Derick Parfan
May mga panahong parang napakabuti naman ng nangyayari pero biglang nagkagulo-gulo. May panahong parang tahimik naman sa Middle East, tapos biglang naggiyera ang US at Iran. May panahong parang kalmado naman ang mga usapan sa Senado, tapos bigla na lang may mga sigawan, putukan ng baril, at sisihan. May panahong parang okay na okay naman kayong mag-asawa, tapos bigla na lang hindi ka na kinakausap ng asawa mo, tapos nung kausapin ka ikaw pa ang sinisisi sa lahat ng nangyayaring problema sa pamilya n’yo. May panahong enjoy na enjoy mo yung closeness ng relationship mo kay Lord, tapos bigla na lang nahulog ka ulit sa kasalanan.
May panahong ang Israel ay nag-aawitan sa tuwa bilang papuri sa pagliligtas ng Diyos nang makatawid sila sa Red Sea at matabunan naman ang mga kaaway nila, tapos biglang puro reklamo naman ang lumalabas sa bibig nila nung wala silang makain. Naging malaya na sila sa pagkakaalipin, tapos biglang gusto na nilang bumalik ulit sa Egipto. May panahong ibinigay ng Diyos sa kanila ang kanyang mga utos sa Mt. Sinai at nangako naman silang susunod sa lahat ng utos ng Diyos, tapos biglang sumamba naman sila sa golden calf na mahigpit na ipinagbabawal ng Diyos na gawin nila. May panahong nakarating na sila sa promised land, payapa na, nakapahinga na, at nangakong wala silang ibang diyos na sasambahin maliban kay Yahweh, tapos bigla na namang sumamba sila sa mga diyos ng mga bansang katabi nila, at paulit-ulit nilang ginawa, hanggang tuluyan na silang mapalayas ng Diyos sa lupaing ibinigay niya sa kanila.
Sa kuwento rin ng unang mga tao—sina Adan at Eba—sa Genesis 1-2. Napakabuti ng lahat, perfect, beautiful, maayos ang relasyon nila sa Diyos, maayos ang relasyon nila sa isa’t isa. Maganda yung tirahan—yung garden of Eden—na bigay sa kanila ng Diyos. Biglang nagbago ang lahat ng yun. Yung “napakabuti” ay naging “napakalaking problema.” Sa dulo ng Genesis 3, makikita nating pinalayas sila ng Diyos sa hardin, palayo sa kanyang presensya. Mula sa Genesis 4, ang tao na ay namumuhay outside the garden of Eden.
Anong nangyari? Nasa simula ng Genesis 3 ang sagot. Heto ang simula ng problemang kinakaharap natin ngayon—sa puso natin, sa pamilya natin, sa gobyerno natin. Heto ang simula ng kasalanan, simula ng sirang relasyon sa Diyos at sa isa’t isa. Hindi lang ito kuwento na tulad sa kuwento ng buhay natin ngayon. Ito rin ang kuwento na pinagmulan ng lahat. Dahil sa plano ng Diyos, itinalaga niya si Adan hindi lang bilang ulo ng kanyang asawa, kundi ulo ng buong sangkatauhan. Lahat tayong mga tao ay ipinanganak na nagmula at kaisa ni Adan, in Adam. Sabi ni Paul, “Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala” (Rom. 5:12). Hindi lang tayo nagkasala na tulad ni Adan, tayo rin ay nagkasala kasama ni Adan. Sabi pa niya, “Namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan” (1 Cor. 15:22). Ito ang problema natin: ang kaugnayan natin kay Adan sa kanyang kasalanan at sa parusang kamatayan bilang kabayaran ng kasalanan (Rom. 6:23).
Kaya pakinggan nating mabuti kung ano ang nangyari dito sa Genesis 3:1-13. Hindi lang dahil ito ay kuwentong katulad ng kuwento ng buhay natin, hindi lang dahil ito ay kuwentong nagpapaliwanag ng kuwento ng buhay natin ngayon, kundi dahil ito rin ang kuwentong bahagi ng buhay natin dahil tayong lahat ay nagmula kay Adan. Hindi ito legend o mythology o simple life illustration. Ito ay makasaysayang kuwento na kinapapalooban ng kuwento ng buhay ng lahat ng tao. Ganyan kahalaga ang kuwentong ito.
At ito ay dapat nating simulan hindi sa Genesis 3:1, kundi sa Genesis 2:25, “Parehong hubad yung lalaki at babae, pero hindi sila nahihiya” (PV). Ito yung napakabuting kalagayan ng relasyon ng tao sa isa’t isa, walang kahihiyan, walang itinatago sa isa’t isa, walang ikinakatakot, walang pinagtatakpan. At sabi sa Genesis 3:8 na naglalakad ang Diyos sa garden, sinasamahan sila ng Diyos, nae-enjoy nilang yung relasyon nila sa Diyos, walang balakid, walang problema. Ganun talaga kapag ang Diyos ang kinikilalang Bida sa kuwento. Pero lahat ng ‘yan ay hindi magtatagal, biglang magkakagulo…
Na nangyari nang may pumasok na kontrabida sa eksena—ang ahas. Ganito siya ipinakilala, “Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh” (Gen. 3:1 MBB). Hindi sinabi kung sino ang ahas na ito, at kung bakit nagsasalita ang ahas noon! Pero ang ahas na ito ay walang iba kundi si Satanas, na pwedeng nag-anyong ahas, o gumamit ng isang ahas. Siya yung tinawag sa Revelation na “ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan” (Rev. 12:9; also Rev. 20:2). At ‘yan nga ang plano niyang gawin pagpasok niya sa Garden of Eden, para mandaya, para manloko, para magsinungaling, para kalabanin ang Diyos at ang nilikha sa larawan ng Diyos. Bago pa man pumasok ang kasalanan sa mundo, nauna nang pumasok ang kasalanan sa langit sa pamamagitan ni Satanas na isang anghel na nilikha ng Diyos. Although hindi natin makikita sa Genesis yung kuwento paano nangyari yun.
Ipinakilala ang ahas dito na “ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh” (Gen. 3:1). Yung “pinakatuso” (ESV “crafty”; Heb. aram) ay pwedeng positive ang dating tulad ng pagiging “marunong” o prudent (Prov. 14:15). Pero dito ay may negative connotations. Ito yung “wisdom for evil, whereas prudence is wisdom for good” (Van Mastricht, Theoretical-Practical Theology, 3:409). Matalino siya at mahusay na scammer. Magaling mag-strategize para matupad ang plano niya. Pero hindi siya kapantay ng Diyos. Siya ay ipinakilala na isa rin sa mga “hayop na nilikha” ng Diyos. Ang ahas ay isa sa mga hayop na nilikha ng Diyos sa ikaanim na araw (Gen. 1:25). Powerful siya, matinding kalaban, pero not on the same level as the Creator.
Ganito ang nangyari sa pagtukso ng ahas sa babae.
“Isang araw tinanong ng ahas ang babae, ‘Sinabi ba talaga ng Diyos na bawal kayong kumain ng kahit anong prutas dito sa garden’” (Gen. 3:1 PV)? Wait, ano ba ang sabi ng Diyos kay Adan? “You may surely eat of every tree of the garden” (Gen. 2:16). Hindi lang ‘yan permission na pwede mong kainin lahat, utos ‘yan, “Sige, kainin mo.” Hindi ba’t napakabuti ng Diyos na ibinigay sa tao ang lahat ng kailangan niyang pagkain para mabuhay at masiyahan? Pero yun ang gustong atakihin ng ahas, atakihin ang salita ng Diyos, para pagdudahan ng babae ang kabutihan ng Diyos. Na ang Diyos ay madamot at ipinagkakait sa tao ang mga mabubuting bagay na kailangan niya. Yun ba ang totoo?
Parang ipinagtanggol naman ng babae ang Diyos, kasi ang sagot niya sa ahas, “Pwede naman naming kainin ang kahit anong prutas dito sa garden except sa prutas nung punong nasa gitna. Sabi ng Diyos, wag naming kainin yung prutas ng punong yun, wag din daw naming hawakan. Or else mamamatay kami’” (Gen. 3:2-3 PV). Sabi niya, “Pwede naman, hindi naman bawal.” Tama naman. Most likely, sinabi ng lalaki sa babae ang salitang ito ng Diyos na unang sinabi sa kanya. So, ito yung prophetic role ng lalaki, to speak the word of God. Pero dapat faithful tayo in communicating the word of God. Ano ang problema sa sagot ng babae? Meron siyang binabago sa salita ng Diyos. Pinababaw niya yung sinabi niyang pwedeng kainin lahat, samantalang ang sabi ng Diyos, “You may surely eat…” Tapos may idinagdag pa siya. Totoo ngang bawal kainin yung prutas sa isa sa puno sa gitna, pero sinabi niyang, “wag din daw naming hawakan,” e wala namang sinabi ang Diyos na ganun. Parang pinalalabas na sobrang istrikto ng Diyos. Or baka naman si Adan ang nagdagdag, “Wag mo na ring hawakan ‘yan ha, para sure!” Baka, we don’t know. Tapos pinababaw pa niya yung consequence kapag ginawa nila yun, na para bang pwede silang mamatay. Pero ang sabi ng Diyos, “in the day that you eat of it, you shall surely die” (Gen. 2:17) (ESV Expository Commentary, 1:61). Diyan naman naging mas malakas ang tukso sa atin, kapag binabawasan, kapag dinadagdagan, kapag pinabababaw natin ang salita ng Diyos.
Na sinamantala naman ng ahas para tuluyan nang baluktutin ang salita ng Diyos at sabihing sinungaling ang Diyos. Sabi niya sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo’y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo’y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama” (Gen. 3:4-5 AB). Sabi ng Diyos, “You shall surely die.” Sabi ng ahas, “You will not surely die.” Sino ang nagsasabi ng totoo? Sino ang paniniwalaan mo? Ito kasing si Satanas, sinungaling talaga. Ito ang likas na karakter niya, ayon sa Panginoong Jesus, “siya’y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan” (John 8:44). At hindi lang sinungaling, mamamatay-tao pa. Kasi kung sinabi niyang, “Hindi kayo mamamatay,” tapos alam naman niyang mamamatay sila as a result, ibig sabihin, ang hangad niya ay para sa ikapapahamak nila. Kaya sabi ni Cristo, “Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya” (John 8:44). Sinasabi niyang sinungaling ang Diyos, so he is also blaspheming God, “God is not good. Hindi siya nagsasabi ng totoo. Hindi siya mapagkakatiwalaan. ‘Wag kang makinig sa kanya. Sa akin ka makinig.”
He is a master at manipulation. Yung ibang mga kasinungalingan niya ay hindi naman outright lies. Hinahaluan niya ng katotohanan para maging appealing. Ito ang sinabi niyang explanation kung bakit sila pinagbabawalan ng Diyos na kumain ng prutas mula sa tree of the knowledge of good and evil, “For God knows that when you eat of it your eyes will be opened, and you will be like God, knowing good and evil” (Gen. 3:5). Totoo namang mabubuksan ang mata nila, ibig sabihin ay magkakaroon sila ng kaalaman tungkol sa hindi pa nila alam noon, na siya namang mangyayari maya-maya, although not in a good way siyempre (Gen. 3:7). “You will be like God.” Well, totoo naman. In a sense they are already like God, not God, but like God, being created in the image and likeness of God (Gen. 1:26, 27). Pero ang appeal dito ay yung magiging kapantay sila ng Diyos, na yung “knowing good and evil” ay hindi lang basta intellectual knowledge kundi yung authority to decide as judge or king kung ano ang mabuti at kung ano ang hindi. Yun ay prerogative na dapat ay sa Diyos lang. Bakit sila pinagbabawalan ng Diyos? Most likely, dahil gusto ng Diyos na subukin sila kung magtitiwala ba sila sa Diyos na siya lang ang may karapatang husgahan kung ano ang mabuti at kung ano ang masama, kung magtitiwala ba sila na ibinibigay ng Diyos kung ano ang kailangan nila, at hindi ipinagkakait ang mabuting bagay sa kanila, to trust God that he has their interests at heart. Ang tukso ng ahas: “Hindi mo kailangan ang Diyos. Magpasya ka sa sarili mo. Kung ano ang sinasabi ng puso mo, sundin mo. Magiging masaya ka, promise.” Now, kung gusto mo talagang makuha kung ano ang makakabuti sa ‘yo, maniniwala ka ba sa sinasabi ng isang serial liar at serial killer?
Siyempre, hindi. Unless kung ang pinaniniwalaan mong sinungaling at maramot ay ang Diyos mismo. Yun na nga ang nangyari sa sumunod na bahagi ng kuwentong ito, pagkatapos ng pagtukso ng ahas sa babae ay ang pagsuway, hindi lang ng babae, kundi ng lalaki at ng babae, sa utos ng Diyos.
Ano ang ginawa ng babae? “…kaya’t pumitas siya ng bunga at kumain nito” (Gen. 3:6 MBB). Sinabi ng Diyos na bawal kainin, pero kinain pa niya. ‘Yan ay kasalanan, pag-trespass ng boundary na inilagay ng Diyos, paggawa ng sinabi ng Diyos na ‘wag gawin. Hindi lang ito isang pagkakamali, ito ay isang pagsuway, pagrerebelde sa Diyos na Lumikha sa kanila at siyang Haring namamahala sa buhay nila. Ito ay pagwawagayway ng bandera na may nakasulat, “God is not my king. I am king.” That is what we do everytime na sumusuway tayo sa utos ng Diyos.
Pero bago pa man gawin ng babae ang sinful act ng pagkain ng prutas na ipinagbabawal ng Diyos, nagkaroon na sinful desires sa puso niya, “Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya’y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya’t pumitas siya ng bunga at kumain nito” (Gen. 3:6). Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, pero yun ay hindi mabuting kainin kasi sinabi ng Diyos na ikamamatay nila yun. Hindi rin mabuting pakanasahin, dahil yun ay covetousness ng isang bagay na hindi ibinigay ng Diyos sa kanila. Mainam naman na naising maging marunong, pero hindi sa paraang independent from God. Ito yung binabanggit ni apostle John na “the desires of the flesh (masarap ang bunga nito) and the desires of the eyes (napakaganda sa paningin) and pride of life (kahanga-hanga ang maging marunong)” (1 John 2:16).
“The woman saw…” Sa pagtingin pa lang ay nagbigay na siya ng judgment na salungat sa judgment ng Diyos. Salungat ito sa paulit-ulit na binanggit sa Genesis 1 sa bawat act ng paglikha ng Diyos, “God saw…” tapos ang sabi niya, “it was good.” Pero dito, “the woman saw…” at siya ang nagdesisyon kung ano ang mabuti (Expositor’s Bible Commentary, 1:86). She is taking God’s place, na sinasabing, “Ako ang magpapasya. Ako ang masusunod.” This is rebellion against God our King.
Ang kasalanan ay hindi nagsisimula sa ginawang kasalanan kundi sa masamang pagnanasa sa puso ng tao. Merong unbelief—hindi siya nagtiwala sa Diyos. Merong prideful arrogance. It remains a mystery kung paano nagsimula ang ganitong mga sinful desires samantalang lahat naman ng ginawa ng Diyos ay mabuti. Ang malinaw, hindi ang Diyos ang author of evil. But in his divine providence, kasama yun sa itinakda niyang mangyari, ang posibilidad na magkasala ang taong nilikha niya, but in a way na hindi natin pwedeng sabihing siya ang pinagmulan nito. “Ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. Natutukso ang tao kapag siya’y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan” (Jas. 1:13-15). Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Rom. 6:23). You shall surely die.
At dinamay pa nga niya ang asawa niya sa kasalanang ginawa niya at sa kapahamakang dulot nito. “…binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya (sa MBB wala yung “na kasama niya”), at siya’y kumain” (Gen. 3:6 AB). She aggravates her sin by bringing others into her sin. Ang ezer kenegdo, ang “helper suitable” para sa lalaki (Gen. 2:18), na dapat sana ay katuwang at katulong na makakasama niya sa pagsunod sa Diyos, ay naging kasabwat at pasimuno pa nga sa paggawa ng kasalanan. Nagkasala rin si Adan. Chronologically, si Eba ang unang sumuway sa utos ng Diyos. But in terms of responsibility, na gawin kung ano ang dapat gawin, hindi yun ginawa ni Adan. Katabi niya ang asawa niya, habang kinakausap ng ahas. Ano ang dapat niyang gawin? Dapat niyang sawayin ang ahas, and have dominion over that creature. Dapat niyang sawayin ang asawa niya, at i-correct sa kung ano ang sinabi ng Diyos. At pagbawalan na gawin yun kasi nga alam niyang ipinagbawal ng Diyos at mauuwi sa kamatayan niya. By being silent and passive (take note, mga lalaki!), he became unloving. Gusto ba niyang mamatay ang asawa niya? Gusto ba niyang magpakamatay?
Ano ang unang epekto ng kasalanang ito sa kanila? “At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila’y mga hubad” (Gen. 3:7 AB). Hindi ibig sabihing bulag sila, kundi nakita nila for the first time na something is wrong, merong kahihiyan sa kanilang kahubaran na dati naman ay wala (Gen. 2:25). Merong loss of innocence, merong loss of intimacy. Kaya tinatawag na “fall” o “pagbagsak” ang unang kasalanan ng unang tao. At sobrang lagakpak ang pagbagsak na yun. Sabi ng Dutch theologian na si Herman Bavinck, “Winasak ng kasalanan ang buong sangnilikha, ginawang kasalanang nararapat parusahan ang dating katuwiran, karumihan ang dating kabanalan, kahihiyan ang dating kaluwalhatian, kahabag‑habag na pagdurusa ang dating pagpapala, kaguluhan ang dating kaayusan, at kadiliman ang dating liwanag” (Reformed Dogmatics, 3:28-29).
Ang kahihiyang dulot ng kasalanan nila, ano ang ginawa nila in response? “Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip” (Gen. 3:7). Damit at pantakip na gawa nila. Pero hindi sapat na solusyon sa kasalanang sila rin ang maygawa. Natakpan nga ang kahubaran nila, pero matatakpan ba nito ang kahihiyan at kasalanan nila? Obviously hindi.
Ang kailangan nila ay lumapit at humingi ng tawad at tulong sa Diyos na lumikha sa kanila at ginawan nila ng malaking kasalanan. Pero yun ba ang ginawa nila? Bago lumubog ang araw, “narinig nilang naglalakad” ang Diyos sa garden (Gen. 3:8 MBB). Napakagandang larawan pa naman na ang Diyos mismo ay bumaba mula sa tirahan niya sa langit para manirahan kasama ng tao, para makasama niya, para makausap niya, para ma-enjoy ang relationship sa kanya. Pero ang lahat ng yun ay nagbago tragically dahil sa kasalanan. Narinig nila ang Diyos, “the sound of the Lord God,” o ang boses ng Diyos, na nagre-remind sa mga Israelita noong panahong narinig din nila ang boses ng Diyos sa Mt. Sinai. Nanginginig sila sa takot noon. Sabi nila kay Moises, “Ikaw na lang ang magsalita sa amin, pero ‘wag na ang Diyos, baka mamatay kami” (Exod. 20:18-19) (Expositor’s Bible Commentary, 1:87). Ganito rin ang naging response nina Adan at Eba. “Nagtago sila sa mga puno” (Gen. 3:8 MBB). Ayaw nilang lumapit sa Diyos o ang Diyos na lumapit sa kanila, ayaw nilang makita sila ng Diyos, as if naman makapagtatago o may maitatago tayo sa Diyos.
Nasira ang magandang relasyon ng tao sa Diyos dahil sa kasalanan. Sa Genesis 1-2, obviously ang Diyos ang Bida. Pero sa first seven verses ng Genesis 3, parang absent ang Diyos sa eksena. Hindi dahil wala siyang ginagawa, hindi dahil hindi niya alam ang kaguluhang nangyayari. Yun ay dahil hindi siya ang kinikilalang Bida. Merong pumapel. Merong kontrabida, hindi lang isa, hindi lang yung ahas, kundi yung mag-asawa na nagsabwatan para kalabanin ang Diyos na nagbigay ng buhay sa kanila. Ganyan kalala ang kasalanan ng tao laban sa Diyos. No sin is small kung ito ay laban mismo sa Diyos.
Ano ang naging pagtugon ng Diyos sa kasalanan ng tao? Pwede namang iwan na sila nang tuluyan ng Diyos. Na igawad na yung parusang kamatayan: “in the day that you eat of it, you will surely die” (Gen 2:17). Hindi pa sila tuluyang namatay, pero nagsimula na ang essence ng kamatayan sa kanila, nahiwalay sila sa Diyos. Pero may hininga pa sila. Actually hundreds of years pa ang aabutin ng buhay nila. Yes, may tragic consequences ang kasalanan. Pero in tragedy, hindi pa iniwan ng Diyos ang tao nang mag-isa at pinabayaan na, at sinabing, “Bahala na kayo sa buhay n’yo. Bahala na kayong mamatay.” Oo, may hatol na ipo-pronounce mula sa verse 14. Pero bago yun, ano ang ginawa ng Diyos in response? At tingnan din natin kung ano ang naging pagtugon ng tao sa Diyos dito. Tatlong tanong mula sa Diyos, tatlong sagot din mula sa lalaki at sa babae.
Ang unang round ng Q&A ay tungkol sa paghahanap ng Diyos sa lalaki. Tumawag ang Diyos sa lalaki, “Nasaan ka?” (Gen. 3:9 PV). Hindi niya sinabing, “Nasaan kayo?” Ang lalaki ang una niyang hinanap, “Nasaan ka, Adan?” Baligtad sa ginawa ng ahas, na ang unang pinutirya ay ang babae. Binabaligtad ang order ng pagkakagawa ng Diyos. Pero ang Diyos, inuna niya ang lalaki—ang lalaking hiningahan niya ng buhay, ang lalaking tumanggap ng utos niya, ang lalaking binigyan niya ng trabaho, ang lalaking binigyan niya ng ezer kenegdo, ang lalaking binigyan niya ng pangunahing responsibilidad bilang ulo hindi lang ng kanyang asawa kundi ng buong sangkatauhang manggagaling sa kanya.
God holds him responsible. Tinanong siya kung nasaan siya, hindi dahil hindi niya alam. God is all-knowing. Walang maitatago sa kanya. Walang impormasyon na kailangan pa niyang i-research. Nagpapakita ito na ang Diyos mismo ang naghahanap sa mga makasalanang lumalayo at nagtatago sa kanya. Siya ang ama na ayaw pabayaang tuluyang mapalayo sa kanya ang kanyang anak, ang pastol na naghahanap sa kanyang naliligaw na tupa.
Paano sumagot ang lalaki? Sa wakas, nagsalita na rin. Kanina ang tahi-tahimik lang. Sabi niya, “Narinig ko po kayong naglalakad sa garden. Natakot ako kaya nagtago ako. Nakahubad po kasi ako” (Gen. 3:10 PV). Inamin naman niyang natatakot siya, na nahihiya siya. Pero tama ba na nagtatago siya at lumalayo sa Diyos? “…ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman…Saan ako magpupunta, upang ako’y makatakas?” (Psa. 139:1, 7 MBB).
Wala siyang takas sa Diyos. Hindi pa tapos ang Diyos sa interrogation sa kanya. Round 2 ng Q&A, Tinanong siya ulit ng Diyos, “Sinong may sabing nakahubad ka? Kinain mo ba yung prutas na pinagbawal ko?” (Gen. 3:11 PV). Alam naman ng Diyos ang sagot. Ang purpose ng interrogation is not for his own information, kundi yung bigyan ng pagkakataon ang tao na maging honest sa kanyang pag-amin sa kasalanan, para humingi ng tawad sa Diyos. Para sabihing, “Opo, sumuway po ako sa utos ninyo. Patawad po sa aking kasalanan laban sa inyo.”
Yun ba ang sinabi niya? Hindi. Ang sagot niya, “Eh kasi po, binigyan ako nung babaeng binigay nyo sa akin (sa Ang Biblia, inibigay mo na aking makakasama), kaya kumain ako” (Gen. 3:12 PV). Instead of taking responsibility sa sarili niyang kasalanan, at sabihing, “Opo, kasalanan ko po,” inilaglag niya ang asawa niya. Imagine kung katabi niya ang asawa niya that time, tataas ang kilay nun nang marinig ang lalaki na sinabi sa Diyos, “Ito po kasing babaing ito!” May kasalanan ba ang babae? Yes! May kasalanan ba ang lalaki? Yes! Sino ang nauna? Ang babae! Although we can make a case na may responsibility na ang lalaki bago yun dahil meron siyang hindi ginawa na dapat niyang gawin. At kung nauna man ang babae, hindi naman siya required na sumunod! Sino ang mas grabe ang kasalanan? Ang lalaki, kasi siya ang head, siya ay may mas malaking pananagutan, at bumagsak sa kasalanan kasama niya ang buong sangkatauhan. Ang point: there is no point in shifting the blame sa iba.
At mas malala pa nga ang ginawa ni Adan, ang Diyos ang sinisi niya, at sinabing itong “babaeng binigay nyo sa akin.” Kung hindi n’yo ito ibinigay sa akin, hindi sana ito nangyari. So, kasalanan pa ngayon ng Diyos, aber? “Every good gift and every perfect gift is from above” (Jas. 1:17). Hindi sa kanya galing ang kasalanan, he is not the author of sin, bagamat kasama sa panukala niya ang pagkahulog ng tao sa kasalanan. “God is light, and in him is no darkness at all” (1 John 1:5). Ang pagbagsak ng tao sa kasalanan ay kasama sa plano ng Diyos, pero hindi niya ito kasalanan. Ito ay kasalanan ng tao.
Kasalanan ng lalaki, kasalanan din ng babae. Kaya bumaling ang Diyos sa babae, Round 3 ng Q&A, “Ano itong iyong ginawa?” (Gen. 3:13 AB). Alam ng Diyos ang ginawa ng babae. Alam ng Diyos kung gaano kasama, kung gaano kalala yung ginawa ng babae. Tinanong niya ang babae hindi lang para magkaroon ng pagkakataon na aminin ang kasalanan niya at humingi ng tawad sa Diyos, but for her to realize kung gaano kasama ang ginawa niya. Pero tulad din ng asawa niya, she shifts the blame sa iba, “Niloko po ako ng ahas kaya kumain ako” (Gen. 3:13 PV). Totoo namang sinungaling at manloloko at manunukso itong si Satanas. Pero hindi tayo required o obligadong sumunod sa sasabihin niya at mahulog sa patibong niya. Siya ang tempter, tayo ang sinner. ‘Wag nating sisihin ang ibang tao at ang diyablo sa kasalanang ginawa natin. Mananagot ang diyablo sa Diyos. Mananagot ang lahat ng makasalanan sa Diyos. Mananagot ka rin sa Diyos sa kasalanan mo. Maging malinaw itong hatol ng Diyos sa kasalanan simula sa verse 14, pero next week na natin ‘yan itutuloy.
Pero bago natin puntahan yun, let us close our time today with a few reflections tungkol sa theological and practical significance ng kuwento ng pagbagsak ng tao sa kasalanan, itong story of the fall sa Genesis 3 pagkatapos ng story ng creation sa Genesis 1-2.
Ang una ay may kinalaman sa pagharap natin sa reality. Dapat nating harapin kung gaano kalala, o kung gaano kasama, ang kasalanan. Mas makikita mo ‘yan kung ise-set mo ito sa backdrop ng Genesis 1-2, kung gaano kabuti ang Diyos, kung gaano kaningning ang kagandahan ng Diyos, na nakikita sa kabutihan at kagandahan ng nilikha ng Diyos, ng kasapatan at kasagaan ng mga ibinigay ng Diyos sa tao. Kapag nagkakasala tayo, sinasabi nating sinungaling ang Diyos, hindi mabuti ang Diyos, maramot ang Diyos, pinagkakaitan tayo ng Diyos, hindi tayo mahal ng Diyos. At ang ginagamit natin sa pagkakasala—ang bibig natin, ang katawan natin, ang isip natin, ang lakas natin—ay galing lahat sa Diyos. Lalo naman itong unang kasalanan ng unang tao. Ayon sa Dutch theologian na si Petrus Van Mastrich:
Tunay na napakalaki ng paglabag na ito…at hindi sapat ang anumang pagtangis dito; sapagkat ito ang pangunahing pagsuway ng buong sangkatauhan, at ang pinakamatinding kapahamakan ng sanlibutan. Sa paglabag na ito, hindi natin dapat tingnan lamang ang isa o ilang tiyak na kasalanan—maging katakawan, kapalaluan, o pagnanakaw…—kundi ang mismong punlaan at imburnal ng lahat ng kasalanan. Sapagkat naroon ang kapalaluan, kawalan ng pasasalamat, kawalan ng pananampalataya, idolatry, pagsuway, kapabayaan, baluktot na pag-usisa sa kaalaman, pinakamasamang uri ng pagnanasa, pagnanakaw ng ipinagbabawal na bagay, kawalang-puso, pagpatay laban sa buong mundo, pagtataksil at paglabag sa tipan; sa katunayan, sa pagyurak sa sakramentong ito na lubhang banal ay naroroon ang pagpapahayag ng pangkalahatang pagsuway, paghamak sa tipan, paghihimagsik, at ganap na pagtalikod sa Diyos. (3:421)
Next, responsibility, kung sino ang may pananagutan sa kasalanan. Yes, malaki ang pananagutan ni Adan as head of the human race. Yet, we cannot avoid responsibility. Damay tayo. At ‘wag natin ‘tong isisi sa kanya, “Si Adan kasi.” Kung ikaw ang nandun, do you think you will do better? Ang arogante natin, sa halip na aminin ang kasalanan natin. At sa kakatanong natin ng, Bakit pa kasi nilagay ng Diyos dun yung punong iyon? Bakit hindi pinigilan ng Diyos ang ahas? Bakit? Bakit? Bakit? We also put yung burden of responsibility sa Diyos mismo. Bakit nga kaya hindi sinagot sa Genesis yung “bakit” nagkaroon ng kasalanan? Heto ang insight mula sa isang commentary:
Sa huli, walang dahilan para sa kasalanan. Sapagkat kung may “bakit” sa likod ng kasalanan, maaari sana nating ipalagay na sa ilang paraan na ang kasalanan ay hindi “completely our fault”; na ito’y bunga (kahit bahagya lang) ng ating genetics o ng ating environment. Ngunit hindi masisisi nina Adan at Eba ang alinman sa mga ito. Sa pagpapakita ng fundamental irrationality ng unang kasalanan at ng lahat ng kasalanang sumunod, inilalantad tayo ng Bibliya kung sino talaga tayo: walang maidadahilan.” (ESV Expository Commentary, 1:60)
Wala tayong excuse.
Instead, let us reflect kung ano ang puso ng Diyos para mga makasalanan, yung reconciliation. Yun ang gusto niya. Ipinapakilala siya dito na “Yahweh God,” the God of the covenant, ang Diyos na faithful sa kanyang pagmamahal at pangako na ilapit ang tao pabalik sa kanya. Ang ahas, hindi kinilala ang Diyos na may ganitong puso, “Did God actually say…?” Ang tao hindi kinilala ang pusong ito ng Diyos. Pero hindi ba’t hindi agad ibinagsak ng Diyos ang kanyang hatol ng kamatayan bilang parusa sa kanilang kasalanan? Hindi ba’t inilapit pa ng Diyos ang kanyang sarili sa kanila? Hindi ba’t kinakausap pa sila kahit nagtatago sila at nagdadahilan? Nilubayan ba ng Diyos ang tao? Nagsawa ba agad ang Diyos dahil sa pagsuway ng tao? Hindi ba’t ang pinakapuso ng Diyos ay hindi ang mamatay ang tao kundi ang mabuhay tayo forever? God exposes his very heart sa Ezekiel 18:23, Lord Yahweh ang ginamit na pangalan niya dito, “Palagay nyo ba na-eenjoy kong makita na mamatay ang masasamang tao? Hindi, mas gusto kong talikuran nila ang kasalanan nila, at mabuhay sila” (PV; also Ezek. 33:11). Nagtataka tayo kung bakit pa nilagay ng Diyos yung tree of the knowledge of good and evil na ikamamatay ng tao, samantalang hindi ba’t dapat na mamangha tayo na nilagay din ng Diyos dun ang mas espesyal na puno, the tree of life. At bakit hindi dun pumitas ng prutas ang tao at bakit hindi yun ang kinain? Ang puso ng tao palayo sa Diyos, patungo sa kamatayan. Ang puso ng Diyos, ang ilapit ang sarili niya sa atin, so that we will live forever.
Para mangyari yun, kailangan natin ng Redeemer, kailangang ma-realize natin kung sino ang kailangan ng mga makasalanan, kung sino ang Tagapagligtas na kailangan natin. Iniligay ng Diyos si Adan to represent us, but he failed big time. Ang pinakapunto ng istoryang ito ay hindi para i-motivate tayo na pagbutihin lang natin at ‘wag tularan si Adan at kayanin natin ang bawat tukso ng kaaway sa atin. But to remind us, we are exactly like him. Kailangan natin ng higit pa sa kanya, ng higit pa sa sarili natin, para iligtas tayo sa miserable nating kundisyon. Not just from our bad marriages, hindi lang sa magulong gobyernong meron tayo, hindi lang sa kaguluhan sa mundong ito, kundi sa pagkakahiwalay natin sa Diyos dahil sa kasalanan.
Sa kasaysayan ng Israel, walang sinumang pumasa at naging qualified for that role. Sila nga, paulit-ulit din na bumagsak sa tukso noong naglalakbay sila sa disyerto. Si King David kaya? Nakita niya ang isang magandang babae, pinagnasahan, kinuha ang hindi kanya, ipinapatay niya ang asawa nito. He failed big time.
Dumating ang greater David, and second and last Adam, ang Panginoong Jesus. Tinukso siya ng ahas not in a perfect environment tulad ng garden of Eden, kundi sa isang wilderness, na may maiilap na hayop, at walang makain. Hindi siya nakinig sa ahas. Naging tapat siya sa salita ng Diyos, nagtiwala sa kabutihan ng Diyos, at pinanindigan ang katotohanan ng Diyos. Siya lang ang pumasa, siya lang ang qualified, siya lang ang tinukso pero hindi nagkasala kahit isa (Heb. 4:15). Pero siya pa ang hinatulang lumalapastangan sa Diyos, siya pa ang sinisi sa kasalanang hindi naman niya ginawa, siya pa ang hinubaran, siya pa ang dumanas ng kahihiyan, siya pa ang pinatay na parang isang kriminal—samantalang tayo ang mga nagrebelde laban sa Diyos. Ginawa niya yun para sa atin. To take our place. Para hindi tayo ang mamatay. Para tayo ang mabuhay forever at maibalik sa Diyos at ma-enjoy na makasama ang Diyos na para bang sa garden of Eden.
Sa awa at habag ng Diyos, inilalapit niya ang kanyang sarili sa ating mga makasalanan at tinatawag tayong lumapit sa kanya sa pamamagitan ni Cristo. There is no other way. Sa ginawa ni Adan, pumasok ang kasalanan at kamatayan sa sangkatauhan. Pero sa ginawa ni Cristo, merong buhay na walang hanggan (see Rom. 5:18; 1 Cor. 15:22). So, aminin natin ang kasalanan natin, humingi ng tawad sa kanya, talikuran natin ang kasalanan, at magtiwala sa kasapatan ng ginawa ni Cristo sa krus para sa ating mga kasalanan. Malala at marami ang kasalanan natin, higit na malalim at marami ang awa ng Diyos sa atin.