Introduction: Ang Problema Natin sa Sanctification

Kung ikaw ay Kristiyano—ibig sabihin, nagtitiwala ka kay Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas—ikaw ngayon ay kaisa kay Cristo, united to Christ. “In Christ,” ‘yan ang paulit-ulit na binabanggit ni Paul sa Ephesians. Kung ikaw ay nakay Cristo, ang Banal na Espiritu ay nasa iyo at siyang patuloy na bumabago sa iyo araw-araw, moment-by-moment, habang isinasabuhay mo ang bagong buhay na meron ka na kay Cristo. Ang prosesong ito na pinagdadaanan natin ngayon, at magpapatuloy hanggang sa araw ng ating kamatayan, ay tinatawag na sanctification. Tulad ng larawang ginamit natin last week sa Ephesians 4:17-24, isa itong paglalakbay mula sa dating daang nilalakaran natin tungo sa bagong daang natagpuan natin kay Cristo. Ito ay isang mahaba at mabagal na paglalakbay. Sana nga instant ang pagbabago. Pero hindi gano’n. At sa paglalakbay na ito, may ilang problema tayong madalas na hinaharap.

Ang una ay may kinalaman sa attitude natin tungkol sa kasalanan. Alam nating bawat kasalanan ay offensive sa Diyos—isang kawalang-galang sa kanyang salita, isang pag-atake sa kanyang awtoridad, at isang pangungutya sa kanyang kabutihan. Pero kadalasan, tinitingnan lang natin nang seryoso ang mga kasalanang “malalaki” o “iskandaloso”—tulad ng sexual immorality na babanggitin ni Pablo sa Ephesians 5. Pero yung mga kasalanang sa tingin natin ay “katanggap-tanggap” o “mas magaan”—tulad ng tsismis, katamaran, katakawan, pagkakaroon ng sama ng loob at unforgiving heart—parang hindi natin gaanong pinapansin. Pero malinaw sa teksto natin ngayon sa Ephesians 4:25-32: lahat ng kasalanan ay dapat seryosohin.

Ang ikalawa ay may kinalaman sa short-sighted goals natin sa pagharap sa kasalanan. Oo, nilalabanan natin ang kasalanan. Pinapatay natin ito (Rom. 8:13). Ang tawag dito ay mortification. Ginamit din ni Pablo ang larawan ng pagpapalit ng damit, tulad ng napag-aralan natin last week. Ang “dating pagkatao”—ang makasalanang pagkatao—ay marumi at luma, kaya dapat nang hubarin (Eph. 4:22). Pero hindi lang ito ang goal ng sanctification. Sabi nga ni Richard Coekin: “Hindi sapat na basta alisin lang ang lahat ng desires o pagnanasa—sa halip, kailangang palitan ang maruruming pagnanasa ng malilinis na pagnanasa.” Kaya dito sa text natin, hindi lang sasabihing “wag kang magsinungaling,” kundi “magsabi ka ng totoo” (v. 25). Hindi lang “wag kang magnakaw,” kundi “sipagan mo ang pagtatrabaho para makatulong ka sa iba” (v. 28). Hindi lang “wag kang magalit,” kundi “maging mabait ka.” Ito ang tinatawag namang vivification—ang pagbuhay ng mga katangian ni Cristo sa atin. Ito yung pagsusuot ng malinis at magandang damit—damit na swak para sa sinumang nakay Cristo. First half pa lang ng sanctification ang paglaban sa kasalanan; ang second half ay yung pagiging tulad ni Cristo. ‘Yan ang wholistic approach sa sanctification.

Ang ikatlo naman ay ang mali o mababaw na motibasyon natin sa paglaban sa kasalanan at pagsisikap na maging katulad ni Cristo. Minsan nilalabanan natin ang kasalanan kasi ayaw lang natin ng guilty feeling. O kaya natatakot tayong mahuli at mapahiya. Takot sa consequences. Oo, pansamantala, pwedeng gumana ‘yan. Pero kapag malakas ang tukso, hindi sapat ang ganitong motibasyon. Kailangan natin ng mas matibay na motivations para sa tunay at pangmatagalang pagbabago sa buhay natin.

Main Point: Dapat Nating Seryosohin at Pahalagahan ang Ating Sanctification

Sobrang concern tayo ngayon sa mga nangyayari sa society natin. Kapag galing ka sa Dubai o sa Singapore, tapos pag-uwi mo sa Pilipinas, wish mo lang na ganun din sa atin. At sa mga nangyayaring kalokohan ngayon sa gobyerno, we cry for change. Tama naman ang ganyang mga hangarin. Pero hindi ba’t dapat na mas concern tayo about our own sanctification, na magkaroon ng tunay at mabuting pagbabago sa buhay natin? Lahat tayo—mula sa bagong Kristiyano hanggang sa pinakamatagal na sa pananampalataya—ay kailangang harapin araw-araw ang mga problemang nabanggit ko kanina. Kung “malalaking kasalanan” lang ang pag-uusapan, baka isipin ng iba na hindi sila kasali. Pero kapag binasa natin ang listahan ng kasalanan sa Ephesians 4:25-32, lahat tayo tatamaan. Sasabihin ninyo, “Si pastor pinatatamaan na naman ako…” Totoo naman! Dapat lang. Sabi ni Pablo: “Kaya’t pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa…” (v. 25 AB). Lahat ng Kristiyano, kasama. Walang exempted. Transformation is for all Christians. Lahat tayo ay tinatawag na lumago tungo kay Cristo (v. 15). Bawat Kristiyano ay nangangailangan at naghahangad ng Christlike maturity. Wala ni isa man sa atin ang nakarating na sa dapat nating puntahan. Wala ni isa man sa atin ang perfectly like Christ in every way.

Kaya hindi lang sapat na meron tayong impormasyon kung ano ang dapat at hindi natin dapat gawin. Hindi naman tayo kulang sa impormasyon. Karaniwan naman ay alam na natin kung ano ang hindi dapat at kung ano ang dapat gawin. Kailangan din natin yun siyempre, pero ang pinakaproblema ay nasa puso—sa motivations. Karaniwan naman kasi tayong nagkakasala at sumusuway sa Panginoon not because of our ignorance, kundi dahil sa puso natin na hindi properly oriented, o merong disordered desires. Kaya kailangan nating ma-empower na sumunod sa pamamagitan ng mga biblical, God-centered motivations. Kaya nga nagsimula yung passage natin sa salitang “Kaya’t” o “Therefore” (v. 25).

Hindi natin dapat ihiwalay ang mga utos sa chapters 4–6 mula sa chapters 1–3 ng Ephesians. Ang imperatives (na nagsasabi sa atin kung ano ang mga dapat gawin) ay nakaugat sa indicatives (na nagsasabi sa atin kung sino ang Diyos, kung ano ang ginawa na niya para sa atin sa pamamagitan ni Cristo, at kung sino na tayo ngayon sa pakikipag-isa natin kay Cristo). Bakit ka maiinggit sa mga bagay na meron ang iba pero wala ka (at palaging magsasabi ng “sana all”) kung alam mong God “has blessed us with every spiritual blessing in the heavenly places” (1:3)? Bakit ka magnanakaw kung meron ka nang “the riches of his grace” (1:7)? Bakit ka magtatanim ng galit at hindi magpapatawad kung meron ka nang “the immeasurable riches of his grace in kindness toward us in Christ Jesus” (2:7)? Nagsisinungaling tayo, nagiging sakim tayo, nagnanasa tayo ng mga bagay na pag-aari ng iba, nagiging unfaithful tayo sa asawa natin dahil madali tayong makalimot sa yaman ng biyaya na meron na tayo kay Cristo.

Isa pang motivation na sumusuporta hindi lang sa exhortation sa v. 25 kundi sa lahat ng imperatives sa passage na ito ay ito: “Kaya’t pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan…” (AB). Ang salitang “itakuwil” o “put away” dito ay galing sa parehong salita ng “alisin” o “put off” sa v. 22. Pero hindi ito nasa anyo ng imperative (bagamat pautos sa MBB, implied naman yun). Pero hindi lang sinasabi ni Paul dito na, “Do not speak what is false,” kahit puwedeng ma-imply iyon kasi agad niyang sinabi pagkatapos nito, “speak the truth.” Ang sinasabi niya rito ay isang accomplished fact na: ang “kasinungalingan” ay naalis na sa inyo. Wala na kayo sa ilalim ng panlilinlang ng kasalanan. Kayo ngayon ay kay Cristo na siyang “the way, the truth, and the life.” Kailangan nilang iwan ang kanilang “dating paraan ng…pamumuhay” na “corrupt through deceitful desires” (v. 22) dahil dito: “Ngunit hindi sa gayong paraan ninyo natutunan si Cristo! Kung tunay na siya’y inyong narinig at tinuruan sa kanya, kung paanong ang katotohanan ay na kay Jesus” (vv. 20-21). Bilang mga disciples ni Jesus, kailangan nating matutong sumunod sa Kanya. Nagfe-fail tayong sumunod dahil nakakalimutan natin o hindi natin pinaniniwalaan ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesus.

Kailangan tayong ma-motivate na pagsikapan ang kabanalan dahil sa bagong identity na meron tayo dahil sa gospel. Ang mga imperatives dito ay tawag para maging totoo tayo sa ating sarili. Pero kausap ni Paul dito ay mga Kristiyano. Kung hindi ka Kristiyano, sasabihin ng mundo sa ’yo na “be true to yourself.” At hindi iyon mabuti. Dahil kung wala ka kay Cristo, ang puso mo ay mandaraya. Kapag sinunod mo lang ang sariling desires mo, mauuwi iyon sa pagkasira ng buhay mo. Kaya kailangan mong magsisi, humingi ng kapatawaran sa Diyos, at maniwala sa mabuting balita na si Jesus lamang—ang kanyang perpektong buhay, ang kanyang substitutionary death, at ang kanyang muling pagkabuhay—ang makapagliligtas sa ‘yo.

Kung Kristiyano ka naman, ang pagiging “true to yourself” ay ang pagtalikod sa dating makasalanang sarili at ang pamumuhay sa bagong buhay na meron ka na ngayon dahil sa pakikipag-isa mo kay Cristo. Dalangin ko na ang Banal na Espiritu ay malugod na kumilos sa puso mo ngayong araw habang dinadaanan natin ang mga exhortations ni Paul sa passage na ito at pinagbubulayan ang mga motivations na magbibigay-lakas sa ating kalooban “to walk in a manner worthy of the calling to which [we] have been called” (4:1). Nawa’y tulungan tayo ng salita ng Diyos na talikuran ang natitirang kasalanan sa puso natin at pagsikapang maging tulad ni Cristo na may biblical motivations.

Habang dinadaanan natin ang mga verses na ito, makikita natin ang isang general pattern: Una, sasabihin niya kung ano ang dapat alisin, tapos kung ano ang dapat ipalit, at pagkatapos ay ang biblical motivation na siyang basehan ng exhortation na iyon.

#1: Pagsisinungaling (v. 25)

Sa verse 25, “Kaya’t pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo’y mga bahagi ng isa’t isa” (AB). Ano ang dapat nating alisin? Pagsisinungaling. “Kaya’t pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan…” Tulad ng sinabi ko kanina, hindi talaga niya direktang sinabi na “Wag kayong magsisinungaling.” Implied na iyon. Nasa Ten Commandments na rin ‘yan, ika-siyam na utos. Sinabi rin niya ito sa Colossians: “Huwag kayong magsinungaling sa isaʼt isa, dahil hinubad nʼyo na ang dati ninyong pagkatao at masasamang gawain, at isinuot na ninyo ang bagong pagkatao. Ang pagkataong itoʼy patuloy na binabago ng Dios na lumikha nito, para maging katulad niya tayo at para makilala natin siya nang lubusan” (Col. 3:9-10 ASD). Ibig sabihin, ang concern ni Paul ay hindi lang na huwag tayong magsinungaling, kundi na mamuhay tayo sa paraan na consistent sa gospel at sa bago nating identity kay Cristo. Hindi tayo namumuhay ayon sa identity na iyon kung tayo’y nagchi-chismis, hindi tapat sa asawa, hindi umaamin ng kasalanan sa isa’t isa, nagsasalita para lang sa sariling interes pero sinisira ang reputasyon ng iba, o kung nagpe-plagiarize at inaangkin ang gawa ng iba.

Kaya’t itinatapon natin ang pagsisinungaling, at pinapalitan natin ito ng ano? Ng katapatan sa ating pananalita at gawa. “…ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa” (v. 25 AB). Sinasabi rin sa v. 15 na magsalita tayo “ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig” (MBB). Ginagawa natin ito kapag nagho-hold tayo ng accountability sa isa’t isa sa church. Kapag tinanong tayo ng, “How are you doing?” hindi lang natin sinasabi, “I’m okay. I’m good.” Dahil hinuhubog ng gospel ang kultura ng ating church, may kalayaan tayong magsabi ng totoo: “Hindi talaga ako okay. Nag-iistruggle ako ngayon sa porn (o pride, o envy, o greed).” At hindi lang ito tungkol sa sinasabi natin, kundi pati sa paraan ng pamumuhay natin na dapat consistent sa ating ipinapahayag na paniniwala.

Ano naman ang motivation o dahilan kung bakit natin dapat itapon ang pagsisinungaling at ipalit ang katapatan sa salita at gawa? “…sapagkat (heto ang dahilan!) tayo’y mga bahagi ng isa’t isa” (v. 25). Ang motivation na ito ay hindi lang personal (para sa ikabubuti mo, oo, pero hindi lang iyon) kundi ecclesiological. Naka-base ito sa katotohanan na bilang mga Kristiyano, hindi lang tayo kabilang kay Cristo, kundi sa isa’t isa rin. Tayo ay mga miyembro ng iisang katawan. Ang pagsisinungaling ay nakakasama sa kalusugan ng katawan, at bahagi ka ng katawang iyon. Ang paraan ng iyong pagsasalita at pamumuhay sa katotohanan ay isang “work of ministry, for building up the body of Christ” (v. 12).

#2: Makasalanang Galit (vv. 26–27)

Ano naman ang susunod na dapat nating alisin? Makasalanang galit. Sabi sa v. 26, “Magalit kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit” (AB). Kinukuha ito mula sa Psalm 4:4: “Magalit ka, subalit huwag kang magkakasala; magbulay-bulay ka ng iyong puso sa iyong higaan, at tumahimik ka.” Hindi inuutos ni Paul na magalit tayo. Ang punto niya ay may uri ng galit na hindi makasalanan. Tulad ng galit ni Jesus sa mga nagtitinda sa templo (John 2:13-17). Ang galit na iyon ay galing sa kanyang zeal para sa tamang pagsamba sa Diyos (v. 17). Nakita rin ito sa matinding pagtuligsa niya sa hypocrisy ng mga Pariseo sa Matthew 23. Kaya tama lang na magalit sa kasalanan, sa injustices, sa pang-aabuso, at sa kawalang-galang sa Diyos. Kasalanan kung hindi tayo magagalit sa mga iyon.

Pero kadalasan, ang galit natin ay makasalanan at hindi dahil sa zeal para sa kaluwalhatian ng Diyos, kundi para sa sariling interes at reputasyon. Oo, natural na minsan magagalit tayo sa asawa, anak, o kapwa church member, pero sabi ni Paul, “huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit.” Hindi ibig sabihin na hanggang 6PM ka lang puwedeng magalit. Paalala ito na kapag galit tayo, napakalakas ng tukso na gumawa ng masama. Mas madali tayong magsalita ng masasakit at walang kuwentang mga salita kapag galit tayo. Hindi natin nakokontrol ang emosyon at mga kamay natin kapag galit tayo. Sabi nga ni John Calvin: “Dapat nating agad supilin ang ating galit, at huwag hayaang lumakas ito sa patuloy na pananatili nito…Bago pa man makapasok sa puso ang lason ng pagkamuhi sa kapwa, ang galit ay dapat lubusang alisin.”

Kaya dapat agad-agad nating alisin ang galit bago pa ito lumala. Ano naman ang dapat ipalit dito? Hindi pa sinasabi dito, pero sasagutin ni Paul iyan sa vv. 31-32. May isa pang imperative dito na nagsisilbing motivation para harapin agad ang galit: v. 27, “at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo.” Ang pusong puno ng galit ay parang breeding ground ng mga mapanirang plano ng diyablo. Gusto niyang sirain ang mga relasyon sa pamilya at sa church. Kapag nagpadala tayo sa galit, tayo ay magiging alipin ng galit. Tulad ni Cain na nagalit nang husto sa kanyang kapatid na si Abel. Binalaan siya ng Panginoon: “ang kasalana’y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka” (Gen. 4:7 MBB). Binalaan din tayo ni Pedro sa 1 Peter 5:8: “Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa” (MBB). Napaka-praktikal ng motivation na ito. Kung ayaw nating sakmalin at lapain tayo ng diyablo, kung ayaw nating bumagsak ang pamilya at ang church natin sa mga patibong at pakana ng kaaway, huwag nating patagalin ang galit.

#3: Pagnanakaw (v. 28)

Pangatlo, ano pa ang dapat nating alisin? Sabi sa v. 28, “Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa” (AB). Malamang na ang pagnanakaw ay dating lifestyle ng ilan sa mga miyembro ng church na ito. Paalala ni Pablo sa kanila na huwag nang mamuhay ayon sa dati nilang paraan ng pamumuhay. Maaaring hindi natin nakikita ang sarili natin bilang dating magnanakaw, pero nilalabag pa rin natin ang ikawalong utos, “Huwag kang magnanakaw” (Ex. 20:15), sa iba’t ibang paraan—kapag hindi tayo nagbibigay ng ating mga offerings, kapag ang mga employer ay hindi nagbibigay ng sapat na sahod sa kanilang mga manggagawa, kapag ang mga empleyado ay nagtatrabaho nang kulang sa oras, kapag gumagamit tayo ng pirated o unlicensed na ebooks, software, o movies. Nagnanakaw tayo tuwing kinukuha natin para sa ating sarili ang anumang bagay na hindi naman tama o legal na atin kundi pag-aari ng iba.

Pero hindi sapat na huwag lang magnakaw. Ano ang dapat nating ipalit dito? “…kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay” (v. 28 AB). Ito ay para sa mga may kakayahang magtrabaho. Kung kaya mong magtrabaho, magtrabaho ka nang buong lakas. Huwag mong isipin na ang trabaho ay parusa dahil sa kasalanan. Hindi ito yung tipong kapag parating na ang Lunes, pakiramdam mo ay isang bagay lang na kailangan mong gawin kahit ayaw mo. Ang trabaho ay mabuting disenyo ng Diyos para sa atin. Kung ikaw man ay estudyante, empleyado, negosyante, o pastor—magtrabaho ka nang may kasipagan, tapat, at hindi makasarili.

Bakit? Ano ang dapat mag-motivate sa atin? Maraming tao ang nagtatrabaho hanggang maging workaholic, ginagawang idol ang kanilang trabaho, para lang makuha ang mga bagay na gusto nila. Para lang iyon sa sarili nila. Pero tayong mga tagasunod ni Cristo ay may ibang motivation: “upang siya’y may maibahagi sa nangangailangan” (v. 28). Ang ating trabaho ay mahalaga, hindi lang para tugunan ang sariling pangangailangan at ng ating pamilya, kundi para bigyan tayo ng pagkakataon na i-reflect si Cristo habang naglilingkod at tumutulong sa pangangailangan ng iba—pangangailangan sa buhay habang nandito pa sa mundo at lalo na ang pangangailangang pangwalang hanggan. Sabi sa Mark 10:45, “Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami” (AB).

#4: Masasamang Salita (vv. 29-30)

Ano naman ang susunod na dapat nating alisin? Hindi sapat na hindi lang tayo nagsisinungaling. Sabi sa v. 29, “Anumang masamang salita (ESV, corrupting talk) ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig” (AB). Maaaring hindi tayo nagsasalita ng kasinungalingan, pero may mga salita pa rin na lumalabas sa bibig natin na “masama” o “corrupting,” na ang ibig sabihin ay “bulok” o “walang kabuluhan.” Halimbawa, nagsasabi tayo ng totoo tungkol sa isang tao pero sa maling tao natin sinasabi—tsismis yun. O kaya’y pagsasalita ng green jokes, o pakikipag-usap tungkol sa mga bagay na hindi nakakatulong o nakakabuti sa iba.

Ano naman ang dapat nating ipalit? “…kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay, ayon sa pangangailangan” (v. 29 AB). Kailangan nating matutunan hindi lang kung ano ang dapat sabihin at paano ito sasabihin, kundi pati kung kailan ito dapat sabihin. Tandaan natin na ang mga salita natin ay mga instruments of ministry sa loob ng church. Sabi ni Paul, para sa “ikatitibay,” “for building up,” hindi para sa ikasisira. Kaya bago ka magsalita, o mag-post sa Facebook, o mag-comment sa isang post, o mag-reply sa comment sa post mo, isipin mo: “Makakatulong ba ang mga salitang ito para patibayin ang kapatid ko kay Cristo? Angkop ba ito sa panahong ito? O baka dapat ko munang ipagpaliban, at baka masyado pang mainit o emotional ang sitwasyon?” It takes wisdom and maturity para malaman kung ano ang dapat sabihin at kung kelan dapat sabihin at kung sa paanong paraan ito dapat sabihin.

Tanungin mo rin ang sarili mo kung ano ang motivation mo sa pagsagot. Para ba mapatunayan na tama ka? O para magmukha kang magaling kahit may masasaktan in the process? Ano ang dapat na motivation natin ayon kay Pablo? Merong dalawa. Ang isa ay horizontal motivation, nasa verse 29 pa rin, “upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig.” Tayo ay tumanggap ng biyaya, kaya nagbibigay din tayo ng biyaya. Trinatrato natin ang iba hindi ayon sa kung ano ang nararapat sa kanila, kundi ayon sa kung ano ang makakatulong sa kanila sa espirituwal na paglago kay Cristo. Ang bibig natin ay instruments of grace para sa ibang tao—every single day, hindi lang during our worship services.

Ang ikalawang motivation naman ay vertical, nasa verse 30. Bagamat ito ay nasa form ng pautos, ito ay nagsisilbing motivation o dahilan kung bakit dapat gawin yung nakasulat sa verse 29, “At huwag ninyong pighatiin (ESV, do not grieve) ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan niya kayo’y tinatakan para sa araw ng pagtubos” (AB). Tulad ng ginawa ng mga Israelita sa Old Testament, “Ngunit sila’y naghimagsik, at pinighati ang kanyang Banal na Espiritu” (Isa. 63:10 AB), maaari rin nating pighatiin o labanan ang Espiritu. Ang katotohanang maaari nating pighatiin ang Espiritu ay nagpapatunay na ang Espiritu ay hindi lang isang bagay, puwersa, o impluwensiya, kundi isang persona. Ang ikatlong persona ng Trinidad ay Diyos mismo. So, sinasabi dito ni Paul na pinipighati natin ang Espiritu kapag nagkakasala tayo laban sa katawan ni Cristo, kapag sinisira natin “ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan” (4:3). Kapag nagsisinungaling tayo o namumuhay nang may pagkukunwari, pinipighati natin ang Espiritu ng katotohanan (Juan 14:17; 15:26; 16:13). Kapag nagsasalita o kumikilos tayo sa paraang nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa katawan ni Cristo, pinipighati natin ang Espiritu.

At idinagdag pa ni Paul na sa pamamagitan ng Espiritung ito “kayo’y tinatakan para sa araw ng pagtubos” (Eph. 4:30). Binanggit na niya ‘to sa Ephesians 1:13-14, tayo ay “sealed by the promised Holy Spirit.” Tayo ay pag-aari at tinatakan ng Espiritu. Sa kanya tayo, siya ang nagmamay-ari sa atin, at siya ay nananahan sa atin—hindi lang sa atin individually, kundi sa atin as a church. Bakit nga naman tayo magsasalita ng anumang masama laban sa kapatid natin kung ang kapatid na ito ay tinatakan din ng Espiritu? Ibig sabihin, hindi lang meron tayong isang church, meron tayong isang future. Hanggang sa kabilang buhay, hanggang sa walang hanggan, magkakasama pa rin tayo! Kung lagi nating iisipin ang glorious reality ng kaligtasang meron tayo kay Cristo, lahat ng maliliit na relational issues na meron tayo ngayon ay magiging napakaliit kumpara rito.

#5: Masasamang Hangarin (vv. 31–32)

At sa huli, pinagsama-sama ni Pablo ang iba’t ibang makasalanang pagnanasa na dapat nating alisin—at lahat ng ito ay may kinalaman sa kung paano tayo nakikitungo sa iba, lalo na sa loob ng katawan ni Cristo. Ano raw ang dapat alisin? Sabi sa v. 31, “Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang-puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan” (AB). Lahat ng ito ay may kinalaman sa pagkakaroon ng masamang damdamin laban sa kapwa. Kapag may hinanakit tayo sa iba dahil sa kasalanang ginawa nila sa atin, kapag negatibo ang iniisip natin tungkol sa kanila, kapag nagsasalita tayo laban sa kanila, o nagbabalak tayong gumawa ng paraan para makaganti sa kanilang kasalanan—hindi lang sila ang nagagawan natin ng kasalanan, kundi pati ang Diyos mismo.

Pansinin natin ang salitang “lahat”—paalala ito na hangga’t may natitira pa tayong negatibong saloobin laban sa iba, hindi pa tapos ang ating pakikipaglaban sa kasalanan. Hindi tayo dapat maging komportable sa anumang natitirang kasalanan sa ating puso. Tinawag tayo na patayin ang bawat natitirang kasalanan sa ating puso. Nakuha ni John Chrysostom (AD 347–407) ang bigat nito: “Wasakin natin ang pinakapundasyon ng lahat ng sama ng loob; bunutin natin ito hanggang sa pinakaugat nito. Wala talagang mabuting bunga, wala ring mabuting kalusugan, ang magmumula sa pusong puno ng sama ng loob—kundi puro kapahamakan, puro luha, puro iyak at panaghoy.”

Ang labang ito ay hanggat hindi napapalitan ang mga masasamang hangaring ito. Ano ang dapat ipalit dito? Kabutihan, habag, at pagpapatawad. Sabi sa v. 32, “…at maging mabait kayo sa isa’t isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa’t isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo” (AB). Kung tayo ay mga Kristiyano, tinatawag tayong maging parang “little christs” sa pakikitungo sa iba. Si Cristo mismo ay nakaranas ng masamang pagtrato sa kanya noong siya’y nasa lupa. Siya ay itinakwil ng sariling pamilya, iniwan ng kanyang mga disipulo, inakusahan ng mga relihiyosong pinuno ng blasphemy o paglapastangan sa Diyos, kinutya, siniraan, at inabuso. Siya ay nagdusa ng injustice, ngunit nanatili siyang mabuti, mahabagin, at mapagpatawad.

Ang maging katulad ni Cristo sa mga taong nakasakit sa atin ay hindi madali. Sa katunayan, imposible ito para sa atin. Pero dahil naranasan natin mismo ang kabutihan at kapatawaran ng Diyos kay Cristo, nagiging posible ito. Ito ang tinatawag na gospel-motivated transformation. So, ano motivation na dapat meron tayo dito? Pansinin natin kung paano inangkla ni Pablo ang exhortation na ito sa ebanghelyo: “…gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.” Ganito rin natin dapat mahalin ang iba: “as Christ loved us and gave himself up for us” (Eph. 5:2). Ito ang pinaka-powerful na motivation natin sa sanctification—ang kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesu-Cristo. Nahihirapan tayong magpatawad at maging mabuti sa iba dahil nakakalimutan natin ang kaligtasang tinanggap natin by grace alone.

Conclusion: Sapat ang Biyaya ng Diyos para sa Ating Sanctification

Alam na natin kung anong mga kasalanan ang dapat nating alisin at patayin—pagsisinungaling, pagnanakaw, galit, at maruruming pananalita. Alam din natin kung anong mga Christ-like virtues ang dapat pagsikapang ipalit—katapatan sa pananalita, tapat na pagtatrabaho, kabutihan, habag, at pagpapatawad. At napakaraming biblical motivations ang ibinigay sa atin para matulungan tayo sa labang ito—mga theological at practical motivations. Sabi ni Ian Hamilton, “There is surely no more powerful incentive to pursue godliness than an ever-deepening awareness of the riches of God’s grace to us in the gospel.”

Hindi lang ang biyaya ng ebanghelyo, kundi ang biyaya na ating pinagsasaluhan bilang isang katawan, bilang isang iglesia. Hindi ka nag-iisa sa laban na ito laban sa kasalanan at sa pag-pursue ng Christlikeness. Ang sanctification ay isang corporate project. Tayo ay mga miyembro ng iisang katawan. Napag-aralan na natin sa vv. 15-16, two weeks ago, na meron tayong trabahong dapat gawin para matulungan ang isa’t isa, para matulungan ang buong church, na tumibay, tumatag, mag-mature habang tayo ay nagmamahalan. As we love each other, pinapaalalahanan natin ang isa’t isa hindi lang kung ano ang dapat gawin at hindi dapat gawin. Pinapaalalahanan din natin ang isa’t isa kung ano na ang ginawa ng Diyos para sa atin kay Cristo. Ipinapangaral natin ang ebanghelyo sa ating sarili at sa isa’t isa. Ang tunay na transformation ay nangyayari habang sabay-sabay tayong lumalalim—as we grow deeper into the gospel together bilang isang church.

Oo, may mga natitira pa ring habitual sins na kailangan nating harapin. Pero magpakatatag tayo, lakasan natin ang loob natin, dahil sapat ang biyaya ng Diyos para sa ating lahat. Ibinigay na niya ang lahat ng resources na kailangan natin para lumago sa sanctification—ang Espiritu ng Diyos na ginagamit ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pamilya ng Diyos. At darating ang araw na matatapos na ang lahat ng ito—wala nang struggling, wala nang pakikipaglaban, wala nang paghihirap sa pagharap sa kasalanan. Makikita natin ang mukha ni Jesus, mawawala na ang kasalanan, at tayo’y magiging lubos na katulad niya. “Alam nating sa pagdating ni Cristo, tayo’y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya” (1 John 3:2 MBB). Sa araw na yun, magiging kumpleto ang ating transformation. Pero habang hinihintay natin ang araw na yun, we do not wait passively. Patuloy tayong lumalaban sa kasalanan, patuloy tayong sumusunod kay Cristo at hinahangad na maging tulad niya sa lahat ng paraan, at patuloy tayong nagtitiwala sa kanya na nagbigay ng kanyang buhay para sa atin—para magkaroon tayo ng bagong buhay sa pakikipag-isa natin sa kanya. This is the only life worth living for. Ito ang buhay Kristiyano, buhay na nakay Cristo.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply