Introduction
Totoo ba: “I am a good person” o “I am not good enough”?
Isang gabi, nanonood kami ng family ko ng Inside Out 2. Yung main character dun na si Riley ay nag-iistruggle kung ano ang paniniwalaan niya tungkol sa sarili niya. Kapag meron siyang magandang nagagawa sa mga kaibigan niya, o maganda ang performance niya sa sports, o maganda ang tingin sa kanya ng ibang tao: “I am a good person.” Kapag hindi maganda ang naipakita niyang ugali sa mga kaibigan niya, o hindi maganda ang performance niya, o hindi nagustuhan ng ibang tao ang ginawa niya: “I am not good enough.” So, ano ba talaga ang totoo tungkol sa kanya? Ano ba talaga ang totoo tungkol sa atin? Are you a good person? Are you good enough?
Paano mo sasagutin ‘yan? Based lang ba sa feeling mo tungkol sa sarili mo? O sa sinasabi ng ibang tao sa ‘yo? O kung ano yung perspective ng culture natin ngayon na higit na pinahahalagahan ang positive self-esteem. Na ‘wag daw sasabihin sa anak mo o sa kapatid mo, “Bad ka.” Baka daw bumaba ang self-esteem, at hindi raw makakabuti sa kanya yun.
Ang ibayong kahalagahan ng tamang pagkakilala sa sarili
Pero para sa ating mga Kristiyano, mas dapat na pahalagahan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya, ng Salita ng Diyos, tungkol sa ating sarili. Dito natin matatagpuan ang tunay na karunungan. Tulad nga ng sabi ni John Calvin, sa opening sentences ng kanyang Institutes of the Christian Religion, na ang tunay na karunungan ay matatagpuan sa tamang pagkakilala sa Diyos at tamang pagkakilala sa sarili. The last time na nasa Ephesians tayo, nakita natin ang prayer ni Paul na pagkalooban ng Diyos ang mga Ephesian Christians ng karunungan upang lubos nilang makilala ang Diyos (Eph. 1:17). Pero nais din ni Paul na makilala natin ang sarili natin ayon sa kung ano ang sinasabi ng Diyos, at hindi ayon sa sinasabi ng ibang tao, tungkol sa atin.
So, are you a good person? Sabi ng Bibliya, “Walang matuwid, wala kahit isa. . . . Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa” (Rom. 3:10, 12 MBB). Sa simula pa lang, “Nakita ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito” (Gen. 6:5). Nagiging mabuti ba ang tao paglipas ng panahon? May nagagawa naman at naibibigay na “mabuti” sa ibang tao. Pero kung standard ng Diyos ang pagbabasehan, sabi ni Jesus, “Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak” (Luke 11:13). So, are you good enough? “Ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Rom. 3:23).
Siyempre, ang mga binabanggit dito ay ang kalagayan ng bawat tao kung sila ay wala kay Cristo. Pero kung tayo ay nakay Cristo, nakita na natin sa Ephesians 1:3-14 ang tamang pagkakakilala natin sa sarili natin pinagpala, pinili, minahal, itinuring na anak, tinubos, pinatawad, binigyang-karunungan, tinatakan, binigyan ng mana . . . lahat ‘yan “in Christ.” Kasama rin sa prayer ni Paul na makilala natin ang Diyos “at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya” (Eph. 1:19). Kaya hindi lang niya sinabi sa mga sumunod na verses hanggang dulo ng chapter 1 kung ano itong kapangyarihan na bumuhay kay Cristo mula sa mga patay, at taglay ni Cristo ngayon sa kanyang pamamahala sa kanan ng Diyos at bilang ulo ng kanyang iglesya. Sinabi rin niya sa tekstong pag-aaralan natin ngayon kung ano ang kalagayan natin dati outside of Christ, at kung alam natin yun, mas mamamangha tayo hindi lang sa laki ng biyaya ng Diyos sa pagliligtas sa atin kundi pati rin sa pambihirang kapangyarihang meron ang Diyos para dalhin tayo mula sa kalagayan natin na outside of Christ tungo sa bagong kalagayan natin in Christ.
So, bago sabihin ni Paul kung ano ang ginawa ng Diyos sa pagliligtas sa atin sa Ephesians 2:4-10 (pag-aaralan natin ‘yan sa susunod na dalawang linggo), sinabi muna niya ang kalagayan natin noong tayo ay wala pa kay Cristo sa verses 1-3:
Noong una’y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. 2 Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. 3 Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.
Mas makikilala natin ang Diyos kung kilala natin ang sarili natin. Mas makikilala natin ang sarili natin kung kilala natin ang Diyos. Mahalaga pareho. Pero ngayon, pagtuunan muna natin ng pansin ang sinasabi ng mga talatang ito kung sino tayo noon. Ang paglalarawang ginagawa ni Pablo rito ay hindi maganda, hindi magbu-boost ng self-esteem, offensive sa mga tao ngayon, at masakit pakinggan. Lalo na kung tungkol sa dati nating buhay o kalagayan ang pag-uusapan, maraming tao ang mentality ay ganito: “Wag na nating balikan ‘yan, past is past. Mag-move on na tayo. Think positive. Stay positive.” Pero, we have to trust kung bakit ito isinulat ni Paul sa mga Christians sa Ephesus at para sa atin din ngayon. Na kailangan natin itong balik-balikan at paniwalaan siyempre dahil ito ang sinasabi ng salita ng Diyos. Merong tatlong bagay o realidad tungkol sa kalagayan natin outside of Christ ang binalikan dito ni Pablo. Anu-ano yung tatlo na yun?
A. Our miserable condition: spiritually “dead” (v. 1)
Ang una ay mas kinalaman sa ating miserable condition. Sabi niya sa verse 1, “Noong una’y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan” (Eph. 1:1). Obviously, hindi ang pisikal na kamatayan ang tinutukoy rito ni Paul. Sila noon, tayo noon, ay spiritually dead.
Kalagayan noon? o ngayon?
Bago natin pag-usapan kung ano ang ibig sabihin niyan, mahalagang alalahanin natin na ang tinutukoy rito ni Pablo na kalagayan ay kalagayan natin noon at hindi ngayon. Ibig sabihin, kung Kristiyano ka, genuinely converted, nakay Cristo, ito yung dati nating kalagayan, pre-conversion status. “Noong una . . .” sabi ni Pablo. Ibig sabihin, hindi na ngayon. Dati tayo ay patay spiritually, pero ngayon “tayo’y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway” (Eph. 2:5), spiritually alive na. Bagamat hindi na ‘yan ang kalagayan natin ngayon, mahalaga pa ring alalahanin natin.
Bakit? May kasabihan tayong mga Pilipino, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paroroonan.” Isa sa gusto ng Diyos na “paroonan” natin ay yung humility. Mahilig kasi tayong magmalaki. Even sa pagtingin sa pagliligtas sa atin ng Diyos, we are prone to think na naligtas tayo dahil mas mabuti tayo sa iba, o merong anumang katangian sa atin ang nag-udyok sa Diyos para iligtas tayo. Pero kung aalalahanin natin na ganito ang kalagayan natin dati, magiging malinaw na naligtas tayo hindi dahil sa anumang mabuting bagay na nasa atin o ginawa natin. Ang kaligtasang ito ay “hindi mula sa inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya’t walang maipagmamalaki ang sinuman” (Eph. 2:8-9).
Isa pang dahilan kung bakit mahalagang alalahanin natin ang dati nating kalagayan ay upang maalala natin na ito yung buhay na hindi na natin dapat balikan. Aalalahanin pero hindi babalikan. “Huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. . . . Iwan na ninyo ang dating pamumuhay” (Eph. 4:17, 22). Para sa ating mga nakay Cristo na ngayon, mahalaga rin na tandaan na ito yung kalagayan natin “dati.” Ibig sabihin, hindi na ngayon. Nag-iistruggle pa rin tayo sa kasalanan, pero hindi na tayo babalik pa sa dati nating buhay at kalagayan. Mahalaga itong tandaan ay we strive to pursue holiness. Ang kaligtasan ay hindi “bunga ng inyong mga gawa,” totoo ‘yan. Pero totoo rin na “kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin” (Eph. 2:9-10).
Paano naman kung hanggang ngayon ay hindi ka pa rin Kristiyano, wala ka pa rin kay Cristo dahil hindi ka naman talaga nagsisi sa kasalanan mo at hindi ka naman talaga nagtitiwala kay Cristo for your salvation? Ang sinasabi ng salita ng Diyos sa ‘yo ngayon ay hindi tulad ng sabi dito ni Paul, “Noong una’y patay kayo . . .” Kundi ganito, “Mula noon, hanggang ngayon, patay kayo . . .” ‘Yan ang present miserable condition mo dahil hiwalay ka kay Cristo. Mahalaga itong marinig mo para makita mo kung bakit kailangan mo ang pagliligtas ni Cristo, at wala kang magagawa sa sarili mo para iligtas ang sarili mo. Ipinapakita nito kung ano talaga ang pinakamalaking problema mo: hindi political, hindi financial, hindi material, kundi spiritual.
Patay
Spiritually dead, ‘yan ang kalagayan mo ngayon kung hiwalay ka kay Cristo. For us who are in Christ, ‘yan ang kalagayan natin dati. Ano ang ibig sabihin ng “patay”? Ibig sabihin, apart from Christ, meron ngang physical life ang mga tao ngayon—humihinga, naglalakad, nakakapag-isip, tumitibok ang puso— pero wala silang spiritual life. May mga interpreters na sinasabing ang “patay” rito ay nangangahulugan ng pagiging hiwalay at malayo kay Cristo tulad ng sinasabi sa vv. 12-13. Tulad din ng alibughang anak na naglayas at lumayo sa tatay niya. Noon ay patay, ngunit ngayon ay buhay na nang bumalik na sa kanila (Luke 15:24, 32). Totoo naman, kung hiwalay ka sa Diyos na siyang pinanggagalingan ng buhay, siyempre patay ka. Pero kung lilimitahan diyan ang interpretation, hindi natin lubos na mauunawaan ang bigat ng salitang “patay.”
Kapag sinabing patay, walang buhay, miserable ang kalagayan, walang pag-asang mabuhay sa sarili niya. Ang tanging mangyayari lang ay mabulok at umalingasaw sa baho. Kapag spiritually dead, ibig sabihin walang puso na tumitibok para sa pagmamahal sa Diyos, walang liwanag para makita ang kagandahan ng Diyos. Walang buhay, walang pag-ibig, walang liwanag. Ibig sabihin, walang magagawa sa sarili niya para buhayin ang sarili niya, para patibukin ang puso niya sa Diyos, para buksan ang mata niya para makita niya si Cristo. Ang tanging pag-asa ng patay ay ang buhay na galing sa Diyos. In theological terms, ginagamit dito ang salitang “total depravity,” na tumutukoy sa kabulukan ng ating espirituwal na kalagayan, at ng spiritual inability natin o kawalang-kakayahan na remedyohan ang miserable nating kalagayan.
Dahil sa Kasalanan
Paano naman tayo naging “spiritually dead”? Hindi kasalanan ng Diyos na ganito ang kalagayan natin. Kasalanan natin, resulta ng kasalanan natin. “Patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan” (Eph. 2:1). Ang “mga pagsuway” ay “trespasses” (ESV), na tumutukoy sa paglagpas natin sa boundaries na itinakda ng Diyos. Sinabi ng Diyos kung ano ang hindi natin dapat gawin, yun ang ginagawa natin. Sinabi ng Diyos kung ano ang dapat nating gawin, yun ang hindi natin ginagawa. Ang mga kasalanan o “sins” (ESV) ay hindi pagsunod sa iniuutos ng Diyos, pagbalewala sa salita, utos, at karakter ng Diyos. Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Rom. 6:23).
Napakalinaw ng pagkakalatag ng Heidelberg Catechism Questions 6-8 kung paano tayo nasadlak sa ganitong miserableng kalagayan.
Tanong 6: Kung gayon, nilikha ba ng Diyos ang tao na ubod ng sama at saliwa laban sa kanya? Sagot: Hindi. Nilikha ng Diyos ang tao na mabuti at ayon sa kanyang wangis, na ang ibig sabihin ay may totoong katuwiran at kabanalan, upang sa gayon ay maaari niyang makilala nang tunay ang Diyos na kanyang manlilikha, mahalin Siya nang buong puso, at mamuhay na kapiling ang Diyos sa magpasawalang hanggang kaligayahan, para sa ikapupuri at kaluwalhatian niya.
Tanong 7: Kung gayon, saan nagmula ang masama at makasalanang kalikasan ng tao? Sagot: Ito ay nagmula sa pagkahulog at pagsuway ng ating unang mga magulang, sila Adan at si Eba, sa Paraiso! Itong pagkahulog ay lubos na nakalason sa ating kalikasan, kaya’t tayong lahat ay ipinaglihi at isinilang sa kasalanan.
Tanong 8: Subalit gayon na lang ba tayo kasama na wala na tayong kakayahang gumawa ng kahit anong kabutihan at tayo’y nakakiling (inclined) patungo sa lahat ng kasamaan? Sagot: Oo, maliban na lang kung tayo ay isilang muli (born again) sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.
‘Yan ang ating miserable condition apart from Christ—spiritually dead dahil sa kasalanan. Ganyan ba ang pagtingin mo sa dati mong kalagayan? Na hindi ka lang basta maysakit na kailangan ng konting gamot o therapy para gumaling, o pilay na kailangan ng saklay o aalalay para makalakad, o may sugat na kailangan ng bandaid para matakpan. Patay ka—wala kang magagawa sa sarili mo para magkaroon ng buhay. We are utterly dependent on God’s life-giving power for our salvation. Ikaw na hanggang ngayon ay wala pa kay Cristo, naniniwala ka pa rin ba sa ilusyon na meron kang magagawa o maiaambag man lang para maligtas?
B. Our active rebellion: “sons of disobedience” (vv. 2-3a)
Kung kumbinsido ka na sa miserable mong kundisyon nang hiwalay kay Cristo, posible pa rin na ang ibang tao ay hindi seryosohin ang pananagutan nila sa kasalanan nila kasi nga lahat naman tayo ay ipinanganak na makasalanan. Nagkakasala tayo dahil makasalanan tayo, ipinanganak tayo na may sinful nature (Psa. 51:5). Lahat ng tao ‘yan dahil sa kasalanan ni Adan, all sinned (Rom. 5:12). Ito naman ang tinatawag na “original sin,” ang kasalanang minana natin kay Adan. Pero hindi natin pwedeng sisihin si Adan, “Siya kasi!” May pananagutan tayo hindi lang dahil sa kasalanang minana natin, kundi dahil din sa mga kasalanang ginagawa at patuloy nating ginagawa. Na siyang nagpapatunay lang din ng spiritual deadness natin hangga’t tayo ay hiwalay kay Cristo. Sa ESV ng Ephesians 2:1-2, sinabing “trespasses and sins in which you once walked . . .” Sa AB, “na dati ninyong nilakaran . . .”—na nawala naman sa MBB. Kapag sinabing “nilakaran,” ibig sabihin ay hindi lang tayo paminsan-minsang nakakagawa ng kasalanan, na para bang we have good days, we have bad days. Ibig sabihin, ito ang buong buhay natin, ito ang lifestyle natin. “Nakakakiling patungo sa lahat ng kasamaan,” sabi nga sa katekismo natin kanina.
Dito sa verse 2 hanggang kalahati ng verse 3, ipapakita ni Pablo na tayo ay “walking dead,” patay pero aktibo sa pagrerebelde sa Diyos, our active rebellion against God. Heto ang tawag sa atin sa verse 2, “sons of disobedience.” Sa AB, “mga anak ng pagsuway.” Ibig sabihin, ang likas na katangian ng taong hiwalay kay Cristo ay pagsuway, “mga taong ayaw pasakop sa Diyos” (MBB). Tatlong bagay ang binanggit ni Pablo na pagsasalarawan ng ginagawa natin, na sa halip na pagsunod sa Diyos ay sinusunod natin ang anumang salungat o kontra sa Diyos.
Sinusunod ninyo noon [una] ang masamang takbo ng mundong ito, at [ikalawa] napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. 3 Ang totoo, tayong lahat ay [ikatlo] dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. (Eph. 2:2-3)
Sumusunod sa takbo ng mundo
Unang indikasyon na tayo ay aktibong nagrerebelde sa Diyos: sumusunod tayo sa takbo ng mundong ito. “Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito . . .” (v. 2). Kapag sinabing “mundo,” hindi physical earth ang tinutukoy, hindi lang din ang mga taong naririto. Tumutukoy ito sa sistema, kalakaran, beliefs, at values na umiiral sa mundong nahulog sa kasalanan, sa mundong in rebellion against God. Hindi lang tayo basta passive na tinatangay ng takbo o agos ng mundong ito. Gusto natin ang sumunod sa agos nito. Kaya nga sabi ni apostle John, “Huwag ninyong ibigin ang mundo o ang mga makamundong bagay. Ang umiibig sa mga ito ay hindi umiibig sa Ama. Sapagkat ang lahat ng kamunduhan—ang masasamang hilig ng laman, ang pagnanasa sa mga nakikita ng mata, at ang anumang pagmamayabang sa buhay—ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa mundo” (1 John 2:15-16). Hindi ang gusto ng Diyos ang sinusunod natin. Kung ano ang pananaw ng mundo tungkol sa relationships, tungkol sa sex, tungkol sa pera, tungkol sa business, tungkol sa ambisyon o career, yun din ang tinutularan natin. Mas concern tayo kung paano tayo matatanggap ng ibang tao, para masabi nila na we are good enough for them, kaysa sa ang maging katanggap-tanggap sa Diyos.
Sumusunod sa gawa ng diyablo
Ito naman ang ikalawang indikasyon na tayo ay aktibong nagrerebelde sa Diyos: sumusunod tayo sa gawa ng diyablo. Of course, wala naman siguro na aaminin na tagasunod siya ng demonyo, pero in reality, yun tayo bago tayo naging mga tagasunod ni Cristo. “. . . napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos” (Eph. 1:2). Ang “pinunong” tinutukoy rito ay ang diyablo, na babanggitin ni Paul later on sa sulat niya (Eph. 4:27; 6:11-12). Meron siyang pinamamahalaan na spiritual kingdom. Hindi siyempre ang kaharian ng Diyos. Ang Diyos ang King over all siyempre. Pero si Satanas (ibig sabihin ng pangalan niya ay Kaaway o kontrabida kumbaga), isa sa pinakamataas na anghel na nilikha ng Diyos, ay nagrebelde sa awtoridad ng Diyos, kasama ang 1/3 of the angels trying to dethrone God. Siya ang tumukso kina Adan at Eba (Gen. 3), at simula noon ang mga tao ay napailalim sa kanyang awtoridad, dahil sa pagrerebelde rin nila sa Diyos. Tinawag siya ni Jesus na “the ruler of this world” (John 12:31), ni Paul na “the god of this world” (2 Cor. 4:4). Sa tuwing nagkakasala tayo, hindi lang tayo sumusuway sa Diyos, ang sinusundan nating yapak ay ang sa Diyablo, at tayo ay nasa ilalim ng kanyang pamamahala.
Tinawag din siya ni Paul na “espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos.” Kung tayo ay nakay Cristo, nasa atin ang Holy Spirit, working in us para sumunod sa mga utos ng Diyos. Pero kung wala tayo kay Cristo, ang spirit na at work sa atin ay ang sa Diyablo, we are under his influence. Nagsisinungaling siya, tulad ng ginawa niya sa Eden, para hindi salita ng Diyos ang sundin natin. Hanggang ngayon naman, bagamat wala na tayo sa ilalim ng kapangyarihan ng Diyablo, tuloy pa rin ang espirituwal na pakikipaglaban natin “sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid” (Eph. 6:12). Pero hindi ibig sabihin nito na we are passive victims of Satan, at siya ang sisisihin natin sa kalagayan natin. We are actively following his lead. Kung si Satanas ay sumasalungat sa Diyos at tayo rin ay sumasalungat sa gusto ng Diyos, we are imitating Satan’s example.
Sumusunod sa dikta ng puso
Tinutukso tayo ni Satanas, pero hindi niya tayo pinipilit, tayo pa rin ang nagdedesisyon kung susuway tayo sa Diyos o hindi. Kaya ito ang ikatlong indikasyon na tayo ay aktibong nagrerebelde sa Diyos: sumusunod tayo sa dikta ng sarili nating puso. Look at verse 3, “Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip” (Eph. 1:3). Again, ang sinasabi rito ay ang dati nating kalagayan: “tayong lahat ay dati ring namumuhay . . .” At ano ang dati nating buhay? Ano ang sinusunod natin? “Ayon sa pagnanasa ng ating laman.” Ang laman na tinutukoy rito ay hindi yung ating physical body, kundi yung sinful nature, kung ano ang gusto natin, kung ano ang sa tingin nating makapagpapasaya sa atin. “Sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip.” Nararamdaman natin na ang obligasyon natin ay para ibigay kung ano ang makapagbibigay-kasiyahan sa sarili natin. Kung ano ang iniisip nating tama, kahit na mali sa paningin ng Diyos, yun ang ginagawa natin. Kahit na balewalain natin ang salita ng Diyos, hindi natin yun concern, basta masunod ang sinasabi ng puso natin. Ang isa sa pinakamalaking kasinungalingan sa mundo natin ngayon ay yung nagsasabing, “Basta, follow your heart.”
Again, sabi ni Paul, ‘yan ang dati nating kalagayan. Kung hanggang ngayon, ang nangingibabaw pa rin na takbo ng buhay mo ay ang pagsunod sa sarili mong kagustuhan, at hindi sa kagustuhan ng Diyos, hindi ba’t posible at malamang na wala ka pa talaga kay Cristo—kahit matagal ka nang nasa loob ng church? O kung inaakala mo na malaya ka kasi nagagawa mo kung ano ang gusto mong gawin, tandaan mo ang sinabi ng Panginoong Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan” (John 8:34). Hindi natin matatagpuan ang tunay na kalayaan, ang tunay na kagalakan, ang tunay na kapayapaan kung patuloy tayo sa kasalanan at sa aktibong pagrerebelde sa Diyos.
C. Our tragic destination: “children of wrath” (v. 3b)
Bukod sa miserableng kundisyon natin dahil patay tayo spiritually, bukod sa aktibong pagrerebelde natin sa Diyos bilang mga “sons of disobedience,” heto ang ikatlong at panghuling realidad na binanggit ni Pablo sa text natin tungkol sa buhay (kung matatawag ba yung buhay!) natin noong tayo ay hiwalay kay Cristo: our tragic destination. Trahedya o kapahamakan ang naghihintay sa sinumang nananatiling patay spiritually at in active rebellion against God. Sabi ni Paul sa second half ng verse 3, “Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos” (MBB); “. . . and were by nature children of wrath, like the rest of mankind.” Anu-ano ang sinasabi ni Pablo tungkol sa kahahantungan natin?
Likas na kalagayan
Sinabi niya na ito ay “sa ating likas na kalagayan.” Ito ang ating likas na kalagayan hindi noong nilikha ng Diyos ang tao—nilinaw ‘yan kanina sa katekismo—kundi nang mahulog ang tao sa kasalanan. So, lahat ng tao ganito ang kalagayan, without exception. We are not naturally good. Sabi ni Paul sa Romans 7, “I know that nothing good dwells in me, that is, in my flesh” (Rom. 7:18). Kung sa likas nating makasalanang kalagayan ay walang mabuti, paano naman tayo aasa na mabuti ang kahahantungan natin? Kahit anong “think positive” o “wishful thinking” pa ang gawin mo, trahedya ang naghihintay sa sinumang wala kay Cristo. Maliban na lang kung manghihimasok ang Diyos sa buhay natin—buti na lang nanghimasok ang Diyos sa buhay natin. Ang sarap marinig sa sumunod na verse, “But God . . .” (Eph. 1:4).
Poot ng Diyos
Pero kung hindi mababago ang kalagayan natin—kung mananatili tayong outside of Christ, spiritually dead, in rebellion against God—anong trahedya ang naghihintay sa atin? Poot ng Diyos. “Children of wrath” ang description sa sinumang wala kay Cristo, kung hindi tayo magiging isa sa mga adopted children of God, tulad ng nakita natin sa chapter 1—mga anak na minamahal ng Diyos dahil kay Cristo na Beloved Son of God (Eph 1:4-6). So, dati ay hindi tayo mga anak ng Diyos, kundi anak ng poot ng Diyos. Ibig sabihin, mga taong ang destiny ay ang walang hanggang kaparusahan ng Diyos sa kasalanan. Kung wala kay Cristo, “the wrath of God remains on him” (John 3:36). Ano ang destiny natin kung mananatili tayong outside of Christ? “Parurusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Magdurusa sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan” (2 Thess. 1:8-9). Pero kung nakay Cristo ka, isa ka sa mga piniling iligtas ng Diyos, hindi na ‘yan ang kahahantungan mo. “Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 Thess. 5:9). Siya ang umako ng poot ng Diyos para sa sinumang sasampalataya sa kanya. Kung hindi siya ang Tagapagligtas mo, kaawa-awa ang sasapitin mo.
Hantungan ng lahat
At ito ang sasapitin ng lahat, ang hantungan ng lahat ng mananatiling outside of Christ. Kaya nga sabi ni Paul sa dulo, “like the rest of mankind” (Eph. 2:3). Noong wala tayo kay Cristo, ito ang dapat sanang hantungan natin na katulad ng iba. Ang poot ng Diyos ay hindi lang nakareserba sa pinakamalalang makasalanan na kilala natin, kundi maging sa mga tingin natin ay mabait o morally upright. Kasali ang mga anak natin, mga kamag-anak natin, mga katrabaho natin, mga pulitiko, lahat ng mga tao. Lahat ng spiritually dead, mga makasalanan, ay itong parusa ng Diyos ang sasapitin kung mananatili silang spiritually dead, unrepentant sinners, unconverted, outside of Christ. Ito rin sana ang kahahantungan natin, kung hindi tayo hinango ng Diyos sa kaawa-awang kalagayan natin.
D. Life Implication
Nakita natin sa Ephesians 2:1-3 ang ilan sa mga pangunahing itinuturo ng Bibliya tungkol sa doktrina ng makasalanang kalagayan ng taong hiwalay kay Cristo—(1) ang miserableng kundisyon natin bilang spiritually dead sinners; (2) ang aktibong pagrerebelde natin sa Diyos sa pagsunod natin sa takbo ng mundong ito, sa pamamaraan ng diyablo, at sa desires ng sarili nating puso; at (3) ang trahedyang naghihintay sa atin, ang bagsik ng poot ng Diyos bilang parusa sa kasalanan natin. Ano ngayon ang implikasyon nito sa buhay natin? Kung aalalahanin natin ang mga katotohanang ito, marami ang magbabago.
Pagtingin sa sarili
Una, magbabago ang pagtingin natin sa sarili natin. Makikita mo na sobrang laki ng problema natin. Hindi na natin pwedeng ikumpara ang sarili natin sa iba and feel proud kasi more superior ka sa ibang tao. Hindi ka medyo patay lang at yung kapitbahay mo ay sobrang patay. Lahat tayo ay pantay-pantay sa pagiging patay. Maipagmamalaki mo ba na nagdesisyon kang sumunod kay Cristo na para bang mas nakahihigit ka sa iba dahil sa desisyong ginawa mo? Ang patay ay nagkaroon lamang ng buhay not by the strength of our will but by the sovereign power of God.
Pagtingin sa Diyos
Kaya ikalawa, babaguhin nito ang pagtingin mo sa Diyos. Magiging mas malaki ang tingin mo sa kapangyarihan ng Diyos na sa isang salita lang niya ay kaya niyang buhayin ang isang patay na katulad mo. Magiging mas malaki ang tingin mo sa biyaya, awa, habag, at pag-ibig ng Diyos—naawa siya, nahabag siya, at minahal niya ang isang katulad mo at katulad ko na araw-araw ay nagrerebelde sa Diyos.
Pagtingin sa ebanghelyo
Ikatlo, ang ebanghelyo o ang gospel ay talaga namang magiging “good news”—na siya namang ibig sabihin nito—mas lalong magiging mas maganda ang gospel na ‘to kung makikita mo nang malinaw kung gaano kasama, gaano karumi, gaano kalala ang kalagayan natin kapag tayo ay hiwalay kay Cristo. Hinding-hindi magiging boring sa ‘yo ang pakikinig sa gospel na ‘to kung alam mo kung gaano kalaki ang problemang ang ginawa lang ni Cristo sa krus ang natatanging solusyon.
Pagtingin sa ibang tao
Ikaapat, babaguhin nito ang pagtingin mo sa ibang tao. Sa halip na mainggit ka sa kalagayan nila, mas maaawa ka pa nga dahil sila ay hiwalay kay Cristo. Mayaman sila, pero mayamang patay. Maganda silang tingnan, pero magandang patay. Sikat nga sila, pero sikat na patay. Hindi ba’t mahahabag tayo sa kanila tulad ng habag ng Diyos sa atin? Hindi ba’t mas magiging prayerful tayo para sa kanilang conversion, at gagawin ang lahat para marinig nila ang mabuting balita ni Cristo na siyang kapangyarihan ng Diyos for their salvation (Rom. 1:16).Pagtingin sa mundo
Panghuli, dahil marami sa mundong ito ay kinabibilangan ng maraming taong hiwalay kay Cristo, makikita natin na ang solusyon sa pinakaproblema nito ay hindi mataas na antas ng edukasyon, malagong ekonomiya, maayos na pulitika, magagandang programa. Kung ang pinakamalaking problema ng mundo ay ang kasalanang ang kahahantungan ay higit pang trahedya kaysa sa kahirapan, political injustice, o corruption sa government, maaalala natin na ang tanging solusyon ay si Cristo, wala nang iba. At mas pahahalagahan natin ang trabaho na ibinigay ng Diyos para sa church—ang pamilya ng mga makasalanang iniligtas ng Diyos—para magtulung-tulong para dalhin ang mabuting balita ng kaligtasan ni Cristo sa lahat ng dako ng mundo.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

