Introduction: Ano ang nasa Sentro ng Buhay Natin?
Ano ang nasa sentro ng buhay mo? Mahalagang tanong ‘yan. Ano ang punto ng lahat ng ginagawa mo? Para saan ang lahat? Kung pera ang nasa sentro ng buhay mo, yun ang magda-drive sa ‘yo para magtrabaho nang magtrabaho para makuha kung ano sa tingin mo ang kailangan mo—to the point na relasyon mo sa pamilya at sa Diyos ay napapabayaan na. Kung relasyon naman sa pamilya ang sentro ng buhay mo, diyan din iikot ang buhay mo, to the point na basta mapasaya lang ang pamilya ay gagawin mo ang lahat ng dapat mong gawin kahit na mapabayaan din ang relasyon ninyo sa Diyos. Kaya mahalagang sagutin ang tanong na “ano ang nasa sentro ng buhay mo?”
Para sa mga Israelita na iniligtas ng Diyos sa pagkakaalipin sa Egipto at nagsimulang maglakbay sa disyerto paglabas nila sa Egipto, mahalagang ipaalala sa kanila kung ano ang sagot dito. Sa hirap kasi ng daranasin nila sa disyerto, baka ang maging pinakamalaking concern na nila ay kung ano ang kakainin o iinumin nila. O kaya, paano sila makakarating nang ligtas sa promised land. Pero hindi yun ang dapat na nasa sentro at pinakapunto. Iniligtas sila para sumamba, maglingkod at sumunod kay Yahweh. Paulit-ulit na sinasabi ng Diyos kay Pharaoh, “Let my people go, that they may serve me” (Ex 7:16; 8:1, 20; 9:1, 13; 10:3). Yun ang purpose. Ibinigay ang Kautusan dito sa Mt. Sinai para sumunod sila sa Diyos na kanilang Hari. Hindi dahil isa na naman itong uri ng slavery at oppression. No, kundi para maranasan nila ang kalayaang i-enjoy ang relasyon nila sa Diyos. Sabi ng Diyos sa kanila, “Kayo’y inilapit ko sa akin” (Ex 19:4 AB). Sa simula’t simula pa ay ito naman talaga ang gusto ng Diyos na mangyari, “I will take you to be my people, and I will be your God, and you shall know that I am the Lord your God…” (Ex 6:7).
Sa paglalakbay natin sa Exodus, ang huling natunghayan natin ay Exodus 24. Nasa Mt. Sinai pa rin sila. Ibinigay ng Diyos ang kanyang utos, nagsalita ang Diyos, at natakot ang mga tao sa presensya ng Diyos. Paano ‘yan? Paano sila makakalapit sa Diyos? Kaya pinaakyat ng Diyos si Moises kasama sina Aaron, Nadab at Abihu, and 70 elders ng Israel. Ang dahilan? Para sumamba sa kanya. Pero sa malayuan lang. Si Moises lang ang makakalapit sa Diyos (Ex 24:1-2). Nandoon sa bundok ang presensya ng Diyos: “…the cloud covered the mountain. And the glory of Yahweh dwelt on Mount Sinai…” (vv. 15-16 LSB). Forty days dun si Moises. Ano ang ginagawa niya? Enjoying the presence of God, 40 days of intimate communion with God. Ang point: ang Diyos, ang maluwalhating presensya ng Diyos ang pinakalayunin ng buhay ni Moises. Para kay Moises lang ba yun? Hindi siyempre.
Pero paano mangyayari yun kung nananatili lang ang presensya ng Diyos sa taas ng bundok? Kailangan niyang bumaba at ilapit ang kanyang sarili sa mga Israelita. Pero sa paraang hindi sila matutupok ng “nagniningas na apoy” ng kaluwalhatian ni Yahweh (v. 17). Ang sagot ay nasa huling bahagi na ng Exodus, mula chapter 25 hanggang chapter 40. Sa dulo ng Exodus, yun nga ang nangyari, bumaba ang ulap ng kaluwalhatian ni Yahweh sa mga Israelita sa pamamagitan ng tinatawag na tabernacle (Ex 40:34-38), na ang ibig sabihin ay “tent” o tirahan ni Yahweh. Mula sa kanyang tirahan sa langit, hanggang sa kanyang paninirahan sa tuktok ng bundok, bumaba ang Diyos sa lupa para manirahan kasama ang mga Israelita.
Exodus 29:45, “I will dwell among the people of Israel and will be their God.” Bumaba ang Diyos to be at the center of the life of Israel. Ang “tent” ni Yahweh ay nasa gitna ng mga tents na nakapalibot dito ayon sa kanya-kanyang tribo ng Israel (see Num 2:17). Ang presensya ng Diyos ang nasa at dapat nasa sentro ng buhay ng Israel.
Pero bago magawa ang tabernacle (Ex 35-40), nagbigay muna ang Diyos ng mga instructions kay Moises kung ano ang gagawin (Ex 25-31). Pero habang nasa bundok si Moises, nagkaroon ng aberya dahil sa “golden calf” na ginawa ng mga tao (Ex 32-34). Dito muna tayo ngayon sa mga instructions na bigay kay Moises, na paggugugulan natin ng tatlong linggo. Ngayon ay chapters 25 to 27 muna tayo. Tingnan muna natin kung anu-ano ang ipinapagawa ng Diyos sa Israel, at pagkatapos ay magbibigay ako ng summary ng ilang mahahalagang observations tungkol dito.
I. Mga Instructions sa Pagpapagawa ng Tabernacle
Purpose and Pattern (Ex 25:1-9). Kaya rin pala 40 days na nasa sa bundok si Moises ay para tanggapin ang mga instructions ng Diyos sa construction nitong tabernacle. Ang Diyos na si Yahweh ang nagsasalita dito, at sinabi ang mga instructions kay Moises to serve as a “prophet” na sasabihin naman ito sa Israel: “Sinabi ni Yahweh kay Moises, ‘Sabihin mo sa mga Israelita…’” (vv. 1-2). Ang Diyos ang nag-design ng tabernacle, siya ang architect, siya rin ang owner. Kung ano ang gusto niyang mangyari, yun dapat ang masusunod. Hindi ito subject for negotiations, suggestions, o modifications. “Ang santuwaryo (“tabernacle”) at ang lahat ng kagamitang ilalagay roon ay gagawin mo ayon sa planong ibibigay ko sa iyo” (v. 9). Tayo naman nagrereklamo na agad sa haba ng detalye ng mga instructions dito sa Exodus 25 to 31. E siyempre, kung ikaw ba naman ang magpapagawa ng bahay mo, sasabihin mo lang ba sa contractor, “Ganito ang gusto kong bahay. Bahala ka nang dumiskarte”? No. “Exactly as I show you…” (v. 9) sabi ng Diyos. Kulang pa nga ang detalyeng nakasulat dito. Pinakita pa ng Diyos kay Moises ang blueprint (na para sigurong may powerpoint 3D presentation sa LCD projector!).
Bakit sobrang halaga ng ganitong detalye para sa Diyos—na eksaktong sukat na gusto niya, na eksaktong materyales na gusto niya, na eksaktong kulay na gusto niya? Verse 8, “Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila.” Sanctuary (Heb. miqdas), ibig sabihin “holy place,” nakabukod para sa banal na Diyos. Wala siyang katulad, kaya dapat ay wala ring katulad ang tirahan na gagawin para sa kanya. Hindi dahil kailangan niya ng tirahan! Invisible siya, siya ang maylikha ng lahat, sa kanya ang lahat. Yun ay dahil gusto niyang manirahan kasama nila. Yun ay dahil kailangan ng Israel ang presensya ng Diyos, at dahil walang kuwenta ang buhay nila, kahit na pinalaya sila sa pagkakaalipin sa Egipto, kung sila naman ay malalayo sa presensya ng Diyos.
Kung tutuusin, hindi naman talaga kailangan ng Diyos ang tulong nila para gumawa ng tabernacle. Yung paglikha nga niya sa lahat ng bagay ay nangyari sa isang salita lang niya. Pero gusto ng Diyos may contributions sila. Pero hindi sapilitan, “buong puso” dapat (v. 2). Yung mga metal na kailangan, yung mga tela, yung mga kahoy, at iba pang gamit ay sa kanila manggagaling. Kung tutuusin, wala naman talaga silang pag-aari, nasa disyerto sila, mga dati silang alipin. Pero lumabas sila ng Egipto na may pabor galing sa Diyos sa pamamagitan ng mga Egyptians na nagbigay sa kanila ng mga bagay na yun (see Ex 12:35-36). Ang ibibigay nila sa Diyos ay galing din naman sa Diyos.
The Ark of the Covenant (Ex 25:10-22). Ang unang binanggit ay ang ark of the covenant. Gawa ito sa kahoy, isang kahon na 1.1 x 0.7 x 0.7m ang sukat. Nababalot ito ng pure gold sa loob at labas nito (vv. 10-11). Sa tabernacle tent merong dalawang kuwarto: ang Holy Place, at Most Holy Place. Itong ark of the covenant lang ang nandun sa Most Holy Place. Anumang gamit na malapit dito ay pinakamataas ang value sa lahat, kaya nga gold, tapos sa labas ay bronze na. Parang medal sa Olympics, pinakamalaking honor ang gold medal. Nag-iindicate ito ng pinakamataas na posisyon o halaga na meron ang Diyos bilang Divine King ng Israel. Itong ark ay merong mga poles na nakakabit dito, gawa rin sa kahoy at nababalutan ng gold (vv. 12-15). Hindi kasi pwedeng hawakan ang ark of the covenant, so gagamitin itong mga hawakan kapag ililipat na ng lugar. Remember na yung tabernacle ay temporary at portable structure na ise-setup nila kapag magkakampo sila, at babaklasin kapag magsisimula na ulit sila na magtravel. Sa loob nito ay ilalagay yung “testimony” (v. 16) na tumutukoy sa stone tablets na kopya ng 10 Commandments na ibibigay ng Diyos kay Moises sa bundok. So itong ark ay sumisimbolo sa trono ng Diyos, bilang hari na dapat sundin ang mga utos.
Ang problema, hindi naman sila nakasunod sa mga utos ng Diyos. Ah, kaya meron sa ibaba ng ark na tinatawag na “mercy seat” (luklukan ng awa) na gawa rin sa pure gold (vv. 17, 21). Sa ibabaw nito ay may dalawang cherubim, mga heavenly beings na commonly depicted na may katawan ng leon, ulo ng tao, at merong pakpak. Gawa rin ito sa pure gold (vv. 18-21). Remember Genesis 3:24 na merong cherubim na nagbabantay sa Garden of Eden para walang makalapit sa Tree of Life pagkatapos palayasin doon sina Adan at Eba? Sa ibang salin itong “mercy seat” ay “atonement cover,” ang salita kasing ginamit dito (kapporet) ay closely related sa atonement (kippor). Dito kasi ipinapahid ng high priest ang dugo ng hayop na pinatay na magsisilbing atonement o pambayad sa kasalanan ng Israel during the Day of Atonement (Lev 16:14). Sabi ni Yahweh kay Moises tungkol sa mercy seat, “Doon tayo magtatagpo sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga Israelita” (v. 22). Ang Diyos ang gumagawa ng paraan para makasama siya ng mga taong makasalanang nararapat lang na parusahan ng kamatayan.
The Table for Bread (Ex 25:23-30). Itong mesang ito ang isa sa tatlong kagamitan na nasa loob ng Holy Place. Gawa sa kahoy, 1 x 0.5 x 0.7m ang sukat, at nababalutan din ng ginto (vv. 23-28). Gagawa rin sila ng plato, tasa, banga at mangkok na gawa sa ginto (v. 29). Tapos ay regular na maglalagay sa ibabaw nito ng tinapay, “the bread of the Presence.” Sabi sa Leviticus 24:5-6 ay labindalawang tinapay ang ilalagay rito, symbolic of the 12 tribes ng Israel. Bakit may mesa? May bahay ba na walang dining table? Sa tirahan ni Yahweh ay nais niyang makasalo ang mga tao. Hindi niya kailangang kumain, pero tayo ay kailangan natin ang pagkain para mabuhay at ang presensya ng Diyos para ma-enjoy ang relasyon natin sa kanya.
The Golden Lampstand (Ex 25:31-40). Ito naman ang ikalawang gamit na nasa Holy Place. Ito’y isang ilawan o lampstand, gawa rin sa pure gold na ang hugis ay parang isang puno na may tangkay at bulaklak (vv. 31-36). Maalala nila rito ang Tree of Life na nasa Garden of Eden. Meron din itong pitong ilaw sa ibabaw na nakaayos para magbigay liwanag sa nasa harapan nito (v. 37). Ang buhay at liwanag ay magkaugnay. Walang buhay sa isang bahay na walang ilaw. Sa dulo ng chapter 27, may instruction na dapat ay palaging may langis sa ilawan na ito para hindi mamamatay ang liwanag (Ex 27:20-21). Kapag buhay ang ilaw, ibig sabihin may nakatira sa bahay. Kapag patay na ang ilaw, kung may tao man, ibig sabihin ay natutulog. Hindi mamamatay ang ilaw sa tirahan ni Yahweh dahil hindi naman natutulog ang Diyos.
The Tabernacle (Ex 26). Ang sumunod naman na instructions ay tungkol na sa mismong tabernacle tent. 13.7 x 4.6 x 4.6m ang sukat nito, may sampung pirasong tela na yari sa telang lino na may kulay na blue, purple, at red, at may nakaburda na larawan ng cherubim, at ang mga kawit na gamit para pagkabitin ang mga kurtinang bumabalot dito ay yari sa ginto (vv. 1-14). Gawa sa kahoy ang structure nito, nababalutan ng ginto, at walang solid roof o front wall (vv. 15-29). Merong limang haliging kahoy sa bawat bahagi nito at nababalutan din ng ginto (vv. 26-30). Sinabi na naman ni Yahweh kay Moises, “Gawin mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok” (v. 30). Again, merong blueprint na pinakita ang Diyos sa kanya. Tulad ng nabanggit ko na kanina, merong dalawang kuwarto sa tabernacle, ang Holy Place at Most Holy Place na napapagitnaan ng isang tabing na kurtina na kulay blue, purple at red din, at may nakaburda na cherubim (vv. 31-35). Sacred space itong tabernacle, at pinakasagrado sa lahat ang Most Holy Place at walang sinumang basta-basta makakapasok doon. Yung High Priest lang, at once a year lang during the Day of Atonement. Gusto ng Diyos na ilapit ang kanyang sarili sa mga tao, pero hindi sila basta-basta makakalapit sa Diyos, sa pamamagitan lang ng paraang itinakda ng Diyos.
The Bronze Altar (Ex 27:1-8). Kaya merong bronze altar na kailangang gawin. Isa ito sa dalawang gamit sa courtyard, pero nasa labas ito ng mismong tabernacle. Gawa ito sa kahoy na 1.4 x 2.3 x 2.3m ang sukat (v. 1). Bawat sulok ay may tulis na parang sungay at nababalutan ng bronze. Hindi na gold kasi nga palayo na sa tabernacle. Bronze din ang mga gamit na ilalagay rito: lalagyan ng abo, pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy (v. 3). Gagamitin kasi ito sa mga susunuging sacrifices na iniutos ng Diyos na ihandog ng Israel sa kanya (Lev. 1-7). Yun nga ay para makalapit sila na mga makasalanan sa Diyos na kataas-taasan ang kabanalan. Again, sabi ni Yahweh kay Moises na kailangan itong gawin “ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok” (v. 8). According to plan dapat lahat, according to God’s plan.
The Tabernacle Courtyard (Ex 27:9-19). Ang huli ay yung courtyard na kinalalagyan ng tabernacle, 46 x 23 m ang sukat, at ang mga materyales na gagamitin ay yari sa bronze at silver (vv. 10-11, 17-19), mas mababang value kesa sa gold na gamit sa loob ng tabernacle. Again, kung mas malayo sa mismong tirahan ni Yahweh (ang Most Holy Place), mas mababa ang value ng materyales kumpara sa kung mas malapit. Pansinin din natin na ang harapan nito o entrance ay nakaharap sa east na katulad din ng Garden of Eden na nasa east ang entrance (Gen. 3:24). In a sense, ang construction ng tabernacle para sa Israel ay re-creation ng Garden of Eden kung saan kasa-kasama ng Diyos sina Adan at Eba at naeenjoy nila ang presensya ng Diyos, until na nahulog sila sa kasalanan at napalayas sa presensya ng Diyos.
Meron pang ibang kagamitan na binanggit sa mga sumunod na chapters pero sa susunod na natin pag-uusapan yun. Ngayon, i-summarize ko lang kung anu-ano ang makikita natin sa tatlong chapters na ‘to na gustong ituro ng Diyos sa Israel, at sa atin din siyempre, as God’s people.
II. Ilang Mahahalagang Observations tungkol Dito
Mag-highlight lang ako ng apat. Una, the centrality of the worship of God. Ang pagsamba sa Diyos ang nasa sentro ng buhay ng Israel. Ang pagliligtas sa kanila mula sa pagkakaalipin sa Egypt ay patungo sa layuning ito. Ang tabernacle na nasa sentro ng kampo nila ay nag-iindicate din nito. Thirteen chapters ng huling sixteen chapters ng Exodus ay tungkol sa tabernacle, communicating na this is the point of Exodus—hindi ang ten plagues, hindi ang crossing of the Red Sea. Sa tingin natin hindi importante ang bahaging ito ng Exodus kaya nilalaktawan o binibilisan ng basa. So we missed the point of the story. Yun pala ang pinakamahalaga. Ang pagsamba sa Diyos, ang makasama ang Diyos, ang ma-enjoy ang presensya ng Diyos. Yan ang sentro ng buhay ng Israel at ng buhay ng bawat isa sa atin na iniligtas ng Diyos. Wala nang mas mahalaga pa kaysa rito.
Ikalawa, the all-consuming glory of God. Kaya nga ang mga tao ay hanggang sa courtyard lang, ang mga pari ay hanggang sa Holy Place lang, at walang makaka-access sa Most Holy Place kundi ang high priest lang, once a year. Kaya napapalibutan ng ginto ang tabernacle at ang mga gamit sa loob nito. “Sino ba itong dakilang hari?Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! He is the King of glory” (Psa. 24:10). Kaya may Ark of the Covenant, nagsisilbing trono ng divine king of Israel. Hindi basta-basta makakalapit sa presensya ng Diyos nang hindi natutupok. Kaya merong larawan ng cherubim na nagbabantay para walang sinumang makapasok at mapahamak kapag natupok ng nag-aapoy na kaluwalhatian ng Diyos.
Ikatlo, the absolute necessity of the Word of God. Ang Sampung Utos na isinulat mismo ng Diyos na ilalagay sa ark of the covenant ay nagpapaalala na ito ang mga utos ng Hari. At pangunahin sa utos na ito na si Yahweh lang ang kanilang sasambahin at wala nang iba, at sa paraang itinakda niya at hindi ayon sa kagustuhan ng tao. Nagsalita ang Diyos para makilala natin siya, para malaman natin kung ano ang kalooban niya, kung paano tayo sasamba sa kanya, kung paano tayo makakalapit sa kanya. Buti na lang nagsalita ang Diyos! Paulit-ulit dito na ine-emphasize na ang Diyos ang magsasabi kung ano ang gagawin, anong sukat, anong kulay, anong materyales, walang labis, walang kulang, eksakto dapat kung ano ang gusto niya (Ex. 25:9, 40; 26:30; 27:8). Ang Diyos ang magsasabi kung paano tayo sasamba at lalapit sa kanya, at hindi natin pwede at hindi natin dapat baguhin ang paraang iyon (Michael Barrett, The Gospel of Exodus, 228). Wala naman kasi tayong karunungan at kakayahan na lumapit at sumamba sa kanya nang nararapat.
Kaya, ikaapat, the gracious provision of God. Wala tayong maiaambag sa sarili lang natin. Anumang maibibigay natin sa pagsamba sa Diyos ay galing din sa kanya. At para maalala nila ito kaya merong mesa sa loob ng tabernacle at merong tinapay na ilalagay dun. Ang Diyos ang buhay nila. Ang Diyos ang liwanag nila, kaya merong ilawan sa loob. Sabi ng Meralco, “May liwanag ang buhay.” Sabi ng Bibliya, “May buhay ang liwanag.” At nasa Diyos yun. “Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay; sa iyong ilaw nakakakita kami ng liwanag” (Psa 36:9 AB). Kaya rin merong mercy seat o luklukan ng awa. Kaya meron ding mga burnt offerings na gagawin. Dahil ang Diyos ang nag-provide ng solusyon o atonement na kailangan para mabayaran at matakpan ang kanilang mga kasalanan para sila’y makalapit sa Diyos na banal. Kung ano ang nire-require ng Diyos ay siya rin namang ibinibigay niya. What God requires, God provides. Napakayaman ng awa ng Diyos sa ating mga makasalanan.
III. Ang Tabernacle sa Kabuuan ng Istorya ng Bibliya
Dito pa lang sa mga katotohanang nabanggit ko, maliwanag na na ang mensahe ng Diyos sa pamamagitan ng tabernacle ay hindi lang para sa henerasyon ng mga Israelitang pinalaya mula sa Egipto, o maging sa sumunod na henerasyon na papasok sa Promised Land, kundi maging sa mga susunod pang mga henerasyon at maging hanggang sa atin ngayon. Bakit? Do we have basis for saying that?
Tingnan mo ang dulo ng Exodus 25, “Sundin mong mabuti ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok” (Ex 25:40). Binanggit ito sa Hebrews 8:5 at sinabing ang tabernacle na ‘to at ang mga sacrifices na ginagawa ng mga priests ay “larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda (tabernacle), mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, ‘Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.’” Ibig sabihin, itong tabernacle ay shadow lang ng heavenly reality. Dahil ang tirahan ng Diyos ay nasa langit, pero dahil ang tabernacle ay tirahan ng Diyos sa lupa, it is like bringing heaven down to earth. Hindi lang ito basta construction project ng isang lugar para gagamitin nila sa pagsamba sa disyerto. Ito ay “microcosm of creation, a piece of heaven on earth…an ever present reminder that the tabernacle was an earthly representation of a higher reality” (New Dictionary of Biblical Theology, 149).
Itong pagpapagawa ng tabernacle ay bahagi ng mas malaking plano ng Diyos na ibaba ang langit sa lupa, na makasama ng Diyos ang mga tao na kanyang nilikha at iniligtas. Simula pa sa Garden of Eden, kaya nga ang tabernacle ay parang mini-Eden. Sa Garden of Eden ay nae-enjoy nina Adan at Eba ang presensya ng Diyos (see Gen 3:8). Hanggang mahulog sila kasalanan at mapalayas sa presensya ng Diyos (Gen 3:23-24).
Temporary rin ang tabernacle. Dahil later on ay papalitan ito ng mas permanenteng structure, ang templo na itinayo sa panahon ni Haring Solomon. Halos pareho ng pagkakagawa maliban lang sa mas matibay na mga materyales at mas malaking dimensions. Ang templo ay ang presensya ng Diyos na nananahan sa kanila habang sila ay nasa lupaing ibinigay sa kanila ng Diyos. Pangako ng Diyos, “Maninirahan akong kasama ng sambayanang Israel sa pamamagitan ng Templong ito na iyong itinatayo” (1 Kings 6:13). Pero dahil sa pagrerebelde rin nila sa Diyos, pinalayas sila sa lupain, winasak ng mga Babylonians ang templo noong 586 BC. Walang templo, ibig sabihin ay hindi rin nila mae-enjoy ang presensya ng Diyos. After 70 years of exile sa Babylon, nakabalik sila sa lupain nila, naipatayo ulit ang templo, pero hindi na kasing engrande ng templo ni Solomon. Hindi pa lubos na naibalik ang presensya ng Diyos sa kanila.
Hanggang dumating ang lubos na katuparan—ang higher at heavenly reality—ng tabernacle at ng temple. Bumaba ang langit sa lupa nang bumaba ang Anak ng Diyos at naging tao. “Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin (literally, “nag-tabernacle”). Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama” (John 1:14). Kaya tinawag si Jesus na Immanuel, ibig sabihin, “Kasama natin ang Diyos” (Mat 1:23). Ang Hari, ang Divine-King, ay bumaba mula sa kanyang trono sa langit at namuhay bilang tao na kasama natin. Si Cristo ang Tabernacle/Temple. Sinabi ni Jesus sa mga Judio, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo” (John 2:19). Hindi nila agad naintindihan, pero ang tinutukoy ni Jesus na templo ay ang kanyang katawan, ang kanyang sarili mismo (John 2:21).
Wala nang ibang daan para makapunta sa Ama at makalapit sa presensya ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo (John 14:6). Kaya nga nang malagutan na ng hininga si Cristo, ang kurtina sa templo na naghihiwalay sa Most Holy Place at sa Holy Place ay napunit mula sa itaas hanggang sa ibaba (Mat 27:51). Ang access papunta sa Diyos ay wide-open na sa pamamagitan ni Cristo. Pero paano tayong mga makasalanan ay makakalapit dun nang hindi natutupok ng apoy ng kaluwalhatian ng Diyos? Dahil kay Cristo na tumupad sa nakasulat sa Kautusan (na nasa loob ng ark of the covenant) at sa pamamagitan ng kanyang dugo na ibinuhos para sa ating mga makasalanan (remember the mercy seat o atonement cover sa ibabaw ng ark of the covenant?). Si Cristo “ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya” (Rom. 3:25). Ang salitang ginamit, “inialay…bilang handog,” ay “propitiation” (Gk. hilasterion), ang katumbas ng “mercy seat.” Si Cristo ang ating “luklukan ng awa.” Dumaloy sa atin ang awa ng Diyos, sa halip na tupukin tayo ng poot ng Diyos, sa pamamagitan ni Cristo na ating luklukan ng awa.
IV. Ano naman ang Kinalaman Nito sa Buhay Natin Ngayon?
So, ngayon, hindi ba’t mas malinaw na makikita natin na ang tabernacle ay may kinalaman din sa buhay natin? Sa pamamagitan ni Cristo, siyempre. At kung sa pamamagitan ni Cristo, ibig sabihin, kung ikaw ay nandito ngayon kasama ng church sa worship service, hindi ibig sabihing nakapasok ka na sa templo ng Diyos. Mga bata, ‘wag n’yong isiping ang pagpasok sa “church building” linggo-linggo ang paraan para makalapit ka sa Diyos. Kung ikaw ay wala pa kay Cristo, kahit nasa simbahan ka araw-araw, kahit sumasali ka pa sa mga activities dito o tumutulong sa mga ministries, mananatili kang malayo sa presensya ng Diyos. Do not just come to church; come to Christ himself. At tandaan natin na ang dahilan kung bakit namatay si Cristo at muling nabuhay ay hindi lang para tayo na sasampalataya sa kanya ay makatakas sa parusa ng Diyos sa impiyerno. “Sapagkat si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa mga kasalanan, ang isang matuwid dahil sa mga di-matuwid, upang kayo ay madala niya sa Diyos” (1 Pet 3:18 AB). God himself is the goal, the greatest gift of the gospel.
At kung ikaw ay nakay Cristo, hindi ka lang basta lumapit sa Diyos, inilapit ng Diyos ang sarili niya sa ‘yo. Sa totoo lang, God is not just with you, but inside you. Ikaw, ang katawan mo, ang temple/tabernacle ng Espiritu ng Diyos (1 Cor 6:19). Ikaw mismo na marumi dahil sa kasalanan, ngunit nilinis ng dugo ni Cristo, ang tirahan ni Yahweh, God’s most holy place, ang santuwaryo ng Diyos. Let that glorious reality sink in. Lalo na sa susunod na iniisip mong gumawa ng kasalanan—manood ng porn, abusuhin ang katawan mo sa kakatrabaho, o mag-commit ng sexual immorality. Kung tayo ang temple/taberncle ng Diyos, ano ang pinakalayunin ng buhay natin? “So glorify God in your body” (1 Cor 6:20).
Hindi lang ‘yan every Sunday sa worship service. But especially every Sunday sa worship service. Bakit? Hindi ang church building, kundi ang church bilang pagsasama-sama ng mga Kristiyano, hindi lang ang bawat isang Kristiyano, ang “templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu” (1 Cor 3:16). Ang pinakalayunin ng pagsamba natin tuwing Linggo ay makatagpo ang Diyos. Bakit mo ipagpapalit sa trabaho, o pag-aaral, o bakasyon, o birthday party? Meron pa bang mas mahalaga kaysa sa ginagawa natin every Sunday morning kapag sama-sama nating nararanasan ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Salita na inaawit, pinapanalangin, at pinakikinggan? Kung Diyos ang pinakasentro ng lahat ng ginagawa natin sa church, we evaluate our worship services, our ministries, our discipling relationships, our leadership hindi ayon sa sarili nating mga “goals.” Nararanasan ba natin ang presensya ng Diyos? Nadadala ba natin ang mga tao palapit sa Diyos? Napangungunahan ba natin ang mga kasama natin sa church para mas maging satisfied sa Diyos?
Kung ang glorious presence ng Diyos ang end goal ng gospel, ang layunin ng existence ng church, ito rin ang end goal ng history. Kaya nga ang misyon at panalangin ng church ay, “May the whole earth be filled with his glory” (Ps 72:19). Mangyayari ‘yan kapag nadadala ang mabuting balita ni Cristo sa lahat ng dako ng mundo. But, ultimately, mangyayari ‘yan sa dulo ng kasaysayan. Sa pagbabalik ni Cristo, hindi lang tayo babalik sa Garden of Eden, kundi to something much greater than Eden. Hindi tayo sa langit titira. Bababa ang langit sa lupa. Magkakaroon ng new heavens and new earth. “Tingnan ninyo, ang tahanan ng (ang tabernacle!) ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila” (Rev 21:3). Ang buong mundo ang magiging tabernacle ng Diyos. Wala nang templo, dahil Diyos mismo ang templo. “Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero (the Lamb who is Christ)” (Rev 21:22). Christ is our tabernacle/temple now and forevermore.
Kung diyan pala patungo lahat ang kasaysayan ng mundo, ‘yan din dapat ang nasa sentro ng buhay mo ngayon. Hindi pera, hindi trabaho, hindi pamilya, hindi sarili mong ambisyon, hindi ang misyon na baguhin ang mundo. Kundi ang makapiling ang Diyos, manirahan sa bahay ng Diyos, maranasan ang presensiya ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo. To live for his glory. To enjoy his glory. May we live our lives for only one thing: “that I may dwell in the house of Yahweh all the days of my life” and “forever” (Ps 27:4; 23:6)
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

