Pananalangin sa Pagdi-disciple sa mga Kababaihan

“Ipagpe-pray kita!”

Madalas nating sabihin ito sa mga kaibigan natin, ngunit gaano kadalas nga ba natin silang ipinapanalangin? Kapag iniisip ko ang mga relasyon ko sa church, nagnanais akong maging isang kapatid kay Cristo na tapat sa pananalangin. Kung tinutukoy natin ang discipling bilang “sinasadya o intentional na paggawa ng mabuti sa isang tao upang siya ay maging mas katulad ni Cristo,” tiyak na ang panalangin ay may mahalagang bahagi sa ating mga discipling relationships. Kaya, habang naiimpluwensyahan at dini-disciple natin ang mga kababaihan, mabuting pag-isipan natin kung paano isama ang panalangin sa ating mga pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan.

MAG-COMMIT NA MANALANGIN SA IYONG DISCIPLING RELATIONSHIPS

Ano ang pinagkaiba ng relasyon mo sa mga kapwa Kristiyano sa iba pang mga kaibigan? Marami akong mga kaibigan na hindi Kristiyano na nakakaalala at nangungumusta sa akin ngunit ang pinakamahalaga sa buhay ko ay ang mga kababaihan na alam kong nag-commit na manalangin para sa akin. Nais kong maging ganoong uri ng kaibigan sa sarili kong discipling relationships sa loob ng church.

Sa church covenant namin, ang bawat member ay nangangako na “lumakad nang magkasama sa pagmamahalang Kristiyano, na nagpapakita ng mapagmahal na pangangalaga at pagbabantay sa isa’t isa… nananalangin para sa isa’t isa.” Ibig sabihin, sa harap ng Panginoon, tungkulin naming ipag-pray ang isa’t isa, lalo na ang mga taong dini-disciple namin.

Ang Christian fellowship ay hindi lamang “pagsasama-sama ng mga Kristiyano”—at ang pagdi-disciple ay hindi lamang pakikipag-usap at pakikinig. Kapag dini-disciple natin ang iba, may pribilehiyo tayo na tulungan silang sumunod kay Jesus, at ang dalawang mahalagang instrumento para magawa iyon ay ang Salita ng Diyos at panalangin. Kung wala ang kapangyarihan ng parehong ito, para lang akong mahusay na tagapakinig, at anumang spiritual influence na mayroon ako ay magiging napakaliit. Sa katunayan, maraming pagkakataon pagkatapos ng aming pagtitipon na inisip ko kung may nasabi ba ako na nakatulong sa iba. Ngunit hindi ko kailanman pinagdudahan ‘yan kapag naglaan kami ng panahon sa pananalangin at pag-aaral ng Bibliya. Maaaring minsan ay hindi sapat ang mga salita at payo ko, ngunit ang paglapit sa trono ng Diyos para sa isa’t isa ay laging magiging tagumpay.

PRAY THE BIBLE

Ang pananalangin gamit ang Salita ng Diyos ay mabisang kasangkapan sa ating pakikipaglaban para sa kabanalan. Kapag ang puso natin ay madaling maligaw, at natutukso tayong sundin ang ating emosyon, isang regalo na magkaroon ng isang kapwa Kristiyano na handang ipanalangin ang Salita ng Diyos kasama mo. Maraming pagkakataon na hindi ko alam kung ano ang eksaktong ipapanalangin sa isang tao, ngunit salamat na lang at sapat na ang Bibliya. Kung minsan, ang pinakamainam na paraan para magsimula ay aminin na, “Hindi namin alam kung ano ang gagawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo” (2 Cronica 20:12 AB).

MGA PAALALA SA PANANALANGIN

Narito ang ilang mga paalala na makatutulong sa ating pananalangin para sa ating mga kapatid kay Cristo:

1. Ipanalangin ang mga katangian ng Diyos.

Madalas na paalalahanan ang isa’t isa kung sino ang Diyos; purihin siya dahil siya ay may kapangyarihan sa lahat, hindi nagbabago, banal, nakakaalam ng lahat, atbp.

2. Ipanalangin ang mga pangako ng ebanghelyo.

Alalahanin ang mahalagang regalo ng Diyos—ang kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. Magmamana tayo ng kayamanang di masisira na inihanda ng Diyos sa langit para sa atin. Hindi na inaalala ng Diyos ang ating mga pagkakasala. Ibinigay na niya sa atin ang lahat ng kailangan natin para sa buhay at kabanalan.

3. Habang nananalangin, isipin mo kung ano ang pagkakatawag sa atin ng Diyos kay Cristo.

Madali nating makalimutan na tayo ay mga anak ng Diyos, pinili, tinubos, at pinatawad niya.

4. Manalangin gamit ang mga partikular na talata para sa taong iyon.

Gumamit ng concordance at hayaang mangusap ang buháy at makapangyarihang Salita ng Diyos. Maganda ring gamitin ang mga epistles o sulat ng mga apostol para ipanalangin ang isa’t isa.

Sa pagdi-disciple sa iba, maaaring hikayatin ko ang isang tao na tumalikod sa kasalanan, pero mas malalim na pagsisisi ang nangyayari kapag magkasama naming ipapanalangin ang Colosas 3. Pwede akong magsabi ng words of comfort sa isang taong nababalisa, pero karaniwan ay mas malaking comfort ang naibibigay ng pananalangin ng 1 Peter 5:6–7. Kapag nagdududa ang isang kaibigan kung mabuti ang plano ng Diyos para sa buhay niya, ang Roma 8 ay napakahalagang marinig niya.

Habang nananalangin tayo ng papuri at pasasalamat, habang humihingi tayo ng probisyon at awa, napatatatag ang mga puso natin sa katotohanan at dinadala tayo sa mas malalim na pananampalataya kay Cristo, kapag pinupuno natin ang mga salita natin ng Salita ng Diyos.

MANALANGIN PARA SA PAGKAKAISA AT PAG-IBIG

Hindi nakakagulat na lumalago ang pag-ibig natin para sa mga taong pinapanalangin natin. Nakikita natin ang paghahambing at inggitan kahit sa mga malalapit na Christian communities. Madaling pumasok sa isang church, tingnan ang ibang mga babae, at paniwalaan ang mga kasinungalingang sinasabi natin sa ating sarili—na wala silang paghihirap sa buhay, perfect ang pamilya nila at relasyong mag-asawa, siguradong di nila ako maiintindihan.

Ngunit habang tayo’y nagdi-disciple at dini-disciple rin ng iba, nare-remind tayo na hindi lang tayo ang may struggle sa takot at pag-aalala, nauubusan ng pasensya sa mga anak, o nagdududa sa kabutihan ng Diyos.

Kapag nag-invest tayo sa buhay ng mga kapwa church members at nag-commit na mag-pray para sa kanila, lalago tayo sa ating pagkakaisa. Inaalis ng panalangin ang mga insecurity at takot na naghihiwalay sa atin at pinagkakaisa tayo sa ating mga kapwa Kristiyano sa pagsisikap nating sumunod kay Jesus.

Ilang taon na ang nakararaan, isang babaeng kakakilala ko lang ang nagkuwento tungkol sa isang sitwasyon kung saan nahihirapan siyang magtiwala sa plano ng Diyos para sa kanya. Ang kanyang kahandaang magbahagi ay nakatulong sa akin na ipanalangin siya, at ang pananalangin para sa kanya ang nagtulak sa akin na mahalin siya, kahit hindi ko talaga siya kilala!

Bagamat totoo na ipinapanalangin mo ang mga mahal mo sa buhay, totoo rin na lumalaki ang pagmamahal mo sa mga taong ipinapanalangin mo.

MANALANGIN KAHIT NA HINDI CONVENIENT

Hindi kailangang mahaba o planadong-planado ang pananalangin. Pwede itong gawin kahit maingay sa paligid, kahit putol-putol, o habang napapalibutan ng mga bata. Hindi ko makakalimutan ang mentor ko noong wala pa akong mga anak at siya ay may tatlo na. Sinamahan ko siya sa kanyang mga errands at nagkuwentuhan kami tungkol sa buhay-buhay. Pagdating namin sa kanilang bakuran, sinabi niya, “Mag-pray na tayo dito sa kotse bago pumasok sa gulo.”

Nang magsimula na kaming mag-pray, tumama ang bola ng basketball sa kanyang bintana. Ibinaba niya iyon at sinabihan ang naglalaro: “Nagpe-pray ako. Matatapos din maya-maya.” Pagkatapos ay itinaas niya ang kanyang bintana at nagpatuloy kaming manalangin.

Hindi ko malilimutan ang example na pinakita niya. Madalas ay naiisip ko na ang pagdi-disciple ay mangyayari lang kung bukás ang aming mga Bibliya at maraming oras ang ilalaan sa pananalangin. Pero hindi ito ang reality sa buhay ng karamihan.

Narito ang ilang mga practical suggestions para isama ang prayer sa iyong discipling relationships:

  • Mag-pray habang naglalakad.
  • Mag-pray habang nasa sasakyan.
  • Mag-pray sa phone habang nasa biyahe pauwi.
  • Tanungin sila kung paano mo sila maipapanalangin sa buong linggo.
  • Ipaalam na ikaw man ay nangangailangan ng prayer at hilingin na ipag-pray ka rin nila.
  • Mag-text o mag-chat sa kanila para ipaalam kung paano mo sila pinagpe-pray.

JUST PRAY!

Pagkatapos kong makasama ang mga kapatid ko kay Cristo, madalas ay naiisip ko na sana’y nag-pray ako kasama sila o para sa kanila. Hindi laging madali ang pananalangin, at hindi rin ito laging convenient o practical. Pero ito ay palaging mabuti, at mapagpapala tayo sa paggawa nito.

Kaya habang nagsasama-sama tayo bilang mga babae—nagkukuwentuhan tungkol sa relasyon natin sa ating asawa, pagpapalaki sa ating mga anak, at mga spiritual struggles—mag-commit tayo na ipag-pray ang isa’t isa. Sa gayon, makatitiyak tayo na natapos ang ating pagtitipon na sadya tayong gumawa ng mabuti para sa pananampalataya ng isa’t isa.


Salin sa Filipino/Taglish ng “Praying in Discipling Relationships among Sisters“. Mula sa 9Marks. Isinulat ni Carrie Russel.

Share your thoughts about this post...

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.