True saving faith is child-like faith. “Sapagkat ang mga katulad [ng mga bata] ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos,” sabi ni Jesus (Marcos 10:14).
Bakit tulad ng isang bata ang pananampalatayang makapagdadala sa atin sa kaharian ng Diyos? Ang isang bata, lalo na ang mga sanggol, ay hindi sa sarili nila nagtitiwala. Hindi nila kayang magtrabaho para mapakain ang sarili nila. Hindi nila kayang proteksiyunan ang sarili nila. Hindi nila kayang mabuhay mag-isa. Kailangan nila ng tatay at nanay.
Ang pananampalataya kay Jesus ay pagkilala na sa sarili natin hindi tayo mabubuhay, hindi tayo maliligtas, wala tayong patutunguhan. Kailangan natin si Jesus. Ang buong buhay natin ay ipagkakatiwala natin kay Jesus.
Maihahalintulad ito sa isang pangyayari sa buhay ni Charles Blondin, 150 taon na ang nakararaan (salin mula sa http://discipleship.org/jesus/).
Si Charles Blondin ay sobrang namamangha sa Niagara Falls. Dahil doon, pinasya niyang tawirin iyon sa pamamagitan ng isang lubid. Kaya gumawa siya ng lubid na 335 metro ang haba, 50 metro ang taas sa Niagara Falls, at sinabi niyang tatawid siya sa magkabilang-dulo nito. Marami na siyang mga fans. Kaya 100,000 katao ang pumunta para panoorin siyang tumawid sa Niagara Falls, dahan-dahan, bawat hakbang. Nararamdaman mo na ba ang drama kung panonoorin mo ‘to?
Buhay at kamatayan ang nakasalalay dito. Walang sasalo sa kanya kapag nahulog siya. Sa unang pagtatangka pa lang niya, nakatawid siya. Maraming nanonood at nagpipicture pa, kaya ginawa niya ulit. Ngayon naman may dala siyang camera at kinukuhanan pa ng litrato ang mga tao habang sila din ay ganoon ang ginagawa sa kanya. Inulit pa niya at may dala namang upuan. Pagkatapos, inulit niya at may dala namang kartilya (wheelbarrow). Nagsisigagawan na sa tuwa ang mga tao.
Pagbalik niya dala ang kartilya, hinarap niya ang mga tao at tinanong, “Naniniwala ba kayong kaya kong gawin ‘to?” Siyempre naman, lahat sila naniniwala. Tapos tinanong niya sila, “Ngayon, sino ang sasakay sa kartilyang ito?” Tapos, tumahimik na lahat. Lahat sa 100,000 tao ay tahimik lang…maliban na lang sa isang lalaking ang pangalan ay Harry Colcord, na nakakakilala sa kanya. Dati na siyang nagtrabaho para sa kanya. Sumakay siya sa kartilya…dahan-dahan…bawat hakbang. Na-iimagine mo ba? Nakarating sila sa dulo!
Nagsigawan na naman sa tuwa ang mga tao, pero di naman sila sumakay sa kartilya. Lahat pumapalakpak kay Charles Blondin, pero isang tao lang ang may sapat na tiwala sa kanya para itawid siya sa lubid.
Hindi humarap si Jesus sa mga tao at sinabing, “Hangaan n’yo ako.” Ang sabi niya, “Sumunod kayo sa akin.” Sinabi niya, “Kung sinuman ang gustong maging tagasunod ko, itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin” (Marcos 8:34).
“Sumakay ka sa kartilya at hayaan mong dalhin kita sa kabilang dulo.”
Linawin natin ang pinag-uusapan natin. Masasabi ba sa iyo na ikaw ay tunay na tagasunod ni Jesus (disciple)? Ang mga tunay na “disciples” ay sumusunod kay Jesus, ang buhay nila ay umiikot kay Jesus at binabago ni Jesus, at tapat nilang ibinibigay ang kanilang buhay para sa misyon ni Jesus (Mateo 4:19).
Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang paniniwala sa magagawa ng isang tao. Ito ay pagtitiwala na umaabot sa punto na maging ang buong buhay mo ay ipagkakatiwala mo sa kanya. Ito ang panawagan ni Jesus.
***Taken from Following Jesus (Tagalog ebook)