Introduction to Series

Magkakaroon muna tayo ng break sa sermon series natin sa Exodus. Four months siguro bago natin ituloy yun. Bakit? Ang pag-aaralan muna natin simula ngayon ay isang sermon series tungkol sa ating church covenant, o yung tipan na nilagdaan ng mga miyembro ng church to express their desire and commitment na maging member of our church family. Bago rin itong version na ‘to ng church covenant. Upon recommendation ng mga church elders, inaprubahan ito sa members meeting natin last year (June 2022). So, yung mga bagong members, ito na yung pinirmahan nila. Kaya mahalaga rin na maunawaan natin kung ano at bakit ganito ang nakasulat sa covenant natin. Nasa Bibliya ba ‘yan? ‘Yan ba talaga ang itinuturo ng Salita ng Diyos na dapat nating paniwalaan at sundin tungkol sa church at sa pagiging miyembro ng church? The Word of God remains our supreme authority sa church natin and how we conduct ourselves as members of this church.

Sa panahon ngayon ay “very loose” ang idea ng tungkol sa commitment sa isang local church as members, madaling magpalipat-lipat ng church, pumili ka kung ano ang gusto mo at kumportable sa ‘yo, o umattend ka lang kung gusto mo. Kaya mas lalo nating dapat pagtuunan ng pansin ang usapin tungkol sa ecclesiology o doctrine of the church. Very practical kasi meron agad direct application sa atin. Kahit nga hindi ka pa member ng church, the fact na nandito ka ngayon kasama ng mga members ng church, meron din itong direct relevance sa ‘yo. Bakit umaattend ka lang? Bakit hindi ka nagpapa-member ng church? Para sa mga bata ganun din. Nasanay na kasama ng mga parents sa church, pero bakit? Bakit mahalaga? At paano mapapabilang sa church as a member? Bakit nga ba mahalaga ang pagdalo sa mga pagtitipon natin? At ano ang gagawin natin kapag nagtitipon tayo? At paano tayo makikipag-ugnayan sa bawat isa? Ano ang tungkulin natin sa Diyos, sa church, sa pamilya, at sa mundong ginagalawan natin? How do we live our lives together—hindi hiwa-hiwalay, but together—as a church? At hindi lang kapag Sunday, but every single day.

Kaya ang title ng sermon series natin ay Life Together: Paano Magiging Makabuluhan ang Pagiging Church Member. So kung ano ang pag-aaralan natin dito, same topic din doon, mauuna lang tayo ng one week sa kanila. Starting July 1, officially magsisimula si Ptr. Marlon na mag-serve as their leading pastor, while also serving as associate pastor sa church natin. Mahirap ‘yan. Pero mapagtutulung-tulungan natin. Sakto rin ito kasi we are dealing with some issues and conflicts sa church plant natin. Kapag may problema ka sa relasyon sa ibang members o leaders ng church, madali na umalis na lang. Pero yun ba ang solusyon? Yun ba ang dapat na kaagad ng reaksyon ng isang miyembro ng church? Ang daming tanong na we hope and pray ay masasagot along the way sa series natin. Pero bago natin tingnan yung introduction ng church covenant natin next week, heto muna ang tanong na pag-usapan natin, “Saan nagsimula ang church?”

‌Saan nagsimula ang church?

Hindi ko tinatanong kung kailan ka nagsimula sa church. Ang tanong ay hindi rin kung paano nagsimula ang Baliwag Bible Christian Church noong 1986. Saan nagsimula ang church? Usually, sasabihin ng mga tao na ‘yan ay nagsimula sa Acts chapter 2, noong araw ng Pentecost, yung bumaba yung Holy Spirit sa mga disciples ni Jesus na tulad ng kanyang sinabi bago siya umakyat pabalik sa langit. May point din naman. Kasi sa Acts 5:11 unang binanggit dito yung “church.” Usually, kapag binanggit yung “church” o “iglesiya,” ito ay maaaring tumukoy sa church na nasa isang lugar o locality, “the church in Jerusalem” (Acts 11:22), “the church at Antioch” (Acts 13:1); o yung church na nasa isang region, “the church throughout all Judea and Galilee and Samaria” (Acts 9:31), or “church” na pangkalahatan. Pero hindi rin naman ganun ka-accurate na sabihing sa Acts nagsimula ang church. Dahil sinabi na ni Jesus ang tungkol dito, “…on this rock I will build my church” (Matt. 16:18). Ganun din sa Matthew 18:17, “tell it to the church.” Galing ang “church” sa salitang Greek na ekklesia, na ang basic meaning ay asembleya o pagtitipon. Of course, it means more than than.‌

Kung salitang “church” ang pagbabasehan, baka ang sagot sa tanong na “Saan nagsimula ang church?” ay “sa New Testament.” Pero alam n’yo ba na ang salitang ekklesia ay Greek Old Testament translation ng Hebrew word na qahal, na naglalarawan ng isang asembleya. Paglabas ng Israel sa Egypt nagtipon sila sa Mount Sinai. Ang Diyos ang nagpatawag ng pagtitipong ito, “Gather (Heb. qahal) the people to me” (Deut. 4:10). Kaya tinawag ito na “the day of the assembly (Heb. qahal)” (Deut. 9:10). Kaya tama ang sinabi ni Edmund Clowney, “The story of the church begins with Israel, the Old Testament people of God” (The Church, p. 28). So ang church ay hindi lang New Testament reality. Hindi rin ito bagong plano ng Diyos, o plan B ng Diyos. Ito ay nasa isip na ng Diyos mula sa Old Testament. Sabi ni apostle Peter sa church, “You are a chosen race, a royal priesthood, a holy nation, a people for his own possession” (1 Pet. 2:9). Siksik ‘yan ng Old Testament references. Lalo na yung sinabi ng Diyos tungkol sa Israel noong nasa Mount Sinai na sila, “…you shall be my treasured possession among all peoples…you shall be to me a kingdom of priests and a holy nation” (Exod. 19:5-6).‌

Kung ang sagot sa tanong na “Saan nagsimula ang church?” ay “sa Israel,” dapat din nating itanong, “Saan ba nagsimula ang Israel?” Kaya makakarating tayo sa simula’t simula pa ng paglikha ng Diyos sa tao. Ang church ay nagsimula sa paglikha ng Diyos sa tao. Kaya sabi sa Belgic Confession, “This Church has been from the beginning of the world, and will be to the end thereof” (Art. 27). Ang church as the people of God ay nagsimula sa paglikha ng Diyos sa tao. Ito ay nasa isip na ng Diyos, nasa plano na ng Diyos sa simula’t simula pa. The story of the church as the people of God begins with Adam.

‌I. Adam

‌Ang kuwento ng church ay nagsimula sa isang tao na nilikha ng Diyos. Ang pangalan niya ay Adan. Ngunit hindi pwedeng mag-isa lang ang tao, kaya nilikha ng Diyos ang babae, si Eba, para maging asawa ni Adan. Dalawang tao pero naging isa in the union we call marriage. Nilikha ang tao ayon sa larawan ng Diyos, the image of God. Sa ika-anim na araw ng paglikha ng Diyos, sinabi niya:

Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila’y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae. ( Gen. 1:26-27).

Nasa tao ang larawan ng Diyos. Hindi tayo Diyos, pero merong mga katangian ang Diyos—Father, Son, and Spirit, isang Diyos, tatlong persona—na nasa atin. Merong resemblance. Not physical, dahil ang Diyos ay Espiritu. Pero yung mga katangian niya tulad ng kabutihan, pagmamahal, karunungan, pagiging malikhain, at marami pang iba. Yung image of God na yun ay tumutukoy din sa roles ng tao ay representatives of God. Tayo ang kinatawan ng Diyos sa mundo. Ibig sabihin, kung paanong gusto ng Diyos ipakilala ang sarili niya, dapat yun ay nasasalamin sa buhay natin. We show to others what God is like by the way we live our lives. Bilang images of God, ang mga tao ay reflection at dapat maging reflection ng kung sino ang Diyos. Magagawa natin ito in at least three ways: as kings, as priests, and as prophets.‌

As kings, we reflect God’s image kung tayo mismo ay nagpapasakop sa kanyang awtoridad na mamahala sa buhay natin at pinamamahalaan naman natin ng maayos ang mga ipinagkatiwala sa atin ng Diyos na pangalagaan. Sabi ng Diyos sa paglikha sa mga tao, “Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit” (Gen. 1:26). Ipinagkatiwala ng Diyos kina Adan at Eba ang pangangalaga at pamamahala sa Garden of Eden. Sinabi ng Diyos na pangalanan niya ang mga hayop, at kung ano ang ipangalan niya ay yun ang itatawag (Gen. 2:19-20). Nagpapakita rin yun ng awtoridad tulad ng pagpapangalan ng mga magulang sa mga anak nila. Sabi sa Psalm 8 tungkol sa dignidad na iginawad ng Diyos sa mga tao, “Ginawa mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha, sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala” (Psa. 8:6).‌

As priests, we reflect God’s image kung siya lang ang sinasamba natin at wala nang iba, at tinutulungan din natin ang iba na makalapit sa Diyos sa pagsamba sa kanya. Itong sina Adan at Eba ay merong direct access sa presensya ng Diyos sa Garden of Eden. Kumbaga sa templo, parang yung buong mundo ang templo at itong garden ang holy of holies. Sa Genesis 2:15 ay merong priestly language tungkol sa paglagay ng Diyos sa tao sa hardin “to work it and keep it,” “upang ito’y pagyamanin at pangalagaan.” Hawig ito sa Numbers 3:8 na siya namang tagubilin sa mga pari sa Israel na pangalagaan at bantayan ang tabernacle. May tungkulin sila Adan na bantayan ang hardin para manatili itong banal at walang anumang “marumi” o “unclean” ang makapasok dito. Nais din ng Diyos na magparami o mag-multiply sila, para mapuno ang buong mundo ng mga “images that radiate his glory” (Benjamin Gladd, From Adam and Israel to the Church, 18).‌

As prophets, we reflect God’s ‘image kung pinakikinggan natin ang salita ng Diyos, kung namumuhay tayo ayon sa salita ng Diyos, at ibinabahagi natin ang salita ng Diyos sa iba. Kay Adan ibinigay ng Diyos ang utos na pwedeng kainin ang lahat ng bunga ng mga halamang nasa hardin, maliban lang sa isa. So ibig sabihin, ito yung salita ng Diyos na sinabi rin niya sa asawa niya. At kung magkakaanak sila, dapat ding sabihin sa kanila ang salita ng Diyos. At dapat nilang paniwalaan at sundin kung ano ang sinasabi ng Diyos.

Ang tanong, nagtagumpay ba sina Adan at Eba na i-reflect ang larawan ng Diyos bilang kings, priests and prophets? Siyempre alam nating hindi. Sa Genesis 3 makikita natin na sa halip na pamahalaan nila ang ahas as faithful kings, ang ahas pa ang nasunod sa gusto niya. Sa halip na magpasakop sila sa pamamahala ng Diyos, ginusto pa nila na sila ang magdedesisyon kung ano ang mabuti at masama. Sa halip na bantayan nila ang hardin as faithful priests para maging buo ang pagsamba nila sa Diyos at walang makapasok na anumang marumi, naniwala sila sa kasinungalingan ng ahas, sinunod ang sarili nilang gusto at hinayaang makapasok ang karumihan ng kasalanan sa halip na mapanatili ang kabanalan at katuwiran. Sa halip na pakinggan nila ang salita ng Diyos, sundin ito at ituro ito sa iba as faithful prophets, dinagdagan pa nga ni Eba ang salita ng Diyos. Sabi ng ahas sa kanya, “Talaga bang sinabi ng Diyos na bawal kayong kumain ng kahit ano dito sa hardin?” Sabi ni Eba, “Hindi naman, ang sabi sa amin ay wag kainin ang bunga ng puno na nasa gitna, at huwag ding hahawakan, at mamamatay kami” (Gen. 3:2). Wala namang sinabi ang Diyos na wag hahawakan. Binago ang salita ng Diyos, hindi pinaniwalaan ang salita ng Diyos, hindi sinunod ang salita ng Diyos. Si Adan, dapat siya ang magsalita at sumaway sa ahas, at magpaalala sa asawa niya, pero tahimik lang! To be silent kapag oras na magsalita is to fail to be a faithful prophet.

‌II. Israel

‌Ang pagkabigo nina Adan at Eba na i-reflect ang larawan ng Diyos ay hindi nangangahulugang pagkabigo ng plano ng Diyos to form a people for himself. Hindi niya sila pinatay agad. Gusto ng Diyos na magpakarami sila at punuin ang mundo ng mga “larawan.” Kaya pinili niya si Abraham at pinangakuan na magiging isang malaking lahi, “a great nation” (Gen. 15:14; 17:20; 18:18; 21:18; 46:3). Tinupad ng Diyos ang pangako niya nang dumami nang dumami ang Israel sa Egypt. Tinawag sila ng Diyos na “my people” (Exod 6:7; 3:7, 10). Hindi lang yun, kundi “my firstborn son” (Exod. 4:22), not sons but son, singular. Marami, pero isa. At bilang anak, dapat like father like son, dapat i-reflect nila ang larawan ng Diyos. Tulad ni Adan sa kanyang anak na si Seth, “he fathered a son in his own likeness, after his image” (Gen. 5:4). Ang Israel din ay nilikha ng Diyos para ma-reflect ang kanyang glorious image, “whom I created for my glory” (Isa. 43:7). Iniligtas sila ng Diyos from slavery in Egypt sa pamamagitan ng mga miraculous at spectacular signs so that they as the people of God would reflect his image as a nation of kings, priests and prophets.‌

Kung titingnan ang mga features ng tabernacle na ipinagawa ng Diyos sa kanila habang sila ay naglalakbay sa disyerto, na eventually ay naging permanent na templo sa panahon ni Solomon, may malaking pagkakahawig sa mga features sa Garden of Eden. Halimbawa dun sa Holy of Holies ay nandun yung ark of the covenant na naglalaman ng tablets na pinagsulatan ng ten commandments at sa ibabaw nito ay larawan ng dalawang kerubim na siyang nagbabantay sa hardin nang palayasin sina Adan at Eba nung magkasala sila. Senyales ito na hindi pa tapos at nagpapatuloy pa rin ang programa ng Diyos sa pagtitipon ng mga taong magiging kanya: “God’s people under God’s rule in God’s place” (Graeme Goldworthy). Nais ng Diyos na ang Israel ang maging new Adam, reflecting God’s image as a nation of kings, priests and prophets. Malinaw na in-express ang intensyon na ‘yan ng Diyos bago ibigay ang Ten Commandments. “Now therefore, if you will indeed obey my voice and keep my covenant, you shall be my treasured possession among all peoples, for all the earth is mine; and you shall be to me a kingdom of priests and a holy nation” (Exod 19:5-6).‌

“A kingdom of priests.” As kings, they reflect God’s image kung nagpapasakop sila sa paghahari ng Diyos sa kanila, kung pinamamahalaan sila ng mga haring tulad ng paghahari ng Diyos, at ipapakita nila sa buong mundo kung ano ang isang bansa na Diyos ang naghahari—ibang-iba sa mga bansang hindi Diyos ang naghahari.

‌“A kingdom of priests.” As priests, they reflect God’s image kung sa Diyos lang sila sasamba, kung babantayan nila ang buhay nila para walang makapasok na anumang “marumi” at tiyakin na mamumuhay sila sa kabanalan, at kung tutulungan nila ang iba na makalapit din sa Diyos. Oo nga’t may mga priests sila, pero ang function din ng buong bansang Israel ay maging “priest” mediating God’s blessings to the nations. At dahil sa kasalanan, nagtalaga ang Diyos ng mga priests para manguna sa paghahandog ng mga sacrificial offerings para makalapit sila sa pagsamba sa Diyos.

‌As prophets, they reflect God’s image kung pinakikinggan nila ang salita ng Diyos, kung pinaniniwalaan nila ito, kung sinusunod nila ito at itinuturo sa iba, lalo na sa mga anak nila. “If you will indeed obey my voice…” May mga propeta sila na nagpapaalala kung ano ang mga kundisyon at obligasyon ng covenant ng Diyos sa kanila.‌

Ang tanong ulit, nagawa ba nilang maging tapat na i-reflect ang larawan ng Diyos as kings, priests and prophets? Mas naging better ba sila kina Adan at Eba? Well, may mga traces naman ng faithfulness, may mga tao naman na nagiging tapat sa Diyos, may season naman na faithful sila sa covenant. But generally speaking, they also like Adam failed big-time. Paglabas pa lang nila sa Egypt, pagkabigay pa lang ng Diyos sa kanila ng Ten Commandments, pagkabigay pa lang sa kanila ng utos na gumawa ng tabernacle so that God can dwell with them as his people, sinuway na agad nila ang utos ng Diyos, sumamba na sila sa diyos-diyosan. At ang buong kasaysayan ng Old Testament ay saksi sa paulit-ulit na pagkabigo nila in reflecting the image of God well. Sa halip na maging tulad ng Diyos, naging tulad sila ng mga bansang nakapaligid sa kanila. Sa halip na kilalanin ang paghahari ng Diyos, mas ginusto pa nila na magkaroon sila ng hari na tulad ng sa ibang bansa. Sa halip na dalhin ang iba palapit sa Diyos, sila pa ang nalayo sa Diyos. Sa halip na ipangaral ang katotohanan, puro kasinungalingan ang pinaniwalaan nila.‌

Ito ang istorya ng Israel. Ano ang kasunod sa programa ng Diyos in forming a people for himself? Kapag sagot mo agad ay, “Church!”, baka isipin mo na narito ang church kasi we are better or we can do better than Israel, o narito ang church para palitan ang Israel, o narito ang church para pansamantalang i-postpone ang plano para sa Israel. Pero tandaan natin, ang istorya ng Israel ay ang istorya din natin as a church. Pero hindi pwedeng pagkatapos ng Israel ay church na agad. Wag na wag nating lalaktawan ang pinakamahalaga sa buong kuwentong ito, ang pagdating ni Cristo at kung ano ang ginawa niya na hindi nagawa ni Adan, hindi nagawa ng Israel, at hindi nagawa ng sinuman.

‌III. Christ

‌Si Adan, ayon kay Paul, ang “type of the one who was to come” (Rom. 5:14). Na natupad nang dumating si Cristo. Ang Panginoong Jesus ang true Adam. Ang dulo sa talaan ng mga ninuno ni Jesus sa Luke, “Jesus…the son of Adam, the son of God” (Luke 3:23, 38). Ang buhay ni Jesus ay dramatization kumbaga ng history ng Israel—mula sa kanyang pagpunta sa Egypt (“Out of Egypt I called my son,” na unang binanggit tungkol sa Israel na ngayon ay natupad kay Cristo,Matt. 2:15, Hos. 11:1), hanggang sa kanyang 40 days of testing sa wilderness na parallel sa 40 years of testing ng Israel sa wilderness, hanggang sa Sermon on the Mount na parallel ng pagbibigay ng kautusan ng Diyos sa Mount Sinai. Si Jesus ang totoong Israel, ang katuparan ng mga pagkabigong dinanas ng Israel. Bilang Anak ng Diyos, ikalawang persona sa Trinity, dala-dala niya ang perfect image of God, “the image of the invisible God” (Col. 1:15, “the radiance of the glory of God” (Heb. 1:3). He is “the firstborn of all creation” pero hindi siya isa sa mga nilikha, “for by him all things were created” (Col. 1:15-16).‌

Perpekto niyang nai-reflect ang larawan ng Diyos as King, Priest, and Prophet. He is the true and better King, the true and better Priest, the true and better Prophet. As King, nai-reflect niya nang perpekto at walang pagkukulang ang kapamahalaan ng Diyos. Ang pagdating ni Jesus ay pagdating ng paghahari ng Diyos o ng haring itinalaga ng Diyos. Bungad ng New Testament, “Jesus Christ, the son of David (King David!), the son of Abraham” (Matt. 1:1). Si Abraham na pinangakuan ng Diyos na magkakaroon ng “great nation” na ngayon ay pinaghaharian ng Panginoong Jesus. And he is a good and gracious King—naaawa sa mga mahihirap, nagpapatawad ng mga makasalanan, nagpapagaling ng may sakit, nagtitiyaga sa mga tagasunod niya na matigas ang ulo.‌

As prophet, perpekto at walang pagkukulang niyang nai-reflect ang larawan ng Diyos dahil nakikinig siya sa salita ng Diyos, sumusunod at ipinapangaral ito sa iba. Siya ang katuparan ng sinabi ng Diyos kay Moses na propetang darating na dapat nilang pakinggan (Deut. 18:15). Hindi lang siya tagapaghatid ng Salita ng Diyos, siya mismo ang Salita ng Diyos (John 1:1). Hindi lang siya tagapagpaliwanag ng Kautusan, siya mismo ang Law-Giver. At siya na Law-Giver ay naging Law-Keeper para tuparin ang lahat ng requirement ng Kautusan para kay Adan, para sa Israel, para sa atin na paulit-ulit na sumuway at nagrebelde sa Kautusan ng Diyos.‌

As priest, our Great High Priest sabi ng Hebrews, nai-reflect niya nang perpekto at walang pagkukulang ang larawan ng Diyos sa kanyang malapit na relasyon sa Ama. Sabi sa kanya ng Ama sa kanyang baptism, “This is my beloved Son, with whom I am well pleased” (Matt. 3:17). Tinukso siya ni Satanas na ibibigay sa kanya ang lahat ng kayamanan sa mundo kung siya’y sasambahin ni Jesus. Sagot ni Jesus, “You shall worship the Lord your God and him only shall you serve” (Matt. 4:10). Hindi lang siya High Priest, siya mismo ang templo na pinananahanan ng presensiya ng Diyos. Hindi lang siya true and better priest, hindi lang siya true and better temple, siya rin ang true and better sacrifice na inihandog ang sarili niya para sa ating mga makasalanan. Nang ipako siya sa krus, siya mismong Hari ang nagpasakop sa pamamahala ng mga human authorities, siya mismong Prophet ang naging parang law-breaker on our behalf (2 Cor. 5:21), siya mismong Priest ang naging sacrificial offering. Nang mamatay siya, nahati ang tabing sa holy of holies sa templo at lahat ng mga makasalanan na magsisisi at sasampalataya sa kanya ay malaya nang makakalapit sa banal na presensiya ng Diyos.

‌IV. Church

‌So, nagiging kabilang tayo sa people of God in union with Christ by faith. Ang church—lahat ng nakay Cristo—ang people of God. Pagdating ni Jesus, tumawag siya ng twelve apostles. Bakit “12”? Hindi nagkataon lang, kundi sinadya na 12 para maging katumbas ng 12 tribes ng Israel. So Jesus was creating a new people for himself. Para sa anong layunin?Mark 3:14-15, “so that they might be with him (malapit na relasyon sa kanya, priestly) and he might send them out to preach (prophetic role ‘yan, speaking God’s words) and have authority to cast out demons (kingly).” Sa pamamagitan ni Cristo, we are God’s image-bearers, “being renewed in knowledge after the image of its creator” (Col. 3:10). Hindi pa perpekto, pero binabago “to be conformed to the image of his Son” (Rom. 8:29).‌

As kings, we represent Jesus our King. Kung paano niya dinurog ang ulo ng ahas (Gen. 3:15), dapat din tayong makipaglaban sa lakas na nanggagaling sa Panginoon laban sa gawa ng kaaway, “against the spiritual forces of evil” (Eph. 6:10-12). At gagawin natin itong pag-reflect sa paghahari ni Cristo na sama-sama as a church, nagpapailalim sa pamamahala niya, sumusunod sa kalooban niya, hawak-hawak ang awtoridad na bigay ng Diyos sa atin as a congregation to exercise “the keys of the kingdom”—yung preaching of the gospel para ang mga nasa labas pa ng church ay makapasok sa church at mapabilang kay Cristo, at yung church discipline para itiwalag ang sinumang nagsasabi na sila’y nakay Cristo pero hindi naman namumuhay na bilang isang tagasunod ni Cristo. Ginagawa rin natin ito as we obey the Great Commission. Sabi niya, “All authority” ay nasa kanya, kaya humayo tayo at gawing tagasunod niya ang lahat ng lahi sa buong mundo, babautismuhan sila, at tuturuang sumunod sa lahat ng iniuutos niya bilang Hari ng lahat (Matt. 28:18-19).

‌As priests, we represent Jesus our Great High Priest. Ang church ang “temple of the Spirit” (1 Cor. 3:16). Kaya gagawa tayo para mapanatili ang pagkakaisa sa church, maayos ang mga di pagkakasundo at pagkakabaha-bahagi. We also commit na magtipon nang regular para sumamba sa Diyos. Yun nga ang function ng temple. Ipanalangin din ang iba para sila rin ay mailapit sa Diyos. Panatilihin at pagtulung-tulungan ang pamumuhay nang may kabanalan. Sama-sama nating pagtutulungan ang paglaban sa kasalanan. We will commit na putulin ang anumang romantic at sexual relationship sa mga unbelievers (maliban na lang kung kasal na). Ang dahilan? Sabi ni Paul, “For we are the temple of the living God” and we are God’s people and God’s family (2 Cor. 6:16-18).‌

Pero hindi ibig sabihing wala na tayong pakialam o wala na tayong gagawin para sa mga unbelievers. Ang plano nga ng Diyos in forming a people for himself ay ikalat ang kanyang “image” sa lahat ng dako sa mundo, to fill the earth with his glory. So, kailangang magparami tayo, kailangang magmultiply tayo. Hindi lang sa pagkakaroon ng maraming anak, kundi sa pagtuturo sa kanila ng salita ng Diyos. As prophets, we represent Jesus the Word kung siya ang laman ng itinuturo natin sa mga anak natin, at sa iba pang mga non-Christians. Kaya mahalaga na naglalaan tayo ng maraming oras na pakinggan at pag-aralan ang salita ng Diyos, at pagtulungang sumunod sa salita ng Diyos, at masanay kung paano ituro ang salita ng Diyos sa iba. At habang namumuhay tayo araw-araw as one church family, as God’s people, nabibigyang katuparan ang hiwaga ng plano ng Diyos, “so that through the church the manifold wisdom of God might now be made known to the rulers and authorities in the heavenly place” (Eph. 3:10). Kaya nga sabi ni Mark Dever, “The church is the gospel made visible.”‌

Of course, alam natin na hindi perpekto na nare-reflect natin ang larawan ng Diyos as kings, priests and prophets na katulad ni Cristo. But we’re growing. And as we grow, God’s purposes are fulfilled. Yes, may mga times na magiging magulo, na papalpak tayo, na may hindi magandang mangyayari sa church, but we stand in the words of King Jesus, “I will build my church and the gates of hell shall not prevail against it” (Matt. 16:18).

‌Implications

‌Marami pa tayong pag-uusapan sa mga susunod tungkol sa church at sa pagiging church member. Pero I hope, na habang nakikinig kayo sa daloy ng istorya ng church as the people of God, nakita ninyo o nasimulang makita ninyo ang apat na implications nito:‌

Awtoridad ng Salita ng Diyos‌

Ang una ay ang awtoridad ng salita ng Diyos. Na ang gagawin natin sa church at ang magdedetermina ng pakikibahagi natin dito ay hindi kung ano ang kultura natin, hindi kung ano ang tradisyon natin, hindi kung ano ang preferences natin. Ang Salita ng Diyos ang pinakamataas na awtoridad natin—sola Scriptura—para sa kung ano ang dapat paniwalaan natin tungkol sa church (ecclesiology), at siyang gagabay at huhubog at babago sa pag-unawa natin sa church at pakikibahagi natin dito.‌

Engrandeng Disenyo ng Diyos para sa Church‌

Ang ikalawang dapat makita natin ay ang engrandeng disenyo ng Diyos para sa church. Ito yung usually na hindi natin nakikita kung nakatingin lang tayo sa bilang ng mga tao, o sa mga taong hindi natin masyadong gusto, o sa inconvenience ng pakikibahagi sa church. Pero kung susubaybayan mo ang kuwento ng Diyos mula sa simula, hanggang sa pagdating ni Cristo, hanggang sa ngayon, at lalo na sa pagbabalik ni Cristo, makikita mo ang walang katulad na ganda ng church. Wala kang makikita sa buong mundo na katulad ng church.‌

Pakikibahagi sa Local Church‌

Kung walang katulad ang church—hindi ang kumpanya mo, o ang mga kabarkada mo, o ang biological family mo—ito naman ang ikatlo, ang pakikibahagi sa local church. Hindi mo pwedeng sabihing bahagi ka na ng church na pangkalahatan, pero hindi ka naman nakikibahagi sa local church na siyang expression ng kung ano ang disenyo ng Diyos para sa buong church. You don’t want to miss being a part of what God is doing in the church and through the church.

‌Pakikipag-isa kay Cristo ang Susi‌

Ang panghuling mahalagang makita natin ay ito: ang susi ng lahat ng ito ay ang pakikipag-isa kay Cristo o union with Christ. Nakita natin na may malaking pagkakatulad ngExodus 19:5-6 at 1 Peter 2:9. Pero meron ding malaking pagkakaiba. Sa Exodus, para sila maging “kingdom of priests and a holy nation,” merong kundisyon na kailangan nilang ma-meet, “if you will indeed obey my voice and keep my covenant…” Pero sa 1 Peter, walang conditional statement. Heto na ang statement na totoo sa atin, “You are a chosen race, a royal priesthood, a holy nation…” Ang kundisyon? Ginawa na ni Jesus. Kaya kung tayo ay nakay Jesus, lahat ng sa kanya ay sa atin din. In Christ we are the true image of God, the true humanity, the true people of God, the true Israel. Pero kung wala ka pa kay Cristo, kung hiwalay ka kay Cristo, kahit nandito ka pa sa loob ng church building at nakikibahagi sa church gathering, you are still outside the church, you still don’t belong to the people of God. So, ang pinakamahalagang tanong para sa ‘yo ay hindi, “Umattend ka ba sa church?” kundi ito, “Do you belong to Christ?”‌

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply