A. Ang Presensya ng Diyos sa Gitna ng mga Makasalanan‌

Hindi natin nakikita ang Diyos, with our physical eyes siyempre. Siya ay espiritu, walang physical body, invisible. Pero kapag naririnig natin ang kanyang mga salita, especially sa preaching of the Word every Sunday worship service natin, nararanasan natin ang presensya ng Diyos. At binanggit ko last week, nang pinag-aralan natin ang tungkol sa pagpapagawa ng tabernacle sa Exodus 25-27, na ito ang pinakamahalaga sa buhay natin—ang matikman ang sarap at inam ng presensya ng Diyos. God is our highest good. Walang buhay, walang kuwenta ang buhay na hiwalay sa presensya ng Diyos. ‘Yan ang pinakapunto bakit nais ng Diyos na ipagpagawa siya ng “tabernacle” na isang malaking tent na magsisilbing “tirahan” ng Diyos kasama ang mga Israelitang dating mga alipin sa Egipto na ngayo’y pinalaya na ng Diyos. Kaya habang nasa bundok si Moises, for forty days, sinabi ng Diyos sa kanya, “Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila” (Ex 25:8).‌

Gusto ng Diyos na manirahan kasama sila, pero dahil nga banal ang presensya ng Diyos, hindi sila basta-basta makakalapit sa Diyos. ‘Yan ang key question: paanong ang mga makasalanan—tulad nila at tulad nating lahat—ay makakalapit sa presensya ng Diyos nang hindi natutupok ng nagliliyab na kaluwalhatian ng Diyos? Sa Garden of Eden, nang likhain sina Adan at Eba, wala pang ganyang problema. Dahil nga wala pa ang kasalanan. Pero nang pumasok ang kasalanan, napalayas ang tao sa presensya ng Diyos, kaya itong fellowship, friendship, at intimacy with God ay hindi na basta-basta mararanasan ng mga tao. Maliban sa mga tulad nina Abraham (na itinuturing na kaibigan ng Diyos) at Moises (na nakakausap ang Diyos “face to face”). Hindi dahil sila ay mas “worthy” kaysa sa ibang tao, kundi ‘yan ay dahil sa very special favor o grasya ng Panginoon. Pero ordinarily, like sa case ng mga Israelites, itinalaga ng Diyos na ang paraan para makalapit sa kanya ay dapat merong “mediator” o tagapamagitan, at hindi pwedeng “unmediated” ang presensya ng Panginoon.‌

Dito ngayon papasok ang pasimula ng “priesthood” o ang tungkulin ng mga pari sa kasaysayan ng Israel. Ang tungkulin ng mga pari ay para maging representative ng mga tao para makalapit sa Diyos. Sa puntong ito, si Moises pa ang nagsisilbi na parang propeta (tagapagsalita ng Diyos), hari (kinatawan ng pangunguna ng Diyos sa mga tao), at pari. Pero pansamantala lang yun. Sa Exodus 19 pa lang, sa simula ng pamamalagi nila sa paanan ng Mt. Sinai, ipinahiwatig na ito ng Diyos nang sabihin niyang “you shall be to me a kingdom of priests and a holy nation” (Ex 19:6). In one sense, ang buong Israel ay magfa-function bilang isang “priesthood” dahil ang ibang mga bansa ay makakalapit sa Diyos sa pamamagitan nila. In another sense, sila man ay kailangan nila ng mga priests para sila muna ang makalapit sa presensya ng Diyos.‌

May kinalaman diyan ang titingnan natin ngayon sa Exodus 28-29. Pangunahing tungkulin ng mga pari ang mag-offer ng mga sacrifices para sa kasalanan ng mga tao para sila’y makalapit sa Diyos sa pagsamba. Heto ang nasa dulo ng instructions ni Yahweh kay Moises sa tekstong ito:

‌Ang paghahandog na ito’y gagawin ninyo habang panahon. Gaganapin ninyo ito sa harapan ko, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Doon ko kayo (hindi lang si Moises!) tatagpuin. Doon ako makikipag-usap sa inyo (hindi lang kay Moises!). 43 Doon ko nga tatagpuin ang mga Israelita at ang pook na iyon ay pababanalin ng aking kaluwalhatian. 44 Gagawin kong sagrado ang Toldang Tipanan (tabernacle), ganoon din ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki upang maglingkod sa akin bilang mga pari. 45 Ako’y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila. 46 Makikilala nilang ako si Yahweh, ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Maninirahan akong kasama nila; ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. (Ex 29:42-46)

‌Ang pinakalayunin kung bakit itinalaga ng Diyos ang mga pari ay para ipakilala ang kanyang sarili bilang nag-iisang Diyos at nag-iisang Tagapagligtas ng Israel at upang maranasan nila ang pinakamainam sa lahat, ang presensya ng Diyos sa kanilang kalagitnaan.

‌B. Ang Pagkapari sa Old Testament bilang Pattern para sa Higit na Pagkapari ni Cristo

‌Bago natin tingnan ang mga detalyeng nakasulat dito, mahalaga na i-point out na agad kung ano ang significance nito sa atin ngayon. Hindi ito para sabihing dapat ay meron din tayong mga pari sa church ngayon—tulad ng ginagawa ng Roman Catholic Church na tinatawag na “mass” (from Latin masse na ang ibig sabihin ay “sacrifice”) ang kanilang pagsamba dahil nga ang pari ay muling iniaalay na handog si Cristo sa altar. Isang pagkakamali na ituring na pari ninyo ang mga pastors/elders ng church. Hindi ako ang “high priest”!

Merong clue sa passage natin kung paano maintindihan kung saan talaga patungo ang lahat ng ito. Tungkol sa damit na kailangang isuot nina Aaron (bilang high priest) at ng mga pari bago sila pumasok sa tabernacle o mag-offer ng sacrifices, sinabing “ito ay magiging isang walang hanggang batas (ESV, a statute forever) para sa kanya at sa kanyang mga anak na susunod sa kanya” (Ex 28:43 AB). Sa pagtatalaga naman sa kanila, “mapapasakanila ang pagkapari sa pamamagitan ng isang panghabang-panahon na batas (ESV, a statute forever)” (Ex 29:9 AB). Tungkol naman sa bahagi ng mga offerings na mapupunta sa kanila, “Ito ay magiging…bahaging ukol sa kanila sa habang panahon (ESV, a perpetual due)” (Ex 29:28 AB). Pero alam natin na sa kasaysayan, dahil nga nawasak na ang templo ng Israel at kasabay nito ay natapos na ang mga sacrifices, kaya ang priesthood ay wala na rin. So, hindi ito “forever.” Pero ang higit na katuparan ng lahat na ito—Jesus Christ as our High Priest—siya ang “forever.”

‌Kaya mahalagang pinag-aaralan din natin ang Hebrews para makita natin kung paano in-interpret ng New Testament ang tungkol sa sistema ng priesthood sa Israel. Malaking pagkakamali na ipagpalagay na itong utos tungkol sa priesthood sa Israel ay salita lang ng Diyos para sa kanila. Nagsalita (past tense) ang Diyos sa Israel dito sa text natin, totoo naman ‘yan. Pero nagsasalita (present tense) ang Diyos sa atin ngayon sa pamamagitan nito. Sabi sa Hebrews, “Sa pamamagitan ng mga ito, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo (present tense, sa ESV, the Holy Spirit indicates) na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda” (Heb 9:8 MBB). Itong physical at earthly aspects ng tabernacle at priesthood ay mga anino lang o blueprint para sa mas higit na spiritual at heavenly realities: “They serve a copy and shadow of the heavenly things” (Heb 8:5); “Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating” (Heb 10:1). Ano yung higit na realidad? Ano yung higit na mabuting bagay na darating? Walang iba kung si Cristo, our great High Priest:

‌Ito ang ibig naming sabihin: mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. Siya’y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao. (Heb 8:1-2)…dumating na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya’y naglilingkod doon sa sambahang (tabernakulo) higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang (tabernakulo) iyon ay wala sa sanlibutang ito. (Heb 9:11)

‌Ang pinakapunto nitong Exodus 28-29 ay para hindi na tayo maghanap pa ng sinumang tao na magiging qualified to be a priest for us na siyang tutulong sa atin para maging tulay palapit sa Diyos. Wala ka nang mahahanap pa, wala ka nang ibang dapat hanapin pa, wala ka nang ibang dapat tingnan. Dahil si Cristo ang ating great high priest, sanayin natin ang mga mata natin (the eyes of our hearts) na wala nang ibang titingnan bukod sa kanya—maliban na lang kung may mahahanap ka pang nakahihigit sa kanya (imposible!).

‌C. Paanong ang Pagkapari ni Cristo ay Higit sa Lahat?

‌Kaya habang binabasa natin ang dalawang chapters na ‘to—tungkol sa damit ng mga pari sa Exodus 28 at tungkol naman sa consecration o seremonya ng pagtatalaga sa kanila sa Exodus 29—tingnan natin kung paanong ang mga ito ay makakatulong sa atin para mas makita kung paanong ang pagkapari ni Cristo ay higit sa lahat ng pagkapari sa Old Testament Israel.

‌1. Pagkahirang ng Diyos

‌Ang una ay tungkol sa pagkahirang ng Diyos sa mga pari. Sabi ni Yahweh kay Moises, “Ipatawag mo ang kapatid mong si Aaron (magsisilbing unang high priest) at ang mga anak niyang sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ibukod mo sila sa karamihan ng mga Israelita upang maglingkod sa akin bilang mga pari” (Ex 28:1). Magiging pari ka lang kung ikaw ay galing sa lipi ni Levi. Magiging high priest ka lang kung ikaw ay galing sa line ni Aaron. Ito ay magpapasa-pasa sa mga susunod na generation. Isang mahalagang qualification ng pagiging pari ay ang pagpili ng Diyos sa kanila. Hindi ito sa pamamagitan ng botohan o popularity. Hindi rin nabibili ang priestly office. Hindi rin nakukuha sa pagiging influential. Sabi ni Stuart, “Only God could make someone a priest; it was not a human choice” (Stuart, Exodus, 603). “Pinili” sila ng Diyos (Heb 5:1). “Ang karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron” (Heb 5:4).

‌Gayundin si Cristo, hindi siya self-appointed na priest. “Hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya’y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya, ‘Ikaw ang aking Anak, mula ngayo’y ako na ang iyong Ama’” (Heb 5:5). Pwedeng maging kwestiyonable ang qualification ni Cristo para maging Punong Pari dahil hindi naman siya galing sa linya ni Aaron. Pero not necessarily, dahil ang pinakamahalaga ay ang pagpili ng Diyos. At mas nakahihigit pa nga dahil kahit hindi siya anak ni Aaron, siya naman ay Anak ng Diyos! Dahil dun, ang pagkapari niya ay hindi magtatapos kapag namatay na siya, dahil siya ay namatay, muling nabuhay, at mananatiling buhay magpakailanman. Ayon sa Hebrews 5:6 (also Heb 7:17, 21), si Cristo ang katuparan ng Psalm 110:4 “The Lord has sworn and will not change his mind, ‘You are a priest forever after the order of Melchizedek.’” Si Melchizedek ang hari ng Salem na nakatagpo ni Abraham sa Genesis 14:18, at tinawag din siyang “priest of God Most High.” Paano nakahihigit si Cristo sa ibang punong pari? Si Cristo ay hinirang ng Diyos na hari at pari at ang kanyang pagkapari ay hindi pansamantala, but forever.

‌Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya’t walang katapusan ang kanyang pagkapari. Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila. (Heb 7:23-25)

Hindi lang noong siya ay nabubuhay sa mundong ito hanggang siya’y mamatay sa krus para sa ating mga kasalanan, kundi hanggang ngayon na siya’y nasa langit na at nakaupo sa kanang kamay ng Diyos, he is our high priest forever. Hindi si Maria, hindi ang sinumang santo o santa, hindi ang sinumang tao sa mundong ito. Si Cristo lang.

‌2. Kabanalan at Karangalan

‌Ang ikalawa ay ang kabanalan at karangalang nakakabit sa katungkulan ng mga pari. Sinisimbolo ito sa damit na ipapagawa para sa kanila. “Ipagpagawa mo ang kapatid mong si Aaron ng maganda at marangal na kasuotang nararapat sa kanyang banal na gawain. Ang mga kasuotang ito ay ipagawa mo sa mga taong binigyan ko ng kahusayan sa paggawa nito. Kailangan ito ni Aaron sa paglilingkod sa akin bilang pari” (Ex 28:2-3). Ang purpose ng damit na ‘to ay para ibukod sila at ipahayag na hindi ordinaryong tungkuling ang nakaatang sa kanila dahil sila ay naglilingkod sa Diyos na banal na karapat-dapat lang na makita ang karangalan at kagandahan. Sagrado: “…Ipagpagawa mo ng sagradong kasuotan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki upang magamit nila sa paglilingkod sa akin bilang mga pari” (Ex 28:4). At sinabi sa verse 5 na ang gamit at kulay na gagamitin ay hawig sa kulay ng tabernacle. Holy priests ang kailangan para maglingkod sa holy place na siyang tirahan ng isang holy God. Kapag nakita ang suot ng high priest, obvious na alam nila na siya ang high priest. Merong breastpiece, ephod, robe, coat, turban, at sash (v. 4). Yung turban na ilalagay sa ulo niya ay lalagyan ng “plate of pure gold” sa noo na may nakasulat na “Holy to Yahweh” (Ex 28:36, 38). Ang mga damit para sa mga anak ni Aaron ay gagawin din “for glory and beauty” (x 28:40). Again, kapag nakita mo sila, alam mo na sila ay mga priests.

‌Hindi lang ito tungkol sa damit. Siyempre, God is concerned hindi lang sa panlabas na kabanalan. Hindi naman talaga nagpapabanal ang damit. Ang point ay upang ipaalala na ang maglilingkod bilang pari ay dapat may panloob na kabanalan. Pero siyempre, alam naman natin na lahat ng mga naging pari ay makasalanan din. Kaya merong seremonyang gagawin para sila ay malinis at maibukod bilang mga pari. Bukod sa damit na isusuot sa kanila: “Buhusan mo sila ng langis, italaga at ilaan sa paglilingkod sa akin bilang mga pari” (Ex 28:41. Anoint, ordain, consecrate. Detalyadong ipinaliwanag ‘yan sa Exodus 29. Heto ang intro para sa kanilang ordination o consecration ceremony, “Ganito ang gagawin mo sa paglalagay kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa tungkulin bilang mga pari…” (Ex 29:1). Ihahanda lahat ng gamit na kailangan sa seremonya (vv. 2-3). Papaliguan muna sila (v. 4). Tapos, bibihisan si Aaron (vv. 5-6). Tapos, ibubuhos sa ulo niya ang anointing oil (vv. 7-8). “Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak” (v. 9). Pati nga ang altar na pag-aalayan ng mga burnt offerings ay kailangan ding i-consecrate (29:36-37), to be most holy.

‌Ang pagpapagawa ng tabernacle at lahat ng mga kasangkapan na nasa loob nito, pati ang pagtatalaga sa mga pari at ang damit na suot nila ay sumasagisag sa kabanalan ng Diyos na walang sinumang hindi banal ang maaaring lumapit. Kaya ang mga paring mamamagitan sa mga tao ay kinakailangang taglay ang kabanalan at karangalan. Sa gayunding paraan, si Cristo na ating high priest ay taglay ang kabanalan at karangalang nararapat para sa isang high priest. Hindi lang ceremonially o physically, but truly, genuinely holy, glorious, beautiful. “Samakatuwid, si Jesus ang Pinakapunong Pari na kinakailangan natin. Siya’y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan” (Heb 7:29). Hindi na siya kailangang bihisan ng magarang kasuotan para magmukhang holy and glorious. Hindi na kailangan ng consecration ceremony para linisin siya. Wala siyang anumang kapintasan o karumihan. Siya lang ang perfectly qualified para pumasok sa Most Holy Place na siyang kinaroroonan ng Diyos. Hindi sa tabernacle, kundi mismo sa langit. “Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo’y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin” (Heb 9:24). “Namamagitan para sa atin,” “on our behalf,” bilang kinatawan natin sa harap mismo ng Diyos. ‘Yan naman ang kasunod: ang punong pari ang magiging kinatawan at kahalili ng mga tao sa kanilang paglapit sa Diyos.

‌3. Pagiging Kinatawan at Kahalili

‌Kailangang mula rin sa mga Israelita ang punong pari, tao rin na katulad nila. Ang primary function nga ng priest ay maging representative ng tao sa Diyos. Makikita ito sa ephod na isusuot sa high priest (Ex 28:6-14). Mapapansing ang kulay nito ay pareho rin ng sa tabernacle: gold, blue, purple, scarlet. In one sense, nag-iindicate din ito na ang priest ay representative din ng Diyos sa mga tao, so kailangang reflective ng holiness and honor na meron ang Diyos, tulad ng nakita na natin kanina. Sa ephod na ‘to ay merong tinatawag na shoulder stones (vv. 9-14). Hindi ito ordinaryong bato. Ang isang bato sa kanang balikat, at ang isa sa kabila. At isusulat sa batong ito ang pagkakasunud-sunod ng mga pangalan ng mga anak ni Israel (Jacob), tig-anim sa isang bato, “bilang tagapagpaalala sa labindalawang anak na lalaki ni Israel. Sa ganitong paraan, dadalhin ni Aaron sa kanyang mga balikat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ni Israel upang sila’y maalala ni Yahweh” (v. 12). Hindi dahil nakakalimot ang Diyos, kundi bilang pangako na gagawa ang Diyos para sa ikabubuti nila bilang resulta ng representative service ng high priest. Bilang kinatawan ng buong bansa, dala-dala ni Aaron sa kanyang balikat ang lahat sa kanila. Isa itong “visible reminder of the people’s corporate solidarity with Aaron before the Lord of Glory” (Stuart, 609). Sa pagharap ng punong pari sa Diyos, buong bansa ang dala-dala niya.

‌Kaya kinakailangang ang Anak ng Diyos ay maging tao (incarnation). Hindi siya pwedeng maging punong pari, representing us to God, kung siya ay hindi natin katulad. Buong pagkatao natin ay nakay Cristo (hindi lang katawan, tulad ng sinasabi ng mga Docetists). “Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila’y may laman at dugo…Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya’y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao” (Heb 2:14, 17).

‌Dahil buong pagkatao natin ay nakay Cristo, at siya ang ating representive high priest, kumakatawan sa atin, tayo na sumasampalataya sa kanya ay nakipag-isa rin sa kanya (union with Christ). At kung si Cristo ngayon ay nasa langit, dala-dala niya rin ang pagkatao natin, ibig sabihin, naroon na rin tayo sa presensya ng Diyos kasama niya. Kung ganoon, ang future mo ay sigurado na. Anuman ang hinaharap mo ngayon, take heart, nakay Cristo na nasa langit na ang pag-asa natin. “Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito’y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. Si Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman” (Heb 6:19-20). Si Jesus ang ating “forerunner,” “naunang pumasok doon,” ibig sabihin, kung tayo ay nakay Cristo, susunod din tayo kung nasaan siya. Christian, sigurado ang future mo kay Cristo.

‌4. Simpatiya at Kahabagan

‌At dahil si Cristo ang representative high priest natin, ang puso niya ay para sa atin. Dapat lang sa isang punong pari na hindi lang ginaganap kung ano ang tungkulin niya na para bang isang professional priest. Dapat na naka-identify siya sa mga tao at naroon ang simpatiya at kahabagan para sa mga taong makasalanan. Ito naman ang isang significance ng breastpiece na nakakabit sa dami ng high priest (Ex 28:15-30). Tinatawag itong “breastpiece of judgment,” kaparehas ng style ng ephod. Meron itong apat na hilera ng mga mamahaling bato, precious stones, gems (v. 21). Dapat lang kasi nga ang Israel para kay Yahweh ay kanyang “treasured possession” (Ex 19:5), isang kayamanang natatangi at pag-aari ng Diyos.

‌“Kaya, pagpasok ni Aaron sa Dakong Banal na suot ang pektoral (breastpiece of judgment), dala niya, sa tapat ng kanyang puso, ang pangalan ng mga lipi ng Israel upang sila’y maalala ni Yahweh. Ilalagay naman sa pektoral ang Urim at Tumim upang ito’y nasa tapat din ng puso ni Aaron pagharap niya kay Yahweh. Tuwing siya’y haharap kay Yahweh, dala niya sa tapat ng kanyang puso ang kagamitan sa pag-alam ng kalooban ko para sa Israel” (Ex 28:29-30). Itong Urim at Tumim ay misteryoso, ibig sabihin daw ay “lights” and “darks” na magsasabi sa kanila kung “yes” or “no” ang desisyon o judgment ni Yahweh sa isang bagay na kailangan nila ng divine guidance. Hindi tayo sure kung paano talaga ito ginamit o kung ginamit ba sa kasaysayan ng Israel. Ang mahalagang ipunto ay merong Diyos na gumagabay sa kanila sa pamamagitan ng punong pari.

‌Isa pang mahalagang ipunto rito ay yung paulit-ulit na reference sa “puso” ng punong pari. Tatlong beses: “sa tapat ng kanyang puso…nasa tapat din ng puso ni Aaron…sa tapat ng kanyang puso…” Ibig sabihin, mahalaga sa Diyos na sa pagganap ng tungkulin ng high priest, dala niya ang “guilt” o problema sa kasalanan ng buong bansa hindi lang bilang isang responsibility, but a matter of his heart. Merong simpatiya, merong compassionate heart ang isang lingkod ni Yahweh. “Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya’y mahina ring tulad nila” (Heb 5:2). Merong simpatiya kasi nga siya rin ay tulad ng mga tao.

‌Ganun din si Cristo. Dahil siya’y tunay na tao, naranasan niya ang hirap na dinanas ng mga tao. Habang narito siya sa mundo, napagod din siya, umiyak din siya, nasaktan din siya, trinaydor din siya, nilait din siya, hinamak din siya, inalipusta rin siya. “Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma’y hindi siya nagkasala” (Heb 4:15). Sasabihin ng iba, “Pero paano niya maiintindihan ang struggles ko sa kasalanan kung hindi naman siya nagkasala!” Oo, hindi siya nagkasala, at yun ang dahilan kung bakit nakahihigit siya sa sinumang high priest. Siya lang ang high priest, siya lang ang nag-iisang tao na hindi nagkasala. At mas mahirap pa nga ang dinanas niya. Tayo, isang tukso pa lang, bumabagsak na. Pero siya, habang hindi siya bumibigay sa tukso, paulit-ulit, palakas nang palakas ang tukso na binabato sa kanya ng kaaway. He suffered greatly dahil dun. At dahil hindi siya nagkasala, siya ang perfectly sinless high priest na eksaktong kailangan natin. So, come boldly, sabi sa sumunod na verse, “Kaya’t huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan” (Heb 4:16). Meron tayong compassionate high priest. Ang puso ni Cristo ang pinakamahabagin, pinakamaawain, pinakamapagmahal sa lahat. Bakit ka magdadalawang-isip na lumapit sa kanya. Sabi niya:

‌​Matthew 11:28–30ESV
Come to me, all who labor and are heavy laden, and I will give you rest. Take my yoke upon you, and learn from me, for I am gentle and lowly in heart, and you will find rest for your souls. For my yoke is easy, and my burden is light.”

‌5. Handog para sa Kasalanan

‌Ang pinakahuling bagay na tatalakayin natin sa kahalagahan ng priesthood ay may kinalaman sa tungkulin nila sa paghahandog para sa kasalanan ng buong bayan. Dahil kung wala ang gayong mga sacrifices, mamamatay ang sinumang lalapit sa presensya ng Diyos. Kasama na riyan ang high priest mismo. Kaya nga sa robe na isusuot sa pari (Ex 28:31-35), isa sa unique features nito ay ang dalawang golden bells na nakasabit dito (v. 34). Kapag nandun sa Holy Place ang high priest, once a year during the Day of Atonement, at tumutunog yung mga bells, ibig sabihin gumagalaw pa siya. Kapag hindi na tumutunog, ibig sabihin patay na siya, at hahatakin na palabas (v. 35). Mabigat at nakakatakot ang maging high priest. Wala sigurong mag-aagawan sa posisyong ito! Heto pa, “Siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo’y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog” (Ex 28:38).

‌Pero bago maghandog ang mga pari para sa kasalanan ng mga tao, maghahandog muna sila para sa sarili nilang kasalanan. Ang una ay ang sin offering sa pamamagitan ng isang bull o toro (Ex 29:10-14). Ipapatong nila ang kamay nila sa toro bilang tanda na inililipat nila ang parusa ng kasalanan o guilt nila sa hayop bilang kapalit nila. Papatayin ang toro, at ang ilang dugo nito ay ipapahid sa horns ng bronze altar, at ang natira ay ibubuhos sa base ng altar (vv. 11-12). Pagkatapos ay susunugin sa altar ang taba at laman loob nito (v. 13). Pero yung laman at balat ay susunugin sa labas ng kampo.

‌Bukod sa toro, meron pang lalaking tupa o ram para naman sa burnt offering (Ex 29:15-18). Ipapatong ulit nila ang kamay nila sa hayop. Halos pareho din ng sa toro ang proseso, ang kaibahan lang dito ay buong hayop na ang susunugin. “It is a burnt offering to Yahweh” (v. 18). Ang usok nito ay isang mabangong handog na kalulugdan ni Yahweh, a food offering to Yahweh. Symbolic siyempre dahil hindi naman kailangan ng Diyos ng pagkain.

‌Meron pang kailangang ihandog na isa pang lalaking tupa o ram para sa ordination nila (Ex 29:19-21). Ipapatong ulit ang kamay sa hayop. Papatayin ito, pagkatapos ang dugo ay ipapahid sa kanang tenga ni Aaron at sa mga anak niya, at sa mga daliri sa kanang paa at kanang kamay nila, at ang iba ay itatapon sa gilid ng altar (v. 20). Ang ilang dugo nito at ang anointing oil ay iwiwisik sa kanila at sa damit nila. Sa pamamagitan nito, malilinis sila sa mga kasalanan nila, and they “shall be holy” (v. 21).

‌Ang natitira pa sa tupang ito ay ihahandog kay Yahweh (Ex 29:22-26). Ang taba nito at ang inihandang tinapay ay hahawakan nila upang sunugin at ihandog sa altar. Ito ay tinatawag na wave offering: “iwawagayway ang mga ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon” (v. 24 AB). Ito rin ay isang pleasing aroma, a food offering to Yahweh (v. 25). Pagkatapos ay lulutuin at kakainin nila ang tupa (Ex 29:31-34). Para lang ito sa mga pari, hindi pwede ang mga outsiders, “because they are holy” (v. 33). Kapag natira, hindi na pwedeng kainin, “because it is holy” (v. 34).

‌Sa vv. 35-36 ay sinabi naman na seven days ang ordination ceremony at araw-araw ay merong toro na iaalay na sin offering for atonement. Kaya sinabi sa Hebrews, “Dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya’y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan” (Heb 5:3). Tapos Exodus 29:38-42 ay sinabi na kailangang pangunahan ng mga pari ang araw-araw na paghahandog. Dalawang tupa na isang taong gulang pa lang, bawat araw (v. 38), isa sa umaga, isa bago lumubog ang araw. “Ang paghahandog na ito’y gagawin ninyo habang panahon” (v. 42). Imagine kung ilandaang libong mga tupa ang inihandog at sinunog araw-araw sa loob ng mahigit isanlibong taon! Hindi itong literal na “habang panahon” kundi habang hinihintay ang nag-iisang handog na sasapat na kabayaran sa kasalanan ng lahat ng makasalanan.

‌Sa pagdating ni Cristo, nakita siya ni John the Baptizer at sinabi, “Behold the Lamb of God who takes away the sin of the world” (John 1:29). Siya ang punong pari na hindi na kailangang maghandog sa sarili niyang kasalanan dahil wala siyang kasalanan kahit isa (Heb 4:15; 1 Pet 2:22; 1 John 3:5). At dahil wala siyang kasalanan—pure, blameless—siya ang high priest na ang inihandog ay ang sarili niya para sa mga makasalanan. Hindi dugo ng hayop ang inihandog niya “kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan” (Heb 9:12). Hindi naman talaga makapaglilinis ng kasalanan ang dugo ng toro at tupa. What can wash away our sins? Nothing but the blood of Jesus. “Bawat pari ay naglilingkod araw-araw at paulit-ulit na naghahandog ng pare-pareho ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at iyo’y sapat na. Pagkatapos ay umupo siya sa kanan ng Diyos” (Heb 10:11-12).

‌D. Ang Implikasyon ng Pagkapari ni Cristo para sa Church

‌Ano ngayon ang implikasyon sa buhay natin at sa church natin ng pagkapari ni Cristo na higit sa lahat? Una, alalahanin nating tapos na. It is finished. Wala kang maihahandog, wala kang anumang sakripisyong magagawa, wala kang maiaambag, wala kang maibabayad para sa kaligtasang binayaran na ni Cristo para sa mga lalapit at magtitiwala sa kanya. “Nothing in my hands I bring, only to thy cross I cling.” ‘Wag mong sabihing, “Lilinisin ko muna ang buhay ko bago ako lumapit sa Diyos. Magpapakatino muna ako bago ako sumamba sa Diyos.” That is anti-gospel, at isang insulto sa perpektong once-for-all sacrifice na ginawa na ni Cristo para sa atin. Si Cristo ang robe of righteousness, holiness, beauty and glory na kailangan natin. We are all guilty, at nararapat lang mamatay. At nag-iisang paraan para mabuhay ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.

‌Sabi ko sa nakaraang sermon, don’t just come to church; come to Christ. Now, hindi ibig sabihing hindi mahalaga ang church. Kasi, hindi ka makapagpapatuloy na lumapit kay Cristo kung walang church. Come to church, join our church, tulung-tulong tayo na lumapit kay Cristo. Ang church kasi ang katuparan ng plano ng Diyos sa Israel sa Exodus. Dahil ang church ay nakay Cristo, our great high priest, we are now “a royal priesthood” (1 Pet 2:9). Meron pa rin tayong mga pari ngayon na nasa ilalim ni Cristo as our high priest. Hindi lang kaming mga pastor, kundi ang bawat isang Kristiyano. Kaya tayo nagtitipon every Sunday as a church, sama-sama tayong lumalapit sa Diyos. Tinutulungan natin ang bawat isa na lumapit sa Diyos. Yes, led by the pastors of the church. Kaya nga mga elders at elders-in-training ang nagli-lead sa mga prayers at preaching sa mga gatherings natin.

‌Pero hindi ibig sabihin na ang “priesthood” ay exclusive para sa mga pastor. Kapag pinagpe-pray mo ang mga members ng church. Kapag kinukumusta mo at dinadalaw ang mga nawawala o nag-iistruggle. kapag sinasaway mo ang nagkakasala. Kapag may lumapit sa ‘yo at nag-confess ng kanyang kasalanan (nangumpisal sa pari!), at sinabi mo, “Pinatawad ka. There is therefore now no condemnation for those who are in Christ Jesus.” Kapag tayong mga tatay, as head of our families, ay pinagpe-pray ang family natin, at pinapangunahan ang family worship sa bahay. Kapag iniimbita mo ang mga kaibigan mong unbelievers para umattend sa church at makapakinig ng gospel. And so many other ways para maakay natin ang ibang tao—Kristiyano man o hindi—palapit kay Cristo. Jesus Christ is our great high priest. Tayo rin naman, as priests in service of Christ, ay iniaalay ang ating “sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos” (Rom 12:1).

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply