Tulad ng nakita na natin, ang gawain ng isang diyakono ay makikita nang maraming beses sa New Testament. Pero ang pinakamalinaw na larawan ng gawain ng isang diyakono ay posibleng galing sa Acts 6.
Habang patuloy na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng reklamo laban sa mga Hebreo ang mga Helenista. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 2 Kaya’t tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. 3 Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. 4 Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.”
5 Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya’t pinili nila si Esteban, isang lalaking lubos ang pananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. 6 Nang iharap sila sa mga apostol, sila’y ipinanalangin at pinatungan ng kamay.
7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumami ang mga alagad sa Jerusalem. At maraming paring Judio ang naniwala sa Magandang Balita.
Hindi binanggit dito ang posisyon ng pagiging diyakono, pero ang salitang diyakono ay ginamit bilang isang pandiwa (verb) para isalarawan kung ano ang gagawin ng pitong lalaki dito (isinalin na “serve” [ESV) / “mangasiwa” [MBB] / “maglingkod” [Ang Biblia] sa v. 2). At kahit na ang pitong lalaking itinalaga rito ay hindi opisyal na mga diyakono, ang talatang ito ay makatutulong pa rin sa atin para makita ang tatlong aspeto ng ministry ng isang deacon [14].
- Thanks to Pastor Buddy Gray who helped me to see these descriptions.
Care for the Physical Needs of the Church
Una, ang mga diyakono ay nangangalaga sa mga pisikal na pangangailangan sa church. Ang ilang mga biyuda ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain. Sinabi ko na na ang kahulugan ng salitang “deacon” ay ministro o lingkod, at partikular itong ginagamit sa mga table-waiters nung panahong iyon, o iba pang uri ng paglilingkod, karaniwan ay pisikal o pinansyal. Itinuring ng mga apostol ang ganitong paglilingkod na “waiting on tables” (CSB) o “serving tables” (ESV)—literally “deaconing tables.”
Malamang na hindi lahat ng gawain ng pagdidiyakono ay ginawa ng mga deacons sa Acts 6. Sa halip, malamang na itong kaunting bilang ng mga diyakono ang siyang nagsaayos at nangasiwa sa gawain ng iba pang mga miyembro ng church para matiyak na ang mga biyudang ito ay napangangalagaan. Malamang, kasi libu-libo ang bilang ng mga miyembro ng Jerusalem church.
Ang pangangalaga sa mga tao, lalo na ang ibang mga miyembro ng ating mga churches, ay mahalaga sa tatlong kadahilanan: 1) Natutugunan nito ang mga pisikal na pangangailangan at kapakanan nila; 2) natutugunan nito ang mga espirituwal na pangangailangan at kapakanan nila; 3) at nagsisilbi itong magandang patotoo sa mga taong hindi kabilang sa church. Tandaan mo ang mga salita ni Jesus: “Kung kayo’y may pagmamahal sa isa’t isa, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko” (John 13:35). Ang pisikal na pangangalaga na nakita sa Acts 6 ay nagpapatunay ng ganyang pag-ibig na tulad ni Kristo.
Work for Unity in the Body
Sa likod nitong unang layunin para sa mga taong nangangailangan, makikita rin natin sa Acts 6 ang isang mas malaking layunin para sa kabuuan ng church: gumagawa ang mga diyakono para sa pagkakaisa ng church bilang isang katawan.
Isaalang-alang natin ulit kung ano ang nakatalagang gawin ng pitong lalaking ito. Oo, kailangang gawin nilang patas ang pamamahagi ng pagkain sa mga biyuda. Pero bakit yun mahalaga? Dahil ang kapabayaang pisikal na yun ay nagdudulot ng espirituwal na di-pagkakaisa sa katawan. Pansinin mong ang talatang ito ay nagsimula sa ulat na merong mga nagrereklamo tungkol sa isang grupo sa church laban sa ibang grupo. At nakatawag ito ng pansin sa mga apostol. Hindi lang nila basta nireresolba ang isang benevolence ministry problem sa church. Gusto nilang mapigilan ang nasisimulang lamat o bitak sa pagkakaisa ng church, at sa isang mapanganib na partikular na paraan: kaugnay ng traditional na pagkakabahagi na may kinalaman sa lahi (ethnic lines of division). Itinalaga ang mga diyakono para masolusyunan ang nasisimulang pagkasira sa pagkakaisa ng church.
Sa totoo lang, ito ang layunin para sa lahat ng kaloob na ibinigay ng Espiritu ng Diyos sa kanyang church—para patatagin, palakasin, at patibayin ang bawat isa (halimbawa, Rom. 1:11–12). Sinabi ni Paul sa mga Corinthians na ang kanilang mga kaloob ay dapat gamitin “para sa ikabubuti ng lahat” (1 Cor. 12:4–7, 12). Muli niya silang sinabihan, “Yamang naghahangad kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpatibay sa iglesya” (14:12). Pagkatapos idinagdag pa niya, “gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya” (14:26). Sa comment ni John Calvin sa chapter 14, ganito ang sinabi niya, “Kung lalong inaalala ng isang tao na ilaan ang kanyang sarili sa ikatitibay ng iba, lalo siyang mas dapat parangalan.” Kaya nga inutos ni Peter, “Bilang mabubuting katiwala ng iba’t ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo” (1 Pet. 4:10). Sa gayunding paraan, ang ministry ng mga diyakono sa Acts 6 ay para sa ikatitibay ng katawan sa pamamagitan ng paggawa para sa pagkakaisa.
Heto ang isang application para sa mga churches natin: Hindi mo gugustuhing maglingkod bilang mga diyakono ang mga taong hindi masaya sa inyong church. Ang mga diyakono ay hindi dapat sila na mga maingay kung magreklamo o nakakagambala sa church sa pamamagitan ng mga kinikilos at inuugali nila. Kabaligtaran dapat! Ang mga diyakono ang dapat na mga mufflers o shock absorbers.
Heto pa ang isang application: Hindi mo gugustuhing maglingkod bilang mga diyakono ang mga taong makitid ang pag-iisip o iilang tao lang ang iniisip, o yung mga taong naiinis agad kapag may nakikialam sa area of ministry nila. Mas gugustuhin mo ang mga taong may pakialam sa buong church, at hindi lang dun sa kanilang area of ministry o sa mga gusto nilang malayang gawin sa bahaging yun. Oo, sinisikap nilang tugunan ang mga pangangailangan sa area of ministry nila, pero ginagawa nila alang-alang sa kabuuan, at sa paraang nakapag-aambag sa kalusugan ng kabuuan. Hindi nila isinusulong ang mga gusto nila na para bang mga lobbyists na walang pakialam kung ano ang magiging kabigatang dulot nito sa iba. Sa katunayan, tinutulungan nila ang mga taong kasama nila sa gawain na makita ang gawain nila na may bahagi sa pagkakaisa at ikatitibay ng kabuuan.
Ang mga diyakono ay tumutulong na bigkisin ang church sa pamamagitan ng tali ng kabaitan at mapagmamahal na paglilingkod. Sila ay maituturing na church builders.
Support the Ministry of the Word
Ikatlo, ang pitong lalaking itinalaga sa Acts 6 ay gumawa para suportahan ang ministry ng pangangaral ng Salita ng Diyos. Kinilala ng mga apostol na ang pangangalaga sa mga pisikal na pangangailangan ay responsibilidad ng buong church. Kaya nga, sa isang banda, responsibilidad din nila ito. Pero ipinaubaya nila ang tungkuling ito sa ibang grupo sa loob ng church para mas maasikaso nilang mabuti ang ministry ng pagtuturo ng Salita ng Diyos at pananalangin.
Ang mga diyakono ay mga lingkod na naglilingkod sa church bilang isang kabuuan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tungkuling hindi na magagawa ng mga pangunahing tagapagturo. At sa pamamagitan nun, sinusuportahan nila at ine-encourage ang mga tagapagturo ng Salita ng Diyos sa kanilang ministry.
Isa pang application: hindi mo gugustuhing mag-nominate ng mga diyakono na hindi kinikilala ang kalahagahan ng ministry ng preaching at teaching. Mas gugustuhin mo yung mga taong inaalala kung paano ito iingatan. Mas mainam kung ang mga maglilingkod bilang mga diyakono ay yung mga taong pinaka-supportive sa church. Kaya kung naghahanap ka kung sino ang maaaring maglingkod bilang isang diyakono, hanapin mo yung mga taong merong gifts of encouragement.
Sa church namin sa Washington, D.C., kinikilala namin ang mga deacons namin hindi bilang isang deliberative body, kundi bilang mga taong nagko-coordinate ng mga specific ministries na kailangan sa church. Walang makikita sa New Testament na nagpapanukala ng dalawang deliberative bodies, at kung merong ganyan sa isang church ay maaaring magdulot ito ng maraming mga practical difficulties. Sa halip, meron kaming isang diyakono na nangangasiwa ng aming ministry of hospitality; yung isa ay nagco-coordinate ng ministry namin sa pamamagitan ng website; yung isa ang may hawak ng aming sound system; yung isa ay sa parking, at marami pang iba. Sa oras na isinusulat ko ito, meron kaming dalawampu’t dalawang magkakaibang deacons na naglilingkod sa mga posisyong nakalaan sa kanila (diaconal positions).
Regular naming tinatanggal ang mga posisyon na hindi na kailangan ng coordination, o hinahati namin sa dalawa o tatlong posisyon ang mga ministeryong lumalaki, tulad ng ginawa namin sa mga deacons ng childcare at sound system. Kapag merong bagong pangangailangan o ministry opportunity sa church, gumagawa kami ng bagong diaconal position para matugunan ang pangangailangang iyon. Tingnan ang appendix para sa ilang samples ng iba’t ibang deacon job descriptions na ginagamit sa church namin.
Umaasa rin kami na itong mga deacons na ‘to ang ilan sa mga mangunguna para ma-utilize ang mga human resources ng church. Isa sa mga layunin nila ay sikaping makilala ang buong church upang sila ay makagawa para ma-coordinate ang iba para maisulong ang kabuuang ministry ng church. Itong ganitong paglilingkod na ginagawa nila para sa amin ay hindi madali at kailangan ng sakripisyo. Kailangan nilang ituring ang kanilang pagiging diyakono na kanilang pangunahing ministry sa church habang sila ay naglilingkod sa posisyong iyon. Pero napakalaking blessing sila para sa church habang gumagawa sila para matulungan din ang ibang mga kapatid na ma-develop yung kanilang mga puso para sa paglilingkod! Sa mga ginagawa nila, pati yung kanilang creativity, nagiging blessing sila sa church namin kahit hanggang sa panahong wala na sila sa posisyong iyon.
Bilang summary, itinuturo sa atin ng New Testament ang tatlong aspeto ng ministry ng deacon na tiningnan natin sa Acts 6—pangangalaga sa mga pisikal na pangangailangan na naglalayong pagkaisahin ang church sa ilalim ng mga naglilingkod sa pamamagitan ng pagtuturo ng Salita ng Diyos. Sila dapat ay encouragers, peacemakers, at servants. Sa church namin, ang mga elders ay nagno-nominate ng deacon kapag kinakailangan at naghahanap sila ng isang lalaki o isang babae na kakikitaan ng mga katangiang ito. Pagkatapos, ang kongregasyon ay bumoboto para kumpirmahin ang mga nominations na ‘to. Tulad ng sabi ni Dietrich Bonhoeffer, “Hindi mga mahuhusay at matatalino ang kailangan ng church kundi mga tapat na lingkod ni Jesus at ng kapatiran.”[15]
- Bonhoeffer, Life Together: The Classic Exploration of Christian in Community (New York: Harper & Row, 1954), 109.
[Ito ay hango sa Chapter 2: “What Do Deacons Do?” ng Understanding Church Leadership na isinulat ni Mark Dever.]