Ang Utos ng Diyos at ang Puso ng Tao
December pa last year ang huling sermon natin sa series natin sa Exodus. Ituloy na natin. Natapos na natin ang pagtalakay sa kabuuan ng Ten Commandments sa Exodus 20. A few years ago, inisa-isa natin ang mga utos na ‘yan. Last December, nagfocus tayo sa ika-apat na utos, yung may kinalaman sa Sabbath. Ngayon naman, mag-focus muna tayo sa ikasampung utos, bago natin tingnan ang iba pang mga detalye ng mga utos na bigay ng Diyos sa Israel sa Mt. Sinai, sa susunod na mga chapters sa Exodus, at kung ano ang kinalaman niyan sa atin ngayon.
Bakit mahalaga itong ikasampung utos? Hindi lang kasi ito isa sa mga utos ng Diyos. Konektado ito sa iba pang mga utos ng Diyos, mas matutulungan tayo nito na mas makita kung ano ang kasalanan at ugat ng kasalanan. Kapag tiningnan kasi natin ang ibang kasalanan, meron tayong tendency na tingnan ang mga malalaking kasalanan tulad ng pagpatay, sekswal na imoralidad, at pagnanakaw na higit na seryoso kaysa sa mas maliliit na kasalanan tulad ng pagsisinungaling o materialism o katamaran o katakawan. Totoo namang mas seryoso ang mga yun, pero hindi ibig sabihing babalewalain na natin yung mga tinatawag nating “acceptable” o “respectable” sins. Ang kasalanan ay kasalanan.
Yung iba naman, especially yung mga non-Christians, inaakala na ang kasalanan ay yung mga obvious lang na nakikitang kasalanan. Kapag inisip mo pa lang naman na magnakaw, o nagplano ka sa isip mo na gagawa ng masama, pero hindi mo naman ginawa, akala ng iba ay hindi naman yun kasalanan. May mga kasalanan na madaling makita, merong external evidence. Meron namang kasalanan na hindi nakikita. Malaki o maliit sa paningin natin, obvious man na nakikita o nasa isip at puso lang natin, ang kasalanan ay kasalanan.
Ito ang maitutulong sa atin ng pag-aaral ng ikasampung utos. Maipapaalala sa atin na concern ang Diyos hindi lang kung gagawin ba natin ang inuutos niya o susuwayin. Ang pinakaconcern ng Diyos ay ang kalagayan ng puso natin, kung ano ang mga desires natin. Obedience to God is a matter of the heart. Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay may higit na kinalaman sa puso natin. Yun ang mas dapat nating bantayan. Hindi yung mga panlabas lang. Hindi kung ano ang isusuot (gusto mo malinis at maganda ang isusuot), o ano ang kakainin (gusto mo malinis at healthy ang kakainin), o paano aayusan ang church natin (siyempre gusto natin malinis at presentable). Mahalaga rin naman yun, pero gustong i-point out ni Cristo kung ano ang pinakamahalaga sa lahat na pagtuunan natin ng pansin, at bantayan—ang pagkakaroon ng malinis na puso.
Mark 7:21–23: Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya. (ASD)
Ang kasalanan sa puso ng tao ang nag-uudyok sa atin na suwayin ang sampung utos ng Diyos. Kasama dito ang paglabag sa ikasampung utos, na direktang naka-target sa puso ng tao. Exodus 20:17, “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya” (MBB).
Bago natin ito pag-aralan, alalahanin natin kung bakit mahalaga itong pag-aralan. Una, para makita natin na tayo ay makasalanan at kung gaano kalala ang kasalanan sa puso natin. “Hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan,” sabi ni Paul sa Romans 7:7, pagkatapos ay binanggit ang ika-10 utos. Ikalawa, kung makita natin ang kasalanan natin, ito ang magtutulak sa atin na humingi ng kapatawaran sa Diyos, at magtiwala kay Cristo na Tagapagligtas ng mga makasalanan. Ikatlo, para matutunan natin kung paano tayo dapat humingi ng tulong sa Espiritu para makasunod sa mga utos niya palagi at sa paraang nakapagbibigay ng karangalan sa kanya. Let us pray na ganito ang mangyari sa pag-aaral natin ngayon ng ika-10 utos. In line with this, heto ang mga tanong na sasagutin natin:
Ano ang ipinagbabawal at ipinag-uutos sa ika-10 utos ng Diyos?
Gaano kabigat ang pagsuway sa ika-10 utos ng Diyos?
Paanong ang ika-10 utos ng Diyos ay nagtuturo sa atin patungo kay Cristo?
Paano tayo makakapamuhay nang naaayon sa ika-10 utos ng Diyos?
Take note ang emphasis sa bawat tanong ay “ika-10 utos ng Diyos,” ng Diyos, hindi ng nanay mo, hindi ng teacher mo, hindi ng boss mo, hindi ng gobyerno. Utos ng Diyos—dapat pakinggang mabuti, dapat unawaing mabuti, dapat pagtiwalaang ito’y para sa ikabubuti natin.
Ano ang ipinagbabawal at ipinag-uutos sa ika-10 utos ng Diyos?
Obvious na merong ipinagbabawal. “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya’ (Exod. 20:17). Hindi ibig sabihing masama ang anumang pagnanasa o desires. Hindi naman masama ang mag-desire ng mga bagay sa mundong ito kung kailangan naman natin yun para mabuhay. Kapag gutom, gusto nating kumain. Kapag nauuhaw, gusto nating uminom. Gusto nating meron tayong maayos na bahay na matitirhan, makapagtapos ng pag-aaral, magkaasawa, magkaanak, magkatrabaho o magkanegosyo, makapagbakasyon, makapamasyal, makapaglibang, makapagpahinga. Legitimate at natural desires ‘yan. Pero merong warning sa atin. Ikinumpara ni Thomas Watson (The Ten Commandments, p. 174) ang tao na parang bangka na naglalayag sa dagat. Kailangan ang tubig ng dagat para makapaglayag. Pero delikado kapag nakapasok na ang tubig sa bangka. Ganun din sa mga bagay sa mundong ito, kapag nakapasok ang mundo sa puso natin, delikado.
Kaya ipinagbabawal sa ika-10 hindi lang ang pagsiping sa asawa ng iba, kundi maging ang pagnanasa pa lang na makuha ang asawa ng iba, hindi lang ang nakawin ang pag-aari ng iba—ang hayop na kanila, o ang lupain nila, o ang iPhone nila, o ang kotse nila, o ang pera nila, o anumang pag-aari nila—kundi maging ang pagnasahang mapunta sa ‘yo ang hindi naman sa ‘yo o para sa ‘yo. Ano ang ipinagbabawal? Sagot ng Westminster Larger Catechism (Q148), “Kawalang-kasiyahan sa ating sariling ari-arian; inggit at pagkalungkot sa kabutihang dinaranas ng ating kapwa, kasama na ang lahat ng mga hindi akmang pagnanasa at pagtatangka sa anumang bagay na nasa kanya.”
Halimbawa: Sa isang bata, “Kung meron lang sana ako na laruan na katulad ng sa kalaro ko.” Sa mga walang asawa, “Kung may asawa lang sana ako, hindi na ako malulungkot.” Sa mga may asawa, “Mas mainam pa pala kung hindi na lang ako nag-asawa.” O, “Kung katulad lang sana ni Piolo ang asawa ko, mas magiging maayos ang relasyon namin.” Kung hirap financially, “Kung naging mayaman lang sana kami, kung naging mayaman lang sana ang napangasawa ko, mas magiging masaya kami.” Kung mayaman naman, “Kung mas malaki lang sana ang negosyo ko, kung makabili sana ako ng mas mamahaling kotse, kung makapag-invest lang sana ako ng mas malaki pa, mas magiging panatag ang loob ko.” Kung isang pastor, “Kung mas magiging sing-laki lang sana ng CCF o Victory ang church namin, para di na kami namomroblema sa mga gastusin o sa workers na kailangan sa ministry.” O kung sawa ka na sa iPhone mo, maayos pa naman, wala pa namang isang taon, pero nakita mo yung iPhone 15, “Mag-aupgrade na ko. May credit card naman. Installment naman.” O kung nakikita mo ang mabuting nangyayari sa ibang tao, “Buti pa siya ikinasal na. Buti pa sila, nagkaanak na. Buti pa sila, may sariling bahay na. Buti pa sila may ang gaganda ng pictures na nakapost sa Facebook. Sana all.” Sa ugat ng lahat ng ito, ng covetousness, ay ang kawalan ng kakuntentuhan sa mga bagay na itinakda ng Diyos—in his wise providence—na ibigay sa ‘yo at maranasan mo.
Kung merong ipinagbabawal (negatively), sa kabilang banda ay meron ding ipinag-uutos (positively). Ano naman yun? Heto ang sagot ng Westminster Larger Catechism (Q147), “lubos na nakukuntento sa ating sariling kalagayan, at mayroong mapagmahal na damdamin sa ibang tao, sa paraang anumang tatangkain o nanaisin o gagawin natin para sa kanya ay para sa ikabubuti niya.” Dalawang bagay in summary: contentment sa sarili nating kalagayan at sitwasyon sa buhay at pagmamahal sa ating kapwa sa paraang ang iniisip at ninanais natin para sa iba ay kung ano ang para sa ikabubuti nila. Kapag meron kang gusto na hindi naman masama, instead of daydreaming or fantasizing, pwede kang humiling sa Diyos, “Lord, hiling ko po na bigyan n’yo po ako ng mapapangasawa—yung Kristiyano rin, at godly.” “Lord, hiling po namin na bigyan n’yo kami ng anak.” “Lord, prayer po namin na mas marami ang maging members ng church at mas marami pa ang makakilala kay Cristo.” “Lord, sana po magkatrabaho na ang asawa ko.” Pero nandun yung puso na nagtitiwala sa Diyos na anuman ang maging sagot niya ay para sa ikabubuti natin, at anumang hirap o kakulangan ang sa tingin natin ay nararanasan natin, palaging sapat ang biyaya ng Diyos sa atin sa araw-araw. At sa lahat ng ito, hindi lang sarili mo ang iniisip mo. Masaya ka kapag umaasenso ang ibang tao, at nag-iisip ka ng paraan kung paano naman makakatulong sa iba.
Ang tanong, nakakasunod ka ba sa ika-10 utos ng Diyos—all the time, 24/7, perfectly, with a pure heart? Without exception, lahat tayo ay sumuway sa utos ng Diyos. Inaamin natin na sumuway tayo, pero ang susunod na tanong, do we realize kung gaano kabigat ang pagsuway sa ika-10 utos? O minamaliit natin, “At least, hindi naman ako nagnakaw. Hindi naman ako nang-agaw ng asawa ng iba. Hindi naman ako pumatay para lang makuha ang gusto ko.” That’s the problem, we try to make ourselves feel better by minimizing our sins.
Gaano kabigat ang pagsuway sa ika-10 utos ng Diyos?
Ang pagsuway sa ika-10 utos ay mabigat dahil ito ay kasalanan laban sa Diyos. Sinabi ni Pablo na ang covetousness ay idolatry o pagsamba sa diyos-diyosan (Col. 3:5), at ang taong covetous ay idolater o sumasamba sa diyos-diyosan (Eph. 5:5). Ang paglabag sa ika-10 utos ay paglabag din sa unang utos, “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin” (Exod. 20:3). Bakit? Kapag pinagnasahan mo ang kayamanan na meron ang ibang tao, dinidiyos mo ang pera sa pag-aakalang ito ang magbibigay sa ‘yo ng seguridad sa buhay. Kapag pinagnasahan mo ang asawa ng iba, dinidiyos mo ang taong iyon sa pag-aakalang siya ang makapagbibigay ng kasiyahang hinahanap mo. Kapag pinagnanasahan mo ang mga accomplishments o talentong meron ang iba, dinidiyos mo ang mga yun at sinasabing ito ang magbibigay ng halaga sa pagkatao mo. Ipinagpapalit mo ang Diyos sa mga bagay na yun at sinasabing mong kulang ang katiyakan, kayamanan, at kahalagahan na meron ka sa Diyos. Ang covetousness ay malaking kasalanan laban sa Diyos dahil ito ay pagmamaliit sa kadakilaan, kabutihan at kasapatan ng Diyos.
Ang pagsuway sa ika-10 utos ay mabigat dahil hindi lang ito kasalanan laban sa Diyos, ito rin ay kasalanan laban sa kapwa tao na nilikha rin sa larawan ng Diyos. Sinabi ni Pablo sa Romans 13:9 na ang suma ng ika-10 utos, kasama ang utos laban sa adultery, murder at stealing, ay, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Kapag pinagnanasahan mo ang pag-aaari ng kapwa mo, ibig sabihin ay hindi ka nasisiyahan sa kasiyahan ng iba, na mas mainam pa para sa ‘yo na mas maginhawa ang buhay mo at ang iba naman ay hindi, na mas deserving ka ng mga blessings ng Panginoon kaysa sa iba. Ang pagsuway sa ika-10 utos ay selfish at unloving.
Ang pagsuway sa ika-10 ay mabigat dahil ito ay nagbubunga ng iba pang mga kasalanan.
James 4:2, “Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya’t pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo’y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos.” Sa halip na ipag-pray natin ang kahilingan natin sa Diyos, at magtiwala sa kanya na wala siyang ipagkakait na anumang kailangan natin—ibig sabihin, hindi lahat ng gusto natin ay ibibigay ng Diyos—kapag yung ninanasa nating maangkin natin ay yun ang palaging iniisip natin, hindi ka mapapakali, hindi ka makukuntento, at mag-iisip ka ng paraan para makuha yun. Ang resulta, lalabagin mo ang unang utos, tulad ng nakita natin kanina. Lalabagin mo ang ikalawang utos, “Huwag kang gagawa ng imahen para sambahin”— kapag kumikinang ang mga mata mo kapag imahe ni Ninoy Aquino ang nakikita mo. Lalabagin mo ang ikatlong utos—gagamitin mo ang pangalan ng Panginoon, doing ministry in his name, pero sariling kasikatan pala ang hinahangad mo. Lalabagin mo ang ikaapat na utos—okay lang sa ‘yo ang umabsent kapag Sunday worship para makapag-overtime, para ma-promote, para tumaas ang makuhang grade sa school. Lalabagin mo ang ikalimang utos—wishing na dumating na ang araw na mawala na ang mga magulang mo para makuha ang mamanahin mo. Lalabagin mo ang ikaanim na utos—hindi ka man pumatay, pero dahil pinaghaharian ka ng inggit, ni ayaw mong makita ang pagmumukha ng taong iyon. Lalabagin mo ang ikapitong utos—hindi mo man sipingan ang asawa ng iba, pero kung pagpantasyahan mo naman sa isip mo ang klase ng buhay kapag iba ang napangasawa mo. Lalabagin mo ang ikawalong utos—gagawa ka ng paraan para makuha ang gusto mo, kahit mandaya sa income tax, o manipulahin ang ibang tao para bumili ng ibinebenta mo. Lalabagin mo ang ikasiyam na utos—hindi tamang timbang o presentasyon ng ibinebentang produkto, o pagpo-post sa social media ng mga bagay na will make you look really good in front of others.
Ang pagsuway sa ika-10 utos ay mabigat, napakabigat, dahil ito ay nagbubunga ng kamatayan. Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Rom. 6:23).
James 1:14-15, “Natutukso ang tao kapag siya’y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan.” Hindi lang pisikal na kamatayan ang tinutukoy rito. Kasama ang “covetousness” sa nakalistang mga kasalanan sa Romans 1:29, na nararapat na hatulan at parusahan ng poot ng Diyos (v. 18). “Karapat-dapat sa parusang kamatayan ang mga gumagawa nito.” (v. 32). Dahil ang covetousness ay idolatry, we are all deserving of the wrath of God (Col. 3:5-6), at kung hindi masosolusyunan, manahin man natin ang sangkatutak na kayamanan, hindi natin mamanahin ang kaharian ng Diyos (Eph. 5:5).
Paanong ang ika-10 utos ng Diyos ay nagtuturo sa atin patungo kay Cristo?
Ang ika-10 utos ang huli sa sampung utos ng Diyos—last, but not the least. Mabigat. Bakit? Dahil ito ay kasalanan laban sa Diyos, kasalanan laban sa ibang tao na nilikha rin tulad natin sa larawan ng Diyos, nagbubunga ng marami pang kasalanan, at may parusang kamatayan. So, ang kasunod na tanong, paanong ang ika-10 utos ay nagtuturo sa atin patungo kay Cristo?
Ang unang bagay na dapat nating ma-realize ay ang laki ng pangangailangan natin—ng lahat ng tao—sa isang Tagapagligtas. Mula pa kina Adan at Eba. Alam naman nilang hindi para sa kanila yung bunga ng Tree of the Knowledge of Good and Evil. Lahat naman maliban dun ay ibinigay ng Diyos para sa kanila. Pero nakinig sila sa ahas, nakita na na masarap kainin ang bungang iyon, masayang pagmasdan, at ninasa na maging marunong sa sarili niyang paraan…inangkin nila ang hindi para sa kanila (Gen. 3:1-6). Dahil sa covetousness, nahulog ang tao, lahat ng tao sa kasalanan, at napailalim sa hatol ng Diyos.
Ang bansang Israel, alam nila ang ika-10 utos, naranasan nila ang pagliligtas ng Diyos mula sa pagkakaalipin nila sa Egipto, pero paulit-ulit na ninanasa nila na bumalik sa dati nilang buhay, “Buti pa sa Egipto, mas masasarap ang nakakain namin!” Pinagdududahan ang kabutihan ng Diyos. Marami sa kanila ang namatay dahil sa paglabag sa ika-10 utos. Nung nasa promised land na sila, tinalo nila ang Jericho. Pero kinuha ni Achan ang mga kayamanang hindi para sa kanya. Nakita niya ang maraming ginto at pilak, pinagnasahan, kinuha (Josh. 7:21). Hindi lang siya, kundi pati pamilya niya, pati ang iba pang mga sundalo ng Israel ay namatay dahil sa kasalanan niya.
Si David naman, nakita niya si Bathsheba, asawa ng iba, pinagnasahan niya, inangkin niya, pati asawa nito ipinapatay niya. Dapat din siyang mamatay. Pero bakit hindi siya namatay dahil dun? Dahil naranasan niya ang pagpapatawad ng Diyos, ang pagpapatawad na kailangan din nating lahat, at ang pagpapatawad na kay Cristo lang natin matatagpuan. Si Cristo at ang mabuting balita ni Cristo ang mga salitang dapat nating pakinggan, hindi boses na galing sa sarili nating mga puso o boses na galing mismo sa diyablo.
Meron akong nabasa na isang kuwento ng dating naniniwala sa prosperity gospel na isa sa mga Bible verses na nakapaskil sa bahay nila ay ito: “I will give you all these things if you will fall down and worship me” (Matt. 4:9CSB). Inaangkin niya na na ito ay pangako sa kanya ng Diyos, na kung patuloy siya na sasamba sa Diyos ay ibibigay sa kanya ng Diyos ang lahat ng bagay na gugustuhin niya. Ang problema, sinasamba mo ba talaga ang Diyos kung sasamba ka sa kanya para makuha lang ang pinapangarap mong kayamanan o ginagamit mo ang Diyos? Isa pang problema, hindi ang Diyos ang nangako dito sa Matthew 4:9! Ito ay tukso ng diyablo kay Jesus! Lahat ng tao, mula pa kina Adan at Eba, ay bumagsak sa tukso ng diyablo. Maliban sa isa—maliban kay Jesus. Salita at utos ng Diyos ang pinakinggan, pinagtiwalaan, at sinunod ni Jesus. Sagot niya sa diyablo, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran’” (v. 10).
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, naparito ang nag-iisang tao na nakasunod sa ika-10 utos ng Diyos—in fact, sa lahat ng mga utos ng Diyos. Dahil diyan, si Cristo eksakto ang kailangan natin. Wala siyang asawa, wala siyang sariling bahay, marami ang tumalikod sa kanya. Hindi niya hinangad ang mga bagay sa mundong ito para lang ipagpalit sa lalong higit na mahalaga—ang kanyang kasiyahan sa kanyang relasyon sa kanyang Ama.
John 3:35, “The Father loves the Son and has given all things into his hand.” Naparito si Cristo hindi lang para tubusin tayo sa ating mga kasalanan at iligtas sa kaparusahang nararapat sa mga sumuway sa ika-10 utos ng Diyos. Naparito si Cristo para sabihin sa atin na siya lang tanging paraan para masolusyunan ang problema natin sa pagsuway sa ika-10 utos. Christ is our Savior, and…he is also our Satisfaction. Ang lahat-lahat ng pagka-Diyos ay nakay Cristo. Kaya naman si Cristo rin ang lahat-lahat para sa atin (Col. 3:11). Kung nasa atin si Cristo, nasa atin na ang lahat. Kung wala sa iyo si Cristo, mapasaiyo man ang lahat ng bagay sa mundo, balewala ang lahat.
Paano tayo makakapamuhay nang naaayon sa ika-10 utos ng Diyos?
Kung ganoon—kung si Cristo ang lahat—paano ngayon tayo makakapamuhay nang naaayon sa ika-10 utos ng Diyos?
Aminin mo ang mga makamundong hangarin sa puso. Hindi tulad ng lalaking mayaman na lumapit kay Jesus at nagtanong kung paano siya magkakaroon ng buhay na walang hanggan (Mark 10:17). Sinabi ni Jesus na alam niya ang ikalima hanggang ikasiyam na utos (v. 19). Buong pagmamalaki namang sinabi ng lalaking mayaman na mula pa pagkabata ay nasunod na siya ang lahat ng ito (v. 20). Talaga lang ha? Sabi ni Jesus sa kanya, “May isa pang kulang. Ibenta mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo sa mga mahihirap, sumunod ka sa akin, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit” (v. 21). Nalungkot siya. Sobrang yaman niya kasi. Hindi siya sumunod kay Cristo. Niyakap niya ang kayamanan niya at tinanggihan ang kayamanan sa langit. Hindi naman talaga siya sumunod sa lahat ng utos ng Diyos. Sinuway niya ang ika-10 utos. Sinuway niya ang unang utos. Sinuway niya ang lahat ng utos. Mayaman ka man na tulad niya o hindi, sinuway mo rin ang ika-10 utos ng Diyos. Aminin mo. Humingi ka ng tawad sa Diyos.
Angkinin mo si Cristo bilang lahat-lahat sa ‘yo. Tulad ng mga tagasunod ni Jesus. Iniwan nila ang lahat—pati lahat ng mga pangarap nila—at sumunod kay Cristo (v. 28). Kawawa ba sila? In-assure sila ni Cristo na sinumang iniwan ang mga bagay sa mundong ito alang-alang sa kanya at sa gospel ay tatanggap ng higit na sagana pa kaysa sa seguridad, kasiyahan, at kahalagahang matatanggap natin sa mga bagay sa mundong ito (vv. 29-30). Higit na kayamanan sa langit—si Cristo—ang nasa atin kaysa sa yaman ng mundong ito.
Bantayan mo ang puso mo laban sa anumang masamang pagnanasa. Pwede naman tayong humiling sa Diyos. Hindi naman masamang mangarap ng mabubuting bagay sa mundong ito. Pero ‘wag nating i-assume na okay ang lagay ng puso natin. Kaya warning ni Jesus, “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian” (Luke 12:15AB). Baka sa kaka-scroll natin sa Facebook, nagkakaroon na ng inggit sa puso natin, “Sana meron din ako nun. Sana ganun din kami kasaya. Buti pa sila.” Baka sa kakababad natin sa Shopee o Lazada o pag-aabang ng mga “sale” sa SM, mas lalong tumitindi ang pagnanais natin sa mga bagay na hindi naman talaga natin kailangan. Hindi ko sinasabing masama ang lahat ng ito, ang warning lang sa atin, bantayan natin ang puso natin.
Makuntento sa lahat ng bigay ng Diyos sa ‘yo. Hindi ito yung basta kuntento ka lang na simple ang pamumuhay mo. Kahit naman ang ibang mga hindi Kristiyano ay ayos na rin sa simpleng lifestyle. Pero ang tinutukoy ko ay ang contentment na galing sa Diyos, kuntento ka kay Cristo, anuman ang kalagayan mo—mahirap man o mayaman, maayos man ang sitwasyon sa buhay o maraming problemang kinakaharap. Tulad ni Pablo, “Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. Alam ko kung paano maghikahos; alam ko rin kung paano managana; natutunan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap. Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo” (Phil. 4:10-13). Ito yung contentment na nagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng pagpapalang bigay niya, at patuloy na nagtitiwala sa kabutihan ng Diyos maging sa mga bagay na hindi niya ibinigay sa ‘yo.
Maging malaya at masagana sa pagbibigay ng kailangan ng ibang tao. Dahil si Cristo na ang lahat-lahat sa ‘yo, malaya ka na na hindi makipagsabayan sa kalakaran ng mundo. Okay lang kahit hindi mag-ubos ng malaking pera, kahit kaya mo naman, sa pagpapatayo ng bahay o pagbili ng sasakyan o pagpapaaral sa anak sa mamahaling eskuwelahan. At kung magtrabaho ka man o magnegosyong mabuti, hindi na para mas makuha mo ang mga gusto mong makuha. Kundi para ano? Para maging masagana ka na makatulong sa iba, para makapaglaan ka ng oras para sa iba, para makapagserve ka sa mga ministries ng church, para maibigay mo rin kung ano ang kailangan ng iba—hindi ang pera o anumang materyal na bagay, kundi walang iba kundi si Cristo.
Pakahangarin mo palaging hanapin ang kasiyahan ng puso mo kay Cristo. Ipanalangin natin na ganito palagi ang maging damdamin ng puso natin sa Diyos: “Walang sinuman sa langit ang kailangan ko kundi kayo lamang. At walang sinuman sa mundo ang hinahangad ko maliban sa inyo. Manghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan. Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman” (Psa. 73:25-26ASD).
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

