Introduction: Ang Pag-asang Mapanumbalik ang Nasirang Relasyon

Kapag naibagsak mo ang isang babasaging baso, at nabasag, usually hindi mo na ‘yan bubuuin pa; itatapon mo na lang. Madali namang palitan ng bago. Pero paano kung ang nasira ay isang bagay na sobrang precious sa ‘yo, tulad ng relasyon n’yong mag-asawa? May mga relasyon na “so broken” na sa tingin natin ay imposible nang maayos. Pipilitin nating gawan ng paraan pero wala tayong kasiguraduhan na maaayos pa. O kung magkaroon man ng paghingi ng tawad sa isa’t isa, at pagpapatawad sa isa’t isa, at magkabalikan, at tanggapin ulit ang isa’t isa bilang mag-asawa—na we hope and pray na ganun nga ang mangyari—meron pa rin tayong pag-aalinlangan kung maibabalik pa ba talaga ang dating relasyon, kung magiging maayos pa ba talaga, kung magiging mainit pa ang pagsasama, kung magiging masaya pa, kung may happy ending ba talaga.‌

Paano naman ang nasirang relasyon natin sa Diyos dahil sa pagkakasala at pagrerebelde natin sa kanya? Ito siyempre ang pinaka-precious na relasyon na posibleng maranasan ng tao, ang relasyon natin sa Diyos. Pero paano kapag nasira? Tulad ng kaso ng mga Israelita na nakita natin sa nakaraang tatlong bahagi ng pag-aaral natin sa Exodus—sa chapters 32 to 34. Mula sa mahabang panahon ng pagkakaalipin sa Egipto, iniligtas ng Diyos ang mga Israelita. Inilabas sila sa Egipto at nag-commit na gagabayan sila hanggang sa Canaan, ang lupang ipinangako ng Diyos kay Abraham. Ginawa ito ng Diyos dahil sa pagmamahal niya sa kanila at dahil sa katapatan niya sa kanyang pangako. Parang sa isang kasalan, nakipagtipan ang Diyos sa kanila, at nangakong tapat silang mamahalin, at inaasahang ang Israel din ay tapat na magmamahal sa kanya at susunod sa lahat ng kanyang mga utos.‌

Pero, ang dali-dali nilang sinira ang tipang ito. Sumamba sila sa gintong baka nang mainip sila sa paghihintay kay Moises na apatnapung araw na namalagi sa bundok kasama ang presensya ng Diyos. Inihagis ni Moises ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng Sampung Utos—ang kasulatan ng tipan ng Diyos sa kanila. Nabasag, senyales ng nasirang tipan, nasirang relasyon. Pero kahit na nararapat lang silang tupukin ng apoy ng galit ng Diyos, dahil kay Moises na naging “tagapamagitan” nila ay pinatawad sila, at nagkaroon ang Diyos ng covenant renewal sa kanila. Gumawa ulit ng dalawang tapyas ng bato, at pinirmahan mismo ng Diyos. Ang plano ng Diyos na gumawa sila ng tabernacle para manirahan ang presensya niya sa kalagitnaan nila, “that I may dwell in their midst” (Ex 25:8), bagamat nadiskaril sandali ay tuloy pa rin. Hindi basta-basta umaayaw ang Diyos sa mga taong itinali niya sa kanyang sarili sa pamamagitan ng isang matibay na pangako.‌

Ang pruweba na totoo ngang pinatawad na sila ng Diyos, tatanggaping muli, at sasamahan sila ng kanyang presensya sa buong paglalakbay nila ay makikita sa natitirang six chapters ng Exodus, mula chapter 35 hanggang chapter 40. Mahaba ito, pero ito na ang huling sermon natin sa Exodus. Mahalagang talakayin natin nang isang bagsakan lang para mas maunawaan natin ang kabuuang punto nito. At dalangin ko na habang pinakikinggan natin ‘to ay mas magbigay ito ng kumpiyansa sa inyo na anuman ang lagay ng relasyon mo sa Diyos ngayon—na evident sa klase ng relasyon na meron ka sa asawa mo, sa pamilya mo, o sa ibang tao—hindi pa tapos ang Diyos sa ‘yo. Tatapusin niya kung ano ang sinimulan niya (Phil 1:6). May gagawin ang Diyos, pero hindi ibig sabihin na wala tayong gagawin.

‌1. Paghahanda: Ang Puso at Lakas na Kailangan sa Gawain ng Diyos (35:1-36:7)‌

Sabbath (Ex 35:1-3). Kaya ang unang bahagi ng teksto natin, ang buong chapter 35 at first few verses ng chapter 36 ay may kinalaman sa paghahanda na kailangang gawin ng Israel (“ang buong Israel”) para magawa kung ano ang ipinagagawa ng Diyos sa tabernacle, na may preface na ganito, “Ito ang iniuutos sa inyo ni Yahweh…” (35:1). Meron silang kailangang gawin. At ang unang kailangan nilang gawin ay tandaan na ang pagtatrabaho nila, kasama ang construction ng tabernacle, ay hindi pitong araw, kundi anim na araw lang. Kaya nga may Sabbath, “a holy day, a sabbath of complete rest to Yahweh” (v. 2 LSB). Kaya pati pagsisindi ng apoy ay ipinagbabawal (v. 3). Binanggit na rin naman ito sa 31:12-18, at siyempre sa ikaapat na utos (20:9). Ano naman ang kinalaman ng Sabbath sa pagpapagawa ng tabernacle? Ang Sabbath ay sign of the covenant, senyales na meron kang relasyon sa Diyos, at ito ay araw hindi lang ng pahinga kundi ng pagsamba kay Yahweh. Ang tabernacle ay indicative din ng relasyon ng Diyos sa kanila, at lugar din ng pagsamba kay Yahweh. Kung walang relasyon sa Diyos, kung hiwalay sa Diyos, walang kapahingahan. So, in a way, itong pagtatayo ng tabernacle ay nakakonekta sa gawa ng Diyos sa creation, na para bang isang “act of re-creation” (Peter Enns, Exodus, 507). Sobrang importante nito sa yugto ng kasaysayan, hindi lang ng Israel kundi ng sangkatauhan. Kaya nga mabigat ang penalty for breaking the Sabbath: “papatayin” (35:2). Bakit? Dahil kung hindi mo inoobserba ang Sabbath, para mo na ring sinasabing, “I am not in covenant relationship with Yahweh” (Douglas Stuart, Exodus, 748).‌

Contributions for the Tabernacle (Ex 35:4-29). Ang ikalawang dapat nilang gawin sa paghahanda ay ang pagbibigay ng mga contributions para sa mga materyales na kailangan sa tabernacle. Iniutos ng Diyos sa kanila na magbigay gold, silver, bronze, mga iba’t ibang kulay ng tela, oil, incense, at iba’t ibang mamahaling bato (vv. 4-9). Binanggit din ito una kay Moises sa bundok (25:1-7). Ang Diyos ang unang nagsabi kay Moises, ngayon naman ay si Moises ang nagsabi sa mga tao. At ang emphasis dito ay hindi ang amount ng ibinibigay, kundi ang puso ng nagbibigay, “every man whose heart moves him” (25:2), “whoever is of a generous heart” (35:5). At kung kanino ito ibibigay: “kay Yahweh” (v. 5). Kailangan ding ibigay ang mga taong kailangan sa pagpapagawa: ““Tipunin mo ang lahat ng mahuhusay na manggagawa at sila ang pagawin ng tabernakulo” at lahat ng kailangan dito (vv. 10-11). Ang emphasis dito ay ang paggawa ng “lahat” ng ipinapagawa ng Diyos: “all that Yahweh has commanded” (v. 10 LSB). So, mula verse 11 hanggang verse 19 inisa-isa kung anu-ano ang gagawin nila, na detalyadong makikita natin mamaya sa chapters 36 to 39.‌

Now, ginawa ba nila ang ipinapagawa ng Diyos? Hindi lang sila nakinig ng sermon ni Moises at umuwi pagkatapos. Umuwi sila sa kani-kanilang tolda (v. 20) at kinuha ang mga ihahandog nila. Lahat sila, “all the congregation” (v. 20), lahat ng members ng church! Lalaki at babae (v. 22). At ang inihandog nila ay hindi para kay Moises kundi para kay Yahweh (v. 22). At ito ay hindi dahil napipilitan lang sila, but from the heart: “everyone whose spirit moved him” (v. 21); “All who were of a willing heart…” (v. 22). “All the women whose hearts stirred them…” (v. 26). At ayon sa kung ano ang meron sila at ayon sa kakayahang meron sila: “every one who possessed…Everyone who could make a contribution…everyone who possessed…every skillful woman…” (vv. 23-25). At mababasa natin ang summary nito sa verse 29: “Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong (ESV, whose hearts moved them) ay nagdala ng handog kay Yahweh para sa ipinagagawa niya kay Moises.‌

Preparation of Workers and Materials Needed (Ex 35:30-36:7). Ang ikatlong bahagi ng paghahanda ay ang pagpe-present sa kanila ng mga taong pinili o appointed ng Diyos (“called by name,” v. 30) para pangunahan ang project, sina Bezalel at Oholiab. Fulfillment ito ng 31:1-6. At magagawa nila ito si Oholiab at ang mga kasama niya ay “pinuspos niya ng Espiritu ng Diyos at binigyan ng kakayahan, kahusayan, at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining…binigyan ni Yahweh ng kakayahan para maituro nila sa iba ang kanilang nalalaman. Sila’y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa…” (35:31, 34, 35; also 36:1, 2). Again, ang focus dito ay gawin ang lahat ng “ayon sa sinabi ni Yahweh” (36:1). At hindi lang basta magawa, pero nandun yung puso sa paggawa, “everyone whose heart stirred him up to come to do the work” (v. 2). Merong mga tao na gagawa, at ang iba naman ay magbibigay ng kailangan. Ibinigay na sa kanila ang mga offerings na galing sa mga tao pero “patuloy pa rin sa paghahandog ang mga Israelita tuwing umaga” (v. 3). Nagsumbong na sila kay Moises, “Sobra na. Tama na” (v. 5). Ang sarap namang pakinggan ng ganitong sumbong! Kaya sinermonan ni Moises ang mga tao, “Itigil na ninyo ang pagbibigay. Sumosobra na kayo” (vv. 6-7). Nakaka-encourage naman sa isang leader na ganito ang nangyayari! Hindi yung pipilitin mo pa ang mga miyembro na umattend, magbigay at maglingkod. Kundi nag-ooverflow na yung acts of giving and service.‌

Sa unang bahagi ng teksto natin, makikita natin na sa paghahanda pa lang ng pagpapagawa ng tabernacle, sinunod nila (not merely out of duty, but sincerely, from the heart) ang utos ng Diyos na dapat nilang gawin, ibinigay ang kailangang ibigay (at sumobra pa!). Ang lahat naman ng ito ay ayon din sa provisions na bigay sa kanila ng Diyos, sa kakayahang bigay ng Diyos, at sa pagkilos ng Diyos sa puso nila. Ngayon din naman, ang Diyos ang kumikilos sa puso natin, nagbibigay ng mga spiritual gifts at kakayahang kailangan natin sa paglilingkod sa kanya, sa pagbibigay sa church, at sa pagmimisyon para matupad ang layunin ng Diyos. Malaki ang gawain, mahalaga ang gawain ng Diyos, lahat tayo kasali, walang etsa-puwera. Sabi nga ni apostol Pedro, “Bilang mabubuting katiwala ng iba’t ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya’y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen” (1 Pet 4:10-11).

‌2. Pagsasagawa: Ang Pagsunod na Kinakailangan sa Gawain ng Diyos (36:8-39:43)‌

Pagkatapos ng paghahanda o preparation ay yung pagsasagawa o construction na ng tabernacle na makikita sa chapters 36 to 39. Mahaba-haba ito. Medyo tedious basahin dahil sa detalye. Aside from that, mapapansin din na halos lahat ng nakasalut dito ay pareho din sa instructions na bigay ng Diyos kay Moises sa Exodus 26-30. Meron lang ibang parts na pinaikli, at may pagkakaiba sa pagkakasunod-sunod. Yung una ay blueprint ng construction project. Ito naman ay yung report na ng actual construction. Yung una ay plano, ito naman ay pagsasakatuparan ng plano. It may sound boring sa atin kapag babasahin, pero ang mensaheng ibinibigay nito sa atin ay nagpapakita na mahalagang-mahalaga ito para sa Diyos at sa relasyon niya sa Israel.‌

Pansinin din natin ang pattern na command-fulfillment (utos-katuparan) na pattern sa dalawang sections na ‘to. Ayon kay Stuart, “Elaborate, even tedious repetition forces the reader/listener to agree that a set of important instructions was unquestionably carried out to the letter…the command-fulfillment repetition pattern is a way of highlighting the importance of what is commanded and the precision with which it was obeyed” (Stuart, 743). Mahalaga ang iniuutos ng Diyos, at dapat gawin ang lahat ng iniuutos ng Diyos. Ang mga gagawa nito ay hindi malayang gawin kung ano ang preference nila o i-modify ang instructions ng Diyos bilang Owner at Designer nito. Mahigpit na bilin niya kay Moises, “Siguraduhin mong ipapagawa mo ang lahat ng ito ayon sa planong ipinakita ko sa iyo rito sa bundok” (Ex 25:40ASD).‌

Tingnan natin isa-isa kung nagawa nga eksakto ang sinabi ng Diyos na gawin nila. At ang movement ng mga paggawa dito ay nagsisimula sa kung ano ang pinakaimportante o pinakasagrado, mula sa Holy of Holies sa Tabernacle proper papalayo (Stuart, 745).‌

The Tabernacle Tent (Ex 36:8-38). Ang instructions ng Diyos kay Moises sa 26:1-27 ay ang gumawa ng tabernacle tent na ayon sa sukat, materyales, at kulay na gusto niya. Iyon ba ang ginawa nila? “Lahat ng pinakamahusay na manggagawa ang gumawa sa Toldang Tipanan” (36:8). “Gumawa sila…” (v. 11). “Gumawa sila…” (v. 13). “Pagkatapos, gumawa sila…” (v. 14). “Pagkatapos, gumawa sila…” (v. 18). “Gumawa rin sila…” (v. 20). “Gumawa rin siya…” (v. 31). “Gumawa rin sila…” (v. 35). “Gumawa sila…” (v. 38). Lahat ay eksakto sa sukat, materyales, at kulay na sinabi ng Diyos na gawin nila. Alright!‌

The Ark (Ex 37:1-9). Ang instructions naman sa 25:10-20 ay gawin ang ark of the covenant, isang kahon na gawa sa kahoy na napalilibutan ng ginto, may poles na ilalagay para hawakan sa pag-transport nito, at ito ang paglalagyan ng kopya ng covenant, at magsisilbing trono ng Diyos bilang Hari nila. Ito lang ang nasa loob ng Most Holy Place. Ginawa ba nila ang utos ng Diyos na gawin yun? “Yari sa akasya ang ginawa ni Bezalel na Kaban ng Tipan…” (37:1). “Gumawa siya…” (v. 3). “Gumawa rin siya…” (v. 4). “Ginawa rin niya ang Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto…” (v. 6). Ang ginawa niya ay eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos kay Moises. Alright!‌

The Table (Ex 37:10-16). Ang sumunod naman ay ang mesa na paglalagyan ng labindalawang tinapay na kumakatawan sa labindalawalang tribo ng Israel sa hapag-kainan ng Diyos. Nakalagay ito sa Holy Place, nasa loob pa rin ng Tabernacle. Ang ipinapagawa ng Diyos ay nakasulat sa 25:23-29. Ginawa ba nila? “Gumawa rin ng mesang akasya si Bezalel…” (37:10). “Gumawa siya…” (v. 13). “Iginawa rin niya ang mesa ng mga pampasan…” (v. 15). “Gumawa rin siya…” (v. 16). Ang ginawa niya ay eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos kay Moises. Alright!‌

The Lampstand (Ex 37:17-24). Isa pang kasangkapan sa Holy Place ay ang “ilawang yari sa purong ginto.” Hugis puno na may mga sanga na nagpapaalala sa kanila ng Tree of Life na nasa Garden of Eden. Ang tabernacle ay nagsisilbing parang bagong Garden of Eden. Ang ipinapagawang ito ng Diyos ay nakasulat sa 25:31–39. Ginawa ba nila? “Gumawa rin siya ng ilawang yari sa purong ginto” (37:17). “Ang ilawan ay iginawa niya ng pitong ilaw…” (v. 23). Ang ginawa niya ay eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos kay Moises. Alright!‌

The Altar of Incense (Ex 37:25-28). Ang sumunod naman ay ang altar na sunugan ng insenso na nakalagay lang sa tabi ng kurtina na naghihiwalay sa Most Holy Place at Holy Place. Nasa 30:1-5 ang instructions ng paggawa nito. Ginawa ba nila? “Gumawa siya ng altar na sunugan ng insenso” (37:25). “Gumawa siya…” (v. 27). “Gumawa rin siya…” (v. 28). Ang ginawa niya ay eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos kay Moises. Alright!‌

The Anointing Oil and Incense (Ex 37:29). Ang sumunod naman ay ang anointing oil at incense na gagamitin. Ang ingredients na gagamitin at ang process na gagawin ay nakasulat sa 30:22-25, 34-36. Ginawa ba nila? “Si Bezalel din ang naghalo ng sagradong langis na pampahid at ng purong insenso at ito’y parang ginawa ng isang dalubhasa sa paggawa ng pabango” (37:29). Hindi na lang inulit dito ang detalye. Pero malinaw na ang ginawa niya ay eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos kay Moises. Alright!‌

The Altar of Burnt Offering (Ex 38:1-7). Ang kasunod naman ay ang altar na pagsusunugan ng mga hayop na ihahandog. Ang detalye ng paggawa nito ay nakasulat sa 27:1–8. Ginawa ba nila? “Akasya rin ang ginamit ni Bezalel sa paggawa ng altar na sunugan ng handog” (38:1). “Si Bezalel din ang gumawa ng mga kagamitang tanso para sa altar…” (v. 3). “Gumawa rin siya…” (v. 4). “Gumawa siya…” (v. 5). “Akasya rin ang ginawa niyang pampasan…” (v. 6). Ang ginawa niya ay eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos kay Moises. Alright!‌

The Bronze Basin (Ex 38:8). Ang sumunod ay ang palangganang gagamitin sa paghuhugas ng mga pari bago pumasok sa tabernacle. Ang detalye ay nasa 30:17-21. Ginawa ba nila? “Gumawa nga siya ng palangganang tanso, at tanso rin ang patungan. Ang ginamit niya rito ay tansong ginagamit bilang salamin ng mga babaing tumutulong sa mga naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan” (38:8). Pati ang mga babaeng tumutulong ay binanggit dito. Ang ginawa niya ay eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos kay Moises. Alright!‌

The Courtyard (Ex 38:9-20. Ang sumunod naman ay ang courtyard na siyang paglalagyan ng lahat ng mga naunang ginawa. Ang detalye ay nasa 27:9–19. Ginawa ba nila? “Pagkatapos, ginawa niya ang bulwagan na pinaligiran niya ng mamahaling telang lino…” (v. 9). Tamang sukat, kulay, materyales. Ang ginawa nila ay eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos kay Moises. Alright!‌

Materials for the Tabernacle (Ex 38:21-31). Malinaw sa verse 22, “Lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises ay ginawa ni Bezalel,” at siyempre may mga katulong siya (v. 23). Nakalista naman sa vv. 21-31 ang halaga ng mga materyales na iniambag ng bawat isa sa kanila: 1,000 kilo ng gold, 3,400 kilo ng silver, 2,400 kilo ng bronze. Nakalista lahat ‘yan, well accounted for, ipinagawa ni Moises sa mga Levita (v. 21). At mga mamahaling gamit ‘yan. The greatest of Being, Yahweh, deserves our best and our most precious possessions. Tutal, sa kanya rin naman galing lahat ‘yan.‌

The Priestly Garments (Ex 39:1-31). Ang ipinapagawa naman ng Diyos na damit para kina Aaron at sa mga anak niya na maglilingkod bilang mga pari ay nakasulat sa chapter 28. Ginawa ba nila? “Ginawa nila ang kasuotan ni Aaron ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises” (39:1). At dito sa chapter na ‘to ay paulit-ulit natin mababasa ang ganito: “As the Lord had commanded Moses” / “tulad ng iniutos ni Yahweh” (v. 5), “Ito’y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh” (v. 7), “Ito’y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh” (v. 21), “Ito’y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh” (v. 26), “ayon sa utos ni Yahweh” (v. 29), “tulad ng utos ni Yahweh” (v. 31). Ang mga “holy priests” ang maglilingkod sa “holy place.” Kaya mahalagang i-express ‘yan sa damit na isusuot nila, para nakabukod sila sa ordinaryong tao. Ang ginawa nila ay eksakto sa kung ano ang sinabi ng Diyos kay Moises. Alright!‌

Completion Report (Ex 39:32-43). Ayan, tapos nang lahat ng ipinapagawa ng Diyos para sa tabernacle. At ito ang completion report na nakasulat sa huling bahagi ng chapter 39. “Natapos nilang gawin ang Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Yahweh; gayundin ang lahat ng mga kagamitan doon” (v. 32). Tapos ay ipinakita nila kay Moises isa-isa ang mga ito for inspection (vv. 33-41). Heto ang summary ng completion report: “Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng gawain ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Tiningnan ni Moises ang trabaho nila, at nakita niya na ginawa nilang lahat iyon ayon sa iniutos ng Panginoon. Kaya binasbasan sila ni Moises” (vv. 42-43 ASD). Sa ESV ng v. 43, “And Moses saw all the work, and behold, they had done it…” Ang ulat na ito ay nagpapaalala ng nakarecord sa Genesis 1 matapos ang six days of creation ng Diyos, “And God saw everything that he had made, and behold, it was very good.”‌

Ang ending ng chapter na ‘to, “Moses blessed them.” Maybe, nagbigay siya ng prayer of benediction tulad ng sa Numbers 6:24–26, “The Lord bless you and keep you; the Lord make his face to shine upon you and be gracious to you; the Lord lift up his countenance upon you and give you peace.” May pagpapala at kabutihan naman talagang dulot ang pagsunod sa utos ng Diyos, lalo pa sa puntong ito na ginawa nila ang “lahat” ng ipinapagawa ng Diyos, lalo pa’t sobrang importante ng ipinapagawa ng Diyos, lalo pa’t ito ay para rin sa relasyon nila sa Panginoon. Mahalaga ang pagsunod sa lahat ng iniuutos ng Diyos. At sa plano, kapangyarihan, at sovereignty ng Diyos ay titiyakin niya na lahat ng plano niyang mangyari sa pagliligtas sa atin ay mangyayari.‌

But, usually, not without human means. May pakikibahagi tayo. Pwede namang tulad din sa work of creation niya ang building ng tabernacle, na sa isang salita niya ay mangyayari. Pero ginamit niya ang salita niya at ang pagsunod sa salita niya para mabuo ang tabernacle. At ganun din sa pagdating ng Panginoong Jesus, “the Word became flesh and dwelt (o, tabernacled) among us” (John 1:14). Nangyari eksakto ang gusto ng Diyos na mangyari to accomplish our salvation, but not without human means. Mahalaga ang pagsunod nina Abraham, Ruth, David, Solomon, Josiah, Joseph, and Mary—even through imperfect obedience—to accomplish the plans of God for our redemption. At siyempre, pinakamahalaga sa lahat, ang perfect obedience ni Cristo, hanggang sa pagsunod sa kamatayan sa krus, na kung wala yun ay hindi tayo maliligtas. At kung tayo ay nakay Cristo, because God is the best and greatest Being, he deserves and demands our highest worship and our total obedience. ‘Yan ang buhay Kristiyano, ‘yan ang buhay na in relationship with God, isinasagawa ang lahat ng utos ng Diyos sa lahat ng bahagi ng buhay natin.

‌3. Pagtatapos: Ang Kasagraduhan at Pagpapalang Dulot ng Presensya ng Diyos (40:1-38)‌

At para saan nga ba ang lahat ng ito? To what end? Ang ipinapagawa ng Diyos, ang pagsunod natin, para saan? That brings us sa pagtatapos ng construction ng tabernacle. At pagtatapos din ng Exodus.‌

Command to erect and consecrate the tabernacle (vv. 1-15). Ang unang bahagi ng chapter 40, verses 1-15, ay may kinalaman sa utos ng Diyos na itayo na ang tabernacle unang araw ng unang buwan, bagong taon, halos isang taon pagkalabas nila sa Egipto (v. 1); at ilagay ang mga kagamitan sa tamang puwesto nito (vv. 2-8); at pahiran ng langis ang tolda at mga kagamitan for consecration o pagbubukod para sa espesyal na function nito (vv. 9-11); at pagkatapos ay ang pagsusuot ng mga priestly garments kina Aaron at sa mga anak niya at pagpahid ng langis sa kanila for their consecration para sa paglilingkod nila bilang mga pari “habang buhay” (vv. 12-15).‌

Moses’ obedience (vv. 16-33). Ginawa ba ni Moises ang iniutos ni Yahweh? Yes! “Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Yahweh” (v. 16). Ayon sa petsa na sinabi ng Diyos (v. 17). Paulit-ulit na naman dito ang “as the Lord had commanded Moses” / “tulad ng iniutos ni Yahweh” (vv. 19, 21, 23, 25, 27, 29, 32). “Natapos ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya” (v. 33). At ano ang nangyari pagkatapos nito? Ito na ang finale ng Exodus, what an ending!‌

The glory of God filled the tabernacle (vv. 34-38).‌

Nang magawâ ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. 35 Hindi makapasok si Moises sapagkat nanatili sa loob nito ang ulap at napuspos ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. 36 Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. 37 Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. 38 Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ni Yahweh ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama’y ang haliging apoy. Ito’y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay. (vv. 34-38)‌

Heto ang nasa dulo ng Exodus, ang maluwalhating presensiya ng Diyos, the glorious presence of Yahweh. Ito yung end goal kung bakit may tabernacle, para manirahan ang Diyos kasama nila. Ito yung presensya ng Diyos na unang gumabay sa kanila sa simula ng paglalakbay nila sa disyerto, pillar of cloud by day, pillar of fire by night. Ito yung glorious presence ng Diyos na kinatakutan nila nang ibigay ang Sampung Utos. Ito yung presensya ng Diyos na binantaan silang hindi nila makakasama dahil sa pagrerebelde nila. Ito yung presensya ng Diyos na ipinangako niyang sasama sa kanila sa paglalakbay nila, babaklasin ang tolda, at itatayo ulit kapag magkakampo sila, pero ang presensya ng Diyos ay mananatili sa buong paglalakbay nila.‌

God is both transcendent (higit na mataas at dakila kaysa sa atin, imposibleng maabot) and immanent (malapit dahil inilapit at ibinaba niya ang sarili niya sa atin). Ang katangiang ito ng Diyos ay kitang-kita sa pagkakatawang-tao o incarnation ni Cristo, na ang Anak ng Diyos na nasa langit ay bumaba sa lupa at nanirahan kasama natin. Siya ang tumapos sa lahat ng ipinapagawa ng Diyos na hindi natin nagawa, ang umako sa parusa na nararapat sa kasalanan natin, ang itinakwil sa krus, ang namatay, at bago namatay ay sinabing, “It is finished.” Tinapos niya ang dapat gawin. Para ano? Para tayo naman ay makapasok sa maluwalhating presensya ng Diyos. O, better, para ang maluwalhating presensya ng Diyos ay manirahan sa atin mismo, the Spirit of God dwelling inside us bilang mga tabernacle o templo ng Espiritu—bilang mga individual Christians (1 Cor 6:19) at bilang isang church (1 Cor 3:16). At balang araw, ito ang maluwalhating presensya ng Diyos na makakasama natin kapag tayo ay namatay na at tumungo sa langit, kung tayo ay nakay Cristo, “to be with Christ…is far better” kaysa sa buhay natin sa mundong ito (Phil 1:23). And much much better, kapag bumalik na si Cristo dito sa mundo, at nagkaroon na ng resurrection from the dead, ang langit ay bababa sa lupa, magkakaroon ng new heavens and new earth, and we will be with the Lord—the glorious presence of the Lord—forever. “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila” (Rev 21:3).

‌Conclusion: Ang Katapusan ng Kuwento ng Buhay

Nakita natin ang pagtatapos o end ng construction ng tabernacle. Ito rin ang end ng Exodus. Ito rin ang end ng unang pagparito ni Cristo. Ito rin ang end ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Ito rin ang end ng kaligtasang tinanggap natin. Ito rin ang end ng buhay Kristiyano. Ito rin ang end ng ginagawa nating worship service every Sunday. Ito rin ang end ng misyon ng church. Ito rin ang end ng muling pagbabalik ni Cristo. Ito rin ang end ng kasaysayan ng mundo. Ito ang end ng lahat-lahat. Enjoying the glorious presence of the Lord for ten thousand years and forever.‌

Ang tanong sa ating lahat, ito ba ang end ng buhay mo? Para dito ka ba bumabangon sa umaga? Para dito ka ba sumusunod sa mga utos ng Diyos? Para dito ka ba nabubuhay araw-araw? Para dito ka ba mamamatay? Sagot ng Westminster Shorter Catechism sa Question 1, “What is the chief end of man?”: “The chief end of man is to glorify God AND enjoy him (or enjoy his glorious presence) forever.” Make that personal. Masasabi mo ba, “My chief end is to glorify God and enjoy him forever”?

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply