagi nito ang pagtalakay tungkol sa superiority ni Kristo.
So beginning chapter 1:1- 4:16 – Christ Superiority to Angels(1:4-2:18).
Christ Ushers In a Greater Rest – kapahingahang dala ni Kristo. (3:1- 4:16).
Then in chapter 5:1-10:18 – The Priesthood of Christ.
Christ Our High Priest,pinaka punong pari is The Object  of Our Confession (5:1-6:20).
Christ Is a Priest According to Melchizedek (isang significant person, hari at isang pari sa OT na kinilala at ginalang ni Abraham at binigyan niya ng tithes – Gen.14:18- 20 (7:1- 7:28).
Christ Mediates a Better Covenant (8:1- 10:18).
Hindi natin idi-discuss lahat ng ito, maybe kapag isineries na pag-aaral (Lord willing). So ano ang makikita d’yan? Sobrang established nitong truth of the Gospel, kung ano yung ginawa ni Kristo. At itong section na ito o text natin ay magbibigay sa atin ng napakalaking kumpiyansa sa ating mga puso sa paglapit sa isang Banal na Diyos. Yung binasa natin sa verse 28 ng chapter 12 sa unang bahagi nito kanina, sa 28b to 29, naman at gamit kong salin ay MBB ang sabi rito “Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugod-lugod sa kanya, sa paraang may paggalang at pagkatakot, Sapagkat tunay nga na ang ating Diyos ay parang apoy na nakakatupok.

Makikita rin ang description sa (Deut.4:24) ng ang mga Israelita, sa context nito ay binigyan sila ng warning sa pagsuway sa Salita ng Diyos at pagsamba nila sa mga dios-diosan. “Sapagkat si Yaweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos.

Kumbaga kung iisipin natin, bagama’t spiritual in a sense ang tinutukoy ng author dito. Kasi yun nga, gumamit siya ng image dito na alam niyang makakarelate sila. Na itong tabernacle, kung saan sa O.T. practice o rituals ay alam nating dito isinasagawa ang paghahandog sa Diyos sa pamamagitan ng mga hayop na pinatay at sinusunog, na dadalhin ito bilang alay, para sa ikapag-papatawad sa kasalanan ng tao. At itong tabernacle na ito ay may tinatawag na lugar ng dakong kabanal-banalan. Kungsaan, sa lugar na ito ay bumababa ang presensya ng Diyos. At tanging ang pari sa panahon nila ang maaari lamang pumasok sa dakong ito ng holy of holies, at ito ay taun-taon lamang, upang doon ay dalhin ang handog. Kung babasahin natin ang Leviticus 16 ay makikita ang detalyadong seremonya na dapat gawin sa mga tuntuning ito.

Ano ang gusto natin i-point out dito? Itong tabernacle ay mayroong barrier between the holy place to the holy of holies, between people and God. And only the death of Christ could tear that veil. At makikita iyan sa account na mababasa sa Mark 15:37- 38 ng mamatay ang Panginoong Jesu-Kristo sa krus. “Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga. At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. 

Napaka-gandang Balita nito. Makakalapit tayo sa Diyos na hindi mag-aalala na babalewalain o itataboy niya tayo. Yung masunog, parang hindi pa ganoon kapani-paniwala sa panahon natin ngayon. Pero who knows? Ang Diyos natin ay hindi nagbabago, ang kaya Niyang gawin noon ay kaya pa rin Niya ngayon. Ano ang punto na nais kong sabihin? Kung iisipin nating mabuti at maiintindihan kung gaano kalala, kalalim, karumi, deceitful ang mga puso natin, at pagkatapos ay tinanggap mo ang kapatawaran sa kasalanan, na kailanman ay hindi natin kayang bayaran, hindi mo maitatago sa iyong puso ang pagpapasalamat, pagpupuri at pagkamangha sa Diyos dahil sa ginawa Niya sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. At ngayo’y nakalalapit sa Kanya ng buong kalayaaan.

After nitong chapter 1:1 – 10:18 Discussing the foundational truth of the gospel, the author is now exhorting them, actually mag-simula ito sa v.22. Sa verses 19 – 21, nag-banggit na tayo ng ilan kanina. Meron na tayo ngayong lakas ng loob na lumapit sa Diyos, dahil sa ginawa ni Kristo. It rests on the finished work of our savior. Sa nakita natin kanina, sa day of atonement, yung ceremony, ang mga punong pari ay hindi basta makakapasok sa kabanal-banalang dako, unless he had the blood of the sacrifice (yung galing sa hayop).

Heb.9:7 “Ngunit tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito’y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya’y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa mga kasalanang nagawa niya at kamaliang nagawa ng bayan.

Pero dahil sa dugo ni Kristo tayo’y malaya ng makakapasok sa banal na prisensya ng Diyos. At minsan lang ito, ngunit ito’y magpakailanman..

Verse 20 “Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito’y ang kanyang katawan.

Sa pamamagitan ng katawan ni Kristo na napako sa krus at namatay rito, at alam nating nabuhay sa ikatlong araw matapos na Siya’y ilibing. At sa kanyang pagkabuhay na muli, Siya ay umakyat sa kaitasan, sa kanyang trono, kasama ng Ama magpawalang-hanggan. At Siya’y mananatiling buhay, maghahari at patuloy na mamamagitan sa atin sa Ama, sa bawat-isang tunay na may pakikipag-isa sa Kanya.

Heb.7:25  Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

May malaking implications iyan sa prayer natin di po ba? Sa pamamagitan ni Kristo, direkta tayong makakalapit sa Ama, at higit pa ay idulog sa kanya ang ating mga pagsusumamo.
Si Kristo ang ating nag-iisang pag-asa sa buhay na ito, dahil Siya’y buhay, at wala ng iba na maaaring ipampalit sa kanya. Isipin na natin ang lahat ng bagay o meron sa mundo, sige exageration lang, makamtan man natin ang lahat ng gusto natin, pero ang lahat ng ito ay magdadala lamang sa atin sa kabiguan at kapahamakan, kung dito natin ilalagak ang ating kumpiyansa at tiwala sa buhay. Dapat kay Kristo lang!

Verse 21 “Tayo’y may isang pinakapunong pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos.

Interestingly, ang author ay nagbigay ng encouragement sa mga believers dito o sa mga kapatid kay Kristo. Sa chapter 3:6 mababasa ang ganito “Subalit si Kristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa samabahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kaya’t matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.” Na magbibigay sa atin ng pag-tinggin, na hindi lang yes mga believers, but a particular group of believers or church. Kaya nga sa verse 25, merong command dito tungkol sa hindi pagpapabaya sa pagdalo sa mga pagtitipon. Titignan pa natin iyan maya-maya.
So, itong verses 19-21 ay nagpapakita ng kahalagahan kung ano ang ginawa ni Kristo, upang sila, at maging tayo ay makalapit sa Diyos not as an individual but also corporately, na taglay ang malaking pribilehiyo, hindi dahil karapat-dapat tayo para sa bagay na ito. Kundi dahil sa Panginoong Jesu-Kristo. Then, in verses 22-25, let’s look at these exhortations or commands. sa ingles ganito ang mababasa sa 22” let us draw near with a true heart in full assurance of faith, with our hearts sprinkled clean from an evil conscience and our bodies washed with pure water.
Sa puntong ito naman ngayon, sabi diyan “let us draw near”,“lumapit tayo sa Diyos.” Ofcourse we must prepare ourselves spiritually to fellowship with God. Una, lumalapit tayo sa Diyos dahil alam natin ito ang nararapat nating gawin para sa Kanya. He deserves all our praise and worship, our service, and our gratitude. At ito ay gagawin natin habang tayo ay nabubuhay, hindi lang ng mag-isa, kundi ng sama-sama as a church. The O.T. priest had to go through various ways sa paglapit sa Diyos. Tulad ng pag-huhugas o paglilinis, paliligo specifically na binabanggit sa Lev.16 and the applying of blood on the day of atonement. Kahit yung regular na ginagawa ng mga paring ito, mag-huhugas muna sila ng kanilang mga kamay at paa bago sila pumasok sa banal na lugar. Sa exodus 30:18-21 may binabanggit din tungkol diyan, At ito namang mga new testament christians, kasama tayo ofcourse, ay ano? We must come to God with a pure heart and a clean conscience, yes not perfectly, naiintindihan natin iyan. Pero yung postura ng puso natin na may tunay na pag-kamuhi, pag-amin at pag-hinggi ng tawad sa Diyos sa ating mga kasalanan ito yung pangalawa, dahil nais natin may kalinisan ng puso at malinis na budhi tayong humaharap sa Diyos.

Basahin natin itong

1 Jn.1:5- 2:2 “Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman sa kanya.  Kung sinasabi nating tayo’y may pakikipag-isa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, gaya niya na nasa liwanag, tayo’y may pakikipag-isa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak. Kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya’y tapat at matuwid. Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita. “Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Kristo, ang matuwid. Si Kristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao.

Ang ganda ng sinasabi ng mga talatang ito sa katiyakan na meron tayo sa Panginoong Jesu-Kristo, sa kapatawaran na available sa bawat sumasamapalataya sa kanya, na kaibahan natin sa mga unbelievers. And it also reminds us na hindi gawing lisensya o paglaruan ang kasalanan. At ikatwiran mo..ah patatawarin naman ako ng Panginoon. Sagana naman ang kanyang kagandahang loob, NO!..Rom.6:1-4, 6 “ ang sabi ni paul..hinding-hindi! Tayo’y patay na sa kasalanan..verse 6Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Lalapit tayo sa Diyos, dahil ito ang nararapat gawin sa Diyos na banal na katulad Niya, at ang katiyakan na tatanggapin itong paglapit natin sa kanya, again dahil lamang kay Kristo. Lalapit din tayo sa Diyos sa context ng ating local gathering especially sa ating worship service tulad ng ating ginagawa ngayon (ito yung prayer natin) na mayroong nagkaka-isa at sama-samang hangarin na ipinapahayag ang ating tapat na puso na paglapit sa Diyos. Kaya sa ating liturgy, nawa’y mag serve ito sa atin not to take it lightly, but seriously participating sa ating mga inaawit, sa ating mga pananalangin, kapag may Lord Supper. Sa pakikinig at pag-aaral sa Salita ng Diyos na sa lahat ng bahagi ng program natin ay naka-tuon hindi sa tao kundi sa Diyos, kay Kristo at sa Banal na Espiritu, para sa ikalago at ikatitibay ng ating pananampalataya.

Verse 23 “Let us hold fast to the confession of our hope without wavering for he who promised is faithful”

Ito yung pangalawang exhortation ng author. Na ang kanilang pag-asa ay sa Diyos na tapat sa kanyang pangako. Na ang kumpiyansa nila ay nakatali sa katotohanang ito, bagamat ang emphasis ay hindi yung pananampalataya nila, na usually expected. Pero yung point na yung hope o pag-asa nila ay sa ginawa ng Panginoong Jesu-Kristo. And so this confession sabi ng isang christian author “ a confession spelled out for us by exolting what Christ accomplished for us as our high priest. This command is rooted in the faithfulness of God. Tignan natin ang ilang mga talata pa sa,

Chapter 3:6, 14 “Subalit si Kristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.” 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Kristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo’y unang sumampalataya.

Mababasa rin ito sa ,

6:19 “Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito’y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.

Anong implication? Well, dahil tayo ang kinakailangang tumugon, magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan (pananampalataya na hindi passive lang) pinapakita sa tamang pamumuhay, pagtitiwala sa kalooban ng Diyos. Na kung ano yung mga iniuutos Niya sa kanyang Salita, hindi tayo mag-aalinlangan na gawin at sundin ito. Kasi alam nating tapat Siya sa Salita Niya, ayon narin sa kanyang character at kung may iniutos Siya sa atin, hindi ito para sa ikapapahamak natin.

Lastly, in verses 24-25  which my last point. “Gisingin natin ang damdamin ng bawat-isa sa pagmamahalan at paggawa ng mabuti. “Let us consider one another.”

1. Let us draw near – to whom? To God! (with pure heart) 2. Let us hold fast – magpakatatag sa ating pag-asa. Then itong huli,  3. Let us consider one another. I think sa punto na ito kung maaalala ninyo, sa ating katatapos na series sa ating church covenant dito sa bbcc. Sa gcgc naman ay on going ito. Itong theme nating “Life Together” Kaya si pastor Ric ngayon doon ay nasa church covenant commitment#4 “Sama-samang panalangin” ay ano? Nag papaalala at nagtuturo sa atin sa napakalaking kahalagahan ng sama-samang pamumuhay bilang church sa pagsasakatuparan ng ating tipan sa Iglesya.

Last Sunday, sariwa pa sa akin yung paksa na pinag-aralan namin dito sa GCGC, na may kinalaman sa “Pagtitipon ng Church.” Na yung encouragement, actually, a command, na sa talatang ito ay makikita ang malinaw na layunin ng paghihikayat sa isat-isa. Ang ganda ng salita na ginamit dito. “Gisingin ang damdamin ng bawat-isa” sa pagmamahal at paggawa ng mabuti. We keep on meeting together. Means ito upang mapalakas at ma-encourage ka sa iyong pananampalataya. Kung kakaligtaan mo ito, na mimiss mo ang mabuting na idudulot nito sa iyong buhay. Well hindi lang itong pagtitipon natin kapag Sunday ng umaaga, kundi maging sa iba pang mga gawain natin. At mahalagang maunawaan ito, kasi sa verse 25 sa huling bahagi nito ay may seryosong paalala tungkol sa “Araw ng Panginoon” na alam natin kapag dumating na ito, ito na ang araw ng paghuhukom. Na ipinapaalala nito sa atin na patuloy tayong mag-palakasan at magpa-alalahanan sa isat-isa, lalo na para sa iba na hindi na natin nakikita sa ating mga pagtitipon, mabuting mabuti kung nagpapa-tuloy sa Panginoon at sa isang biblical chucrh. Pero kung hindi pala at nalibang na lang sa ibang mga bagay, at hindi na kinakikitaan o matabang na pala sa kanyang pagmamahal sa Panginoon at sa kanyang church o sa pamilya ng Diyos, mayroong malaking problema ang Kristianong ito. Hindi rin pwedeng sabihin ng isang Kristiano, na “ok naman kami ni Lord”, ganon?? pero hiwalay ka sa church, hindi ito ok. Again we will remind them sa gospel at ito yung ating commitmen. Hindi lang ito ofcourse trabaho ng pastor o ng mga leaders, tayo, bawat-isa ay may bahagi at may pananagutan sa ating kapatid. Maaring ito palang effort natin sa pag-abot sa isang kapatid na matagal ng absent sa church ay ang paraan ng Diyos upang tayo pala ang gagamitin Niya para mapanumbalik siya sa panginoon, kasi we don’t know, baka tuluyan na palang siyang nakakalimot sa Panginoon at nahulog na pala sa kasalanan at nag-papatuloy dito, at ikaw ang naging daan para magsisi siya sa kanyang kasalanan at pagtitiwala niyang muli ang Panginoon. Na naging daan para sa kanyang kaligtasan, kung dumating man ang ating Panginoon. Halimbawang ngayon, ay hindi siya makasama sa hatol ng Diyos.

Ganito kaseryoso ang ating pagsasama-sama, o pagtitipon bilang isang church. Lagi nating isipin ang pagiging kristiano natin ay nakakabit sa katawan ni Kristo. Hindi ito mapag-hihiwalay.

Huwag tayong huminto, kundi magpatuloy na paalalahanan ang isat-isa, tulungan ang nangangailangan, mahalin ang isat-isa, tulad ng pagmamahal ni Kristo sa Iglesya na tinubos ng kanyang dugo. Nawa’y mas lalo pang umalab ang iyong puso sa pagmamahal sa kanyang Iglesya na ipinagkaloob Niya sa atin, habang tayo’y nagpapatuloy, nabubuhay, tumatagal sa ating pagsasama-sama. Hindi yung dahil sa tagal parang sinawaan na, tinabangan na o di kaya’y parang pangkaraniwang samahan na lang ang pagtrato natin dito. Sa kabila ng ating mga pagkaka-iba-iba, mas lalo nawang makita ang pagkakaisa natin sa mabuting balita. Ito ay napaka laking privilege sa atin, bilang isang pamilya ng Diyos.

Purihin ang Diyos sa katiyakan na meron tayo, hindi lang sa kaligtasan na sinugurado na Niya, sa bawat-isang tunay na may pakikipag-isa sa Panginoong Jesu-Kristo. Kundi sa malaki at tiyak na pag-asa na meron tayo, dahil sa katapatan ng Diyos. Binigay na Niya ang kanyang anak para sa atin, sapat para punuin ang ating mga puso ng nag-uumapaw na kagalakan, pasasalamat, pagpupuri at pagsamba sa Kanya. Patuloy tayong tumingin at ituon ang ating mga mata sa Panginoong Jesu- Kristo.

Heb.12:2a Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan..

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply