#9: Patuloy tayong magbibigay nang masaya at naaayon sa pagpapala sa atin ng Diyos para makatulong sa ministeryo ng iglesya at mga gastusin nito, sa mga mahihirap at mga nangangailangan, at sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa (Matt. 28:19; Acts 2:44-45; 4:34-35; 1 Cor. 16:1-2; 2 Cor. 9:7; 1 Pet. 4:10-11).
Introduction: Mula sa Pagkamakasarili tungo sa Saganang Pagbibigay
Rom. 14:7-8; Acts 17:24-25; Eph. 2:21
Last week, binanggit ko na dahil maraming trabaho sa church, kailangang magtulung-tulong ang bawat miyembro, nasa leadership position ka man o hindi. Anuman ang maitutulong mo, napakalaking bagay na yun. But we are self-centered sa ating sinful nature, ipinagdadamot natin kung ano ang meron tayo. Yung oras na meron tayo, yung lakas na meron tayo, yung salita na pwede nating sabihin, at yung pera o material resources na meron tayo.
Kaya mahalaga na pinag-aaralan natin in greater depth yung church covenant natin. Dito kasi nakasulat yung mga biblical expectations para sa bawat miyembro ng church. Siyempre, wala sa atin ang perfectly nakakasunod sa lahat ng sinumpaan nating commitment bilang miyembro. Lahat tayo ay nasa process of transformation. Thankfully, nararanasan natin na ang gospel ay powerful enough para ma-overcome yung pagkamakasarili natin o yung selfishness, causing us to be like Christ in self-giving love. Mula sa pagkamakasarili patungo sa pagkakaroon ng puso na masaganang magbigay sa iba. Na hindi na tayo nabubuhay para sa sarili natin, tulad ng sabi ni Paul sa Romans 14:7-8, kundi nabubuhay na tayo para sa Panginoon. Ang buhay na natin ay pag-aari ng Diyos, ibig sabihin, wala tayong karapatan na gamitin ang buhay natin at anumang meron tayo sa paraang ayon lang sa sarili nating kagustuhan.
Kung ang buhay natin ay para sa Panginoon, hindi naman ibig sabihin nito na kailangan tayo ng Panginoon. Siyempre, wala naman tayong maibibigay sa Panginoon na hindi naman din nagmula sa kanya. At wala din naman siyang kailangan sa atin. Yun ang sabi ni Pablo sa mga taga-Athens sa Acts 17:24-25, “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto ay ang Panginoon ng langit at ng lupa, at hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan” (MBB). Self-sufficient ang Diyos. Hindi niya kailangan ang anumang tulong o paglilingkod na maibibigay natin. Hindi niya kailangan ang bahay na matitirhan. Ah, pero nakatira siya sa isang “templo,” hindi yung templo na gawa ng tao, kundi yung “templo ng Espiritu.” Sa ating katawan mismo kung tayo ay nakay Cristo (1 Cor. 6:19), at sa atin corporately as a church (1 Cor. 3:16-17).
Kung ang Espiritu ay nakatira sa atin, ibig sabihin, merong ginagawang pagbabago ang Diyos sa buhay natin. Sinabi ni Paul sa Ephesians 2:21 na kung tayo ay nakakabit kay Cristo, “the whole structure, being joined together, grows into a holy temple in the Lord.” Medyo weird yung image dito. Siyempre kapag temple, isang building structure, fixed na yun. Pero ito, tayo, growing temple daw! Ibig sabihin, as the life of Christ flows to us, to every member of our church, ano ang nangyayari? Tinatapyas ang mga natitira pang kasalanan sa atin, causing us to become more like Christ. At nare-reflect ‘yan kung paano natin hawakan ang pera natin (mahigpit ba o maluwag?), at anumang resources na meron tayo. Kailangan nating ma-overcome, at sa tulong ng Espiritu na nasa atin na nag-aaply ng Salita ng Diyos na pinakikinggan natin, ay mao-overcome natin ang seflishness natin, yung pag-iisip na anumang meron tayo ay para sa atin lang o para sa pamilya lang natin. As we reflect today kung ano ang itinuturo ng salita ng Diyos about giving, ang prayer ko ay ganun nga ang mangyari sa puso ng bawat isa sa atin.
I. Ang Pagbibigay bilang Pagiging Mabuting Katiwala
Psa. 24:1; 1 Cor. 4:7; 1 Pet. 4:10-11
Unang bagay na dapat nating ma-realize o ma-recognize ay ito: ang pagbibigay ay bahagi ng pagiging mabuting katiwala o good steward. Kapag sinabing “steward,” ibig sabihin, hindi ikaw ang may-ari ng anumang bagay na meron ka. Ang buhay mo, ang lakas mo, ang kayamanan mo, ang talento mo ay hindi mo sariling pag-aari. Kung “steward” ka, kinikilala mo na ang Diyos ang May-ari ng lahat ng meron tayo. In fact, ng lahat ng bagay sa buong mundo, at sa buong sangnilikha ng Diyos. “Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon” (Psa. 24:1 ASD). Kung lahat ng meron tayo ay pag-aari ng Panginoon, ibig sabihin ay ibinigay ito sa atin hindi upang sarilinin o magmalaki, na para bang hindi natin ito tinanggap galing sa Diyos. Kaya pinagalitan ni Paul ang mga taga-Corinto dahil sa ganitong prideful attitude sa mga spiritual gifts at mga leaders na meron sila, feeling na more superior sila kung ikukumpara sa iba: “Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba’t lahat ng nasa inyo’y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo?” (1 Cor. 4:7MBB).
Ibig sabihin, gaano man karami ang pera mo ngayon, gaano man ka-spiritually gifted ka kung ikukumpara sa iba, gaano man karami ang alam mo, pero kung sosolohin mo lang ito, balewala. Hindi ka nagiging mabuting katiwala ng kaloob ng Diyos. Sinasayang mo ang bigay sa ‘yo ng Diyos. So, ano ang dapat nating gawin sa mga “kaloob” na meron tayo? Sabi ni apostol Pedro, “Bilang mabubuting katiwala ng iba’t ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya’y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen” (1 Pet. 4:10-11). Nagbibigay tayo, naglilingkod tayo, nagtuturo tayo bilang mga mabuting katiwala ng kaloob na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Not for our own agenda or for our own glory, but for the glory of the Owner of everything we have. Ang tanong: nago-glorify ba ang Diyos sa paggamit mo ng mga kaloob at kayamanan at lakas at oras na meron ka? Kung ang lupa mo, o bahay mo, o bank account mo, o smartphone mo, o Facebook account mo ay nakapangalan sa ‘yo, panahon na para kilalanin mo na unang-una itong nakapangalan sa Diyos na nagbigay ng lahat ng ito sa ‘yo—bilang katiwala niya.
II. Ang Pagbibigay bilang Pag-uumapaw ng Pagpapalang Tinanggap na Natin
2 Cor. 9:7; 8:2; 1 Cor. 16:2; 2 Cor. 8:3-4, 9
Ikalawa, dapat mong ma-realize na ang pagbibigay ay overflow o pag-uumapaw ng pagpapalang tinanggap na natin sa Diyos. Nagbibigay tayo hindi para pagpalain ng Diyos—bagamat God is gracious and generous enough na talagang lalo pa tayong pagpalain kapag tayo ay nagbibigay—nagbibigay tayo dahil pinagpala na tayo ng Diyos. Noong isang araw, may narinig ako na businessman na nagsabing nang simula siya ng “tithing” o pagbibigay ng ikapu ng kanyang mga kinikita, lalo pang pinalago ng Diyos ang negosyo niya. Siyempre, galing din yun sa Diyos. Pero kung yun ang palagi nating ie-expect na mangyayari everytime we give generously, merong mali at kailangang itama sa perspective natin. Unang-una, hindi ganyan ang palaging nangyayari. Kami nga, faithful din naman sa pagbibigay ng at least ten percent of our income, pero bakit sa loob ng mahigit sampung taon ay hindi man lang nadodoble ang income namin?
Ikalawang problema, hindi naman obligado ang mga Kristiyano na magbigay ng ikapu. Oo nga’t nasa Old Testament yun, at sa Malachi 3:10 na palaging binabanggit. Pero nasa Old Covenant yun sa Israel. Under the New Covenant, dahil sa ginawa na ni Cristo sa pagtupad ng Kautusan para sa atin, dapat natin i-interpret ang mga utos na yun ayon sa fulfillment nito kay Cristo. Hindi nangangahulugang na-abolish na yung will ni God sa atin about giving (see Matt. 5:17). No. Dahil sa gospel blessings na tinanggap natin, yes, hindi tayo required na magbigay ng ten percent of our income, pero ngayon ay malaya na tayo na magbigay nang higit pa! Hindi ito tungkol sa eksaktong porsyento ng ibinibigay natin. Tungkol ito sa kalagayan ng puso ng nagbibigay. So, anong klaseng pagbibigay ang itinuturo sa atin sa New Testament?
Una, joyful giving. “Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan” (2 Cor. 9:7). Hindi naman ibig sabihin na dahil masaya ka sa one percent ay yun na ang ibibigay mo. Tanungin mo rin ang sarili mo, bakit masaya ka dun? Yung binibigay mo ba ay overflow ng joy na meron ka galing sa Diyos? Yun bang kahit hirap na hirap ka financially ay nandun pa rin yung joy na makibahagi sa gawain ng Panginoon? Tulad ng mga Christians sa Macedonia, “Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito’y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay” (2 Cor. 8:2).
Ikalawa, proportionate giving. Kapag sinabing ayon sa sariling pasya, hindi ibig sabihing basta-basta ka lang magde-decide. Kung magkano lang mabunot mo sa bulsa mo yun na ang ibibigay mo. Merong good habit yung nagtatabi ka ng at least ten percent, hindi required, pero recommended ‘yan na diyan ka magsimula. Itabi mo na. Hindi yung kung ano lang ang matitira sa ‘yo pagkatapos mong bayaran lahat ng dapat mong bayaran. Tagubilin ni Paul sa mga taga-Corinto, “On the first day of every week, each of you is to put something aside and store it up, as he may prosper…” (1 Cor. 16:2). Good practice ‘yan. At siyempre, kapag lumalaki ang income mo, yung ten percent maliit lang kung tutuusin. Malaki kung titingnan mo kung magkano yun. Halimbawa, 100,000 pesos na kinikita mo isang buwan (sana all?), yung 10,000 malaki yun. Pero yung 90,000 na natitira sa ‘yo, napakalaki din nun! Hindi lang yung binibigay mo yung matter of stewardship, kundi lahat ng kinikita mo. Paano mo gagamitin? Di ba’t dapat dagdagan mo na yung ibinibigay mo?
Ikatlo, sacrificial giving. Hindi naman lahat sa atin ganyan kalaki ang kinikita. Pero ibig sabihin ba, sasabihin natin, “Bahala na lang yung mga mayayaman sa giving.” No. All-member ministry ang pagbibigay. May bahagi ka. Hindi na dapat kami parang namamalimos at nagmamakaawa sa mga members para magbigay kayo. Yung mga taga-Macedonia, sila pa ang nagmamakaawa na wag silang pagkaitan ng pribilehiyo na makibahagi sa ministeryong ito. “Sila’y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat mahigpit nilang ipinakiusap sa amin (ESV, begging us earnestly) na sila’y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan” (2 Cor. 8:3-4).
Ikaapat, gospel-driven giving. Nagbibigay tayo nang sagana hindi parang investment mentality na ibabalik ito ng Diyos sa atin “siksik, liglig, at umaapaw,” tulad ng sabi ng ilan. Nagbibigay tayo nang sagana dahil sagana na ang ibinigay na biyaya sa atin ng Diyos. Kaya nga kapag sinabing hindi na tayo required na magbigay ng ten percent, hindi ibig sabihin nun na masaya ka na kung two percent lang ang ibibigay mo. Bakit? Hindi ba’t higit na pagpapala ang tinanggap natin under the new covenant? Ganito yung gospel motivation na sinabi ni Paul sa mga Corinthians, “Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha” (2 Cor. 8:9). Nagbibigay tayo hindi para maging mayaman, kundi dahil mayaman na tayo kay Cristo (Eph. 1:3; 1 Cor. 3:21-23).
III. Ang Pagbibigay bilang Ministry sa Church na Kinabibilangang Natin
Acts 2:44-45; 4:34-35; Gal. 6:10; Gal. 6:6; 1 Tim. 5:17-18; Phil. 4:17
Dahil sa gospel blessings na ‘yan, dapat rin nating makita—ito ang ikatlong punto—na ang pagbibigay ay bahagi ng ministry natin sa church na kinabibilangan natin. Kung ang church ay isang pamilya, tayo ay magkakapatid sa Panginoon, bakit natin ipagdadamot sa iba kung ano ang meron tayo? Ganito ang magandang halimbawa ng early church, “Nagsama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat” (Acts 2:44). Kung may nangangailangan, handa silang ipagbili pati yung mga gamit na meron sila para maitulong sa mga nangangailangan (Acts 2:45; 4:34-35). Hindi ibig sabihin na hindi na tayo tutulong sa mga hindi natin kapamilya sa pananampalataya. Natural, uunahin mong pakainin muna ang sarili mong mga anak, kaysa magbigay ka na agad ng ulam sa kapitbahay. Ganito ang sabi ni Paul na espesyal talaga ang pagtrato natin sa kasama nating members ng church, “Kaya’t habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na (especially!) sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya” (Gal. 6:10 AB).
At kasama dito ang pagbibigay sa mga pastor ng church. I know it can sound self-serving dahil pastor ako. At merong ibang pastor na nahihiya na magturo ng ganito sa church nila, at mag-iinvite na lang sila ng iba para magturo. Meron din namang iba, garapal naman at palaging ganito ang itinuturo. Pero sasabihin ko ito sa inyo hindi dahil isa ako sa directly na makikinabang dito. Totoo, pero sasabihin ko ito unang-una dahil ito ang itinuturo ng salita ng Diyos. “Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo” (Gal. 6:6). Heto pa, “Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran (ESV, double honor), lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, ‘Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito’y gumigiik.’ Nasusulat din, ‘Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa’” (1 Tim. 5:17-18). We are blessed dahil sa faithful giving n’yo ay sapat-sapat ang financial support na binibigay n’yo sa amin, at bukod dun ay merong iba sa inyo na talaga namang blessing us in so many ways. And we are thankful to that. And we want to encourage you na patuloy na i-bless ang mga ginagamit ni Lord para turuan at alagaan kayo. Hindi lang ito para sa amin. Ito rin ay para sa inyo. Kaya nagpapasalamat si Paul sa partnership sa kanya ng Philippian church. Sabi niya, “I am well supplied” (Phil. 4:18), dahil sa mga gifts nila sa kanya. Sabi pa niya, “Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob, kundi ang nais ko ay makatanggap kayo ng masaganang gantimpala” (v. 17).
IV. Ang Pagbibigay bilang Ministry sa mga Nangangailangan
1 Cor. 16:1-2; 2 Cor. 8:1-4; Gal. 2:10; Rom. 15:25-27; Matt. 5:16; 6:2-4
Totoong maraming mga pangangailangan sa loob ng church at sa mga church members. Pero hindi dapat na limitahan lang natin ang giving sa loob ng church. Ikaapat na dapat nating tandaan, ang pagbibigay ay ministry sa mga nangangailangan. Sa loob man ito o sa labas ng church. Meron din tayong ministry sa ibang mga churches in need. Yun ang dahilan kaya nangongolekta si Pablo ng offering sa mga churches sa Galatia at Corinth. Ito ay “ambagan para sa mga kapatid” (1 Cor. 16:1), particularly yung mga Christians na in great financial need sa Jerusalem. Ito yung “the favor of taking part in the relief of the saints” o “pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan” (2 Cor. 8:4). Ito namang pagtulong sa mga mahihirap ang gustung-gustong gawin ni Pablo at bahagi ng ministry niya (Gal. 2:10). Ayon sa sulat ni Pablo sa mga taga-Roma, “Ngunit sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon. Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem. Malugod nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal” (Rom. 15:25-27). Hindi lang mga members ng church natin ang bahagi ng pamilya ng Diyos. Higit na malaki ang pamilya ng Diyos at katawan ni Cristo, at kung makakatulong tayo sa kanila sa anumang paraan, bakit hindi natin gagawin?
Pero hindi lang mga kapatid natin sa Panginoon ang nangangailangan. Higit ang laki ng pangangailangan ng mga tao sa paligid natin na wala pa kay Cristo. Of course, ang main duty natin ay ang ibahagi ang mabuting balita sa kanila para sila rin ay maligtas. Pero kailangan din nating ipadama sa kanila ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng mabuting gawa tulad ng pagbibigay sa kanila ng anumang makakaya natin na makatutulong sa pangangailangan nila. Ang mga unbelievers naman nagbibigay din pero tayo iba ang motibo, not to focus attention to ourselves, kundi para ang Diyos ang maparangalan by our good works. “Let your light shine before others, so that they may see your good works and give glory to your Father who is in heaven” (Matt. 5:16). Kung maaari nga, huwag na nating ipangalandakan sa iba kung gaano tayo ka-generous, tulad ng pagpo-post sa social media. Bakit? Kasi hindi naman papuri ng tao ang hangad natin. Ang reward natin ay sa Diyos nagmumula (Matt. 6:2–4). Kapag nag-benefit ang ibang tao sa generosity natin, we give witness sa sufficiency ni Cristo sa atin, na hindi tayo sa pera kumakapit para sa kasiyahan at seguridad natin sa buhay. Ang kasapatan natin ay nakay Cristo.
V. Ang Pagbibigay bilang Ministry to the Nations
Rom. 15:20; 10:14-15; 3 John 5-8; Phil. 1:5; 4:15
We don’t underestimate the power of giving. Malayo ang mararating. Hindi lang ito sa loob ng church, hindi lang sa mga tao sa paligid natin. Napakalaki ng pangangailangan sa buong mundo. Kaya panglimang bagay na dapat nating tandaan: ang pagbibigay ay bahagi rin ng ministry natin to the nations, ibig sabihin, sa pagtupad ng Great Commission: “make disciples of all nations” (Matt. 28:19).
Ang iba sa atin ay tatawagin ng Diyos na dalhin ang gospel sa ibang bansa, o sa ibang lahi o kultura tulad ng mga Muslim na nasa Luzon o sa Mindanao. Pero ang iba sa atin na mananatili rito ay kasali pa rin sa misyong iyon kung susuportahan natin sila sa panalangin, encouragement at financial giving. Kaya priority natin na suportahan ang mga misyonero na ang hangarin ay katulad ni apostol Pablo: “Ang hangad ko’y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo” (Rom. 15:20). Susuportahan natin sila dahil kailangang marinig ng lahat ng lahi sa buong mundo ang mabuting balita ng pagliligtas ni Cristo. “Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo” (Rom. 10:14-15)? We send out our missionaries by sending our support din sa kanila. Ganito ang sabi ni John kay Gaius tungkol sa pagtulong sa mga misyonero, “Sana’y tulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat gawin sa mga lingkod ng Diyos, sapagkat naglalakbay sila sa pangalan ni Cristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong mula sa mga hindi sumasampalataya sa Diyos. Dapat natin silang tulungan upang tayo’y makabahagi sa kanilang gawain para sa katotohanan” (3 John 6-8). Kapag may bumisita sa atin na misyonero, may opportunity tayo na mag-minister sa kanila. O kaya ay mag-message tayo sa kanila at tanungin kung paano tayo makakatulong sa ministry nila.
Bukod sa mga misyonero, meron din namang mga ministries na ginagamit ng Panginoon to spread the gospel in many places. Tulad ng Treasuring Christ PH na ang misyon ay makapag-produce ng mga gospel-centered resources para sa mga churches sa Pilipinas. Tulad ng partnership in the gospel na meron ang Philippian church kay Pablo (Phil. 1:5; 4:15), we can also partner with gospel-focused ministries.
Conclusion: Patuloy sa Pagbibigay, ‘Wag Magsasaw
Gal. 6:9; 2 Thess. 3:13; 1 Cor. 15:58; 1 Thess. 2:19; Jas. 1:12; Rev. 2:10; 3:11
Ngayon, habang nakikinig ka sa mensaheng ito, at ang impression sa ‘yo ay ganito: “Naku, ang dami naman palang dapat bigyan. Sobrang laki pala ng need. Parang wala naman akong masyadong maitutulong diyan.” Well, totoo naman na overwhelming yung need. Malaki talaga. Marami pa ang hindi naabot ng gospel. Napakarami. Pero isipin din natin, napakaraming mga Kristiyano sa buong mundo, napakaraming mga churches, napakaraming pwedeng magtulung-tulong. I will encourage you na gawin mo lang ang bahagi mo. Be faithful sa giving sa church. Lalo na kung hindi mo naman alam kung saan o kanino pwedeng dalhin yung pera na ipinagkatiwala sa ‘yo ng Panginoon. You can give, sure, sa ibang missions and ministries, while prioritizing giving sa church. Or you can just give everything sa church natin, at suportahan yung budget natin, so we can release more funds kung saan kailangan. Just be faithful sa mga ipinagkatiwala sa ‘yo ng Panginoon.
Pahirap nang pahirap naman talaga ang panahon. Pataas nang pataas ang mga bilihin, samantalang yung kinikita ng karamihan sa atin ay hindi naman nakakasabay sa pagtaas ng mga gastusin. Pero sa halip na tingnan natin ang mga ito na hadlang para maging generous sa pagbibigay, dapat makita pa natin ito na opportunity na i-exercise ang faith na meron tayo. We give by faith. Na nagtitiwala tayo sa Diyos na gaano man karami ang maibigay natin sa iba, hindi tayo pagkukulangin ng Diyos sa mga pangangailangan natin sa araw-araw. Kaya patuloy lang tayo sa pagbibigay, hangga’t may maibibigay tayo, ‘wag tayong magsasawa. “Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti” (2 Thess. 3:13). Hindi mawawalan ng kabuluhan ang anumang ibinigay natin para sa pangalan ni Cristo. “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya” (1 Cor. 15:58). Walang sayang sa paglilingkod sa Panginoon. “Kaya’t huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko” (Gal. 6:9).
Aani. Merong reward. Ano yung reward? Hindi tulad ng ipinapangako ng mga bulaang tagapagturo ng prosperity gospel. Kapag nagbigay ka ng malaki, lalo na kung sa pastor ka magbibigay, you will experience financial breakthrough! Yan ay kasinungalingan na mula sa demonyo. Ang context ni Paul sa 1 Corinthians 15 ay yung pag-asa na meron tayo sa muling pagkabuhay sa pagbabalik ni Cristo. At sinabi ni Pablo kung ano ang reward na naghihintay sa kanya bakit ganun na lamang ibigay niya ang sarili niya sa pagmimisyon. Ano yun? “Hindi ba’t kayo ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya” (1 Thess. 2:19). Napakalaking kaligayahan at gantimpala na ang bunga ng mga ibinigay mo sa ministry ay yung mga taong nakarinig ng gospel, yung mga miyembro na na-encourage na magpatuloy sa pagsunod kay Cristo, yung mga Muslim na naging tagasunod ni Cristo, yung mga misyonero at pastor na lumakas ang loob dahil meron silang ka-partner sa ministry. That is really rewarding.
But more than that, infinitely more than that, merong “crown of life” na ipinangako ang Diyos sa atin (Jas. 1:12), yung “crown of life” na mapapasaatin na magtitiis at mananatiling tapat hanggang wakas (Rev. 2:10). Ano yung koronang iyon? Sabi ni Cristo, “Malapit na akong dumating. Kaya ipagpatuloy ninyo ang mabubuti ninyong gawa upang hindi maagaw ng kahit sino ang gantimpalang (literally, korona) inihanda para sa inyo” (Rev. 3:11). Ang buhay natin ay nakay Cristo. Ang buhay natin ay si Cristo. Jesus is our life. Jesus is our honor. Jesus is our crown. Jesus is our ultimate reward. Wala nang ibang mas higit na motivation ang kailangan ng puso natin para maudyukan tayo to give our all for the sake of Christ—wala nang hihigit pa kaysa kay Cristo na siyang nagbigay ng kanyang lahat-lahat para sa atin.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

