Bakit Kailangan Nating Mag-meet in Person?
Sa mga nakalipas na buwan, maraming churches ang huminto sa kanilang pag-meet in-person. Ito ay dahil sa global pandemic, sa regulasyon ng gobyerno, at sa kagustuhan nating makatulong sa isa’t isa at sa lipunan. Sa halip na in-person, nagkaroon tayo ng mga “services” online, nag-meet ang mga churches “virtually,” at gumamit ng teknolohiya para mag-connect sa isa’t isa.
Maraming mga churches ngayon ang bumalik na o malapit nang bumalik sa pag-meet in-person. Pero may kakaibang pakiramdam sa mga service na ito. Dahil kinakailangan nating magtiis sa mga restrictions at protocols na parang awkward, hindi convenient, o nakaka-frustrate, mas naging sensitive tayo at mas halata ang ating pagkakaiba. Subalit, gaano man ka-safe ang mga protocols, marami pa rin ang hindi nakakarating sa mga church family natin.
Dahil sa mga bagay na ito, maraming mga mananampalataya ay natutuksong hindi dumalo sa pagtitipon ng church. Kung ang ating pagtitipon in-person ay kakaiba, maraming restrictions, convenient naman online, at ang ating pisikal na pagtitipon ay medyo mapanganib, bakit pa kailangan natin mag-meet in person?
Ito ay makatuwirang tanong. Ngunit bago tayo magpasya, kailangan nating pag-isipan kung gaano ka-importante ang pagtitipon ng church. Ito ay para lumago at hindi manghina ang ating hangaring magtipon.
Kaya, maliban na lang kung kinakailangan mong manatili sa bahay for health reasons, narito ang sampung dahilan para bumalik sa church.
1. Tayo ay nilikhang may katawan.
Nilikha ng Diyos si Adan mula sa lupa, si Eba galing sa tagiliran ni Adan, at ang buong sangkatauhan mula sa kanilang pagsasama (Gen 1:26-27; 2:18-25; 3:20). Tayo ay mga kaluluwa na may pisikal na katawan, lalaki at babae, nilikha sa larawan ng Diyos. Hindi tayo mga espiritu na lumulutang sa virtual space. Hindi tayo pixels at screennames, o larawan lamang sa Zoom o Facetime. Tayo ay mga tao. Dinisenyo tayo ng Diyos upang makakita, makarinig, makatikim, makahawak, at makadama ng pisikal na mundong kanyang nilikha. Sa mga nakalipas na buwan, nakita natin ang kapangyarihan ng online world. Pero na-experience din natin ang mga limitasyon nito. Walang mga nagmamahalan ang masisiyahan na hanggang “long-distance relationship” na lang sila. Dapat ganun din ang pagmamahal ng bawat isa sa church family.
2. Ang church ay iisang katawan.
Tapat na itinuturo ng Bibliya na ang church ay ang katawan ni Cristo sa lupa (Eph 1:22-23). Ang bawat mananampalataya ay magkakaibang bahagi ng katawan, ngunit tayo’y magkakaugnay. Hindi tayo independent, kundi interdependent. Ang ating mga spiritual gifts ay parang mga mata, mga tenga, mga kamay, at mga paa na ang bawa’t isa’y merong bahagi sa paglago at sa misyon ng katawan. Oo, kahit na nakadistansya tayo sa isa’t isa, katawan pa rin tayo ni Cristo. Pero tulad ng anumang malusog na katawan, hindi dapat tayo manatiling dislocated.
3. Inaakay tayong pabalik ng Banal na Espiritu.
Ang mga mananampalataya ay hindi lamang iisang katawan; tayo rin ay mayroong iisang Espiritu (Eph 4:4). Ang Banal na Espiritu—ang pangatlong persona ng Trinity—ay naninirahan sa church ng Diyos, at inaakay niya tayo sa pagkakaisa. Hindi maaaring hatiin ang Espiritu ng Diyos. Kaya’t kapag ang mga mananampalataya ay sapilitang pinaghihiwalay, nararamdaman natin ang tensyon, kagaya ng isang goma na todong nakaunat. Ang Espiritu na nakatira sa atin ay naghahangad na tayo ay magkasama-sama, kagaya ng goma na humihila pabalik.
4. Tayo ay isang espirituwal na pamilya.
Sa church, ang Diyos Ama ang nag-adopt sa atin, kaya tayong lahat ay mga espirituwal na magkakapatid—ang “sambahayan” ng Diyos (1 Tim 3:15). Dahil sa pagkakaiba-iba natin ng edad at kasarian, tinawag tayo ni Pablo na mga ama at ina, mga ate’t kuya, mga anak na lalaki at anak na babae (1 Tim 5:1-2). Pero ang pamilya ay hindi dapat magkakahiwalay. Ang healthy na pamilya ay sama-samang namumuhay, sama-samang tumatawa, sama-samang umiiyak, at sama-samang nagtutulungan. Kahit matatanda na ang mga anak ng mga magulang, gustong-gusto nila kapag nagkakasama-sama ulit sila. Lalong-lalo silang nasisiyahan kapag kumpleto ang buong pamilya. Dapat tayong maging tapat sa pag-reach out sa mga members na maaaring high-risk at hindi makasama sa ating pagtitipon sa panahong ito. Pero ang lahat ng may kakayanang magtipon ay dapat magsumikap na makasama sa ating life-giving family reunion.
5. Ang preaching ay isang sagradong kaganapan.
Ang henerasyon natin ngayon ay nasanay sa mga sermon ni John Piper o mga video ni Beth Moore. Ang paggamit ng cellphone, screens, at apps ay normal at pangkaraniwan. Sa loob ng ilang buwan, nasanay na rin tayo na panoorin ang ating mga pastor at ibang leaders na mangaral ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng WiFi at video. Sa ganitong digital environment, kailangan nating maalala na, una sa lahat, ang preaching ay isang “live” at sagradong kaganapan. Oo, maaari itong i-stream online, i-record, at i-post upang makinabang kahit ang mga umaatend virtually o mga future na tagapakinig. Pero para sa isang lokal na pamilya ng mga mananampalataya, ang Salita ng Diyos ay pinakamahusay na ipinapangaral kapag ito ay “live.” Ito ay habang ang Espiritu ay kumikilos sa Kanyang itinalagang preacher at pinagkakatiwalaang pastol para ipahayag nang personal ang Salita ng Diyos sa isang saglit na may tiyak na layunin. Sa mga kapanahunang ito, dinidisipulo ng mga pastor ang kanilang mga tupa, at ang mga tupa ay nakikinig sa boses ng kanilang pastol. Sa mga kapanahunang ganito, tayo ay nasusurpresa, hindi lamang sa nilalaman ng mensahe ng Salita ng Diyos, ngunit pati sa kabigatan ng sandaling ito. Kapag tayo ay nakikinig sa Salita ng Diyos na itinuturo sa isang kongregasyon, ang ating damdamin ay napapalapit hindi lamang para sa ating Panginoong muling nabuhay at sa kanyang Salitang tila galing sa Hari, kundi pati na rin sa bawat isa. Ang isang kapistahang nae-enjoy nang sama-sama ay mas mabuti kaysa pagkain nang mag-isa.
6. Walang katulad ang sama-samang pag-awit.
Walang kahalintulad na karanasan sa mundo ang congregational singing (Ps 95:1-2). Ang sama-samang pag-awit ay nagbibigay-luwalhati sa Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng muling pag-dadakila sa kanya sa puso ng mga taong kabilang sa kanya. Ang sama-samang pag-awit ay nagtatatak ng mga katotohanan sa ating pag-iisip at nagbibigay ng grasya sa ating mga puso. Ang sama-samang pag-awit ay nagsisimbulo ng ating pagkakaisa habang iba’t ibang boses ang sama-samang umaawit ng mensahe ng gospel. Ang sama-samang pag-awit ay nagpapahayag ng ating damdamin sa Diyos (at marami tayong mga dinaramdam ngayon). Pero hindi lamang tayo umaawit sa kaluwalhatian ng Diyos, tayo rin ay kumakanta para i-encourage ang bawat isa (Col 3:16). At hindi tayo maka-aawit sa isa’t isa sa harap ng computer screen lamang. Oo, pwedeng mapanganib: ang sama-samang pag-awit ay pwedeng maka-infect ng virus sa isang Cristiano sa Amerika, kagaya sa kung paano pwedeng maaresto ang isang Cristiano sa China. Kagaya ng mga ginagawa ng mga underground church, gagawa ng paraan ang mga anak ng Diyos na mag-worship nang sama-sama, tapat, at ligtas hangga’t maaari. Tayo ay magsusuot ng face mask, mag-iinstall ng filter, magtitipon sa labas, magbibigkas ng mga Psalms, o kaya’y pabulong na aawit. Pero higit sa lahat, maririnig ng Diyos ang mga papuring galing sa church, at mas mainam kung naroroon tayo na sama-samang nagpapahayag ng papuri sa Diyos.
7. Kailangan natin ang baptism at Lord’s Supper.
Nagawa man ng church ninyo ang mga ordinansang ito “virtually” o hindi, kinakailangan ng bawat mananampalataya na makita at matikman ang mga gracious symbols na ‘to upang muli nating maramdaman ang kwento ng gospel. Ang baptism at Lord’s Supper ay nagpapaalala sa atin na ang Diyos ay nakikipag-usap sa atin sa pamamaraang mararamdaman natin. Sa mga ordinansang ito, ang gospel ay natitikman natin, nahahawakan, nakikita, at naririnig. Ito man ay ang pag-splash ng tubig sa baptismal tank habang ang isang bagong mananampalataya ay namatay at nabuhay kasama ni Cristo, o ang pinagpira-pirasong tinapay at ipinamahaging inumin na tatanggapin natin para maalala ang sakripisyo ni Cristo (Matt 28:19; 1 Cor 11:26). Maaaring may mga panahong magkakaiba ang paraan ng pagsasagawa o ang hitsura ng mga ordinansang ito, ngunit kinakailangan ito ng ating mga puso sa lahat ng panahon.
8. Meron kang tungkuling dapat gawin.
Kung ikaw ay isang mananampalataya, mayroon kang tungkulin kapag ang church ay nagtipon. Ang gawain ng ministry ay hindi lamang para sa mga pastor at leaders. Ito ay para sa bawat isang Cristiano. Ang bawat isang mananampalataya ay mayroong mga spiritual gifts na dapat gamitin, at kinakailangan ng bawat local church ang bawat parte ng katawan upang maging aktibo (Rom 12:4-8; Eph 4:15-16; 1 Pet 4:10-11). Kapag tayo ay nasa bahay lamang, maari parin tayong makinig, magbigay, tumawag, at mag-text virtually. Ngunit maraming paraan ng paglilingkod, pag-eencourage, o pag-eedify sa katawan ni Cristo na hindi natin magagampanan kapag tayo ay hindi pisikal na magkakasama.
9. Ang worship natin ay nagsisilbing patotoo.
Sa bawat linggo ang ating mga kaibigan, kapitbahay, katrabaho ay dumaraan sa parehong broken world kagaya natin, pero wala sa kanila yung pag-asa at gabay na meron tayo sa buhay. Bawat linggo nakakaranas sila ng mga hamon at trahedya sa buhay. Kaya’t nagtatanong sila kung saan ba mahahanap ang grasya at katotohanan sa buhay. Oo, maraming paraan para mag-serve sa kanila online, at dapat tayong magalak na mayroong mga bagong pamamaraan na ginagamit ang Diyos para maabot ang maraming tao. Pero kinakailangan ding makita ng mga hindi mananampalataya kung paano binabago ng gospel ang isang lokal na pamilyang Cristiano na nagmamahal sa Diyos at naglilingkod sa bawat isa sa hirap man o sa ginhawa.
10. Ang pangungumusta ay nagbabago ng buhay.
Hindi karaniwan na ang huling puntos ay tungkol sa pangungumusta—isang simpleng pagbati na nalimitahan at naging kumplikado sa panahon natin ngayon. Pero sa buong New Testament, ang mga manunulat ay hindi lamang nangungumusta sa mga churches, hinihikayat din nila na magkumustahan ang mga Cristiano sa isa’t isa. Ang mga pagbati na ito ay hindi lamang karagdagang bahagi sa dulo ng kanilang mga sulat. Ang mga pagbati na ito ay nagsisimbolo ng kapangyarihan ng gospel na pagkasunduin at pagyamanin ang ating pamilyang Cristiano. Ang ating paraan sa pangungumusta sa bawat isa—at ang katotohanan na nagbabatian tayo—ay mahalaga sa buhay at pagiging saksi ng church. Ang mga masasayang kumustahan ay nagpapaalala sa ating pagkakaisa sa gospel at sa kasiyahan kay Cristo. Kahit awkward ang pangungumusta, ipinapakita nito na ang isang healthy na church ay walang kinikilingan. Ang pag-iwas sa mga pagbati ay nagpapaalala sa atin na dapat nating lutasin ang ating mga hidwaan at dapat magkasundo ang ating mga puso. Ang bawat isang pangungumusta ay nagre-reflect ng pag-ibig ng Diyos, nagbubuklod muli ng katawan ni Cristo, nagbibigay-daan sa hospitality, nagcu-cultivate ng selflessness, nagbubukas ng oportunidad para sa ministry, at nagbibigay saksi sa Diyos na tumanggap sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Kahit na sa mga greetings na ito ay nakasuot tayo ng mask, walang kamayan, at naka-social distancing, ang mga ito pa rin ay maliliit na bagay na humuhubog sa ating buhay. Kamakailan lang, pagkatapos ng hindi pagtitipon ng sampung linggo, ang aming church ay nagkaroon ng outdoor worship service sa aming parking lot. Alam mo ba kung ano ang naging pinaka-masaya at nakamamangha dun sa mga moments na yun? Ito ay ang aming kumustahan. Kaya’t kinakailangan nating magkita-kita.
Conclusion
Maaring hindi kayo makabalik sa in-person gathering kaagad. Maaaring kinakailangan mong mag-ingat para sa iyong kalusugan o para sa iyong mga mahal sa buhay. Maaaring kinakailangan mong manatiling manood sa isang screen nang ilan pang mga araw. Ngunit kapag tama na ang oras, ang mga anak ng Diyos ay maaari at dapat magtipong muli, at inaasahan kong kasama ka dun. Higit sa lahat, ang ating pagtitipon ay patikim lamang ng kung ano ang ie-expect natin sa langit. Ang pangitain ng Bibliya tungkol sa heaven ay hindi parang quarantine, livestream, o meeting sa Zoom. Ito ay “face to face” na pakikipagtagpo kay Cristo na muling nabuhay at ang reunion ng mga mananampalataya at mga anghel na sama-samang sumasamba sa Diyos (Heb 12:22-23; Rev 22:4). Sa darating na buhay, hindi tayo itatago o paghihiwalayin sa mga mansyon na inilaan sa atin sa langit. Tayo ay mamumuhay, kikilos, magmamahal, at maglilingkod nang sama-sama sa bagong mundo kung saan nananahan ang katuwiran (2 Pet 3:13). Kaya’t sa oras na alam nating ligtas, wise, at hindi tayo makapagdudulot ng panganib sa ating komunidad, tayo’y muling magtipon-tipon—in person—hanggang sa maging bago na ang lahat ang bagay.
*Translated from the original English article, “10 Reasons to Come Back to Church after COVID-19,” written by David Gundersen and originally posted at Crossway website on June 13, 2020, by Lee Jared Garcia.

David Gundersen (PhD, The Southern Baptist Theological Seminary) serves as lead pastor at BridgePoint Bible Church in Houston, Texas. He previously spent fifteen years teaching and training Christian college students as a resident director, associate dean, and professor. He is the author of What If I Don’t Feel Like Going to Church?.