Paano Gagaling ang Punit o Lamat sa Relasyon?‌

Hirap pa rin akong maglakad. Kailangan ng knee brace. Yung huling MRI results ko ay ganito ang nakasulat: “Partial tear medial collateral ligament, unchanged since the last study. Minimal joint effusion.” May konting punit sa ligament at bahagyang pamamaga sa joints. Sabi ng doktor, kusa naman daw gagaling. Pero two months ago, ganyan din ang results ng MRI. Meron daw akong two options. Una, mag-observe ulit ng four to six weeks at ‘wag masyadong maglakad. Ikalawa, kailangan ng 200,000 pesos plus para sa arthroscopic surgery. Dun muna tayo sa first option, siyempre.‌

Ang tuhod ay kailangang magkadugtong nang maayos—para makatayo nang maayos, o makalakad, o makapag-bike, o makatakbo. Ang mag-asawa, tulad ng napag-usapan natin last week sa Matthew 19:3-6, ay dapat ding magkadugtong at magkadikit ang puso para sa sarili nilang kasiyahan at para sa karangalan ng Diyos sa loob at labas ng church. Kung ang Diyos ang lumikha ng marriage—lalaki at babae in his image—siya rin ang designer nito. At ang design niya? May iiwanan at may sasamahan para ang dalawa ay maging isa. ‘Yan ang marriage covenant. Isang larawan ng relasyon ni Cristo sa kanyang church. Sabi ni John Piper, “It is ‘covenantal to the max,’ a ‘model of how Christ is bound to his church in the new covenant relationship. And he is really, really bound to his church” (Tony Reinke, Ask Pastor John, 198). Kung paanong nakadikit at nakadugtong si Cristo sa church sa pamamagitan ng isang unbreakable bond, ganoon din ang mag-asawa.‌

Pero wala namang perpektong marriage relationship. At paano kung may punit o lamat—bahagya man o grabe—sa relasyong mag-asawa? Pwede kayang kusang gumaling ‘yan sa paglipas ng panahon—mga ilang buwan o ilang taon man ang abutin? O baka kaya namang i-manage ng mag-asawa sa sarili nilang paraan at mapagtulungang maayos ulit? O baka kailangan ng “doktor” o counselor para mapayuhan kung paano reremedyuhan? O kung sobrang lala na ng problema, baka mas mainam kung putulin na lang at palitan ng bago? ‘Yan ang solusyon ng tao sa pamamagitan ng divorce o paghihiwalay—legal man ito o hindi.‌

Pero hindi ba’t solusyon ng Diyos ang higit nating kailangan? After all, hindi lang siya ang Creator. Siya rin ang Doctor, Healer, at Surgeon ng mga nasirang relasyon: may punit man o nawarak na. Kaya nga tayo nakikinig ng Salita ng Diyos—araw-araw sa bahay at tuwing Linggo kapag sumasamba tayo nang sama-sama. Naniniwala tayo na powerful ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng power ng Holy Spirit na kumilos sa puso natin at maayos ang anumang relasyon na mukhang imposible sa tao na maayos pa.‌

Kailangang pakinggan natin ang sinasabi ng Panginoong Jesus, na itinali ang sarili niya sa atin sa isang matibay na pangako na kahit kailan, kahit ano ang mangyari, ay hindi niya hihiwalayan ang kanyang Asawa, ang Iglesya. Ang tipanang ito ay pinirmahan niya ng kanyang sariling dugo. Siya si “Cristo na nagmahal sa iglesya, at ibinigay ang kanyang sarili alang-alang sa kanya” (Eph. 5:25 AB). Ang parehong commitment sa tipanan ang nais din niya sa mga mag-asawa. Sabi niya, “Kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Mat. 19:6 MBB).‌

Kahit hindi pa legal ang divorce sa Pilipinas, gagawa at gagawa pa rin ang tao ng mga dahilan at mga paraan para hiwalayan ang asawa o, kung hindi man, ay maiwasan ang mga sinumpaang obligasyon natin sa isa’t isa. Try to look back sa araw ng kasal ninyo. Sabi n’yo sa isa’t isa, “For better or worse, ‘til death do us part.” Sinabi n’yo ba, “For better or worse, maliban na lang kung matuklasan kong addict pala sa pornography ang asawa ko,” as if naman ikaw ay hindi rin isang makasalanan. “For better or worse, maliban na lang kung nagsawa na ako sa kanya at hindi na ako in-love sa kanya,” as if naman ang pag-aasawa ay emotional decision lang. “For better or worse, maliban na lang kung hindi niya ako mabigyan ng anak,” as if naman kaya ng asawa mong gumawa ng anak! “For better or worse, maliban na lang kung hindi niya babaguhin ang masama niyang ugali,” as if naman pinakasalan mo siya kasi perpekto na siya.‌

Hindi ko ina-underestimate ang problema sa relasyon ng mag-asawa na para bang basta balewalain na lang natin ang kasalanan o faults ng isa’t isa at magpatuloy na magmahalan. May problema naman talaga. We cannot deny that. May problema ang asawa mo, yes. May problema ka rin, di ba? So, isang major step para maayos talaga ang problema sa relasyon ng mag-asawa, at sa kahit ano pang relasyon, ay kailangang ma-recognize natin kung ano talaga ang problema. At ang problemang iyan ay nasa puso ng bawat isa sa atin dahil lahat tayo ay makasalanan.

‌Puso ng Tao ang Problema‌

Last week pa lang, sa pagtingin natin sa Matthew 19:3-6, nakita na natin ang problema sa puso ng mga Pariseo—bagamat mga strict religious leaders ay mga makasalanan ding tulad natin. Yung sinabi ni Jesus na huwag paghiwalayin ang pinagsama ng Diyos ay sagot niya sa tanong nila, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” (v. 3). Nang sabihin ng Panginoong Jesus ang disenyo ng Diyos sa pag-aasawa, itong mga Pariseo ay humirit pa at hindi nakuntento. Heto ang tanong nila, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya ito palayasin?” (v. 7)? Ang tao nga naman hahanap at hahanap ng dahilan para makuha ang gusto nila at ma-justify ang kanilang nakagawiang paniniwala o tradisyon.‌

Ang tinutukoy nilang “utos” ni Moses ay makikita sa Deuteronomy 24:1-4:‌

Kung mag-asawa ang isang lalaki ngunit dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay; 2 kung ang babaing hiniwalayan ay mag-asawa sa iba 3 at hiniwalayang muli matapos bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay (o kaya’y namatay ang ikalawang asawa), at paalisin rin ito sa kanyang pamamahay, 4 ang babae ay hindi na maaaring pakasalan pa ng kanyang unang asawa; ang babae ay ituturing nang marumi. Magiging kasuklam-suklam kay Yahweh kung papakisamahan pa nito ang babae. Hindi ninyo dapat dungisan ang lupaing ibibigay niya sa inyo.‌

They missed the point. Malinaw na nga ang disenyo ng Diyos, gusto pa nilang panindigan ang kanilang baluktot na pananaw. Hindi naman iniutos dito na “hiwalayan,” sinabi dito ang gagawin “kung hiniwalayan.” Itong babaeng hiniwalayan at nag-asawa na ng iba, hindi na raw maaaring bumalik doon sa una kasi naging marumi na siya. Paliwanag ng Panginoong Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo (o ng inyong puso). Subalit hindi ganoon sa pasimula” (Matt. 19:8). Hindi utos na maghiwalay ang mag-asawa (kung anupamang dahilan). Ang utos ay huwag maghihiwalay. Hindi ito iniutos, kundi pinahintulutan lang at nagbigay ng mga patakaran para hindi pa lumala ang sitwasyong hindi na maganda sa paningin ng Diyos. Ayaw ng Diyos na ang nasira nang disenyo ay lalo pang marumihan.‌

Sa simula pa’y disenyo na ng Diyos ang habambuhay na pagsasama ng mag-asawa. Pero matigas ang puso ng tao kaya nagkaroon ng unfaithfulness sa covenant—pagpapabaya, pang-aabuso, pangangalunya, at paghihiwalay. Dapat nating tingnan ang mga ito na ebidensiya ng katigasan ng puso ng tao na nais magrebelde sa kalooban ng Diyos at gustong sarili nila ang masusunod tungkol sa pag-aasawa. Tao ba ang nagdesisyon sa pag-aasawa? In a sense, oo. Pero sa mas mataas na antas, ito ay gawa ng Diyos: “Kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Mat. 19:6). Kung ang pag-aasawa ay hindi lang isang human institution, kundi itinalaga at pinagtibay mismo ng Diyos, ibig sabihin, mas alam niya kung ano ang mas maganda para rito.‌

Ano ang gusto ng Diyos? “Kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Mat. 19:6). Utos ‘yan. Ang tao ay naghahanap ng dahilan para sa paghihiwalay. Ang Diyos ay nagsasabi na “huwag paghiwalayin.” Hindi dahilan ang dapat nating hanapin, kundi ang paraang dapat gawin para hindi maghiwalay. Salita ni Cristo ang pinakamahalaga rito. Kaya sabi niya sa verse 9, “Ito ang sinasabi ko sa inyo…” Pakinggan n’yo. Ang pinakamahalaga sa lahat ay kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa isyung ito. Hindi kung ano ang sinasabi ng puso mo, o ng asawa mo, o ng magulang mo, o ng kabarkada mo, o ng gobyerno, o ng social media. Sa mga usapin tungkol sa pag-aasawa, sa pamilya, at sa kahit anong relasyon, si Cristo ang Panginoon na dapat masunod. Especially para sa ating mga Kristiyano na tinaguriang tagasunod ni Cristo.‌

At ano ang sabi ni Cristo? “And I say to you: whoever divorces his wife, except for sexual immorality, and marries another, commits adultery” (Mat. 19:9 ESV). Sa isang pangungusap na ito nakapaloob ang tatlong problemang sumisira sa disenyo ng Diyos sa pag-aasawa: adultery, divorce, at remarriage.

‌Problem #1: Adultery‌

Bakit problema ang adultery o pangangalunya? Sa pag-aasawa, iiwanan ang mga magulang, sasama sa asawa at sila ay magiging isa. Sa pangangalunya, “Iniiwan muna ang asawa, nakikisama sa iba, at nagiging isa (pakikipagtalik) sa iba, at babalik ulit sa asawa.” Hindi ito ayon sa disenyo ng Diyos. Kinamumuhian ito ng Diyos. Dalawa sa 10 utos may kinalaman sa pag-aasawa: “Huwag kang mangangalunya” (Exod. 20:14, 7th); “Huwag mong pagnanasahang maangkin ang asawa ng iyong kapwa” (20:17, 10th). Sa Lumang Tipan, kamatayan ang parusa sa adultery. Kung gagawing batas ‘yan sa Pilipinas, ubos ang mga lalaki (at pati mga babae rin) sa Pilipinas! Lalo na siguro kung ang susunding definition ng adultery ay ayon sa dictionary ng Panginoong Jesus: “Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may mahalay na pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso” (Matt. 5:28 MBB).‌

Adultery is unfaithfulness to the marriage covenant. Kasama sa sumpaang iyon ang pangakong sa asawa mo lang ang puso mo, ang isip mo, at ang katawan mo, at hindi ilalaan para sa ibang babae o lalaki, o sa kapwa babae o kapwa lalaki. Kung paanong nagalit ang Diyos sa Israel dahil sa kanilang spiritual adultery dahil sa kanilang pagsamba sa mga diyus-diyosan, gayong nagagalit din ang Diyos sa isang babaeng may-asawa ngunit nagmamahal sa ibang lalaki na para bang asawa rin. Marriage is a commitment to be faithful. “‘Til death do us part.” Kung hindi ka pa handang panindigan ang ganyang sumpa, ‘wag ka munang mag-aasawa. Bakit ka naman din magbo-boyfriend o girlfriend kung hindi mo pa naman iniisip ang ganyang bagay?‌

Kung papasukin mo ang pag-aasawa, kahit na Kristiyano ‘yan (at dapat na Kristiyano!) ang mapapangasawa mo, handa ka dapat kung sakali mang magkasala sa iyo ang asawa mo. Dahil sa sinumpaang pangako sa kasal, hindi man ikaw ang nagkasala, naroon ang kahandaang magpatawad para mapanumbalik ang pagsasama. Siyempre hindi madali kaya kailangan natin ang biyaya ng Diyos. Kung ikaw naman ang nagkasala, huwag mo nang pagtakpan ang kasalanan mo; humingi ka ng tawad sa asawa mo at sikaping mapanumbalik ang nasira ninyong relasyon. Habang single pa ang iba sa inyo, practice faithfulness kung may girlfiend na kayo. Kung may asawa na, bantayan mong mabuti ang relasyon mo sa ibang tao, lalo na sa opposite-sex, para hindi ka mahulog sa pagkakasala.‌

At sa mga masyadong kumpiyansa sa sarili nila na sa tingin nila ay hindi sila mahuhulog sa ganitong pagkakasala, pakinggan n’yo ‘to: “Kaya’t mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya’y nakatayo, at baka siya mabuwal” (1 Cor. 10:12). Mananatili lang tayong nakatayo, at ang mga nabuwal na ay muling makakatayo, sa tulong ng biyaya ng Diyos.

‌Problem #2: Divorce‌

Sa divorce naman, “Iniwan na ang asawa…” Ano ang masasabi ng Diyos tungkol dito? “‘I hate divorce,’ says the LORD God of Israel” (Mal. 2:16 NIV). “Nasusuklam ako sa naghihiwalay” (MBB). Kinasusuklaman ng Diyos ang nangyayari sa kalahati ng mga marriages sa America na nauuwi sa hiwalayan. Sa Pilipinas din, kahit hindi pa legal ang divorce, walang pakialam ang marami. Maghihiwalay pa rin at mag-aasawa ng iba. Legal man o ilegal ang divorce, hindi iyon ang pinag-uusapan natin, kundi kung ano ang kalooban ng Diyos. Pakinggan ninyo si Pablo, “Sa mga may asawa, ito ang iniuutos ng Panginoon, hindi ako: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung siya’y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya’y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag din namang hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa” (1 Cor. 7:10-11 MBB). Hindi paghihiwalay ang solusyon, kundi pakikipagkasundo o reconciliation.‌

Hindi nga legal ang divorce dito, ganoon din naman dahil maraming naghihiwalay na mag-asawa. Wala ngang divorce, may annulment naman. Mas malala pa kasi sa annulment binubura mo ang sumpaang nangyari sa kasal na para bang walang nangyaring kasal. E meron ngang kasal, tapos sasabihing “void” o “annuled”! Kahibangan din. At least ang divorce, pinutol nga ang pagsasama ng mag-asawa, pero kinikilala pa rin na naging mag-asawa sila. Paghihiwalay man o legal divorce o annulment, pare-pareho ring pagbaluktot sa disenyo ng Diyos.‌

Tayong mga Kristiyano siyempre hindi natin iiwan ang asawa natin. Tama ba? Pero mag-ingat tayo baka sa tagal ninyong mag-asawa ay parang mayroon nang emotional o psychological divorce. Magkasama nga kayo sa bahay, pero wala namang koneksiyon, hindi nag-uusap, hindi nagtutulungan sa pagpapalaki sa mga anak, pinabayaan na ang sex life (napakahalaga nito!), o kaya ay dahil sa tagal nang hiwalay dahil nasa ibang bansa ang isa parang hindi na rin mag-asawa. Pwedeng nagpo-provide ka financially para sa asawa at mga anak mo, pero ang pagiging “husband” mo sa asawa mo ay hindi mo na nagagampanan. Kung hiwalay ka sa asawa mo, o iniwanan ka, o dumaraan sa matinding struggle sa relationship n’yo ngayon, o nagbabalak nang makipaghiwalay, ‘wag mong sarilinin ang problema, ‘wag kang magdesisyon sa sarili mo lang. Narito ang mga pastor ninyo at mga kasama sa church para bigyan kayo ng payo, para ipanalangin, at tulungang magdesisyon nang ayon sa kalooban ng Panginoon. Dahil kung hindi ayon sa kalooban ng Panginoon ang gagawin mong desisyon in response sa problema n’yo, daragdagan mo lang ang sakit sa puso mo.

‌Problem #3: Remarriage‌

Ang pangangalunya at paghihiwalay ng mag-asawa ay kinasusuklaman ng Panginoon. Paano naman ang pag-aasawa ulit? “Iniwan na ang asawa (o iniwan na ng asawa), nakikisama sa iba, at nagiging isa sa iba.” Puwede namang mag-asawa ulit…Kung patay na ang asawa mo. “Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon” (1 Cor. 7:39). Puwedeng mag-asawa basta Kristiyano ang mapapangasawa kung namatay na ang asawa mo. (Huwag mo lang papatayin!)‌

Sa paningin ng tao, makikita nilang hiwalay ka sa asawa mo. Pero sa paningin ng Diyos, kasal pa rin kayo hangga’t nabubuhay ang asawa mo. Labag sa disenyo ng Diyos ang pag-aasawang muli kapag buhay pa ang asawa. May mga panahong hindi maiiwasan ang paghihiwalay, tulad ng legal separation, lalo na kung ikaw naman ang iniwanan o kaya ay dahil sa sobrang sexual immorality o brutality ng asawa. Pero kung mangyari man iyon, sinasabi ni Pablo na huwag nang mag-aasawa ulit. “And I say to you: whoever divorces his wife, except for sexual immorality, and marries another, commits adultery” (Matt. 19:9).‌

Tingnan natin mamaya kung bakit may “except” dito at ano’ng ibig sabihin nito. Pero pansinin ninyong wala ito sa Luke at Mark, “Everyone who divorces his wife and marries another commits adultery, and he who marries a woman divorced from her husband commits adultery” (Luke 16:18; also Mark 10:11-12). Ikaw man ang humiwalay o nagpalayas sa asawa mo, at ikaw man ang iniwanan o pinalayas, parehong adultery kung mag-aasawa ulit. Divorced man o annuled ang kasal. “But I say to you that everyone who divorces his wife, except on the ground of sexual immorality, makes her commit adultery, and whoever marries a divorced woman commits adultery” (Matt. 5:32). Sa kultura nila noon, kapag ang babae ay hiniwalayan ng lalaki, malamang na kailanganin ng babae na mag-asawa ulit as a matter of survival. Pero kahit ganoon ang pressure, tinawag pa rin ni Jesus ang muling pag-aasawa ng babae na adultery. Sabi ni John Piper tungkol dito, “Jesus’s opposition to remarriage seems to be based on the unbreakableness of the marriage bond, not on the conditions of the divorce” (All that Jesus Commanded, p. 333).‌

Mahalaga itong pag-usapan sa church natin kasi magkakaroon tayo ng mga kaso (at mayroon nga) kung saan ang mag-asawa nang makakilala sila sa Panginoon ay hindi legal ang kanilang pagsasama kasi ang isa o pareho sa kanila ay nakasal muna sa iba. Kailangan siyempreng magsisi at humingi ng tawad sa Panginoon dahil sa adultery, pakikipaghiwalay, at pag-aasawa ng iba. Tapos, kung posible, makipagkasundo sa asawang hiniwalayan. In that way, masasalamin ang mabuting balita ni Cristo na nakipagkasundo sa atin kahit na tayo ang nagtaksil sa kanya.‌

Pero, in some cases, kumplikado. May pamilya na rin ang hiniwalayan. May mga anak na, may nabuo nang bagong pamilya ang parehong partido. Kaya kailangang isangguni sa mga pastor ng church kung may ganitong kumplikadong kaso. Pero bilang pastor ninyo, base na rin sa hindi pagpahintulot na bumalik pa ang asawa sa unang asawa kung nagkaroon na ng second marriage (Deut 24:4) at sa sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 7 na manatili sa kalagayan nila nang sila ay tawagin ng Panginoon, posibleng nais ng Diyos na hindi na maghiwalay pa ang mag-asawa kahit kasal sila sa iba. Oo nga’t nagkasala sila ng adultery at hindi kalooban ng Diyos ang kanilang pangalawang pag-aasawa, kaya kailangan nila itong ihingi ng tawad sa Diyos at hilinging kumilos siya para maging banal (sanctify) ang pagsasama. Tulad halimbawa ng pag-aayos ng annulment kung posible; hindi man ideal, pero para maging legal naman ang pagsasama. Tough issue, so pray for your pastors that God will give us wisdom in dealing with this.

‌May Exception Ba?‌

Pero baka may exception naman na puwedeng mag-asawa ulit na hindi matatawag na adultery. Meron kaya? “And I say to you: whoever divorces his wife, except for sexual immorality, and marries another, commits adultery” (Matt. 19:9). “But I say to you that everyone who divorces his wife, except on the ground of sexual immorality, makes her commit adultery, and whoever marries a divorced woman commits adultery” (5:32). Sa Tagalog version, makikita ninyong ang translation sa “exception clause” na ito ay pakikiapid o pangangalunya. Na para bang isa sa dahilan na puwedeng maghiwalay ang mag-asawa at makapag-asawa ulit na hindi nagkakasala ng “adultery” ay kapag ang dahilan ay “adultery.”‌

Posible na ang salitang ginamit dito (porneia) ay tumukoy sa “adultery” dahil malawak ang kahulugan nito, na tumutukoy sa anumang pakikipagtalik na hindi dapat. Karamihan ng mga commentaries na tiningnan ko ay ganoon ang interpretation. Pero may nakita ako, tulad nina John Piper, James Boice, at D. A. Carson, na nagpaliwanag kung bakit maaari ring hindi “adultery” ang tinutukoy ng Panginoon sa exception na ito. Nagbigay sila ng ilang mga dahilan at ang mga ito ay ang akin ding basehan kung bakit naniniwala akong hindi sapat na dahilan ang “adultery” para makipaghiwalay sa asawa at mag-asawa ng iba. Ang salitang ginamit sa exception clause ay porneia at hindi moicheia na tiyak na tumutukoy sa adultery. Puwedeng moicheia ang gamitin dito ni Matthew pero hindi niya ginamit.‌

Sa pagkakagamit niya, may kaibahan ang dalawang ito. Tulad ng sa Matthew 15:19 na sa listahan ng mga kasalanan ay pinaghiwalay niya ang dalawang ito (suggesting a difference in meaning) bagamat may overlap din. Naisip ko rin na kung “adultery” ang tinutukoy na exception dito, at si Jesus naman ay may malalim na pananaw ukol sa adultery (Matt. 5:28), mas magiging madaling gawing excuse ito sa paghihiwalay ng mag-asawa. Para kay Jesus, ang pagsasama ng mag-asawa ay nakadepende hindi sa kung magkakasala sila ng adultery o hindi, kundi nakadepende sa disenyo ng Diyos, sa pagdeklara niyang pinag-isa niya ang mag-asawa at maging ang “adultery” ay hindi dapat gamiting dahilan para maghiwalay.‌

Pansinin din ninyong sa Matthew lang makikita ang exception clause na ito (19:9; 5:32). Sa Mark at Luke walang nakalagay na ganito. Bakit kaya? Isang posibleng explanation ay dahil maaaring akusahan si Jesus na ang kanyang nanay ay nagkasala ng “sexual immorality” (porneia) nang ipagbuntis niya si Jesus (John 8:41, John Piper). Si Matthew lang din ang naglagay ng account ng plano ni Joseph na i-divorce si Mary nang malaman nitong buntis. Hindi pa nga sila kasal ngunit ang engagement sa kanila ay may bisa rin ng kasal kaya kailangang i-divorce para hindi malagay sa alanganin si Mary. Maaaring nakalagay ang exception clause sa Matthew para depensahan ang tangkang gawing divorce ni Joseph na tama lang at hindi kasalanan (James Boice, The Gospel of Matthew, p. 403), although hindi naman niya ginawa. At kung ginawa man, puwede pa silang makapag-asawa ng iba. At hindi ito adultery. Paliwanag pa ni James Boice:‌ Kung ang exception clause ay hindi tumutukoy sa adultery, ang nag-iisang bagay na maaaring patukuyan nito ay ang impurity ng babae na nadiskubre sa unang gabi ng kanilang pagsasama. Sa kasong ito merong panlolokong naganap sa marriage contract…[pero] hindi siya pinahihintulutang hiwalayan ang asawa niya sa iba pang kadahilanan. (The Gospel of Matthew, p. 402)

‌Sa tingin ko ay pareho ito ng isa sa basehan ng annulment sa atin: “Concealment by the wife of the fact that at the time of the marriage, she was pregnant by a man other than her husband” (Article 46.2 of the Family Code). Sa tingin ko ay ito lang ang maaaring basehan ng paghihiwalay, wala nang iba. Pwedeng mali ako ng pagkakaintindi, pero kumbinsido ako na ang unfaithfulness o adultery ay hindi sapat na dahilan para hiwalayan ang asawa. Kahit pa sa tingin ninyo ay basis ang “adultery” dahil sa sinasabi ni Cristo, dapat pa rin nating tingnan ang taas ng standard niya sa pag-aasawa at magsikap na masunod ito. Ito ang point ng Panginoon, hindi iyong makakita tayo o maghanap ng excuse o way of escape.‌

Ang marriage bond na nabuo sa tipanan ng kasal ay mapuputol lang o breakable sa pamamagitan ng kamatayan, hindi ng anumang kasalanan ng asawa. Tulad ng mga Pharisees, at ng maraming tao ngayon, mas gusto natin sana na mas marami pa ang puwedeng dahilan na maaaring maghiwalay ang mag-asawa para makapag-asawa pa ulit ng iba. Ngunit ang Diyos ay merong napakataas na standard sa pag-aasawa dahil meron siyang napakagandang disenyo sa pag-aasawa. Hindi natin puwedeng hanapan ng butas para sirain. Habang nananatiling tapat ang Diyos sa kanyang walang sawang pagmamahal sa atin na mga makasalanang sumasampalataya kay Cristo, hanggang hindi pa nakikipaghiwalay si Cristo sa Iglesya, wala tayong anumang sapat na dahilan para hiwalayan ang ating asawa. Kapag sumira na ang Diyos sa pangako niya, kapag nakipag-break na si Cristo sa atin, pwede na. “Ang sinumang pinagsama ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao.”

‌May Pag-asa ba para sa mga Sugatang-Puso?‌

Kung ganito pala kataas ang standard ng Diyos sa pag-aasawa, maganda pa siguro hindi na lang mag-asawa para hindi na pagdaanan ang mga ganitong bagay. Ganito rin ang comment ng mga disciples sa verse 10, “It is better not to marry.” ‘Pag single ka, sasabihin mo, “Gustung-gusto kong mag-asawa!” Pag 10 years na kayong kasal at nandyan na ang patung-patong na problema, sasabihin mo naman, “Haay, bakit ba ako nakapag-asawa pa!”‌

Hindi ang pag-aasawa ang problema. Sabi ni Pablo sa 1 Corinto 7, hindi kasalanan ang mag-asawa; hindi rin kasalanan ang hindi mag-asawa. Ang problema ay nasa puso ng mga tao. Matigas ang puso natin. Kahit nga nasa atin na ang Espiritu Santo, nakikipaglaban pa rin tayo sa kasalanan. Lalo naman siyempre ang mga hindi Kristiyano. Ang kasalanan ang pumapatay sa buhay ng mag-asawa. Kung mag-aasawa ka, tandaan mong makasalanan ang mapapangasawa mo. Makasalanan rin ang mapapangasawa ng mapapangasawa mo!‌

Sa Genesis 2, nakita natin ang magandang disenyo ng Diyos sa paglikha sa lalaki at babae at sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Pero sa Genesis 3 makikita natin kung paano nasira agad ang disenyong iyon nang pumasok ang kasalanan. Nahiwalay ang tao sa Diyos. Pero hindi lang basta hinayaan ng Diyos na masira iyon at magtagumpay ang kasalanan. Dumating si Cristo, ang Anak ng Diyos, namuhay na kasama natin, namatay para sa ating mga kasalanan, at nabuhay na muli para ibalik ang nahiwalay na relasyon natin sa Diyos.‌

Nagkasala ka ng pangangalunya sa asawa mo, naghiwalay kayo, o nag-asawa ka na ng iba—para kayong dalawang papel na pinagdikit ng glue para maging isa pero nang humiwalay ang isa, napunit pareho. May pag-asa pa bang mabuo ulit? Oo, pero hindi sa sarili lang nating sikap. Kung sariling puso natin ang problema, wala sa sarili natin ang solusyon, hindi natin kayang ayusin. Pero tandaan mong walang kasalanang hindi patatawarin ng Diyos kung taos sa puso mong hihingi ka ng tawad at ilalagak ang pagtitiwala mo kay Cristo. Patatawarin ka ng Diyos. Pagagalingin ng Diyos ang mga sugat sa puso mo. Hindi ito nakadepende sa gagawin mo o gagawin ng asawa mo; nakadepende ito sa gagawin ng Diyos. Kayang ibalik ng Diyos ang nasirang relasyon. Kayang hilumin ng Diyos ang mga sugat mo, kahit ang asawa mo’y hindi na bumalik sa ‘yo. Meron kang Diyos na hinding-hindi ka iiwan ni pababayaan man.‌

Wala mang case ng adultery o paghihiwalay sa inyong buhay mag-asawa, pero kung nakikita ninyo ang napakagandang disenyo ng Diyos sa pag-aasawa, makikita rin ninyo kung gaano kayo kalayo sa disenyong iyon. ‘Wag mong sabihing, “Imposible namang maging ganyan kadikit ang aming pagsasama!” Oo, sa iyo imposible; pero sa Diyos walang imposible! Nais ng Diyos na sa kanya tayo dumepende, hindi sa asawa natin o sa sinumang tao.‌

May ilang mga pagkakataon sa relasyon naming mag-asawa na talagang nasubok ang commitment namin sa isa’t isa. Wala kaming perpektong marriage. May mga panahong hindi rin kami naging tapat sa sinumpaan naming pangako. May napunit o naging lamat sa relasyon namin. Pero pinagagaling ng Diyos. Iika-ika pa rin. Pero patuloy na lumalakad para matapos ang takbuhin (o lakarin!) na inilaan ng Diyos sa aming mag-asawa. Ang kumpiyansa namin ay nasa Diyos para i-preserve ang relasyon namin, wala sa akin, wala sa kanya, kundi nasa Diyos. Kaya mas kumapit pa tayo sa Diyos at humingi ng tulong sa kanya para panatilihing kapit-kamay ang mga mag-asawa, lalo na ang mga nasa bingit ng paghihiwalay o nagkahiwalay na. Walang imposible sa Diyos. Ipanalangin din natin ang mga wala pang asawa na sa mga narinig nila ngayon ay baka sinasabing, “Ayoko na palang mag-asawa!” ‘Yan naman ang pag-uusapan natin sa susunod.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply