Dati sa church namin, meron lang kaming annual “business meeting” ng mga members ng church. Sa mga nakaraang ilang taon, sinimulan naming tawagin itong “members’ meeting,” at ginagawa na namin ito quarterly, o apat na beses sa isang taon.

Sa article na ‘to, sasagutin ko ang tatlong tanong: (1) Ano ang members’ meeting?; (2) Bakit ito mahalaga sa church?; at (3) bakit mahalaga na bawat miyembro ay dumalo rito?

Ano ang members’ meeting?

Ang members’ meeting ay ang regular na pagtitipon ng mga covenant members ng isang local church upang sama‑samang gampanan ang mga responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa kongregasyon. Ito ang panahon kung saan ang church ay:

  1. Nagre-renew ng commitment sa isa’t isa sa pamamagitan ng sama-samang pagbigkas ng church covenant;
  2. Nagiging updated sa kalagayan ng church at ng mga ministries nito;
  3. Nag-aaffirm at tumatanggap ng mga bagong miyembro;
  4. Nagdidisiplina ng mga miyembrong hindi nagpapakita sa church at/o nagpapatuloy sa di-pinagsisisihang kasalanan;
  5. Nagdedesisyon sa mahahalagang bagay na may kinalaman sa buong church; at
  6. Nagpe‑pray at nagpapalakasan sa isa’t isa.

Sa madaling salita, ang members’ meeting ang lugar kung saan ginagampanan ng church ang pagiging church.

Bakit ito mahalaga sa church?

Heto ang ilang mga dahilan kung bakit mahalaga para sa church natin na may quarterly members’ meeting:

  1. Dahil ang kongregasyon ang may final authority sa ilang bagay. Sa New Testament, ang buong church (hindi lang ang mga pastor/elders) ang nag‑aaffirm ng mga bagong mananampalataya (Acts 2); nagdi‑discipline ng mga nagkakasalang miyembro (1 Cor. 5); nagre‑restore ng nagsisisi (2 Cor. 2); nagbabantay at nag-iingat sa gospel doctrine (Gal. 1); at pumipili ng leaders (Acts 6). Ang members’ meeting ang practical venue para gawin ang mga ito.
  2. Dahil dito nagiging konkretong totoo ang meaningful membership. Ang pagiging miyembro ay hindi lang nakalista ang pangalan mo sa listahan ang membership. Sa members’ meeting ay nakikita mo ang mga taong kasama mong nakipagtipan sa isa’t isa; naririnig mo ang testimonies ng mga bagong members; nakikita mo ang pag‑aalaga ng church sa bawat isa; at nararamdaman mo ang bigat at saya ng pagiging bahagi ng katawan ni Cristo. Hinuhubog nito sa church ang pagkakaroon ng culture of belonging, responsibility, and unity.
  3. Dahil dito nagiging transparent at accountable ang church. Sa members’ meeting ay may financial updates, may ministry reports, may pastoral updates, at may prayer concerns. Kapag may ganitong transparency, nade-develop ang tiwala ng mga members sa leadership ng church. At kapag may ganitong tiwala sa pagitan ng mga leaders at members ng church, mas lumalago ang church.
  4. Dahil dito napapangalagaan ang purity at witness ng church. Kapag may mga maling katuruan na kailangang itama, may mga miyembrong nagpapatuloy sa unrepentant sin na kailangang sawayin, may mga relational conflicts na kailangang ayusin, at may mga miyembrong nawawala na kailangang hikayating bumalik, ang members’ meeting ang lugar kung saan ang church ay nagpapakita ng pagmamahal sa pamamagitan ng accountability. A healthy church is a holy church.
  5. Dahil ito ay spiritual formation para sa buong church. Sa members’ meeting, natututo ang church kung paano maging prayerful para sa church, kung paano mag-discern para malaman ang best decision para sa church, kung paano i-encourage ang dapat i-encourage, kung paano ituwid ang dapat ituwid, at kung paano ipagdiwang ang biyaya at pagkilos ng Diyos sa church. Nangyayari ang ganitong discipleship sa congregational level.

Bakit mahalaga na bawat miyembro ay dumalo rito?

Kung ganito pala kahalaga ang members’ meetings para sa church, mahalaga rin na ikaw na miyembro ng church ay dumalo rito. Heto ang ilang mga dahilan kung bakit:

  1. Dahil may covenant responsibility ang bawat miyembro. Kung nakipagtipan ka sa church, nangangahulugan ito na may pananagutan ka, may boses ka, at may papel kang dapat gampanan. Hindi optional ang responsibility. May trabaho ang pagiging miyembro ng church.
  2. Dahil kailangan ang collective wisdom ng buong church. Ang mga desisyon ng church ay hindi dapat gawin ng iilang tao lamang. Kapag absent ka, hindi maririnig ang perspective mo, hindi mo mapa-practice ang discernment, hindi magiging well-informed ang mga prayers mo para sa church, at wala ang boto mo sa pagdedesisyon. Ang hindi pagdalo ay pag‑withdraw ng responsibilidad na ibinigay ni Cristo sa bawat isang miyembro ng church.
  3. Dahil kailangan ka ng mga kasama mong miyembro ng church. Sa members’ meeting, may mga bagong members na nangangailangan ng affirmation, may mga struggling members na nangangailangan ng prayer, may mga ministries na nangangailangan ng support, at may mga leaders na nangangailangan ng encouragement. Ang presensya mo sa members’ meeting ay maituturing na pastoral care o expression ng concern na meron ka sa ibang miyembro ng church.
  4. Dahil ang pagkakaisa sa church ay hindi nabubuo at hindi tumitibay kapag maraming absent. Hindi mo mararanasan ang tunay na pagiging bahagi ng katawan kung hindi ka present sa mga panahong bumubuo ng identity ng church. Ang presensya mo ay nakakatulong sa pagpapatibay ng pagkakaisa, sa pagpapalakas ng tiwala sa isa’t isa, sa pagkakaroon ng mga shared memories na babalik-balikan natin bilang isang pamilya, at sa pagkakaroon ng shared mission na pagtutulung-tulungan nating maabot.
  5. Dahil lumalago ka bilang isang disciple ni Cristo sa bawat meeting. Sa bawat members’ meeting, mas natututuhan mo ang theology sa totoong buhay, mas natututuhan mo ang church polity (o kung paano isinasaayos ang leadership structure ng church), mas natututuhan mo ang application ng gospel sa mga personal na buhay, mas natututuhan mo kung paano magpakumbaba, magpasensya, at magmahal sa mga katulad mong makasalanang naligtas sa biyaya ng Diyos. Ang attendance mo ay nakakatulong sa sarili mong spiritual growth.

Summary

Ang members’ meeting ay mahalaga dahil dito ginagampanan ng church ang biblical responsibilities nito, dito nararanasan ang realidad ng meaningful membership, dito napapanatili ang purity, unity, at mission ng church, at lumalago ang bawat miyembro sa Christlike maturity. At mahalaga ang attendance ng bawat miyembro dahil meron kang covenant responsibility, kailangan ka ng church, kailangan mo ang church, dito ka lumalago bilang disciple ni Cristo, at dito mo ipinapakita ang tunay na commitment mo kay Cristo at sa kanyang katawan.

So, kung hindi ka pa nakakadalo sa members’ meeting, simulan mo na ang pagdalo. At kung regular ka na sa pagdalo, ‘wag kang magsasawa, ipagpatuloy mo. Kahit na may mga meetings na masakit sa puso, o may mga desisyong hindi mo sinang-ayunan, o may mga nangyayari sa church na hindi mo nagugustuhan, magpatuloy tayo na gampanan ang trabahong ibinigay ni Cristo para sa church at sa bawat miyembro nito. Patuloy nating mahalin ang church, kahit na mahirap, tulad ni Cristo na hindi nagsasawang patuloy na nagmamahal sa kanyang church.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply