Introduction: Kahalagahan ng Usapang Pamilya
Samu’t saring reaksyon ang naririnig ko dahil sa sermon series natin sa Usapang Pamilya. Yung iba nahihirapan makinig kasi nga sobrang personal. Feeling nila sila ang pinatatamaan ko. E talaga naman! Ano ba naman ang kabuluhan ng preaching of the Word kung di ka naman tatamaan? Yung iba naman bitin daw, gusto habaan pa ang series. Pero hanggang dito na lang ‘to ha. Balik na tayo sa Exodus series sa susunod. Pero hindi ibig sabihin na hihintayin natin na magkaroon na naman ng sermons na tungkol sa marriage at family bago natin pag-usapan ang buhay pamilya. No. Dapat mas masanay ako at mas masanay kayo kung paano ia-apply ang mga salitang naririnig natin—sa lahat ng bahagi ng Bibliya—sa personal na buhay natin at sa relasyon natin sa ibang tao.
Nagpupuri ako sa Panginoon at masaya ang puso ko dahil naririnig ko ang ilan sa inyo na nagkukuwento ng mga pinagdaanan at pinagdadaanan n’yo sa pamilya. Buhay ang salita ng Diyos na kumikilos sa bawat isa sa atin na nakikinig, naniniwala, at sumusunod sa kanyang salita. At kapag ibinubukas natin sa iba ang kuwento ng buhay natin, nagbubuklod-buklod ang iba’t ibang mga kuwento natin sa church at pinagbubuklod ito ng Kuwento ng Diyos na naririnig natin sa Bibliya.
Ang epekto nitong mga pinag-uusapan ay hindi lang para sa kanya-kanyang pamilya natin kundi pati sa church family natin. Mas natututo tayo kung paano makikipag-usap at makikipag-ugnayan sa isa’t isa: mga singles sa mga may-asawa, mga may-asawa sa mga hiwalay sa asawa, mga kabataan sa mga biyuda, mga lolo’t lola sa mga bata sa church. Napakahalaga ng pamilya na ipinagkaloob sa atin ng Diyos (dulot man nito minsan ay malaking kagalakan o malaking kalungkutan). Napakahalaga rin ng pamilya na meron tayo sa church.
Pagkatapos ng tatlong linggong pag-aaral natin sa Mateo 19:3-12 tungkol sa pag-aasawa, paghihiwalay, at pagiging single, titingnan naman natin ang utos ni Jesus na may kinalaman sa ating mga anak. Hindi maaaring paghiwalayin ang marriage at parenting. Kung may asawa ka, hindi mo pwedeng akalaing magiging mabuting nanay ka sa anak mo kung pinabayaan mo naman ang relasyon mo sa asawa mo. Hindi mo rin pwedeng sabihing nagiging mabuting asawa ka kung hindi mo naman tinutulungan ang asawa mo sa pagpapalaki sa mga anak ninyo. Kaya nga pagkatapos ng verses 3-12 ay makikita sa verses 13-15 ang utos ng Panginoon, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata.”
May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila’y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya’y umalis. (MBB)
Makikita natin ngayon na si Jesus ay hindi lang Panginoon na dapat nating sundin sa relasyon natin sa asawa natin o sa pagiging single ng ilan sa atin, kundi siya rin ang Panginoong dapat sundin kung paano natin aakayin ang mga bata sa pagsunod din kay Jesus.
Take note na hindi lang ito para sa mga parents. Siyempre, sila ang may primary responsibility sa mga anak nila. Kaya dapat ding makinig mabuti ang mga bata. At pansinin n’yong sinabi ito ni Jesus sa mga disciples niya. Kung ikaw ay disciple ng Panginoong Jesus, may anak ka man o wala o wala pa, ito ay para sa lahat. Ano ang gagawin natin para sa mga bata?
Hindi natin alam kung gaano katagal ang lumipas sa pagitan ng verses 12 at verse 13. Pwedeng kasunod lang nung naunang pangyayari, o maaaring ilang panahon pa ang lumipas. Anupaman, mapapansin ang pagkakaiba. Yung naunang eksena tungkol sa usapin sa pag-aasawa ay dahil sa tanong ng mga Pharisees na nagpapakita ng baluktot na pananaw nila sa pag-aasawa. Ito namang sumunod ay dahil sa maling ugali ng mga disciples ni Jesus tungkol sa mga bata.
I. Ang Problema: Pagpapabaya sa mga Bata
Ano ang maling ugali ng mga disciples dito? Ano ang problema nila dito? Sabi sa verse 13, “May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila’y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad.” Kung anong hangad ng mga magulang ay siya namang hinahadlangan ng mga disciples. Gusto ng mga magulang na mahawakan ni Jesus ang mga anak nila, ayon sa parallel account nito sa Mark 10:13. Kay Matthew nakasaad na ito ay ang pagpatong ng kamay upang basbasan sila at ipanalangin. Base na rin ito sa pagsunod sa tradisyon ng mga Judio na pagbabasbas sa mga anak. Gusto rin ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay lumaking taglay ang blessing na galing sa Diyos. At naniniwala silang si Jesus ay makapagbibigay nito at papakinggan siya ng Diyos kung siya ay manalangin. Ilang pagpapagaling at mga himala na rin ang nakita nila kay Jesus.
Pero may humahadlang sa gusto nila. Hindi yung mga kontrabidang Pharisees ang nandito. Kundi mga disciples pa mismo ni Jesus. They were rebuking the parents. Kung medyo nagkakagitgitan baka naitutulak pa. Patuloy marahil ang pagdating ng tao. Habang mas nakikiusap ang mga ito baka nasisigawan na sila ng mga disciples dahil sa inis. Bakit ganito sila? Hindi sinabi sa teksto ang dahilan. Marahil ay itinuturing nilang sagabal ang mga bata at may mas importante pang dapat pagkaabalahan si Jesus kaysa sa kanila. Tulad din ng iba sa panahon nila na itinuturing na hindi mahalaga ang bata, na pasanin at pabigat lang, hangga’t nakadepende pa sa magulang.
Problema ang hindi pagpapahalaga sa mga bata, ang pagpapabaya sa kanila. Kahit sa panahon natin ngayon. Hindi lang iyong mga nababalitaan nating iniiwan ang kanilang anak sa tapat ng bahay ng ibang tao. Hindi lang iyong binubugbog ang kanilang anak. Kundi maging mga Kristiyano rin na members ng church at nagsisimba linggo-linggo. Sasabihin ninyo, “Hindi ko naman pinababayaan ang aking anak. Malusog naman. Nakakapag-aral.” Meron akong isang kakilala na dating umaattend sa church, pero matagal nang hindi. Nahihiya raw siya sa Panginoon dahil napabayaan na niya ang mga anak niya dahil lumalaki na hindi na gumagalang sa magulang, kasi nga raw ay hindi na nagsisimba ang kanilang pamilya. Magandang simula na aminin kung paano tayo nagkukulang sa mga anak natin.
Kaya tanungin natin ang sarili natin: Lumalaki ba ang mga anak natin na may disiplina? Nasusubaybayan ba sila o ipinapaubaya lang sa yaya o kay nanay lang at wala kang oras sa kanya kasi busy sa trabaho o ministry o malayo ka? Iniisip mo sigurong hindi pa siya mahalaga kasi one month o 10 years old pa lang. Hindi niya kilala si Jesus hindi dahil bata pa siya kundi dahil hindi mo pinakilala. Ang pagiging Kristiyano baka hindi niya rin naman nakikita sa buhay mo. Ngayon sa tingin ninyo, hindi ba’t nagiging pabaya rin tayo sa mga anak natin?
Ganoon din sa pagpapahalaga natin sa mga bata sa church. Oo nga’t may children’s ministries tayo. Pero yung iba, hindi naman pinapasali ang mga anak nila sa Sunday School. At kung dinadala man sa church, iniisip ninyo siguro na ang mga teachers na ang bahala kasi sila naman ang mga Sunday School teachers. May pag-iisip tayong hindi sila dapat masyadong pansinin o paglaanan ng panahon. Sa pagtuturo sa kanila baka hindi masyadong pinaghandaan kasi bata pa “lang” naman sila. Sa attitude natin kapag worship service, iniisip ng iba na ang mga bata ay distractions lang. Kung mag-share tayo ng gospel, baka matatanda lang ang target natin. Ang pagpapabaya sa mga bata ay nagiging problema rin sa maraming mga churches. Kahit hindi pa natin sila saktan o sigawan, basta hindi natin ginagawa ang dapat nating gawin para sa kanila ay nagiging pabaya tayo.
II. Ang Dapat Gawin: Mahalin ang mga Bata ng tulad ng Pagmamahal ni Jesus sa Kanila
Nakita natin, una at negatively, yung problema natin tungkol sa mga bata. Ikalawa naman ay tingnan natin, positively, kung ano ang dapat nating gawin para sa kanila. Para mas makita natin ang kaseryosohan nito, tingnan natin ang naging damdamin ni Cristo sa ginagawa ng kanyang mga disciples. Sabi sa Matthew 19:14 na pinagsabihan sila ni Jesus, pero malamang ay hindi lang niya malumanay na sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata.” Ayon sa Mark 10:14, “Nagalit si Jesus nang makita ito.” Sa ESV, “he was indignant.” Merong pwersa, diin, at emosyon ang pagsasalita niya, “Huwag n’yo silang pigilan! Hayaan n’yo!” Tulad din ng isang nanay na nakita ang yaya ng bata na sinasakal ang kanyang anak, hindi naman iyan magiging malumanay sa pagsasalita: “Uy, ‘wag mo namang gawin ‘yan sa anak ko.” Kundi, “Ano ka ba? Hindi ‘yan tama! Tumigil ka!”
Sinasaway ng mga disciples ni Jesus ang mga magulang dahil baka makaistorbo kay Jesus pero ngayon sila ang sinaway ni Jesus dahil sila mismo ang nagiging istorbo sa pagtupad ng layunin ng Diyos. Ang galit na ito ay reaksyon niya sa isang bagay na sa tingin niya ay hindi tama. Ang reaksyon natin o damdamin sa isang bagay ay nagpapakita kung gaano natin ito pinahahalagahan. Magkaiba ang reaksyon natin kapag may nabasag na baso kumpara sa isang nabasag na iPhone, ng namatay na aso kaysa namatay na sanggol, kahit gaano mo pa kamahal ang aso mo! Ipinapakita dito kung gaano kahalaga ang bata kay Jesus. Jesus loves the little children. Kung pinababayaan natin ang mga bata, hindi siya matutuwa. Kung hahadlangan natin sila na matupad ang layunin ng Diyos sa buhay nila, kahit pa sa tingin natin ay ginagawa natin ang mga ito dahil sa pag-ibig natin sa kanila, hindi rin siya matutuwa at pagsasabihan rin tayo.
Ang mas mahalaga ngayon dito ay hindi ang gusto ng mga magulang bagamat maganda ang motibo nila. Hindi rin ang nais ng mga disciples kundi ang nais ng Panginoon. Ano ba’ng gusto niya? Makikita natin ito pareho sa positibo at negatibong paraan: “Hayaan niyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbabawalan o hahadlangan.” Nais ni Jesus na magkaroon rin tayo ng puso para sa mga bata nang tulad sa kanya. Jesus loves them more than we love our children. Gusto niyang lumapit sa kanya ang mga bata kasi gusto niyang mapasakanila ang pinakamahalaga sa lahat. Ang makilala si Jesus. Ang makapiling siya at maranasan ang tunay na buhay. Kaya gawin natin ang lahat ng magagawa natin para mailapit sila kay Jesus. Huwag nating hayaan ang anumang bagay o sinumang tao ang makahadlang sa kanila. Marami na ngang balakid sa kanila para makakilala kay Jesus at tuluyang sumunod sa kanya, huwag na nating gawin ang sarili nating isa sa mga hadlang na iyon.
Iniutos ni Cristo na mahalin natin ang mga bata tulad ng pagmamahal niya sa mga bata. Hindi tayo pwedeng maging passive dito, at umasa na lang na kahit wala tayong gawin ay lalapit ang mga bata kay Jesus. Totoo na gumagamit ang Diyos ng ibang paraan, at kayang gumamit ng Diyos ng ibang tao. Pero kung ikaw ang may pangunahing tungkulin sa mga anak mo, bakit hindi mo gagawin? Bakit ipapaubaya mo sa iba? Oo, kailangan natin ang tulong ng iba, ng ibang church members. Pero hindi excuse yun para maging passive. Dapat ay meron tayong patuloy na ginagawa para ilapit sila kay Jesus at maging mapagbantay sa mga bagay o tao o impluwensiyang makakahadlang sa kanila o makapaglalayo sa kanila kay Jesus. Kung mahal mo ang mga anak mo, hindi pwedeng wala kang gagawin.
III. Ang Dahilan: Ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga Katulad ng mga Bata
Bakit ganito ang nais niya sa mga bata at siyang dapat din nating gawin para sa kanila? Ito ngayon ang susunod nating pag-uusapan: ang dahilan. At heto yun: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat (heto ang dahilan) ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit” (v. 14). Ang kaharian ng langit ay tumutukoy sa kaharian ng Diyos na ang trono ay nasa langit. Tumutukoy ito sa pamamahala ng Diyos bilang hari ng ating buhay at ng lahat ng kanyang nilikha. Hindi natin nararanasan ang tunay na buhay dahil sa pagrerebelde natin. Pero kaya nga naparito si Jesus, para ialay ang kanyang buhay para sa atin. Naparito siya “hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami” (Mark 10:45). Hindi lang maraming mga matatanda; kasama sa maraming ito ang mga bata. Jesus came to serve and die for children.
Huwag nating isiping Rated-18 o for adults only ang kaharian ng Diyos, na kapag may batang gustong pumasok ay hahadlangan pa natin. Ang paanyaya niya sa Matthew 11:28 ay, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” Kasama rin diyan ang mga bata na dala rin ang pasanin ng kasalanan at ang parusang katumbas nito kung hindi nila makikilala ang Panginoong Jesus. Hindi lamang mga matatanda ang may kailangan kay Jesus. Our children need Jesus. Siyempre hindi ibig sabihin nito na “automatic” na kapag bata at Kristiyano ang magulang ay ligtas na. Kaya nga sinabi ni Jesus, “to such” o sa mga katulad o kagaya nila. Ang paraan pa rin ng kaligtasan ay ang paglapit kay Jesus nang may pagtitiwala na siya namang inihahalintulad sa attitude ng isang bata.
Kaya ginawa niyang illustration ang mga bata kung anong klaseng pananampalataya ang nais ng Diyos na taglayin natin. Sa parallel account nito sa Mark, may karugtong na ganito ang sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos, tulad sa pagtanggap ng isang bata, ay hinding-hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos” (Mark 10:15). Ang kaharian ng Diyos ay isang regalo, isang kayamanang dapat nating tanggapin tulad ng isang bata. Bakit? Ano ang kaibahan ng bata sa matanda na nais ni Jesus na matutunan natin kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga Kristiyano? Dahil ang isang sanggol ay walang magagawa sa sarili niya, kaya lubos siyang umaasa sa kanyang mga magulang. Ito ang nais ng Diyos sa lahat sa atin. Lubos na pagtitiwala kay Cristo.
Kaya noong sobrang bata pa sila Daniel, Stephen at Kyrie, pinapaalala sa akin ng Diyos na sila—ang mga anak namin—ang paraang ginagamit ng Diyos para sa sabihin sa akin araw-araw, “Tularan mo ang sanggol na ‘yan sa iyong pagdepende sa akin.” ‘Pag may kailangan ang sanggol at nagugutom, iiyak ‘yan. Hindi naman iyan babangon at magtatrabaho at bibili ng pagkain. Kapag pinakain siya, hindi naman niya ito babayaran at hindi niya kayang palitan. Kapag kinarga mo at niyakap, tuwang-tuwa, hindi nagpupumiglas at gustong makawala. Ganito ang panawagan ng Diyos sa lahat sa atin, “Hindi ninyo kayang pagtrabahuhan ang kaligtasan at relasyon n’yo sa akin. Ginawa ko na ito para sa inyo. Ang kailangan n’yo lang gawin ay magtiwala at hayaan akong kumilos sa buhay niyo.”
Hindi edad ang pinag-uusapan kung makakapasok ka sa kaharian ng Diyos. Natural sa tao ang ayaw pinaghaharian ng iba. Gusto natin tayo ang hari. Gusto natin tayo ang masusunod. Kaya ang pagtanggap sa kaharian ng Diyos ay dapat tulad ng isang bata. Pananampalataya, pagtitiwala at pagpapasakop sa Diyos ang pinag-uusapan dito. Hindi ang edad. Ang isang 10-years old na bata na nagtitiwala kay Jesus ay mararanasan ang buhay na walang hanggan. Pero ang isang lalaking mayaman na 60 years old na at successful na sa buhay pero ang tiwala ay sa sarili at patuloy na gustong sarili niya ang nasusunod, hindi ‘yan makakapasok sa kaharian ng Diyos. Tulad ng binatang mayaman sa sumunod na bahagi ng Matthew 19. Mas pinili niyang dumepende at magtiwala sa kanyang kayamanan kaysa dumepende at magtiwala kay Jesus para siya’y magkaroon ng buhay na walang hanggan. Mas malaking kayamanan ang mawawala sa ‘yo kung wala sa ‘yo si Cristo. Kaya nga merong paanyaya si Jesus sa lahat sa atin.
IV. Ang Paanyaya: Inaanyayahan ni Jesus ang Lahat sa Atin na Lumapit sa Kanya
Sa lahat sa atin. Kaya nga ang tekstong ito ay hindi mainly tungkol sa parenting, bagamat may application dun. Ito ay tungkol sa paanyaya ni Jesus sa lahat sa atin, kasama ang mga bata, na lumapit at sumunod sa kanya: “Come, follow me” (Mat. 19:21). Walang makahahadlang sa Panginoon kung nanaisin niya na ang isang tao ay sumunod sa kanya. Gusto ng mga magulang sa eksenang ito, pero ayaw naman ng mga disciples. Pero dahil gusto ni Jesus, kaya siya ang masusunod. Lumapit nga ang mga bata kay Jesus. At ano ang ginawa niya? “Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya’y umalis” (Mat. 19:16). Sa account sa Gospel of Mark, “Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila” (Mark 10:16). Hindi ito “mass” blessing, kundi individual. He takes time para kargahin sila isa-isa, ipadama ang pag-ibig sa kanila, at ipanalangin sila sa Ama. Habang ginagawa niya ito, malinaw na malinaw ang ilustrasyong nais niyang makita ng mga disciples, “Tumulad kayo sa mga bata sa inyong pananampalataya sa akin.” Bago mo isipin kung paano ilapit ang mga bata kay Jesus, isipin mo muna kung ikaw ba mismo ay lumapit na kay Jesus.
Limang Hakbang para Tulungang Lumapit ang mga Bata kay Jesus
Ngayong nakita natin kung ano ang puso ng Panginoong Jesus para sa mga bata at ano ang nais niya para sa ating mga magulang at sa ministeryo natin sa mga bata, tingnan naman natin ang ilang mga praktikal na hakbang na makatutulong sa atin para masunod ang utos ng Panginoong Jesus na “Let the children come to me.” Magmumungkahi ako ng limang hakbang ayon sa napag-aralan natin: Pagsunod-Pangarap-Pagtuturo-Pakikipaglaban-Panalangin. Isa-isahin natin.
1. Pagsunod: Ipakita mo sa anak mo kung paano sumunod kay Jesus.
Ito ang unang-una dapat. Hindi ka magiging mabuting magulang sa mga anak mo kung ikaw mismo ay hindi pa isa sa mga anak ng Diyos. Paano mo matutulungang ma-born again ang mga anak mo kung ikaw mismo ay hindi born again? Paano mo maaakay ang anak mo sa kaharian ng Diyos kung hindi nakikita sa iyong gusto mo rin ito para sa sarili mo? May mga magulang na dinadala lang ang mga anak nila o pinapa-attend sa church pero sila mismo ay hindi naman sumasamba sa Diyos. Bakit mo aasahang ang anak mo ay magpapasakop sa lordship ng Panginoong Jesus kung ikaw mismo ay nagrerebelde sa nais niya at ang sariling pangarap mo ang gustong masunod. Pwedeng iba ang umakay sa kanila pero mami-miss mo ang napakalaking pribilehiyo na maging instrumento ng Diyos sa pagtupad ng layunin niya para sa anak mo. Kung hindi ka pa baptized o hindi mo pa ipinahahayag ang iyong commitment na sumunod kay Jesus, bakit hindi mo gawin agad? Napakagandang makita ang ngiti sa isang bata na makitang ang kanyang mga magulang ay tagasunod ng Panginoong Jesus. Kung ikaw ay Jesus-follower na, ipakita mo, imodelo mo sa kanila kung paano sumunod kay Jesus. Kung paano sumamba sa kanya, dapat nakikita sa ‘yo ang kasabikan sa pagsamba, hindi yung ikaw pa ang sasabihan ng anak mo, “Daddy, late na tayo sa church!” Sa pag-aayos ng relasyon ninyong mag-asawa, nakikita ba ang pagsunod mo kay Jesus? Sa mga desisyon sa buhay, sa paggamit ng pera, sa pagbibigay sa mga ministries, nakikita ba nila na si Cristo ang Panginoon ng buong buhay n’yo at hindi lang kapag Linggo?
2. Pangarap: Mangarap ka nang malaking pangarap para sa anak mo.
Ano ang pangarap mo sa mga anak mo? Makasali sa Olympics? Maging isang sikat na celebrity? Maging doktor? Maging engineer? O tuparin ang pangarap mo dati na hindi mo naman natupad? Hindi naman automatic na masama ang mga iyan. Pero kung hanggang diyan lang ang pangarap mo sa kanila, ang babaw ng pangarap mo. Kung ang mapabilang sa kaharian ng Diyos ang pinakamahalaga sa lahat, ang kayamanang hindi matutumbasan ng yaman ng mundong ito, ang dulot ay kagalagakang hindi matutumbasan ng maibibigay ng mundong ito (Mat. 13:44), ito dapat ang pangarap natin para sa mga bata. Na makamtan nila si Jesus at ang kaharian ng Diyos na siyang pinakamahalaga sa lahat. Dream big. But dream the biggest dream—the kingdom of God. Aanhin ng isang bata ang makamtan lahat ng kayamanan sa mundo kung mapapahamak naman ang kanyang kaluluwa (Mark 8:36)?
Ang mga atletang nangangarap ng gold medal sa Olympics ay hindi lang basta nangangarap. Meron silang ginagawa—nagsasanay, dinidisiplina ang sarili, nagpapakahirap sa paghahanda para maabot ang pangarap. At kung makamtan si Jesus ang pangarap mo para sa mga bata, hindi pwedeng wala kang gagawin! Gagawin mo lahat ng magagawa mo para matulungan sila rito. Heto yung ikatlo hanggang ikalimang hakbang.
3. Pagtuturo: Ituro mo sa kanila kung sino si Jesus at ano ang ginawa niya.
Gagawin natin lahat ng magagawa natin para matulungan silang makakilala kay Jesus. Siyempre mainam kung nadadala natin sila nang regular sa Sunday School. Mainam na pinayagan n’yo silang sumama sa youth camp. Pero hindi lang iyon. Ano ba naman ang isang oras lang sa Sunday School o tatlong araw sa camp kung hindi rin naman nila ito matututunan mula sa inyo kapag nasa bahay na sila. Masarap marinig sa mga kabataan na “gospel” ang lumalabas sa bibig nila. Pero nakakalungkot naman kung sa mga magulang mismo ay hindi nila ito naririnig.
Ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanila ay hindi dapat isang beses lang sa isang linggo o kung merong special events. Dapat regular na nangyayari sa loob ng bahay. “Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga” (Deut. 6:7). Ikinukuwento n’yo ang pagliligtas na ginawa ng Diyos, kahit bata pa sila at tinutulugan kayo. Pinag-uusapan ninyo ang tungkol sa Diyos at kay Cristo sa mga katekismo tulad ng Heidelberg Catechism o New City Catechism. Tapos isang araw, di ba’t napakasayang marinig mula sa kanila, “I love Jesus!”
Tulad ng sabi ng Proverbs, “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran” (Prov. 22:6). Ituro mo ang daan. Ituro mo na si Cristo “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” (John 14:6). Kung hindi mo sila tuturuan, at hahayaan mo lang na nakababad sila sa gadgets nila—sa Facebook, sa YouTube, at kung anu-ano pa—ang mundo ang magtuturo at magdodoktrina sa kanila. At maling katuruan ang matututunan nila. Kaya mahalaga yung ikaapat.
4. Pakikipaglaban: Ipagtanggol mo sila laban sa anumang hadlang sa pagsunod kay Jesus.
Maraming bagay ang magiging hadlang sa kanilang daraanan patungo sa isang malapit na ugnayan sa Panginoong Jesu-Cristo. Bilang mga magulang, gawin natin ang lahat ng magagawa natin para depensahan sila laban sa mga ginagamit ng Kaaway para ilayo sila sa Diyos. Kapag nakita nating may bumubugbog sa anak natin, ano’ng gagawin natin? Papanoorin lang ba natin? Siyempre instinct ng tatay na depensahan ang kanyang anak. Totoong responsibility natin ang pag-provide at pag-protect sa kanila. Pero minsan iniisip lang natin ang tungkol sa physical provision and protection. E sandamakmak na impluwensiya ng social media at ng mga kaibigan sa eskwelahan ang maaaring bumubugbog sa kanila ngayon. Ano’ng gagawin natin para ipagtanggol sila dito?
Mga tatay, baka ang anak ninyo ay binubugbog na ng pornography sa Internet, hindi mo man lang ba kakausapin? Kailangan pa bang pastor ang kumausap diyan. Mahirap na ngang makapasok sa kaharian ng Diyos, huwag na nating hayaang lalo pa silang mahirapan tulad ng lalaking mayaman sa sumunod na eksena sa Matthew 19, na hindi sumunod kay Jesus kasi lulong sa kanyang kayamanan.
Iyong numbers 3 at 4 na binanggit ko ay iyon ding responsibility ng mga parents, primarily ng tatay, na tungkol sa spiritual provision at spiritual protection sa kanila. Ito ang tanong ko sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa na ilang buwan o ilang taon nawawala sa bahay, pati na rin sa mga nasa bahay nga pero hindi naman naglalaan ng oras sa kanilang mga anak, “How can you provide spiritually for your children and protect them spiritually?” Nakakalungkot marinig sa isang anak na sasabihin sa kanyang tatay na sobrang busy sa trabaho at wala nang panahon para kausapin ang anak niya, “Hindi ka naman talaga naging tatay sa akin; good provider, oo; pero tatay? hindi naman.”
Ang ibigay ang pinakakailangan ng mga anak natin, at protektahan sila laban sa napakaraming dangers sa mundong ito ay talaga namang parang isang impossible task para sa atin. Kaya hindi pwedeng mawala ang susunod…
5. Panalangin: Ipanalangin mo na baguhin ng Diyos ang puso nila.
Hindi puwedeng mawala ito. Walang mangyayari sa numbers 1-4 kung wala ito. Mahirap maging nanay at tatay. Ang pinakamalaking kabiguan ng isang tao ay may kinalaman dito. Maaaring successful siya sa trabaho pero sa bahay hindi. Mahirap ito. Kahit pa nga ginagawa mo ang lahat ng magagawa mo, alam naman din nating hindi natin hawak ang puso ng isang tao. Sa tingin niyo ba ang mga anak namin ay “automatic” na lalaki na may takot sa Diyos at susunod kay Cristo dahil anak sila ng pastor, dahil masigasig ang kanilang nanay sa homeschooling, dahil lumaki sila sa church, dahil godly ang kanilang environment. Pwedeng oo, pwede ring hindi. Bakit? Si Adan at Eba nga, they have the perfect Father, perfect environment, wala pa ang kasalanan sa kanila, hindi naman nagkulang ng paalala ang Diyos sa kanila, lahat naibigay sa kanila, pero ano? Hindi ba’t nagrebelde rin sila?
Tandaan nating ang success ng parenting ay hindi nakasalalay sa gawa at sipag natin. Oo, may gagawin tayo. At gagawin natin ang lahat ng magagawa natin para mailapit sila sa Panginoon. Pero habang ginagawa natin iyon, lagi tayong manalangin sa Diyos. Si Jesus na Anak ng Diyos ay dumalangin din sa Ama para sa mga bata. Tayo pa kaya na mahina at palaging sumasablay. We can all bless our children. Hindi kailangang hintayin mo ang pastor na gawin yun, o ibalik ang nakagawian natin dati na “child dedication” para gawin yun. Araw-araw, sa umaga o bago sila matulog, habang karga natin sila o kung ipapatong ang kamay sa kanila, we can bless our children and pray, “Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh; kahabagan ka nawa at subaybayan ni Yahweh; lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh” (Num. 6:24-26).
Sumunod kay Jesus at akayin silang sumunod kay Jesus. Mangarap ka para sa kanila. Ituro mo sila patungo kay Jesus. Ipaglaban mo sila. Ipanalangin mo sila.
Mga magulang, mga anak, lahat sa atin, don’t just come to church; come to Jesus. Don’t just bring your children to church; bring them to Jesus.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

