Introduction
Kapag nag i-scroll ka sa Facebook feed mo, kung kani-kaninong kuwento ang makikita mo. Karamihan ay wala namang kinalaman sa ‘yo. Minsan matutuwa ka, minsan maiingit ka, minsan malulungkot ka sa kuwento ng buhay mo kung ikukumpara mo sa iba. Minsan ganyan din ang approach natin sa mga kuwentong nababasa natin sa Bible. Apektado tayo pero hindi naman tayo bahagi ng kuwentong ito. Kaya para hindi masyadong maapektuhan, we try to stay detached sa story. Pero hindi lang ito “feel good” story kundi “good story” talaga dahil ang kuwentong ito ay nakadugtong sa kuwento ng buhay natin.
Kaya mahalaga ang Exodus. Ang kuwento nito tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa bansang Israel ay sumasalamin sa kuwento ng pagliligtas ng Diyos sa ating mga Kristiyano sa pamamagitan ni Cristo. Hindi tayo mga Israelita. Mga Pilipino tayo. Pero ang nagbubuklod sa atin sa kuwento ng Exodus ay ang Diyos na si Yahweh na siyang Diyos noon at Diyos pa rin hanggang ngayon. Isa lang naman ang Diyos. Hindi nagbabago mula noon, ngayon, at magpakailanman. At ang isang Diyos na ito ay merong isang plano sa kasaysayan ng pagliligtas sa mga makasalanan—mula pa sa pakikipagtipan niya kay Abraham, kay Moises at sa mga Israelita, kay David, at sa katuparan ng lahat ng ito sa bagong tipan sa pamamagitan ni Cristo.
Hindi naman siyempre bawat section nito ay “kuwento” na kapana-panabik subaybayan. Meron ding portion na puro mga utos o tagubilin. Pero bahagi pa rin ‘yan ng buong kuwento ng Exodus. Hindi nga lang ganun ka-exciting yung part na ‘to. Simula ng napag-aralan natin ang Exodus 20 hanggang Exodus 23. Pero siyempre, significant pa rin, dahil bahagi ito ng plano ng Diyos para sa Israel, at may itinuturo rin sa atin ang Salita ng Diyos sa pamamagitan nito. Pagdating naman ngayon sa Exodus 24, nag-switch ulit sa isang kuwento, isang eksena tungkol sa tagubilin ng Diyos para umakyat si Moises at ang iba pa sa bundok ng Diyos, ang Mount Sinai para makipagtagpo sa kanya para sa isang seremonya ng ratification o pagpapatibay ng Covenant o Tipan, na ang laman ay yung mga nakita natin na nakasulat sa Exodus 20-23.
Pakinggan n’yong mabuti ang bawat tagpo sa eksenang ito at mapapansin natin na mula sa simula nito hanggang sa dulo ay para bang isang munting sulyap sa mahahalagang yugto rin sa kuwento nating mga Kristiyano.
Paanyayang lumapit sa Diyos (Exod. 24:1-2)
Ang simula ng kuwento nating mga Kristiyano ay ang Diyos at ang pagnanais ng Diyos na lumapit tayo sa kanya. Ganito rin ang simula ng eksena dito sa Exodus 24. May paanyaya ang Diyos kay Moises. Hindi naman ito ang first time, dahil una nang in-express ng Diyos ang intensyong ito nang magpakita siya sa bundok ding ito sa pamamagitan ng isang burning bush (Exod. 3). Bago siya ipadala ng Diyos para iligtas ang mga Israelita mula sa pagkakaalipin sa Egipto. Fast forward sa story, nakalabas na sila sa Egypt, nandito na sila sa Mt. Sinai. Naibigay na ng Diyos ang Sampung Utos sa kanila, at nasabi na ng Diyos kay Moises ang ilang mga detalye nito sa Book of the Covenant. Ngayon naman ay may invitation ang Diyos sa kanya para sa isang “ratification meal party” (Stuart, Exodus, 551), isang seremonya para mapagtibay ang Tipan.
Heto ang invitation ng Diyos kay Moises, “Umakyat ka rito sa bundok. Isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpu sa mga pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin. Ikaw lamang ang makakalapit sa akin. Sabihin mo naman sa mga taong-bayan na huwag aakyat sa bundok” (Exod. 24:1-2 MBB).
Sino ang nagbigay ng paanyayang ito? Walang iba kundi si Yahweh. Ang nag-iisang Diyos. So, hindi lang ito isang imbitasyon na pwede mong tanggihan. Isa itong utos na dapat mong sundin. Ito yung boses ng Diyos na natakot ang mga Israelita nang mapakinggan nila (Exod. 20:18-19). Ito yung Diyos na hindi mo pwedeng balewalain ang sinasabi niya.
Sino ang iniimbitahan? Si Moises primarily. Pero sinabi niya na isama si Aaron na kapatid ni Moises, pati ang mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu. Ang tatlong ito ang magiging leading priests ng Israel, at si Aaron ang high priest. Bukod sa kanilang apat, meron pang invited din na seventy elders. Sila lang ang invited na umakyat sa bundok. Walang sinuman bukod sa kanila ang invited na umakyat sa bundok. Ok lang din naman sa mga tao na hindi sila invited, natatakot nga sila na humarap sa Diyos.
Ano ang gagawin nila sa pag-akyat sa bundok? “Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin.” Ito naman ang gusto ng Diyos sa bawat isa sa atin—na sambahin natin siya. Pero dito, worship at a distance. Hindi sila pwedeng lumapit sa Diyos. Matutupok sila ng nagliliyab na kaluwalhatian ng Diyos kung ganun.
Sino lang ang pwedeng lumapit sa Diyos? Si Moises lang. “Ikaw lamang ang makakalapit sa akin.” Si Moises lang ang may exclusive access sa presence ng Diyos.
May paanyaya ang Diyos sa atin—hindi lang sa ilang tao—na lumapit sa kanya. We do not worship God at a distance ngayon. Hindi na natin kailangang umakyat ng bundok para sumamba at lumapit sa Diyos. Paano nangyari? Dahil kay Jesus, ang Diyos mismo ang bumaba para ilapit ang sarili niya sa atin.
Kahit nasaan tayo makakasamba tayo sa Diyos. Pero hindi pwedeng palaging mag-isa. As a church, inaanyayahan tayo ng Diyos na lumapit sa kanya na hindi magkahiwalay kundi sama-sama. “Let us draw near with a true heart in full assurance of faith…not neglecting to meet together…” (Heb. 10:22,25). Yan ang ginagawa natin sa tuwing nagsasama-sama tayo. Sama-samang lumalapit at sumasamba sa Diyos.
Pero paanong si Moises ay nakalalapit sa Diyos tapos ang iba ay hindi? Dahil ba he is more righteous kaysa sa iba? Tayo naman, when we gather together as a church, tapos yung iba ay nasa kanya-kanyang bahay lang, ibig sabihin ba nun ay nakakalapit tayo sa Diyos dahil we are better than others? Magiging mas malinaw ang sagot sa susunod na bahagi ng kuwento.
Pagwiwisik ng dugo (Exod. 24:3-8)
May paanyaya ang Diyos na lumapit ang taong makasalanan sa kanya. Pero dahil sa kasalanan, hindi tayo makakalapit sa kanya. Paano na ‘yan? Ang solusyon ba ay subukan lang natin na mas maging “better people,” at mas makasunod sa mga utos ng Diyos. Siyempre naman, God requires perfect obedience. Kaya nga yung mga utos na sinabi ng Diyos kay Moises sa nakaraang two chapters ay sinabi na niya sa mga tao (Exod. 24:3), bago siya umakyat sa bundok ayon sa sinabi ng Diyos. Anong response ng mga tao? Alam nila ang tamang sagot, hindi tulad ng ibang mga bata, o kahit tayong mga matatanda, “Puro utos naman. Ang dami namang utos. Ang hirap naman niyan.” No, ang sagot nila, “Lahat ng iniuutos ni Yahweh ay susundin namin” (v. 3).
Siyempre, dapat lang. Alangan namang sagot nila, “Susubukan namin ha. At least yung kalahati susundin namin, para pasado, kahit pasang-awa.” God demands and God deserves yung buung-buong pagsunod natin sa lahat ng mga utos niya. Sinabi na rin nila ang tamang sagot na ‘yan sa chapter 19 pa lang, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ni Yahweh” (Exod. 19:8). At inulit nila ang sagot na ‘yan later sa kuwento natin, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh” (Exod. 24:7). Para malinaw, para naka-record, “isinulat ni Moises ang lahat ng utos ni Yahweh” (v. 4). Lahat ng utos nakasulat. Lahat ng utos dapat sundin.
Masusunod ba nila? Nasunod ba natin ang mga utos ng Diyos? Paano naman tayong mga pasaway sa utos ng Diyos, mga rebelde sa paghahari ng Diyos, makakalapit sa Diyos na banal? Alam ng Diyos ang problemang ito. Alam ni Moises na may kailangang gawin para sa mga tao. Hindi man sila umakyat sa bundok, dapat pa ring solusyunan ang problema nila sa pagsuway sa utos ng Diyos. Ano ang solusyon? Heto ang ginawa ni Moises:
Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ng Israel. [Ibig sabihin, problema ito ng lahat, lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos, Romans 3:23] 5 Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin (burnt offering). Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamitin bilang handog sa pakikipagkasundo kay Yahweh (peace offering). 6 Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati’y ibinuhos niya sa altar. (Exod. 24:4-6)
Dahil lahat sila ay makasalanan, kailangang merong ihandog at isakripisyo bilang kapalit nila o substitute para magbayad ng mga kasalanan nila at sa gayo’y makalapit sila sa Diyos sa pagsamba. Kailangang merong dugong maibuhos, merong mamatay na kapalit nila para hindi sila ang mamatay.
Pagkatapos nito, nag-Scripture reading si Moises, binasa ang nakasulat sa Exodus 20-23. Sabay-sabay namang sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh” (Exod. 24:7). Hindi sapat ang anumang “resolution” o “commitment” o “dedication” ng taong makasalanan na sumunod sa lahat ng utos ng Diyos. Kailangan talaga nilang “actual” na sundin ang lahat. Kung hindi susundin ang lahat ng utos ng Diyos, at partial lang, para mo na ring sinuway ang lahat ng utos ng Diyos. “Ang tumutupad sa buong Kautusan pero lumabag sa isa sa mga ito ay lumabag na rin sa buong Kautusan” (Jas. 2:10 ASD). Wala tayong kalayaan na sundin lang kung ano ang gusto nating sundin. Wala tayong kakayahan na sundin ang lahat ng utos ng Diyos. That is why we need atonement.
Yung kalahati ng dugo ng hayop na pinatay ay ibinuhos ni Moises sa altar (Exod. 24:6). Ang kalahati naman ay inilagay niya sa mangkok at siyang ginamit para wisikan ang mga tao (v. 8). Heto ang sabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito” (v. 8). Katibayan na sila’y mga makasalanan at lalabag sa mga terms of the covenant: guilty sila at dapat silang mamatay tulad ng hayop na kinatay. Katibayan din na ang Diyos ang gagawa ng paraan para hindi sila mamatay, at merong mamamatay bilang kapalit nila tulad ng hayop na kinatay: substitutionary atonement. Ang mga Israelita, sa buong kasaysayan nila, ay sumira sa ipinangako nilang pagsunod sa lahat ng utos ni Yahweh. Si Yahweh, kahit kailan ay hindi sumira sa kanyang pangakong nakakabit sa kanyang pakikipagtipan sa kanila.
Sa katunayan, ang eksenang ito ay binanggit sa Hebrews 9:19-20 para tukuyin kung paano tinupad ng Diyos ang mga salita niya sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Na kung paanong ang lumang tipan ay pinagtibay sa pamamagitan ng dugo, ang bagong tipan naman kay Cristo ay pinagtibay rin sa pamamagitan ng dugo, ng dugo ni Cristo. “Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pag-aalay ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan” (Heb. 9:22). Si Cristo mismo ang nagsabi, sa kanyang huling hapunan kasama ang mga disciples niya, “Sapagkat ito ang aking dugo na katibayan ng tipan ng Diyos. Ito ang aking dugong ibinubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami” (Matt. 26:28 AB). May kapatawaran ng kasalanan dahil sa dugo na ibinuhos ni Cristo para malinis tayo sa ating mga kasalanan. Dahil sa dugo ni Cristo, makakalapit na tayo sa Diyos. “Tayo’y lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig” (Heb. 10:22AB).
Wala nang ibang mas mahalagang tanong na dapat mong masagot sa buhay mo. Hindi yung baon sa utang, “Paano ako makakaahon?” Hindi yung matagal nang single, “Kailan kaya ako magkakaasawa?” Kundi yung tanong ng isang tao na inaamin na sila’y makasalanan, “Paano ngayon ako makakalapit sa Diyos?” Nasa mabuting balita ni Cristo ang sagot. Paano ka mawiwisikan ng dugo ni Cristo? Hindi sa pamamagitan lang ng pag-attend sa church o pagpapabaptize o pag-take ng Lord’s Supper. Walang bisa ang mga iyon kung hindi mo pakikinggan, paniniwalaan, at tatanggapin sa puso mo na si Cristo ang Tagapagligtas mo na nag-alay ng kanyang buhay para sa ‘yo. At kapag sumampalataya ka kay Cristo, you are washed by his blood, malinis na, pinatawad na, binalutan na ng katuwiran ni Cristo, at malayang makakalapit sa Diyos.
Salu-salo kasama ang Diyos (Exod. 24:9-11)
Hindi lang makakalapit. Ano ba naman ang inam na makalapit ka sa Diyos? Hindi ka nga mamamatay, pero ano naman ang inam ng ganung karanasan? Para bang dumaan ang isang importanteng tao—isang presidente, o isang bilyonaryo—tapos nakita mo, pinayagan kang lumapit, nakamayan mo, nakapagpa-picture pa. You feel good. But that’s not the good news of the gospel. Hindi lang feel good experience. It is so much more. Tingnan n’yo yung sumunod na nangyari.
“Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel” (Exod. 24:9). Yun naman ang sinabi ng Diyos sa kanila sa simula. May imbitasyon ang Diyos. Tumugon sila. At kahit hindi pa sila nakakalapit, “nakita nila ang Diyos ng Israel” (Exod. 24:10). Wala naman talagang tao na makakakita sa Diyos dahil ang Diyos ay espiritu. “Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya” (1 Tim. 6:16). At kung may makakakita man sa Diyos, ibig sabihin, hindi ito full manifestation of his glory. Magpapakita lang siya sa anyong makikita ng mga tao. At sa kasong ito, ang nakita lang ng mga umakyat sa bundok ay paanan ng Diyos. Wala naman siyang paa siyempre. Anthropomorphism tawag dito, pagsasalarawan sa Diyos sa anyo na para bang tao. “Ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit” (Exod. 24:10). Sa pakikipagtagpo nila sa Hari ng langit, ang pagtingin nila ay hanggang paanan lang” (Enns, Exodus, 491).
Tulad ng nakitang vision nina prophet Isaiah (Isa. 6:1) at prophet Ezekiel (Ezek. 1:26; 10:1), nakita din nila ang kingly glory and majesty ng Diyos. Walang katulad ang kanyang kamahalan, kadakilaan, kaningningan, at kaluwalhatian. Paanan pa lang ang nakita nila. Paano pa kung ang buong kaluwalhatian ng Diyos ang makikita nila? Ano’ng mangyayari? Hindi lang manlalaki ang mata nila sa pagkamangha…mamamatay sila! Ito mismo ang sabi ng Diyos kay Moises sa Exodus 33:20 (tingnan din ang Gen. 32:30; Judg. 13:22). Seeing God means death. Kaya nga ang sagot ni Isaiah nang makita niya ang nagniningning na glory ng Panginoon, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat?” (Isa. 6:5).
We deserve death sa pagharap natin sa Panginoon. Pero sa biyaya ng Diyos, hindi ganoon ang nangyari sa mga lalaking umakyat ng bundok nang makita nila si Yahweh. “Ngunit walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos” (Exod. 24:11). Hindi sila pinatay ng Diyos. Hindi sila pinaakyat ng bundok ng Diyos para lang patayin. Pinaakyat sila sa bundok para makita nila ang Diyos at…makasalo. “At sila’y kumain doon at uminom” (v. 11). Ang pakikisalo sa isang hapag-kainan ay hindi lang para mabusog ang mga nagugutom. More than that, it is a sign of approval, friendship, communion, intimacy.
Kaya nga ang Lord’s Table natin (every 2nd Sunday sa morning service, every 4th Sunday sa evening service) ay hindi lang isang ritwal. Ito ay isang fellowship meal. Nagsasalo-salo tayong bilang isang pamilya ng Diyos—kasama natin ang Diyos, ine-enjoy natin ang relasyon na meron tayo sa Diyos. Paano naging posible na nagkaroon tayo ng ganitong communion with God? Dahil kay Jesus, nakita natin ang Diyos. “Kailanma’y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit ang natatanging Diyos (si Cristo na Anak ng Diyos) na pinakamamahal ng Ama, ang nagpakilala sa Ama” (John 1:18). Nakita natin ang Diyos dahil nakilala natin si Cristo (John 14:9). At hindi lang nakita, nakakasama at nakakasalo pa. Namatay si Cristo para ilapit tayo sa Ama, “that he might bring us to God” (1 Pet. 3:18). “At tunay na ang ating pakikisama (fellowship) ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo” (1 John 1:3).
Gusto ng Diyos—at ito ang point kung bakit namatay si Cristo—na ikaw na makasalanan ay mailapit sa kanya, na mayakap niya, na ipadama sa ‘yo ang pagmamahal niya, na ibuhos sa ‘yo ang kabutihan niya, na iparanas sa ‘yo ang walang hanggang kagalakan sa presensiya niya. Oo, may mga panahon na parang hindi ganyan ang nararanasan mo, dahil na rin sa mga struggles natin at mga sufferings na nararanasan natin sa mundong ito. May mga panahon na pinagdududahan mo kung ‘yan nga ba ang gusto ng Diyos para sa ‘yo. Pero sa mga panahong iyon, mas lalo pa tayong pinananabik ng Diyos sa araw na darating na mukhaan natin siyang makikita, at makakasalo natin si Cristo sa isang napakalaking hapag-kainan, engrandeng fiesta, kasama ang lahat ng mga iniligtas ng Diyos—hindi lang pitumpu’t apat—kundi milyong-milyong mga tao na nagsasalo-salo sa kabutihan ng Diyos. “Blessed are those who are invited to the marriage supper of the Lamb” (Rev. 19:9).
Kaya nga isang dahilan bakit mahalaga ang regular na pakikibahagi natin sa Lord’s Supper ay ito: “Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito” (1 Cor. 11:27). Kinasasabikan mo ba ‘yan? O mas mahalaga pa sa ‘yo ang boodle fight kasama ang mga kaibigan mo? We are killjoys. Napakababaw ng kaligayahan natin samantalang walang-hanggang kagalakan ang plano ng Diyos para sa atin.
Mga tuntuning ituturo (Exod. 24:12-14)
Walang hanggang kagalakan. Wala pa tayo diyan. Hinihintay pa natin ‘yan. Ano ang kailangan nating gawin habang naghihintay?
Itong sila Moises, pagkatapos ng covenant party sa bundok ay bumaba na siyempre. After some time, pinaakyat na naman siya ng Diyos, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao” (Exod. 24:12). Sinabi sa Exodus 31:18 na itong tapyas ng bato na kinapapalooban ng Sampung Utos ay isinulat ng daliri ng Diyos. Of course, anthropomorphism ulit ‘yan. Wala namang daliri ang Diyos. Ang point, to emphasize na utos ‘yan na galing sa Diyos. Hindi lang kay Moises, bagamat sinabi rin kanina na isinulat naman ni Moises ang nakasulat sa Covenant Code. Kapag ang Diyos ang nag-utos, dapat sundin. Hindi komo sinabing hindi nila magagawang sundin lahat, at ang Diyos ang gagawa ng paraan para mapatawad sila sa pagsuway nila, it doesn’t excuse their responsibility to obey.
Ganun din sa buhay Kristiyano. The Christian life is a life of obedience. Hindi mo pwedeng sabihing dahil makasalanan ka, at hindi mo kayang sundin lahat, at si Jesus ang gumawa ng lahat para sa atin, ay excuse ka na sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Hindi ganun. Ang point nga ng ginawa ni Cristo sa atin ay para palayain tayo sa pagkakaalipin sa kasalanan, nang sa gayon ay maging malaya tayo at magkaroon ng kakayahan sa tulong ng Diyos na sumunod sa kanyang mga utos.
Nag-utos ang Diyos, umakyat nga si Moises sa bundok. Kasama niya ang assistant niyang si Josue (v. 13). Hindi lang sure kung sa simula lang ba, kasi si Moises lang ang tinutukoy na “umakyat sa bundok ng Diyos” (v. 13 AB, nawala sa MBB). Si Josue ang papalit kay Moises pagkamatay niya, at siyang magdadala sa Israel sa Promised Land. At dahil mahigit isang buwang mawawala si Moises, naghabilin siya kung sino ang gagawa ng mga maiiwan niyang leadership responsibilities. Hindi niya sinabing, kapag may problemang dapat n’yong ilapit sa akin, hintayin n’yo akong bumalik. Ang sabi niya sa mga elders, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo” (v. 14). Si Hur ay kaibigan din ni Moises na tumulong sa kanya, kasama si Aaron, na hinawakan ang kamay niya sa pakikipaglaban nila sa mga Amalekites (Exod. 17:10, 12). Habang wala si Moises, itong sina Aaron at Hur ang sasalo sa mga maiiwan niyang responsibility.
May trabaho ang bawat Kristiyano. Ang salvation by grace through faith ay hindi nangangahulugang wala ka nang gagawin at hihintayin mo na lang na mamatay ka o bumalik si Cristo. Pagkatapos ng Ephesians 2:8–9 (“…by grace you have been saved through faith…not a result of works”) ay merong Ephesians 2:10 (“we are…created in Christ Jesus for good works”). Sa church, sino ang may obligasyon na sumunod at maging committed sa pagsunod sa mga utos ng Diyos? Hindi lang ang mga “full-time” staff pastors, kundi katuwang ang iba pang mga pastors/elders ng church. Hindi lang mga elders, kundi katuwang din ang mga deacons. Hindi lang ang mga elders at deacons, kundi katuwang din ang lahat ng mga members in doing the work of the ministry (Eph. 4:12). Kapag may nawala o nagpahinga sa ministry, ‘wag nating hintayin bago may gumawa sa ministry. Gawin mo ang magagawa mo para matugunan kung ano ang kailangan. Kapag may pagkukulang ang pastor, pwedeng punahin at paalalahanan, pero mas mainam kung may gagawin ka rin para matulungan siya na gumaan ang trabaho.
So far, ganito ang nakita nating takbo ng kuwento ng Exodus 24 at yung kaugnayan nito sa buhay Kristiyano: Nais ng Diyos na lumapit tayo sa kanya. Kaso mamamatay tayong mga makasalanan kung lalapit tayo sa kanya. Hindi natin kaya sa sarili natin, kaya kailangan ang paglilinis sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Dahil sa ginawa ni Cristo, by faith in him, makakalapit na tayo sa Diyos, makikita natin siya, at makakasalo siya bilang Ama sa kanyang mga anak. At hindi natin pwedeng ihiwalay ang intimacy sa Diyos sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya meron tayong trabahong dapat gawin: ang sumunod sa lahat ng kanyang mga utos bilang mga disciples ni Cristo (Matt. 28:19), particularly sa konteksto ng relasyon natin sa isa’t isa sa loob ng church.
Ang kaluwalhatian ng Diyos (Exod. 24:15-18)
Hindi pa tapos ang kuwento ng Exodus 24. Hindi pa rin naman tapos ang kuwento ng buhay natin. Paano ito magtatapos? Tulad ng sabi ng Diyos, umakyat na nga si Moises sa bundok, at itong bundok na ito ay natakpan ng ulap (Exod. 24:15). Ang bundok na ito ang nagsisilbing tirahan at trono ng Diyos, “The glory of the Lord dwelt on Mount Sinai” (v. 16). Ganito ang eksenang nasaksihan ni Moises sa loob ng anim na araw ng paghihintay niya. Sa ikapitong araw, tinawag ni Yahweh si Moises sa gitna ng ulap. Kapag naranasan mo ang presensiya ng Diyos, at narinig ang boses niya, hindi ito yung ordinary na nagiging routine ng ibang Christians na nabo-bore lang kapag Sunday sa church, lalo na kapag nakikinig ng mahabang sermon ng pastor. This is God’s awesome presence. Yung mga Israelita na nasa paanan ng bundok, nakita nila ang ulap na ito na bumabalot sa bundok na “parang nagniningas na apoy” (v. 17), “a devouring fire.” “At unti-unti siyang natakpan ng ulap habang umaakyat; nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw at gabi” (v. 18).
Forty days. Malayo siya sa asawa niya. Hindi niya nakakausap ang mga anak niya. Walang internet. Walang video chat. Walang Facebook. Walang Netflix. Walang fried chicken. Walang Starbucks. Walang ministry. Walang palakpak at pagbati ng mga tao. Walang alam sa mga nangyayari sa mundo. Walang kahit ano maliban sa Diyos. Do you think na-bored siya? O nalungkot siya? O nainip na siya? Walang sinabi sa story, pero kung alam lang natin kung ano ang presensiya ng Diyos, masasabi malamang ni Moises na yung forty days na yun ay the best forty days of his life!
Ikaw, masisiyahan ka ba sa buhay mo kung tatanggalin ng Diyos ang lahat—ang pamilya mo, ang kayamanan mo, ang pangarap mo, ang lahat-lahat sa ‘yo—at Diyos na lang ang matitira sa ‘yo? Kung nahihirapan kang sagutin ‘yan, you’re missing the point of everything. Nilikha ka ng Diyos, niligtas ka ni Cristo, binabago ka ng Espiritu for God himself. Ang Diyos ang punto ng lahat. Siya ang ending ng kuwento ng buhay natin. He is our highest good, our greatest joy, our everlasting treasure. Ang punto ng buhay natin? “To glorify God and enjoy him forever” (Westminster Shorter Catechism Q1).
At mararanasan natin ‘yan, enjoying God forever, dahil kay Cristo na nakahihigit ang glory kaysa kay Moises (Heb. 3:3). Ang Anak ng Diyos ay higit na dakila kaysa sa lingkod ng Diyos na si Moises (vv. 5-6). Yan din ang point nung nakita nina Peter, James, and John na nagbagong-anyo si Cristo sa bundok, with Moses and Elijah. Nasulyapan nila ang nagniningning na kaluwalhatian ni Cristo. Oo kilala ng Diyos si Moises “face to face” (Deut. 34:10). Pero si Cristo, siya mismo ang larawan ng Diyos. Pero kahit na ganyan kataas ang status niya, ibinaba niya ang sarili niya na parang isang alipin (Mark 10:45; Phil 2:7). Si Moises ay 40 days nasa presensiya ng Diyos sa bundok, pero si Jesus ay 40 days na nasa disyerto at nakikipagbuno sa mga tukso ng diyablo. At sa krus, hindi niya na-enjoy ang presensiya ng Diyos, “My God, my God, why have you forsaken me?” Tiniis niya ang lahat ng iyon, para ano? Para sa halip na tupukin tayo ng apoy ng presensiya ng Diyos ay mabalot tayo ng ulap ng presensiya niya at ma-enjoy natin ang makapiling ang Diyos hindi lang forty days or even forty years, but forty thousands years and beyond in eternity.
Kung tayo ay nakay Cristo—make sure you are in Christ—makikita natin ang Diyos, makakalapit tayo sa Diyos, makakasama at makakasalo natin ang Diyos, at makakapiling natin siya, enjoying his presence for all eternity. Walang anumang bagay o karanasan sa mundong ito ang makakatumbas sa ganyang relasyon natin sa Diyos. Wala.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

