True Spirituality (Mal. 3:13-4:6)

Filipino-flagellants-kneel-in-front-of-the-church-as-they-perform-rites-meant-to-atone-for-sins-at-San-Fernando-city-Pampanga-province-northern-Philippines-on-Maundy-Thursday-April-9-2009.-Many-Philippine-devotees-practice-flaSemana Santa na naman. Ito ang panahon na nasa “peak” ang spirituality ng maraming Pilipino. Nagsisimba. Dumadalo sa mga religious activities. Nag-aayuno. Nagbabasa ng Bibliya. Nananalangin. Mas maraming beses. Mas matagal. Mas marubdob. Pero ibig sabihin ba kinalulugdan ng Dios ang ganitong klaseng spirituality? Hindi lang mga Romano Katoliko ang tinutukoy ko dito. Pati tayo na nagsasabing tayo’y mga Cristiano o tagasunod ni Jesus.

This is a serious concern. Dahil sa lahat ng ginagawa natin – religious man o hindi – we are sending a message to God. Hindi man natin direktang sinasabi – pero nakakarating sa kanya ang mensaheng “Importante ka” o “Hindi ka importante” sa klase ng mga ginagawa natin o sa kalagayan ng puso natin habang ginagawa natin ang mga bagay na iyon.

Listen now

Download

mp3-iconpdf-icon

Ito ang huling burden sa mensahe ni propeta Malakias sa mga Judio sa Malachi 3:13-4:6. Dulo ng Malachi. Dulo ng series natin. Dulo din ng Old Testament. Akala nila nalulugod ang Dios sa ginagawa nila. Akala nila napararangalan nila ang pangalan ng Dios, pero hindi (1:6). Akala nila katanggap-tanggap ang mga handog nila, pero hindi (1:7). Akala nila pinakikinggan ng Dios ang mga daing nila, pati ang pag-iyak sa panalangin, pero hindi (2:13-14). Akala nila pwede na sa Dios ang mga ibinibigay nilang handog, pero hindi (3:8-9). Sa klase ng spirituality na meron sila, nakakarating sa Dios ang mensaheng hindi siya ganoon ka-importante. Kaya sabi ng Dios sa verse 13, “Masasakit ang inyong sinabi tungkol sa akin.” May damdamin o emosyon ang Dios. Naapektuhan siya sa ginagawa natin. Kung hindi natin napararangalan ang Dios, nilalapastangan o iniinsulto natin siya.

Pero siyempre, because we are religious people, sasabihin natin, “Teka, hindi ko naman sinasabing “hindi mahalaga ang Dios.” Oo nga, hindi direkta, pero ang klase ng spirituality natin ay nagpapakitang ganoon nga. Tulad ng mga Judio sa panahon ni Malachi, di makapaniwalang that’s the case. Akala nila OK ang spirituality nila. Karugtong sa verse 13, “Pero nagtatanong pa kayo, ‘Bakit, ano ang sinabi naming masakit tungkol sa inyo?'” We are so blind to the reality of our spiritual condition. Sana itong mga susunod na sasabihin ng Dios ay magsilbing salamin sa kundisyon ng spirituality natin ngayon.

Verse 14, sagot ng Dios, “Hindi ba’t sinabi ninyo, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios.” May mga tao na sa simula’t simula pa’y ganito na ang kundisyon. Hindi naglilingkod sa Dios. Walang pakialam sa mga espirituwal na bagay. Kung magsimba man ay occasional lang. Pag Holy Week siguro. O kapag birthday. O kapag may hinihiling sa Panginoon. Meron namang mga tao na nagsimulang mainit sa paglilingkod. Kaso naramdaman nilang it’s not worth it. O may mas mahalaga pa silang bagay na dapat unahin kesa sa mga espirituwal na bagay. So they ended up not serving God at all. This is called spiritual passivity.

Meron naman, at ito ang tendency ng karamihan sa atin, na active nga sa paglilingkod pero panlabas lang. O ang saloobin naman ay dahil may gustong makuha sa Dios sa panalangin. Nag-iikapu na akalang susuklian ng Dios ng material prosperity ang katapatan nila. Dumadalo sa gawain para masabing spiritual siya. Sabi sa karugtong ng verse 14, “At ano ang mapapala natin kung ipakita natin sa Dios na nalulungkot tayo at nagsisisi sa ating mga kasalanan?” Siguro masigasig sila sa prayer. O regular ang kanilang fasting. Pero sa loob-loob nila, parang wala silang napapala, parang hindi gumiginhawa ang buhay nila. O ginagawa nila para masabi lang na ginagawa nila. This is spiritual activity, hindi ibig sabihing kalugud-lugod sa Dios. This is merely legalistic performance.

Sa kabilang banda naman, may mga taong napapansing mas mainam pang gumawa ng masama o tumulad sa mga taong makamundo. Ang relihiyon, ayon sa kanila, wala namang kinalaman sa buhay. Nagsisimba nga sila kapag Linggo, pero kahalayan at kasamaan naman ang inaatupag nila pagdating ng Lunes. Ito ang mga taong nagsasabi ng tulad ng verse 15, “Masasabi pa nga natin na mapalad ang mga taong mayabang. Sapagkat silang gumagawa ng masama ay umuunlad. At kahit na sinusubok nila ang Dios, hindi sila napaparusahan.” Mas gusto na nila ang mga bagay sa mundo, ang yumaman, ang sumikat, ang maging powerful. Kesa maglingkod sa Dios. This is called immorality. O licentiousness. Para sa kanila, OK lang naman ang gumawa ng kasalanan. Kung san ka masaya, gawin mo.

Lahat tayo may ganitong mga tendencies. Spiritual passivity man, o spiritual activity, o immorality – walang katanggap-tanggap sa Dios. God is concerned that we have true, biblical, God-honoring spirituality.

Judgment Day

It makes a lot of difference. Wag nating sasabihin ang tulad sa saloobin ng maraming mga Judio noon na wala namang diperensiya, o mas mainam pang wag na lang maglingkod sa Panginoon. Simula verse 16 hanggang 4:3, sasabihin ng Dios ang malaking pagkakaiba ng mga taong may totoong spirituality o relasyon sa kanya at mga taong peke ang spirituality, mga imoral at malayo sa Dios. Darating ang Judgment Day. Sa araw na iyon, sa pagbabalik ni Jesus, ganito ang mangyayari, verse 18, “At muling makikita ng mga tao ang pagkakaiba ng mabuti at masama, at ang pagkakaiba ng naglilingkod sa akin at ng hindi.”

Merong malaking pagkakaiba. Ang mabuti ay iyong mga totoong naglilingkod sa kanya. Ang masama ay iyong mga hindi, o kung naglilingkod man ay pakitang-tao lang, pansariling motibo lang. Kung sa ngayon, ang nakikita lang nating obvious ang pagkakaiba ay iyong mga taong garapal na masama at mga taong nasa simbahan. Sa panlabas kitang-kita. Pero maging mga tao sa loob ng simbahan, may pagkakaiba, hindi lang halata kasi mga mukhang espirituwal naman. Pero sa araw na iyon, makikita ng lahat, public judgment iyon. Magkakaroon ng paghihiwalay o pagbubukud-bukod.

Tulad ng sinasabi ni Jesus sa kanyang parable of the weeds. Ang mga mabubuting binhi ay nahaluan ng mga damong ligaw. Kaso hindi pa ngayon ang paghihiwalay. Hinayaan ng Dios na mangyari iyon. Pero sa pagdating ni Jesus magkakaroon na ng paghihiwalay. Sabi panginoon sa tauhan niya, “Let both grow together until the harvest, and at harvest time I will tell the reapers, Gather the weeds first and bind them in bundles to be burned, but gather the wheat into my barn” (Matthew 13:30 ESV). Malaki ang pagkakaiba. Malaki ang pagkakaiba ng kahahatungan nila.

Punishment for Arrogant Evildoers

Kung ngayon, kung sino ang mga kurakot sila ang yumayaman, kung sino ang mga mandaraya sila ang umaasenso, kung sino ang gumagawa ng masama parang sila pa ang nag-eenjoy sa buhay. Pero sa araw na iyon, mababalewala ang mga iyon at mararanasan nila ang bigat ng parusa ng hustisya ng Dios. Malachi 4:1, “Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ‘Tiyak na darating ang araw ng pagpaparusa. Magiging tulad ito ng nagliliyab na pugon. Parurusahan ko ang lahat ng mayayabang at masasama gaya ng pagsunog ng dayami. Magiging tulad sila ng sinunog na kahoy na walang natirang sanga o ugat.'”

Sigurado iyan. Hindi ito pakikipagsapalaran na puwedeng mangyari o puwedeng hindi mangyari. “Tiyak na darating ang araw ng pagpaparusa.” Ang kasalanan ng tao – halata man sa paningin natin o nakatago sa pekeng espirituwalidad – hahatulan ng Dios. “Lahat ng mayayabang at masasama.” Lahat naman ng masasama o peke ang spirituality, mayabang. Sa sarili nagtitiwala. Ang parusang ito ay hindi parang kinanti ka lang. Matinding sakit ang mararanasan mo. “Magiging tulad ito ng nagliliyab na pugon.” Maaaring ang iba sa inyo naranasan nang mapaso o masilaban ng apoy. Pero hindi mo pa nararanasan ang sakit na ang buong katawan mo ay parang nililitson. At hindi lang ito pansamantala o panandalian lang. “…gaya ng pagsunog ng dayami. Magiging tulad sila ng sinunog na kahoy na walang natirang sanga o ugat.” Lubusan at walang katapusan ang pagpaparusa ng Dios. Terible ang naghihintay sa mga taong gumagawa ng masama, walang takot sa Dios, at mga relihiyosong pakitang-tao lang.

Reward for God-Fearers

Pero para sa atin na may totoong takot sa Dios, mula sa puso ang pagsamba, sa Dios ang tiwala at hindi sa sarili – may pangako ang Dios. Wag kang hihinto sa paglilingkod sa Dios, dahil hindi iyan mawawalan ng kabuluhan. Oo, marami ka pa ring problema, may umaaway sa iyo, di ka pa rin umaasenso financially, pero lahat ng iyon ay matatabunan ng limpak-limpak na biyaya’t pagpapalang naghihintay sa atin – partially sa buhay ngayon, fully at lubus-lubos sa pagdating ng Panginoong Jesus. Magbanggit ako ng pito mula sa text natin:

  1. Pinakikinggan ka ng Dios. Verse 16, “Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga gumagalang sa Panginoon. Narinig ng Panginoon ang kanilang pinag-uusapan.” Nakikinig siya sa iyo. You have his full attention. Hindi tulad ng asawa mong kinukuwentuhan mo o mga kaibigan mong kasama sa kainan na nakatutok sa Facebook habang may sinasabi ka. You have his full attention. Na para bang ikaw lang ang taong kumakausap sa kanya. Bawat panalangin, bawat paglilingkod, bawat daing at hiling sa kanya, hindi mawawalan ng kabuluhan.
  2. Inaalala ka ng Dios. Hindi niya kalilimutan anumang pagpapagal na ginawa mo sa paglilingkod. Verse 16 pa, “Isinulat ang kanilang mga pangalan sa aklat ng pag-alaala na nasa harapan ng Panginoon na talaan ng mga taong may takot at kumikilala sa kanya.” Kung ikaw nakay Jesus, ang pangalan mo nakasulat sa kanyang record book, pati ang lahat ng mabubuti mong gawa, gaano man ka-imperfect iyan. He will remember you. Nakalimutan ng boss mo ang ganda ng performance mo sa trabaho, o hindi na-affirm ng asawa mo ang sipag mo, but God will not forget you.
  3. Ituturing kang tanging kayamanang pag-aari ng Dios. Verse 17, “Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga taong may takot sa kanya, ‘Magiging akin sila sa araw ng paghahatol ko. Ituturing ko silang isang tanging kayamanan.'” Masakit ang feeling na rejected ka, na nababalewala ka, na hindi ka pinahahalagahan. But you are precious in the sight of God. He will not let you go.
  4. Kaaawaan ka ng iyong Ama. Verse 17 pa, “Hindi ko sila parurusahan. Sa halip ay kaaawaan ko sila, tulad ng isang amang naaawa sa kanyang anak na naglilingkod at masunurin sa kanya.” Dapat kang parusahan dahil sa kasalanan mo. Pero naranasan mo ang awa niya dahil kay Cristo. Sa araw na iyon, haharap ka sa kanya na walang katatakutang parusa. You have now received mercy. You are now a child of God.
  5. Pagagalingin ang lahat ng mga sugat mo. Malachi 4:2, “Pero kayong may takot sa akin ay ililigtas ko gaya ng pagsikat ng araw na ang sinag nito ay nagbibigay ng kabutihan (sa literal, healing o kagalingan).” Sa literal nito ay ikinukumpara ang sinag ng araw na sumisikat sa umaga na parang isang pakpak na lumilipad at sa kanyang mga pakpak ay dadalhin tayo at mararanasan natin ang lubos na kagalingan. Lahat ng iniinda mong sakit ay tuluyang mawawala. Your broken heart will be completely healed. Wala nang hirap, wala nang iyak, wala nang kalungkutan.
  6. Mararanasan mo ang lubos na kagalakan. Ituloy natin ang verse 2, “Kaya lulundag kayo sa tuwa, na parang guyang pinakawalan sa kulungan.” Ayaw nating nakokontrol ng sarili nating kasalanan o ng gusto ng ibang tao. We want freedom. And on that day, we will enjoy true freedom. Ang kalayaang maglulundag sa tuwa at ipagdiwang ang kabutihan ng Dios sa atin.
  7. Igagawad sa iyo ang tunay na karangalan. Wag kang masyadong mag-enjoy kung ikaw o ang anak mo ay grumaduate na nasa top o maraming awards. Siyempre gusto natin ang honor at recognition. Ayaw nating nasa hulihan. Pero ang totoong karangalan ay ang makasama si Jesus na mamahala at maghari. Verse 3, “Pagdating ng araw na isakatuparan ko na ang mga bagay na ito, lilipulin ninyo ang masasama na parang alikabok na tinatapakan.” Kung para kang tinatapakan ngayon, sa araw na iyon, mararanasan mo ang tunay na karangalang ibibigay sa iyo ng Dios. The last will be first.

Sino ngayon sa inyo ang magsasabing walang mapapala ang mga taong tunay na naglilingkod sa Dios?

Hope Anchored in the Gospel

Paano nangyaring ganito kalaki ang mga pagpapalang naghihintay sa atin sa gayong nararapat lang na tayo ang tumanggap ng parusa ng Dios dahil sa malaking pagkukulang natin sa kanya?

Sabi sa Malachi 4:4, “Sundin (alalahanin) ninyo ang Kautusang ibinigay ng aking lingkod na si Moises. Ang mga utos at mga tuntuning iyan ay ibinigay ko sa kanya roon sa Bundok ng Sinai (Horeb) para sa lahat ng mamamayan ng Israel.” Hindi naman sila nakasunod. Hindi naman tayo nakasunod. Kahit sa pagsisikap nating mas maging spiritual, alam nating malaki pa rin ang kulang. Kaya nga sabi sa literal, “alalahanin.” Sa kabila ng mga utos na iyon ay may pangako ang Dios. Na siya ang gagawa para maibalik tayo sa magandang relasyon sa kanya.

Verses 5-6, this is how Malachi and the Old Testament ends, “Makinig kayo! Bago dumating ang nakakapangilabot na araw ng aking pagpaparusa, susuguin ko sa inyo si Propeta Elias. Ibabalik niya ang magandang relasyon ng mga magulang at mga anak, upang pagdating ko ay hindi ko susumpain ang inyong bayan.” Mawawala ang sumpa o parusa ng Dios hindi dahil sa gagawin natin, kundi dahil sa gagawin ng Dios. Sabi niya, “Susuguin ko sa inyo si Propeta Elias.” Bagamat hindi namatay si Elias, ilang daang taon na ang nakakaraan, hindi ibig sabihing siya ang babalik.  Pero isang katulad niya. Sinabi ni Jesus tungkol kay John the Baptist, “He is Elijah who is to come” (Mt 11:14; also Mt 17:9-13). Pero itinanggi naman ni John na siya itong Elijah na ‘to (Jn 1:21). Dahil malamang na may isa pang tulad ni Elijah na darating bago ang pagbabalik ni Jesus, na ang sabi ng ilan ay isa sa mga two witnesses na binabanggit sa Revelation 11:3.

Whatever the case, itong tulad ni Elias ang maghahanda sa pagdating ni Jesus – sa kanyang unang pagdating at sa kanyang pagbabalik. Sa kanyang unang pagdating, alalahanin nating siya ang tumupad ng Kautusan ni Moises. Siya ang Propetang dumating na higit pa kay Moises at kay Elias. Hindi lang siya nagsalita tungkol sa Dios, siya mismo ang kapahayagan ng Dios, at katuparan ng lahat ng nakasulat sa aklat ng mga propeta, tulad ng sabi niya sa dalawang disciples niya sa daan patungong Emmaus nang siya’y muling nabuhay (Luke 24:27; also v. 44). Pinatunayan ito nang si Jesus ay nagbagong-anyo sa bundok (transfiguration) at nagpakita sina Moises at Elias at kinausap siya (Mt 17).

Si Jesus ang dahilan kung bakit di na natin haharapin ang “nakapangingilabot na araw ng aking pagpaparusa” (Mal 4:5). Dahil sa kamatayan niya sa krus – sa nakapangingilabot na araw ng pagpaparusa ng Dios sa kanya kahit wala siyang kasalanan. Nagdusa siya para hindi tayo ang magdusa. Pinarusahan siya para tayo ay kaawaan ng Dios. Sinugatan siya para tayo ay magkaroon ng kagalingan. At his death, the land was filled with darkness,  that the sun of righeousness shall rise on us. Sinunog siya ng apoy ng galit ng Dios para hindi na tayo masunog ng apoy ng kanyang galit kundi mabalot ng init ng kanyang pagmamahal. Tumangis siya at humagulgol sa tindi ng kalungkutan para tayo naman ay maglulundag sa tuwa dahil sa kaligtasang tinanggap natin. Sabi ni John Piper, “He will spare sinful sons, precisely because he did not spare his only sinless Son.” That’s the gospel! So, when you read Malachi, or any other Old Testament book, don’t fail to remmber the gospel of Jesus.

Response

True spirituality is a response to the gospel of grace. It’s a matter of the heart, not religious outward performances. Kung ganito kalaki ang biyaya ng Dios sa atin, kung sa kanya lang natin mararanasan ang unfailing love na hinahanap natin, how do we then respond?

  1. Matakot ka sa Dios. Ang inaalala ng Dios ay “ang mga gumagalang sa Panginoon…mga taong may takot at kumikilala sa kanya” (3:16; also v. 17). Hindi ito ang takot na tulad sa isang asong tumatahol sa iyo at kakagatin ka. Ito ang takot na nagtutulak sa atin na hindi lumayo sa Dios kundi lumapit pa nga sa kanya. Sabi ni John Piper, “To fear the Lord is to tremble at the thought of offending him by unbelief and disobedience.” Para tayong mga batang lalapit sa kanya at yayakapin siya dahil kinikilala natin ang kanyang authority sa atin.
  2. Parangalan mo ang pangalan niya nang higit sa lahat. Ang “kumikilala sa kanya” (v. 16) ay sa literal, “nagbibigay karangalan sa kanyang pangalan” o “esteemed his name” (ESV). Pinahahalagahan ang kanyang pangalan nang higit sa lahat – higit pa sa sarili nating reputasyon. Ibinubuhos natin ang lakas natin sa paglilingkod para sa kanyang reputasyon, hindi sa kung ano ang sasabihin sa atin ng mga tao.
  3. Paglingkuran mo siya tulad ng isang anak sa kanyang Ama. Ang awa ng Dios ay “tulad ng isang amang naaawa sa kanyang anak na naglilingkod at masunurin sa kanya” (v. 17). Ang paglilingkod natin ay di tulad ng isang alipin na naglilingkod lang dahil sa sense of obligation or duty. Kasi kailangan o dapat. Hindi rin tulad ng isang empleyado na naglilingkod kasi may sweldo. Kung hindi, papatalsikin sa trabaho. Kundi tulad ng isang anak na masayang naglilingkod sa kanyang ama. Enjoy serving God. It’s not a burden. It’s a joy.
  4. Masabik kang maghintay sa kanyang pagdating. Kung ang Palm Sunday ay pagsalubong sa unang pagdating ng Haring si Jesus, ang fasting naman ay paghihintay at pananabik sa pagsalubong sa pagbabalik ng Hari. Tinanong si Jesus bakit di daw nag-aayuno mga disciples niya noon. Ang sagot ni Jesus, temporary lang iyon. “Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno” (Mateo 9:15 ASD). Si Jesus ang lalaking ikakasal. Umakyat na siya sa langit. Ito ngayon ang panahon ng pag-aayuno. Nag-aayuno tayo dahil hinihintay natin ang pagdating ng Haring si Jesus! Nasasabik tayo sa kanyang pagdating nang higit pa sa kasabikan sa pagkain kapag tayo’y nagugutom. Si Jesus ang katugunan ng lahat ng hinahanap ng ating puso’t damdamin! Sabi ni David Platt, “Do we really want more of God? Do we want more of God in our lives? Do we want more of God in our families and our marriages? Do we want more of God in our relationships? Do we want more of God in his church? Do we really want more of God in our city? If so, then fasting is a central expression of us saying to God, ‘More than we want the basic daily necessity of food, we long for you, we desire you, we crave you, we are hungry for you.'”
  5. Makipagkasundo ka sa iba. Verse 6, “Ibabalik niya ang magandang relasyon ng mga magulang at mga anak, upang pagdating ko ay hindi ko susumpain ang inyong bayan.” Nang akuin na ni Jesus ang sumpa na para sa atin, naibalik na tayo sa magandang relasyon sa Dios. At kasunod nito ay ang pagpapanumbalik ng magandang relasyon natin sa iba. Mga tatay sa anak. Mga anak sa magulang. Mga asawa sa kanilang asawa. O sa inyong biyenan o kapitbahay o kasama sa church. Sa tulong ng Panginoon, gagawa tayo ng hakbang para makipagkasundo, humingi ng tawad, magpatawad at magpakita ng kabutihan at pagmamahal. Dahil ang unfailing love na hinahanap natin – hindi natin nakuha sa iba – pero naranasan na natin ngayon mula sa Dios, malaya na tayo ngayon na ipakita ang ganitong pagmamahal sa ibang tao. Dahil ang ganitong usapin ay kailangang pag-usapan nang mas mahabang panahon, simula sa April 12, sama-sama tayo sa bago nating sermon series na The Peacemaker: Bringing the Gospel in Personal Conflict. 

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.