Covenant Intro‌

Pagkatapos nating pag-aralan last week ang kuwento ng church as the people of God—mula sa pagkabigo nina Adan at Eba, at ng bansang Israel, hanggang sa katuparan kay Cristo at sa realidad ng pakikipag-isa natin kay Cristo—ngayon naman ay simulan na nating talakayin ang nakasulat sa church covenant natin. Merong sampung commitments na nakasulat dito. Pero merong introduction o preamble bago yun. Heto yun:

‌Tayo, na dahil lamang sa biyaya ng Diyos ay nagsisisi’t tumatalikod sa ating mga kasalanan, sumasampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, at inilalaan ang buong buhay natin para sa kanya (Mark 1:15; Eph. 2:8–10; Tit. 2:11–14; Luke 9:23–24), at matapos na mabautismuhan sa tubig nang ipahayag natin ang pananampalatayang ito, sa pangalan ng Diyos Ama at ng Diyos Anak at ng Diyos Espiritu Santo (Matt. 28:19; Acts 2:38), ngayon ay taos-puso at buong-kagalakang nangangako at muling nakikipagtipan sa bawat isa. Sa tulong ng Kanyang biyaya…

‌Legalism or Means of Grace?‌

Itong church covenant at yung statement of faith ang dalawa sa primary documents na kailangang pirmahan bago maging miyembro ng church natin. Sa statement of faith ay nakasulat kung ano ang pinaniniwalaan natin na itinuturo ng Bibliya tungkol sa gospel at sa iba pang core doctrines ng historic Christian faith. Sa church covenant naman nakasulat ang pinagkakasunduan nating paraan para maipamuhay ang pinaniniwalaan natin. Hindi lang natin kasi sinasabi na pinaniniwalaan natin ang gospel, at itinuturo ito sa iba, kundi ipinapakita rin ang realidad nito sa pamumuhay natin. Remember last week yung nakita natin na purpose ng Diyos para sa paglikha sa tao, sa paglikha at pagliligtas sa Israel, at sa church ngayon ay para mai-reflect ang larawan ng Diyos sa bawat isa at sa buong mundo. So, yun ang nakasulat sa church covenant, kung paano natin gagawin yun, batay siyempre sa kung ano ang sinasabi ng Diyos sa Bibliya na gawin natin na sama-sama as a church. Siyempre, hindi exhaustive yung listahang yun, pero nandun we believe yung core essentials ng mga commitments na dapat ay meron ang bawat miyembro ng church.‌

You express that commitment sa pamamagitan ng pagpirma. Siyempre, ang commitment ay higit pa sa pagpirma. Madali namang pumirma tapos di mo naman pangangatawanan yung commitment na yun. Pero by starting sa signature, ine-express mo na sumasang-ayon ka at nakikipagkasundo ka sa ibang mga members ng church na pumirma din dito. Bakit mahalaga yun? Pwede bang wala nang ganun? Parang wala namang nakasulat sa Bible na pirma-pirma pa na ganyan? Baka nagiging legalistic na tayo sa approach natin sa church membership? Totoo nga na walang directly nakalagay sa Bible na dapat gawin ang pagpirma sa church covenant. Yes, we believe sa sola Scriptura, na ang Bible ang primary at highest authority natin sa mga desisyon na gagawin natin sa church. Pero may mga bagay na hindi man nakasaad nang direkta sa Bible ay kailangan nating gawin para mas maging faithful tayo na gawin ang mga sinasabi ng Diyos sa Bible. Ganito ang sabi ng Westminster Confession of Faith (1.6):

The whole counsel of God, concerning all things necessary for His own glory, man’s salvation, faith, and life, is either expressly set down in Scripture, or by good and necessary consequence may be deduced from Scripture: unto which nothing at any time is to be added, whether by new revelations of the Spirit, or traditions of men. Nevertheless we acknowledge the inward illumination of the Spirit of God to be necessary for the saving understanding of such things as are revealed in the Word; and that there are some circumstances concerning the worship of God, and the government of the church, common to human actions and societies, which are to be ordered by the light of nature and Christian prudence, according to the general rules of the Word, which are always to be observed.

‌Isa ito sa halimbawa ng “some circumstances concerning…the government of the church…which are to be ordered by the light of nature and Christian prudence, according to the general rules of the Word, which are always to be observed.” Kaya nga nakalagay rin sa covenant natin yung mga Scripture references for you to check kung biblical nga ba talaga yung nakasulat sa covenant natin. So, kahit na karamihan ay tungkol sa mga commitments na gagawin natin, hindi agad ibig sabihin na “legalistic” na. Ang legalism ay yung pagdadagdag sa salita ng Diyos. Tulad ng rebuke ni Jesus sa mga Pharisees,

“You leave the commandment of God and hold to the tradition of men” (Mark 7:8).

Legalism din kung gagawin natin ang mga utos ng Diyos na merong ibang motibo kaysa sa karangalan ng Diyos at sa ikabubuti ng iba.

‌So, this covenant is good, biblical, at hindi legalistic. Pwede mong gamitin sa legalistic na paraan, sure. Pero hindi dapat ganun. I hope na today ay maipakita ko sa inyo na hindi ito necessarily legalistic. Kabaligtaran pa nga, ito ay means of grace, nakaugat sa biyaya ng Diyos at isang paraan para mas dumaloy pa ang biyaya ng Diyos sa buhay natin individually and corporately as a church. Hindi mo pwedeng sabihing piraso lang ito ng papel at hindi naman ganoon ka-meaningful. Kapag magtatrabaho ka nga sa isang kumpanya, hindi ka naman naghe-hesitate na pumirma sa kontrata at mag-commit na gawin ang mga responsibilities mo bilang empleyado. Lalo naman sa pag-aasawa. Hindi mo pwedeng sabihin sa taong mahal mo at gusto mong maging asawa, “Huwag na tayong magpakasal. Pirma-pirma lang naman ‘yan. Piece of paper lang naman ‘yan. Ang mahalaga ay nagmamahalan tayo.” Mahalaga ang pagpirma sa marriage contract, dahil yun ay nagsi-signify ng kahalagahan ng relasyon na pinapasok mo, at nagpapakita na buo ang loob mo na you’re committing yourself to that person hanggang sa kamatayan. We live in a world na very low ang commitment level ng mga tao. Kaya nga maraming nagli-livein at hindi nagpapakasal. Pero yun nga ang kahalagahan ng covenant: you are committing yourself to that relationship.‌

Kaya dapat itama ang understanding natin ng grace. Grace doesn’t mean less commitment. It means more. At yung grace and commitment na yun ay hindi mapaghihiwalay sa biblical idea ng covenant.

‌Covenant‌

“Tayo…ay…nakikipagtipan sa bawat isa.”‌

Kapag covenant ang pag-uusapan, merong divine-human covenants tulad ng covenant ng Diyos:

‌Kay Noah: “Be fruitful and multiply…Behold, I establish my covenant with you and your offspring after you…” (Gen. 9:7, 9). Merong grace from God. Merong commitment sa nakikipagtipan.

‌Kay Abraham: “As for you, you shall keep my covenant, you and your offspring after you throughout their generations” (Gen. 17:9). Ano raw yung covenant na yun? Circumcision na siyang “sign of the covenant between me and you” (v. 11). Kapag hindi circumcised, “he has broken my covenant” (v. 14). Merong grace from God. Meron ding commitment sa mga kabilang sa covenant people of God.

‌Sa Israel: “…if you will indeed obey my voice and keep my covenant, you shall be my treasured possession among all peoples, for all the earth is mine; and you shall be to me a kingdom of priests and a holy nation” (Ex. 19:5-6). Merong grace of salvation. Merong commitment na sumunod sa mga utos ng Diyos.‌

Kay David: “And your house and your kingdom shall be made sure forever before me. Your throne shall be established forever” (2 Sam. 7:16). Merong “steadfast love” galing sa Diyos. Meron ding pagdidisiplina kapag nagkakasala (v. 14).‌

Sa New Covenant: “And I will give you a new heart, and a new spirit I will put within you. And I will remove the heart of stone from your flesh and give you a heart of flesh. And I will put my Spirit within you, and cause you to walk in my statutes and be careful to obey my rules. You shall dwell in the land that I gave to your fathers, and you shall be my people, and I will be your God” (Ezek. 36:26-28). Merong heart-renewing grace. Merong commitment na sumunod sa mga utos ng Diyos.

‌‘Yan ang ibig sabihin na mapabilang sa covenant people of God. Kinikilala natin na napabilang tayo dahil lamang sa biyaya ng Diyos. Hindi dahil mas karapat-dapat tayo kaysa sa iba. By grace alone. At kasama sa pagiging covenant people of God ang pagtupad ng mga obligasyon na dapat nating gawin para makapamuhay ayon sa nais ng Diyos para sa mga taong kabilang sa kanyang tipan. Hindi tayo ang nagse-set ng sarili nating rules sa covenant na ‘to. Ang Diyos ang sovereign King at tayo ay nasa ilalim ng kanyang pamamahala.‌

Meron din namang mga covenants sa pagitan nga mga tao, tulad ng mag-asawa. Tulad nina Abraham at Abimelech: “the two men made a covenant” (Gen. 21:27). Tulad nina David at Jonathan: “Jonathan made a covenant with David” (1 Sam. 18:3). Similarly, kapag naging miyembro tayo ng local church, we made a covenant with each other. Ito ay pagpapahayag na tayo ay kabilang sa covenant people of God. Dahil nakipagkasundo na tayo sa Diyos, nakikipagkasundo rin tayo sa bawat isa sa church. Ang relasyon natin sa isa’t isa bilang isang iglesya ay overflow ng bagong relasyon na meron tayo sa Diyos. Pakinggan natin ang sinasabi ni Pablo tungkol dito sa sulat niya sa mga taga-Efeso:

Kaya’t alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo’y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan. 12 Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo’y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos. 13 Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati’y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin. 15 Pinawalang-bisa niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. 16 Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. 17 Naparito nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo’y malalayo, at sa mga Judio na malalapit. 18 Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 19 Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo’y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu. (Efe. 2:11-22 MBB)

‌Dati malayo tayo sa Diyos. Pero ngayon, dahil sa ginawa ni Cristo sa krus, sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya ay nakipag-isa na tayo kay Cristo. Meron nang bagong ugnayan sa Diyos. Ang mga taong dating magkakahiwalay rin—dahil sa lahi, dahil sa alitan, dahil sa anupamang pagkakaiba—ngayon ay inilapit na, pinagkasundo, pinag-isa, at pinagsama sa isang church. We make a covenant with each other as members para ipahayag ang realidad ng ginawa ni Cristo para sa church.‌

Kapag ang Diyos ang nag-initiate ng covenant sa atin na mga makasalanan, it is a covenant of grace. Pero sasabihin pa rin ng iba, “Masyado naman yatang exclusive ‘yan.” Well, isang purpose ng covenant membership ay para sabihin na hindi lahat ay kabilang sa people of God. Hindi komo uma-attend ka sa church at professing Christian ka, e kasali ka na. Kaya mahalaga na malinaw yung distinction kung sinu-sino ang kasali. Siyempre, hindi naman natin makikita kung ano talaga ang nasa puso ng tao. Ang Diyos lang ang nakakaalam kung sinu-sino talaga ang kabilang sa “invisible church.” Pero dapat gawin natin ang lahat ng magagawa natin para yung “visible church” o yung tatanggapin nating miyembro ng church ay sumasalamin sa nais ng Diyos na kabilang sa “invisible church.” Mula pa sa simula, God is making a careful distinction kung sino ang kabilang sa kanya at kung sino ang hindi, sino ang inside the covenant at sino ang hindi. So mahalaga rin sa atin na malaman sino ang kabilang sa church at sino ang hindi.

‌Pansinin n’yo kung paano nagsimula yung covenant natin, “Tayo…” Ang tanong, “Sino ang kabilang sa ‘tayo’?” So, bago natin sagutin sa mga susunod na pag-aaral natin sa covenant kung “ano” ang mga dapat nating gawing commitments as members ng church, linawin muna natin kung “sino” ang mga members ng church.

‌Grace‌

“Tayo, na dahil lamang sa biyaya ng Diyos…Sa tulong ng Kanyang biyaya…”

‌Una, we are people of grace. Pansinin n’yo na sa simula, sa gitna, at sa dulo ng church covenant natin ay tungkol sa biyaya ng Diyos. Sa simula,

“Tayo, na dahil lamang sa biyaya ng Diyos…” Ito ay pagkilala na naligtas tayo dahil lamang sa biyaya ng Diyos. Naibukas ang bulag nating mata, napatibok ang puso nating tumitibok para sa mga bagay sa mundong ito sa halip na sa Diyos na nagmamay-ari ng mundong ito, at hiningahan tayo para mabuhay ang patay nating espirituwal na kalagayan dahil lamang sa biyaya ng Diyos. Napabilang tayo sa pamilya ng Diyos dahil lamang sa biyaya ng Diyos. Pinili ng Diyos ang Israel hindi dahil mas mahusay sila kaysa sa ibang bansa, kundi dahil lamang sa pag-ibig ng Diyos (Deut. 7:7-8). Pinili tayong iligtas ng Diyos mula pa likhain ang mundo dahil lamang sa biyaya ng Diyos (Eph. 1:3-5). “By grace you have been saved…by grace you have been saved” (Eph. 2:5, 8).‌

Sa gitna, sa dulo ng introduction ng covenant, bago yung ten commitments ng mga church members,

“Sa tulong ng kanyang biyaya…” Pagkilala ito na hindi natin magagawa ang lahat ng ito kung wala ang tulong na nanggagaling sa Diyos. God’s saving grace is also God’s transforming, enabling and training grace, “training us to renounce ungodliness and worldly passions, and to live self-controlled, upright, and godly lives in the present age” (Tit. 2:11-12).

Kailangan natin ang biyaya ng Diyos para tulungan tayong makapamuhay sa paraang naire-reflect ang larawan ng Diyos sa buhay natin together as a church.‌

Sa dulo naman ng church covenant ang benediction,

“The grace of the Lord Jesus Christ and the love of God and the fellowship of the Holy Spirit be with you all” (2 Cor. 13:14).

Yes, totoo na may mga panahon na mabibigo tayong tuparin ang mga commitments at obligations natin as members. Kaya biyaya rin ng Diyos na didisiplinahin tayo bilang paraan para matulungan tayo na makarating hanggang sa dulo. God’s saving grace is also God’s preserving grace.‌

We are a people of grace. Biyaya ng Diyos sa simula, sa gitna, hanggang sa dulo. Sinu-sino ang kabilang sa church? Mga taong hindi nagmamagaling na mas mabuti at mas matuwid sila kaysa sa iba. Kundi ang mga taong inaaming kailangan nila ang biyaya ng Diyos from beginning to end.

‌Conversion: Repentance and Faith

‌“Tayo…ay nagsisisi’t tumatalikod sa ating mga kasalanan, sumasampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo…”‌

Ikalawang sagot sa tanong na sinu-sino ang kabilang sa church: those who belong to Christ, united to Christ sa pamamagitan ng pagsisi’t pananampalataya. Ipinapahayag nila at pinatutunayan sa buhay nila na sila ay nakay Cristo na. Hindi automatic na sa kamatayan ng Panginoong Jesus ay nagkaroon ng kaligtasan ang lahat ng tao. Ito ay inilapat lang sa mga tumanggap sa biyayang ito sa pamamagitan ng pananampalataya (Eph. 2:8). Faith ang nagkokonekta sa atin sa lahat ng saving benefits ng ginawa ni Cristo (Eph. 1:3). Ang mga kabilang sa church ay ang mga taong nagtitiwala hindi sa sarili nila at sa magagawa nila kundi kay Cristo at sa kanyang ginawa sa krus para sa atin.

‌Ang pananampalatayang ito ay may kaakibat na pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ito rin ay biyaya ng Diyos enabling sin-lovers, those who loved darkness rather than light, turn away from their sins and turn to Christ. Kasama ito sa response na dapat nating gawin nang marinig natin ang gospel. Sabi ni Jesus sa simula ng earthly ministry niya,

“The time is fulfilled, and the kingdom of God is at hand; repent and believe in the gospel” (Mark 1:15).

Hindi pwedeng may pananampalataya pero wala namang pagkilala sa kasalanan bilang pagrerebelde sa Diyos. Hindi pwedeng may pagsisisi pero wala namang pananampalataya kay Cristo. Para ‘yang two sides of the same coin, kabilang sa conversion yung parehong repentance and faith. Merong tinatalikuran (kasalanan), merong nilalapitan (si Cristo). Saving faith is repentant faith. Saving repentance is believing repentance.

‌Sino ang kabilang sa church? Yun bang mga taong walang kasalanan? Yung mga taong mas mabuti kaysa sa iba? No. Yung mga taong inaamin na sila’y makasalanan, teribleng makasalanan, humihingi ng tawad sa Diyos, at nagtitiwala na wala nang ibang makapagliligtas sa kanila maliban kay Cristo? Masasabi mo bang ‘yan ay totoo sa ‘yo? Don’t assume na dahil nandito ka “sa church” ay kabilang ka na sa “church.” Do you belong to Christ? Nakakabit ka na ba kay Cristo? There is no more important question than this.‌

At kung ‘yan ay totoo na sa ‘yo, ‘wag mong isiping ‘yan ay one time decision lang. Pansinin mo yung nakasulat sa covenant. Hindi “nagsisi’t tumalikod sa ating mga kasalanan, sumampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo,” kundi “nagsisisi’t tumatalikod sa ating mga kasalanan, sumasampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo.” Oo nga’t nagsisi ka na, pero patuloy pa rin na nagsisisi. Sumampalataya pero patuloy pa ring sumasampalataya.

The gospel is “the power of God for salvation to everyone who believes” (Rom. 1:16),

present tense ‘yan. Yun ang nagpapatuloy na pananampalataya. Tulad din ng sabi ni Paul,

“I have been crucified with Christ. It is no longer I who live, but Christ who lives in me. And the life I now live in the flesh I live by faith in the Son of God, who loved me and gave himself for me” (Gal 2:20).

Dahil si Cristo at ang buhay ni Cristo ang nasa atin, nagpapatuloy rin tayo na namumuhay para kay Cristo. At ito ang tinatawag na discipleship.

‌Discipleship

‌“…at inilalaan ang buong buhay natin para sa kanya…”

‌Ito yung ikatlong sagot sa tanong na sinu-sino ang kabilang sa church: followers of Christ. Yung pananampalataya na hindi lang sinabi kundi pinatutunayan sa gawa. Hindi tayo naligtas sa pamamagitan ng gawa.

But we are “created in Christ Jesus (mga bagong nilalang!) for good works” (Eph. 2:10).

Ang buhay natin ay para sa kanya na nagbigay ng kanyang buhay para sa atin. Sabi niya,

“Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin” (Mark 8:34).

Hindi tayo naligtas dahil sa commitment natin na ibigay ang buhay natin sa kanya at sumunod sa kanya. We commit na sumunod sa kanya at magsakripisyo para sa church dahil iniligtas na niya tayo sa pamamagitan ng buhay na ibinigay niya para sa atin. Ang panawagan na sumunod kay Cristo ay biyaya pa rin ng Diyos. Dahil kung hindi si Cristo ang susundin natin, sino? Meron bang anumang bagay sa mundong ito ang makahihigit kay Cristo at sa anumang nasa atin dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo?

Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? (Mark 8:35-36)

‌Yung lalaking mayaman, pinili niyang yakapin ang kayamanan niya kaysa kay Cristo. Hindi kayamanan yun. Yun ay kalugihan. Merong season sa ministry ni Jesus na yung maraming mga taong sumusunod sa kanya ay umaalis na at ayaw na. Kaya tinanong ni Jesus ang Labindalawa,

“Kayo, aalis rin ba kayo?” Sagot ni Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? You have the words of eternal life” (John 6:60-62).

Oo, mahirap din ang magcommit sa church. Magugulo ang buhay mo. Magsasakripisyo ka para sa iba. Pero kung ito ang panawagan sa atin ni Cristo, then it must be grace. Bakit? Sabi ni Dietrich Bonhoeffer, yung pastor na pinatay sa panahon ni Hitler sa Germany, “If Christ calls a man, he bids him come and die.” Kumpletuhin natin, “He bids him come and die and live again.” Nararanasan natin ang tunay na buhay kung ang buhay natin ay iniaalay natin para sa iba. Pero kung nabubuhay tayo para sa sarili natin, we die. Itong picture na ‘to ng kamatayan at muling pagkabuhay ang nasa essence naman talaga ng gospel message. At ito ay nailalarawan o naidi-display sa pamamagitan ng baptism.

‌Baptism

‌“…at matapos na mabautismuhan sa tubig nang ipahayag natin ang pananampalatayang ito…”

‌Ito ang ikaapat na sagot kung sinu-sino ang kabilang sa church: baptized followers of Christ. Sa pamamagitan ng pagpababautismo, sinusunod natin ang utos niya bilang mga disciples ni Cristo,

“baptizing them in the name of the Father and of the Son and of the Holy Spirit” (Matt. 28:19).

Sa New Testament, hindi nakahiwalay ang faith and repentance sa baptism. Sabi ni Peter sa evangelistic message niya,

“Repent and be baptized every one of you in the name of Jesus Christ for the forgiveness of sins” (Acts 2:28).

Hindi naman yung act of baptism ang nakapagliligtas sa atin. Siyempre si Cristo lang at ang ginawa niya sa krus. But in baptism, we express yung pananampalataya natin kay Cristo na nagligtas sa atin. Kaya nga inilalarawan sa bautismo ang pakikipag-isa natin kay Cristo sa kanyang kamatayan (kapag tayo ay inilubog sa tubig) at muling pagkabuhay (sa pag-ahon natin sa tubig) (Rom. 6:3-4; Col. 2:12). Sa baptism, nakikita natin na parang visual aid ang magandang balita ni Cristo na napapakinggan natin sa preaching of the gospel. Sa baptism, ipinapahayag natin na we are a people of grace, na tinanggap natin ang biyaya ng kaligtasan na galing sa Diyos, kasabay ang pagtitiwala na dahil tayo’y nakipag-isa na kay Cristo, walang anuman o sinuman ang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig (Rom. 8:28-29). Paano tayo nakasisigurado? Pakinggan n’yo ang baptismal formula:

‌Trinity

‌“…sa pangalan ng Diyos Ama at ng Diyos Anak at ng Diyos Espiritu Santo…”

‌Ano ang kinalaman ng doctrine of the Trinity sa church? A lot! Walang church kung walang Trinity. Ang Diyos Ama ang pumili ng mga taong ililigtas niya at ibibilang sa church. Ang Diyos Anak ang nagsakatuparan ng plano ng Ama na iligtas tayo. Ang Banal na Espiritu ang nagbigay ng buhay sa atin para mapasaatin ang kaligtasang ito. Kaya ang baptism ay hindi lang act of obedience sa utos ni Cristo (ordinance). Ito rin ay means of grace (sacrament) na nagpapatibay ng pananampalataya natin na ang kaligtasang bigay ng Diyos ay wala nang bawian. Kung nakipag-isa ka kay Cristo, nakipag-isa ka sa tatlong persona ng Trinity. Hindi mo naman kasi pwedeng ihiwalay ang Anak sa Ama at sa Espiritu. Tatlong persona, isang Diyos. Medyo sasakit ang ulo natin kung pag-uusapan natin kung paano iyon. Pero magbibigay naman ito ng tibay sa puso nating madaling magduda, madaling matakot, madaling panghinaan ng loob kung aalalahanin natin na sa baptism ay itinali ng Diyos ang pangako niya sa atin na siya’y para sa atin, kasama natin, and that is true for all eternity.

‌Kung totoo ang Trinity, at totoo nga!, you cannot live your life in isolation from other Christians. Tatlong persona, isang Diyos. Sa church, maraming members, isang church, maraming bahagi, isang katawan. Yun ang ibig sabihin ng “community.”

‌Community‌

“Tayo…”

‌Kung ang goal ng pagkakalikha sa tao as images of God ay para i-reflect kung sino ang Diyos, hindi mo ‘yan magagawa nang mag-isa. Kaya hindi lang lalaki ang ginawa ng Diyos, meron ding babae. Kaya ang buhay Kristiyano, hindi rin pwedeng mag-isa, kailangang may church. You cannot reflect the image of Christ as king, prophet and priest, kung mag-isa ka lang. Oo nga’t iba-iba tayo, pero merong isang nagbubuklod sa atin para maging isa, at ito ang magandang balita ni Cristo. When we believe the gospel, when we follow Christ, we are not alone. ‘Yan ang kahalagahan ng covenant membership. When you commit na maging member ng church, hindi ka lang nagko-commit ng gagawin mo para sa church. Tinatanggap mo rin ang commitment nila na gagawin nila para sa ‘yo. Ang church ay daluyan ng biyaya ng Diyos sa isang Kristiyano. Kung hindi ka member ng church, pinakakaitan mo ang sarili mo ng biyayang inilaan ng Diyos sa kanyang mga anak. Para kang isang batang palaboy-laboy at walang permanenteng tirahan. Kung ikaw ay anak ng Diyos, you are born into a new family (“kabilang sa kanyang sambahayan…tahanan ng Diyos,” Efe. 2:19, 22), meron ka nang mga kapatid kay Cristo, at hindi mo pinipili kung sino ang gusto mong maging kapatid. Ang baptism ay naglalarawan hindi lang ng pakikipag-isa kay Cristo, kundi pakikipag-isa rin sa kanyang katawan.

“In one Spirit we were all baptized into one body” (1 Cor. 12:13).‌

Isang dahilan bakit ni-revise natin ang church covenant natin last year ay dahil yung dati ay nakasulat sa first person singular, “Ito ang gagawin ko…” Ngayon, nakasulat na sa first person plural, “Ito ang gagawin natin…” Tulad nitong ganitong first lines sa sampung commitments na yun: “Pagsisikapan natin…Sama-sama tayo…Hindi natin pababayaan…” and so on. Reminding us na hindi ka nag-iisa sa pagtupad ng commitments sa covenant. Sama-sama tayo. Kapag may nakakalimot, papaalalahanan natin. Kapag merong palaging nag-aabsent, kukumustahin natin at hihikayatin na wag pabayaan ang pagtitipon. Kapag merong nawawala, hahanapin natin. Kapag merong nahuhulog sa kasalanan, tutulungang bumangon. Hindi ba’t napakalaking biyaya galing sa Diyos, regalo ng Diyos, ang mapabilang sa ganitong klaseng komunidad?

‌Application: Whole-hearted and Joy-filled Commitment

‌So, why not commit yourself na maging member ng church? Kaya ganito ang nakasaad sa dulo ng intro ng covenant natin:‌

“…ngayon ay taos-puso at buong-kagalakang nangangako at muling nakikipagtipan sa bawat isa.”

‌“Taos-puso” dahil hindi ito sapilitan. No one, not even your parents, will make this decision for you. Hindi basta pipirma lang sa covenant, kundi yung puso mo ay itinatali mo rin sa mga nakasulat sa covenant na yun. At gagawin ang mga responsibilities ng isang member hindi dahil kailangang gawin, kundi “buong-kagalakan.” Isinulat ang covenant na ‘to, na pinagkasunduan natin bilang mga miyembro, for our joy. Kung hanggang ngayon ay hindi ka pa member ng church, we invite you to join our church family. Lapitan ninyo ang isa sa aming mga elders at makipag-usap kung ano ang susunod na hakbang. Mag-iischedule tayo ng membership class para mas mapag-usapan pa ‘to. And for some reason, hindi ka makakapagpa-member dito, baka sa ibang church na malapit sa inyo, but make sure na yung church na yun ay parehong gospel ang itinuturo at ipinamumuhay sa church. At para sa mga members na, patuloy tayong magkaroon ng renewal of commitment— “muling nakikipagtipan sa bawat isa”—tuwing may members meeting, tuwing may Lord’s Supper. Madali kasi tayong makalimot. Madaling manlamig ang commitment natin. Kaya kailangang paalalahanan natin palagi ang bawat isa na grasya ng Diyos, biyaya ng Diyos, regalo ng Diyos ang pagiging miyembro ng church. Hindi ito optional extra sa buhay Kristiyano. Ito ay essential, kailangang-kailangan.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply