Introduction
Merong tinatawag na “worship wars” sa ibang mga churches. Ibig sabihin, merong mga nagtatalu-talo kung contemporary music ba o traditional hymns ang gagamitin, gagamit ba ng drums o piano lang, high liturgy ba o mas freeflowing ang worship. Mahalaga naman talagang pag-usapan ang mga ‘yan. Buti na lang at hindi natin pinag-awayan ‘yan although may iba-ibang viewpoints pagdating diyan. Merong ibang churches na pinag-aawayan ‘yan at nagiging dahilan pa ng church splits.
Pero sa palagay ko, merong mas mahalagang “worship war” na kailangan talaga nating “labanan.” At itong yung digmaan na nangyayari sa loob mismo ng puso natin. Merong competing desires sa loob ng puso natin: ang gusto ba ng Diyos ang susundin natin o ang gusto natin? Ang Diyos ba ang mamahalin, paglilingkuran, at pahahalagahan natin nang higit sa lahat o ang ibang tao o ibang bagay sa buhay natin? Sa buhay natin, tama namang pahalagahan natin ang sarili natin, pero pahahalagahan ba natin ang sarili natin nang higit sa Diyos? Sa loob ng bahay, tama naman na mahalin natin ang asawa’t anak natin, pero mamahalin ba natin sila nang higit pa sa pagmamahal sa Diyos? Sa trabaho, tama namang magtrabaho tayo nang maayos, pero pahahalagahan ba natin ang trabaho at kayamanang makukuha natin sa mundong ito nang higit pa sa kayamanang meron tayo sa Diyos mismo?
At itong mga tanong na ‘to ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos, na ang Diyos na dapat na nasa sentro at pinakamahalaga sa buhay natin. ‘Yan ang point ng tabernacle na gusto ng Diyos na ipagawa sa Israel. Kaya nga pinagtuunan natin ‘yan nang tatlong Linggo sa Exodus 25-31, kung saan nagbigay ang Diyos ng mga instructions kay Moises tungkol dito habang siya’y nasa bundok ng Sinai nang apatnapung araw (Ex 24:18). At ito naman ang gagawin nila na nakasulat sa chapters 35-40. Pero dapat maalala nila na ito ay hindi lang basta isang construction o building project. Tungkol ito sa total renovation ng puso nila sa Diyos—dahil ang puso nila ay sanay na sanay sa pagsamba sa mga diyos ng Egipto. Kailangang magkaroon ng reorientation.
At bago sila pumasok sa promised land, makikipagdigma sila sa mga kaaway nila. Pero dapat din nilang isaalang-alang ang mas mahalagang digmaan na kailangan nilang pagtagumpayan—ang digmaan sa loob ng puso nila kung sino ang Diyos na sasambahin. Maganda kung gusto ng Diyos at paraan ng Diyos ang nangyayari. Pero paano kapag ang kagustuhan ng tao ang nasusunod? ‘Yan ang matutunghayan natin sa susunod na tatlong chapters, simula dito sa chapter 32. Isang kuwento na may dalawang bahagi: yung una ay habang nasa bundok si Moises (vv. 1-14), yung ikalawa ay pagbaba na niya ng bundok (vv. 15-35).
Part 1 (vv. 1-14)
Story
Ang unang bahagi ng kuwentong ito ay nangyari habang si Moises ay nasa bundok pa. At yun ay tumagal nang forty days (Ex 24:18). Nandun siya para makasama ang presensya ng Diyos, at matanggap ang Sampung Utos na isinulat mismo ng Diyos (Ex 31:18), pati ang mga detalye sa pagpapagawa ng tabernacle (Ex 25-31). At tulad ng nakita natin sa nakaraang tatlong sermons sa Exodus, ang pagpapagawa ng Diyos ng tabernacle ay nagpapahiwatig na nais ng Diyos na magkaroon ng malapit na relasyon sa Israel at maging sentro ng kanilang buhay ang pagsamba sa Diyos. Pero kahit na hindi pa bumababa si Moises, alam naman na yun ng Israel, sa chapters 19-20 pa lang, na ang layunin ng Diyos bakit sila iniligtas ay upang sumamba sila sa Diyos, sa Diyos lang wala nang iba.
The People’s Idolatry (vv. 1-6)
Pero nang matagalan na sila sa pagkawala ni Moises, nainip na sila. Dahil hindi naman nila siguro alam na forty days ang aabutin nun, at wala man lang update galing kay Moises. Kaya nagkaisa sila na lumapit kay Aaron, ang kuya ni Moises, at sinabi, “Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin sa Egipto” (v. 1). Imbes na matuto silang maghintay sa instructions ng leader nila, sila pa ngayon ang nagbibigay ng instructions sa leader nila. Ang gusto nila ang gusto nilang mangyari. “Igawa mo kami ng mga diyos…” Tahasang pagsuway sa unang utos, “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin” (Ex 20:3). Akala nila iniwanan na sila ng Diyos o ni Moises na lingkod ng Diyos. Hindi sila nasisiyahan sa presensiya ng Diyos. Nakalimutan agad nila kung ano ang ginawa ni Yahweh para sa kanila: ““Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin” (Ex 20:2).
Ano’ng dapat gawin dito ni Aaron in response sa request nila? Siya pa naman ang itatalaga na high priest ng Israel. Dapat sabihin niya na maling-mali ang gusto nilang mangyari. Pero sa halip na ang gusto ng Diyos ang gawin niya, ang gusto ng tao ang pinagbigyan niya. Sabi niya sa kanila, “Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa’t mga anak at dalhin sa akin” (Ex 32:2). Yun pa naman sana ang mga ginto—na galing din naman sa Diyos—ang mga gagamitin para sa pagpapagawa ng tabernacle. Pero ibinigay nila kay Aaron, tinunaw, ibinuhos sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya o maliit na baka (vv. 3-4). Bakit baka? Baka kasi ito yung nakasanayan nila sa dati nilang buhay sa Egipto. Kailangan pa silang turuan kung paano tumalikod sa dati nilang buhay upang ilaan ang buong buhay nila sa pagsamba sa isang Diyos na si Yahweh. Unang utos pa lang bagsak na agad.
Ito namang si Aaron, pagkagawa ng gintong baka na yun, sabi niya, “Israel, narito ang diyos mong naglabas sa iyo sa Egipto!” (v. 4). Para sa kanya siguro, sa isip-isip niya, hindi naman siya gumagawa ng ibang diyos para sambahin. Na itong imahen na ‘to ay sumisimbolo sa Diyos na si Yahweh na nagligtas sa kanila. Tapos gumawa pa siya ng altar sa harap nito at sinabi, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh” (v. 5). Maybe pwede niyang i-justify na maganda naman ang intensyon niya at yun ay para rin sa pagsamba kay Yahweh. Kinabukasan nga, “maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila’y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan” (v. 6). May offerings, may celebrations. Para sa kanila worship ang ginagawa nila.
Pero ang pagsamba sa tunay na Diyos sa maling paraan ay paglabag din sa utos ng Diyos. Ano sabi ng Diyos sa ikalawang utos? “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos” (Ex 20:4-5). Eksakto sa pinagbabawal ng Diyos ang ginawa nila. Idolatry pa ring maituturing ang ganito dahil hindi naman Diyos ang sinasamba nila. Iniinsulto nila ang Diyos na di-nakikita, ang Diyos na walang hanggan ang kadakilaan sa pamamagitan ng paggawa ng isang baka—isang nilalang na nakikita at nahahawakan—to represent him! Kaya sabi ni Pablo tungkol dito, sa 1 Corinto 10:5-7:
Hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila…Ang lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat (citing Exodus 32:6), “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo upang magsayaw.”
Yahweh’s Judgment (vv. 7-10)
Malaking kasalanan sa Diyos ang idolatry, at hindi niya ito basta-basta palalampasin. Hindi nakikita ni Moises ang nangyayari. Pero ang Diyos, alam niya ang lahat, nakikita niya ang lahat, wala tayong maitatago sa kanya. Pati nga ang laman ng puso natin ngayon—kahit sa tingin ng mga tao ay sumasamba tayo sa Diyos—alam ng Diyos na may mga bagay na mas pinahahalagahan tayo nang higit sa Diyos. God knows the idols of our hearts. Sabi niya kay Moises:
Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako (literally, nagpapakasama sila, corrupted themselves). Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila’y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo. (vv. 7-9)
Para sa Diyos, ang ginawa ng mga Israelita ay hindi pagsamba sa kanya, kundi pagsamba sa nilikha niya kaysa sa kanya na lumikha (Rom 1:23). Ito ay pagkalimot sa Diyos na nagligtas sa kanila. Ito ay matinding kasamaan, dahil sa deep corruption na nasa puso nating mga makasalanan. Ito ay katigasan ng ulo at puso ng tao. Ayon kay Pablo, ito ay isang kahangalan (Rom 1:21-22). Ito ay pagtalikod sa Diyos na ang nais ay ilapit ang kanyang sarili sa tao. Kasasabi lang nila na susunod sila sa lahat ng sasabihin ng Diyos (Ex 24:7), sabi ng Diyos, “Tinalikdan nila agad ang mga utos ko” (Ex 32:8). Oh, prone to wander, Lord, I feel it; prone to leave the God I love!
This is tragic. Kapag tayo ay lalayo sa Diyos, at ang puso natin ay lilihis sa nais ng Diyos, it will be very bad for all of us. Kaya sabi ng Diyos kay Moises, “Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi’y gagawin kong isang malaking bansa” (v. 10). Ang sinabing ito ng Diyos ay nagpapahayag na ang kasamaan ng idolatry ay nararapat lang tumanggap ng matinding parusa ng Diyos. Ito ang poot ng Diyos na “nahahayag mula sa langit…laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan” (Rom 1:18). Ang pagtataksil sa Diyos ay nararapat lang tumanggap ng bagsik ng galit ng Diyos.
Pero itong sinabi ng Diyos kay Moises ay meron ding rhetorical effect. Hindi naman kasi talaga kailangang humingi ng Diyos ng permiso sa kanya bago gawin yun. At medyong “flattering” pa nga kay Moises na marinig na magsisimula ng bagong lahi ang Diyos sa pamamagitan niya. Para siyang magiging bagong Noah noong nilipol ng Diyos sa pamamagitan ng baha ang buong mundo. Para siyang bagong Abraham na pinangakuan ng Diyos na magiging isang dakilang lahi. Pero sinabi ng Diyos ito kay Moises hindi dahil yun talaga ang plano niyang gawin. Kundi para udyukan o i-provoke si Moises na mamagitan—to intercede—para sa Israel.
Moses’s Intercession (vv. 11-13)
At yun nga ang ginawa ni Moises. “Nagmakaawa” siya kay Yahweh:
Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan. 12 Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita’y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila. 13 Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo. (vv. 11-13)
Ito ay pagmamakaawa sa Diyos. Yun lang naman talaga ang pag-asa nila. Sila naman kasi ang may kasalanan kung kaya nararapat lang na lipulin sila ng Diyos. Pero may apela si Moises. Sabi niya, sila ang bayan ninyo, why destroy your people? Ang dakilang kapangyarihan ng Diyos sa pagliligtas sa kanila ay mababalewala lang kapag ang dakilang kapangyarihan ng Diyos ang lumipol sa kanila. Reputasyon ng Diyos ang nakasalalay rito. Katapatan ng Diyos sa pangako niya kay Abraham ang nakasalalay rin dito. Concern si Moises hindi sa sarili niyang interes o reputasyon, kundi sa reputasyon at karakter ng Diyos higit sa lahat. Makikita natin sa yugtong ito—at sa mga susunod pa—kung paano naha-highlight ang significant role ni Moises bilang tagapamagitan ng Diyos at ng Israel. Kung walang mediator, ubos na silang lahat.
Yahweh’s Response (v. 14)
Ano ang response dito ng Diyos? “Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita” (v. 14). Dahil ang Diyos ay sovereign—kung ano ang ipasya niyang gawin ay yun nga ang gagawin niya—ibig sabihin na itong response niya sa prayer ni Moises ay siya naman talagang ipinasya niyang gawin. Dahil ang Diyos ay immutable—hindi siya nagbabago—ibig sabihin ay hindi nagbabago ng isip ang Diyos na parang tao. Ang pinupunto lang nito ay ito: na sa plano ng Diyos, itinakda niya na merong mediator na siyang magiging instrumento para mapawi ang poot ng Diyos na nararapat ibagsak sa Israel dahil sa kanilang idolatry. Para sa Israel, ‘yan ang tungkuling ginampanan ni Moises. “Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod (ESV, his chosen one)” (Ps 106:23).
Theological Reflection
Para sa atin, ‘yan ang tungkuling ginampanan ni Jesus, God’s Chosen One, ang higit na katuparan ng karakter ni Moises. “Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus” (1 Tim 2:5). Merong deep-seated idolatry sa puso ng bawat isa sa atin. Sabi ng Reformer na si John Calvin, “Ang puso ng tao ay isang pabrika na walang tigil sa paggawa ng mga diyos-diyosan.” Araw-araw. Oras-oras. Kaya nararapat lang na tayong lahat ay lipulin ng galit ng Diyos. Pero ang good news: si Cristo ang umako ng poot ng Diyos. “Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan” (1 Tim 2:6). Ang mga Israelita ay walang kamalay-malay sa nangyayaring usapan ni Yahweh at ni Moises. Di nila alintana—habang nagpapakasasa sila sa diyos-diyosan nila—na kung hindi dahil sa intercession ni Moises at sa awa ng Diyos ay patay na sana silang lahat. ‘Yan din ang good news ng gospel. Bago pa natin ‘yan marinig, baka pa kumprontahin ang kasalanan sa puso natin, inihandog na ni Jesus ang kanya sarili para sa atin para akuin ang poot ng Diyos na dapat sana’y sa atin ibagsak.
Life Application
Kaya kung hanggang ngayon, hindi mo pa rin kinikilala na ikaw ay isang makasalanan, sumasamba sa diyos-diyosan, pinahahalagahan ang mga bagay sa mundong ito nang higit sa Diyos, o relihiyoso nga pero mali naman ang pagsambang ginagawa mo, ito ang poot ng Diyos na babagsak sa ‘yo pagdating ng araw. Maliban na lang kung nakakapit at nakakabit ka kay Cristo sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kasapatan ng kanyang ginawa sa krus bilang kapalit nating mga makasalanan. Pagsisihan mo na ang pagsamba mo sa mga diyos-diyosan. Kilalanin mo na nararapat kang hatulan ng Diyos. Tumingin ka kay Cristo bilang tanging pag-asa mo para makaligtas sa darating na poot ng Diyos.
Part 2 (vv. 15-35)
Maawain ang Diyos. Nakaligtas tayo sa matinding parusa ng Diyos dahil kay Cristo. Pero siyempre, kailangan pa ring kumprontahin ang kasalanan natin. Kaya nga sabi kanina ng Diyos kay Moises, “Bumaba ka agad…” (Ex 32:7AB). Yun nga ang ginawa ni Moises, at ito ang ikalawang eksena na makikita natin sa kuwentong ito.
Story
Confronting the People’s Idolatry (vv. 15-24)
Bumaba si Moises na dala-dala ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng sampung utos ng Diyos, mga utos na ang Diyos mismo ang nagsulat (vv. 15-16; see Ex 31:18). Dalawa sa mga utos na ito ang tahasang sinusuway ng Israel during that time. Sa pagbaba ni Moises, kasama niya si Joshua, ang kanyang assistant (Ex 24:13; 33:11). Narinig nila ang ingay ng mga tao. Sabi ni Joshua, “Ingay ng digmaan ang naririnig ko” (Ex 32:17). Sabi naman ni Moises, “Hindi. Hindi ingay ng tagumpay o pagkatalo ang naririnig ko, kundi awitan” (v. 18). Nagkakagulo ang mga tao. Nakita ni Moises ang gintong baka na ginawa nila, at ang sayawang ginagawa ng mga tao. Parang sinisilaban ng apoy ang puso niya dahil sa galit sa nakita niyang kasalanan ng mga tao. Sa tindi galit niya, “ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas ng bato at ito’y nadurog” (v. 19). Bago pa man masira ang mga batong ito, sinira na ng Israel ang tipan nila sa Diyos. Kinuha ni Moises ang baka na ginawa nila at sinunog ito (v. 20). Malamang ay gawa sa kahoy na nababalutan ng ginto. Dinurog niya ito nang pino, at ibinuhos sa tubig na ginagamit nila sa pag-inom, para matikman nila ang pait ng idolatry nila. Walang kasiyahang dulot ang pagsamba sa diyos-diyosan at ang mga consequences nito.
Pagkatapos ay kinumpronta naman ni Moises ang kapatid niyang si Aaron, “Ano bang ginawa nila sa iyo at pumayag kang gawin ang malaking kasalanang ito” (v. 21). Malaki ang pananagutan niya bilang isa sa mga leaders nila. Ang isang leader ay dapat na matatag na pinanghahawakan ang salita ng Diyos, at hindi madaling matangay dahil sa kagustuhan ng marami. Tinawag tayo hindi para maging popular sa mga tao, kundi maging faithful sa Diyos at sa kanyang salita. Pero imbes na aminin ni Aaron na nagkamali siya, tinangka pa niyang i-justify ang actions niya at ibaling ang sisi sa mga tao. Si Aaron ay isang “blame-shifter” katulad din natin. Sabi niya:
Huwag ka nang magalit sa akin, kapatid ko (ESV, my lord). Alam mo naman kung gaano katigas ang kanilang ulo [siya ba hindi?]. Ayaw nilang paawat sa paggawa ng kasamaang ito [para namang inawat niya!]. 23 Sinabi nila sa akin [so, kasalanan nila ‘yan!] na igawa ko sila ng mga diyos na mangunguna sa kanila sapagkat hindi raw nila alam kung ano na ang nangyari sa iyo [ikaw naman kasi Moises, ang tagal mo, kung bumalik ka lang sana agad, hindi nangyari ‘yan]. 24 Kaya’t tinanong ko sila kung sino ang may ginto. Ibinigay naman nila sa akin ang mga alahas, tinunaw ko sa apoy at lumabas ang guyang iyon [ano yun magic? wala kang ginawa? nangyari na lang basta? sinong niloloko mo?]. (vv. 22-24)
Kapag kinumpronta tayo, ibig sabihin, binibigyan tayo ni Lord ng pagkakataon na aminin ang kasalanan natin, at humingi ng tawad sa kanya. Hindi isisi sa iba. Hindi sabihing, “Tao lang. Ganun talaga.” Hindi sabihing, “Maiintindihan naman siguro ni Lord ang kalagayan ko kaya ko nagawa yun.” Kundi, “Nagkasala ako. Sumamba ako sa diyos-diyosan. Hindi kita minahal nang buong puso ko. Patawarin mo pa ako. Maawa po kayo sa akin.” Nagpapatawad naman ang Diyos. Kaya nga ipinadala niya si Cristo para sa kasalanan natin. Pero kung kinumpronta na tayo, tapos magmamatigas pa rin tayo, papangatwiranan pa natin ang mga kasalanan natin, tayo rin ang magdurusa sa sasapitin natin.
Yahweh’s Judgment (vv. 25-29)
Itong si Aaron, wala namang ginagawa para awatin ang mga tao sa kaguluhang ginagawa nila. Hinahayaan niya lang. Pero si Moises, hindi pwedeng wala siyang gagawin. Kung mahalaga sa atin ang Diyos at ang tamang pagsamba sa kanya, hindi pwedeng tatahimik lang tayo at walang gagawin. Moses’ zeal for the glory of Yahweh compels him to act. Sinabi rin sa verse 25 na “naging katawatawa sila sa paningin ng mga kaaway na nakapaligid.” Hindi hahayaan ni Moises na magpatuloy ang paglapastangan sa Diyos. Tumayo siya sa pintuan ng kampo, sumigaw, “Lumapit sa akin ang lahat ng nasa panig ni Yahweh!” (v. 26). This is a moment of decision. Opportunity ito para ipahayag nila ang pananampalataya nila. At para sa mga sumamba sa golden calf—posible na hindi naman silang lahat—kailangan nilang ipahayag siyempre ang pagsisisi nila sa ginawa nila.
Ang mga Levita ang unang lumapit kay Moises (v. 26). Sabi ni Moises sa kanila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel: ‘Kunin ninyo ang inyong mga tabak, galugarin ninyo ang buong kampo at patayin ang lahat ng inyong makita, maging kapatid, kaibigan o sinuman’” (v. 27). Hindi naman ito indiscriminate killing, na kung sinu-sino na lang. Ito ay parusa ng Diyos sa mga nagkasala. At siyempre, malamang, kung magsisisi ay hindi naman papatayin. Pero siyempre, mahirap pa rin ito para sa mga Levita. Paano kung pamilya mo? Paano kung best friend mo? Mahirap, pero pinili nilang sumunod sa salita ng Diyos, kaysa umatras dahil sa emotions nila. Noong araw na yun, tatlong libo ang napatay nila (v. 28). Marami, oo. Pero kaunti kung ikukumpara sa dapat sana’y buong populasyon nila—na tinatayang aabot hanggang dalawang milyon!—ang nararapat lipulin ng Diyos. May paghatol ang Diyos sa kasalanan. Pero higit na mayaman ang awa ng Diyos. Ito ang inclination ng puso ng Diyos para sa atin.
Hindi ang pagpatay bilang paghatol sa mga covenant-breakers ang pangunahing magiging trabaho ng mga Levites. Sabi sa kanila ni Moises, “Ngayo’y inilaan ninyo ang inyong mga sarili sa paglilingkod kay Yahweh dahil sa pagkapatay ninyo sa inyong mga anak at mga kapatid. Kaya, tatanggapin ninyo ngayon ang kanyang pagpapala” (v. 29). Ang mga Levita ang binigyan ng Diyos ng blessing para pangunahan ang paglilingkod sa tabernacle. Sa kanila magmumula ang mga pari na siyang magsisilbing tagapamagitan sa Diyos sa mga tao. Para sa halip na mamatay ay mapatawad ang kanilang mga kasalanan. Merong similar na nangyari after a few years sa Numbers 25 dahil naman sa pagsamba ng Israel kay Baal habang sila ay nasa Plains of Moab. Isang Levita rin, si Phinehas, na apo ni Aaron, ang nagpakita ng zeal for the glory of God sa pagpaparusa sa mga idolaters. Mas marami ang namatay noon, 23,000, pero again, higit na marami ang kinaawaan ng Diyos para mabuhay. At bilang reward, sabi ng Diyos kay Phinehas, “Mananatili ang walang katapusang pagkapari sa kanya at sa kanyang angkan sapagkat ipinagtanggol niya ang aking karangalan, at ginawa niya ang pagtubos sa kasalanan ng sambayanang Israel” (Num 25:13).
Sa plano ng Diyos sa kasaysayan, siya ang nagtatakda na merong mga pari at tagapamagitan na siyang magiging instrumento para solusyunan ang kasalanan ng tao. At ito na naman ang makikita natin sa sumunod na ginawa ni Moises.
Moses’ Intercession (vv. 30-32)
Kinabukasan, sinabi ni Moises sa mga tao, “Napakalaki ng nagawa ninyong kasalanan. Aakyat ako ngayon sa bundok at mananalangin kay Yahweh, baka sakaling maihingi ko kayo ng tawad (ESV, atonement for your sin)” (v. 30). Tama naman, malaki talaga ang kasalanan nila. Pero alam na ni Moises kanina pa lang nung nasa bundok pa siya na hindi na itutuloy ng Diyos ang una niyang banta na lilipulin silang lahat. Pero alam din naman ni Moises na hindi pwedeng basta-basta isantabi ang kasalanan ng Israel dahil lang nakiusap si Moises. Alam niyang may kabayaran o atonement na kailangan. Yun nga yung point ng mga sacrifices na iniutos ng Diyos na gawin sa kanila.
So, umakyat ulit si Moises sa bundok para kausapin si Yahweh. Sabi niya, “Napakalaking pagkakasala ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyus-diyosang ginto. Ipinapakiusap ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na rin ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan” (vv. 31-32). Kahanga-hanga ang puso ni Moises para sa Israel. Gusto niya talagang ipanalangin na mapatawad sila ng Diyos. At yung self-sacrifice sa part niya, pambihira rin! Ganito dapat ang mga leader, hindi makasarili, handang magsakripisyo alang-alang sa mga pinaglilingkuran. Di bale na lang daw na siya na lang ang burahin sa listahan ng mga tatanggap ng buhay bilang kapalit ng mga Israelita. He is offering himself as a sacrifice. Pero may problema sa sinabi ni Moises. Hindi naman ‘yan ang itinakdang paraan ng Diyos. Saka hindi naman “sinless” at free from heart idolatry si Moises. At kung sakali mang “perfect” siya, isang tao lang siya, paano naman yun sasapat na pambayad sa kasalanan ng libu-libong tao?
Yahweh’s Response (vv. 33-35)
Kaya sagot sa kanya ni Yahweh, “No deal”: “Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na paparusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan” (vv. 33-34). Hindi pa ito ang judgment day para sa kanila. Preview pa lang. At sinasabi ni Yahweh kay Moises na gawin niya kung ano ang kailangan niyang gawin. Ang atonement para sa kasalanan hindi si Moises ang gagawa. Gagawin din ng Diyos kung ano ang plano niyang gawin. Pinatawad sila ng Diyos, pero hindi binalewala ang kasalanan. Nagpadala ng sakit o salot ang Diyos sa mga tao dahil sa idolatry nila (v. 35). Awa pa rin ng Diyos, dahil yun lang ang sinapit nila.
Theological Reflection
Sa plano ng Diyos, darating ang parusa sa mga makasalanan. Mas matindi pa sa salot na dinanas nila. Kaya kailangan nila ng mediator. Hindi si Moises. Akala lang niya. Hindi rin ang magiging high priest nila na si Aaron. Siya pa nga ang naging worship leader nila sa idolatry nila. Ang parusang ito ay aakuin ni Cristo sa krus para sa atin. Only he is qualified to make atonement for us. Wala siyang kasalanan. Ni minsan ay hindi siya sumamba sa diyos-diyosan. Nanatili siyang tapat sa Diyos, a true covenant keeper. Siya ang nag-iisang tagapamagitan na kailangan natin. Isang tao, pero higit pa sa isang tao. Siya ay tunay na Diyos at walang hanggan ang halaga (infinite value) para ipambayad sa laki ng kasalanan nating lahat.
Life Application
Ang Diyos ng Exodus 32 ay ang Diyos nating mga Kristiyano. At ang Diyos na ito, si Yahweh, ay committed at zealous para sa kanyang sariling karangalan. Hindi niya hahayaang ang puso natin ay magpatuloy na tumingin sa mga bagay na higit na mababa ang halaga kung ikukumpara sa Diyos. God is committed in exposing our idols—hangga’t meron pang natitirang diyos-diyosan sa puso natin. At ‘wag tayong matatakot kapag ginagawa ‘yan ng Diyos. God is exposing our idols hindi para ipahiya tayo o ipahamak tayo. Inako na nga ni Cristo ang kahihiyan at kapahamakan at kamatayan at kaparusahang dapat sa mga idolaters tulad natin. So, do not fear. Masasaktan ka, oo, pero mabuti ang ginagawa ng Diyos kapag the Holy Spirit through his Word ay at work ngayon na ine-expose ang mga idols mo—ang tao na pakiramdam mo ay hindi ka mabubuhay o hindi ka magiging masaya kung hindi siya darating o kung mawawala siya sa buhay mo, ang bahay o kotse o pera na inaakala mong source ng security mo, o yung mataas na pagtingin sa ‘yo ng mga tao na inaakala mong nagpapatunay ng kahalagahan mo.
At sa mga panahong nagiging matigas ang puso mo at ayaw mong aminin na ‘yan ang mga idols mo, hindi titigil ang Diyos para magising ka sa katotohanan. God will use your circumstances—kapag nawala sa ‘yo ang pinakamamahal mo, o naloko ka sa negosyo, o nabigo kang makuha ang pinapangarap mo. Doon mo makikita na ang Diyos pala talaga ang lahat-lahat para sa ‘yo. At kapag sa mga nangyayari sa buhay mo ay nagbulag-bulagan ka pa rin, narito ang church para kumprontahin ka. Kaya ‘wag kang magagalit kapag pinagsabihan ka o tatanungin ka, “Ano ang pinahahalagahan mo ngayon nang higit sa Diyos?” Kapag sinabihan natin ang kapatid natin nang ganyan, pwedeng ma-offend sila, o masaktan natin ang feelings nila, pero mas okay na yun, kesa naman mapahamak ang kaluluwa nila kapag hindi sila bumitaw sa mga dinidiyos nila.
So, kapag kinumpronta tayo ng Diyos—sa pamamagitan ng Salita niya, ng mga nangyayari sa buhay natin, at ng mga kapatid natin kay Cristo—wag na tayong magmatigas pa. Aminin natin ang kasalanan natin, bunutin natin ang gintong baka sa puso natin, durugin, pulbusin, hanggang makita natin na wala palang halaga ang pinahahalagahan natin kung ikukumpara sa higit na kahalagahan ng Diyos sa buhay natin. Kahit balutan pa natin ‘yan ng ginto para magmukhang maganda at mahalaga, ang mga ‘yan ay itsurang baka pa rin, isang hayop na maliit ang halaga. Kung itatabi natin, side by side, kay Cristo ang mga bagay na ginagawa nating diyos at tagapagligtas na kapalit niya, the Spirit will make us realize na Christ is better. Christ is infinitely better.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

