Preparation: Paano dapat basahin ang Awit 23?

Ang ministry ng pastor na tulad ko, kasama ng ibang mga elders/pastors ng church, ay shepherding. Para alagaan kayo sa pamamagitan ng pagtuturo ng salita ng Diyos, ng pagsasanay sa inyo sa ministry, ng panalangin para sa inyo, ng pagpapayo, at ng pagdidisiplina. Sinisikap naming gawin ang best namin para alagaan kayo. Pero siyempre, we are far from perfect. Limitado ang lakas namin, ang karunungan, at ang oras. Kaming mga pastor ay kailangan din ng magpapastol sa amin. During my sabbatical leave last year, January to April, malaking tulong sa akin ang libro ni David Gibson, The Lord of Psalm 23. Pinaalala sa akin ng Panginoon sa mga panahong iyon ang laki ng pangangailangan ko sa kanya dahil sa kasalanan at pagkukulang ko bilang asawa, bilang ama, bilang pastor, at bilang tupa.

Dahil din sa libro na yun, matagal ko nang gustong i-preach itong Psalm 23, kaya ngayon ay three Sundays natin ‘tong pag-aaralan. Napaka-precious nito sa marami. Marami siguro sa inyo ang magsasabi na ito ang isa sa pinakapaborito ninyong mga verses sa buong Bible. Madalas natin itong basahin at marinig kapag may namatay, kapag merong maysakit, kapag may financial troubles, kapag nag-iisa at nalulungkot. Kapag may iba’t ibang pinagdadaanan sa buhay, salita ng Diyos ang talagang makakapitan natin. Kaya challenging din itong i-preach, mataas ang expectations natin dito. How can I do justice to these precious six verses? Kaya pinagpe-pray natin na tulungan tayo ng Holy Spirit na nag-inspire kay David na isulat ‘to na kumilos sa puso natin para ito rin ang maging awit ng puso natin.

Isa pang challenge sa pag-aaral nito ay yung sobrang pamilyar na dito. Memorized ito kahit ng mga bata. Maraming kanta ang based sa Psalm 23. Merong danger ang overfamiliarity. Yun bang assumption na alam na natin ‘to. Pero sa yaman ng salita ng Diyos, i-expect natin na merong “Aha!” moment habang pinakikinggan natin in a fresher way sa partikular na season na ‘to ng buhay natin. Kailangan nating mag-slow down, magbulay-bulay, mag-focus sa bawat salita sa awit na ‘to, at tingnan natin kung paano ito nakakonekta sa buong awit, at kung paanong ang Awit 23 ay nakakonekta sa kasaysayan ng gawa ng Diyos sa buhay ni David at ng Israel sa Old Testament, at kung paano ito siyempre nakakonekta kay Cristo, at sa ating mga Kristiyano.

So, hindi lang tayo basta familiar sa awit na ‘to. Sa bahay nga ni Nanay Yoya merong naka-frame na cross-stitch ng Psalm 23 sa pader nila, gawa ng anak niya. Pero naiintindihan ba ito ng lahat ng kasama niya sa bahay? Masarap pakinggan, oo, pero hindi pwedeng ihiwalay natin ito sa buong mensahe ng Bibliya. Kaya bilang paghahanda, dapat nating tanungin, “Paano natin dapat basahin ang Psalm 23?” Heto ang maikling sagot ko:

Ang Awit 23 ay awit ni David tungkol kay Cristo para sa bawat Kristiyano.

“Awit ni David.” Kasama ‘yan sa verse 1, bahagi ng inspired text. Si David ang sumulat ng maraming mga awit dito sa book of Psalms. Siya ang pinakamamahal na hari ng Israel. Bilang hari, siya rin ang leader at shepherd ng Israel. “Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor (pastol, shepherd) ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan” (2 Sam. 5:2 MBB). “…isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod. Ang alaga dati nito ay kawan ng mga hayop, nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos” (Psa. 78:70, 71). Pero sa Psalm 23, si David ay isang tupa na nasa ilalim ng pamamahala at pangangalaga ng Diyos. “So Psalm 23 is about God caring for his people by caring for their king. Through David, God himself was the Shepherd and King over all his people” (Johnston, The Psalms: Volume 1 – Psalms 1 to 41, p. 244).

Ito ay awit ni David na nagpapahayag ng kanyang pagtitiwala sa Diyos. Hindi lang bilang shepherd. Tatlong images ng relationship ni David sa Diyos ang makikita natin dito, na siyang binanggit ni Alec Motyer sa New Bible Commentary (p. 500), at ginamit din na outline ni David Gibson sa kanyang libro, at gagamitin din nating outline ng series natin.

  1. Si David bilang isang tupa, ang Diyos bilang “aking pastol” sa vv. 1-3, kaya masasabi niya na may pagtitiwala, “Hindi ako magkukulang” (v. 1).
  1. Si David bilang isang manlalakbay, ang Diyos bilang “aking kaagapay” o gabay sa v. 4, kaya masasabi niya, “Hindi ako matatakot” (v. 4 ASD).
  1. Si David bilang isang bisita, ang Diyos bilang host o tagapaghanda sa vv. 5-6, kaya masasabi niya, “Ako’y maninirahan sa bahay ng Panginoon magpakailanman” (v. 6 AB).

Kaya bago natin angkinin ang awit na ito para sa atin, dapat muna nating tingnan na ito ay awit muna ni David, bilang hari na nagre-represent sa Israel, na tinuturuan din na magtiwala sa Diyos na tulad ni David. At hindi lang yun, ito ay awit ni David tungkol kay Cristo. Ito yung conviction natin sa pag-aaral ng Bibliya, kasali ang Old Testament. Nakaturo ito kay Cristo. Sabi niya mismo sa mga disciples niya pagkatapos na siya’y muling mabuhay, “Dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit” (Luke 24:44), kasali ang Awit 23. Ito ay awit ni David at awit ni Jesus na “Anak ni David” (Matt. 1:1), na higit na dakila kaysa kay David. So, si David ay hindi lang isang hari kundi isang propeta na nagsasalita tungkol kay Cristo. Tulad ni David, si Cristo ay parehong isang tupa at isang pastol. Siya ang katuparan ng Isaiah 53:7, ang “tupang nakatakdang patayin,” na ipinailalim ang sarili niya sa pamamahala at pangangalaga ng Diyos (1 Peter 2:23).

Ang Psalm 23 ay awit ni David, na awit ni Cristo at tungkol kay Cristo, at awit din ng bawat Kristiyano na mga tupang ang pastol ay si Cristo. “Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naligaw, ngunit ngayon kayo’y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa” (1 Pet. 2:25). Si Jesus ang ating “mabuting pastol” (John 10:11), kung tayo ay kabilang sa kanyang mga tupang nakikinig sa kanyang tinig (John 10:3). Itong Psalm 23 ay boses ni Jesus na siyang boses din na lalabas sa mga bibig natin kung tayo ay nakay Cristo. Kaya pwede nating angkinin ang awit na ito para sa atin din kung tayo ay nakay Cristo.

Sa verses 1-3 lang muna tayo ngayon, at sagutin natin ang tatlong tanong: 1) Sino ang aking pastol; 2) Ano ang ginagawa ng aking pastol para sa akin?; at 3) Paano ako makatitiyak na ito nga ay gagawin ng aking pastol para sa akin?

1. Sino ang aking pastol? (v. 1)

Una, sino ang aking pastol? Malinaw ang sagot sa verse 1, “Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang.” Ang tanong dito ay may kinalaman sa identity, sino siya? At yung identity natin in relation sa Diyos natin, sino tayo. At yung kumpiyansa na dulot nung relasyon na ‘yan na meron tayo sa Diyos. Oh, sweet words in just one verse.

Si Yahweh…

Unahin muna natin kung paano siya ipinakilala. Sa English, “The LORD is my shepherd” (ESV). All caps ‘yan na LORD, ang tinutukoy ay ang pangalan ng Diyos na “Yahweh.” Kaya maganda sa MBB. Sa Legacy Standard Bible din, “Yahweh is my shepherd.” Hindi “shepherd” ang pinakamahalagang salita sa Psalm 23. Dun kasi agad tayo dumidiretso. “Yahweh” ang pinakamahalagang salita dito. Hindi lang sa simula, kundi pati sa dulo. Verse 6, “magpakailanma’y sa bahay ni Yahweh mananahan.” Ang kumpiyansa ni David sa buhay ay nanggagaling sa identity ng kung sino ang kanyang pastol—si Yahweh.

Sino siya? Hindi siya isa lang sa mga diyos, siya ang nag-iisang Diyos. “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh” (Deut. 6:4). Yahweh ang pangalang ipinakilala niya sa Israel. Remember the burning bush sa pagtawag ng Diyos kay Moises, na isa ring pastol: “Habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro” (Exod. 3:1). Nagliliyab ang puno. Nagpakita ang Diyos sa kanya at sinabi ang plano niya na ililigtas niya ang Israel mula sa pagkakaalipin sa Egipto. Anong kumpiyansa ang ibinigay sa kanya ng Diyos sa pagharap sa mga Israelita? Ang pangalan niya.

Ako’y si Ako Nga. [footnote: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Yahweh” at “Ako Nga” ay magkasintunog.] Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. (vv. 14-15)

Kapag ipinapakilala natin ang sarili natin sinasabi natin kung saan tayo nanggaling, “Ako nga pala ay anak nina…” Pero ang Diyos? Ako nga, period. Creator, walang lumikha, siya ang lumikha sa lahat. Self-existent, walang pinagmulan, siya ang pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay. Self-sufficient, walang anuman o sinumang kailangan, siya ang nagkakaloob ng lahat ng ating kailangan. Independent, hindi nakasalalay ang buhay sa iba, ang buhay natin ang nakasalalay sa kanya. Sovereign, makapangyarihan sa lahat na makagagawa ng kahit anong nais niyang gawin, hindi natin kayang gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Ganun din kapag titingnan natin ang Exodus 33:19; 34:6-7. Ang pangalan ni Yahweh, his sovereignty and his gracious character, ang nagbigay kay Moises at sa Israel ng kumpiyansa na ipagkakaloob ng Diyos ang kailangan nilang pagliligtas mula sa pagkakaalipin sa Egipto. Ang kumpiyansa natin ay nanggagaling hindi sa isang tao, bagamat human image ang pastol, at talaga may pagpapakababa on the part of God na ihambing ang sarili niya sa isang pastol. Abomination nga ang mga shepherds, na siyang occupation ng pamilya ni Jacob, para sa mga Egyptians noong panahon ni Joseph (see Gen. 46:32-34). Bago natin pag-isipan ang image ng isang shepherd, ipako muna natin ang atensyon natin sa katotohanang ang shepherd na ito ay si Yahweh, Diyos, divine, hindi tao na tulad natin.

…ang aking pastol…

Doon pa lang tayo magiging handang pagbulayan kung ano ang ibig sabihin na siya “ang aking pastol.” Middle eastern image ‘yan. Unfamiliar sa atin. Dito tagapag-alaga ng kambing, kalabaw, o aso, o pusa. Pero sa kanila, tupa. Usually, ang shepherd ay inupahan ng may-ari na mag-alaga ng kanyang tupa, o siya mismo ang may-ari. Ang Diyos na ating pastol ang nagmamay-ari sa atin. Kung tayo ay sa kanya, ibig sabihin sagot niya tayo, siya ang bahala sa atin, siya ay committed na gawin ang lahat ng dapat gawin para sa kapakanan ng kanyang tupa. Kapag nagugutom, papakainin. Kapag nauuhaw, papainumin, Kapag nasugatan, papagalingin. Kapag napapagod, pagpapahingahin. Kapag naliligaw, hahanapin. Kapag nangangagat ng ibang tupa, papaluin. Kapag may mga mabangis na hayop na aatake sa tupa, ipagtatanggol.

Tulad ni Moises, si David din ay isang pastol ng mga tupa, at pastol din bilang leader ng bansang Israel. Shepherd-King kumbaga. Pero dito, siya ay isang tupa. Si Yahweh ang Shepherd-King ni David at ng kanyang bayang Israel (Psa. 95:7; 100:3). This is very personal para kay David. Ayon kay Charles Spurgeon, “Ang pinakamatamis sa lahat ng salita ay yung salitang ito: ‘Akin.’ Hindi niya sinabi, ‘Ang Panginoon ay pastol ng buong mundo, at pinagpapastulan niya ang karamihan bilang kanyang kawan,’ kundi ‘Si Yahweh ang aking pastol.’ Kahit pa wala siyang ibang pagpapastulan, siya ay pastol sa akin—nagmamalasakit siya sa akin, nagbabantay sa akin, at nag-iingat sa akin” (The Treasury of David). Sweet, pero may warning para sa mga wala kay Cristo. “Walang sinuman ang may karapatang ituring ang sarili niya na kabilang sa mga tupa ng Panginoon kung hindi pa nababago ang kanyang kalikasan, sapagkat ayon sa Kasulatan, ang paglalarawan sa mga hindi pa converted ay hindi gaya ng mga tupa, kundi gaya ng mga asong-gubat o mga kambing.”

…hindi ako magkukulang.

Pero kung ikaw ay tupa na kabilang kay Cristo, this is our confidence. Kung si Yahweh ang aking pastol, “hindi ako magkukulang.” Sa ESV, “I shall not want.” Hindi ibig sabihing wala ka nang ibang desires. Old English ‘yan na ang ibig sabihin ay wala nang kulang. Lahat ng kailangan mo ay ibinibigay niya. Take note, hindi lahat ng gusto mo, hindi lahat ng ine-expect mo, hindi lahat ng hinihiling mo sa kanya, hindi lahat ng meron ang ibang tao, hindi lahat ng pinapangarap mo, hindi lahat ng sa tingin mo ay makapagpapasaya sa ‘yo. Kundi, lahat ng kailangan mo. Alam niya kung ano ang kailangan natin. Maging sa pagkakait ng mabubuting bagay na inaasahan nating ibibigay niya, mas alam niya kung ano ang kailangan talaga natin, better than we do.

Ang verb form ng “hindi ako magkukulang” ay hindi future tense, kundi imperfect tense. Ibig sabihin, totoo ito ngayon, at nagpapatuloy hanggang sa future (Ash, 2:268). Hindi niya sinasabing, pwedeng nagkukulang ako ngayon, pero ang kumpiyansa ko ay darating ang araw na hindi ako magkukulang. No. Ang sinasabi niya, “Dahil si Yahweh ang aking pastol, kahit kailan ay hindi ako magkukulang—ngayon, bukas, at magpakailanman.” Ito yung klase ng kumpiyansa na makikita natin sa sagot sa Heidelberg Catechism Question 26 tungkol sa ibig sabihin ng “God the Father Almighty”: “Sa kanya ako ay nagtitiwalang lubos kung kaya’t wala akong pag-aalinlangan na ipagkakaloob niya sa akin ang lahat ng bagay na kailangan ng aking katawan at kaluluwa, at gagamitin din niya para sa aking ikabubuti ang anumang masamang bagay na ipapadala niya sa akin sa mapighating buhay na ito. Kaya niyang gawin ito dahil siya ay makapangyarihang Diyos, at ibig niya ring gawin ito bilang isang tapat na Ama.” At siyempre, dahil siya ang aking pastol.

2. Ano ang ginagawa ng aking pastol para sa akin? (vv. 2-3a)

Sinasagot ng verse 1 ang tanong na, “Sino ang aking pastol?” Ang sagot: Si Yahweh ang aking pastol. At dahil siya ang aking pastol, hindi ako magkukulang sa anumang bagay na kailangan ko araw-araw. Kaya kung mananalangin tayo, “Bigyan n’yo kami ng aming pagkain sa araw-araw,” makatitiyak tayo na ibibigay niya ang lahat ng kailangan natin. Para naman sa susunod na tanong, “Ano ang ginagawa ng aking pastol para sa akin?”, nasa verses 2-3 ang sagot. Again, think of the image ng isang pastol na nag-aalaga sa kanyang tupa. Merong apat na nakasulat dito, lahat ang pastol ang gumagawa at ang tupa ang beneficiary ng gawa ng pastol: “pinapahimlay niya…inaakay niya…pinapanumbalik niya…pinapatnubayan niya…” Siya ang Bida, hindi ang tupa. Kung ano ang ibinibigay niya, tinatanggap natin. Kung saan niya tayo dinadala, sumusunod tayo. Dahil yun ang kailangan ng tupa, at walang kakayahan ang tupa na gawin o ibigay sa sarili niya ang kailangan niya. We are totally dependent sa ating pastol. Ano ang ginagawa ng aking pastol para sa akin?

…pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan…

Una, “pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan.” Sa ESV, “he makes me lie down in green pastures.” Hindi ka niya pinipilit na mahiga. Pero kung ikaw ay isang tupa sa isang lupain na tuyo, maalikabok, mabuhangin, so inviting and so attractive kapag dadalhin ka sa isang damuhan, maberde, maraming dahon. Andun yung richness and abundance ng provision ng Diyos. Usually, ginagamit ang “green pastures” para sa mga Pilipino na naghahanap ng green pastures sa America o sa Japan. Pero ang tupa sa Awit 23 ay hindi naghahanap ng green pastures, ibinibigay ito sa kanya. Para makakain siya, para mabusog siya, para makapagpahinga siya. “Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom, ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon” (Psa. 34:10 ASD). Ang mga tupa na nagtitiwala sa kanilang pastol.

Hindi malupit si Yahweh sa kanyang mga tupa sa Old Testament, “Dumarating ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan, dala ang gantimpala sa mga hinirang. At tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan; sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa’y kanyang yayakapin. Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin, at papatnubayan ang mga tupang may supling” (Isa. 40:10-11). Si Yahweh na isang gentle shepherd ay si Jesus din na “gentle and lowly in heart” (Matt. 11:29), na siyang nag-aanyaya sa mga tupang nahihirapan at nabibigatan, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” (Mat. 11:28). Lalapit ka ba sa kanya o maghahanap ka pa ng iba? Meron ka bang matatagpuan na tulad niya na nagbibigay ng tunay na kasiyahan at kapahingahan?

…at inaakay niya [ako] sa tahimik na batisan.

Malinaw rin ito sa ikalawang ginagawa ng aking pastol para sa akin: “at inaakay niya [ako] sa tahimik na batisan.” Sa ESV, “He leads me beside still waters.” Hindi lang ito tungkol sa isang body of water na tahimik at kalmado lang, tulad ng isang water pond. Ito ay pwede ring isalin na “waters of rest,” gaya ng footnote sa ESV. Kaya ang salin sa Ang Biblia, “mga tubig na pahingahan.” Ang mga tupa ay napapagod at nauuhaw, kailangan nila ng tubig na maiinom. Sa isang lugar na bihira ang tubig dahil maraming disyerto, water is a very precious commodity. Hindi natin ‘yan masyadong nararamdaman dahil marami naman tayong supply ng tubig. Pero ang isang tupa, mangmang ‘yan, walang alam kung saan pupunta para makahanap ng sapat na water supply. ‘Yan ang ginagawa ng pastol para sa kanya, inaakay siya, “He leads me…”

He leads, we follow. Hindi tayo ang maghahanap sa sarili natin. Kapag tayo ang naghanap, kung saan-saan tayo iinom, akala natin pornography will satisfy our thirst, pero lalo lang tayong nauuhaw. Akala natin ang maling relasyon ang magbibigay sa atin ng kapahingahan, pero lalo lang tayong napapagod. Akala natin yung mga materyal na bagay ang makapagsa-satisfy sa atin, pero lalo lang tayong nagiging empty. Akala natin yung promotion sa trabaho ang makapagbibigay sa atin ng hinahanap natin, pero ilusyon lang pala.

Ito yung hinahanap ng Samaritan woman na nag-iigib ng tubig sa balon, yung pagkauhaw niya sa relasyon akala niya sa iba’t ibang lalaki niya matatagpuan. Hinanap ni Jesus ang babaeng ito na isang tupang ligaw, at inakay sa “tubig na pahingahan.” Sabi niya, “Ang bawat uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan” (John 4:13-14). Later on, sinabi rin niya, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. Ang sumasampalataya sa akin, ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay’” (John 7:37-38). Si Jesus ang ating mabuting pastol na umaakay sa atin tungo sa tubig na nagbibigay ng buhay at kapahingahan. Bakit maghahanap ka pa ng iba?

Pinapanumbalik niya ang aking kaluluwa [AB]…

Lalo na kung mare-realize mo na ang mismong buhay mo ay nakadepende sa kanya. Ito yung ikatlong ginagawa ng aking pastol para sa akin, verse 3, sa Ang Biblia, “Pinapanumbalik niya ang aking kaluluwa.” Sa MBB kasi ganito, “Pinapanumbalik ang aking kalakasan,” na para bang isang tupa na nanghina at napagod pero muling lumakas dahil sa tulong ng pastol. Pero mas higit pa diyan ang sinasabi dito. Kaya nga sa ESV, “He restores my soul.” Merong sense ng pagpapanumbalik o repentance o restoration, na para bang isang tupa na naligaw at nalayo, pero ngayon ay naibalik na. Hindi ba’t ito ang sinabi ni Jesus na dahilan kung bakit nakikisama at nakikisalo siya sa mga makasalanan? Na para bang sila’y mga tupang naligaaw na kailangang hanapin at ibalik: “Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba’t iiwan niya ang siyamnapu’t siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito’y matagpuan? Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin” (Luke 15:4-5).

Kung malayo ang tupa sa pastol, patay. Kapag wala ang ating kaluluwa, patay. Ang “kaluluwa” ay tumutukoy rin sa core of our being, our humanity. Kapag tayo ay spiritually dead, we are less than human, not fully human. Si Jesus na ating pastol ang nagbalik ng ating buhay, ng ating pagkatao, ng pagkatao na in relationship with God. Kaya nga nang bumalik ang alibughang anak sa kanyang ama, sabi ng ama sa kuya, “Nararapat lang na tayo’y magsaya at magdiwang, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan” (Luke 15:32). Bakit ba naparito si Cristo? “Upang hanapin at iligtas ang naligaw…upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos” (Luke 19:10; John 10:10). Paano tayo iniligtas at nagkaroon ng buhay? “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa” (John 10:11). Ang pastol ay siya ring tupa na pinatay nang siyang parang hayop na kinatay sa krus para sa ating “mga tupang naliligaw,” inako “ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap” (Isa. 53:6). Meron ka pa bang matatagpuan na higit na mabuti kaysa kay Jesus? Meron bang tao na kinakapitan mo ngayon ang mag-aalay ng kanyang buhay para sa ‘yo? Meron bang sinuman ang makapagbibigay ng buhay sa ‘yo, that can make you truly human?

…at pinapatnubayan niya [ako] sa tamang daan…

Ang maging tunay na tao ay ang lumakad sa daan na nais ng Diyos na lakaran natin. Ito naman ang ikaapat na ginagawa ng aking pastol para sa akin: “pinapatnubayan niya [ako] sa tamang daan.” Sa ESV, “He leads me in paths of righteousness.” Tama rin naman ang “tamang daan.” Hindi lang concern ang Diyos na ibalik tayo kapag tayo ay naligaw, nais niya na magpatuloy tayo sa tamang daan. Hindi lang gusto ng Diyos na bigyan tayo ng buhay, nais niya na manatili tayo sa bagong pamumuhay. Ang daang tinutukoy rito ay daang tinahak ng pastol, ang daang sinusundan ng mga tupa. Matuwid na pamumuhay, dahil si Yahweh ay matuwid. May kabanalan, dahil si Yahweh ay banal. Sumusunod sa kanyang mga utos, dahil siya ang pastol at tayo ay mga tupa, at ang marka ng isang tunay na tupa ay yung nakikinig sa boses ng pastol: “The sheep hear his voice, and he calls his own sheep by name and leads them out” (John 10:3). He leads, we follow.

Kahit saan niya tayo dalhin, yun ang matuwid na daan, kahit na mahirap, kahit na nakakatakot, kahit na may pagsasakripisyo. Hindi tupa ang nasusunod. Ang pastol. May nakausap akong mag-asawa nitong nakaraang araw. Sinabi ng lalaki kung ano ang gusto niya. Sinabi ng babae kung ano ang gusto niya. Ang tanong ko, “Ano ba ang gusto ng Panginoon?” Sabi ni Jesus, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin” (Luke 9:23). Susunod ka ba sa kanya? O sarili mo ang susundin mo? Hindi mo pwedeng sabihing, “Si Jesus ang aking pastol,” kung sarili mo naman ang sinunod mo. Hindi mo rin pwedeng asahan na magiging masaya ang buhay mo kung sariling daan mo ang nilalakaran mo. Hindi man madali ang daan na lalakaran natin sa pagsunod kay Cristo, yun ang tamang daan, yun ang daan ng buhay, dahil yun ang daan at buhay na si Jesus mismo (John 14:6).

Ang lahat ng kailangan natin—ang kasiyahan, ang kapahingahan, ang kalakasan, ang buhay, ang katuwiran—ay matatagpuan natin kay Jesus na ating pastol. Tinanong ni Christopher Ash (Psalms, 1:269) kung ito bang mga ito ay seasonal lang. Paano sa oras ng matinding pagsubok? Ito ba ay mararanasan lang natin pagkatapos ng pagsubok? O maging sa oras ng pagsubok? Sinabi niya na ang tenses ng verbs na ginamit dito ay nagsa-suggest na ito ay “continuing state of affairs for David, for Christ, and for the believer.” At yung images ng tubig at pagkain na ginagamit din sa new convenant ay nagsa-suggest na ito ay “ongoing experience of his followers.” Habang patuloy tayong nakikinig sa salita ni Cristo, sa Bibliya, sa pamamagitan ng Espiritu, at sumusunod sa kanya, anumang mga pinagdadaanan natin sa buhay, mararanasan natin araw-araw (not just in the future, kundi araw-araw) ang kapahingahan, kasiyahan, kalakasan, at katuwirang kay Cristo lang matatagpuan, wala nang iba. Kaya kapag sinabi niyang, “Come to me,” lalapit tayo. Kapag sinabi niyang, “Follow me,” susunod tayo.

3. Paano ako nakatitiyak na ito nga ay gagawin ng aking pastol para sa akin? (v. 3b)

Kung ang Awit 23 ay awit ng pagtitiwala, hindi lang natin dapat tanungin yung unang dalawa, “Sino ang aking pastol?”; “Ano ang ginagawa ng aking pastol para sa akin?” Mahalaga itong pangatlo, “Paano ako nakatitiyak na ito nga ang gagawin ng aking pastol para sa akin?” Hindi ba siya magsasawa o aayaw? Lalo na sa panahong nagdududa ako, humihina ang tiwala ko, at nalilihis ako ng landas? Anong assurance ang meron ako na ang unwavering commitment ng aking pastol ay hindi magbabago kahit sa mga panahong ako na tupa ang bumababa ang level of commitment ko sa kanya? Ang assurance ay nandun sa huling linya ng verse 3. Ito rin ang sagot sa tanong kung bakit at para saan ginagawa ni Yahweh ang lahat ng ito para sa kanyang mga tupa. “…alang-alang sa kanyang pangalan” (v. 3 AB). Medyo weak ang salin ng MBB, “upang aking parangalan ang kanyang pangalan.” Tama naman na yun ang response natin sa pag-aalaga niya sa atin bilang kanyang tupa. Pero ang focus nito ay nasa purpose ng Diyos kung bakit niya ito ginagawa para sa atin. Para saan? “For his name’s sake.”

Oo, ginagawa niya ito para sa ikabubuti natin. And God is really committed for our good. ‘Yan ang covenant commitment ng Diyos. ‘Yan ang nakakabit na significance sa pangalang “Yahweh.” Merong all-out commitment ang Diyos para sa kanyang mga tupa. But, ultimately, ang pinakalayunin, pinakahangganan ng lahat, God’s chief end, ay gawin ang lahat para sa karangalan ng kanyang pangalan. Ang pangalang “Yahweh” ang nakasalalay rito. Reputasyon ng Diyos ang nakataya. Meron siyang tipan kay Abraham. Meron siyang tipan sa Israel. Meron siyang tipan kay David. Meron siyang bagong tipan na ang katuparan ay nakay Cristo. Ano ang katiyakan na meron tayo na hindi sisirain ng Diyos ang pangako niya na ibigay sa atin ang lahat ng kailangan natin? “Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi dahil sa banal kong pangalan…Makikilala ng lahat na ako si Yahweh kung maipakita ko na sa kanila na ako ay banal” (Ezek. 36:22-23). “For my name’s sake…For my own sake, for my own sake, I do it…My glory I will not give to another” (Isa. 48:9, 11). Good news sa atin na committed ang Diyos, passionate ang Diyos for his own glory. Ibig sabihin, committed siya na tuparin ang kanyang pangako, committed siya na ibigay ang lahat ng ating kailangan. Ito ang ating kumpiyansa. Wala sa sarili nating commitment sa Diyos. Kundi nasa commitment ng Diyos for our good and for his glory.

Response: Paano tayo dapat tumugon sa Awit 23:1-3?

Kung si Yahweh ang ating pastol na nagkakaloob ng lahat—as in, lahat—ng ating kailangan at siya mismo ang lahat-lahat ng ating kailangan, make sure na siya nga ang pastol mo. Para sa mga hindi pa tupa, oh make sure na hindi ka aalis ngayon na hindi pa napapabilang sa mga tupa ng Panginoong Jesus. ‘Wag ka nang maghanap ng ibang magkakaloob ng pangangailangan mo, ng kaligtasang kailangan mo, ng kasiyahang kailangan mo. Wala kang mahahanap na iba maliban sa kanya. Kilalanin mong kailangan mo siya. Magtiwala kang sapat ang ginawa niya sa krus para sa mga makasalanang tulad mo.

Para naman sa mga tupa, sa mga tagasunod ni Cristo, keep following his voice. Ang salita niya ang pagkain na kailangan natin araw-araw. Baka meron kang nilalakaran ngayon na daan na lihis sa kagustuhan niya, baka meron kang relasyon ngayon na pinagkukuhanan ng kasiyahang akala mong hindi niya maibibigay, baka meron kang ipinag-aalala ngayon na pangangailangang sa tingin mo ay hindi niya ibinibigay. Lumapit ka kay Cristo, patuloy na magtiwala sa kanya, sundin ang boses niya, at masusumpungan natin ang kapahingahan, kasiyahan, at kalakasang hinahanap natin. Sigurado ‘yan.

Bilang isang iglesya na binubuo ng mga tupa, tulungan natin ang bawat isa na mas lumalim ang tiwala sa ating pastol. Sawayin ang bumibitaw, ibalik natin ang mga naliligaw, tulungan ang bawat isa na kumapit nang mas mahigpit sa kanya, paalalahanan natin ang bawat isa na si Yahweh ang ating kailangan. At para naman sa aming mga pastor/elder na naatasang pangunahan kayo sa pag-aalaga sa mga tupa, pangalagaan natin sila na tulad ni Cristo. Hindi tayo ang Pastol, we are but undershepherds. Ituro natin sila kay Cristo na tanging makakapag-satisfy ng lahat ng ating pangangailangan. Para sabay-sabay tayo na masabi at maawit nang buong puso natin, “Si Yahweh ang aking pastol, ang ating pastol, hindi ako, hindi tayo magkukulang.”

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply