The Gospel and Godliness (Titus 1:1-4)

cover5Mula ngayon hanggang sa June, pag-aaralan natin ang sulat ni Apostle Paul kay Pastor Titus ng Crete Grace Community Church sa Greece, mid-60s AD. Maikling sulat, pero hitik na hitik sa gospel. Kaya nga ang title ng series natin ay Good News, Good Work. Merong Mabuting Balita, at ito ay tungkol kay Cristo at sa kanyang mabuting ginawa para sa ating kaligtasan. At meron itong kinalaman sa mabuting gawa. Konektado yan. Hindi pwedeng paghiwalayin.

Paulit-ulit ditong binabanggit ni Paul ang tungkol sa gospel at grace, tungkol sa ginawa ni Cristo para sa atin. Mahalaga kasi yun na maunawaan natin at laging alalahanin. Madalas niya ring binanggit ang tungkol sa good works at godliness. Mahalaga din naman kasi yun. Pero mahalagang maintindihan natin kung ano ang relasyon ng dalawang ito. Merong tatlong pagkakamali tungkol sa relasyon ng “grace” at “good works”:

  1. Salvation by works: “Grace Not Necessary” – Lahat ng ibang relihiyon sa buong mundo ito ang pinaniniwalaan. Na may kakayahan ang tao na gumawa ng mabuti at kung makagawa siya ng sapat na kabutihan ay mapupunta siya sa langit at matatanggap siya ng Diyos. Pero ang tanong, meron ba tayong sapat na kabutihan na maiaalay sa Diyos para tayo’y tanggapin niya? Wala! Yun ang gustong ipaalala ni Pablo, kasi nanggaling sila sa ganyang klaseng relihiyon.”He saved us, not because of works done by us in righteousness” (3:5). Hindi natin kayang iligtas ang sarili natin. Ang Diyos ang nagligtas sa atin, dahil lang sa biyaya at habag niya sa atin (Eph. 2:8-9).
  2. Legalism: “Grace Plus Good Works.” Maraming Christians naniniwala naman na kailangan talaga natin ang biyaya ng Diyos, that salvation is undeserved goodness ng Diyos sa atin, na kailangan natin ang gawa ni Jesus sa krus para mabayaran ang kasalanan natin. Pero nagiging legalists tayo kapag sinasabi nating kailangan nating dagdagan ang ginawa niya para malubos ang pagtanggap at pagpapatawad at pagpapala sa atin ng Diyos. As if the grace of God is not enough. Itong mga Christians sa Crete, naimpluwensiyahan din ng mga maling paniniwala ng mga Judio na nakabatay lang naman sa tradisyon ng tao (1:14). Ito yung mga tinatawag na mga Judaizers or “circumcision party” (1:10), na itinuturo sa mga Gentiles or non-Jews na kailangan din silang patuli (sign ng covenant ng Diyos kay Abraham) at sumunod sa mga kautusan ni Moises para malubos ang kanilang kaligtasan. We are saved by grace alone!
  3. Licentiousness: “Good Works Not Necessary” – Dulot naman ito ng maling pag-iisip tungkol sa biyaya ng Diyos. Sasabihin ng iba, “Kung ganoon pala, hindi na natin kailangang gumawa ng mabuti, okay lang kahit magkasala tayo nang magkasala” (see Rom. 6:1-2). Ito yung mga taong ginagawang lisensya ang biyaya ng Diyos para magpakasasa sa sariling nilang nasa. Problema din ito ng mga false teachers sa Crete na gusto ni Paul na iconfront ni Titus, “They profess to know God, but they deny him by their works” (1:16). Hindi kasi nakikita sa buhay nila ang ebidensiyang sila talaga ay kumikilala sa Diyos at nakaranas ng kanyang biyaya.

Nagtuturo ako ng Expository Preaching sa seminary. I emphasize na kung magpipreach sila na tiyakin nilang magiging focus nila at sentro ng kanilang pagtuturo ay ang biyaya ng Diyos kay Cristo. Focus on Christ. Focus on grace. Meron akong isang student na ang concern ay ganito: “Sir, di ba dangerous yan, risky, kasi baka abusuhin nila at isipin nilang di na nila kailangang gumawa ng mabuti at sumunod sa mga utos ng Diyos?” Emphasizing grace is not the problem; misunderstanding the gospel of grace is the problem. At kung naiiintindihan man natin, there are still parts of our hearts na hindi naniniwala sa biyaya ng Diyos.

The solution is to go deeper into the gospel. Dahil hangga’t lumalalim ang pagkakaugat natin sa Magandang Balita ni Cristo, lalo itong mamumunga ng kabanalan at mabubuting gawa sa buhay natin. At kapag walang bunga, walang mabuting gawa, walang kabanalan, ibig sabihin di naman talaga naranasan ang biyaya ng Diyos. When the gospel is present in the heart, there is transformation. Hindi pwedeng wala. Ang bunga ng Mabuting Balita sa buhay ng isang mananampalataya ay ang pagtalikod sa masasamang gawa patungo sa mabubuting gawa. True godliness is gospel-driven. Good works are grace-driven.

Gospel Identity

Sa pagpapakilala pa lang niya sa Titus 1:1, malaking ebidensya na ng kapangyarihan ng biyaya ng Diyos na bumago sa isang tao. “Paul…” Pero dati ang pangalan niya ay Saul. Isa siya sa mga Pariseong pinuno ng relihiyon ng mga Judio. Inusig niya noon ang mga Christians. Ipinapakulong, ipinapapatay. Very religious siya at passionate sa kanyang relihiyon. Akala niya yung zeal niya na yun ang paraan para mas maging katanggap-tanggap siya sa Diyos. Pero nagpakita sa kanya ang biyaya ng Panginoon. Naawa sa kanya ang Panginoon. Binuksan ang mata niya para makita niya ang malaki niyang pagkukulang sa Diyos, para makita niya ang laki ng pangangailangan niya sa pagliligtas ni Cristo. Grace meets Paul. At ito rin ang bumago sa kanyang pagkatao. Sabi niya, “By the grace of God I am what I am” (1 Cor. 15:10). Dahil kay Cristo, dahil sa ginawa ni Cristo, dahil sa buhay ni Cristo, dahil sa kamatayan ni Cristo, nagbago ang lahat para kay Pablo. “I have been crucified with Christ. It is no longer I who live, but Christ who lives in me…” (Gal. 2:20).

Simula noon, naging adik na siya sa Mabuting Balita ni Cristo. Gospel addict, kumbaga. Kaya naman sumulat siya kay Titus (v. 4). Gusto ni Paul maging gospel addict din si Titus. Ang ikli ng sulat niya kay Titus, pero full-packed ng mga reminders tungkol sa gospel. Paul was not just exhorting him to do his responsibilities as pastor. Paul was taking him deeper into the gospel. Dito nga sa verses 1-3, nagpapakilala pa lang siya ang haba-haba na ng introduction kahit maikli lang naman ang sulat niya. Kasi sa simula pa lang hindi na niya mapigilang ipaalala kay Titus ang mga gospel realities na may kapangyarihang humubog sa kanya at bumago sa kanyang buhay at ministeryo.

Paano niya ipinakilala ang sarili niya? Verse 1, “Paul, a servant of God and an apostle of Jesus Christ…” Meron na siyang bagong identity. Hindi na siya si Saul. Iba na ang pangalan niya, iba na ang identity niya. At hindi ito nakabatay sa position niya sa ministry, hindi nakabatay sa laki ng income niya, hindi nakabatay sa mga accomplishments niya. His identity is anchored in his relationship with God through Jesus Christ.

A slave of God. Sa ESV, servant. Weak translation ito. Pati ang “lingkod” sa MBB o ASD. Dapat “alipin” tulad ng sa Ang Biblia (2008) at “slave” sa HCSB. Galing ito sa Greek na doulos. Ibig sabihin, nakatali siya sa Diyos. Ang Diyos ang Panginoon niya, Master, at siyang may-ari ng buhay niya. Submission to the will of God ang emphasis dito. Sa ibang mga sulat niya ang pakilala niya “slave of Jesus Christ.” Dito “slave of God.” Siguro gusto niyang ipakita na nanggaling siya sa long line of prophets simula pa sa Old Testament, tulad nila Moses, Elijah at iba pa na itinuturing ding mga slaves of God. Ang pagiging “slave of God” ay identity hindi lang ng mga tila “bigating” mga lingkod ng Diyos. If you are in Christ, you are God’s slave. Pag-aari tayo ng Diyos. Hindi na tayo alipin ng kasalanan. Alipin na tayo ng Diyos. Para sa kabanalan, para sa katuwiran, para sa pagsunod sa kanyang kalooban.

An apostle of Jesus Christ. Kung ang pagiging “slave” ay humbling, ito namang pagiging apostol ni Pablo ay nagpapakita kung anong authority meron siya. Siya ay messenger, siya ay isinugo ni Cristo. Ang authority na meron siya ay ang authority ng Panginoong Jesus. He’s an ambassador. He represents Jesus. He speaks for Jesus. Kung di ka makinig sa kanya, di ka nakikinig kay Jesus. Kung di mo pinaniwalaan ang mensaheng dala niya, si Jesus ang di mo pinaniniwalaan. Hindi nga tayo apostol tulad ni Pablo, pero lahat ng mga tagasunod ni Cristo ay isinugo din niya para ipahayag ang Magandang Balita sa lahat ng tao (John 20:21; Acts 1:8). Everyday, we represent Jesus sa lahat ng mga taong ipinaligid niya sa atin.Slave of God. Apostle of Jesus. Ang kanyang buong buhay at ministeryo ay nakatali sa relasyon niya sa Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Ang kanyang identity ay biyaya ng Diyos. Hindi niya pinagtrabahuhan. Binigay ng Diyos. Pinili siya ng Diyos. Because of his grace. Naglilingkod siya sa Panginoon, gumagawa ng mabuti, hindi para makamit ang biyaya ng Diyos. Kundi dahil tinanggap na niya ang biyayang iyon.

God’s elect. Hindi lang si Pablo ang pinili ayon sa biyaya ng Diyos. Tayo ring lahat na nakay Cristo. Sabi ni Paul na ang ministry niya ay “for the sake of the faith of God’s elect…” (1:1). Chosen by grace. Kasama si Titus. Kasama ang mga Christians sa Crete. Tayo ring lahat na nakay Cristo. Bago pa likhain ang mundo, pinili na niya tayong maligtas (Eph. 1:4). Anong layunin niya sa pagpili sa atin? “That we should be holy and blameless before him.” We are chosen in Christ. By his grace, and for godliness.

Ganito ba ang pagtingin natin sa sarili natin? Aliping pag-aari ng Diyos. Isinugo para kumatawan kay Cristo. Pinili dahil sa biyaya ng Diyos. Kung titingnan ang profile o status mo sa Facebook, kung makikipagkilala ka sa ibang tao, paano mo gustong makilala ang sarili mo? Base ba sa posisyon mo sa trabaho o ministeryo? Base sa mga accomplishments mo? Sa mga lugar na nararating mo? Sa mga materyal na bagay na nabibili mo? Sa mga taong malapit at nakapaligid sa iyo?

Mahalagang mga tanong iyan na dapat mong sagutin. Kasi kung ano ang identity mo, o tingin mo sa sarili mo, iyon ang magdidikta kung ano ang misyon mo sa buhay, kung ano ang pagpupursigihan mong trabahuhin. Kung nakakabit sa pera ang identity mo, gagawa ka nang gagawa para magpakayaman. Kung sa itsura mo o hubog ng katawan mo nakakabit ang identity mo, gagawa ka nang gagawa para gumanda. Pero kung ang identity mo ay nakatali sa Magandang Balita ni Cristo, gagawa ka nang gagawa para maipakilala siya sa ibang tao.

Gospel Ministry: Transformation as the Goal

Yan ang ministeryo ni Pablo. Verse 1-2, “…for the sake of the faith of God’s elect and their knowledge of the truth, which accords with godliness, in hope of eternal life…” Paul’s ministry is gospel ministry. Ito yung “truth” o “katotohanan” na tinutukoy niya dito. Ang katotohanan tungkol kay Cristo, ang Magandang Balita na nakasulat sa Salita ng Diyos. Meron siyang ministry sa mga tao. Ano ang goals niya sa ministry?

To know the gospel. “…their knowledge of the truth…” Sa mga hindi pa nakakakilala kay Cristo, para ipakilala si Cristo sa kanila. Sa mga nakakakilala na, para mas lalo pa nilang makilala. Walang mangyayaring pagbabago sa buhay ng isang tao – tunay na pagbabago – hangga’t di niya kilala si Cristo.

To believe the gospel. “…for the sake of the faith of God’s elect…” Ang narinig paniwalaan, panghawakan, ituring na totoo. Kahit Christians na tayo, we need to hear the gospel everyday, kailangang ibaon sa puso natin hanggang magbunga. Sabi nga ng isang author, meron pang mga “unevangelized territories” sa puso natin.

To be transformed by the gospel. “…their knowledge of the truth that leads to godliness” (1:1 NIV). Mabuting Balita at mabuting gawa. Magkakabit, magkaugnay iyan. Hindi pwedeng paghiwalayin. Parang Siamese twins, delikado kung paghihiwalayin. Buhay at kamatayan ang nakasalalay. Parang joint account sa bangko. Kapag Derick or Jodi, pwede isa lang sa amin ang may pirma para makawithdraw. Kapag and/or, ganun din. Kapag “and” – kailangang parehong may pirma. Hindi pwedeng isa lang. Hindi tayo naligtas sa mabuting gawa, iniligtas tayo dahil sa biyaya ng Diyos para sa mabuting gawa (Eph. 2:8-10). Sa mga susunod na bahagi ng Titus makikita natin yan kung paano sa relasyon natin sa pamilya, sa loob ng church, at sa mga tao sa mundong ito (Tit. 2:1, 5, 9-10; 3:8).

Malinaw kay Pablo kung ano ang misyon niya sa buhay, kung para saan niya ginagawa ang mga ginagawa niya. Sa ‘yo, malinaw ba? Bakit ka nagtatrabaho? Bakit ka nagpapamilya? Bakit ka nagmiministeryo sa iglesia? Siguro naeenjoy mo ang trabaho mo o ang makasama ang pamilya mo, o ang magturo ng Bibliya, o ang magpakanta, o ang dumalo sa mga pagtitipon. Pero tandaan mong hindi yan ang goal natin. Our goal, our mission is to “make disciples.” Na tulungan ang ibang tao (Cristiano na o hindi pa) na “mas makilala si Jesus” (knowledge of the truth), “magtiwala kay Jesus” (faith), at “sumunod kay Jesus” (godliness).

If your identity is anchored in the gospel, your life mission will also be for the sake of the gospel.

Hindi madali ang magpatuloy sa paggawa ng mabuti, sa pag-involve sa ministry of sharing the gospel. Minsan kapag naaalala natin ang mga kasalanang nagawa natin, mga sugat sa puso natin, mga struggles pa rin natin sa kasalanan, we feel discouraged. O kung pinaglalaanan mo man ng oras at lakas ang ibang tao para idisciple, tapos wala ka namang nakikitang progress, nakakadiscouraged in. Ako din nadidiscouraged kapag may mga panahong di ko nakikita na narerealize ang vision na binigay ng Diyos para sa church. Kung titingin tayo sa sarili natin, o sa ibang tao, madidiscouraged talaga tayo. Nasaan ba dapat ang confidence natin sa ministry?

Gospel Certainty

Ang katiyakan ni Pablo sa ministeryo ay nasa Diyos na nagbigay ng Mabuting Balita. Ito rin ang gusto niyang maging source of security ni Tito at ng mga taga-Crete. “…in hope of eternal life, which God, who never lies, promised before the ages began and at the proper time manifested in his word…” (1:2-3).

Hope of Eternal Life. Hindi pa tapos ang Kuwento. We are still waiting for the end. Lahat tayo na nakay Cristo ay bahagi ng magandang Kuwentong ito. Hindi ito wishful thinking, o “sana mangyari.” Siguradong mangyayari. Tayo at ang mga dinidisciple natin, ang mga pinili ng Diyos, ay tiyak na tatanggap ng buhay na walang hanggan.

Truthfulness of God. Sigurado tayo, hindi dahil sa sarili nating gawa. Nakasalalay ito sa karakter ng Diyos na hindi nagsisinungaling. Nangako siya tutuparin niya. Nangako siya kay Abraham, kay Moises, sa mga Israelitang bihag sa Egipto, kay David, kay Solomon, sa mga Judiong itinapon sa Babylon. Tinupad niyang lahat. Katunayan nga, bago pa ang panahon o kasaysayan, bago pa likhain sina Adan at Eba, nangako na ang Diyos. “Before the ages began…” Nakaplano na lahat, simula’t simula pa, sa isip ng Diyos. Ang Ama, Anak, Espiritu – from eternity past – nagkasundo nang magtutulung-tulong para iligtas tayong mga pinili niya.

The Cross of Christ. “…and at the proper time manifested in his word.” Takdang panahon. Kairos! Mula sa pangako ng Diyos sa Old Testament, pati ang mga rituals, mga kuwento, at mga propesiya, lahat tungo sa pagdating ni Jesus. Kay Jesus ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos. Namuhay siya nang matuwid, namatay para bayaran ang kasalanan natin, nabuhay na muli para bigyang katiyakan na tayo rin ay muling bubuhayin. Ibinigay na nga ng Diyos si Jesus, paano pang hindi niya ibibigay ang biyayang kailangan natin para matapos ang sinimulan niyang mabuting gawa sa atin (Rom. 8:32; Phil. 1:6).

Wag kang tumingin sa mga masasamang nagagawa mo, sa mga kahinaan mo, sa masasamang nagagawa ng iba at sa mga kahinaan nila. Wag kang tumingin sa resulta ng ministeryo mo. Kahit gaano kabuti ang mga ginawa mong bagay, hindi yan ang titingnan mo. Tumingin ka sa Diyos at sa katotohanan ng Mabuting Balita ni Cristo. Yan ang kumpiyansa natin. The gospel is the power of God for salvation (Rom. 1:16).

Gospel Ministry: Preaching as Means

Kanina nagfocus tayo sa goal ng ministry – ang magkaroon ng bunga ng mabuting gawa sa buhay ng isang mananampalataya. At ang kumpiyansa natin ay nasa gawa ng Diyos. Pero hindi ibig sabihing wala tayong gagawin. Itinakda ng Diyos na ang paraan para matupad ang layunin niya ay sa pamamagitan ng pangangaral ng Mabuting Balita.

Tulad ni Pablo, “…through the preaching with which I have been entrusted by the command of God our Savior” (1:3). Ang kumpiyansa sa gawa ng Diyos ang magbibigay sa atin ng kasigasigan, ng passionate commitment, na ipangaral si Cristo. Hindi lang ito sa pulpito. Kundi sa tuwing ipinapahayag natin ang gawa ni Cristo sa iba – Christian man o hindi – we become gospel preachers.

Ito ay mandato sa ating lahat. “Entrusted by the command of God our Savior.” Merong Great Commission sa ating lahat, “Go and make disciples…” (Matt. 28:19). Maging ang utos na ito ay biyaya ng Diyos sa atin. Sa atin na mahina, di karapat-dapat, madalas magduda sa kanya, madalas sumuway sa kanya – binigyan tayo ng napakalaking pribilehiyo para maging bahagi ng pagliligtas na ginagawa ng Diyos sa mga taong pinili niya mula sa iba’t ibang lahi sa buong mundo. When you’re preaching the gospel, you are not doing God a favor. You are experiencing his grace. Dahil ang mabuting gawa mo ay resulta rin naman ng kanyang mabuting gawa sa buhay mo.

Binigyan ka ng Diyos ng oras, ng trabaho, ng pamilya, ng talento, ng mga kasama sa church, ng access sa Facebook, ng cellphone – lahat biyaya ng Diyos – gamitin mo sa pangangaral ng Magandang Balita sa iba.

Gospel Community

Kung ang buhay natin ay nakatali sa Magandang Balita ni Cristo, ito rin ang magbubuklod sa relasyon natin sa isa’t isa bilang pamilya ng Diyos o grace community. Tulad ni Pablo kay Tito,

“To Titus, my true child in a common faith…” (1:4). Di natin alam kung paanong si Tito, na isang Griyego, ay nakakilala kay Cristo. Maaaring si Paul ang nagshare ng gospel sa kanya. Tawag niya kay Tito, “my true child.” Ganito rin naman ang turing niya kay Timoteo (1 Tim. 1:1), na nakilala niya na isang mananampalataya na. Si Paul man o hindi ang nagshare ng gospel sa kanya, makikita natin ang parental love and responsibility niya kay Titus. Sa mga paglalakbay niya, sinasama niya si Titus, sinasanay sa mabuting gawa, at talaga namang naging kapaki-pakinabang sa kanya (ayon sa 2 Cor. 7:6, 13-14; 8:6, 16). Kaya tinawag siya ni Paul na “my partner and fellow worker for your benefit” (2 Cor. 8:23).

Bagaman anak ang turing niya kay Tito, hindi niya ipinapalagay ang sarili niya na nakatataas. This is the essence of true gospel community. Sabi niya, “my true child in a common faith.” Koinos, pareho, katulad, ito ang nagbubuklod sa kanila. Hindi ibig sabihing same ang maturity of faith nila. Ibig sabihin, pareho ang object of faith nila, walang iba kundi si Cristo. Bilang magkakapatid sa Panginoon, ito ang nagbubuklod sa relasyon natin sa isa’t isa – ang paniniwala natin sa Magandang Balita ni Cristo.

Yan nga ba? O mas gusto mo lang makipagrelate sa ka-edad mo? Kapag nabalitaan mong puro matatanda ang nasa isang GraceComm, ayaw mo nang umattend? O parehong interes? Na palagi ka lang naglalaan ng oras sa mga mahilig din sa basketball o kapareho mo ng hobby. O economic status? Na gusto mo lang nakakasama ay kapareho mong mayaman o maykaya? Tandaan mo, ang nagbubuklod sa iglesiang ito ay si Cristo. Di na isyu kung ano ang edad mo, gaano karami ang pera mo, educational attainment mo o tagal mo sa Christian life.

Dahil ganito ang relasyon ni Paul kay Titus, heto ang prayer niya, a prayer of blessing: “Grace and peace from God the Father and Christ Jesus our Savior.” Totoong ang biyaya ng Diyos ay di natin karapat-dapat tanggapin. Ibinigay ng Diyos dahil kailangan natin. Ang prayer ni Paul, matanggap ni Titus lahat ng kailangan niya para magpatuloy sa mabuting gawa. Na sa pamamagitan ng sulat niya, gamitin ito ng Diyos para magbigay ng lakas na kailangan niya para magpatuloy sa buhay at ministeryo. Not just grace, but peace. Hindi ito tumutukoy sa absence of pain or conflict or sorrow sa buhay niya. Kundi sa lumalagong relasyon sa Diyos at sa ibang tao, particularly sa mga kasama niya sa church. Dalangin ni Pablo na patuloy niyang tanggapin ang biyaya ng Diyos para magpatuloy siya sa mabuting gawa – para sa karangalan ng Diyos at para sa ikabubuti ng ibang tao.

Conclusion

Ang Titus ay tinatawag na pastoral epistle, tulad ng 1 and 2 Timothy. Isinulat kasi sa isang pastor. Pero hindi ibig sabihing para sa pastor lang, kundi para rin sa iglesiang kanilang pinaglilingkuran. Para sa lahat sa atin na nangangailangan ng biyaya ng Diyos.

Kaya ang prayer ko, habang pinag-aaralan natin ang Titus, that we will go deeper and deeper into the gospel. Na marealize natin na hindi natin kayang gumawa ng mabuti sa sarili natin. Na tigilan na natin ang ating mga self-salvation projects. Na ang focus natin ay hindi sa sarili nating gawa – our righteousness, our holiness, our self-improvement, our godliness. Mangyayari lang iyon kung titingin tayo sa biyaya ng Diyos, kung paniniwalaan nating mabuti ang Mabuting Balita. Hindi tayo ang savior ng sarili natin. Hindi tayo ang savior ng iba. God is “our Savior” (1:3). Christ Jesus is “our Savior” (1:4). Let us all focus on the gospel. Hindi mo kayang iligtas ang sarili mo. Hindi mo kayang gumawa ng mabuti sa sariling sikap mo. Focus on Jesus. Look to Jesus. He is your Savior. He is our Savior.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.