Last week, binigyan natin ng close attention ang sinasabi ng salita ng Diyos sa Ephesians 2:1–3. Kung makikita nga naman talaga natin nang malinaw kung gaano kalala ang problema ng tao sa kasalanan—ang kasamaan nito, ang miserableng kundisyon natin dahil dito, at ang kapahamakang naghihintay sa atin kung mananatili tayo sa ganitong kalagayan—makikita natin na talagang kailangan natin ng Tagapagligtas. At yun ay walang iba kundi si Cristo. Tayong mga Kristiyano ay yung mga makasalanang inaamin ang kanilang pangangailangan ng Tagapagligtas at kumikilala kay Cristo bilang kanilang Tagapagligtas.

Pero maging sa maraming mga Kristiyano, ano ang karaniwang nagiging problema? Na kahit na alam nating we need salvation at ang Diyos ang nag-provide ng salvation na ‘to, nagiging man-centered pa rin ang pananaw natin tungkol dito. Na para bang when we talk of our salvation, ang tao pa rin ang lumalabas na bida. Yun bang naka-focus sa participation o naiambag natin sa kaligtasan, o sa mga bagay na dapat nating gawin, o kung ano ang meron tayo kung bakit tayo ang pinili ng Diyos na maligtas, o kung ano ang good life na naghihintay sa atin ngayong tayo’y mga Kristiyano na.

Even in the way we share the gospel, pwedeng maging ganito ang problema. Minsan, nagpunta kami sa burol ng isang pastor na kapitbahay namin na namatay. During the service, may isang pastor na nagse-share ng gospel. Tama naman yung marami sa sinasabi niya—kung ano ang ginawa ni Cristo at ano ang dapat nating maging response, tungkol sa mga benefits na makukuha natin kapag tayo ay sumampalataya kay Cristo, tungkol sa langit na wala nang hirap at sakit kung ikukumpara nga naman sa hirap sa impiyerno. Meron namang mga katotohanan sa sinabi niya, pero ang problem ay nasa emphasis o focus. Sino ang bida sa salvation? Ano ang pinakalayunin ng salvation?

Hindi dapat sa tao naka-focus, dapat ay sa Diyos. Sa pananaw natin sa salvation dapat ay God-centered—Diyos ang Bida sa Kuwento ng Bibliya, Diyos ang Bida sa pagliligtas niya sa atin. Kung tayo man ang main character sa verse 1–3, “And you . . .”, hindi naman maganda ang presentation tungkol sa atin—misery, rebellion, tragedy. At sa verses 8–10 naman na titingnan natin next week, makikita naman natin na meron naman talaga tayong dapat gawin in response. So we will take a look at the instrumentality of faith and the fruit of good works sa salvation natin. Pero as we take a look now sa middle section, verses 4–7, kitang kita na ang focus talaga ay sa Diyos, our salvation is all about God. Sa simula nito, “But God . . .” (v. 4). Sabi nga ni Martyn Lloyd-Jones tungkol sa dalawang salitang ito, “These two words in and of themselves, in a sense contain the whole of the gospel.” Listen to the Word of God through the apostle Paul:

But God, being rich in mercy, because of the great love with which he loved us, even when we were dead in our trespasses, made us alive together with Christ—by grace you have been saved—and raised us up with him and seated us with him in the heavenly places in Christ Jesus, so that in the coming ages he might show the immeasurable riches of his grace in kindness toward us in Christ Jesus. (Eph. 2:4–7)

Ang Diyos ang Bida sa kaligtasang meron tayo ngayon: kung sino siya (the attributes of God), kung ano ang ginawa niya para sa atin (the works of God), at kung ano ang layunin niya (the purpose of God). Iisa-isahin natin ‘yan.

A. The Attributes of God: Ano ang katangian ng Diyos na nagligtas sa atin?

Sa verses 1–3, bagamat tumutukoy sa katangian, gawa, at kahihinatnan natin bilang mga makasalanan, meron nang nahahayag na mga katotohanan tungkol sa kung sino ang Diyos. Tayo ay makasalanan, ang Diyos ay banal at matuwid. Tayo ay nararapat lang parusahan, ang Diyos ay makatarungan. Kontra sa Diyos ang lahat ng kasalanan, nararapat lang na poot o wrath of God ang ipahayag ng Diyos bilang tugon dito. So, kung hahayaan lang tayo ng Diyos sa kalagayan natin, he remains holy, righteous, and just. Pero paano naman tayo maliligtas? At paano nga tayo naligtas? Ito ay dahil sa mga natatanging katotohanan tungkol sa kung sino ang Diyos na nakasulat dito sa vv. 4–7. Magbabanggit ako ng lima.

1. The Mercy of God (v. 4)

“But God, being rich in mercy . . .” (v. 4) Miserable ang kundisyon natin dahil sa kasalanan. Patay tayo spiritually. Wala namang mayamang patay. We were all spiritually bankrupt. Wala tayong anuman na maiaalay sa Diyos para tayo’y matanggap niya. Ang yaman na meron tayo ay yaman ng kasalanan natin. Sangkatutak ang kasalanan natin. “Our sins they are many (bad news!), (ang good news?) his mercy is more.” Totoong iniligtas tayo ng Diyos dahil sa kanyang habag sa atin (Tit. 3:5). Pero ang emphasis dito ni Paul ay yung kasaganaan ng habag ng Diyos. Na gaano man kasagana ang pagkakasala natin, higit na mayaman ang awa at habag ng Diyos sa atin. Nakita niya ang kalagayan natin, at ang pumukaw na damdamin sa puso niya ay hindi galit, kundi awa. Hindi tayo nauubusan ng dahilan o katwiran para magkasala sa Diyos, pero ang Diyos natin ay hindi nauubusan ng awa para sa ating mga nakay Cristo. Mayaman ang awa niya. There is enough mercy in God for all of us sinners. There is enough mercy in God to cover all our sins, kahit gaano karami, kahit gaano kagrabe. Naligtas tayo dahil mayaman ang awa ng Diyos sa ating mga makasalanan.

2. The Love of God (v. 4)

Naligtas tayo dahil sa pag-ibig ng Diyos, “because of the great love with which he loved us” (Eph. 2:4) Hindi tayo naligtas dahil sa pagmamahal natin sa Diyos. At kung nagmamahal man tayo sa Diyos ngayon, “we love because he first loved us” (1 John 4:19). Ang totoo nga, “inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa sa liwanag” (John 3:19). Sa ating likas na makasalanang kalagayan, we are lovers of self and haters of God. Pero “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan” (John 3:16). Ang pagmamahal na ito ng Diyos ay hindi lang basta sentimiyento tulad ng pananaw natin sa pag-ibig sa panahon ngayon, basta feeling lang, love na agad. No. Sa Diyos, ang pag-ibig ay yung commitment ng Diyos na ibigay sa atin kung ano ang makabubuti sa atin, kung ano ang kailangan natin. At ano ang kailangan natin? Or rather, sino ang kailangan natin? Si Cristo na ibinigay ng Diyos, ang kaisa-isang minamahal na anak ng Diyos, his “Beloved” (Eph 1:6), para hindi tayo “mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (John 3:16). “Pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa” (Rom 5:8). Tayo sana ang dapat tumanggap ng poot ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan. We “were by nature children of wrath” (Eph 2:3). Pero pag-ibig ng Diyos ang ibinuhos sa atin, samantalang poot ng Diyos naman ang ibinuhos kay Cristo, na siyang minamahal na Anak ng Diyos, nang siya ay mamatay sa krus bilang kapalit natin. Hindi lang ‘yan basta pag-ibig ng Diyos. Ang sabi ni Pablo sa text natin, ‘yan ang napakalaki at nakadakilang pagmamahal ng Diyos sa atin. “Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama” (1 John 3:1)! Hindi na tayo mga anak ng poot, tayo na ay mga anak na minamahal ng Diyos!

3. The Power of God (v. 5; see 1:19)

Hindi binanggit sa text natin ang tungkol sa kapangyarihan ng Diyos. Pero implied na ito ang katangian ng Diyos na nasa likod ng ginawa ng Diyos para sa atin sa verse 5, “But God . . . even when we were dead in our trespasses, made us alive together with Christ.” Dati tayo ay patay, pero ngayon ay binuhay tayo ng Diyos tulad ng ginawa niyang pagbuhay kay Cristo sa ikatlong araw matapos siyang mamatay. Ang muling pagkabuhay ni Cristo ay isang “makapangyarihang gawa” (Rom 1:4). So, ang pagkakaroon natin ng buhay mula sa pagiging spiritually dead ay testimony hindi lang ng awa at pag-ibig ng Diyos, kundi maging ng kapangyarihan ng Diyos. What kind of power can raise someone from the dead? Only the power of almighty God can accomplish that. Binanggit din naman ni Paul yung power na ‘to sa kanyang prayer sa chapter 1, “kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya” (Eph 1:19). Ang kapangyarihang bumuhay sa atin mula sa mga patay ay ang kapangyarihang nasa atin araw-araw para patayin ang natitira pang kasalanan sa puso natin, the power of the Spirit of God inside of us. ‘Wag na ‘wag mong pagdududahan ang magagawa ng Diyos. Ang kaligtasan mo, ang kaligtasan ng mga anak mo, ang kaligtasan ng mga ipinagpe-pray mo, ay hindi nakasalalay sa galing, husay, at effort mo o sa willpower nila, kundi sa almighty power of God.

4. The Grace of God (vv. 5, 7)

Hindi naman na bago ang katangiang ito ng Diyos sa sulat na ‘to. Sa chapter 1 pa lang, paulit-ulit na si Paul diyan, “Grace to you” (1:2); “to the praise of his glorious grace” (1:6); “according to the riches of his grace” (1:7). Dito naman sa chapter 2, “by grace you have been saved” (2:5), na para ngang hindi pa niya ito dito babanggitin. Kasi mas tatalakayin niya ‘yan sa verse 8 pa, “by grace you have been saved through faith.” Para bang hindi na makapaghintay si Paul na sabihin na, linawin na dito pa lang, na ang katangiang nag-udyok sa Diyos para iligtas tayo ay ang biyaya o kagandahang-loob ng Diyos. Sa pagliligtas kasi sa atin, ibinigay ng Diyos hindi kung ano ang deserving o nararapat nating tanggapin. Ang nararapat sa ating mga makasalanan ay parusa at poot ng Diyos. Pero sa halip na yun ang ibigay sa atin ng Diyos, kabaligtaran pa nga ang tinanggap natin. Kapag nagtatrabaho ka, nag-eexpect ka na may sweldong ibibigay sa ‘yo, maganda man ang performance mo o hindi. Pero kapag gumawa ka ng krimen, nasentensyahan kang makulong o kaya ay bitayin, tapos sa halip na parusahan ka ay pinatawad ka, pinalaya ka, binigyan ka pa ng maraming blessings, that’s grace. At ‘yan ang grasya ng Diyos para sa atin, na sinabi ni Paul sa verse 7 na “the immeasurable riches of his grace.” Hindi lang mayaman ang Diyos sa awa at biyaya; hindi masukat ang yaman ng kanyang grasya. Ang net worth ng pinakamayaman sa Pilipinas, si Manny Villar, ay $17.2 billion, at ang pinakamayaman sa mundo, si Elon Musk, ay $431 billion. Grabe, napakayaman, pero gaano man sila kayaman, nasusukat pa rin ang yaman nila. Pero ang yaman ng biyaya ng Diyos para sa atin, hindi kayang sukatin, immeasurable.

5. The Kindness of God (v. 7)

Hindi lang mayaman ang Diyos sa biyayang ibinuhos niya sa atin in saving us. Pwede naman kasi itong mga bilyonaryo na magbigay lang ng milyun-milyon kahit sa mga foundations na hindi naman nila personally kilala o wala silang anumang personal relationships sa kanila. Pero ang Diyos, ang yaman ng kanyang awa, biyaya, at pagmamahal ay ipinadama niya sa atin in a personal relationship with him. Kaya nagtapos ang verse 7 sa katangiang ito ng Diyos, “in kindness toward us in Christ Jesus.” Ang salin nito ay “kabutihan” (MBB) o “kagandahang-loob” (AB), na tumutukoy sa kabutihan ng puso ng Diyos para sa atin. Sa lahat ng pagtrato ng Diyos sa atin, it is all kindness. Hindi tayo pagmamalupitan ng Diyos, hindi tayo pagdadamutan ng Diyos, hindi magsasalbahe ang Diyos sa atin. Maging sa mga sufferings na na-eexperience natin, maging sa pagdidisiplina ng Diyos sa atin, hindi siya malupit, he is kind in heart toward us his children.

Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin, hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal. 9 Hindi siya palaging nanunumbat, at hindi nananatiling galit. 10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan. Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang. 11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa, ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya. 12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan. 13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak, ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya. 14 Dahil alam niya ang ating kahinaan, alam niyang nilikha tayo mula sa lupa. (Psa. 103:8-14 ASD)

Ang mga katangian bang ito ng Diyos ang nangingibabaw sa tuwing iniisip natin o ibinabahagi sa iba ang kaligtasang tinanggap natin mula kanya?

B. The Works of God: Ano ang ginawa ng Diyos sa pagliligtas sa atin?

Alam natin na ang Diyos ang nagligtas sa atin. Iniligtas tayo ng Diyos. Pero maganda rin na tingnan nating mabuti kung ano ba ang nakapaloob na gawa ng Diyos sa pagliligtas sa atin. Pwede kasing we can talk about salvation in a general sense pero hindi na gaanong nagiging meaningful sa atin kasi hindi natin tinitingnang maigi kung ano yung “salvation” na ‘to. At isa rin yun sa nagiging dahilan kung bakit nagiging man-centered ang approach natin sa salvation, na hindi mangyayari kung alam talaga natin kung ano talaga ang ginawa ng Diyos para sa atin. Of course, sa chapter 1, nasulyapan na natin ang ilan diyan tungkol sa pagpili ng Diyos, sa pag-aampon sa atin ng Diyos, pagtubos ni Cristo sa atin, pagpapatawad sa ating mga kasalanan, at ang future inheritance na naghihintay sa atin balang araw na ginarantiyahan na sa pamamagitan ng pagtatatak ng Espiritu sa atin (1:3–14). Now, let’s take a closer look kung ano ang nangyari, kung ano ang ginawa ng Diyos, the moment we are converted.

1. Regeneration (v. 5)

Tingnan natin una yung regeneration, o pagbibigay ng buhay sa isang patay. Tinatawag din ito na new birth o bagong kapanganakan. Binanggit na ni Paul sa verse 1 na tayo ay patay, pero binanggit ulit niya sa verse 5, “God . . . even when we were dead in our trespasses, made us alive together with Christ.” Hindi lang tayo medyo patay. Tayo ay mga bangkay na hiningahan ng Diyos at binigyan ng buhay. Hindi tayo maliligtas kung hindi tayo magkakaroon ng buhay galing sa Diyos. Kung hindi ‘yan gagawin ng Diyos, mananatili tayong patay sa ating mga kasalanan at nasa ilalim ng poot ng Diyos. So itong “regeneration,” clearly at obviously, ay gawa ng Diyos, gawa na resulta ng awa, biyaya, kapangyarihan, pag-ibig, at kabutihang-loob ng Diyos, tulad ng nakita natin kanina. Kung gawa ng Diyos, ano naman ang partisipasyon natin dito?

Isang popular idea sa maraming mga evangelical Christians ngayon na ang tao ay mabo-born again kung siya ay sasampalataya kay Cristo. Una ay pananampalataya, then regeneration o new birth. Hindi pinag-uusapan dito ang chronology, dahil itong regeneration at conversion natin (as we turn to God in repentance and faith) ay nangyari simultaneously, walang lumipas na minuto o segundo para mangyari ang kasunod. Ang pinag-uusapan dito ay logical priority. Ano ang unang kailangang mangyari? Kailangan ba munang sumampalataya tayo kay Cristo bago tayo ma-born again? O kailangang ma-born again muna tayo bago sumampalataya?

Kapag sinabi nating kailangan munang sumampalataya bago maging spiritually alive, inaakala natin na may kakayahan ang tao na sumampalataya kay Cristo. Tama naman na meron tayong sariling desisyon o “free will” na mag-decide kung sasampalataya ba tayo kay Cristo o hindi noong narinig natin ang gospel. Pero ang isang tao nasa makasalanang kalagayan, tulad ng emphasis ng pinag-aralan natin sa vv. 1–3, paano naman ‘yan lalapit kay Cristo kung “inclined to all evil” ang kanyang puso? Paanong ang isang spiritually dead and spiritually blind ay makakakita sa kagandahan ni Cristo at titibok ang kanyang puso para yakapin si Cristo na kanyang Tagapagligtas?

Kaya tama ang sagot ng Heidelberg Catechism sa Question 8, “Subalit gayon na lang ba tayo kasama na wala tayong kakayahang gumawa ng kahit anong kabutihan at tayo’y nakakiling (inclined) patungo sa lahat ng kasamaan? Sagot: Oo, maliban na lang kung tayo ay isilang muli (born again) sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.” Ito ang tinatawag na effectual calling. Nang marinig natin ang gospel message (external calling), kumilos ang Diyos sa puso natin (internal calling) para bigyan tayo ng buhay, at tumibok ang puso natin, at nakakahinga na tayo, nakakakita na tayo, so we can and will surely respond in repentance and faith (conversion). So, ang kaligtasan natin ay gawa ng Diyos, a result of his sovereign grace in regenerating us. “Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli’” (John 3:6–7). Tayo ay “naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos” (John 1:13). “Sapagkat ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo” (2 Cor. 4:6). Ang kaligtasang meron tayo ngayon ay gawa ng Diyos, desisyon at pasya ng Diyos. Hindi ito nakasalalay sa anumang gawa o desisyon natin.

2. Union with Christ (vv. 5-6)

Hindi lang lahat ng gawa ng Diyos sa text na “to ay “all of God” at wala tayong participation o contribution, kundi ine-emphasize din na lahat ng gawa ng Diyos sa verses na ito ay nakakabit kay Cristo. Nakita na natin sa verse 7 na ang pagtrato sa atin ng Diyos ng kabaitan ay nakakabit kay Cristo, “in kindness toward us in Christ Jesus” (v. 7). Kung ano ang pagtrato ng Diyos sa kanyang Anak, yun din ang sa atin. Imposible na hindi maging mabait ang Diyos sa atin kung paanong imposibleng hindi siya magiging mabait kay Cristo. Again, tulad ng paulit-ulit na nating binanggit sa chapter 1, ito yung theology na nababalot ng mystery and wonder, yung union with Christ. Nakita na natin na ang pagpili sa atin ng Diyos, ang pag-aampon, ang pagtubos, ang pagpapatawad, ang manang garantisadong ibibigay, lahat ng pagpapalang espirituwal sa atin ng Diyos ay nakakabit kay Cristo. In Christ, in Christ, in Christ, paulit-ulit ‘yan. Dito rin naman sa text natin, yung gawa ng Diyos sa pagliligtas sa atin ay nakakabit kay Cristo. Masasabi talaga natin na paborito ni Pablo ang doktrinang ito. Ito yung sinasabi ni Sam Allberry sa book niya na One with My Lord, na ang subtitle ay “The Life-Changing Reality of Being in Christ.” Sinabi rin niya na, “Being in Christ . . . is the heartbeat of the Christian faith” (p. 2).

Kapag sinalin sa Tagalog, “pakikipag-isa kay Cristo.” Baka lang ma-misinterpret natin ‘yan na para bang tayo ang gumawa, na tayo ang active agent sa pakikipag-isa kay Cristo na para bang dahil ito sa desisyon natin na ikabit ang sarili natin kay Cristo. Kaya mahalaga itong part na ‘to na tatlong beses binanggit ni Paul ang gawa ng Diyos (hindi gawa natin!) na lahat ay nakakabit kay Cristo. Una, “made us alive together with Christ”; ikalawa, “raised us up with him”; ikatlo, “seated us with him the heavenly places in Christ Jesus.” Yung mga salitang ginamit dito ni Paul ay nag-iindicate na ito ay mga gawa ng Diyos na hindi niya ginawa at hindi niya magagawa apart from Christ. Our salvation is a trinitarian project. Nakita na natin ‘yan sa chapter 1 pa lang.

So, we cannot have salvation apart from Christ. Kahit anong gawin natin, wala talaga tayong magagawa. Pero dahil kay Cristo, dahil siya’y muling nabuhay, meron din tayong buhay. At hindi lang yun, dahil siya’y umakyat sa langit (ascension) at naupo sa kanan ng Diyos in the heavenly places (Eph 1:20) (session), at dahil tayo ay nakay Cristo bilang ulo na nakakabit sa katawan, tayo rin (spiritually speaking) ay nasa langit na kasama ni Cristo. Hindi lang buhay ang ibinigay sa atin ng Diyos, kundi karangalan. Dati tayo ay patay, pero ibinangon ng Diyos para magkaroon ng buhay. Dahil sa kasalanan, nasadlak tayo hindi lang sa guilt ng kasalanan kundi maging sa shame o kahihiyan na dulot nito. Sa pagbangon at pag-akyat ni Cristo, kasama tayo na pinarangalan ng Diyos. Gawa ng Diyos lahat ‘yan. Ang tanging naiambag natin ay ang ating mga kasalanan na nangangailangan ng pagliligtas ng Diyos.

C. The Purpose of God: Ano ang layunin ng Diyos sa pagliligtas sa atin?

So, hindi anumang katangian o gawa natin ang pwedeng maging focus ng pagliligtas ng Diyos sa atin. Hindi tayo ang bida; ang Diyos ang Bida sa kaligtasan natin—kung sino siya at kung ano ang gawa niya ang dapat na nangingibabaw. Ito naman kasi ang layunin ng Diyos sa pagliligtas sa atin. Ano ang layunin ng Diyos? It is to display God’s glorious grace, tulad ng sabi ni Paul sa verse 7, “so that in the coming ages he might show the immeasurable riches of his grace in kindness toward us in Christ Jesus” (Eph. 2:7). “So that . . . he might show . . .” Kumbaga sa pelikula, para maipakilala na siya ang Bida. Kumbaga sa isang teatro, para mailagay ang spotlight sa kanya. Para makita natin nang mas maliwanag kung sino siya—kung gaano kayaman ang biyaya niya, “the imeasurable riches of his grace.” Para mai-showcase kung ano ang ginawa niya para sa atin, “in kindness toward us in Christ Jesus.”

Ang natural na sinful ambition ng bawat isa sa atin ay para maibida ang sarili natin sa iba, na tayo ang mabuti, tayo ang magaling, tayo ang matalino, tayo ang madiskarte. Pero iniligtas tayo ng Diyos para ibaling ang hangarin ng puso natin to be in alignment with the passion of heart of God. Ano yun? To display his glory. Nakita na natin ‘yan sa chapter 1 pa lang na siyang ultimate goal ng Diyos sa pagbibigay sa atin ng mga spiritual blessings: “to the praise of his glorious grace . . . to the praise of his glory . . . to the praise of his glory” (Eph. 1:6, 12, 14). Siyempre, gusto ng Diyos na araw-araw ay naitatanghal ang kadakilaan ng kanyang biyaya. Pero ang special focus dito sa verse 7 ay future oriented o eschatological, “so that in the coming ages . . .” Ibig sabihin, ang hangaring ito ng Diyos ay ang gusto niyang mangyari sa dulo ng kasaysayan, sa muling pagbabalik ni Cristo, sa new heavens and new earth, and for all eternity. Ito ang passion of God’s heart. Marapat lang na tanungin natin ang sarili natin kung ito rin ba ang passion ng puso natin: to display the glory of the grace of God in the gospel of Christ? Araw-araw ng buhay natin ngayon hanggang sa buhay na walang hanggan, ang Diyos ang Bida.

Life Implications

Itinuturo sa atin ng salita ng Diyos dito sa Ephesians 2:4–7 na hinding-hindi natin dapat tingnan ang sarili natin na bida sa kaligtasang gawa ng Diyos para sa atin. Go back to verses 1–3, at paano mo nga namang maiisip na ikaw ang bida sa kuwentong ito? Tayo ang iniligtas; ang Diyos ang nagligtas. “Salvation belongs to the Lord” (Jon. 2:9). So, anu-ano ang implications ng katotohanang ito? Magbabanggit lang ako ng apat, and hopefully ay masanay tayo how to work it out sa iba pang areas ng buhay at ministry natin.

Dapat nating tingnan palagi na ang Diyos ang Bida:

1. Sa ating evangelism

Kung ang Diyos ang Bida, siyempre siya dapat ang ibinibida natin sa evangelism when we share the gospel to others. Totoo ngang sasabihin din natin how they must respond to the gospel of grace in repentance and faith, pero ‘wag nating bibigyan ng impression ang ibang tao na para bang maiisip nila na dependent ang salvation natin sa self-effort o decision natin. Oo nga’t sasabihin natin kung ano ang benefits o blessings na mukukuha natin sa salvation, pero i-emphasize natin na ang pinaka-goal nito ay ang kaluwalhatian ng Diyos higit sa lahat, and our eternal enjoyment of God.

2. Sa ating conversion

Ganun din sa pagtingin natin sa conversion natin. ‘Wag nating isipin na ito ay dahil mas saveable tayo kesa sa iba, o dahil ang iba ay mas patay kesa sa atin. Tandaan mo, nakay Cristo ka ngayon dahil ikinabit ka ng Diyos kay Cristo. Naligtas ka dahil lang sa biyaya ng Diyos—by grace pinili ka ng Diyos, by grace pinadala niya si Cristo, by grace narinig mo ang gospel, by grace nagkaroon ng buhay ang puso mong matigas at patay, by grace sumasampalataya ka ngayon kay Cristo. So, when you share your testimony of conversion sa iba, ‘wag mong ibida ang sarili mo—dati ako ganun, ngayon ganito na ako, look at me!. ‘Wag mo ring ibida ang iba na ginamit ng Diyos para makilala mo si Cristo. Yes, thank the Lord for your transformed life, and thank the Lord for using other people. Pero ang Diyos ang ibida mo sa lahat ng ito.

3. Sa ating buhay Kristiyano

Of course, kung ang Diyos ang Bida sa salvation natin, siya rin ang Bida sa buong buhay Kristiyano natin. Hindi lang ito kapag may pagkakataon tayo na i-share ang testimony natin sa iba. Bawat bahagi ng buhay natin ay dapat na nagtatanghal na ang Diyos ang Bida sa buhay natin. Sa pagmamahal natin sa asawa natin, dapat sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos sa pagliligtas sa atin. Sa pagpapatawad natin sa nagkasala sa atin, nagiging reflection ‘yan ng awa at habag ng Diyos sa atin. Sa kabutihan natin sa ibang tao, nakikita ang kabutihang-loob ng Diyos sa atin. The way we live our lives na naiiba sa mga tao sa mundong ito, nagpapakita ba ‘yan na tayo nga ay may bagong buhay na? O para pa ring mga spiritually dead tulad ng mga wala pa kay Cristo?

4. Sa ating pagsamba

Dahil ang Diyos ang Bida, kaya rin nakadisenyo ang corporate worship natin hindi sa kung ano ang magugustuhan ng mga unbelievers, o kung ano ang preferences n’yo. Ito ay pagsamba sa Diyos, ibig sabihin ay siya ang Bida sa bawat bahagi ng ginagawa natin. Kaya ang mga kanta na inaawit natin ay yung mga kanta na nagtatanghal ng kadakilaan niya at ng mga kamangha-mangha niyang gawa sa pagliligtas sa atin. Kaya naglalaan tayo ng panahon para purihin ang Diyos sa prayers natin, para magpasalamat sa gawa niya. At kaya sa preaching of the Word ay sinisikap natin na maging God-centered dahil ang Salita ng Diyos sa Bibliya—mula Genesis hanggang Revelation—ay Story of God, ang Kuwento ng pagliligtas ng Diyos sa ating mga makasalanan, ang Kuwentong tanging ang Diyos ang Bida.

Sabihin mo sa sarili mo palagi, “Hindi ako ang bida. Ang Diyos ang Bida.”

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply