Introduction‌

Next month, Lord willing, pupunta kami ni Jodi sa Dubai to attend an international publishers meeting and a conference. Siyempre, bago pumunta dun, kailangang bumili ng ticket sa eroplano, kailangang mag-apply ng visa, at iba pang requirements. Hindi naman kami makakapunta dun kung hindi namin susundin yung process at requirements sa pagpunta dun. At ganun din sa paglalakbay natin sa buhay bilang mga Kristiyano. Hindi naman pwedeng gusto mong marating ang buhay na inihanda ng Diyos sa atin pero sarili mong diskarte ang gusto mong masunod.‌

Tulad ng mga Israelita na iniligtas ng Diyos mula sa Egipto. Papunta sila sa Canaan, sa lupaing ipinangako ng Diyos sa kanila, mula pa kay Abraham. Kaso, tulad ng nakita natin last week sa overview ng book of Numbers, buong henerasyon (except kay Joshua at Caleb) ay hinatulan ng Diyos na di makakapasok doon. Entry denied para sa kanila, pati nga si Moises at si Aaron. Ang dahilan? Hindi sila nagtiwala at hindi sila sumunod sa Diyos. Simple lang naman ang buhay Kristiyano, “trust and obey, there is no other way, to be happy in Jesus, but to trust and obey.” Pero tulad ng mga Israelita, matigas din ang ulo natin, ang puso natin ay “prone to wander, prone to leave the God I love.”‌

Kaya para tulungan at turuan at sanayin ang puso natin na palaging magtiwala at sumunod sa Diyos, kailangan natin ang paulit-ulit na salita ng Diyos. ‘Yan din ang kailangan ng second generation Israelites. Nasa plains of Moab na sila noon, naghahanda na tumawid ng Jordan River para pasukin na ang Canaan. Pero kailangan silang ihanda not militarily para sa pakikipaglaban sa mga kaaway na nakatira sa Canaan, kundi spiritually para sa pakikipaglaban sa mas matinding kaaway na nakatira pa rin sa puso nila—yung unbelief, idolatry, at disobedience. Makaraan ang halos 40 years na paikot-ikot sa disyerto, namatay na ang mga magulang nila, pero ang kasalanan sa puso ng bawat isa sa kanila, buhay na buhay pa rin. ‘Yan ang malaking problema nila, ‘yan din ang malaking problema ng bawat isa sa atin—kahit na tayo’y mga Kristiyano na.‌

Kaya naman isinulat ang Deuteronomy. Ito naman ang overview sermon natin ngayon. Again, kailangan nating gawin ‘to, bagamat hindi ito yung usual na ginagawa natin every Sunday, para makita natin ang overall theological at practical message ng librong ito hindi lang para sa mga Israelita noon, kundi pati na rin sa atin ngayon. Bakit “Deuteronomy” ang tawag dito. Galing kasi ito sa Greek translation ng Deuteronomy 17:18, na originally ay nakasulat sa Hebrew. May instruction sa magiging future king nila, “Kapag siya’y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito,” na sa Greek ay deuteronomion, na ibig sabihin ay second law, o ikalawang kopya ng kautusan. Hindi ito ibang kautusan, kundi kopya o pag-uulit ng nauna nang kautusan ng Diyos sa kanila sa Mt. Sinai. Bakit kokopyahin word for word? Wala namang photocopy o printers noon. Ito ay para hindi lang isulat, kundi basahin araw-araw, para magkaroon siya ng takot kay Yahweh, para buong puso siyang sumunod sa mga utos ni Yahweh, para hindi siya magmayabang, upang hindi siya maligaw, upang magpatuloy ang kanyang paghahari at ng mga anak niya (vv. 19-20).‌

Of course, ang kautusan ng Diyos ay hindi lang para sa hari. Bilang lider ng buong bansa, he leads and models obedience para sa kanila. Ito rin ay para sa buong bansa, sa bawat pamilya, sa bawat tao. Ganun din kahalaga ang Salita ng Diyos, ang utos ng Diyos, para sa church. Bagamat mas marami akong time na pag-aralan ito, isulat ang sermon, at i-preach sa inyo, bawat isa sa atin ay may pananagutan na pakinggang mabuti, unawaing mabuti, paniwalaan nang buung-buo at sundin ang lahat ng sinasabi ng Diyos. Salita ng Diyos ang kailangan natin sa buong paglalakbay natin. Hindi tulad ng mga nagsasabing Kristiyano sila, tapos “once saved, always saved” daw. Totoo naman in a sense dahil kung ligtas ka nga, hindi naman babawiin ng Diyos yun. Pero ang nagiging maling palagay naman ng iba ay basta ligtas ka na, hindi na mahalaga kung ano ang gagawin mo sa buhay ngayon. ‘Yan ay mapangahas na presumption. Marami ang namamatay sa maling akala. Tulad ng buong first generation ng Israel na hindi nagpahalaga at hindi gumalang sa mga salita ni Yahweh. Kaya ayun, hindi nila na-enjoy ang kapahingahang inihanda ng Diyos sa kanila sa lupang pangako.‌

Mahalaga ang salita ng Diyos. Dito sa Deuteronomy, makikita ang tatlong speeches o sermons ni Moises sa kanila bago siya mamatay (chaps. 1 to 4, chaps. 5-26, chaps. 27-30), plus yung epilogue sa chapters 31-34. Ganito bungad ng bawat section na ‘yan: “Ito ang mga salitang sinabi ni Moises sa buong Israel…” (Deut 1:1AB); “Bayang Israel, dinggin ninyo ang kautusan at ang mga tuntuning ibibigay ko sa inyo ngayon. Unawain ninyong mabuti at tuparin ang mga ito” (Deut 5:1MBB); “Sundin ninyong lahat ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon” (Deut 27:1); “Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita” (Deut 31:1). Si Moises ang nagsasalita, at siyang pangunahing sumulat ng Deuteronomy, at ng Genesis, Exodus, Leviticus, Numbers. Pero dahil si Moises ay tagapagsalita ni Yahweh, ibig sabihin, ang Deuteronomy ay salita ni Yahweh para sa atin. Dapat pakinggang mabuti. Make sure na nakikinig ka, at ang mga anak mo. Maraming paalala dito sa atin tungkol sa paglalakbay natin sa buhay Kristiyano. Pero gusto ko lang bigyang-diin ang apat na bagay base sa apat na major sections ng librong ito.

‌I. History: Alalahanin palagi ang mabuting ginawa ng Diyos para sa ‘yo. (Deut 1:1-4:43)‌

Sa paglalakbay natin sa buhay Kristiyano, mahalagang alalahanin palagi ang lahat ng mabuting ginawa ng Diyos para sa atin. Makakalimutin pa naman tayo. At hindi lang yun, nao-overwhelm tayo ng mga nangyayari sa buhay natin ngayon, maganda man ‘yan o hindi. Kapag hindi maganda, prone tayo na magreklamo o sisihin ang iba. Kapag naman maganda, prone tayo na magmayabang o malimutan na kailangan natin ang Diyos. Kapag uncertainties naman sa future ang nangingibabaw sa ‘yo, napangungunahan tayo ng takot, pag-aalala o kabalisahan, and fail to trust God in everything.‌

Kaya dito sa first sermon ni Moises sa chapters one to four, karamihan dito ay pagbabalik-tanaw sa kasaysayan nila. They have to learn from their experience. Nandito sila ngayon sa kabila ng Jordan River, sa may plains of Moab, na eleven days journey lang talaga from Mt. Sinai, pero inabot sila ng 38 years (Deut 1:1-3). Nasa book of Numbers ang explanation kung bakit. Siyempre kailangan nilang ihanda ngayon ang sarili nila sa pakikipaglaban sa mga taga-Canaan. Hindi naman sila niyan bibigyan ng warm welcome! Pero paano silang hindi matatakot, na hindi tulad ng mga magulang nila noon? Ipinaalala sa kanila ni Moises ang sinabi niya noon pa sa kanila, “Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang mangunguna sa inyo at ipaglalaban niya kayong tulad ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto at sa ilang. Dinala niya kayong ligtas hanggang sa lugar na ito tulad ng pagkalong ng isang ama sa kanyang anak” (Deut 1:29-31). Sabi naman niya kay Joshua, “Nakita mo ang ginawa ni Yahweh sa dalawang haring Amoreo; ganoon din ang gagawin ni Yahweh sa mga hari ng lupaing pupuntahan ninyo. Huwag kang matatakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang siyang nakikipaglaban para sa inyo” (Deut 3:21-22). Alalahanin ninyo kung ano na ang mabuting ginawa ng Diyos para sa inyo noon pa hanggang ngayon. Hindi titigil ang Diyos sa paggawa ng mabuti, dahil siya ay mabuti.‌

At, alalahanin din ninyo ang masamang ginawa ninyo sa kabila ng mabuting ginawa ng Diyos para sa inyo: “Sa kabila ng sinabi ko’y hindi pa rin kayo nagtiwala sa kanya gayong siya ang nanguna sa inyo. Pinatnubayan niya kayo sa pamamagitan ng haliging apoy kung gabi, at haliging ulap kung araw, at itinuro sa inyo ang inyong daraanan at ang inyong pagkakampuhan” (Deut 1:32-33). Ang Diyos ang palaging mabuti. Tayo ang hindi. “Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa” (Rom 3:12).‌

Sa kabila nito, kahit kailan hindi naging salbahe ang Diyos. Oo, pinarusahan ang ilan sa kanila. Tama lang at makatarungan at matuwid yun para sa Diyos. Pero marami sa kanila ang naranasan ay biyaya at pagpapala ng Diyos sa kabila ng kanilang kasamaan. “Pinagpala kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong ginawa, at hindi niya kayo hiniwalayan sa inyong paglalakbay sa ilang. Sa loob ng apatnapung taon, hindi kayo nagkulang sa anumang bagay” (Deut 2:7). Pati sa pakikipaglaban nila sa mga kaaway nila: “Ang lahat ay ibinigay na sa atin ng Panginoon nating Diyos” (Deut 2:36 AB). Alalahanin ninyo ang mabuting ginawa ng Diyos sa kabila ng masama ninyong ginawa. Grabe ang grasya ng Diyos, no?‌

Bakit ka nga naman kakapit sa ibang tao o ibang bagay o sa sarili mo na para bang mas mabuti ka pa o ang iba kaysa sa Diyos? Dapat nilang alalahanin na nananatili silang buhay dahil sa awa ng Diyos na patuloy nilang kinakapitan (Deut 4:4). Kaya mahalagang alalahanin palagi, ‘wag kalilimutan, at ituro rin sa iba. Delikado para sa atin at sa mga anak natin kapag nakalimot tayo sa kabutihan ng Diyos at inakalang meron pang ibang “diyos” na mas mabuti kaysa sa kanya (Deut 4:7): “Mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babaliwalain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo’y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo” (Deut 4:9). Wala namang ibang Diyos liban sa kanya: “Tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa’y walang ibang Diyos liban kay Yahweh” (Deut 4:39). We are all prone to forget that.‌

Mahirap ang buhay. Hindi man magbago ang nangyayari sa buhay natin o sa paligid natin o trato ng ibang tao sa atin o financial status natin, alam natin at dapat nating tandaan na meron tayong Diyos na hindi nagbabago sa kanyang kabutihan sa atin. Siya ang kasama natin palagi. Alalahanin natin kung ano ang ginawa na niyang mabuti para sa atin. Lalo na ang pagliligtas na ginawa niya nang ipadala niya ang kanyang Anak na si Jesus para mamuhay na kasama natin, para mamatay sa krus bilang kapalit nating mga makasalanan, at para mabuhay muli. Kaya nga good news ‘yan, mabuting balita, dahil mabuting gawa ‘yan ng Diyos para sa atin na masama ang ugali, masama ang puso, masama ang bibig, masama ang isip. Pinatawad tayo ng Diyos, iniligtas, at binabago para sumunod sa kanyang mabuting salita. Kaya ‘wag nating gagawing dahilan o excuse ang kabutihan ng Diyos sa ating mga makasalanan para sabihing okay lang pala na hindi na sumunod sa utos ng Diyos. It is never okay to disobey. Yung pag-alala sa mabuting gawa ng Diyos sa atin ang siyang mag-uudyok naman sa atin para…

‌II. Law: Sundin ang lahat ng mabuting utos ng Diyos sa ‘yo (Deut 4:44-26:19)

‌Wala namang masamang utos ang Diyos. Hindi tayo sumusunod sa ibang mga utos ng Diyos dahil hindi tayo naniniwalang mabuti yun. Sa tingin natin ay mas mabuti ang gusto nating gawin. Grabe ang arrogance sa puso natin every time we disobey God. Kaya itong ikalawang sermon ni Moises ay ang pinakamahabang section dito sa librong ito, chapters 5 to 26, kung saan nakasulat ang mga utos ng Diyos na dapat nilang sundin lahat. “Sundin mo at dinggin ang lahat ng mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo para sa ikabubuti mo at ng iyong mga anak pagkamatay mo magpakailanman, kapag ginawa mo ang mabuti at matuwid sa paningin ng Panginoon mong Diyos” (Deut 12:28AB); “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan” (Deut 12:32MBB). Lahat.‌

Pero siyempre, dahil hindi naman sinabi ito sa atin directly, hindi ibig sabihin na lahat ng nakasulat dito ay gagawin natin. Merong iba na directly applicable tulad ng igalang ang mga magulang, tulungan ang mga mahihirap, o ‘wag magsusuhol. Meron namang iba na hindi directly applicable tulad ng mga paghahandog, o pag-iwas sa ibang pagkain, o iba pang mga utos tungkol sa way of life nila araw-araw na very particular sa kalagayan nila noon. Kailangang pag-aralan mabuti kung paano ito nagrereflect ng mabuting disenyo ng Diyos sa tao, kung paano ito nagtuturo sa atin patungo kay Cristo, at paano ito ia-apply sa partikular na sitwasyon natin ngayon. So, dapat pag-aralang mabuti, at unawain, para hindi tayo magkamali ng application.‌

Ayon sa A Biblical-Theological Introduction to the Old Testament, ganito ang basic structure ng section na ‘to. Ang simula ay ang pag-uulit ng Sampung Utos (4:44-5:33), tulad ng sa Exodus 20. Napapagitnaan ito ng ganitong summary statements: “Ito ang kautusang ibinigay ni Moises sa mga Israelita, mga batas at tuntuning ipinahayag niya nang sila’y lumabas sa Egipto” (Deut 4:44-45); “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniuutos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong lilihis sa mga ito. Mamuhay kayo ayon sa kanyang mga utos. Sa ganoon, sasagana kayo at hahaba ang buhay ninyo sa lupaing sasakupin ninyo” (Deut 5:32-33). Pagkatapos ay ang detalye na ng mga utos na pwedeng tingnan na para bang general exposition ng bawat isa sa sampung utos:‌

Unang Utos: Nag-iisang Diyos (6:1-11:32)‌

Ika-2 Utos: Pagsamba (12:1-32)‌

Ika-3 Utos: Pangalan ng Diyos (13:1-14:21)‌

Ika-4 na Utos: Sabbath (14:22-16:17)‌

Ika-5 Utos: Paggalang sa Awtoridad (16:18-18:22)‌

Ika-6 na Utos: Dignidad ng Tao (19:1-22:12)‌

Ika-7 Utos: Katapatan sa Relasyon (22:13-23:18)‌

Ika-8 Utos: Personal na Pag-aari (23:19-24:22)‌

Ika-9 na Utos: Katotohanan (25:1-19)‌

Ika-10 Utos: Pagiging Kuntento (26:1-15)‌

At ang dulong section ay ang formal conclusion:‌

Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso’t kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo ngayon na si Yahweh ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at papakinggan ang kanyang tinig. 18 Ipinahayag naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayang hinirang, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. 19 Pagpapalain niya kayo higit sa lahat ng bansang kanyang itinatag. Kayo ang bansang nakalaan sa kanya. At tulad ng kanyang pangako, kayo ay tatanggap ng papuri, katanyagan at karangalan. (Deut 26:16-19)

‌Tingnan lang natin ang ilan sa mga mahahalagang bagay tungkol sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Una, ang pagsunod ay tugon sa ginawang pagliligtas ng Diyos sa atin. Yun na yung point natin sa first four chapters. Kaya nga ang bungad ng Sampung Utos ay ito: “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin” (Deut 5:6). Dahil ito ang ginawa ng Diyos, ito naman ang gagawin natin in response. At mahalaga ito para hindi tayo magmalaki na para bang minahal at iniligtas tayo ng Diyos dahil sa pagsunod natin. Kaya nga merong paalala sa kanila: “Pinili niya kayo at inibig hindi dahil mas marami kayo kaysa ibang mga bansa, sa katunayan, kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo, at sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Ito rin ang dahilan kaya niya kayo iniligtas sa kamay ng Faraon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan” (Deut 7:7-8).

Ikalawa, ang pagsunod ay dapat na complete o comprehensive obedience, o pagsunod sa lahat ng utos ng Diyos sa lahat ng bahagi ng buhay. Hindi selective lang, hindi kapag Sunday lang sa church, kundi araw-araw sa buhay natin. Kaya nga may mga utos na hindi lang tungkol sa mga religious ceremonies o mga ritwal sa pagsamba na kanilang dapat gawin, kundi pati kung paano itrato ang mga mahihirap, ang mga inaapi, ang mga ulila, ang mga biyuda, ang mga dayuhan. Merong mga utos tungkol sa tamang hustisya, tungkol sa pagbabawal magbigay ng suhol: “Huwag ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid” (Deut 16:19-20). Hindi sila dapat tumulad sa mga tao na nasa paligid nila. May mga utos tungkol sa properties, tungkol sa boundaries ng lupa, tungkol sa pagbabayad ng utang, tungkol sa pagtupad sa ipinangako, tungkol sa pag-aasawa, tungkol sa divorce, tungkol sa tamang pagbibigay ng tamang sweldo, tungkol sa tamang timbang ng produkto. Ang pagsunod sa Diyos ay sa lahat ng bahagi ng buhay natin. God cares about how we live our lives everyday.

‌Ikatlo, ang pagsunod ay bilang expression ng larawan ng Diyos na nasa atin, o pagtulad sa kung ano ang karakter ng Diyos. Bakit dapat na concern tayo sa kalagayan ng mga mahihirap at inaapi? “Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay…walang itinatangi, at hindi nasusuhulan. Binibigyan niya ng katarungan ang mga ulila at balo; minamahal niya ang mga dayuhan at binibigyan ng pagkain at damit” (Deut 10:17-18). Ang kabutihang ginawa sa atin ng Diyos ay ang kabutihang ipapakita natin sa iba: “Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh” (Deut 24:18). Bakit sa halip na galit, panlalait at pananakit ng damdamin ang dapat nating pairalin sa kapwa natin (lalo na sa kapatid kay Cristo), ay kabaitan, awa, pagpapatawad, at pagmamahal? Dahil yun ang ginawa ng Diyos para sa atin (Eph 4:31-5:2).

‌Ikaapat, ang pagsunod ay mahalagang bahagi ng relasyon natin sa Diyos. Hindi lang tayo sumusunod sa mga batas na nakasulat sa Bibliya. Ang pagsunod natin ay pagsunod sa Diyos na nagsalita nito. Ang pagsunod ay pagsunod natin sa Diyos na ating Ama. Merong godly at reverential fear, takot at paggalang (Deut 6:2, 13). Sumusunod tayo hindi lang dahil takot tayo na mapalo. Sumusunod tayo dahil sa pag-ibig sa nag-iisang Diyos. Itong Shema (Heb. “hear”) ang isa sa pinakapopular na passage sa Old Testament: “Hear, O Israel: The Lord our God, the Lord is one. You shall love the Lord your God with all your heart and with all your soul and with all your might” (Deut 6:4–5). Kaya nga sabi ni Jesus, “If you love me, you will keep my commandments” (John 14:15). At kung mahal natin ang Diyos, “Ang mga utos niya’y itanim ninyo sa inyong puso” (Deut 6:6). At dahil mahal din natin ang pamilya natin, “Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga” (Deut 6:7). Ituturo din natin sa mga anak natin ang Story of God, para mahalin din nila ang Diyos, para magkaroon din sila ng takot sa Diyos, para sumunod din sila sa Diyos (see Deut 6:20-25).

‌Ikalima, at panghuli, ang pagsunod ay dapat buong pusong pagsunod, galing sa pusong nagmamahal sa Diyos. “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso’t kaluluwa” (Deut 26:16). Paulit-ulit na binabanggit ang “puso” ng tao sa Deuteronomy. Mahalin siya, paglingkuran siya, sundin siya nang buong puso. Ang pusong ito ay tumutukoy hindi lang sa damdamin natin, o desires natin, kundi sa buong pagkatao natin. Hindi sapat na magawa lang natin ang duty natin sa Diyos externally. Kailangang manggaling din ito sa tama o matuwid na puso, a right heart before God.

‌At ‘yan ang problema natin. Problema natin ang pagsuway sa mga utos ng Diyos. Problema din natin na kahit sa mga pagsunod natin ay hindi naman nanggagaling sa tamang puso. Motivated tayo na sundin ang utos ng Diyos to make ourselves look good in front of other people, or to try to earn God’s favor. Kaya nga paulit-ulit na ipinapaalala sa Israel na ibibigay ng Diyos ang lupain sa kanila hindi dahil mas matuwid sila kaysa mga taong naroon. Totoong papaalisin ang mga nakatira dun dahil sa kasamaan ng puso nila bilang judgment ng Diyos at bilang faithfulness ng Diyos sa promise niya (Deut 9:4-5). Pero sila rin namang titira dun ay “stubborn” (v. 6) in heart. Matigas ang ulo, matigas ang puso.

‌Hindi tulad ni Jesus. Siya lang ang nagmahal, naglingkod, nagtiwala at sumunod sa Diyos sa lahat ng bahagi ng buhay niya at nang buong puso. Ang buhay ni Jesus, na nakasulat sa Matthew, ay kapansin-pansing reenactment ng kasaysayan ng Israel. Ang mga pangyayari sa kanyang kapanganakan (Matt. 1-2) ay may pagkakatulad sa pangyayari sa kapanganakan ni Moises. Ang kanyang baptism (Matt. 3) ay tulad ng pagtawid ng mga Israelita sa dagat (Exod 14; 1 Cor 10:1-2). Ang temptation sa kanya sa wilderness during 40 days of fasting ay tulad ng 40 years of wandering ng mga Israelita sa disyerto (Matt. 4), kung saan dalawang beses niyang binanggit ang Deuteronomy bilang sagot sa mga tukso ni Satanas: “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos” (Mat 4:4; galing sa Deut 8:3); “Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran” (Mat 4:10; galing sa Deut 6:13). At ang Sermon on the Mount niya (Mat 5-7) ay tulad ng pagbibigay ng utos ni Moises sa Mt. Sinai at ng mga sermon niya dito sa Deuteronomy sa Plains of Moab. Ang point: walang sinuman ang nakasunod perfectly and wholeheartedly sa lahat ng mga utos ng Diyos, maliban kay Cristo. Si Cristo at ang kanyang perfect obedience ang kailangan nating lahat.

‌III. Blessings and Curses: Isaalang-alang ang mabuting dulot ng pagsunod. (Deut 27:1-30:20)

‌Totoo ngang hindi natin makakamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng sarili nating pagsunod, kundi sa pamamagitan ng pagsunod ni Cristo. Pero hindi ‘yan nangangahulugan na hindi na essential ang pagsunod. Kaya dito sa ikatlong section ng Deuteronomy, chapters 27 to 30, ay nakahighlight na kailangan nating isaalang-alang ang mabuting dulot ng pagsunod. Isang paraan din naman ito to motivate obedience. Negatively, meron ding warning, na merong masamang dulot ang pagsuway. Ang mga actions natin, ang mga decisions natin—pagsunod man ito o pagsuway—ay merong consequences.‌

Sa ikatlong sermon ni Moises, sinabi niya sa mga tao na sunding lahat ang mga utos ng Diyos, at pagtawid nila sa Jordan River ay isusulat nila sa malalaking bato na ilalagay sa Mt. Ebal ang mga utos ng Diyos (Deut 27:1-8). Tapos sinabi ni Moises na merong ipinangakong pagpapala ang Diyos sa pagsunod. Nakasulat ‘yan sa first 14 verses ng chapter 28: magkakaanak sila, dadami ang mga hayop nila, magiging sagana ang ani nila, magtatagumpay sila laban sa mga kaaway nila, they will enjoy prosperity and success. “Gagawin ka ng Panginoon na ulo at hindi buntot; ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim—kung iyong papakinggan ang mga utos ng Panginoon mong Diyos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong susundin at gagawin” (Deut 28:13 AB). Sarap pakinggan niyan! Paboritong text ito ng “prosperity gospel” preachers. Totoo namang minsan ay merong material at financial at health benefits ang pagsunod natin sa utos ng Diyos. But not all the time. Hindi naman ito ipinangako ng Diyos sa atin ngayon, kundi sa Israel noon. At isa pa, ano ba ang kundisyon para matanggap ang mga pagpapalang ito? “And if you faithfully obey the voice of the Lord your God, being careful to do all his commandments…” (Deut 28:1). So, paano kapag hindi—at talaga namang hindi natin magagawa!—ano ang mangyayari?‌

Sa kabilang banda, meron din naman sumpa sa pagsuway. At ito naman ang mas mahabang section sa chapter 28, verses 15 to 68: “kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito” (Deut 28:15). Kung babasahin mo ‘yan, nakakakilabot ang sasapitin ng mga susuway sa utos ng Diyos. Actually, before chapter 28, meron nang covenant ceremony na sinabi si Moises na gawin nila. Yung ibang tribes tatayo sa Mt. Gerizim to recite yung mga blessings. Yung iba naman ay sa Mt. Ebal para irecite ang mga curses. Tapos pangungunahan ng mga Levites ang series of curses na sample ng iba’t ibang pagsuway sa utos ng Diyos, na sa bawat isang sumpa ay magsasabi ng “Amen” ang mga tao (na usually ay sinasabi natin kapag maganda ang napapakinggan!). Heto ang nasa dulo, “Sumpain ang sinumang hindi susunod sa mga utos na ito,” at sasagot naman ang mga tao ng “Amen” (Deut 27:26).‌

Amen? Ang pagsasabi mo ng amen ay nangangahulugang inaamin mo na hindi “blessing” ang nararapat sa ‘yo kundi sumpa dahil sa pagsuway natin sa mga utos ng Diyos. Ang good news? Nang ipako siya sa krus, “Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat (sa Deut 21:22-23), ‘Isinumpa ang bawat binibitay sa punongkahoy’” (Gal 3:13). Mapapasaatin ang pagpapala na nararapat kay Cristo na siyang sumunod sa lahat ng utos ng Diyos—perfectly and wholeheartedly—sa halip na sumpa ng parusa ng Diyos kung magtitiwala tayo sa kanya na tumubos sa atin.‌

Pero paano mangyayari ‘to kung “stubborn” nga ang heart natin? So, kailangan natin ng bagong puso para makasunod at piliin ang buhay. Sa chapters 29-30 ay nagkaroon sila ng covenant renewal. Yung first generation ay sa Mt. Sinai, sila namang second generation ay dito sa Plains of Moab (Deut 29:1, 12). Pero kahit anong pangako nila na susunod sila sa mga utos ng Diyos at hindi tutulad sa mga magulang nila, hindi rin mangyayari yun unless merong renewal ng mga puso nila. Kaya sinabi ng Diyos, “Circumcise therefore the foreskin of your heart (heart renewal ang ibig sabihin niyan, bagong puso), and be no longer stubborn” (Deut 10:16). Meron bang tao na may kakayahang baguhin ang sarili niyang puso? Ang pag-asa natin ay nasa Diyos na nangako, “And the Lord your God will circumcise your heart and the heart of your offspring, so that you will love the Lord your God with all your heart and with all your soul, that you may live” (Deut 30:6). Ito ay anticipation ng new covenant promise na babaguhin ang ating mga puso—the grace of regeneration or new birth—para tayo’y magtiwala at sumunod sa Diyos (Jer 31:33; 32:39-40).‌

Dependent tayo sa biyaya ng Diyos. But that does not negate our responsibility to make choices or decisions: “I call heaven and earth to witness against you today, that I have set before you life and death, blessing and curse. Therefore choose life, that you and your offspring may live, loving the Lord your God, obeying his voice and holding fast to him, for he is your life…” (Deut 30:19-20). Anong pipiliin mo: buhay o kamatayan? Magtitiwala ka ba kay Cristo o sa sarili mong paraan?

‌IV. Hope: Abangan ang mabuting gagawin ng Diyos. (Deut 31:1-34:12)‌

Kapag nagtiwala ka kay Cristo, hindi ibig sabihin na magiging okay na ang lahat. Mahirap pa rin. Makikipaglaban ka pa rin. Masasaktan ka pa rin. Magkakasakit ka pa rin. Mamatay ka rin. Sa lahat ng ito, mabuti pa rin ang Diyos, at makaaasa tayo na mabuti ang gagawin ng Diyos. Ito ang dapat nating abangan. Ang last four chapters ng Deuteronomy ay epilogue, ending na ng buong Pentateuch. At pagkatapos ay simula ng bagong yugto sa kasaysayan nila, life in the promised land.‌

Ipinangako ulit ng Diyos ang kanyang presensya o pagsama. Hindi na nila makakasama si Moises. Si Joshua na ang mangunguna sa kanila. More than that, presensya ng Diyos ang kailangan nila, “Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man” (Deut 31:6). ‘Yan din ang sabi niya kay Joshua, “Si Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya’t huwag kang matakot ni panghinaan ng loob” (Deut 31:8; also Josh 1:8-9).‌

Sa kabila ng patuloy na mabuting gawa ng Diyos sa kanila, alam ng Diyos na tuloy rin ang kasamaan at pagrerebelde ng mga taong ito (Deut 31:16-29). Kaya nga pinasulat ng Diyos si Moises ng kanta. Imagine na ganito ang kakantahin nila sa worship service: “Ngunit tumaba si Jeshurun (o Israel) at nanipa; ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis. Nang magkagayo’y tinalikuran niya ang Diyos na lumalang sa kanya, at hinamak ang Bato ng kanyang kaligtasan” (Deut 32:15 AB). Ngunit hindi ang kasalanan natin ang magiging “last word” sa istoryang ito, kundi ang kagalakan ng Diyos na ipinangako rin ng Diyos para sa kanila. And this joy is eternal dahil ang Diyos ay eternal, “The eternal God is your dwelling place…Happy are you, O Israel! Who is like you, a people saved by the Lord” (Deut 33: 27, 29).‌

Pero parang hindi happy ending ang dulo ng Deuteronomy. Tulad ng ending ng Genesis, ang pagkamatay ni Jose, ganito rin ang ending ng Deuteronomy. Namatay si Moises 120 years old (Deut 34:7). Mula Exodus, Leviticus, Numbers, hanggang dito, si Moises ang tila bida sa istoryang ito. At maganda ang obituary o nakasulat sa lapida niya: “Mula noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh” (Deut 34:10). Walang ibang nakagawa ng mga pambihirang gawa niya (vv. 11-12). Si Joshua ang pumalit sa kanya. Good, but not better than Moses. Not until Jesus, Yeshua, na ang ibig sabihin ay “si Yahweh ang nagliligtas.” Sinabi rin ni Moises sa kanila na merong “isang propetang katulad” niya ang ipapadala ni Yahweh balang araw (Deut 18:15, 18). Katulad niya, pero higit sa kanya, na sinabi ni apostol Pedro na ang katuparan ay si Cristo na siyang hinirang ng Diyos upang maghayag sa atin kung sino siya at siyang paraan ng Diyos para sa ikaliligtas ng bawat isang magsisisi sa kanilang mga kasalanan at magtitiwala sa kanya (Acts 3:18-23). Ang buhay natin, ang lahat-lahat sa buhay natin, ay nakasalalay kung tayo ba ay nakakabit kay Cristo o hindi.‌

So ang Deuteronomy, at lahat-lahat sa Bibliya, at lahat-lahat sa buhay natin ay tungkol kay Jesus! Ang pagdating niya ang ipagdiriwang natin ngayong Christmas season. We will meditate on his person and work during our Christ Our All conference sa Saturday (December 14). At sa mga Christmas services natin (Dec 15-24) as we meditate on Jesus the “Name Above All Names.” Na siyang ginagawa rin naman natin every Sunday. At dapat nating gawin every day. Dahil si Cristo ang solusyon sa pagsuway natin sa mga utos ng Diyos. Si Cristo rin ang motivation natin at ang tumutulong sa atin na sumunod sa mga utos ng Diyos. Si Cristo rin ang reward o greatest blessing na matatanggap natin sa pagpapatuloy natin sa pagsunod sa Diyos.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply