Introduction: Nasaan ang Tulong na Kailangan Natin?
Madaling sagutin at alam natin ang sagot sa tanong na, “Saan manggagaling ang tulong na kailangan ko?” Sagot: “Kay Lord manggagaling ang tulong na kailangan ko.” Amen tayo diyan. Alam natin ‘yan. Pinaniniwalaan natin ‘yan. Pero sa tuwing nag-aalala tayo, o natatakot tayo, o nagrereklamo tayo, o nahuhulog tayo sa tukso, pinagdududahan natin ang tulong na nanggagaling sa Diyos. Kahit alam natin ang sagot sa tanong. Kahit kabisado natin ang katekismo. Kahit marami na tayong nabasa at napag-aaralan sa theology. Kahit na marami na tayong karanasan sa buhay Kristiyano.
Ganyan din ang nasaksihan natin sa kuwento natin last week sa Exodus 15:22-17:7, sa kabila ng paulit-ulit nilang pagrereklamo (na siyang insulto sa kapangyarihan at kabutihan at karunungan ng Diyos), paulit-ulit din na ibinibigay ng Diyos ang kailangan nilang pagkain, inumin, at pahinga. Biyaya ng Diyos ‘yan. Undeserved. Ginagawa ito ng Diyos hindi lang para mabusog sila, hindi ang to meet their physical needs. Higit sa lahat, ang nais ng Diyos ay lumalim ang pagkilala sa kanya ng mga Israelita, para mas tumibay ang tiwala nila sa kanya, at matuto silang sumunod sa lahat ng salita ng Diyos. Hindi para maligtas sila. Iniligtas na sila ng Diyos. Malaya na sila sa pagkakaalipin. Makakarating na sila sa Mt. Sinai (chap. 19) kung saan makikipagtipan ang Diyos sa kanila at ibibigay na sa kanila ang kanyang mga utos para sundin. Pero bago pormal na mangyari yun, sinasanay na sila ng Diyos na kilalanin at pagtiwalaan kung saan nanggagaling ang tulong na kailangan nila sa paglalakbay nila papunta sa Canaan, sa lupang ipinangako ng Diyos. At mahaba-habang paglalakbay yun, na umabot din ng apatnapung taon, dahil na rin sa kakulangan ng tiwala nila sa Diyos at paulit-ulit na pagsuway nila sa mga utos ng Diyos.
Tulad nila, we are also slow to learn. Ang bagal nating matuto. Alam na nating ang Diyos ang nagbibigay ng kailangan natin sa buhay, sa araw-araw. Ibinigay na niya si Cristo para sa ating kaligtasan. Ibinigay na niya ang kanyang sarili para sa ating kagalakan. Ibinigay na niya ang Espiritu para sa ating paglaban sa kasalanan at paglago sa kabanalan. Pero nagdududa pa rin tayo. Pinanghihinaan pa rin tayo ng loob. Inaakala pa rin natin na kakayanin nating mapagtagumpayan ang mga struggles natin sa sarili nating lakas, na masolusyunan ang mga problema natin sa sarili nating diskarte. Madali para sa atin na makalimutan ang napakabasic na theology na lahat ng tulong na kailangan natin ay nanggagaling sa Diyos.
Makikita natin sa bahagi ng kuwento na pakikinggan natin sa Exodus 17:8 hanggang buong chapter 18 kung paanong itinuturo ito ng Diyos kay Moises at sa mga Israelita. Subaybayan natin ang tatlong eksena sa kuwentong ito. Ang una ay ang pakikipaglaban ng Israel sa mga Amalekites (17:8-16). Ang ikalawa ay ang pakikipagtagpo ni Moises sa kanyang biyenan na si Jethro (18:1-12). At ang ikatlo ay ang payo na ibinigay ni Jethro kay Moises tungkol sa pangunguna sa Israel (18:13-27). Sa bawat eksenang ito, tingnan natin kung paano ibinibigay ng Diyos ang tulong na kailangan nila sa kanilang buong paglalakbay. At habang pinapakinggan natin ito, let us also take time to reflect kung paanong ang Diyos din ang patuloy na nagbibigay ng lahat ng kailangan natin sa paglalakbay natin bilang mga tagasunod ni Cristo. May this story—God’s Word—increase our confidence in God at masabi natin palagi na, “Kay Lord manggagaling ang tulong na kailangan ko” (Psa. 122:1).
I. Tulong na Kailangan sa Pakikipaglaban (Ex. 17:8-16)
Unang eksena. Nilusob sila ng mga Amalekites at nakipaglaban sa kanila sa Rephidim (17:8). Itong mga Amalekites ay galing sa apo ni Esau (Gen. 36:12, 15-16) na siyang kakambal at naging karibal ni Jacob na siyang pinagmulan naman ng Israel (pangalang ibinigay ng Diyos kay Jacob). Hindi pwedeng wala silang gagawin kapag sinalakay sila. Siyempre ipagtatanggol nila ang sarili nila, poprotektahan ang pamilya nila. Kaya sabi ni Moises kay Joshua—first time siyang binanggit dito sa Exodus, higit na mas bata kay Moises, military leader ng Israel, at eventually ay papalit kay Moises: “Pumili ka ng mga lalaking lalaban, at pangunahan mo sila sa pakikipaglaban” (v. 9). Remember, former slaves ang mga ‘to. Sanay naman sa hirap, pero walang training sa pakikipaglaban. At anong armas meron sila? Baka gumawa lang sila ng mga espada at panangga habang nasa disyerto sila. Dehadong-dehado sila malamang. Pero ibang level ang confidence ni Moises. Sabi pa niya, “Hahawakan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at tatayo ako sa ibabaw ng burol” (v. 9 MBB). “The staff of God in my hand.” Itong tungkod na ito ang instrumento ng Diyos para ibagsak ang hatol sa mga Egyptians. At sa lahat ng kumakalaban sa Diyos at sa kanyang bayan tulad ng Amalek. Ganun nga ang ginawa ni Joshua at nakipaglaban sa Amalek. Isinaman naman ni Moises sa tuktok ng burol sina Aaron na kapatid niya at si Hur na maaaring isa rin sa mga top leaders na katuwang ni Moises (v. 10). Hawak ni Moises ang tungkod. Sa tuwing nakataas ang kamay niya, nananalo sila. Pero kapag ibinababa, nananalo naman ang kalaban nila.
Hindi lang ito tungkol sa labanan ng ilang mga tribo o lahi. Ito ay laban sa pagitan ng Diyos at ng mga kumakalaban sa bayan nang Diyos. Sa buhay Kristiyano, nahaharap din tayo sa pakikipaglaban—sa mga tukso ng Diyablo, sa masamang sistema ng mundong ito, at sa kasalanang nananatili sa puso natin. Natutukso ka na tumingin sa porn o mga sexually explicit images o videos online. Nadadala ka ng daloy ng mundong ito tungkol sa pakikipagrelasyon na okay lang ang sex na walang kasal, ang pakikipagrelasyon sa kapwa lalaki o babae. O yung pagyakap sa materyal na bagay as source of your security, identity, and satisfaction. Paano tayo lalaban? By the power of God na inilagay niya sa mga kamay natin—yung tungkod ng Diyos na nasa kamay ni Moises. Ang kapangyarihan ay wala sa kamay ni Moises na 80 years old na , kundi nasa Diyos. Pero para sa atin, parang it doesn’t make sense. Bakit ganun? Kapag itataas ang kamay nananalo sila, kapag ibinaba natatalo sila? Yun kasi ang itinakdang pamamaraan ng Diyos. Nothing spectacular about that. Tulad ng mga ordinary means na itinalaga ng Diyos para magbigay ng “power” sa atin na makipaglaban: regular na exposure sa salita ng Diyos, humble prayer, at pakikipagtipon sa church especially every Lord’s Day. Nothing spectacular sa ginagawa natin every time we gather. Ordinary. Pero in amazing ways ginagamit ng Diyos para tulungan tayo sa pakikipaglaban.
God uses means to accomplish that. Ordinary human beings tulad nina Joshua at yung mga lalaking nakikipaglaban. Tulad ni Moises na nagtataas ng tungkod. Tulad ng pastor na nagpi-preach ng Salita ng Diyos. O ng iba pang mga elders na katuwang sa pagtuturo, pananalangin, at pangangalaga sa church. Pero limitado si Moises. Pero nangangawit ang kamay niya (v. 12). Kaya andun si Aaron at Hur na tumulong kay Moises para makaupo at para alalayan ang kanyang kaliwa at kanang kamay. Hanggang sa paglubog ng araw, nanatiling nakataas ang kamay at nagtagumpay sila sa pangunguna ni Joshua (vv. 12-13). Ang tulong na kailangan natin para magtagumpay sa laban ay nanggagaling sa Diyos. At ginagamit niya ang mga ordinaryong tao, tulad ng mga elders ng church, ng mga deacons, ng mga tapat na nagbibigay ng oras, ng lakas, at ng pera para magamit sa ministries ng church para mapagtulung-tulungan natin ang labang ipinagkatiwala ng Diyos .
But ultimately, we need to realize na ang dapat alalahanin sa lahat ng ito, whenever we experience success or victories sa buhay natin o sa church natin, ay hindi ang mga pastor o sinumang leader na tumulong sa inyo. Lahat ng ito should give witness to, should point to the God who helps us achieve victory sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo sa krus para sa atin. Kaya sabi ng Diyos kay Moises, “Isulat mo ang pangyayaring ito upang hindi ninyo malimutan, at sabihin mo naman kay Josue na lilipulin ko ang mga Amalekita” (v. 14). Hindi kasi dito nagtatapos ang encounter nila laban sa Amalek. After one year, makikipaglaban na naman sila. Hanggang sa panahon ni Haring David makikipaglaban pa rin sila. Ano ang kailangang alalahanin nila palagi?
Gumawa si Moises ng altar at tinawag niya itong, “Ang Panginoon ang aking Bandila ng Tagumpay” (“The Lord is My Banner,” ESV). Sinabi niya, “Dahil sa itinaas ng mga Amalekita ang mga kamao nila sa trono ng Panginoon, patuloy na makikipaglaban sa Amalekita ang Panginoon magpakailanman.”
Nasa Diyos ang tagumpay ng mga Israelita. “If God is for us, who can be against us” (Rom. 8:31). Depende kung ang Diyos ba talaga ay para sa ‘yo. Depende kung ano ang postura ng kamay mo. Tulad ba ni Moises na nakahawak sa tungkod ng Diyos o umaasa sa kapangyarihan ng Diyos? O tulad ng mga Amalekita na ang mga kamay ay iwinawagayway laban sa Diyos at sa kanyang paghahari? So, kung ang puso mo ay patuloy na lumalaban sa Diyos at sa kanyang kalooban, God is also against you. Hindi mo kakampi ang Diyos. Kaaway mo ang Diyos. So, even before worrying kung paano mo lalabanan ang porn, o sexual sins, o materialism, o anxieties, o anumang gawa ng Kaaway, unahin mo muna na isuko ang sarili mo at tigilan ang pakikipaglaban mo sa Diyos. Ito yung repentance, laying down your arms, ask for forgiveness, ask for help. At nariyan palagi ang Diyos na nagpapatawad sa atin. Kung ang mga kamay ni Moises ay nakaunat para ibagsak ang hatol ng Diyos, si Cristo naman ay ininunat ang kanyang mga kamay sa krus para tanggapin ang hatol na dapat ay para sa atin. So, if you put your faith in Christ—the wisdom and power of God for salvation—makatitiyak ka na God is for you and not against you.
II. Pag-alala sa Nakaraang Tulong (Ex. 18:1-12)
Ito naman din ang naranasan ng biyenan ni Moises na ang pangalan ay Jethro, na ipinakilala sa atin dito sa chapter 18. Isa siyang Midianite. Dito sa Midian napadpad si Moses pagkatapos siyang tumakas noon sa Egypt. At dito niya napangasawa ang anak ni Jethro na si Zipporah (2:21-22). Hindi ito tulad ng nakaraang story na pakikipaglaban sa Amalekite. Itong Midianite priest o high priest na si Jethro ay iba ang response. Idol-worshipper na naging Yahweh-worshipper sa bandang dulo. Paano nangyari? Simple lang. Gawa rin ito ng Diyos. Narinig niya at nakarating sa kanya ang balita ng lahat ng ginawa ng Diyos para kay Moises at sa kanyang bayang Israel, kung paano inilabas ng Panginoon ang Israel mula sa Egypt (18:1). Nasa kanya noon ang asawa’t mga anak ni Moises. Pagkatapos ng pangyayari siguro sa Exodus 4:24-26 ay pinabalik na ni Moises ang pamilya niya sa biyenan niya. Sabi ng iba baka naghiwalay na sila, o iniwan ang pamilya niya, o baka naman para lang sa safety nila. We don’t really know. Hindi naman family life ni Moises ang point dito. Although malamang pagkatapos ng story sa chapter 18 ay kasama na sila ni Moises sa journey papunta sa promised land.
Siyempre naman mahalaga ang pamilya. Kasama ‘yan sa redemptive plan ng Diyos. Pati nga pangalan ng mga anak ni Moises nagpapaalala ng pagliligtas ng Diyos. Ang panganay niya ay si Gershom. Bakit? Dahil sinabi ni Moises nung ito ay ipanganak, “Ako’y dayuhan sa lupaing ito” (v. 3 MBB). At ang sumunod ay si Eliezer dahil sabi ni Moises, “The God of my father was my help, and delivered me from the sword of Pharaoh” (v. 4 ESV). Help, tulong, ‘yan ang ibig sabihin ng Hebrew word na ezer. Sa kanta natin last week na Come Thou Fount, “Here I raise my Ebenezer / Here by Thy great help I’ve come,” na yung Ebenezer ay galing naman sa story sa 1 Samuel. So, yung pangalan pa lang ng dalawang anak ni Moises ay paalala na sa kanila hindi lang ng personal salvation story ni Moises kundi ng pagliligtas ng Diyos—yung tulong na ibinigay ng Diyos—sa Israel mula sa kanilang pagiging dayuhan sa Egipto hanggang makarating sila sa lupang ipinangako ng Diyos.
So, isinama ni Jethro ang pamilya ni Moises, nakipagkita kung nasaan nakakampo ang mga Israelita, sa may paanan ng Mt. Sinai na tinatawag na “bundok ng Diyos” (vv. 5–6). Ayun, nagkita na sila. Happy reunion siyempre. Pero ang highlight ng story ay kung paano ang ginawa ng Diyos para itong si Jethro na Midianite priest ay maging Yahweh-believer at Yahweh-worshiper. Nagsimula sa kumustahan. At simpleng ikinuwento lang ni Moises sa biyenan niya—at malamang ay sa pamilya rin niya—lahat ng ginawa ni Yahweh laban sa hari ng Egipto at sa mga Egyptians at para sa kapakanan ng mga Israelita, lahat ng mga paghihirap na dinanas nila mula sa pagkakaalipin nila sa Egipto, hanggang sa paglabas nila, hanggang sa panimula ng paglalakbay nila, at kung paanong iniligtas sila ng Diyos sa lahat ng ito (v. 8). Natuwa naman si Jethro sa kuwentong narinig niya, at kung paano sila iniligtas ng Diyos mula sa mga kamay ng mga Egyptians (v. 9).
Heto ang sabi ni Jethro, in response sa mga narinig niya, sabi niya, “Praise the Lord. Purihin si Yahweh na nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Faraon at ng mga Egipcio! Purihin si Yahweh na nagpalaya sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto! Napatunayan ko ngayon na siya ay higit sa ibang mga diyos dahil sa ginawa niya sa mga Egipcio na umapi sa mga Israelita” (vv. 10–11). Nandun sa confession ni Jethro yung pagkilala ng supremacy ni Yahweh. Kaya sa verse 12 ay masasaksihan na siya mismo ay may dalang mga handog para ialay sa Diyos, at pagkatapos nun ay nagkaroon sila ng salu-salo kasama ang ibang mga elders ng Israel.
So, may reason tayo to suppose na itong si Jethro na isang Midianite ay nagkaroon ng tulad na pananampalataya ng mga Israelita, sumamba rin kay Yahweh. Ang intensyon ng Diyos ay hindi parusahan ang lahat ng mga bansang hindi Israel, kundi sila rin ay magsisi, sumampalataya sa Diyos na Tagapagligtas, sumamba sa kanya, at mapabilang sa bayan na sumasamba sa Diyos. That remains our mission hanggang ngayon. At paano nagagawa ng Diyos na i-convert ang puso ng mga makasalanan? Simple lang. Narinig lang ni Jethro ang kuwento ng pagliligtas ng Diyos. Una siguro sa mga kumalat na balita na nakarating sa kanya. At mas personal sa pamamagitan ng kanyang manugang. Hindi niya nakita yung burning bush na nakita ni Moises, o yung mga kababalaghang nangyari sa Egypt, o yung paghati sa Dagat. Pero narinig niya. At yun ay sapat na para kilalanin niya na si Yahweh ay higit sa anumang diyos na di naman tunay na diyos.
Do we still trust the simple, ordinary preaching of the gospel every Sunday, sa mga discipleship groups, sa conversation ninyo sa mga friends ninyo na unbelievers to convert sinners to Christ? Nadidiscourage ka kapag ang tagal na na hindi nagbabago ang tatay mo, o ang asawa mo, o ang kaibigan mo, o ang sarili mo siguro na hirap na hirap sa pakikipaglaban sa kasalanan. Do you still trust the preaching of the gospel as the power of God for salvation (Rom. 1:16)? Kung oo, are you doing it? Are you preaching the gospel sa ibang tao? Are you preaching the gospel to your own heart?
Pansinin mo na paulit-ulit sa eksenang ito ang tungkol sa ginawa ng Diyos na pagliligtas sa Israel mula sa Egypt:
Verse 1: “…ang mga ginawa ni Yahweh para kay Moises at sa mga Israelita, kung paanong inilabas niya ang mga ito sa lupain ng Egipto.”
Verse 2: “Tinulungan ako ng Diyos ng aking mga ninuno; iniligtas niya ako sa tabak ng Faraon.”
Verse 8: “…ang lahat ng ginawa ni Yahweh…at kung paano iniligtas ni Yahweh ang mga Israelita….kung paano sila tinulungan ni Yahweh.”
Verse 9: “…sa kabutihang ginawa sa kanila ni Yahweh at sa pagliligtas nito sa kanila.”
Verse 10: “…si Yahweh na nagligtas sa inyo…si Yahweh na nagpalaya sa mga Israelita.”
Para ano? Para ipaalala sa mga Israelita na ang kumpiyansa nila na palaging ibibigay ng Diyos ang tulong na kailangan nila sa araw-araw, sa buong paglalakbay nila ay nasa ginawa na ng Diyos sa kanila. Kailangan nilang alalahanin palagi, pakinggan palagi, at pagtulung-tulungang ipaalala sa bawat isa ang nakaraang tulong na ibinigay na sa kanila ng Diyos. Iniligtas sila sa Egypt. Nagtagumpay sila laban sa mga Amalekites. Tapos ginamit pa nilang rason ang mga Amalekites kaya natakot sila na pumasok sa Canaan (see Number 13:29)! Less than two years lang pagkatapos na makita nila kung paano sila pinagtagumpay laban sa kanila! Napakadali nating lumimot sa ginawa ng Diyos sa atin. Napakadali nating mataranta kapag may dumarating na mga pagsubok sa pag-aakalang hindi natin kakayanin. Hindi talaga natin kaya. Pero sapat ang tulong na ibibigay ng Diyos dahil sapat na at higit pa ang tulong na naibigay na niya sa atin nang ipadala niya ang kanyang Anak to accomplish our salvation. Romans 8:32, “He who did not spare his own Son but gave him up for us all, how will he not also with him graciously give us all things?” All things na kailangan natin.
III. Tulong na Kailangan sa Paglilingkod (Ex. 18:13-27)
Kapag napapakinggan natin ang mga stories sa Exodus, baka isipin ninyo na palaging ganyan ang gagawin ng Diyos na pagbibigay ng tulong—in spectacular fashions! Pero karamihan sa tulong na ibinibigay niya araw-araw, sa pamilya o sa church man, ay ordinaryo, hindi spectacular, but exactly what we need. Tulad ng sumunod na nangyari.
Kinabukasan kasi, nakita ng biyenan ni Moises ang ginagawa niya bilang “judge” ng Israel (vv. 13-14). Nakapila ang mga tao para kumonsulta sa kanya tungkol sa kalooban ng Diyos, at kung paano aayusin ang mga problema nila at mga relational conflicts. Mula umaga ‘yan hanggang gabi. Siyempre, nakakapagod ‘yan. Kaya tinanong siya ng biyenan niya, “Anong ginagawa mo? Mag-isa ka pang gumagawa nito, tapos ang mga tao ay magdamag na nakapila para kausapin ka.” Hindi ito tanong lang, may pagtataka, at kritisismo din dahil nakita ni Jethro na hindi ito maganda. Siyempre maganda naman ang intensyon ni Moises na maglingkod sa mga tao. Yun naman ang gusto ng Diyos. Kaya paliwanag ni Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios. Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios” (vv. 15-16 ASD). Maganda naman siyempre ang ginagawa niya. Hindi naman masama! Kaso, hindi maganda ang pamamaraan niya. Kailangang may magsabi sa kanya ng mas magandang gawin. Para sa kanya, at para rin sa ikabubuti ng mga tao.
Heto ang payo ng biyenan niya, take note na bagong convert pa lang ‘to, pero meron nang wisdom na galing sa Diyos:
Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18 Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19 Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20 Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21 Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 22 Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23 Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.” (ASD)
Pinagsabihan siya hindi dahil mali ang ginagawa niya. Kundi para mas maging maayos pa ang pagtulong na ginagawa niya sa mga tao. Totoo naman, hindi kakayanin ni Moises ‘yan mag-isa. May limitasyon siya. Napapagod. Kulang sa oras. Kaya mahalaga ang pagtutulung-tulong. Pero siyempre, ang makakatuwang niya sa pagsasaayos ng mga kaso ng mga tao ay yung mga qualified leaders din. Hindi pwedeng kung sino na lang. Mahalaga ang exemplary character—may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan, at hindi lover of money. Tamang puso sa paglilingkod. Merong mapagkakatiwalaan na mamahala nang kaunti, meron din sa pangmaramihan. Si Moises pa rin ang pinaka-leader. Pero mapapagaan ang trabaho niya kasi merong katuwang. Sabi ni Jethro, ito naman din ay galing sa Diyos, at ito ang makakabuti para kay Moises, at para sa mga Israelita. Win-win solution para sa lahat.
Ano ang response ni Moises? Pwede siyang maging prideful at matigas, “Ah basta, kakayanin ko ‘to!” O kaya ay sumbatan ang biyenan niya, “Kabago-bago mo pa lang dito, akala mo kung sino ka kung magsalita, mas marunong ka pa sa akin.” Pero hindi, Moses humbled himself, inaming hindi niya talaga kaya, at ang narinig niya ay hindi lang isang payo na galing sa kanyang biyenan kaya pinagbigyan niya, kundi galing sa Diyos mismo. Kaya nakinig siya sa sabi ng biyenan niya at ginawa nga ang payo sa kanya. Pumili ng mga qualified men para pangunahan ang mga tao, merong leader over 1000, merong leader over 100, over 50, over ten people. Hindi kailangang si Moises ang magdesisyon sa lahat ng kaso, yung sobrang hirap sa kanya, yung mga mas simpleng usapin lang, bahala na ang ibang leaders. Pagkatapos nun, umuwi na ang biyenan niya, at malamang na naiwan na kay Moises ang pamilya niya (vv. 24-27).
Ano ang nangyayari dito? Bakit nandito ang eksenang ito? Again, pareho pa rin sa unang eksena natin. Ibinibigay ng Diyos ang tulong na kailangan nila. Kailangan ni Moises ng tulong para mapangunahan nang maayos ang Israel, ibinigay ng Diyos yung wisdom ng pamamaraan na dapat niyang gawin. Pero bakit galing pa kay Jethro? Meron namang direct access si Moises sa Diyos. Well, I don’t know. Kung yun ang gustong paraan ng Diyos, bakit hindi? Nagbibigay ng tulong ang Diyos sa iba’t ibang paraan, ayon sa paraan na itinakda niya. Sometimes, sobrang spectacular. Kadalasan, ordinaryo lang. Payo ng biyenan. Pangungumusta ng kaibigan. Pakikipag-usap sa elder ng church. Mga elders na nakasuporta sa leadership ko, at nagpapayo, at pumupuna kung kailangan. Mga deacons na palaging nakasuporta sa mga elders. Kapag may kailangang punahin, sinasabi, para rin naman sa ikakaayos ng ministry. Ordinary help from ordinary people, pero lahat ‘yan ay tulong na galing sa ating extraordinary God.
Sa eksenang ito, hindi naman yung payo ni Jethro ang nangingibabaw. Sa unang tingin, parang ganun nga. Pero kung titingnan mo ang mga susunod na mangyayari, yung giving of the law sa Mt. Sinai simula sa susunod na chapter, marerealize mo na ang ginagawa ng Diyos dito sa chapter 18 ay inihahanda ang kanyang bayan para pakinggan nila, tanggapin nila, at sundin nila ang mga salita at utos ng Diyos. Hindi ba’t yun ang ginagawa ni Moises: “Tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios” (v. 16 ASD). In-affirm naman yun ni Jethro: “Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila” (v. 20 ASD). Salita ng Diyos ang tulong na kailangan natin nang higit sa lahat. Kaya mahalaga na matuto tayong makinig, attentively sa preaching of the Word. Kaya mahalaga ang role ng mga elders ng church na pangunahing tagapagturo. Kaya mahalaga ang role ng mga deacons na tumutulong din sa pagtuturo at paggawa ng iba pang mga kailangan para masuportahan ang teaching ministry ng mga elders. Kaya mahalaga ang pagtutulung-tulong ng mga members sa pakikibahagi sa ministry of the Word.
Theology: Ibinibigay ng Diyos ang Lahat ng Tulong na Kailangan Natin.
Ano ang itinuturo sa atin ngayon ng salita ng Diyos? Saan manggagaling ang tulong na kailangan mo? Anong sagot mo? Kay Lord manggagaling ang tulong na kailangan ko. Hindi niya kailangan ang tulong natin. Hindi niya kailangan ang tulong ni Moises o ni Jethro. He is all-sufficient. Siya ang eksaktong tulong na kailangan natin. Sa kaligtasan natin. Sa paglago natin sa kabanalan. Sa pakikipaglaban sa kasalanan. Sa desisyong kailangan natin sa araw-araw. Paano tayo makatitiyak na ibibigay niya ang lahat ng tulong na kailangan natin? Ibinigay na niya si Cristo para sa atin. Christ is our salvation. Christ is our banner, our victory. Christ is our wisdom. Saan manggagaling ang tulong na kailangan ko? Kay Lord manggagaling ang tulong na kailangan ko.
Application
Ibig sabihin, kailangan nating aminin na kailangan natin ng tulong. Hindi mo pwedeng sabihin, “Kakayanin ko itong pakikipaglaban sa kasalanan.” No. Ask God for help. Lumapit ka rin sa mga kasama mo sa church para humingi ng tulong. O kapag ise-share natin ang gospel sa iba, panghawakan mo ang tulong na galing sa Diyos. O kapag sa ministry of giving sa church, hindi kailangang mag-alala na mababawasan ka ng pera, kundi panghawakan na sapat ang tulong na galing sa Diyos para makasunod ka sa kalooban niya. O kapag hindi mo malaman kung paano ang gagawing desisyon sa trabaho o sa school o sa ministry, samantalahin mo ang lahat ng pagkakataon to receive the help you need. Every Sunday, as you listen to God’s Word. Sa mga gatherings ng church, as you talk to other members. Sa prayer life ng church, as you ask for prayer requests. Sapat ang tulong na ibibigay ng Diyos.
Ibig sabihin din, hindi lang sa posture of receiving help from God, kasama rin yung readiness na ibigay ang tulong na kailangan ng iba. Kung gumagamit ang Diyos ng ibang tao para ibigay ang tulong na kailangan natin, ibig sabihin kasama tayo dun sa mga ordinaryong tao na instrumento ng Diyos para ihatid ang tulong sa iba. Matanda ka na? Si Moises 80 years old na. Hindi ka singgaling ng iba? Si Aaron at Hur, nakaalalay lang sa kamay ni Moises. Kulang ka sa training? Yung mga kalalakihan ng Israel nakipaglaban sa Amalekites. Bagong Christian ka pa lang? Si Jethro bago rin. Ang Diyos din ang tutulong sa ‘yo para makatulong ka rin sa iba, anuman ang limitasyon mo, anuman ang mga challenges na kinahaharap mo. Napakalaki ng gawain na iniwan sa atin ng Panginoong Jesus para magawa ng iilan lang. Titiyakin ng Diyos na matutupad ang mabuting layunin niya sa buhay natin, sa church at sa buong mundo. He will send all the help we need para magampanan din ang lahat ng ipinagkatiwala niya sa atin. Simpleng tanong na itanong natin sa mga leaders ng church: “Ano po ang maitutulong ko?” Dahil meron tayong kumpiyansa sa sagot sa tanong na ‘to: Saan manggagaling ang tulong na kailangan ko? Kay Lord manggagaling ang tulong na kailangan ko.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

