Part 55: What’s Your Story? (Luke 24:36-53)

Ang Pope ng mga Romano Katoliko ay nasa bansa natin ngayon (Jan. 15-19). Grabe naman talaga ang pagpapahalaga ng mga Catholics dito, dahil siya ang itinuturing na Head of the Church, Vicar of Christ, o kinatawan ni Jesus sa lupa. Grabe din ang paghahanda ng mga Pilipino. Kaya nga sa isang interview sa isang pari o bishop yata yun, di ko maalala kung sino, sabi niya sa mga Pilipino, “Oo nga’t dapat nating pahalagahan at igalang ang Papa, pero hindi siya dapat ang maging sentro ng atensiyon natin kundi si Cristo.”Whats-Your-Story

Tama nga naman. At tayo namang mga Evangelical Christians, ang dali nating i-criticize itong mga Katoliko samantalang ganoon din naman ang karaniwan nating nagiging pagkakamali sa buhay. Hindi nga ang Pope, pero meron namang ibang bagay o tao o reputasyon o pangalan ang nalalagay sa sentro ng atensiyon natin samantalang dapat na si Cristo ang nasa sentro.

Listen

Resources

pdf-iconmp3-iconitunes-iconsermonnetlogo

Life is all about Jesus. Paulit-ulit na natin iyang napag-uusapan sa sermon series natin sa Luke. Kaya nga “The Story of Jesus” ang title nito. Siya ang sentro ng kuwento nito, siya rin ang sentro ng kuwento ng buhay natin. Ang buhay natin sa kanya nagsimula, nang makilala natin siya. Ang buhay natin nagpapatuloy dahil din sa kanya. At sa dulo ng buhay natin, ang pinakasasabikan nating masilayan ay walang iba kundi si Jesus. Kung gaano kasabik ang mga Pilipino sa pagdating ni Pope Francis, higit pang kasabikan doon ang dapat na maramdaman nating mga tagasunod ng Panginoon Jesus.

We will see him face to face. Kung maratnan niya tayong buhay pa sa kanyang muling pagbabalik. Pero kung hindi man, at tayo’y patay na, alam nating pagbukas ng ating mata sa langit, mukha niya ang masisilayan natin. At sa kanyang pagdating, ang lahat ng mga namatay na nakay Cristo ay muling bubuhayin mula sa mga patay. Hindi tayo mananatiling mga kaluluwang nasa langit, kundi ang katawan natin ay muling bubuhayin ng Diyos.

Sigurado tayong mangyayaring lahat ‘to. Ang garantiya? Ang totoong muling pagkabuhay ni Jesus. Gaano man kasama at kagulo ang mundo natin ngayon, lahat iyan ay patungo sa restoration o new creation. Nasa huling bahagi na tayo ng Luke. At patuloy pa rin si Jesus na pinatutunayan ang kanyang muling pagkabuhay, na siyang mabuting balita para tayong mga makasalanan ay maibalik sa magandang relasyon sa Diyos.

Ikinuwento ng dalawang tagasunod ni Jesus ang nangyari nang magpakita sa kanila si Jesus sa daan patungong Emmaus. Habang pinag-uusapan nila ang nangyari, nagpakita rin si Jesus sa iba pa niyang mga tagasunod, kasama na ang mga apostol. Ang unang bati niya, verse 36, “Sumainyo ang kapayapaan!” (v. 36 MBB). Peace. Galing sa normal greeting ng mga Judio na “Shalom.” Hindi lang absence of conflict ang ibig sabihin, hindi lang walang kaguluhan, hindi lang peace of mind, kundi “wholeness.” Buong relasyon sa Diyos, relasyon na nasira dahil sa kasalanan. This was not just a greeting. This was Jesus’ desire for all his disciples. Shalom.

Believers of Jesus

Ang ganda ng intensiyon ng Diyos. Kaso ang hirap nating maniwala. Nagdududa tayo, nag-aalinlangan tayo, naghahanap tayo ng ibang solusyon. We don’t believe as much as he wants us to. Kaya malaking bahagi ng isinulat ni Luke sa Gospel niya ay pagbibigay ng maraming detalye. Na siyang ipinakita rin ni Jesus sa mga disciples niya para maging matibay ang faith nila. Para mapatunayang hindi lang ito isang ilusyon kundi historical reality. Para ang pag-asa nila ay hindi false hope kundi nakatayo sa isang sure foundation.

Magandang balita ang dala ni Jesus sa kanila, pero anong reaksyon nila? Verse 37, “Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila’y multo ang kaharap nila.” Hindi pa sila nakakita ng tulad nito. Hindi pa nila maproseso sa isip nila kung anong nangyayari. Kahit na sinabi ng mga babae sa kanila, kahit sinabi ng dalawang nakakita kay Jesus na buhay siya, di sila makapaniwala.

Pero napakabuti ni Jesus, naiintindihan niya ang kalagayan nila. Sa halip na pagalitan at sabihang, “Ano ba kayo!” Tinulungan niya silang maniwala, Sabi niya, verses 38-39, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako’y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” Sabi ni Jesus, mag-isip kayong mabuti, tingnan n’yo kong mabuti, hawakan n’yo ko.

Verse 40, “Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.” Pati mga bakas ng mga sugat niya sa kamay at sa paa, ipinakita niya. This is good news! Na makita nilang ang kamatayan ni Jesus, ang pagkapako sa kanya ay hindi defeat kundi victory, hindi dapat ikalungkot kundi dapat ipagdiwang, hindi masamang balita kundi mabuting balita.

The good news of what Jesus did for us sinners is so good. Kaya mahirap din paniwalaan, parang it’s too good to be true. But it’s too good, Diyos lang ang makakaisip, makakaplano at makakapagsakatuparan. This must be true. Oo nga’t masaya ka na mabalitaang nanalo ka sa raffle ng isang brand new car, pero gusto mo ng pruweba para maniwala ka. Napakabuti ni Jesus, he’s accomodating their doubts and fears and unbelief and helping them believe in him. Verses 41-43, “Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya’t tinanong sila ni Jesus, ‘May pagkain ba kayo riyan?’ Siya’y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.”

Totoong kuwento ito. Nabuhay na muli si Jesus. Bodily resurrection. Hindi multo ang nakita nila. Hindi guni-guni. Hindi panaginip. Lahat ng ito ay totoo, dahi ito’y salita ng Diyos, hindi siya nagsasabi ng kasinungalingan. This is “The Story of Jesus” – si Jesus na Anak ng Diyos, bagamat nananatiling Diyos, ay nagkatawang tao. Ipinanganak siya ng isang birhen. Lumaki at namuhay na lubos na kinalulugdan ng Diyos na kanyang Ama. Ipinako siya sa krus, pinatay para akuin ang ating mga kasalanan at parusang nararapat sa atin. Inilibing. Sa ikatlong araw ay muling nabuhay. Ilang araw siyang nagpakita sa mga tagasunod niya para patunayang siya’y muling nabuhay. At tulad ng makikita natin mamaya sa verse 51, umalis na siya at umakyat sa langit, na iniwan ang pangakong muli siyang babalik at iyan ang hinihintay natin ngayon. This is the gospel, The Story of Jesus is good news. Ito ang nasa sentro ng Salita ng Diyos, ito rin ang nasa sentro ng buhay natin.

As we end this series, I pray na hinding-hindi kayo gagraduate sa kuwentong ito. Sa pagtatapos ng seryeng ito, dalangin kong magkaroon ng panibagong commitment sa puso n’yo sa pamumuhay bilang mga tagasunod ni Jesus. Nais kong ichallenge kayo na gawing commitments ang tatlong bagay na ito bilang tugon natin sa ginawa ng Panginoong Jesus para sa atin.

Commitment No. 1: Read your Bible as God’s Word about Jesus.

Basahin mo ang Bibliya mo bilang Salita ng Diyos tungkol sa kanyang Anak na si Jesus. Halos isa’t kalahating taon ang inilagi natin sa pag-aaral sa Luke. At nakita natin na kaya Story of Jesus ito ay dahil si Jesus ang bida. Jesus is the focus of the Gospel of Luke, and all the others Gospels – Matthew, Mark, and Luke. Hindi ito tungkol sa atin o sa gagawin natin, kundi tungkol kay Jesus – kung sino siya at kung ano ang ginawa niya sa krus para sa atin.

Naglaan tayo ng mahabang panahong sa seryeng ito para bigyang diin na kailangan natin ang “The Story of Jesus,” this gospel, bilang susi para maintindihan natin ang iba pang bahagi ng Salita ng Diyos – ang mga aklat bago ito (the Old Testament), at iba pang aklat pagkatapos nito (Acts, epistles, and Revelation).

Ganito ang ipinaliwanag ni Jesus sa mga disciples niya, verse 44, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako; dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises (Genesis to Deuteronomy) at sa aklat ng mga propeta (kasama ang mga historical books), at sa aklat ng mga Awit (kasama ang Proverbs at iba pang wisdom literature).” Anong sinasabi niya dito? Jesus is the fulfillment of the Old Testament. Lahat ng bahagi ng Lumang Tipan – mga kuwento, mga utos, mga propesiya, mga sacrifices, lahat – ay nagkaroon ng katuparan sa pagdating ni Jesus. Hindi ba’t ganito rin ang paliwanag niya sa dalawang disciples niya sa verse 27? “At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.” Kaya sinaway niya ang mga Judio na nagbabasa nga ng Kasulatan pero di inuunawa na ang katuparan nito ay sa pagdating niya, You search the Scriptures because you think that in them you have eternal life; and it is they that bear witness about me, yet you refuse to come to me that you may have life” (John 5:39-40).

Jesus is the fulfilment of the Old Testament, the focus of the Gospels, and the foundation of the rest of the New Testament. Pagdating natin sa Acts, makikita natin ang pasimula ng Church, pero ang focus ay sa mga ipinagpatuloy na gawin ni Jesus sa pamamagitan ng Espiritu. Pagdating sa mga sulat tulad ng kay Pablo sa mga taga-Efeso, ang pundasyon ay ang biyaya ng Diyos na nakay Cristo (chaps. 1-3), at dahil sa pundasyong ito, ipinaliwanag niya kung paano tayo dapat mamuhay (chaps. 4-6). Sa Romans ganoon din, chapters 1-11 gospel, chapters 12-16, Christian life na ang foundation ay gospel. Sa Colossians ganoon din, chapters 1-2 ang identity natin kay Cristo, chapters 3-4 ang buhay natin na ipapamuhay araw-araw dahil kay Cristo.

At kung gospel-centered, nakasentro kay Cristo at sa kanyang gawa ang focus natin sa pagbabasa ng kanyang salita, pangako niyang ipapaunawa ito sa atin. Tulad ng ginawa niya sa mga disciples niya, verse 45, “Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan.” Mauunawaan natin ito sa pamamagitan ng Espiritung nasa atin, kung mas makikilala natin si Jesus, kung mas maiinlove tayo sa kanya, kung nakafocus tayo hindi sa sarili nating performance kundi sa kanyang ginawa na para sa atin.

As we end this series, ang prayer ko, mas naging uhaw pa kayo at sabik na basahin ang Salita ng Diyos para mas makilala ang Panginoong Jesus – the One who loved us ang gave himself for us (Gal 2:20).

Commitment No. 2: Use your words to bear witness for Jesus.

Alam nating si Jesus at ang kanyang ginawa ang nasa sentro ng Bibliya, ang nasa sentro ng buhay natin. Tulad ng sabi ni Jesus sa verse 46, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya’y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” This is the gospel. Ito ang nagbigay buhay sa atin. Ito ang bumago sa buhay natin. Ito ang nagpapatakbo ng buhay natin. Pero hindi puwedeng sa atin lang ‘to. The gospel is too big para sarilinin natin. Ito pa ang sabi ni Jesus, verses 47-49, “Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya’t huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga’t hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.”

Popular ang sinabi ni St. Francis of Assissi tungkol dito, “Preach the gospel at all times and, when necessary, use words.” Tama naman, “Preach the gospel at all times…” Kasi hindi lang mga unang disciples ang witnesses, tayo rin ay mag-wiwitness para kay Jesus. Kaso, sabi niya, “…when necessary, use words.” Oo nga’t mahalaga ang buhay natin at mabuting gawa natin bilang mga tagasunod ni Jesus para maging testimony sa mga tao. Pero hindi iyon ang gospel. Hindi nila maiintindihan iyon kung di maririnig sa atin ang gospel. Ang paggamit ng salita ay “always necessary.” Sabi ni Jesus, dapat ipangaral, ibig sabihin, dapat tayong magsalita. Hindi puwedeng tameme lang. Ang “Story of Jesus” ay ikinukuwento sa iba. Di nila malalaman iyon, di nila mahuhulaan sa buhay natin, kailangan nating sabihin sa kanila kung sino si Jesus at kung ano ang ginawa niya para sa atin.

Tulad ngayon, ang gandang pagkakataon ang pagdating ng Pope sa bansa natin. Dapat kung magsalita tayo sa mga Katoliko, hindi pagtuligsa sa pananampalataya nila, kundi ibibida natin sa kanila kung sino ang dapat parangalan at sambahin, walang iba kundi si Jesus. Anong response? Sabi ni Jesus, pagsisisi. Upang ang mga tao ay tumalikod sa kanilang mga kasalanan at lumapit sa Diyos. Anong makakamit nila kung sila’y magsisisi? “Kapatawaran ng mga kasalanan.” Abswelto na sila sa pagkakasala sa Diyos kasi may nagbayad na. Wala nang pananagutan, wala nang hadlang para makalapit sa kanya. Malaya na tayo.

Oo ipapangaral natin iyan sa ibang tao, pero wag nating sabihing sa mga kapitbahay lang o mga kaklase o kaibigan o kapamilya. Ang sabi ni Jesus, saan? “…dapat ipangaral sa lahat ng bansa (o lahi).” Magsisimula tayo kung nasaan tayo, kung nasaan ang church natin, pero di tayo titigil doon. We are going to the nations, to the unreached Muslims, Buddhists, Hindus. Noong isang araw, kasama ko ang dinidisciple ko na nagkaroon kami ng opportunity na ibahagi si Jesus sa isang kainan sa tapat ng university. Next week naman, may opportunity ako na samahan ang mga kapartner nating missionaries sa isang medical mission sa General Santos City, karamihan ng pupuntahan namin mga Muslim. We are witnesses, dito sa lugar natin, at saanmang lugar na pagdadalhan sa atin ng Diyos.

Bakit natin ‘to ginagawa? Sabi ni Jesus, “sa kanyang pangalan…” Ibig sabihin, dahil sa authority ni Jesus bilang Lord of the nations, dahil sa kanyang karangalan, dahil sa kanyang ginawa para sa atin. Gusto nating makita si Jesus na niluluhuran ng lahat ng lahi sa buong mundo. Kaya ang prayer ko, maihanda ko at masanay ang church natin na maging matapang, na ibigay ang buhay para maikuwento ang Story of Jesus sa iba, sa kapitbahay, at maging sa ibang lahi. Napakarami pang di nakakarinig ng kuwentong ito para sarilinin lang natin.

Commitment No. 3: Let your life’s ultimate purpose be the worship of Jesus.

Nagtapos ang isinulat ni Luke sa pagpapahayag kung paanong sinamba nila si Jesus. Verses 50-53, “Pagkatapos ng mga ito, sila’y isinama ni Jesus sa labas ng lunsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila’y binasbasan. Habang iginagawad niya ito, siya nama’y lumalayo paakyat sa langit. Siya’y sinamba nila at pagkatapos ay masayang-masaya silang bumalik sa Jerusalem. Palagi silang nasa Templo at doo’y nagpupuri sa Diyos.”

Nang magpakita si Jesus sa mga babae, they “took hold of his feet and worshiped him” (Mat. 28:9). Nang ang eleven disciples ang makakita sa kanya, “when they saw him they worshiped him” (v. 17). Bakit? Kasi nang nabuhay na muli si Jesus, he “was declared to be the Son of God in power…by his resurrection from the dead, Jesus Christ our Lord” (Rom 1:4). At dito sa passage natin sa Luke, umakyat na siya sa langit. Huminto na ba ang pagsamba nila? Hindi! “And they worshiped him and returned to Jerusalem with great joy, and were continually in the temple blessing God” (Luke 24:52-53). Si Jesus ay Anak ng Diyos. Umakyat siya sa langit at ngayon ay nakaupo sa kanan ng Diyos at namamahala bilang Hari ng mga Hari, Panginoon ng mga panginoon. Karapat-dapat siya sa ating pagsamba.

Bumalik sila sa Jerusalem, sumamba sila sa Diyos doon sa templo. Si Jesus ay Diyos, karapat-dapat sambahin. San tayo sasamba? Sa templo din. Hindi sa simbahang ito. Dahil ang katawan natin ay templo ng Espiritu (1 Cor 6:19) at tuwing nagtitipon tayo bilang isang iglesia, kahit saan, tayo ang templo ng Diyos (1 Cor 3:16-17). Hindi ang lugar na ito, kundi tayo mismo. Kahit nasaan tayo, sasambahin natin si Jesus. Hindi lang sa pag-awit kundi sa pagtibok ng puso nating nagsasabing, “O Jesus, ikaw ang kayamanan ko, ikaw ang kagalakan ko, ikaw ang kalakasan ko, ikaw ang lahat-lahat sa akin.”

We worship Jesus. At siya naman ang patuloy na nagbibigay ng kagalakan sa atin. Bago siya umakyat sa langit, binasbasan niya sila. Pagbalik nila sa Jerusalem, masayang-masaya sila. Jesus gets the glory, we get the joy. He gets the worship he deserves, we get the blessing we don’t deserve. Yan ang biyaya ng Panginoon sa atin.

Kaya ang prayer ko sa lahat sa inyo, as we end this series, lalo pang magliyab ang puso n’yo sa pagsamba kay Jesus sa lahat ng bahagi ng buhay n’yo. Hindi lang kapag Linggo, kundi araw-araw. Hindi lang dito, kundi kahit saan. Hindi lang kapag gumagawa kayo ng mga “espirituwal” na bagay, kundi maging sa mga ordinaryong gawain sa araw-araw, you do it all in Jesus’ name.

What’s Your Story?

We read the Word that is all about Jesus. We witness for Jesus. We worship Jesus. Ito ang commitment ng isang tagasunod ni Jesus. Nasa ending na tayo ng “The Story of Jesus.” Pero ang kuwento ng buhay natin ay nagpapatuloy pa rin. Ang tanong, tungkol kanino ang kuwento ng buhay mo? Ano ang misyon mo sa buhay? Saan patungo ang kuwento mo?

Bago dumating ang Pope, narinig ko ang isang Catholic priest, ang payo sa mga Catholics ganito, “Bigyan natin ng sapat na paggalang ang Papa, dahil siya ang kinatawan ni Jesus dito sa lupa.” Oo nga’t dapat igalang. Pero hindi siya ang kinatawan ni Cristo. Ikaw! Tayong lahat na mga tagasunod niya. At mananatiling tayo ang kinatawan niya hanggang siya’y bumalik at tuluyan nang maghari dito sa mundo forever and ever. Makikita natin siya nang mukhaan. Maririnig natin ang tinig niya. Magkukuwentuhan tayo tungkol sa mga ginawa niya. At sasambahin natin siya. What great joy!

This is the Story of Jesus. Now, what’s your story?

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.