Noong sinabi ng unang chapter ng Bibliya na, “Kaya’t nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila’y kanyang nilalang na lalaki at babae” (Genesis 1:27 Ang Biblia 2001), ano ang punto niya rito? Ang layunin ng isang larawan ay maglarawan. Nililikha ang larawan para ipakita ang isang bagay tungkol sa orihinal. Ituro ang orihinal. Luwalhatiin ang orihinal. Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan upang mapuno ang sanlibutan ng mga kawangis niya. Mga larawan ng Diyos. Bilyon-bilyong mga estatwa ng Diyos. Para makita ng lahat ang layunin ng paglikha, ang layunin ng sangkatauhan—ang makilala, ibigin at ipakita ang Diyos.
Sinasabi ng mga anghel sa isa’t isa ang ganito: “Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat! Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian” (Isaias 6:3). Ang mundong ito ay punô ng mga larawan ng Diyos—may pagkasira man, pero meron ding taglay na kagandahan. Hindi lamang mga tao—kundi pati ang kalikasan! Bakit tayo naninirahan sa isang mundo na merong makapigil-hiningang kagandahan? Bakit sa isang napakalaking kalawakan? Nabasa ko minsan na higit na marami ang mga bituin sa kalawakan kaysa sa mga salita o tunog na nasabi ng tao sa lahat ng panahon. Bakit?
Malinaw na malinaw ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito: “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan” (Awit 19:1)! Maaaaring may magtanong, “Kung ang mundo lang ang tanging planeta na may tao at ang tao lang ang naninirahang may isip sa buong kalawakan, bakit kailangan ng napakalawak na kalawakan?” Ang sagot ay dahil hindi ito tungkol sa atin. Tungkol ito sa Diyos. At kulang ang mga salitang iyan. Nilikha tayo ng Diyos para makilala siya at mahalin siya at ipahayag siya. Tapos ay binigyan niya tayo ng mga pahiwatig kung ano siya. Ang pahiwatig ay ang kalawakan. Ipinapahayag ng kalawakan ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang dahilan na tayo’y nalikha ay para masaksihan at mamangha dito at luwalhatiin ang Diyos dahil dito.
Sa puntong ito, isinulat ni Pablo, “Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya’t wala na silang maidadahilan pa. Kahit na kilala nila ang Diyos, siya’y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man” (Roma 1:20–21). Ang napakasakit lang, samantalang nilikha ang tao para luwalhatiin ang Diyos, lahat tayo ay nagkulang sa layuning ito at “tinalikuran…ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila’y mga larawan ng mga taong may kamatayan” (Roma 1:23)—lalo na ang nakikita natin sa salamin. Iyan ang tinatawag nating kasalanan.
Kaya, bakit nilikha ng Diyos ang sanlibutan? Isinisigaw ng buong Bibliya, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan, katulad ng dumadagundong na kulog, ang katotohanan na nilikha ng Diyos ang daigdig para sa kanyang kaluwalhatian.
Nilikha ng Diyos ang daigdig “para siya’y luwalhatiin.” Hindi ibig sabihin na “para siya’y gawing maluwalhati.” Huwag nating gawin ang luwalhatiin na para bang pagandahin. Sa “pagandahin” para ka lang kumuha ng isang bakanteng kuwarto at pinaganda o inayusan mo ito. Hindi natin pagagandahin ang isang simpleng Diyos. Hindi iyan ang ibig sabihin ng pagluwalhati sa Diyos.
Noong nilikha ng Diyos ang daigdig, hindi niya ito nilikha dahil sa pangangailangan o kahinaan o kakulangan. Lumikha siya mula sa kanyang kapuspusan, kalakasan at kasapatan. Tulad ng sinabi ni Jonathan Edwards, “Kung ang isang bukal o fountain ay nag-uumapaw, hindi maaaring sabihin na ito ay dahil sa anumang kawalang-laman o kakulangan nito” (Yale: Works, Vol. 8, 448). Kaya, hindi natin luluwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kanyang kaluwalhatian, kundi sa pamamagitan ng pagtingin at paglasap at pagpapakita ng kanyang kaluwalhatian (na katulad ng pagkilala at pagmamahal at pagpapakita nito).
O tingnan natin ang salitang magnify (Filipos 1:20, “dadakilain si Cristo,” Ang Biblia 2001; “that Christ be magnified [megalunthesetai], ASV, KJV, NKJV). Nama-magnify ang kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng isang telescope, hindi ng isang microscope. Pinapalaki ng microscope ang tingin natin sa mga bagay na maliliit. Samantalang ang totoong hitsura ng napakalaki pero napakalayong mga bagay ay nakikita natin sa pamamagitan ng telescope. Ang buhay natin ay dapat maging telescope para sa kaluwalhatian ng Diyos. Nilikha tayo para makita ang kanyang kaluwalhatian, mamangha sa kanyang kaluwalhatian, at mamuhay para tulungan ang iba na makita at maranasan siya—kung sino at kung ano siya talaga.
Makilala, mahalin at ipahayag ang kaluwalhatian ng Diyos—ito ang dahilan kung bakit nilikha ang mundo. Kung naintindihan mo ang tamang kahulugan nito, maaapektuhan nito ang iyong iniisip at nararamdaman sa lahat ng bagay. Dahil ngayon, alam mo na kung bakit nalikha ang lahat ng bagay. Hindi mo alam ang lahat ng bagay—di mabilang ang mga bagay na di mo alam—pero alam mo ang isang napakahalagang bagay tungkol sa lahat ng bagay, dahil alam mo na nalikha ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya, kapag alam mo ang isang bagay na ito—na nalikha ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos—ay alam mo rin ang tunay na napakahalaga tungkol sa lahat ng bagay. Alam mo na kung para saang layunin nalikha ang lahat. At ‘yan ay kamangha-mangha.
*From Chapter 2, “The Glory of God,” in John Piper’s Astonished by God. Taglish translation forthcoming mid-2022. Translation by Dess Ventura.
Photo by Razvan Mirel on Unsplash
Thank you very much for all your articles emailed to me. I am blessed and I get to share with my cell members and all tagalog speaking friends. Bigay talaga ng Lord ang Treasuring Christ sa church and world! ☝️
On Fri, Mar 11, 2022, 11:37 AM Treasuring Christ PH, wrote:
> Derick Parfan posted: ” Noong sinabi ng unang chapter ng Bibliya na, > “Kaya’t nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa > larawan ng Diyos siya nilalang. Sila’y kanyang nilalang na lalaki at babae” > (Genesis 1:27 Ang Biblia 2001), ano ang punto niya rito? ” >
LikeLiked by 1 person