Last Sunday, sa quarterly members meeting ng church namin, inirekomenda ng mga elders ang bagong church covenant na inaprubahan naman ng mga members na dumalo sa meeting.
Heto ang kopya:
Church Covenant
Tayo, na dahil lamang sa biyaya ng Diyos ay nagsisisi’t tumatalikod sa ating mga kasalanan, sumasampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, at inilalaan ang buong buhay natin para sa kanya (Mark 1:15; Eph. 2:8–10; Tit. 2:11–14; Luke 9:23–24), at matapos na mabautismuhan sa tubig nang ipahayag natin ang pananampalatayang ito, sa pangalan ng Diyos Ama at ng Diyos Anak at ng Diyos Espiritu Santo (Matt. 28:19; Acts 2:38), ngayon ay taos-puso at buong-kagalakang nangangako at muling nakikipagtipan sa bawat isa. Sa tulong ng Kanyang biyaya:
- Pagsisikapan nating manalangin at gawin ang lahat para mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa atin, na may pagpapakumbaba, pagmamalasakit sa kapakanan ng iba, at pagpapatawad sa isa’t isa tulad ng pagpapatawad sa atin ng Diyos (Eph. 4:1–6, 31–32; Phil. 2:1–4).
- Sama-sama tayong mamumuhay nang may pagmamahalan bilang magkakapatid sa Panginoon sa pamamagitan ng pangangalaga at pagbabantay sa buhay ng bawat isa, at tapat na pagtuturo at pagtutuwid sa bawat isa ayon sa hinihingi ng pagkakataon (John 13:34–35; 1 Cor. 12:12; 13:4–6; Col. 3:16; 1 Thess. 5:14; Gal. 6:1–2; 2 Tim. 4:16–17).
- Hindi natin pababayaan ang ating mga pagtitipon bilang isang pamilya ng Diyos, upang sama-samang umawit, manalangin, makinig at mag-aral ng Salita ng Diyos, at magsalu-salo sa Hapag ng Panginoon (Heb. 10:24–25; Eph. 5:19–20; Acts 2:42–47).
- Hindi natin pababayaan ang pananalangin para sa ating mga sarili at para sa iba (Jas. 5:16).
- Sisikapin nating akayin at sanayin sa aral ng Panginoon ang sinumang inilagay Niya sa ating pangangalaga, at hahangaring madala sa Kanya ang ating mga kapamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng mabuting halimbawa at pagbabahagi sa kanila ng Mabuting Balita (Eph. 6:4; 1 Thess. 2:1–12; Col. 4:3–6).
- Makikigalak tayo sa kasiyahan ng bawat isa, at sisikaping makatulong sa pagdadala ng mga kabigatan at makiramay sa kapighatian ng bawat isa bilang bahagi ng iisang Katawan at sa paraang mararamdaman ang pagpapahalaga natin sa bawat isa (Rom. 16:15; 1 Cor. 12:24–26).
- Sisikapin natin, sa tulong ng biyaya ng Diyos, na mamuhay nang maingat sa mundong ito, tumalikod sa mga makamundong mga hangarin at mga gawain, at ipamuhay ang isang bago at banal na pamumuhay, ayon sa inilalarawan ng bautismo na tayo’y namatay na, inilibing, at muling nabuhay kasama ni Cristo (Rom. 6:1–4; 12:1–2; Eph. 5:15–18; Col. 3:12–13; 1 Pet. 1:14–16; 2:11–12).
- Pagtutulungan natin ang pagpapatuloy ng mga ministeryo sa iglesyang ito na nakasentro sa Mabuting Balita ni Cristo, sa pagpapanatili ng sama-samang pagsamba, mga ordinansa, pagdidisiplina, at pagtuturo ng mga tamang doktrina, nang may mapagpakumbaba at masayang pagpapasakop sa mga itinalaga ng Diyos na mga tagapanguna (Gal. 1:6–9; 1 Cor. 5:1–13; 11:17–34; Heb. 13:17; 1 Pet. 5:1–5).
- Patuloy tayong magbibigay nang masaya at naaayon sa pagpapala sa atin ng Diyos para makatulong sa ministeryo ng iglesya at mga gastusin nito, sa mga mahihirap at mga nangangailangan, at sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa buong mundo (Matt. 28:19; Acts 2:44–45; 4:34–35; 1 Cor. 16:1–2; 2 Cor. 9:7; 1 Pet. 4:10–11).
- Kung tayo man ay tawagin ng Diyos sa ibang lugar, sa lalo’t madaling panahon ay sisikapin nating makipag-isa sa ibang iglesiya kung saan ay maipamumuhay natin ang damdamin ng tipang ito at ang mga prinsipyo ng Salita ng Diyos.
Nawa’y sumaating lahat ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo. Amen (2 Cor. 13:13).
Heto ang ilan sa mga references/resources na ginamit sa pag-draft ng aming church covenant:
- Membership Matters – What is Our Church Covenant? (by Matt Schmucker)
- What Does Your Church Covenant Sound Like? (by Dave Cook)
- Six Sample Church Covenants (by P. J. Tibayan)
Photo by Scott Graham on Unsplash