Ang Pagpapala (at Sumpa)

Genesis 9

Derick Parfan

Facebook
Email

Ang Problema sa Kasalanan

Problema ang walang tigil na ulan. Problema ang baha sa maraming lugar. Prayer natin na sana tumigil na ang ulan, humupa na ang baha, at sumikat na ang araw. Eventually, sooner or later, titigil din naman ang ulan, huhupa ang baha, at sisikat ulit ang araw. Pero may mas malaki, higit na malaking problema ang tao, na hindi masosolusyunan basta-basta sa paglipas lang ng panahon. Ito yung problema sa puso ng tao na siyang dahilan kung bakit hinatulan ng Diyos ang buong mundo noong panahon ni Noah sa pamamagitan ng isang malawakang baha.

Nakita ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito. . . . masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao. (Gen 6:5, 11-12 MBB)

Nalipol ang mga tao sa buong mundo. Walo lang, pamilya ni Noah, ang natira. Nalipol ba ang kasalanan sa puso ng tao? Hindi. Ganun pa rin ang nakikita ng Diyos sa puso ng tao: “. . . alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan” (Gen 8:21). Mula pa nang bumagsak ang sangkatauhan sa kasalanan sa unang pagkakasala nina Adan at Eba, hanggang sa panahon ni Noah, hanggang pagkatapos ng baha, hanggang ngayon, ‘yan pa rin ang kalagayan ng puso ng tao. “Ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan . . . Walang matuwid, wala kahit isa. . . . walang naghahanap sa Diyos. . . . Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa” (Rom 3:9-12).

Nasaan ang solusyon sa problemang ito? Hindi mas mataas na kalidad ng edukasyon ang solusyon. Hindi reporma sa pulitika ang solusyon. Hindi mas magagandang batas ang solusyon. Hindi mas mahigpit na pagpapatupad ng batas ang solusyon. Hindi sariling sikap at determinasyon ng tao ang solusyon. Wala sa tao, wala sa salita ng tao, wala sa gawa ng tao ang solusyon. Paano na ‘yan? Nasaan ang solusyon? Siyempre nasa Diyos lang, nasa salita ng Diyos, nasa gawa ng Diyos. ‘Yan ang natutunan natin sa haba ng paghihintay nila Noah sa loob ng barko, bago matapos ang baha, bago tuluyan na silang makalabas ng barko, at magpasimula ng bagong buhay, magpasimula ng bagong mundo. Ganun pa rin: nakasalalay ang takbo ng kasaysayan, nakasalalay ang katuparan ng layunin ng pagliligtas ng Diyos, nakasalalay ang solusyon sa problema ng tao sa salita at gawa ng Diyos.

Makikita nating ito rin ang binibigyang-diin sa dalawang bahagi ng Genesis 9, sa magkasalungat na paraan. Positively, makikita natin sa verses 1-17 ang pagpapalang dulot ng salita at gawa ng Diyos. Negatively naman, makikita natin sa verses 18-29 ang sumpang dulot ng salita at gawa ng tao. Nandito na tayo sa ending ng story ni Noah na nagsimula pa sa Genesis 6.

Ang Pagpapala (vv. 1-17)

At nagsimula itong chapter 9 sa mga salitang binigkas ng Diyos, tulad din ng kung paano nagtapos ang chapter 8. Ang kaibahan, ang sinabi ng Diyos sa ending ng chapter 8 ay sinabi niya sa sarili niyang puso in response sa paghahandog na ginawa ni Noah (Gen 8:21-22). This time, ipinarinig na ito ng Diyos kay Noah at sa kanyang mga anak. Malinaw na ang mga salitang sasabihin ng Diyos ay salita ng pagpapala, “Binasbasan ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak . . .” (Gen 9:1 AB). Ang salitang ito ay nagbibigay ng signal na itong ginawa ng Diyos sa pagpapadala ng baha ay parang bagong paglikha, a new creation. Tulad ng nakita natin sa last chapter na yung chaos na dulot ng tubig ng baha ay pinahupa ng Diyos sa pamamagitan ng hangin (Heb. ruah) na pinaihip niya (Gen 8:1) ay nakatugma sa kaparehong chaos sa pasimula ng paglikha ng Diyos kung saan “kumikilos ang Espiritu (Heb. ruah, hangin, hininga) ng Diyos sa ibabaw ng tubig” (Gen 1:2 MBB).

Layunin: Mamunga at magpakarami (vv. 1-7)

Itong mga salita ng pagpapala ng Diyos sa mga flood survivors ay nagpapatibay rin ng layunin ng Diyos sa kanyang paglikha. Dahil itong first seven verses ay may pagkakahawig din sa Genesis 1:28-29. Yung una (v. 1) at huling verse (v. 7) sa bahaging ito ay nagre-reaffirm ng layunin ng Diyos sa mga nilikha niya na hindi pa rin nagbabago, ang mamunga at magpakarami. Sabi ng Diyos kay Noah at sa mga anak niya, “Be fruitful and multiply and fill the earth. . . . And you (kayo, plural), be fruitful and multiply, increase greatly on the earth and multiply in it” (Gen 9:1, 7). ‘Yan din naman ang sinabi ng Diyos kina Adan at Eba, “Be fruitful and multiply and fill the earth” (Gen 1:28). Hindi nagbabago ang layunin ng Diyos. At ang katuparan ng layuning ito ay nakasalalay ultimately hindi sa tao—bagamat siyempre may gagawin tayo para magkaanak nang marami—kundi sa gawa ng Diyos. Tulad ng naranasang blessing ng Israel noong sila ay matagal na nasa Egypt, “But the people of Israel were fruitful and increased greatly; they multiplied and grew exceedingly strong, so that the land was filled with them” (Ex 1:7)—mga salitang nagsisilbing katuparan ng layunin ng Diyos na nakasulat sa Genesis 9. Sisiguraduhin ng Diyos na mangyayari ang layunin niya. At kung ang layunin niya ay pagpalain tayo, walang sinuman o anuman sa nilikha ng Diyos ang makapipigil sa kanya.

Sinabi rin ng Diyos sa Genesis 1 sa unang mga tao na hindi lang punuin ang daigdig kundi “kayo ang mamahala nito. Bibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa” (Gen 1:28 MBB). Kila Noah naman, tutulungan na ng Diyos ang tao para ma-exercise natin yung dominion na ito sa mga hayop: “Ang takot at sindak sa inyo ay darating sa bawat hayop sa lupa, sa bawat ibon sa himpapawid, sa lahat ng gumagapang sa lupa, at sa lahat ng isda sa dagat. Sila ay ibinibigay sa inyong kamay” (Gen 9:2 AB). Pansinin n’yo yung paulit-ulit na emphasis: “bawat hayop…bawat ibon…lahat…lahat…” Kita n’yo yung pagpapala ng Diyos? Tutulungan ng Diyos ang tao na magpakarami, tutulungan ng Diyos ang tao na mamahala.

Hindi lang yun. Ibibigay pa ang lahat ng kailangan para mabuhay. Papakainin pa. Noong una, ibinigay ng Diyos ang mga gulay at mga prutas “bilang pagkain” (Gen 1:29). This time, sabi ng Diyos, “I give you everything” (Gen 9:3). Pwede na ang karne, hindi required maging vegetarian! “Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito’y maaari na ninyong kainin” (Gen 9:3 MBB). Pero hindi naman absolutely everything ay pwede nang kainin. Sabi ng Diyos, “Huwag lamang ninyong kakainin ang karneng hindi inalisan ng dugo sapagkat nasa dugo ang buhay” (Gen 9:4). Ang dahilan ay hindi hygienic o for health reasons. Ang dahilan ay symbolic o ceremonial. Maiintindihan ito ng mga Israelita dahil kasama sa mahigpit na ipinagbabawal ng Diyos sa kanila ay ang pagkain ng dugo. Bakit? Dahil “ang buhay ay nasa dugo” at ang dugong ito ang inihahandog “bilang pantubos sa inyong buhay” (Lev 17:10, 11, 14). Sa pag-iwas sa pagkain ng dugo, ipinapakita nila ang halaga ng buhay at ang pamamaraan ng Diyos para maligtas tayo.

“Kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan” (Heb 9:22 AB). Hindi dugo ng hayop ang tinutukoy rito. Kundi ang dugo ni Cristo, ang Anak ng Diyos na naging tao. Ang buhay niya ang naging kapalit natin. Ang kamatayan niya sa krus ang naging pantubos na pambayad sa kasalanan natin. Hindi na isyu kung kakain ba tayo ng dinuguan. Ang isyu na rito ay kung pinahahalagahan mo ba ang dugo ni Cristo? Pinahahalagahan natin ‘yan tuwing nagsasalu-salo sa Banal na Hapunan para alalahanin ang kanyang ginawa sa krus para sa atin. Kaya hangga’t maaari, ‘wag kang aabsent. Pinahahalagahan din natin ‘to kung ipinapahayag natin sa iba ang mabuting balita ng ginawa ni Cristo. Sa ganitong paraan din natutupad ang layunin ng Diyos na tayo ay maging fruitful at mag-multiply, kapag gumagawa tayo to “make disciples of all nations” (Mat 28:19).

Sa ganitong paraan din napapahalagahan natin ang buhay ng mga taong patungo sa kapahamakan kung hindi nila makikilala si Cristo. Ang pagpapahalagang ito sa buhay ng tao ay nakapaloob din sa layunin ng Diyos na mamunga at magpakarami. Kaya nga sinabi ng Diyos sa verse 5 na mananagot ang sinumang papatay sa tao (subtraction yun, hindi multiplication), “Mananagot ang sinumang papatay sa inyo, maging ito’y isang hayop. Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa” (Gen 9:5). Mabigat na kasalanan ang pagpatay, ito man ay murder o abortion. Hindi man makamit ang hustisya sa mundong ito, ang hustisya ng Diyos ang sisingil sa kabayaran. At ang kabayaran? Buhay rin. Literally, itong verse 5 ay “from every man, from each man’s brother I will require the life of man” (LSB). Death penalty ang parusa sa pagpatay sa kapwa tao dahil ang tao ay “kapatid” natin in the sense na ang Diyos ay maituturing na Ama ng lahat bilang Creator ng lahat ng tao. Ito rin ay paalala ng tungkulin natin sa kapwa tao, tungkuling pinabayaan ni Cain nang patayin niya ang kapatid niyang si Abel. Nang sabihin niya sa Diyos, “Am I my brother’s keeper?” (Gen 4:9), nandito sa verse 5 ang sagot, “Yes!” We are our brother’s keeper.

Kaya ang pagpatay ay unang-una na kasalanan laban sa Diyos. Paliwanag ng Diyos sa verse 6, kung bakit ito mabigat, “Sinumang pumatay ng kanyang kapwa, buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa, sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao’y nilikha” (Gen 9:6). Nilikha ang tao sa larawan ng Diyos, nakasulat ‘yan sa Genesis 1:27; 5:1. Nagpapakita ito na ang tao, bagamat corrupted by sin, ay meron pa ring dignidad dahil sa imago Dei na dala-dala pa rin ng bawat tao—bawat sanggol na nasa sinapupunan pa lang ng kanilang ina, pati mga special children, pati mga matatanda na hindi na productive sa society, pati mga nasa kulungan, pati mga squatters. Hindi lang pagpatay, kundi ang pagsasalita ng masama laban sa ibang tao ay hindi natin dapat gawin dahil sila ay nilikha sa larawan ng Diyos (Jas 3:9).

Ito ang pagpapala ng Diyos sa sangkatauhan, ang layunin ng Diyos na tayo’y mamunga at magpakarami.

Pangako: Ang walang hanggang tipan (vv. 8-17)

Ang layuning ito ng Diyos na pagpalain ang mundo ay pinagtibay niya sa pamamagitan ng kanyang tipan o covenant kay Noah, sa verses 8-17. Ito yung nagmamarka na ito ay panibagong bahagi, “Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak…” (Gen 9:8 MBB). Kung ang naunang bahagi pag-uulit at reaffirmation ng layunin ng Diyos sa paglikha sa tao, ito naman ay mas specific na panibagong pakikipagtipan ng Diyos sa tao. May mga covenant na sa pagitan ng dalawang tao o grupo ng tao. Pero ito ay sa pagitan ng Diyos at ng tao. The first time na ginamit ang “covenant” (Heb. berit) sa Bible sa Genesis 6:18, nang sabihin ng Diyos kay Noah bago pa dumating ang baha, “But I will establish my covenant with you…” Although marami ang nakapansin na sa Genesis 1-3, sa creation account, pa lang ay meron nang covenant language na ginamit bagamat hindi ginamit yung actual word na “covenant.” Ano ba ang covenant? Ito ay “gracious act” ng Diyos sa pagpapasimula at pagpapatibay ng genuine relationships sa mga tao. Hindi niya kailangang gawin, hindi siya obligadong gawin, wala tayong karapatang mag-benefit dito, pero ginawa niya. Kaya nga gracious act. Hindi deserving ang tao ng ganitong relasyon o pagpapala mula sa Diyos dahil nga universal ang human depravity.

Yung actual na pakikipagtipan at kung anu-ano ang nakapaloob dito ay sinabi ng Diyos after the flood. Nagsimula ito sa salitang “Behold…” (Gen 9:9). Or, “Heto, tingnan ninyo…” na nag-aanyaya na makinig mabuti, to pay attention, because this is something very very important. Sino ang nag-initiate nito? Malinaw na ang Diyos. “Ako’y nakikipagtipan sa inyo ngayon…” Pasya ng Diyos, plano ng Diyos, hindi nakabatay sa kung deserving ba ang tao o hindi. This is not human initiative, but divine initiative.

Sinu-sino ang beneficiaries ng covenant na ‘to? Directly, lahat ng tao at hayop na flood survivors. By extension, lahat ng mga susunod na salinlahi. “…pati na sa inyong magiging mga anak, gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo’t maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko” (Gen 9:9-10). Ang beneficiaries nitong mga pagpapalang dulot ng pakikipagtipan kay Noah ay hindi lang ang Israel, God’s people in the Old Testament, o tayong mga Kristiyano ngayon. Ito ay para sa buong mundo. This is God’s common grace para sa lahat ng tao—kahit sa mga taong patuloy na nagrerebelde sa Diyos. Amazing benevolence on God’s part, no?

Ano ang pangako ng Diyos na nakapaloob dito? “Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma’y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig” (Gen 9:11). “…never again…never again…” — hindi na mauulit ang ganito kalawak na baha na papatay sa halos lahat ng tao, at kaunti lang ang natirang buhay. Negatively stated ‘yan, tulad ng nauna nang sinabi sa chapter 8, “Hindi ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao bagama’t alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi ko na lilipuling muli ang anumang may buhay kagaya ng ginawa ko ngayon” (Gen 8:21). Significant ang pangakong ito ng Diyos kasi kung uulitin ng Diyos ang ginawa niya noon, fully justified siya dahil makasalanan ang tao—lahat ng tao—at nararapat lang na parusahan. Pero ang pangako niya, “Kahit na deserving kayong lahat na patayin sa pamamagitan ng malaking baha, hindi ko na uulitin.” Positively stated, “Hanggang naririto’t buo ang daigdig, tagtanim, tag-ani, palaging sasapit; tag-araw, tag-ulan, tag-init, taglamig, ang araw at gabi’y hindi mapapatid” (Gen 8:22). Gaano man katagal at gaano man kalakas ang buhos ng ulan—umabot man ito ng 40 days tulad sa panahon ni Noah—gaano man kalaki yung baha na dumating as a result, makakaasa tayo na hindi natin kailangang gumawa ng arko para makaligtas dahil hindi na uulitin ng Diyos ang ginawa niya noon. This is amazing mercy sa mga taong karapat-dapat parusahan ng Diyos. Think about that sa tuwing umuulan at bumabaha. Sa halip na magreklamo, magpasalamat tayo sa Diyos.

Usually, kapag sa ibang mga covenants sa Bible, bukod sa sinabi ng Diyos na gagawin niya, merong obligasyon ang isang covenant party, ang tao, na dapat nitong gawin bilang bahagi niya sa covenant. Dito sa covenant kay Noah. Ano ang sinabi ng Diyos na obligasyon nila para matanggap nila yung covenant blessings? Wala! Gagawin ng Diyos ang pangakong sinabi niyang gagawin niya—kahit walang gawin ang tao in response, kahit nga magpatuloy ang tao na magkasala. Amazing kindness on God’s part, no?

Common din sa mga covenants sa Bible ang covenant signs o palatandaan—tulad ng circumcision sa covenant kay Abraham, ang Sabbath sa covenant sa Israel sa Mt. Sinai. At yung mga signs na yun ay tao ang gagawa para magpaalala sa kanila. Pero sa covenant kay Noah, ano yung sign? Yung rainbow na hindi tao ang gagawa, kundi ang Diyos. “Sinabi pa ng Diyos, ‘Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo” (Gen 9:12-13).

Walang Hebrew word for “rainbow.” Ang salitang ginamit dito ay “bow”: “I have set my bow in the cloud…” (v. 13). Literally, ang pana ng Diyos. Ito ay military term, isang armas sa kamay ng isang warrior. Ang Diyos ang Divine Warrior na pumuksa at lumunod sa mga kaaway, sa mga makasalanan, sa pamamagitan ng baha. This time, ang pangako ng Diyos, isasabit na niya ang kanyang armas sa langit, laying down his weapon. Kaya kapag may rainbow, ang Diyos ang naglalagay nun as covenant sign, para alalahanin niya yung covenant. “Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa” (Gen 9:14-16). Tulad ng binanggit ko last week, dun sa simula ng chapter 8, “But God remembered Noah…” (Gen 8:1), kapag sinabi ng Diyos, “I will remember…” (Gen 9:15), hindi ibig sabihin na makakalimutin siya at kailangan pa na may magpapaalala sa kanya. Ito ay covenant language. Ibig sabihin, God is acting in line with his promises. Ito ay assurance ng katapatan ng Diyos. Sisiguraduhin niya na mangyayari ang sinabi niyang mangyayari.

Hanggang kailan ba effective ang covenant niya kay Noah? “I will see it and remember the everlasting covenant…” (Gen 9:16). Walang hanggan, walang katapusan. Again, hindi ito nakadepende sa human response. Hindi ito magiging “null and void” dahil sa kakulangan ng tao. Ito ay nakadepende sa pasya ng Diyos, sa di-nagbabagong karakter ng Diyos, sa katotohanan ng Diyos, sa katapatan ng Diyos. Ito ang palagi nating tatandaan kapag nakikita natin ang rainbow. “At sinabi ng Diyos kay Noe, ‘Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa’” (Gen 9:17). Hindi ito “tanda” ng LGBT movement. Ito ay tanda ng pangako ng Diyos sa lahat ng tao.

Ang Sumpa (vv. 18-29)

Ganito kalawak ang sakop ng layunin at pangako ng Diyos na pagpalain ang lahat ng tao sa buong mundo, sa buong kasaysayan. But it doesn’t mean na sinuspinde na ng Diyos ang kanyang hustisya at bawat tayo ay malaya nang gumawa ng kahit anong gusto nila na walang dapat ikatakot na parusa ng Diyos. Bagamat may dulot na pagpapala ang salita at gawa ng Diyos, meron ding warning:

Sinasadya nilang hindi pahalagahan ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. Sa pamamagitan din ng tubig—ng Malaking Baha—ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama. (2 Pet 3:5-7)

Napakatindi ng problema ng tao sa kasalanan. Napakatindi ng parusang naghihintay sa atin sa araw ng paghuhukom ng Diyos. Gaano man ka-significant yung common grace ng Diyos sa pagpapalang dulot ng tipan kay Noah, it is not designed to be enough to save us on judgment day. We need God’s special grace. Kailangan pa rin, at inaabangan pa rin ng kuwento ng Bibliya ang darating na anak ng babae na dudurog sa ulo ng ahas (Gen 3:15). Kung ang paghupa ng baha ay senyales ng bagong paglikha ng Diyos, si Noah kumbaga ang bagong Adam, ang tagapanguna ng bagong sangkatauhan. Pero, sadly, tulad din ni Adam, siya at ang kanyang lahi ay bumagsak din sa kasalanan. Si Noah, na righteous man (Gen 6:9) ay hindi perfectly righteous. Siya rin ay makasalanan na may mga anak na makasalanan din at magiging dulot ay kapahamakan, at hindi kaligtasan sa sangkatauhan. ‘Yan ang focus ng ikalawang bahagi ng chapter 9, verses 18-29.

Ang kasalanan at kahihiyan (vv. 18-23)

Tapos na nating matunghayan ang mga salita at gawa ng Diyos sa first 17 verses. Nagshift ang focus ng story sa mga tao, sa gawa at salita ng tao. Bagong simula para sa sangkatauhan, “Ito ang mga anak ni Noe na kasama niyang lumabas sa barko: Shem, Jafet at Ham na ama ni Canaan. Ang tatlong ito ang pinagmulan ng lahat ng tao sa daigdig” (Gen 9:18-19). Makikita natin sa chapter 10 kung anu-anong lahi ang nagmula sa kanila. Pero dito pa lang ay ipinakilala na si Canaan na anak ni Ham (more details sa Gen 10:6-20). Itong mga Canaanites ang nakatira sa lupaing ibibigay ng Diyos sa mga Israelita. Talaga bang ibibigay ng Diyos ang lupaing ito sa kanila? Nararapat ba talagang hatulan ng Diyos ang lahing ito? At sila, pwede ba silang maging prideful at isiping morally superior sila kaya ibibigay yun sa kanila ng Diyos? Dapat nilang tandaan na ang mga Canaanites, tulad din nila, ay galing kay Noah. “Righteous man” (Gen 6:9), yes. Pero makasalanan din.

Ganito ang nangyari. “Isang magsasaka si Noe at siya ang kauna-unahang nagtanim ng ubasan” (Gen 9:20). Literally, yung “magsasaka” ay “a man of the soil.” Yung “soil” o “ground” sa Hebrew ay adamah, paalala kung saan nanggaling ang unang tao, si Adam. Tulad ni Adam na inatasan ng Diyos na mag-alaga ng garden of Eden, si Noah rin ay nagtanim ng isang halamanan, ng isang ubasan. So far, so good. Pero hindi nagtagal, tulad din ni Adam, si Noah rin ay bumagsak sa pagkakasala. Kung si Adam ay sa pagkain ng bunga na ipinagbabawal ng Diyos, si Noah naman ay pag-inom ng alak na galing naman sa ubas. “Minsan, uminom siya ng alak at nalasing. Nakatulog siyang hubad sa loob ng kanyang tolda” (Gen 9:21). Wala namang masamang uminom ng alak. Ang masama ay masobrahan, at malasing, tulad ng sabi ni Paul sa Ephesians 5:18, “ito ay labis na kahalayan” (AB). Ang paglalasing ay excessiveness, at kawalan ng self-control.

Pero ang focus ng story ay hindi yung kasalanan ni Noah, kundi yung kahihiyan na naging resulta nito, “Nakatulog siyang hubad…” Bago pumasok ang kasalanan, nakahubad sina Adam at Eve, pero walang shame (Gen 2:25). Nang pumasok ang kasalanan, nagkaroon ng kahihiyan sa kahubaran ng tao (Gen 3:7). Kung paanong ang righteousness ni Noah ay may implications para sa kanyang mga anak, yung kasalanan niya ay ganun din (Duguid, 1:110). Kung paanong magkaiba rin ang pagpapakilala kina Cain at Abel na mga anak ni Adam, iba rin ang pagpapakilala kay Ham at sa dalawa niyang kapatid na sina Shem at Japheth.

“Nang makita ni Ham, na ama ni Canaan, ang kahubaran ng kanyang ama, ibinalita niya ito sa kanyang mga kapatid” (Gen 9:22). Take note, binanggit na naman si Canaan na anak ni Ham. Pero ang kasalanang ginawa ay yung kay Ham. Hindi naman basta yung nakitang hubad ang tatay niya. Although pwedeng maging kasalanan yun kung may kahalayan tulad ng incest o homosexuality. Pero hindi yun ang focus ng story. Sa halip na takpan ang tatay niya, ipinamalita pa niya ito sa mga kapatid niya, na para bang lalo pang hinubaran ang tatay niya. Ang kasalanan dito ay yung failure to honor one’s parents, paglabag sa ikalimang utos: “Honor your father and your mother, that your days may be long in the land that the Lord your God is giving you” (Ex 20:12). Utos na nilabag ni Ham, pero pinagsikapan namang sundin ng dalawa niyang kapatid nang malaman ito. “Kaya’t kumuha sina Shem at Jafet ng balabal, iniladlad sa likuran nila at magkatuwang na lumakad nang patalikod patungo sa tolda. Tinakpan nila ang katawan ng kanilang ama dahil ayaw nilang makita ang kanyang kahubaran” (Gen 9:23). Tulad ng ginawa ng Diyos sa pagtakip sa kahubaran at kahihiyan nina Adam at Eve (Gen 3:21), ganun din ang ginawa ng dalawang magkapatid, fitting for people created in God’s likeness.

Ang sumpa at kamatayan (vv. 24-29)

Nagising na si Noah, nahimasmasan na, nalaman ang ginawa ng anak niyang si Ham, although we are not told paano niya nalaman (Gen 9:24). Heto ang sabi niya, “‘O ikaw, Canaan, ngayo’y susumpain,sa mga kapatid mo ika’y paaalipin.’ Sinabi rin niya, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ni Shem, itong si Canaa’y maglilingkod kay Shem. Palawakin nawa ng Diyos ang lupain ni Jafet. Sa lahi ni Shem, sila’y mapipisan, at paglilingkuran si Jafet nitong si Canaan” (Gen 9:25-27). Merong prayer of praise, “Purihin si Yahweh.” Meron ding prayer of blessing para kay Shem at Japheth. Pero ang nangingibabaw ay yung curse. Sa Genesis 3, ang Diyos ang nagbigkas ng curse. Dito, si Noah, although in a way ay nagse-serve din ito as prophetic, na nag-aanticipate ng mga bagay na mangyayari in the future.

Interestingly, sino ang sinumpa ni Noah? Si Ham ang nag-dishonor sa kanya. Pero kay Canaan bumagsak ang sumpa. Ito yung sumpa na papaalipin siya (at ang lahi niya) at maglilingkod kay Shem (na panggagalingan ng lahi ng Israel) at kay Japhet sa mga lahi nila. We cannot speculate kung ano yung kasalanan ni Canaan. Ang malinaw yung kay Ham. Pero nagpapaalala ito sa atin na ang kasalanan natin ay may consequences sa mga anak natin. Uulitin din nila yung kasalanan ng magulang. Nasa ilalim din sila ng sumpa at parusa ng Diyos dahil sa sarili nilang kasalanan. At mga anak, isipin din ninyo ang serious implications ng pagtrato ninyo sa parents ninyo ngayon, mga implications na madadala maging sa mga susunod na henerasyon. But overall, ito ay word of grace and encouragement sa Israel, na inaabangan ang fulfillment ng plano ng Diyos para sa kanila at laban sa kanilang mga kaaway, yung mga taga-Canaan in particular, habang naghahanda sila sa pagpasok sa Lupang Pangako.

Pero hindi sila pwedeng magpakakampante, dahil sila rin ay mamamatay at mapapahamak kung sila ay hindi magtitiwala sa mga pangako ng Diyos. Tulad ng nangyari sa mga magulang nila na mga nangamatay sa disyerto because of unbelief. Kaya nagtapos din yung chapter 9 kung paanong nagtapos yung mga kuwento ng iba’t ibang lahi sa Genesis 5, na mga nabuhay nang daan-daang taon, pagkatapos ay namatay. Ganun din si Noah, “Nabuhay pa si Noe nang 350 taon pagkatapos ng baha, at umabot siya sa gulang na 950 taon bago namatay” (Gen 9:28-29). Bakit siya nabuhay nang matagal? Dahil sa awa at habag ng Diyos. Bakit siya namatay? Dahil siya ay makasalanan. Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Rom 6:23). Ang katapusan ng kuwentong ito ay nag-aabang pa rin ng solusyon sa malaking problema ng tao. Paano natin matatanggap ang pagpapala ng Diyos? Sino ang babaligtad sa sumpa na dulot ng kasalanan? Sino ang magtatagumpay laban sa kamatayan?

Ang Solusyon kay Cristo

Ang sagot ng kabuuan ng kuwento ng Bibliya: si Cristo. Ang solusyon ay nakay Cristo. Ang katuparan ng pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan ay hindi nakasalalay sa atin—hindi sa salita at gawa natin—kundi sa Diyos, sa salita at gawa ng Diyos, sa katapatan ng Diyos, sa katuwiran ni Cristo, at sa ginawa ni Cristo sa krus. Kaya nga ang tipan kay Noah ay may kasunod pa na mga tipan—kay Abraham, kay Moses at sa Israel, kay David, at higit sa lahat, sa new covenant na pinagtibay sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. “The new covenant in my blood,” sabi niya (Luke 22:20). Ang katuparan ng pangako ng Diyos ay hindi nakasalalay sa katuwiran ng sinumang tao, kundi sa katuwiran ni Cristo, at sa kasapatan ng kanyang ginawang sakripisyo sa krus para sa mga makasalanan. Siya ang pinatay, siya na “image of the invisible God” (Col 1:15), at nag-satisfy ng hustisya ng Diyos na nararapat igawad sa atin dahil sa ating kahalayan, kasamaan, kasakiman. Siya ang umako ng sumpa ng Diyos, para ang pagpapala ng Diyos ay dumaloy sa atin. “Blessed be the God and Father of our Lord Jesus Christ, who has blessed us in Christ with every spiritual blessing in the heavenly places” (Eph 1:3). In Christ, God has given us everything, everything we need. At kung tayo ay nakay Cristo, only by faith in him, yun ang totoong new creation, “Therefore, if anyone is in Christ, he is a new creation. The old has passed away; behold, the new has come” (2 Cor 5:17). At dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, mapanghahawakan natin ang mga salitang ito ng Diyos, anumang bagyo, anumang baha ang dumating sa buhay natin:

“Sandaling panahon kitang iniwanan; ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kakalingain. Sa tindi ng aking galit, sandali akong lumayo sa iyo,ngunit ipadarama ko sa iyo ang aking kahabagan sa pamamagitan ng pag-ibig na wagas.” Iyan ang sabi ni Yahweh na magliligtas sa iyo. “Sumumpa ako noong panahon ni Noe, hindi na mauulit na magunaw ang mundo sa pamamagitan ng tubig. Aking ipinapangako ngayon, hindi na ako magagalit sa iyo, at hindi na kita paparusahan muli. Maguguho ang mga bundok at mayayanig ang mga burol, ngunit hindi maglalaho ang wagas na pag-ibig ko, at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.” Iyan ang sinasabi ni Yahweh na nagmamahal sa iyo. (Isa 54:7-10)

Mga kapatid, ito ang pangako ng Diyos. Panghawakan mo.